Editoryal: Mga epekto ng El Niño, pinasisidhi ng bulok na sistema at mga patakaran

Kalilipas lamang ng magkasunod na sakuna, dagdag na pinsala at paghihirap na naman ang dinaranas ng mamamayang Pilipino, laluna ng masang magsasaka. Ito ay bunga ng mas maaga, matindi at mahabang tagtuyot na dala ng El Niño.

Kakaibang sidhi ang epekto nito sa mamamayan dahil sa pag-iral ng bulok na naghaharing sistema at mga anti-mamamayang patakarang nagbibigay-daan sa pandarambong ng malalaking kapitalistang dayuhan, kumprador at burukrata. Masahol pa, hindi lamang naging pabaya at inutil ang mga naghahari sa harap ng kalamidad, sinasamantala pa nila ito ngayon para pakinabangan nila at ng kanilang mga kasapakat.

Pangunahing pinipinsala ngayon ng tagtuyot ang umaabot sa 750,000 ektaryang mga sakahan, palaisdaan at mga hayupan na nakasalalay sa patuloy na suplay ng tubig. Kabilang dito ang mga prubinsya sa Northern Luzon na napinsalaan ng matitinding bagyo nito lamang huling bahagi ng 2009. Tinatayang P10-20 bilyong halaga ng mga pananim, palaisdaan at alagang hayop ang mapipinsala sa mga darating na buwan.

Ang sidhi ng epekto ngayon ng tagtuyot ay ibinubunsod pangunahin ng matagal nang pagkawasak ng mga likas na rekurso ng tubig. Nangatuyo o nangababaw ang mga ilog, bakawan, sapa, balon at iba pang tubigan dahil sa malawakang pagdambong sa mga bundok at kagubatan ng malalaking kumpanya sa pagmimina at pagtotroso. Sa gayo'y walang magamit na reserbang tubig ang masang magsasaka para sa mga taniman, palaisdaan at pag-aalaga ng hayop.

Malala pa, ang tubig na naiipon sa mga dam na nagagamit noon sa irigasyon ay ipinagkakait ngayon ng malalaking kapitalistang nagmamay-ari nito. Tumatanggi ang mga ito na magpakawala ng tubig dahil ang limitado nang suplay ay ipinaprayoridad nila sa produksyon ng kuryente na siyang pangunahin nilang pinagkakakitaan. Walang pakialam ang mga ito sa salantang idinudulot ng tagtuyot sa mga lupang agrikultural.

Ang operasyon ng dam pangunahin para makapagkamal ng tubo ay resulta ng pagsasapribado ng mga ito alinsunod sa mga patakarang dikta ng mga imperyalista sa balangkas ng liberalisasyon, denasyunalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon. Makaraang isabatas ng papet na rehimeng Arroyo noong 2001 ang Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), ang operasyon ng halos lahat ng malalaking dam sa bansa ay naibigay na sa malalaking dayuhang kumpanya at mga kasosyo nilang kumprador.

Habang binibigyang-laya ang mga dayuhan at malalaking negosyante na mandambong at magpakasasa sa tubo, tuluyan namang pinababayaan ng mga naghahari sa bansa ang interes ng mamamayan at hinahayaang mabulok ang lokal na ekonomya. Tumatampok ang tuluy-tuloy na pagkaatrasado ng agrikultura sa bansa sa kapinsalaang idinudulot ng matinding tagtuyot ngayon.

Partikular na tampok ngayon ang labis na kakulangan at kabulukan ng mga pampublikong imprastrukturang pang-irigasyon. Wala pa sa kalahati ng mga palayan sa buong bansa ang inaabot ng irigasyon. Ang nakararaming mahihirap na magsasaka ay umaasa na lamang sa ulan. Kalakhan pa ng mga nakatayo nang pampublikong imprastraktura para sa irigasyon ay hindi naman mapakinabangan. Wala pa sa kalahati ng mga ito ang may dumadaloy na tubig. Ang pondo para sana sa pagkukumpuni ng mga ito ay ibinubulsa ng tiwaling malalaking burukratang kapitalista.

