Labanan ang pagbabase ng militar ng US sa Pilipinas

Editoryal, Ang Bayan
21 Mayo 2011
Download PDF

Ang Pilipinas ay isa ngayong malaking base militar ng US. Ito ang binibigyang-diin ng apat na araw na pagdaong ng plota ng US mula sa North Arabian Sea nitong Mayo 15 hanggang 18 sa Manila Bay.

Ang plota ang nagsisilbing base ng mga mapanghimasok na operasyon ng US sa Afghanistan, Pakistan at Libya. Binubuo ito ng apat na barkong pandigma kabilang ang USS Carl Vinson, USS Shiloh, USS Bunker Hill at ang USS Gridley at may humigit-kumulang 25,000 tauhan. Ang mga ito'y pawang pinatatakbo ng enerhiyang nukleyar at hinihinalang nagdadala ng mga armas nukleyar. Mula sa plotang ito inilunsad ng US ang operasyong asasinasyon kay Osama bin Laden sa Pakistan noong Mayo 1. Sa barko ring ito dinala ang bangkay ni Bin Laden at ihinulog sa karagatan.

Habang nasa internasyunal na karagatan patungo sa Pilipinas ang plota, sinundo ng mga sasakyang pandigma ng US ang tuta nitong si Benigno Aquino III at inilipad patungo sa USS Carl Vinson. Ang pagdala kay Aquino sa USS Carl Vinson ay isinagawa nang walang paggalang sa mga tuntuning diplomatiko.

Animoy mga batang tuwang-tuwa at manghang-mangha sina Aquino at kanyang mga upisyal sa nakita nilang kapangyarihang militar ng kanilang among imperyalistang US. Sa gayong pagsakay sa barkong pandigma ng US, ipinakita ni Aquino na hindi niya kinikilala ang lumalawak na pagtutol sa Visiting Forces Agreement (VFA), sa presensya ng mga tropang Amerikano sa bansa at mga pang-aabuso ng mga ito laban sa mamamayang Pilipino.

Sa pagdaong sa Manila Bay, libu-libong sundalong Amerikano ang pumasok sa Pilipinas. Ang paglahok ng mga tropang Amerikano sa mga palaro at iba pang aktibidad para sa "pagkakaibigan" ay epektibong pangkomoplahe sa iba pang mas tuso at iligal na mga aktibidad na may katangiang mapanghimasok at labag sa kasarinlan ng bansa.

Ang pagdaong ng plotang pandigma ng US sa Manila Bay ay muling nagdidiin sa paggamit ng US sa Pilipinas bilang base militar nito. Ang pagpapahintulot nito ay pagpapakita lamang na walang independyenteng patakarang panlabas ang Pilipinas at nakatali ito sa interes ng US. Sa pagpapakita na ang Pilipinas ay maaaring pagbasehan ng mga barko ng US, ipinakikita ng gubyernong Aquino sa buong mundo na ang Pilipinas ay nasa panig ng US anuman ang pasukin o ilunsad nitong gera.

Ang hindi inianunsyo at di nakaiskedyul na pagsundo at pagsasakay kay Aquino sa barko ng US ay muli ring nagpapalakas ng ispekulasyon na mayroong lihim na pag-uusap tungkol sa plano ng US na muling magtayo ng mga pasilidad pangmilitar nito sa Pilipinas. Noon lamang Abril 26, dumating sa Pilipinas ang dalawang senador ng US para siyasatin ang kalagayan ng dati nilang base militar sa Subic Bay, Olongapo. Matagal nang naghahanap ang US ng alternatibong lugar sa harap ng malakas at tuluy-tuloy na mga kilos-protesta laban sa mga base militar nito sa Okinawa at laban sa mga pang-aabuso ng mga tropa nito sa Japan.

Puspusan ang pagsisikap ng US na palakasin ang presensya nito sa Asia-Pacific. Labis nitong ikinababahala ang ginagawang pagpapalakas ng China sa kakayahang militar nito. Noong 2008, nakapagtatag ang China ng isang base ng mga submarino nito sa dulo ng Hainan Island, malapit sa mayor na daanan ng kalakalan sa karagatan ng Southeast Asia. Tinataya ng US na may kakayahan ang baseng ito na magdaong ng hanggang 20 submarino, kabilang ang bagong tipo ng subamarinong kayang maglunsad ng nuclear ballistic missile.

Sa layuning kontrahin ang lumalakas na presensyang militar ng China sa rehiyon, inirekomenda naman ni Adm. James Lyons, dating kumander ng US Pacific Fleet, ang mas mahigpit na pakikipag-alyansa sa mga kaalyado nitong rehimen sa rehiyon. Partikular sa iminungkahi niya ang muling paglalatag ng "high-level military ties" sa Pilipinas. Iminungkahi rin niya na "pahiramin" ng US ang Pilipinas ng isang iskwadron ng mga eroplanong F-16 at mga barkong pandigma bilang bahagi ng pagharap sa banta ng China. Ang planong pagbili ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng submarino sa ngalan ng modernisasyon ng AFP ay bahagi na ng gayong balangkas.

Para sa US, nananatili ang halaga ng Pilipinas sa estratehiyang militar ng US sa Asia-Pacific. Gayon na lamang ang halaga na manatili ang kaluwagan ng paggamit nila sa Pilipinas bilang lunsaran ng mga operasyon, mapagkukunan ng suplay, lugar para sa pagsasanay at pagkukumpuni ng mga kagamitan at iba pa. Tulad noong nakaraan, ginagamit pa rin ng US ang Pilipinas bilang daungan ng kanilang mga barko at tropa, hindi lamang yaong saklaw ng operasyon nito sa Asia-Pacific, kundi maging yaong nag-ooperasyon sa Middle East at North Africa.

