Communist Party of the Philippines
Setyembre 6, 2010
Nagbibigay-pugay ang lahat ng kasapi ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at rebolusyonaryong kilusang Pilipino kay Kasamang Medardo Roda (Ka Roda) na pumanaw kahapon, Setyembre 5, dahil sa atake sa puso. Ipinaaabot ng PKP ang taos-puso nitong pakikiramay sa mga kamag-anak, kaibigan at mga kasama ni Ka Roda. Nakikiisa kami sa inyong pagdadalamhati.
Si Ka Roda ay habampanahon na maaalala sa kanyang naging mahahalagang ambag sa pakikibaka ng mga drayber, manggagawa at malamanggagawa at sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong kilusan ng sambayanang Pilipino.
Ipinanganak si Ka Roda noong Oktubre 27, 1934 sa Libmanan, Camarines Sur. Nagmula siya sa uring magsasaka. Napadpad siya sa Maynila kung saan ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral. Namasukan siya bilang drayber ng taksi at kalaunan bilang drayber ng dyip sa rutang Cubao-V.Luna.
Naging pinuno si Ka Roda ng kanilang lokal na samahan ng mga drayber. Pinangunahan niya ang pakikibaka ng mga drayber at agad tumampok ang kanyang pangalan. Hindi nagtagal, nahalal siya bilang isa sa mga bise-presidente ng Piston (Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide) nang itinatag ito ng 1981. Pagkalipas ng ilang buwan, mahahalal si Ka Roda bilang pangulo ng Piston.
Dahil sa pangunguna niya sa mga kilos-protesta sa lansangan, dinakip at ikinulong si Ka Roda ng diktadurang US-Marcos noong 1983, kasama ang iba pang lider anakpawis. Pagkalaya niya, tuluy-tuloy siyang nasa unahan ng mga malawakang welga ng mga drayber at anakpawis. Pinangunahan niya ang mga kilos-protesta laban sa pagtaas ng presyo ng langis. Muli siyang ikinulong noong 1988 at 1990 sa ilalim ng rehimeng US-Aquino.
Mahal na mahal si Ka Roda ng mga kapwa niya drayber, ng masang anakpawis at malawak na sambayanang Pilipino. Kinagiliwan ang kanyang simpleng paraan ng pagpapaliwanag ng mga kumplikadong usapin, pati na ang kanyang pagtatalumpating sinasaliwan ng mga pag-awit ng kundiman sa ibabaw ng dyip sa mga kilos-protesta. Ang kanyang paninindigan at pakikipaglaban ay nagbigay-inspirasyon sa libu-libo na bagtasin ang landas ng pambansa- demokratikong pakikibaka.
Mabuhay ang alaala ni Ka Roda!
Mabuhay ang demokratikong kilusan ng mga drayber!
Mabuhayang uring manggagawa, masang anakpawis at sambayanang Pilipino!
Isulong ang demokratikong rebolusyon ng bayan!
