Milyun-milyong kabataan ang kailangan sa demokratikong rebolusyong bayan

Ang Bayan
7 Hunyo 2011
Download PDF

Higit ngayong kinakailangan ang pagkilos ng milyun-milyong kabataan katuwang ng buong sambayanang Pilipino. Ang patuloy na paglala ng krisis, pagsasamantala at kahirapan ay tinutumbasan lamang ng pagsidhi ng pagnanais ng bayan na wakasan ang naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal.

Laganap ang disempleyo. Sumisirit ang presyo ng pagkain, langis at iba pang pangunahing bilihin. Hindi makaagapay ang mababang sahod ng karaniwang mga manggagawa at kawani. Mabigat na pasanin ang gastusin sa edukasyon, kalusugan at pabahay.

Lalong sumasahol ang kalagayan ng karaniwang mamamayan sa pagmamatigas ng rehimeng Aquino na patuloy na sumunod sa mga patakaran at programang dikta ng mga imperyalistang pinamumunuan ng US. Lalo nitong ibinubukas ang ekonomya sa mga dayuhang monopolyo para masamantala ang murang lakas-paggawa ng anakpawis, huthutin ang likas na yaman ng bansa at makapagkamal ng malaking tubo. Tumitindi ang pagsasamantala ng mga panginoong maylupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid. Nanunuot ang korapsyon sa reaksyunaryong estado.

Panunupil ang sagot ng estado sa daing ng masa. Bukambibig nito ang "kapayapaan" subalit puspusan naman ang isinasagawa nitong madugong kampanyang militar na naglalayong gapiin ang mga pakikibakang masa at armadong paglaban ng mamamayan. Tutol ang rehimeng US-Aquino na lutasin sa mapayapang paraan ang gera sibil sa bansa.

Sa harap ng lahat ng ito ay walang masusulingan ang mamamayan kundi ang kanilang organisadong lakas at rebolusyonaryong pagkilos. Dito rin nakatali ang pag-asa ng mga kabataang Pilipino na magkaroon ng maaliwalas na kinabukasan. Ang malawakang pagpukaw, pag-oorganisa at pagpapakilos sa kabataang Pilipino ay isa sa mga susing salik sa mapagpasyang pagsulong ng rebolusyonaryong pakikibaka ng sambayanan.

Tungkulin ng buong Partido na isulong ang rebolusyonaryong kilusang kabataan-estudyante upang pukawin at himukin ang kabataang Pilipino na bagtasin ang landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon. Hindi matatawaran ang halaga ng papel ng kabataan sa pagrerebolusyon. Bukas ang kanilang pag-iisip at handang tumanggap ng mga bago at rebolusyonaryong ideya at pamamaraan. Masigla sila sa pagkilos at mapangahas sa paglaban. Magiting sila sa paglahok sa rebolusyon at malakas ang kagustuhang makalikha ng maningning na kinabukasan.

Dapat itaas ang kamalayan ng milyun-milyong mga kabataan at pag-alabin ang kanilang damdamin na maglingkod sa bayan at lumahok sa paglikha ng kasaysayan. Dapat isagawa ang iba't ibang angkop na paraan ng propaganda at edukasyon upang abutin ang mga kabataan sa loob at labas ng mga paaralan, mga pabrika at komunidad. Dapat isagawa ang pagsusuri sa kanilang kongkretong kalagayan. Dapat tukuyin ng rebolusyonaryong kilusang kabataan ang mga problema ng kabataang estudyante, manggagawa, magsasaka, maralita ng lunsod o propesyunal. Sa gayon lamang mabubuo ang tumpak na mga panawagan at mapalalalim ang pag-ugat ng mga progresibo at rebolusyonaryong organisasyon sa hanay ng kabataan. Upang maabot ang milyun-milyong kabataan, dapat magpakahusay sa paggamit ng lahat ng anyo ng propaganda. Gamitin ang mga tradisyonal na paraan tulad ng pananalumpati, paglalabas ng mga pahayagan, polyeto, pagsusulat sa pader, paggawa ng mga poster, awit, tula, dula at mga pagtatanghal. Gamitin din ang mga makabagong paraan tulad ng email, website, blogging, social media, video, texting at iba pa. Pagkombinahin ang mga ito upang mabilis na palaganapin ang mga rebolusyonaryong ideya, pasiklabin ang damdamin at itaas ang kamalayan ng mga kabataan at sambayanang Pilipino.