Nananatiling isa sa "paborito" ng militar ng US na gamiting base ang Pilipinas dahil sa paghahari rito ng sunud-sunurang papet na rehimen. Sa pamamagitan din ng VFA, malayang nakapapasok at nakakikilos ang mga tropang Amerikano sa loob ng bansa na hindi nahihigpitan ng mga lokal na batas. Ang pamamayani ng US sa Pilipinas ay ipinamalas nito nang agawin nito ang kustodiya kay Lance Corporal Daniel Smith at itago sa embahada ng US sa kabila ng hatol sa kanya sa kasong panggagahasa sa Subic Bay noong 2005.

Tuwiran ding nanghihimasok ang US sa loob ng Pilipinas sa layuning supilin ang progresibo at rebolusyonaryong kilusan laban sa imperyalismong US at sa papet nitong rehimen. Permanenteng nakabase sa loob ng Camp Navarro sa Zamboanga City ang mahigit 700 tropang Amerikano sa ilalim ng Joint Special Operations Task Force-Philippines (JSOTFP) ng US Pacific Fleet. Ang JSOTFP ay isang ahensya ng militar ng US na nagbibigay-direksyon sa takbo ng kontra-rebolusyonaryong digma sa Pilipinas. Nagsasagawa ito ng paniniktik, nagbibigay ng impormasyon sa AFP at ak-twal na lumalahok sa mga operasyong militar sa mga larangang gerilya laban sa armadong rebolusyonaryong pwersa.

Ang katayuang neokolonyal ng Pilipinas ay binibigyang-diin ng panghihimasok at paglapastangan ng US sa kasarinlan ng bansa. Determinado ang US na panatilihin nitong neokolonya ang Pilipinas hindi lamang para magamit itong base sa kanyang estratehiyang militar, kundi para rin patuloy na masamantala ang likas na yaman at murang halaga ng mga manggagawang Pilipino.

Sa pagharap ng US sa krisis ng pandaigdigang krisis ng kapitalismo, tiyak na lalo itong magiging masidhi sa pangangalaga ng pampulitika, pangmilitar at pang-ekonomyang interes nito sa Pilipinas, sa kapinsalaan ng mamamayang Pilipino.

Sa gayon, dapat lalo pang pag-alabin ng mamamayang Pilipino ang kanilang patriyotismo. Ang kanilang pakikibaka para sa pambansang kalayaan ay mahigpit na nakakawing sa kanilang pakikibaka para sa katarungang panlipunan at demokrasyang bayan.

Samantalahin ang lumalalang ribalan sa loob ng kampong Aquino


Matatapos pa lamang ang isang taon sa poder, litaw na litaw na ang mga lamat sa paghahari ng rehimeng US-Aquino. Ang tunggalian ng iba't ibang mga pwersang sumuporta kay Benigno Aquino III sa eleksyong 2010 ay nagbabanta ngayong magpahina sa dati nang mahunang pagkakaisa ng kanilang pangkatin.

Nagawa ni Aquino na pagkaisahin sa ilalim ng kanyang kandidatura noong 2010 ang malawak na hanay ng mga pangkat ng mga reaksyunaryong pulitiko, malalaking negosyante at mga repormistang grupo. Pero mula nang maluklok sa poder, hindi na magkamayaw si Aquino sa pagbayad ng kanyang utang sa lahat ng sumuporta at sumakay sa kanyang kampanya sa pamamagitan ng pagtatalaga sa mga pusisyon sa gubyerno, pagbibigay ng mga kontrata, at iba pa.

Subalit sadyang hindi niya magawang pantay-pantay na bigyang-pabor ang lahat ng mga grupong ito. Kaya naman hindi pa nag-iinit ang pwet ni Aquino sa trono, kabi-kabila na ang samaan ng loob at pagkadismaya ng mga pwersang nakaalyansa niya.

Lalong tumingkad ang riba- lan ng mga paksyong ito matapos lumipas nitong Mayo ang isang taong pagbabawal sa pagtatalaga sa gubyerno ng mga natalong kandidato sa nagdaang eleksyon at ang pag-uunahan ng mga alyado ni Aquino na makaupo sa poder.

Pinakatampok sa mga ito ang pakikipaggirian ni Mar Roxas, talunang kandidato ni Aquino sa pagka-bise presidente, pinuno ng Liberal Party at kinikilala ring pinuno ng paksyong "Balai". Inip na inip na si Aquino na maitalaga si Roxas sa isang makapangyarihang pusisyong ipinangako sa kanya noong isang taon na planong gamiting plataporma para sa kampanyang pampresidente sa 2017. Noon pang Abril, hinirang na si Roxas sa isang di upisyal na pusisyon kung saan pina-gampan siya ng mga tungkuling may malakas na publisidad.

Sa ngayon, iniimbento pa ng mga abugado ng MalacaƱang ang bagong pusisyon para kay Roxas kung saan magsisilbi siyang animo'y anino ni Aquino. Ang pagkukumahog ni Aquino na maitalaga si Roxas ay labis na ikinasasama ng loob ng ibang mga paksyon lalupa't maaapakan nito ang iba pang susing upisyal.

Bukod kay Roxas, ilan pang talunang kandidato ang planong italaga ni Aquino sa kanyang gabinete. Subalit para magawa ito, obligado si Aquino na ilaglag ang iba pang myembro ng kanyang pangkatin, bagay na tiyak na ikasasama ng loob nila.

Larawan ngayon ang naghaharing rehimen ng nagriribalang mga kamag-anak, kaklase at kaibigan ni Aquino na lahat ay nagkukumahog na makatamasa ng katas ng kapangyarihan.

Ang problema ng naghaharing rehimen ay ang patuloy na pagliit ng mga rekursong pwedeng paghatian nang swabe at matiwasay ng mga nagriribalan. Di maiwasan ni Aquino na mabigyan ng mas malaking pabor ang isang pangkat o isang kamag-anak kaysa iba. Di maglalaon, mauudyok ang mga ilalaglag ni Aquino na ilantad ang mga nalalaman nilang katiwalian, korapsyon at pang-aabuso ng mga upisyal sa loob ng naghaharing pangkatin.