Samantalang matagal nang inaasahan ang pagdating ng El Niño, walang anumang ginawang paghahanda rito ang reaksyunaryong rehimen. Kulang na kulang at huling-huli na ang mga hakbangin ng naghaharing rehimen upang alalayan ang masang magsasaka ngayong panahon ng tagtuyot. Hindi ginagamit ng rehimen ang kapangyarihan nito para obligahin ang mga opereytor ng mga dam na maglaan at magpalabas ng tubig para sa irigasyon. Wala nang epekto ngayon at pagtatapon lamang ng pera ang ginawa nitong cloud-seeding operation. Nagkakasya na lamang ito sa mga pakitang-taong pakulo tulad ng pamamahagi ng pailan-ilang poso at tubo ng tubig at paglalabas ng pondong subsidyo umano para sa binhi at abono. Ginagamit pa ito para sa kampanya sa eleksyon ng mga kandidato ng naghaharing pangkatin.

Masahol pa'y sinasamantala ngayon ng gubyernong Arroyo ang kalamidad ng tagtuyot upang pag-ibayuhin ang liberalisasyon ng importasyon ng bigas, mais, at pakain sa hayop. Ang importasyong dumaraan sa National Food Authority (NFA) ay matagal nang pinagkukunan ng malaking kurakot. Palalalain pa ito ngayon ng pagbubukas ng importasyon sa mga papaborang malalaking negosyante. Ibibigay rin nito sa malalaking negosyante ang ibayong kontrol sa presyo at suplay ng bigas at iba pang mga produkto.

Dagdag na pinsala naman ang idudulot nito sa masang magsasaka at mamamayang Pilipino. Sa isang banda, ang balak na importasyon ng tatlong milyong metriko toneladang bigas ay pinangangambahang lalong magpapabagsak sa presyo ng lokal na palay na magdudulot ng ibayong pagkalugi ng masang magsasaka. Sa kabilang banda, dahil lubusan nang makokontrol ng malalaking kumprador ang suplay ng bigas, asahang sasamantalahin nila ang bawat pagkakataon para muling pasiritin ang presyo nito sa pamilihan.

Sa harap nito, kailangang-kailangan ngayon ang malawakang pagkilos ng mamamayang Pilipino upang mariing batikusin ang naghaharing reaksyunaryong estado sa kawalan nito ng paghahanda, sa kapabayaan, sa katiwalian at sa kasakimang samantalahin pa ang kalamidad. Dapat igiit ng mamamayan ang nararapat para sa kanila at singilin ang mga naghahari sa pananagutan ng mga ito sa malubhang mga pinsalang lumalatay ngayon sa mamamayang sadlak sa matinding kahirapan at kagutuman.

Samantala, kailangan ding paghandaan ang epektibong paglaban sa posibleng paggamit ng naghaharing rehimen ng "emergency rule" at ibayong dahas sa harap ng lalong paglala ng sitwasyon at pagkilos ng mamamayan.

Dapat puspusang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka na siyang tanging mapagpasyang magwawakas sa paghihirap ng mamamayan sa ilalim ng naghaharing bulok na rehimen at atrasadong sistemang panlipunan.

Tawag ng panahon ang ibayong sigla sa pagsusulong ng reporma sa lupa, kilusang kooperatiba, iba't ibang anyo ng tulungan at iba pang pagkilos para sa kagyat at mas matagalang kapakanan ng mamamayan sa loob at paligid ng mga rebolusyonaryong erya.

Bahagi ng responsibilidad ng Partido at Bagong Hukbong Bayan (BHB) at ng mga demokratikong organo ng kapangyarihang bayan ang pagpapamalas ng epektibong pamumuno sa masa sa pagharap sa kalamidad. Sa kanilang pamumuno, maagap na kumikilos ngayon ang mga rebolusyonaryong pwersa at organisadong mamamayan, laluna sa mga lugar na apektado ng masidhing tagtuyot, upang sa iba't ibang paraan ay maharap ang matitinding epekto nito laluna sa kanilang produksyon.

Pinakikilos ang masa sa mga rebolusyonaryong erya, katuwang ang mga yunit ng BHB upang pagtulung-tulungan ang pag-aayos ng mga sistema ng komunal na patubig, kabilang na ang pagtatayo ng mga bago at pagkukumpuni ng mga sirang sistema ng irigasyon. Kabilang din sa mga pagsisikap na ito ang pagtatayo ng maliliit na komunal na dam at paghuhukay ng mga balon. Pinag-aaralan din ang pagbaling sa mga pananim na kayang mabuhay sa kabila ng kakulangan ng tubig at tindi ng init, gayundin ang iba pang mga alternatibong mapagkakakitaan.

Click here to download the PDF