Ang Bayan: Mga kasinungalingan ng militar, pinabulaanan ng NDF-Negros

Ang Bayan
June 21, 2011

Mga kasinungalingan ng militar, pinabulaanan ng NDF-Negros
Download PDF here

Pinabulaanan ng National Democratic Front sa Negros ang gawa-gawang mga kwento na walang sawang inihahasik ng mga tagapagsalita ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army, partikular ng 302nd at 303rd Brigade.

Ayon kay Ka Frank Fernandez, tagapagsalita ng NDF-Negros, pawang mga kasinungalingan ang mga pinagsasabi nina Col. Jonas Sumagaysay, Lt. Col. Gubat, Sgt. Batoy Imbang at iba pang militar na eksperto sa saywar tungkol sa mga engkwentro at iba pang kababalaghang pangyayari. Ang bulaang mga kwentong ito ay nakabatay sa direktiba ng AFP General Headquarters sa lahat nitong mga area command sa buong bansa kaugnay ng pagpapalakas ng engrandeng opensibang saywar bilang mahalagang sangkap ng Oplan Bayanihan.

Halimbawa nito ang sinasabi ng mga upisyal sa saywar ng 3rd ID na lima ang napatay at siyam pa ang nasugatan sa panig ng BHB bunsod ng isang engkwentro sa pagitan ng militar at BHB noong Abril 14 sa Sityo Dugma, Barangay Malatas, Calatrava, Negros Occidental.

Kabaligtaran ito ng totoong pangyayari. Ayon sa ulat ng Roselyn Pelle Command ng BHB, sinalakay ng mga Pulang mandirigma ang 15 sundalo ng 60th IB na nagpapahinga noon sa isang kubo. Pagod na pagod silang nagmula sa "clearing operations" kaya hindi nila napansin ang papalapit na mga pwersa ng BHB. Sa unang bugso ng mga putok ay apat kaagad ang napatay sa mga sundalo at marami pang iba ang nasugatan. Nagsitakbuhan na lamang ang iba pang militar.

Nadagdagan pa ang mga kabiguang militar na ito noong Mayo 3 nang mapatay ang kumander ng 2nd Scout Ranger Company na si Capt. Ariel Montenegro at isa pang sundalo nito sa pakikipaglaban sa BHB sa Sityo Avocado, Barangay Talalac, Sta. Catalina, Negros Oriental. Plano sanang kubkubin ng Scout Rangers ang pansamantalang nakahimpil na mga Pulang mandirigma ngunit naagaw ng BHB ang inisyatibang militar. Ayon sa Mt. Talinis Command ng BHB, napilitan lamang na aminin ng mga upisyal ng militar ang kanilang kabiguan dahil natunugan na ito ng midya.

Ayon sa NDF-Negros, ang mga kasinungalingang ito ay pagpapatupad ng patakaran ng Philippine Army na itago hangga't maaari sa midya ang kanilang mga kaswalti sa labanan.

Gayunpaman, para makabawi, sinabi ng mga eksperto sa saywar na marami rin umanong nasugatan sa bahagi ng BHB. Dagdag dito, nagpakulo sila ng di kapani-paniwalang kwento na may hinalay umano ang isang "Ka Demlan" na isang menor-de-edad na babaeng Pulang mandirigma.

Download PDF here