Ang Bayan: Pandarahas sa mga mamamahayag, tumitindi

Ang Bayan
June 21, 2011

Pandarahas sa mga mamamahayag, tumitindi
Download PDF here

Nagpapatung-patong na ang mga kaso ng karahasan sa mga mamamahayag sa ilalim ng rehimen ni Benigno Aquino III. Pinakahuling biktima si Romeo Olea, 49 anyos, brodkaster ng dwEB sa Camarines Sur. Si Olea ay pinagbabaril habang papunta sa istasyon ng radyo sa bayan ng Nabua noong umaga ng Hunyo 13.

Kilala siya sa kanyang maririing pagbatikos sa kabulukan, katiwalian at karahasan ng estado. Si Olea ang ika-anim nang mamamahayag na pinaslang sa ilalim ng rehimeng Aquino, at ikatlo na ngayong 2011.

Bukod kay Olea, kabilang din sa mga biktimang mamamahayag sa Bicol si Mike Belen, brodkaster din ng dwEB na pinaslang noong 2010. Si Arnel Eclarinal naman ng GMA-7 ay pinagbubugbog sa Pili, Camarines Sur noong Mayo ni Maj. Sesenando Magbalot ng 9th ID Training Unit. Ito ay matapos ibunyag ni Eclarinal ang bidyo ng pagtortyur sa mga bagong rekrut na militar.

Samantala, tatlo pang mamamahayag ang naging biktima ng harasment nitong Hunyo.

Si Jerome Tabanganay, brodkaster sa dzRK Radyo ng Bayan-Kalinga ay sinugod ni Gov. Jocel Baac sa istasyon, pinagbantaang papatayin at hinampas ng microphone sa bibig. Pinagtangkaan na rin ang buhay ni Tabanganay noong 2010 dahil sa kanyang pagbatikos sa pagbwelo ng jueteng sa Kalinga.

Sa Davao City, naglabas ng paid advertisement ang Customs Collectors Association of the Philippines laban kay Jeffrey Tupas, koresponsal ng Philippine Daily Inquirer dahil sa kanyang pagbubunyag sa kabiguan ng Davao Bureau of Customs na pigilan ang ismagling ng bigas.

Sa Cotabato City, nakatanggap ng sunud-sunod na pagbabanta sa kanyang buhay mula noong Mayo si Vern Simon, brodkaster ng dxMS. Noong Hunyo 1, pinasok ng mga sundalong galing sa yunit paniktik ng Marine Battalion Landing Team ang istasyon para hanapin si Simon at protektahan umano laban sa mga banta sa kanyang buhay.

----------------------------

Mga magsasaka, pinaputukan sa Bukidnon

Marahas na binuwag ng mga gwardya ng Central Mindanao University (CMU) sa Musuan, Maramag, Bukidnon ang piketlayn ng mga nagpoprotestang magsasaka sa tapat mismo ng paaralan nitong Hunyo 14. Pinaputukan at binaklas ang piketlayn ng Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL), isang alyansa ng mga magsasakang naggigiit ng kanilang karapatan sa malaon na nilang sinasakang lupa sa loob ng CMU. Tinamaan ng bala ang tatlong magsasakang sina Abelardo Jardin, Gregorio Santillan at Larry de Vera. Isinugod naman sa ospital sina Weni Loable, Jose Benemerito at Marilou Portin dahil sa malulubhang sugat na tinamo mula sa pananakit ng mga gwardya. Kinumpiska rin ng mga gwardya ang mga kagamitan ng mga magsasaka.

Ang mga magsasaka ay dating inupahan ng CMU para tamnan ng palay ang mahigit 3,000 ektaryang tiwangwang na lupa sa loob ng kampus. Matapos malugi ang CMU noong 1986, inupahan na lamang ng mga magsasaka ang lupa at ipinagpatuloy ang kanilang pagsasaka. Binuo nila noon ang Kilusang Sariling Sikap. Noong 1987, walong daang myembro ng Kilusang Sariling Sikap ang nagpetisyong masaklaw ng Compehensive Agrarian Reform Program (CARP). Ginawaran sila ng CLOA para sa 400 ektarya noong 1992. Subalit binawi ang CLOA noong 2002.