Ang pagkakawatak-watak ng pangkating Aquino dahil sa pag-aagawan sa katas ng kapangyarihan ay nagpapahina sa paghahari nito. Dismayadong-dismayado ang mamamayang Pilipino sa nakukuhang pabor at pribilehiyo ng Kamag-anak, Kaklase, at Kaibigan Inc. habang ang malawak na masang anakpawis ay di magkamayaw sa bigat ng krisis sa ekonomya.

Patuloy ang paglaki ng tantos ng disempleyo. Pumapaimbulog ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Hirap na hirap na ang masang manggagawa at magsasaka at maging ang mga panggitnang pwersa. Puro panakip-butas lamang ang ihinahaing solusyon ni Aquino, tulad ng "pantawid pasada" at condition-al cash transfer. Sa kabila ng bukambibig na "kapayapaan", patuloy ang paninikil, pandarahas at pagyurak sa mga karapatang-tao, laluna sa kanayunan laban sa mamamayang tumututol at kumikilos laban sa anti-mamamayang mga patakaran ng naghaharing rehimen.

Mabilis na lumilinaw sa mata ng mamamayan na bigo si Aquino sa kanyang pangako na pawiin ang korapsyon sa gubyerno. Gayundin, mabilis na lumilinaw na walang kakayahan o kapasyahan ang rehimeng Aquino na itaguyod ang mga patakarang magpapalaya sa mamamayan sa kahirapan, kagutuman at pasistang karahasan. Sa harap ng lumalalang krisis sa ekonomya at kabuha-yan ng masa, dahan-dahang namumuo at lumalawak ang malawak na kilusang bayan na nakatuon sa pagpapatalsik kay Aquino.

Sa malao't madali, ang paglakas ng panawagan at pakikibaka ng bayan para patalsikin si Aquino ay ibayong magpapalalim sa paksyunal na ribalan sa loob ng naghaharing rehimen at sa pagitan ng mga magkaribal na paksyon ng naghaharing uri. Sa kabilang panig, ang lumalalang ribalang ito ay makatutulong at makapagpapalakas din sa malawak na kilusang masa laban sa rehimeng Aquino.

Kailangan itong samantalahin sa pamamagitan ng aktibong pakikipag-ugnayan kapwa sa mga pwersa sa loob at labas ng naghaharing rehimen na naaapakan ng mga kampong napapaburan ni Aquino. Dapat silang himukin na lihim o hayagang makipagtulungan sa isang malapad na alyansa kasama ang batayang mga sektor na nagsusulong ng mga pakikibakang masa. Sa malao't madali, ang ibayong paglawak ng alyansang anti-Aquino na ito ay magtutulak sa lalong pagkahiwalay ng kampong Aquino at magpapadali sa pagwawakas sa papet at pasistang paghahari nito.

Rehimeng Aquino, pursigidong itulak ang liberalisasyon sa pagmimina



Pursigido ngayong itinutulak ng rehimeng Aquino ang "mga reporma" sa industriya ng pagmimina para umano mapunuan ang nasasaid na kaban ng bayan. Ayon kay Secretary Ramon Paje ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), kung magbabayad ng mas mataas na buwis ang mga kumpanya sa pagmimina, kikita ng P8 bilyong kada taon ang gubyerno. Dagdag na P7 bilyon pa ang kikitain ng gubyerno mula sa 5% "royalty tax".

Kaugnay nito, itinutulak ni Paje ang pagdedeklara ng 21 "mineral reservations" sa Ilocos Norte, Zambales, Bulacan, Camarines Sur, buong isla ng Samar, Surigao del Norte, Compostela Valley at Zamboanga del Norte at sa lahat ng mga "offshore area" sa buong bansa.

Ang mga "repormang" itinutulak ni Paje ay nasa balangkas ng patakarang liberalisasyon sa pagmimina ng rehimen. Bunsod nito, tumaas ang target na mining output ng rehimeng Aquino. Mula 20% noong 2009 sa panahon ng rehimeng Arroyo, nagtala na ito ng 30% na min-ing output o 10% pagtaas sa mga unang buwang nasa poder si Aquino. Patunay ito na ipokrito ang rehimen sa mga deklarasyon nito ng panganga-laga sa kapaligiran.

Nagbubulag-bulagan si Aquino sa patuloy na lumalawak na pagkawasak ng kapaligiran dulot ng mga operasyong pagmimina at ang inireresulta nitong mga sakuna at pagkawala ng maraming buhay. Katulad ng sinundan nitong rehimen, binabalewala ng rehimeng Aquino ang malawakang pagkawasak ng mga buhay at ari-arian ng mamamayan at kapaligiran bunsod ng walang katapusang pagkakamal ng ganansya ng mga dayuhang kapitalista at mga kasabwat nilang mga upisyal ng gubyerno.

Pagtutol sa pagmimina sa Negros

Nangangamba ang mamamayan ng Negros sa paglawak ng mga operasyong pagmimina. Kasalukuyang nagsasagawa ng eksplorasyon at iba pang operasyon sa pagmimina sa Negros ang Philex Mining, Philmet Exploration Corp. at Essensa Mining Corp. May 40 iba pang nakapagsumite na ng aplikasyon sa Mining and Geosciences Bureau (MGB). Saklaw ng pagmiminang ito ang mga kabundukan ng mga bayan ng Binalbagan, Cauayan, Hinobaan at Isabela at mga syudad ng Himamaylan, Kabankalan at Sipalay sa Negros Occidental at sa mga bayan ng Basay, Ayungon, Bindoy, Tayasan, Jimalalud, La Libertad at Guihulngan sa Negros Oriental. Maaapektuhan nito ang 40% ng kabuuang kalupaan ng isla o 80% ng kabuuang lupang agrikultural ng Negros.

