Sindikato ng droga sa loob ng AFP, nalantad sa isang operasyon ng PDEA

Samuel Guerrero
Celso Minguez Command - NPA-Sorsogon
December 23, 2010

SA ISANG OPERASYON NG PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) NOONG IKA-18 NG DISYEMBRE 2010, dalawang elemento ng Philppine Army ang natakma. Matapos mang-agaw ng baril at barilin ang isang operatiba ng PNP at makipaghabulan, natiklo ang isang Corporal Rommel Gabino ng 83rd Infantry Battalion na nakabase sa lalawigan ng Catanduanes. Ang isang kasama nito ay nauna nang sumuko na si Rigoberto Atienza ng Camarines Sur.

Ngunit nagkaroon agad ng cover-up sa nasabing operasyon. Sa inilabas na ulat sa mga istasyon ng radyo diumanoy 7 sachet lang ng Shabu ang nakumpiska. Taliwas ito sa unang naiulat ng PNP-Irosin at ng aming impormante na 2 kilo. Bahagi din ng cover-up ang news black-out sa ibang istasyon ng radyo at tv sa Albay at iba pang probinsya at maging sa mga pambansang pahayagan at tv. Umugong din ang balita na isang heneral ng Phil. Army ang nag- arbor sa dalawang tauhan nito at nag-utos na ipatikom ang bunganga ng PDEA at midya. Hinahamon namin ang AFP-PNP na linawin ang mga bagay na ito. Maging ang PDEA, nasayang lang ang inyong pagsisikap dahil naging kasapakat na kayo ng AFP sa cover-up. Hindi na ito nabubukod na kaso, sa maraming kaso ng holdap, nakawan at salvaging ay imbwelto ang mga militar sa ating probinsya. Hindi pa nga nalulutas ang karumaldumal na Maguindanao Masaker, kung saan maraming militar, Cafgu at pulis ang sangkot, dito sa atin dagdag na naman sa listahan ng mga krimen ang bigong pamamaslang kay kina Matias Oliquiano, 74 taong gulang ng Bgy. Montecal, Bulan at member ng Sorsogon People’s Organization noong Dec. 12 at PO1 Jose Caspe noong Dec. 18 sa kamay pa mismo ng kanyang kapwa otoridad na si Corporal Gabino.

Dahil sa insidente, nagkakahugis na ang matagal nang sinusuri ng BHB na pagkakasangkot ng mga bulok na opisyal ng AFP sa sindikato ng droga sa Sorsogon. Sa salaysay ng isang asset ng AFP na si Igmedio Pante III na naaresto ng mga kasama noong Sept. 2, 2010, bahagi na ng kanilang gawain sa paniktik ang droga. Hindi lang bilang dagdag na raket upang itustos sa mga bisyo ng kanilang amo kundi suhol at pang-hikayat sa mga target na ipapaloob sa BIN at MIN (Barangay Intelligence Network at Municipal Intelligence Network). Aming nasuri na sa kanyang ibinunyag na lista ng mga kasapi ng BIN at MIN ay marami ang adik at lumpen sa mga baryo. Batay sa lista walang matinong indibidwal na nakumbensing maging asset ng militar laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Nakababahala ang naging rebelasyon ni Pante na hindi na lang pera kundi droga ang pangunahing instrumento ng AFP sa pagrerekluta ng magiging kasapi ng BIN at MIN. Sa pinalawig na OBL, sadyang malalagay sa labis na panganib ang maraming inosenteng sibilyan kung ang pagbabatayan ng mga plano ng AFP ay ang mga impormasyong i-uulat ng mga adik at pusher na asset/intel tulad ni Pante at ipapatupad naman ng mga adik at pusher sa militar tulad ni Corporal Gabino.

Unti-unti na ring nasasagot ang mga katanungan kung bakit hindi man lang nakukunsensya ang mga operatiba ng death squads ng AFP sa walang habas na pagpatay ng mga inosenteng sibilyan tulad nina Ding Uy, mag-asawang Willy at Eden Jerus at marami pang iba. Ang mga kaso ng paglabag sa karapatang pantao, hold-up/nakawan at iba pang abusong militar ay dumarami at naisasagawa ito ng buong laya (with impunity). Droga ang pampalango sa kunsensya at nagbubunsod ng ibayong tapang at karahasan ng militar laban sa mga sibilyan.

Naging marahas at malupit na nga ang dagok sa mamamayan ng OBL I at OBL II, ngunit sa pagpapatuloy nito, sa dikta ng Imperyalismong US, ay higit pang panganib at dahas ang idudulot dahil sa paglipana ng mga pusher at adik na magnanakaw at mamamatay-tao sa loob mismo ng AFP.

Sa PDEA, kaisa ninyo ang BHB-CMC sa krusada sa pagsugpo sa iligal na droga. Hindi kayo dapat magpabraso sa mga bulok na opisyal ng militar at pulis na protektor at nagpapayaman sa droga. Ang inyong ginawa ay trabaho lang at walang personalan. Mabuhay po kayo!

Sa mga Sorsoganon, magtulungan po tayo sa paglikha ng isang lipunang ligtas sa kasamaan ng droga. Kapit-bisig at ubos-kaya nating biguin ang pinalawig na Oplan Bantay Laya.


Mabuhay ang Bagong Hukbong Bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!