Matapos ito, nakipagkasundo ang CMU sa mga magsasaka na ipaupa ang lupa sa kanila sa halagang P4,000 bawat taon sa loob ng limang taon. Bahagi rin ng kasunduan ang pangako ng lokal na gubyerno na ihanap ng relokasyon ang mga magsasaka. Matapos ang maraming taon ay hindi natupad ang pangakong ito. Gusto ngayon silang itapon sa mga liblib na lugar na hindi angkop sa pagsasaka o kaya'y may problema sa "peace and order."

Ang tunay na dahilan ng pagmamadali ng CMU na palayasin ang mga magsasaka ay ang pagpasok ng Davao Agricultural Ventures Corporation (Davco), isang plantasyon ng pinya at saging. Bahagi ng pagmamaniobra ng CMU na agawin ang lupa ang papalaking presensya ng mga sundalo at pwersang paramilitar sa ilalim ng 8th IB, bukod sa mga pribadong gwardya ng CMU. Ilang kaso na ng harasment laban sa mga magsasaka ang naitala ng grupong Karapatan.

Para matiyak ang seguridad ng mga magsasaka, bumuo sila ng iskedyul ng pagsasaka. Nagtayo rin sila ng kampo sa tapat ng CMU. Dalawang linggo nang nakatayo ang kampong ito nang paputukan at buwagin ito ng mga gwardya.

Mariing kinundena ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas ang pananakit sa mga magsasaka. Nanawagan din ang Amihan, koalisyon ng mga grupo ng mga kababaihang magsasaka, na imbestigahan at arestuhin ang mga gwardya ng Chevron Security Agency na sangkot sa pamamaril, at kanselahin ang lisensya ng naturang ahensya. Iginiit nilang suspindihin ang presidente ng CMU para sa kanyang pananagutan sa nangyaring pandarahas. Higit sa lahat, ipinanawagan nila ang pagbasura sa Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) dahil sa kabiguan nitong protektahan ang interes ng mga magsasaka.

--------------------------------

Arroyo, idinemanda ng UCCP

Idinemanda ng United Council of Churches of the Philippines (UCCP) si Gloria Arroyo nitong Hunyo 16 kaugnay ng pagpaslang, pagdukot, pagtortyur at iba pang paglabag sa karapatang-tao ng mga manggagawa at lider ng UCCP. Ito ang kauna-unahang kaso kay Arroyo bilang commander-in-chief ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Labingwalong myembro ng UCCP ang pinaslang, isa ang dinukot at hindi pa natatagpuan, tatlo ang inambus at nasugatan at apat ang iligal na inaresto, idinetine at tinortyur sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Isinampa ang kaso ng mga kamag-anak ng lima sa mga pinaslang na pastor at lider ng UCCP at ni Pastor Berlin Guerrero, biktima ng iligal na pang-aaresto at tortyur.

Ang limang biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang ay sina Joel Baclao (Nobyembre 2004 sa Daraga, Albay); Edison Lapuz (Mayo 2005 sa Leyte); Raul Domingo (Agosto 2005 sa Palawan); Andy Pawican (Mayo 2006 sa Pantabangan, Nueva Ecija); at Noel Capulong (Mayo 2006 sa Calamba, Laguna). Si Guerrero naman ay dinukot noong Mayo 2007 sa BiƱan, Laguna ng Naval Intelligence Security Forces, tinortyur at isa't kalahating taong ikinulong.

Ayon sa UCCP, ang pamamaslang sa kanilang hanay ay nasa balangkas ng dating counterinsurgency program ni Arroyo na Oplan Bantay Laya (OBL) kung saan walang habas ang pang-aatake sa mga progresibong grupo ng demokratikong kilusang masa. Binansagan ng militar na prenteng organisasyon ng Partido Komunista ng Pilipinas ang UCCP, kaya isa ito sa mga tinarget ng OBL.