Nananatili sa alaala ng mga Negrense ang mga di- nanas na sakuna at kahirapan ng libu-libong magsasaka bunga ng mga operasyon sa pagmimina noong dekada 1950 sa Sipalay City at Hinobaan sa Negros Occidental, at sa Basay, Negros Oriental. Tinamaan ng polusyon ang mga pinagkukunan ng inuming tubig, nalason ang mga ilog at sapa at nasira ang mga taniman dahil sa pag-apaw ng mga nakalalasong kemikal mula sa minahan. Marami ang nagkasakit dahil sa maruming tubig at alikabok.

Lumalawak ang armado at di armadong pagtutol ng mamamayan. Ani Ka Frank Fernandez, tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF)-Negros, puspusan ang pakikibaka ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa sa buong isla para pigilang maging disyerto ang isla.

Halos kasunod ng mariing pahayag ng NDF-Negros, nilagdaan noong Mayo 12 nina Gov. Alfredo MaraƱon at mga alkalde ng Negros Occidental ang isang resolusyong ipinaabot kay Benigno Aquino III kung saan mariin nilang tinututulan ang malawakang pagmimina ng batobalani o magnetite sa dagat. Saklaw nito ang 14 na "marine protected areas" ng lalawigan na may kabuuang erya ng 36,533 kilometro kwadrado.

Hiniling din ng mga mga lokal na upisyal ng Negros Occidental kay Aquino na utusan ang DENR-MGB na tigilan na ang pagtanggap at pagpoproseso ng mga aplikasyon para sa eksplorasyon at pagmimina sa dagat, at bawiin ang mga naaprubahan nitong mga aplikasyon.

Damang-dama rin ng ka-tabing isla ng Panay ang pa-ngamba ng mga Negrense. Kung patuloy na magpapalawak ang mga inland at offshore mining ay tiyak na maraming kalupaan sa Pilipinas ang magiging di-syerto.

Iniulat ng Madiaas Ecological Movement na maliban sa malalaking minahan na nagpapalawak ng kanilang operasyon tulad ng Teresa Marble Corp., Quarry Ventures, Walter Mining and Industrial Corp. at Semirara Coal Mines, may nakapending na 91 iba't ibang aplikasyon sa DENR-MGB. Sumasaklaw ito ng 311,776 ektarya.

Mga 70 nito ay aplikasyon para sa large-scale mining tulad ng Evergifted Mining Corporation na may balak na magmina ng magnetite sand sa mahigit 14,542 ektarya sa baybayin ng Roxas City, Panay, Lutod-lutod at Pilar sa Capiz.

Dahil dito, mahigpit ang pagbabantay ng Madiaas Ecological Movement at Defend Patrimony para mapangalagaan ang kalikasan at kalayaang pang-ekonomya.

Malaki ang pangamba ng mamamayan at mga lokal na upisyal dahil ang pagmimina sa dagat ay sumisira sa mga halaman at hayop sa karagatan, sumisira sa mga aplaya at nagdudulot ng pagkawasak sa mga pangisdaan. Sa pagmimina sa dagat, hinihigop ang milyun-milyong tonelada ng buhangin mula sa pinakailalim ng dagat at sinasala rito ang batobalani. Ayon sa mga eksperto, sinisira nito ang kalidad ng buhangin at binabago ang temperatura ng tubig na makasasama sa mga halaman at hayop sa dagat.

Sa Cordillera Region, sama-samang nagbabantay noon pang Marso ang mga mamamayan sa tatlong baryo sa Tuba, Benguet para harangin ang pagpasok ng Philex Mining at dalawa pang higanteng kumpanya sa pagmimina. Ipinanawagan nila ang pagpapalayas ng tatlong kampo ng Philippine Army na nagsisilbing mga armadong bantay ng nasabing mga minahan.

Sa rehiyon naman ng Bicol, partikular sa isla ng Catanduanes, mula noong Abril ay nagbuklod ang mamamayan sa isang koalisyong kontramina na may malakas na suporta ng Diocese of Virac Social Action Foundation Inc. ng simbahang Katoliko. Pakay ng Katandungan Kontra sa Mina (KKM) na harangin ang Asianmines, Inc. at Xing Fu-Fang Mining Corp. na may nakatakdang aplikasyon sa pagmimina para sa mga barangay ng mga bayan ng Viga, Gigmoto at Bato na umaabot sa 4,443 ektarya.

Dayuhang minahan sa SMR, pinarusahan ng BHB



Pinarusahan ng mga Pulang mandirigma ng 3rd Pulang Bagani Company ng Merardo Arce Command sa Southern Mindanao Region ang mga yunit panseguridad ng RACEL Mines and Minerals noong Mayo 12.

Nagtayo ng tsekpoynt ang BHB sa Barangay Kingking, Pantukan, Compostela Valley at hinarang ang apat na pwersang panseguridad, kabilang ang isang geologist ng nasabing minahan.

Lumaban sa mga Pulang mandirigma ang isang kasapi ng pwersang panseguridad kaya siya ay napatay, ayon kay Ka Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng Merardo Arce Command. Hindi sinaktan ang tatlong iba pang pwersang panseguridad at ang geologist.

Nasamsam ng mga Pulang mandirigma ang apat na M4 US carbine (M4A1), isang makabagong awtomatikong riple na siya na ngayong istandard na baril ng US Special Forces at mga yunit ng S.W.A.T. Kabilang din sa nakumpiska ang apat na radyong pangkomunikasyon.

Ayon kay Sanchez, ang taktikal na opensibang ito ay pagpapatupad ng patakarang bayan para ipagtanggol ang pambansang patrimonya laban sa pandarambong at pananalanta ng imperyalistang US na lalong pinaiigting ng kasalukuyang rehimeng US-Aquino. Pinaninindigan ng rebolusyonaryong gubyernong bayan ang maka-Pilipino at maka-kapaligirang patakarang ito. Mahigpit itong ipinatutupad ng mga gerilya ng BHB para hindi basta na lamang dambungin ng mga dayuhang monopolyong kapitalista kasabwat ang mga lokal na upisyal ng gubyerno ang likas na yaman ng bansa.