Dapat malawakan at solidong organisahin ang mga kabataang naaabot at napakikilos. Batayang tungkulin ng bawat kasapi na magrekluta ng bagong kasapi. Magrekluta sa hanay ng kabataan, saan man sila matatagpuan. Gawin itong simple, sistematiko at mabilis. Magdaos ng mga pulong sa rekrutment, pagtanggap ng aplikasyon at pagpapasumpa. Italaga ang mga kadreng tututok sa rekrutment at edukasyon. Ang mga bagong rekrut ay dapat bigyan ng mga gawain batay sa kanilang personal na kakayahan at mga tungkulin ng organisasyon.

Dapat ilunsad ang mga rali at iba pang anyo ng sama-samangpagkilos upang harapin ang mga isyu at ipahayag ang paninindigan at hinaing ng mga kabataan at sambayanan. Dapat mapatimo na sa pamamagitan lamang ng samasamang pagkilos maisusulong ang kanilang demokratikong interes. Dapat palahukin ang daan-daan libong mga kabataan sa mga pagkilos sa buong bansa. Katulad ng ipinakita sa kasaysayan, hindi lamang nito bibigyang-daan ang mabilis na paglawak ng organisadong lakas ng mga kabataan, magbubunga rin ito ng makabuluhang mga pagbabago tulad ng pagpapatalsik sa mga despotiko at korap na rehimen.

Dapat magpakahusay ang rebolusyonaryong kilusan ng kabataanestudyante sa pagpapakilos ng kapwa kabataan at iba pang mamamayan. Dapat mapakilos ang lahat sa kanilang mga organisasyon upang abutin at pakilusin ang mas marami pang hindi pa organisado o kaya ay nasa ilalim ng ibang organisasyon o institusyon. Dapat magpakahusay sa pakikipag-isang prente para abutin at pakilusin ang milyun-milyong hindi pa kaanib ng mga pambansa-demokratikong organisasyong masa.

Sa paglakas ng mga pagkilos at pakikibakang masa ng mga kabataan, magagawa ng mga progresibo at pambansa-demokratikong organisasyong masa na mabilis na magpalawak ng kanilang hanay at impluwensya. Para sa Partido, ang mga organisasyong ito ay dapat maging bukal ng mga kadre at kasapi para sa iba't ibang tipo ng rebolusyonaryong pormasyon at gawain. Ang mga pinakaaktibong elemento ay dapat rekrutin sa Kabataang Makabayan.

Dapat hikayatin ang malawakang pagsapi ng mga kabataan sa Bagong Hukbong Bayan at paglahok sa armadong pakikibaka at mga pakikibakang masa sa kanayunan. Ang paglahok ng ilampung libong rebolusyonaryong kabataan sa armadong pakikibaka ay magsisilbing malaking salik sa pagsusulong ng digmang bayan sa bago at mas mataas na antas. Dapat marekrut ng Partido ang libu-libong mga kasapi at kadre mula sa mga kabataan upang tuluy-tuloy na maisakatuparan nito nang buong sigasig ang mga tungkulin nito sa pamumuno sa rebolusyon.

Ipatupad ang JASIG, palayain ang mga konsultant--NDFP




Malamang na walang magaganap na pormal na usapang pangkapayapaan kung patuloy na tatanggi ang Gubyerno ng Pilipinas (GPH) na tuparin ang kasunduan nito sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) noong Enero na palalayain ang mga konsultant ng NDFP. Ito ang babala ni Ka Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDFP Negotiating Peace Panel, sa kanyang sulat nitong Hunyo 2 kay Atty. Alex Padilla, tagapangulo ng GPH Negotiating Peace Panel.


