Ang Bayan: 9th Special Forces, tinambangan sa ComVal

Ang Bayan
June 21, 2011

9th Special Forces, tinambangan sa ComVal
Download PDF here

Tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng Davao-Agusan Command ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Mindanao Region ang mga sundalo ng 9th Special Forces Company noong umaga ng Hunyo 7 sa Barangay Belmonte, Laak, Compostela Valley. Nagtamo ang kaaway ng anim na kaswalti—dalawang patay at apat na sugatan.

Naganap ang ambus ng BHB habang walang tigil ang mahigit isang linggo nang operasyong pangkombat ng 10th ID sa mga barangay ng Laak tulad ng Enakayan, Mabuhay, Belmonte, Andap, Ampawid, Milale, New Bethlehem at Datu Dabaw.

Sa desperasyong matabunan ang kabiguang militar, kaagad-agad na ipinahayag ni Lt. Col. Lyndon Paniza, tagapagsalita ng 10th ID, na ang tinambangang yunit ay mga eskort ng mga tauhan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at bahagi ng "anti-illegal logging task force."

Ngunit ayon kay Ka Boyet Makatindog, tagapagsalita ng Davao-Agusan Command ng BHB, ang mga pwersa ng 3rd Special Forces Battalion ay hindi bahagi ng "anti-logging task force" kundi mga dagdag na pwersang panaklolo laban sa inilunsad na operasyong harasment ng BHB noong Hunyo 6 sa Kilometer 16, Barangay Datu Dabaw sa Laak. Nakasakay sila sa isang KM 450 trak ng AFP nang tambangan ng BHB.

Para makakuha ng simpatya sa publiko, pinalalabas ni Lieutenant Colonel Paniza na ang BHB ang siyang nagbibigay-proteksyon sa mga iligal na magtotroso. Ngunit alam na alam ng mamamayan na ang nag-oopereyt na malalaking "illegal loggers" tulad ng "Big 4" ay may proteksyon ng isang heneral ng AFP at kakutsaba ng Philippine Army at Philippine National Police. Sa katunayan, nagkakarga ng bagong putol na mga troso ang mga tauhan ng "Big 4" malapit mismo sa hedkwarters ng 9th Special Forces Company, at sa harapan mismo ng 60th IB HQ sa Doña Andrea, Asuncion, Davao del Norte.


Download PDF here