Ayon din kay Sanchez, ipinatutupad ngayon ng gubyernong Aquino ang liberalisasyon sa pagmimina sa mga prubinsya ng Compostela Valley, Davao Oriental, South Cotabato, Surigao at sa distrito ng Paquibato sa Davao City. Maaapektuhan nito ang kabuhayan ng mga magsasaka at buu-buong komunidad ng mga pambansang minorya.

Ang RACEL Mines and Minerals at kasosyo nitong kumpanyang Amerikano na St. Augustine ay nagmimina ng ginto sa kabundukan ng Pantukan. Nagmamantini ito ng malaki-laking grupo ng mga armadong tauhan para magbantay sa erya at sa mga Amerikanong nagpapatakbo sa 4,000-ektaryang saklaw ng pagmimina nito. Bukod pa ito sa proteksyong ibinibigay ng mga tropa ng 71st IB.

Mga anomalya sa AFP




Umaabot sa P14.1 bilyon ang cash advances ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong 2010 ang walang ulat saan ginastos. Ayon mismo ito sa pahayag ng special investigating committee ng Department of National Defense sa Senado.

Tinukoy sa ulat ng nasabing komite na malinaw ang mga paglabag sa batas ng AFP. Halimbawa nito ang pagkawala ng mga rekord ng mga transaksyon, ang pagtatago ng mga rekord sa dahilang ito ay usapin ng pambansang seguridad at hindi mabusisi, at ang pang-aabuso sa mga alternatibong paraan ng pagbili ng mga kagamitang militar.

Myembro ng Anakbayan, sinalbeyds




Isang myembro ng Anakbayan ang pinatay ng mga elemento ng Navotas PNP noong Abril 21.

Si Jerwin de Antonio, 27 anyos at taga-Bagong Silang, San Jose Village, Navotas City ay dinampot ng mga pulis noong Abril 20. Kagagaling lang niya noon sa pagtitinda ng isda sa palengke.

Ayon sa mga saksi, pilit siyang isinakay sa patrol car kung saan siya sinimulang bugbugin kahit nakataas na ang kamay niya at humihingi ng tulong. Pagdating sa presinto ay patuloy pa rin siyang binugbog. Kinabukasan, nakita ng ilang testigo nang dalhin siya ng tatlong pulis sa isang eskinita malapit sa barangay outpost sa Navotas West kung saan siya muling pinagbubugbog. Nakita rin nila nang pilit siyang bigyan ng baril para makapanlaban daw.

Noong Abril 22 ay natagpuan na lamang ng kanyang mga kamag-anak ang bangkay ni De Antonio sa isang punerarya. Ayon sa upisyal na salaysay ng pulis, binaril siya ng isang PO1 Ronie de la Cruz at dalawa pa nitong kasamahan dahil nang-agaw daw ito ng baril.

Maniobra at pangangamkam ng lupain sa Palawan



Naglunsad ng isang fact-finding and solidarity mission noong Abril 5-7 ang mga progresibong organisasyon, institusyon at grupong simbahan kaugnay sa banta ng pagpapalayas sa mga mamamayan ng Taytay, Palawan. Ang Taytay ay isa sa pangunahing bayang panturista sa Palawan.

Pinamunuan ng Katipunan ng Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan (KASAMA-TK) at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang nasabing aktibidad. Dumalo rin ang mga kinatawan ng National Council of Churches of the Philippines, Asian Peasant Coalition at si Rep. Rafael Mariano ng Partidong Anakpawis. Mayroon ding delegado ang iba't ibang sektor mula sa Palawan at Metro Manila. Naglunsad din sila ng misyong medikal at relief operations na pinakinabangan ng may 300 pamilya.

Napag-alaman na ang mga mamamayan sa bayan ng Taytay ay pinalalayas dahil sa programang isinusulong ng lokal na pamahalaan at Pujalte Estate kasabwat ang Guevent Industrial Development Corporation (GIDC), isang kilalang real es- tate developer.

Aabot sa 4,000 pamilya ang napipintong palayasin at mawawalan ng hanapbuhay sa kumbersyon ng mahigit 1,265 ektaryang lupain para sa residensyal at komersyal na gamit at sa eko-turismo. Napipinto ring mawalan ng kabuhayan ang karamihan ng mga mamamayan ng Taytay dahil pagtatanim ang kanilang pangunahing hanapbuhay.

Ang Pujalte Estate na pagmamay-ari ni Joyce Pujalte Dwyer ang unang nangamkam sa lupain ng Taytay. Taong 1935 pa lamang ay itinayo ang kumpanyang Pujalte Lumber Company (PLC) para sa pagtrotroso. Ito ang kumalbo sa yamang kagubatan ng bayan. Nang tumigil ang operasyon noong 1985 at isinalin sa mga magsasaka ang pamamahala sa lupa batay sa isang kautusan ng gubyerno ng Pilipinas, unti-unting nagmaniobra si Atty. Daniel Romana, administrador ng PLC, para makuhang muli ang lupa mula sa mga magbubukid. Nagsampa siya ng samutsaring petisyon para pawalang-bisa ang pag-aari ng mga magsasaka. Nagpanggap pa siyang kumakatawan sa interes ng mga magsasaka. Kasabwat naman ang lokal na pamahalaan at Department of Agrarian Reform (DAR), pinawalang-bisa nila ang pag-aari ng mga magsasaka noong 1997 at inilagay muli ang lupa sa kontrol ng PLC. Taong 2002 ay ibinenta ng Pujalte Estate sa GIDC ang kanilang pag-aari at sinimulang bakuran ito. Ngayon ay unti-unti nang itinatayo ang ilang pook para sa turismo at paglaon ay mga lugar naman para sa komersyal na gamit ang itatayo.