Sa Joint CommuniquƩ na pinirmahan noong Enero 18, nangako ang GPH na mamadaliin nito ang pagpapalaya sa mga detenidong konsultant ng NDFP at iba pang personaheng protektado ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG). Bago matapos ang Mayo, pinaabutan nina Presidential Peace Adviser Teresita Quintos-Deles at Padilla si Ka Fidel Agcaoili, pangalawang tagapangulo ng NDFP Negotiating Peace Panel na huwag munang bumalik sa Utrecht, The Netherlands dahil ihahayag umano sa Hunyo 1 ni Benigno Aquino III ang pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal. Lumipas ang nasabing petsa pero walang kahit isa sa 17 konsultant ng NDFP ang napalaya.


Kabilang sa mga nakabilanggong konsultant ng NDFP si Alan Jazmines, kasapi ng NDFP Reciprocal Working Committee on Social and Economic Reforms (RWC-SER). Hindi magagampanan ni Jazmines ang kanyang mahalagang tungkulin kaugnay ng RWC-SER dahil patuloy pa rin siyang nakakulong sa Camp Crame. Iligal siyang inaresto noong Pebrero 14. Dagdag dito, pinagbabantaan pa siyang ilipat sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.


Bukod kay Jazmines, si Tirso "Ka Bart" Alcantara, konsultant ng NDFP mula sa Southern Tagalog ay nakadetine pa rin at nakakadena sa kanyang higaan mula nang arestuhin siya noong Enero. Si Alcantara ang lumagda sa dokumento ng International Committee of the Red Cross (ICRC) nang palayain ng BHB si Maj. Noel Buan ng Philippine Army noong Abril 2001. Protektado ng JASIG si Alcantara.


Ayon sa NDFP, ang kabiguan ng rehimeng Aquino na panindigan ang pangako nitong agarang pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal ay seryosong sagka sa pagsusulong ng usapang pangkapayapaan. Nakatakda sana ngayong Hunyo ang pagtalakay sa mga usapin tungkol sa mga repormang panlipunan at pang-ekonomya at repormang pampulitika at konstitusyunal.


Iginigiit ng NDFP na dapat magpakita ang GPH ng kongkretong mga hakbang sa pagpapatupad ng ipinangako nito sa pormal na usapan noong Pebrero 15-21. Sa kasalukuyan, mahigit 340 detenidong pulitikal pa ang naghihintay ng kongkretong aksyon ng GPH bilang pagpapatupad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Talakayan sa CASER, idinaos



Isang porum hinggil sa Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms (CASER) ang inilunsad noong Mayo 13 sa St. Scholastica's College sa Maynila. Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng Pilgrims for Peace, isang organisasyong nagsusulong ng makatarungan at matagalang kapayapaan.

Dumalo sa porum ang 300 kinatawan ng iba't ibang sektor upang mapakinggan ang mga ilalahad na programa ng CASER. Nagsalita rito ang kinatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Rafael Baylosis at Ednar Dayanghirang, kinatawan ng Gubyerno ng Pilipinas (GPH).

Ani Fr. Rex Reyes, convenor ng Pilgrims for Peace, layunin ng CASER na makapagbuo ng kumprehensibong planong sosyo-ekonomiko para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Dagdag ni Fr. Reyes, makakamtan ang hinahangad na kapayapaan kapag naipatupad ito at may direktang partisipasyon ang mamamayan.

Inihapag sa porum ang dalawang magkaibang pananaw kaugnay sa tumitinding armadong tunggalian sa bansa. Ayon kay Dayanghirang, isa sa mga dahilan ng digmaan ang paglala ng krisis sa kalikasan at pagkawasak ng kapaligiran. Ayon naman kay Baylosis, ang lumalalang kahirapan at hindi pantay na pag-unlad sa agrikultura at industriya ang siyang sanhi ng armadong labanan.

Pamumunuan ni Juliet de Lima ang Reciprocal Working Committee ng NDFP para sa CASER. Kasama niya rito sina Baylosis at Randall Echanis. Si Dayanghirang naman ang mamumuno ng katumbas na komite ng GPH. Kasama niya rito sina Prof. Fernando Aldaba at Fr. Robert Alejo. Sa Setyembre 2011 AB inaasahang matatapos ang burador ng CASER.

