Pahayag ng pagpupugay sa ika-42 taon ng Bagong Hukbong Bayan

Nika Antares
Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS)-Southern Tagalog
Marso 23, 2011

Ipinapaabot ng Artista at Manunulat ng Sambayanan (ARMAS) -- Balangay Raquel Aumentado - Timog Katagalugan ang malugod na pagbati sa ika-42 taon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) o New People's Army (NPA) sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa darating na Marso 29.

Simula nang pagkakatatag nito, malayo na ang inabot ng mga inaning tagumpay ng BHB kasama ng sambayanang Pilipino sa pagsusulong ng pambansa-demokratikong rebolusyon upang makamit ang tunay na pambansang kalayaan at demokrasya.

Ang rebolusyonaryong hangarin ng sambayanan ay hindi susulong at makakaigpaw sa hamon ng kaaway kung wala ang prinsipyado at matapang na pagtangan sa armadong pakikibaka sa pangunguna ng mga Pulang Mandirigma sa ilalim ng BHB. Ang mga tagumpay ng rebolusyonaryong kilusan ay nakamit sa sama-sama at walang humpay na pagkilos at sakripisyo ng sambayanang Pilipino.

Iginagawad rin ng ARMAS-TK ang pinakamataas na pagpupugay at parangal sa mga artista ng bayan na piniling maging Pulang Mandirigma at nag-alay ng buhay para sa rebolusyon at sambayan, kasama na dito si Kasamang Racquel "Ka Nica" Aumentado at iba pang manggawang pangkultura sa rehiyon. Ang kanilang kabayanihan ay hindi ay nagsisilbing inspirasyon sa marami pang artista at kabataan na taluntunin ang landas ng pinakamataas na anyo ng pakikibaka at isulong ito hanggang sa tagumpay.

Sa kasalukuyan, patuloy na dinodomina ng burgis, pyudal at kolonyal na kultura ang ating bansa. Ginagamit ng imperyalismong US, kasapakat ang mga lokal na naghaharing uri sa bansa, ang kapangyarihan sa propaganda upang ilihis sa landas ng rebolusyon ang mamamayang Pilipino.

Sinasalamin ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng lipunang Pilipino ang kasalukuyang namamayaning kultura sa ating bansa. Kaya't bilang mga artista at manunulat tungkulin natin na isulong ang isang pambansa, siyentipiko at makamasang tipo ng kultura.

Sapagkat mahalaga ang paghuhubog ng kultura sa pagsusulong ng rebolusyon, ang BHB ang siyang nangungunang tagapagtayod ng pambansa, makamasa at siyentipikong kultura sa kanayunan. Nagsisilbi itong mahalagang sandata para isulong ang demokratikong rebolusyong bayan.

Nalampasan ng BHB ang pagtatangka ng pasistang rehimeng US-Arroyo na durugin ang o di kaya ay pahinain ang rebolusyornaryong kilusan ng sambayanan sa loob ng kanyang termino. Pinakawalan ng numero unong tuta ng imperyalismong US na si Arroyo ang pinakamalupit na atakeng militar kapwa sa mga Pulang Mandirigma, mga progresibong grupo at mga sibilyan.

Gayunpaman, matapang na ideneklara ng PKP ang kabiguan sng Oplan Bantay Laya 1 at 2 ng rehimen bago pa man magtapos ang taong 2010. Katunayan, nagtulak lamang ito sa sambayanang Pilipino, kasama na ang mga artista at manunulat at mga manggagawang pangkultura na palakasin pa ang armadong pakikibaka sa pamumuno ng BHB.

Sa pag-upo ng hacienderong rehimeng US-Aquino II, masigasig na nailunsad ng BHB ang ibayong pagsusulong ng rebolusyong agraryo, unti-unting pagpapahina sa hawak sa kapangyarihan ng mga panginoong maylupa at malalaking empresang pag-aari ng mga burgesya-kumprador at dayuhang korporasyon habang patuloy naman sa paglawak ang rebolusyonaryong baseng masa. Sa kabila ng banta ng panibagong kontra-insurhensyang OPLAN Bayanihan ni Noynoy Aquino alinsunod sa Counter-Insurgency (COIN) Guide ng Imperyalistang US ay mapagpasya itong hinarap ng BHB at di malaon ay mabibigo ito.

Nakamit ng BHB ang pagsulong sa patuloy na paglawak ng bilang ng mga larangang gerilya at pagbubuo ng mga organisasyong masa. Samantalang nagdulot naman ng matitinding pinsala sa reaksyunaryong pwersang AFP at PNP, CAFGU at mga private army ang sunod-sunod na mga taktikal na opensiba ng mga Pulang Mandirigma, maging ang pagdistrungka sa mga dayuhang mina at negosyo kasabwat ang mga lokal na mga kapitalista.

Higit kailanman, mayaman ang mga kundisyon sa kasalukuyan para sa pagsusulong ng rebolusyon. Sa patuloy na paglalim ng kontradiksyon ng mga imperyalismo at lokal na naghaharing-uri, at ng sambayanang pinagsasamantalahan, tumataba rin ang lupa para sa paghamig at pagrekluta sa mga bagong kasapi ng BHB.

Patuloy na magiging inspirasyon at lakas ng mga makabayang artista, manunulat at mga manggagawang pangkultura ang tapang at determinasyon ng BHB sa pagtangan ng pinakamataas na porma ng pakikibaka. Kasama ng mga magigiting na Pulang Mandirigma ang ARMAS-Balangay Raquel Aumentado - TK sa pagpapalawak ng balon na pagkukunan ng mga mapapasampa sa kanayunan at iaalay ang buong buhay sa pakikibaka para sa kagyat ay mahawan ang daan tungo sa hinahangad na na tagumpay ng pambansa demokratikong rebolusyon.

ISULONG ANG ISANG PAMBANSA, MAKAMASA AT SIYENTIPIKONG KULTURA!

MGA ARTISTA AT MANUNULAT, PAGLINGKURAN ANG SAMBAYANAN,

SUMAPI SA BAGONG HUKBONG BAYAN!

MABUHAY ANG PAMBANSA DEMOKRATIKONG REBOLUSYON!

MABUHAY ANG IKA 42 ANIBERSARYO NG BAGONG HUKBONG BAYAN!

MABUHAY ANG PAMBANSA DEMOKRATIKONG PRENTE NG PILIPINAS!

MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!

MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!