Humihingi ang UCCP kay Arroyo ng danyos perwisyos na hindi bababa sa P6 milyon; P500,000 para sa bawat kamag-anak ng anim na biktima; P500,000 para sa exemplary damages; P300,000 para kay Guerrero; P300,000 para sa mga gastos sa pagdinig sa kaso; at P300,000 para sa bayad ng abogado. Samantala, dininig ng Quezon City Regional Trial Court ang kaso ng anim sa mga myembro ng Morong 43 laban kina Arroyo at mga dati niyang upisyal militar. Ito ang unang naisampang kasong sibil laban kay Arroyo.

----------------------------------

Sibilyan, pinaslang ng militar sa Agusan del Sur

Isang inosenteng sibilyan ang pinatay ng mga sundalo sa Agusan del Sur at pinaratangang batang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Isa ring magsasaka ang iligal na inaresto sa North Cotabato habang laganap ang pang-aabusong militar sa Ifugao at Mountain Province.

Hunyo 9. Iligal na inaresto ang isang magsasaka sa Sityo Alimodian, Barangay Banayal, Tulunan, North Cotabato. Si Andres Amualla, 27 anyos, ay inakusahang nagtatago ng mga bala at eksplosibo sa kanyang sakahan. Inaresto siya ng mga elemento ng 68th IB.

Si Amualla ay nakababatang kapatid ni Dodong Amualla, na dinukot ng mga elemento ng 57th IB noong 2009 at hindi pa inililitaw hanggang ngayon. Kahit may ilang taon nang tumiwalag sa rebolusyonaryong kilusan si Andres Amualla at pormal pang sumuko sa meyor ng Tulunan noong 2010, hindi pa rin itinitigil ng militar ang panggigipit sa pamilya.

Mayo 29. Inambus at pinatay ng mga elemento ng 402nd Division Reconnaissance Coy (DRC) si Richard Paras, 20 anyos, isang sibilyang taga-Magkalatag, Padiay, Agusan del Sur. Pinalalabas ng militar na si Paras ay myembro ng BHB at 17 anyos lamang para pagmukhain itong batang mandirigma ng BHB. Bago ito, nakaengkwentro ng mga gerilya ng Front 21 ng BHB ang isang kolum ng 402nd DRC malapit sa lugar kung saan inambus si Paras. Ligtas na nakaatras ang lahat ng mga gerilya ng BHB bagamat nakaiwan sila ng dalawang riple. Nagulat na lamang sila nang ibalita sa radyo na isang Pulang mandirigma ang napatay daw sa naganap na engkwentro.

Huling linggo ng Mayo hanggang sa kasalukuyan. Hinalughog noong Mayo 26 ng mga nag-ooperasyong sundalo ang bahay ni Efren Ligudon, magsasakang taga-Nambazal, Kiling, Alfonso Lista, Ifugao. Labis ang naging takot ng apat na maliliit na anak ni Ligudon sa pangyayari. Nagsitago sila sa suluk-sulok ng kanilang kusina nang pasukin ng mga sundalo ang kanilang bahay. Noong Mayo 24, nilooban naman ng mga elemento ng 5th ID ang bahay ni Lino Asote sa parehong barangay sa pamamagitan ng pagwasak sa isang bintana. Ninakawan siya ng isang itak, isang bote ng mantika at ilang kilo ng nganga. Sinamantala ng militar ang pagsama nina Asote at iba pang kapitbahay sa detatsment nang arestuhin at dalhin doon ng mga sundalo ang kababaryo nilang si Delfin Uschung at dalawa nitong pamangkin.

Ang nag-ooperasyong mga sundalo sa Alfonso Lista ay bahagi ng mas malaking grupo ng mga sundalong nananalasa hanggang sa silangang bahagi ng Mountain Province. Sa kalapit na barangay ng Botigue, Paracelis, Mountain Province, ginagamit na detatsment ng militar ang Senior Citizen's Hall. Tinitiktikan din at sinusundan ang mga pinaghihinalaang tagasuporta ng BHB. Naiulat din ang tangkang pagdukot sa isang babae sa Banga, Kiling; ang sapilitang pag-ani ng mga sundalo ng sitaw at iba pang tanim na gulay ng masa; at pagkamatay ng isang alagang biik ng masa nang sipain ito ng isang sundalo.

Download PDF here