Balita: Mapaniil na ordinansa sa Leyte, binatikos

Ang Bayan
June 21, 2011

Mapaniil na ordinansa sa Leyte, binatikos
Download PDF here

Mariing binatikos ng Katungod-Sinirangan Bisayas (Katungod-SB) ang isang ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan ng Leyte na nagbabawal sa mga grupong sibilyan na magdaos ng mga aktibidad sa prubinsya nang walang pahintulot sa gobernador. Bukod sa gobernador, dapat ding magpaalam sa iba pang mga upisyal, tulad ng hepe ng pulisya at kapitan ng barangay na pagdarausan ng aktibidad.

Saklaw ng Sangguniang Panlalawigan Ordinance 2011-02 ang mga sibilyang grupo, non-government organizations at organisasyong masa na magbibigay ng serbisyong pangkomunidad, mananaliksik, magpapatupad ng programang pangkaunlaran, magliliwaliw at maglulunsad ng mga fact-finding mission. Subalit hindi nito pinagbabawalan ang militar na galugarin ang anumang lugar sa Leyte. Mumultahan ng `1,000 hanggang `5,000 o ikukulong nang isa hanggang anim na buwan ang sinumang lalabag sa ordinansa.

Ayon sa Sangguniang Panlalawigan, ipinasa ang ordinansa para hindi na maulit ang mga kaso tulad ng pagkakapaslang sa syentistang si Leonardo Co noong Nobyembre 2010. Subalit ayon sa Katugod-SB, malinaw na pagtatangka itong pigilin ang imbestigasyon at pagtakpan ang pananagutan ng 19th IB sa naturang krimen. Bahagi rin ito ng tunguhin ng Oplan Bayanihan na palakasin ang papel ng mga lokal na sangay ng reaksyunaryong gubyerno sa counterinsurgency.

Nauna rito, isang katulad na ordinansa ang ipinasa rin sa Negros matapos ito itulak ng 3rd ID.

-----------------------------

Cadapan at Empeño, ipinag-utos na palayain

Ipinag-utos ng Korte Suprema ang pagpapalaya ng militar kina Sherlyn Cadapan at Karen Empeño, mga aktibistang estudyante mula sa University of the Philippines at kasama nilang magsasakang si Manuel Merino. Ayon sa korte, dapat kagyat na ipatupad ng 7th ID at 24th IB ang kautusan ng Court of Appeals noong 2008 na palayain ang tatlo.

Sina Cadapan, Empeño at Merino ay dinukot ng mga tauhan ni Gen. Jovito Palparan noong 2006 sa Hagonoy, Bulacan. Sumailalim sila sa matinding tortyur sa iba’t ibang kampo militar.

------------------------------

7 aktibista, inaresto

Pitong aktibista ang inaresto ng mga pulis matapos maglunsad ng raling iglap sa Laguna. Lima sa kanila ay estudyante ng University of the Philippines-Los Baños at dalawa ay myembro ng Anakpawis-Southern Tagalog.

Naglunsad sila ng protesta nang pasinayaan ni Benigno Aquino III ang isang rebulto ni Dr. Jose Rizal sa Calamba City. Sinampahan ng kasong alarm and grave scandal ang mga aktibista at pansamantalang idinetine sa Calamba City Hall.

--------------------------------

Desisyon sa Hacienda Luisita, ipinagpaliban ng Korte Suprema

Hindi nakapaglabas ng desisyon ang Korte Suprema noong Hunyo 14 kaugnay ng petisyon ng United Luisita Workers Union (ULWU) na pawalambisa na ang Stock Distribution Option (SDO) sa asyenda at ipamahagi na ang lupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Hindi bumoto ang mga mahistrado dahil apat sa kanila ang nagkaroon ng magkaibang opinyon sa kaso ng HLI. Itinakda muli ang pagboto sa Hunyo 21.

Dismayado ang mga magsasaka ng Hacienda Luisita sa naging aksyon ng korte. Ani ni Lito Bais, tagapangulo ng ULWU, ang hindi paglabas ng desisyon ng Korte Suprema ay katumbas ng patuloy na paghihirap ng mga manggagawang bukid at magbibigay ng oportunidad sa pamilyang Cojuangco-Aquino na makapagmaniobra.

Dagdag pa ni Bais, anim na taon nang naghihintay ng desisyon ang mga manggagawang bukid. Kailangan nang ipamahagi ang lupa sa kanila matapos nila itong ipaglaban sa mahabang panahon. Humantong pa ang kanilang pakikibaka sa madugong masaker anim na taon na ang nakararaan.

Sinabi naman ni Danilo Ramos, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na gumagawa ng panibagong maniobra ang pamilyang Cojuangco-Aquino sa pamamagitan ng isa na namang reperendum. Sa pamamagitan ng reperendum na ito ay maaring hindi na naman makansela ang SDO lalupat wala pang desisyon ang korte. Dahil dito, ipagpapatuloy pa rin ng mga manggagawang bukid ang pagbubungkal ng lupa ng asyenda kahit wala pang desisyon ang korte.

Download PDF here