AFP, nabigo sa ComVal at Davao Oriental




Matagumpay na nilabanan at itinaboy noong Mayo 29 ng isang yunit ng Conrado Heredia Command sa ilalim ng Merardo Arce Command ng Bagong Hukbong Bayan (MAC-BHB) sa Southern Mindanao Region ang isang platun ng Second Scout Ranger Battalion ng First Scout Ranger Regiment (FSRR) habang inaatake nito ang pansamantalang kinakampuhan ng BHB sa Sityo Karampil, Barangay Aliwagwag, Cateel, Davao Oriental.


Taliwas sa sinabi ng tagapagsalita ng 10th ID na si Lt. Col. Lyndon Paniza na tatlo lamang ang nasugatan sa panig ng militar, iniulat ni Ka Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng MAC-BHB na nagtamo ng 11 kaswalti (walong patay at tatlong sugatan) ang pinakapiling yunit ng Philippine Army. Sa bahagi ng BHB, dalawang Pulang mandirigma ang nag-alay ng kanilang mga buhay habang apat ang nasugatan, at tatlo rito ang malubha.


Ang mga sugatang mandirigma ng BHB ay nalapatan ng lunas ng mga medik sa isang medical station sa loob ng baseng gerilya. Nanatili sa loob ng baseng gerilya ang isang sugatang Pulang mandirigma dahil sapat ang kakayahan ng mga medik ng BHB na pangalagaan siya.


Ang insidenteng ito ay bunsod ng sunud-sunod na pagkatalo sa mga labanan ng mga yunit ng 10th ID, kabilang ang Second Scout Ranger Battalion. Sa kabuuan, nagtamo ang 10th ID ng 25 kaswalti--16 na patay at siyam na sugatan.


Mula noong Mayo 22, ilang batalyon na ang sumusuyod sa hindi bababa sa 13 bayan ng Compostela Valley, Davao Oriental at Agusan del Sur. Sa tabing ng "civil-military operations" at "special operations," mabangis na sinasalakay ng 10th ID ang mga bayan ng Maragusan, Compostela, Monkayo, Montevista, Maco, Mawab, Pantukan at Laak sa Compostela Valley; Cateel, Boston, Manay at Tarragona sa Davao Oriental; at Trento sa Agusan del Sur.


Ang pinakahuling engkwentro laban sa Second Scout Ranger Battalion ay pangatlo na mula nang ilunsad ang malawakang operasyong militar. Matapos ang isang linggo ay lima ang napatay sa bahagi ng 66th IB nang tambangan ang mga ito sa Sityo Kahayag, Barangay Andili, Mawab noong Mayo 27.


Noong araw ding iyon, tatlo ang napatay at anim ang nasugatan sa 67th IB sa isa pang ambus sa Sityo Junction, Barangay Cabasagan, Boston. Ikinukwento ng mga magsasaka sa lugar na may dalawang upisyal ng Scout Rangers na napatay sa mga labanang iyon, batay na rin sa mga salaysay mismo ng mga sundalo.

Tropang pang-COPD, binigwasan sa Agusan del Norte



Dalawang sundalo ang napatay at apat ang nasugatan sa apat na magkakasunod na taktikal na opensiba nitong Mayo ng mga gerilya sa ilalim ng Pulang Diwata Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mabubundok na bahagi ng Agusan del Norte. Walang natamong kaswalti ang BHB.


Mayo 25. Isang sundalo ng 30th IB ang nasugatan nang harasin sila ng isang grupo ng mga Pulang mandirigma sa Barangay Bangayan, Kitcharao, Agusan del Norte.


Mayo 24. Hinaras ng isang tim ng mga gerilya mula sa Front 16 ang isang grupo ng mga sundalo ng 30th IB sa Gate 1 ng Barangay Banayan, Kitcharao, bandang alas-6 ng umaga. Isang sundalo ang tinamaan sa paa.


Bandang alas-4 ng hapon, isa pang sundalo ang napatay nang isnaypin muli ang parehong tropa.


Mayo 20. Inambus ng isang yunit ng BHB mula sa Front 21 ang isang kolum ng kaaway na naglulunsad ng Community Organizing for Peace and Development (COPD), ang bagong katawagan sa mga operasyong RSOT sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Inilunsad ang ambus bandang alas-10 ng gabi sa Sityo Mahayahay, Barangay Anticala, Butuan City. Isang sundalo ang napatay at dalawa ang nasugatan, kabilang ang isang upisyal ng 23rd IB.