Malinaw na walang plano para sa tunay na repormang agraryo ang lokal na pamahalaan at ang DAR. Bagkus ay kasabwat pa sila ng mga panginoong maylupa at dambuhalang korporasyon para sistematikong ma-kamkam ang lupa. Inutil ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) para pangalagaan ang interes ng mga magsasaka. Sa halip, ibayong pinatitindi ng CARPER ang pyudal na pagsasamantala sa kanayunan at ang paghihirap ng mga magsasaka.

Imbes na matakot ang mga residente, natuto silang lumaban at igiit ang kanilang karapatan sa lupa. Noong 2007 ay binunot ng mga magsasaka ang bakod ng GIDC. Naglunsad din sila ng mga protesta sa sentrong bayan. Kahit na kinasuhan ang mga lider at tinangkang hatiin ang kanilang hanay, hindi sila nagpatinag at sa halip ay itinataas nila ang antas ng kanilang pakikibaka at pagkakaisa. Nakipagtulungan sila sa mga progresibong grupo para itayo sa bawat baryong saklaw ang mga organisasyong masang magkokonsolida sa kanilang hanay. Itinayo nila ang mga organisasyon tulad ng Pinagkaisang Lakas ng mga Okupante, Residente, Manggagawa at Magsasaka sa Taytay (PLORMM) at Samahan ng mga Mamamayang Beneficiaries sa Taytay na siya ngayong namumuno sa kanilang laban.

Ang bayan ng Taytay ay isa sa mga ipinagmamalaking lugar panturista ng Palawan. Saklaw nito ang 1,390 ektaryang lupain at binubuo ng 31 barangay. Hitik ito sa likas na yaman, kabilang ang bahagi ng Palawan Marine Sanctuary.

Sa ngayon, target na gawing syudad ang bayan na ito. Nais magtayo rito ng mga negosyo ang mga pribadong kumpanya at gawin itong urbanisado hindi para sa kapakanan ng mga mamamayan kundi para sa mga dayuhan at lokal na naghaharing uri.

Paglulubid ng buhangin sa Oplan Bayanihan



Malaking bahagi ng kontra-rebolusyonaryong kampanyang Oplan Bayanihan ng AFP ang kampanyang disimpormasyon at saywar. Alinsunod dito, tahasang naglulubid ng buhangin ang mga tagapagsalita ng AFP para pagmkhaing "maka-kapayapaan" ang militar at pulis at pagtakpan ang kanilang mga pasistang krimen at mga kabiguan sa larangan ng digmaan. Gayunpaman, sa malao't madali ay nalalantad ang mga kasinungalingan ng militar at nagkakandabuhol-buhol ang dila ng mga pasistang tagapagsalita. Kabilang ang sumusunod sa ilang tampok na halimbawa.

Kasinungalingan: Ayon sa AFP, ang syentistang si Leonardo Co at ang dalawa niyang ka-samahan ay napatay sa "palitan ng putok" ng mga pwersa ng 19th IB at isang yunit ng BHB noong Nobyembre 15, 2010 sa kagubatan ng Kananga, Leyte.

Katotohanan: Walang labanang naganap sa pagitan ng BHB at AFP noong Nobyembre 15, 2010 sa Kananga, Leyte. Katunayan, walang yunit ng BHB sa lugar noong araw na iyon. Si Co at mga kasamahan niyang sina Sofronio Cortez at Julius Borromeo ay nangunguha noon ng mga sample ng mga puno sa kagubatan nang paputukan ng mga elemento ng 19th IB nang mapagkamalan silang mga kasapi ng BHB.

Kasinungalingan: Apat na kagawad diumano ng BHB na nagholdap daw ng bus ang na-patay ng mga sundalo nang harangin nila ang bus sa isang tsekpoynt sa Catanauan, Quezon noong Disyembre 1, 2010.

Katotohanan: Hindi mga kagawad ng BHB kundi mga sibilyan ang napatay ng mga tauhan ng 74th IB nang harangin nila at ratratin ang bus na hinoldap habang may mga nakasakay pang mga pasahero ito. Kabilang sa mga napatay ang konduktor ng bus at isang guro.

Kasinungali-ngan: Pinalabas ng mga tagapagsalita ng 10th ID-PA na ang mga sundalong ti-nambangan ng BHB sa Barangay Kingking, Pantukan sa Compostela Valley noong Mayo 4 ay bahagi ng mga sundalong nagsasagawa ng search and rescue operation.

Katotohanan: Ang mga tropa ng 71st IB ay naglulunsad ng mga operasyong pangkombat laban sa BHB nang tambangan ng mga Pulang mandirigma. Katunayan, tatlong kolum ng mga armadong sundalo ang ipi-nakat sa operasyong ito. Pina-labas lamang na sangkot ang mga ito sa operasyong search and rescue upang makuha ang simpatya ng publiko.

Kasinungalingan: Ayon sa 303rd ID, ilang Pulang mandirigma ng BHB ang napatay matapos maganap ang misencounter sa pagitan ng dalawang yunit ng BHB sa Calatrava, Negros Occidental noong Enero 28.

Katotohanan: Ang AFP ang nagka-misencounter. Labinlimang sundalong kabilang sa 303rd Brigade ang napatay ma-tapos magpalitan ng putok ang kanilang mga yunit. Bago ito, limang sundalo ang napatay matapos sila tambangan ng isang yunit ng BHB. Isang mandirigma ang nasawi bago nakaatras ang yunit.

Kasinungalingan: Ayon sa 9th ID, napatay nila ang isang Rodel/Elmer Estrellado na anila'y isang mataas na lider ng BHB sa isa umanong engkwentro sa pa-gitan ng AFP at BHB sa Bato, Camarines Sur noong alas-6 ng umaga ng Pebrero 25.

