Engkwentro sa Palanas Guinobatan, Albay

Florante Orobia
Santos Binamera Command, BHB-Albay
Hunyo 22, 2011

Bandang alas 9:50 ng umaga, Hunyo 15, 2011 napa-engkwentro ang naglalakad na team ng BHB sa hindi bababa sa 20 elemento ng 2nd IB – Philippine Army na nakahimpil sa isang bahay sa sitio Bantonan, Palanas Guinobatan Albay. Nasa proseso ng pagmamaniobra ang mga kasama dahil sa ilinunsad na strike operation ng tatlong kolum ng militar sa nasabing lugar, ngunit nadaanan nila ang isang kolum ng militar na nagtatago sa bahay ni Salvador Nora kaya nagkaroon ng labanan. Umabot sa 15 minutos ang palitan ng putok.

Sa unang bugso ng putok, tatlo kaagad ang namatay sa panig ng 2nd IB-PA. Kitang kita ng kasama ang pagbulagta ng tatlong elemento ng militar dahil halos pitong metro lamang ang kanilang pagitan. Pinatunayan din ito ng mga masa na nakakita at kinatulong ng militar upang ilabas ang mga bangkay mula sa encounter site. Gumamit din ang militar ng dalawang magkahiwalay na ruta sa paglabas ng kanilang casualties upang itago ang pangyayari.

Ang isang patay at isang sugatan na Cafgu (Roberto Olejena at a certain Medallada) ay idinaan sa bahaging Gumian ng Guinobatan at ang dalawa pang patay na elemento ng Phil Army ay idinaan sa Quinartilan, Camalig Albay. Kinumpirma rin ng mga puneraryang pinagdalhan ng mga bangkay ang nasabing bilang. Tatlong araw matapos ang labanan may isa pang nangangamoy na bangkay ng elemento ng Phil Army ang nakuha sa may ilog malapit sa encounter site, tinamaan ito sa labanan at napahiwalay sa kanilang tropa. Kaya apat ang kabuuang bilang ng namatay sa panig ng militar at isang Cafgu ang sugatan. Pilit na itinatago ng militar ang mga nasawi sa kanilang hanay at pinalabas sa media na isang CAFGU lamang ang namatay, at may isang nasugatan.

Isang Pulang Mandirigma ang namartir sa labanan. Si Kasamang Joel Acabado (Ka Reming) ay tinamaan sa paa kaya nahirapan itong imaniobra ang sarili. Sinikap ng mga kasama na kunin si Ka Reming upang mailayo sa encounter site, at upang lapatan agad ng paunang lunas, ngunit nahirapan dahil siya ay nasa alanganing pusisyon at pinupokusan ng putok ng militar.

Natagpuang buhay si Ka Reming ng mga militar, subalit binaril ito ng malapitan hanggang mamatay. Hindi iginalang ng reaksyunaryong militar ang karapatan ni Ka Reming sa ilalim ng mga batas sa digmaan (tulad ng CARHIHL) bilang hors de combat na wala nang kakayahang lumaban. Sa ilalim ng batas ng digma, tungkulin ng magkabilang panig na gamutin o bigyan ng paunang lunas ang sinumang sugatan at wala nang kakayahang lumaban.

Taliwas sa kasinungalingan ni Col. Arthur Ang ng 2nd IB – PA, ang bawat iskwad ng BHB ay may Medical Officer o MO na nagtreyning sa gawaing medikal. Katunayan, regular ang paglulunsad ng mga medical at dental mission ng bawat yunit ng BHB sa kani-kanilang kinikilusang lugar. Binibigyan ng libreng serbisyong medikal ang mamamayan, na madalang makakita ng doktor at makahingi ng libreng gamot sa mga health center dahil sa kapabayaan ng reaksyunaryong gobyerno.

Matapos ang encounter, tinambakan ng tropa ng 2nd IB–PA ang Brgy. Palanas at mga kalapit baryo para umano maglunsad ng pursuit operation laban sa BHB, subalit ang mga sibilyan sa sitio Bantonan ang pinagbuntunan nito ng galit.

Sapilitang hinalughog ang ilang kabahayan, hinaras at may ilang binugbog. Si Salvador Nora ay binusalan ng tela sa bibig habang binalot ng plastic sa ulo, at binubogbog sa bawat tanong at pagpapaamin na ginawa ng militar. Sapilitang ipinaamin kay Salvador Nora (59 taong gulang na magsasaka) na siya ang gumawa at nagmamay-ari ng Command Detonated Explosive na nakuha ng militar.

Binugbog din si Catalino Pajarillo (53 taong gulang na magsasaka) at sapilitang ipinaamin ang pagmamay-ari sa kalibre .38 rebolber. Sapilitang hinalughog ang bahay nina Marites Opeńa, Salvador Nora at Catalino Pajarillo.

Patuloy na nalalantad ang maskara ng Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino bilang mabangis na lobo na nagpapangap na maamong tupa. Ipinagmamayabang na iginagalang ang karapatang pantao, itataguyod ang kaunlaran at kapayapaan at kung anu-ano pang kasinungalingan, subalit taliwas sa tunay nilang gawain.

Ang Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino ay walang pinag-iba sa Oplan Bantay Laya ng rehimeng Arroyo. Pinag-iibayo lamang ng Oplan Bayanihan ang mga pakitang-taong proyekto, sistematikong kasinungalingan at pagpapanggap na tagapagtaguyod ng karapatang pantao upang magsilbi sa kanilang psywar operation o psyops.

Mariing kinukundena ng SBC-BHB ang tahasang paglabag ng pasistang tropa ng rehimeng US-Aquino sa mga karapatang tao ng mga sibilyan, at ng mga kalahok sa digmaan na wala-nang kakayahang-lumaban (hors de combat). Kinukundena rin ang sistematikong pag-iimbento ng kasinungalingan ng mga tagapagsalita ng AFP at PNP upang maglabas ng mga dis-impormasyon at psywar laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan.

Pinararangalan ng rebolusyonaryong kilusan at ng mga masang pinagsilbihan ang kabayanihan ni Ka Reming. Sa mahabang panahon ay inialay ni Ka Reming ang kanyang kaalaman, pawis at dugo upang itaguyod ang interes ng malawak na masa ng sambayanan. Nakikiisa ang rebolusyonaryong kilusan sa pagdadalamhati ng pamilya, mga kaibigan at nakasama ni Ka Reming.

Nananawagan ang SBC-BHB sa mamamayan upang ilantad, labanan at biguin ang marahas na kampanyang Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino at isulong ang digmang bayan sa bago at mataas na antas.

Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
Mabuhay ang Rebolusyonaryong Kilusan!
Mabuhay ang CPP-NPA-NDF!

Para sa Bayan,
Florante Orobia
Tagapagsalita