Katotohanan: Si Estrellado ay dinukot ng mga armadong ahente noong alas-9 ng umaga ng Pebrero 25 sa kanyang ta-hanan sa Barangay 3, Malilipot Albay. Pilit na isinakay sa isang sasakyan si Estrellado at natagpuan ang bangkay nito sa Buluang, Bato, Camarines Sur noong araw ding iyon.

Kasinungalingan: Isa diumanong batang babae ang namatay nang tamaan ng bala sa pagpapalitan ng putok sa pagitan ng AFP at BHB noong Marso 10, 2011 sa Sityo Balinsasayaw, Barangay Sta. Fe, Mandaon, Masbate.

Katotohanan: Ang batang babae ay napatay matapos paulanan ng bala ng mga sundalo ng 9th ID ang bahay ng pa-milyang Amaro.

Kasinungalingan: Ayon sa pahayag ng 56th IB, anim na Pulang mandirigma at isang sundalo ang napatay sa isang eng-kwentro sa pagitan ng AFP at BHB sa San Jose del Monte, Bulacan noong Abril 26.

Katotohanan: Nilusob ng mga sundalo ang isang pangkat ng mga mandirigma at nagpaputok kahit malapit sa bahayan. Kaagad lumayo ang yunit ng BHB upang walang madamay na sibilyan habang selektibong nagpapaputok laban sa mga sundalo. Isang Corporal Reyes ang napatay at tatlong sundalo pa ang nasugatan bago makaatras ang mga kasama. Taliwas sa ipinakita ng BHB, nagpaulan ng putok ang mga sundalo sa mga bahayan na nagresulta sa pagkasugat ng residenteng si Lanie Mendoza at dalawa niyang anak. Kasunod nito, iligal na inaresto at idinetine ang dating konsehal ng barangay na si Carlito Mendoza at buong kamag-anakan nila na nakatira malapit sa lugar ng labanan.

Kasinungalingan: Sa isang pahayag sa midya, inianunsyo ng tagapagsalita ng PNP na si Chief Supt. Agrimero Cruz na walong kasapi ng BHB ang napatay ng PNP sa Rizal, Nueva Ecija noong Mayo 13.

Katotohanan: Walang naganap na labanan sa pagitan ng pulis at BHB. Ang walong napatay ay pinaniniwalaang kabilang sa Red Vigilante Group, isang sindikatong kriminal na hawak ng matataas na upisyal ng PNP at militar. Binubuo ito ng mga kriminal na labas-masok sa kulungan at sangkot sa maraming kaso ng gun-for-hire, pagnanakaw, pangingikil at iba pang mga krimen.

Kasinungalingan: Nitong Marso 5, inakusahan ng PNP na sangkot ang BHB sa pagsusunog ng dalawang bus ng Silver Star Bus Liner sa Almeria, Biliran noong Marso 5 at pagpatay sa dalawang drayber nito.

Katotohanan: Walang kinalaman ang BHB sa panununog ng bus sa Biliran. Wala ni katiting na ebidensyang ipinakita ang PNP para suportahan ang kanilang akusasyon laban sa BHB. Nagpapalaganap lamang ang PNP ng disimpormasyon upang pagtakpan ang mga kabiguan nito sa matagumpay na ambus ng BHB noong Pebrero 26 sa Arteche, Eastern Samar.

Kasinungalingan: Pinalabas ng mga upisyal ng pulis sa Panabo City na dalawang maliliit na kriminal na naging kasapi diumano ng BHB ang kanilang inaresto nitong ikalawang linggo ng Abril.

Katotohanan: Hindi mga kasapi ng BHB kundi mga sibilyan sina Toto Ancahas at Gerald Robles, na kapwa inaresto at pinahirapan ng pulis ng Panabo. Si Robles ay pansamantalang nakalaya mula sa pagkakakulong sa Davao Penal Colony. Nagalit sa kanya ang mga pulis matapos siya tumangging sumali sa isang sindikato sa droga at ekstorsyon na binubuo ng pulis. Si Ancahas naman ay isinama sa listahan ng mga "wanted" ng PNP matapos siyang maghatid ng pyansa para sa pamilya ng apat na kasapi ng BHB na inaresto noong 2009.

Mga kolehiyo at unibersidad, magtataas ng matrikula



Mahigit 15% o 282 ng kabuuang 1,792 unibersidad at kolehiyo sa Pilipinas ang magtataas ng matrikula sa pagbubukas ng klase nitong Hunyo. Dagdag na naman ito sa sakit ng ulo ng mga estudyante at kanilang mga magulang. Tumaas din nang 5% ang presyo ng mga gamit pang-eskwelahan ilang linggo bago ang pasukan.

Noong Mayo 13, inianunsyo ng Commission on Higher Education (CHEd) na 69 na pribadong kolehiyo at unibersidad mula sa National Capital Region (NCR) ang magtataas ng matrikula ngayong pasukan. Ang pagtaas sa matrikula ay mula 3.5% hanggang 12%.

Pinakamataas ang umento sa St. Luke's College of Medicine (12%). Limang porsyento (5%) naman ang itataas ng University of the East-College of Medicine, Ateneo de Manila University, Ateneo Graduate School of Business, Miriam College, Assumption College at OB Montessori. Magtataas naman nang 4.35% ang University of the East-Manila; 3.75% ang University of Santo Tomas; at 3.5% ang De La Salle University.

Mayroon ding pagtaas sa ibang mga lugar sa bansa. Tumaas nang 12% ang matrikula sa Baguio Central University; sa St. Louis University, 5% sa matrikula at sa miscellaneous fees; Ateneo de Cagayan, 5%; at Ateneo de Davao, 6.99%. Ilang State Universities and Colleges (SUC) naman ang nagtaas din ng matrikula at iba pang bayarin tulad ng Pangasinan State University, 30% (P130 tungong P170 per unit); Technological University of the Philippines, 9.6%; Univ. of Mindanao 8.5%; at University of the Philippines-Mindanao na nagtaas ng P250 sa bayad sa Physical Education. Sa Western Visayas, 24 eskwelahan ang magtataas ng twisyon sa abereyds na 14.92% kung saan tatlo ay pampublikong kolehiyo.

Dahil sa taun-taong pagtaas ng matrikula, tinatayang dumoble na ito kumpara noong 2001. Walo naman sa bawat sampung nagtapos sa hayskul ang hindi makararating sa kolehiyo dahil sa taas ng mga bayarin, ayon na mismo sa CHEd.

Dahil dito, lalong iginiit ng Kabataan Party ang House Bill 3708 na nagtatakda ng tatlong taong pagtigil sa lahat ng pagtaas ng matrikula sa lahat ng paaralan. Hiniling din nito na ibasura ang CHEd Memorandum No. 13 at Education Act of 1982 na nagbigay-daan sa walang awat na pagtaas ng mga bayarin sa eskwelahan.

Negros Occidental, naparalisa ng tigil-pasada




Naparalisa ang 90% ng pampublikong transportasyon sa Negros Occidental bunsod ng dalawang araw na welga sa transportasyon noong Mayo 17 at 18.

Pinamunuan ng United Negros Drivers and Operators Center (UNDOC) ang kilos-protesta na inilunsad nila para mariing ipadama ang kanilang reklamo sa di pangkaraniwang pagkakaiba sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Negros Occidental. Mas mataas nang P4 hanggang P5 kada litro ang mga presyo ng krudo, gasolina, gaas at liquefied petroleum gas (LPG) sa Negros kumpara sa Kamaynilaan.

Sinuportahan ang kilos-protesta ng mga progresibong organisasyon. Nagtatag ng "rally centers" sa mga estratehikong lugar ang mga estudyante. Todo suporta rin sa welgang ito ang dalawang grupo ng mga negosyante--ang Bacolod Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry (BFCCCI) at Metro Bacolod Chamber of Commerce and Industry (MBCCI).

Ang tigil-pasada ay paghahanda sa mas malaking koordinadong pagkilos sa darating na mga araw.

PKP, nakiramay sa pagkamatay ni Chit Estella




Nakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa pagkamatay ni Lourdes Estella-Simbulan, na mas nakilala sa mundo ng masmidya bilang Chit Estella. Namatay siya noong gabi ng Mayo 13 sa isang aksidente sa Quezon City.

Bumuhos ang mga parangal kay Estella sa kanyang pagkamatay. Anang PKP, si Estella ay nagsilbing isa sa mga balwarte ng patriyotiko at kritikal na pamamahayag.

Kabilang si Estella sa mga tagapagtatag ng Philippine Center for Investigative Journalism at VERA Files. Bago siya mamatay ay may ilang taon na rin siyang propesor ng pamamahayag sa UP College of Journalism.

Tampok sa kanyang kasaysayan ang matatag niyang paninindigan laban sa mga anomalya ng rehimeng Estrada. Siya ang namatnugot sa Pinoy Times na tumutok sa paglalabas ng mga artikulong kritikal kay Estrada. Bago ito, nagbitiw si Estella bilang managing editor ng Manila Times matapos maglabas ng paumanhin ang may-ari ng pahayagan kay Estrada bunga ng banta nitong kasuhan at ipasara ang Manila Times.

Nagsimula si Estella bilang estudyanteng aktibista sa UP Diliman noong dekada 1970. Naging presidente siya ng UP Journalism Club at ng Youth for Social Action Council, na kapwa aktibo laban sa diktadurang Marcos. Nang magtapos siya sa UP, naging manunulat siya sa pahayagan ng National Secretariat for Social Action (NASSA).

11 pulis, napatay sa India



Umabot sa 11 pulis ang napatay at 15 ang nasugatan matapos sila ambusin ng mga gerilyang Maoista sa India sa ilalim ng Communist Party of India-Maoist (CPI-M).

Naganap ang ambus sa Lohardaga District sa estado ng Jharkland noong Mayo 3. Sasalakay sana ang mga pulis at paramilitar dahil sa napabalitang pagtatayo ng kampo ng mga gerilya sa magubat na bahagi ng Dhardaria. Sa halip na sila ang sumalakay ay biglang nahulog sa patibong ang mga pulis na naunang pumunta sa lugar nang pasabugan sila ng bomba ng mga gerilya. Matapos ito ay pinaulanan sila ng bala. Anim na elemento ng Central Reserve Police Force (CRPF) ang agarang napatay sa unang bugso ng ambus.

Panibagong kaso, isinampa laban kay dating Ombudsman Gutierrez



Naiwasan ni dating Ombuds-man Merceditas Gutierrez ang nakatakdang paglilitis ng Senado sa kasong impeachment laban sa kanya nang magbitiw siya sa pwesto. Ngunit hindi niya naiwasan ang kasong katiwalian at iba pang mga krimeng inireklamo ng partidong Anakpawis, National Union of People's Lawyers, Kilusang Magbubukid ng Pilipinas at iba pang mga samahan ng magbubukid. Noong Mayo 9, nagtungo sa Department of Justice ang mga lider ng nasabing mga grupo at kinasuhan si Gutierrez ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, pagharang sa hustisya at perjury kaugnay ng P728 milyong Fertilizer Fund.

Maaalalang binuo noong 2004 ang Task Force Abono para imbestigahan ang inireklamong katiwalian kaugnay ng Fertilizer Fund kung saan ginamit ni Gloria Arroyo noong 2004 ang pondong dapat ipinambili ng abono para sa mga magsasaka para sa kanyang kampanya sa pagkapangulo. Bunga nito, inirekomenda ng Task Force Abono na kasuhan sina Jocelyn "Joc-joc" Bolante (noo'y Undersecretary of Agriculture) at iba pang nasangkot na personahe.