Binababaran pa rin ng humigit-kumulang walong platun (o katumbas ng tatlo hanggang apat na kumpanya) ang iba't ibang baryo ng Butuan City at mga bayan ng Cabadbaran, Santiago, Tubay at Kitcharao.


Isang katulad na operasyong militar ang inilunsad sa Surigao del Norte noong Oktubre 2010 hanggang Enero 2011, subalit nabigo ito sa layuning paluhurin ang mga rebolusyonaryong pwersa at masa sa lugar. Mabibigo rin ang kasalukuyang COPD sa Agusan del Norte.


Samantala, isang elemento ng CAFGU ang napatay nang isnaypin ng isang tim mula sa Saulo Lumadao Front ng Agustin Begnalen Command ang detatsment ng CAFGU/77th IB sa bayan ng Sallapadan, Abra noong alas-5:15 ng umaga ng Mayo 27. Pumwesto ang tim ng mga isnayper mga 250 metro mula sa detatsment. Nataranta ang platun ng mga sundalo at CAFGU sa loob at nagpaputok nang walang direksyon bago nagsitakbuhan. Ligtas na nakaatras ang tim ng BHB bandang alas-5:30 ng umaga.


Ang inisnayp na detatsment ay katabi ng paaralang elementarya sa Barangay Sallapadan Barrio. Malaon nang inirereklamo ng Parents-Teachers' Association ang naturang detatsment dahil sa peligrong idinudulot nito sa mga mag-aaral at dahil sa madalas na kaguluhang nililikha ng mga sundalo at pwersang paramilitar dito. Sadyang isinagawa ng BHB ang pang-iisnayp bago magpasukan ngayong Hunyo para walang madamay na mga bata at guro.

Panggigipit sa mamamayan, patuloy sa ilalim ng Oplan Bayanihan




Apat na kaso ng pang-aabuso ng militar at iba pang ahente ng estado ang iniulat sa Ang Bayan nitong Mayo hanggang unang linggo ng Hunyo.


Hunyo 1. Panibagong harasment na naman ang hinaharap ng 72 aktibista at lider-masa mula sa Southern Tagalog nang muli silang makatanggap ng kautusan mula sa Provincial Prosecutor's Office sa San Pablo City para humarap sa hukuman dahil sa iba na namang kasong pagpatay at tangkang pagpatay. Isa sa mga pinahaharap ay si Rogelio Galit, dating tagapagsalita ng Kalipunan ng mga Magsasaka sa Kabite, na isang taon nang patay dahil sa sakit na diabetes.


Unang sinampahan ng gawa-gawang kasong pagpatay ang tinaguriang "ST 72" noong 2007. Idinawit sila sa ambus ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Puerto Galera, Oriental Mindoro noong Marso 2006. Kahit imposibleng magawa ni Galit ang ipinaparatang sa kanya dahil sa tagal na ng pagkakaratay niya ay inaresto pa rin siya ng pulisya. Anim pang iba, kabilang si Atty. Remigio Saladero ng KMU ang inaresto. Pinalaya sila noong Pebrero 2009 nang ibasura ng korte ang kaso.


Wala pang isang linggo matapos sila palayain, kinasuhan na naman sila kaugnay ng pagpatay sa isang elemento ng CAFGU sa Rizal. Ibinasura rin ang kasong ito.


Ang pinakahuling kasong pagpatay na isinampa nitong Mayo ang pangatlo nang gawa-gawang asunto laban sa ST 72.


Sa kaugnay na balita, nakakulong din ngayon si Darwin Liwag, pangkalahatang kalihim ng BAYAN-Laguna at dalawa pang aktibista dahil sa gawa-gawa ring kasong pagpatay. Tinamnan ng mga baril at granada sina Liwag nang arestuhin sila sa Lumban, Laguna noong Setyembre 2010.


Umaabot na ngayon sa 54 ang bilang ng mga detenidong pulitikal sa Southern Tagalog. Labing-isa na rin ang biktima ng ekstrahudisyal na pagpatay sa rehiyon sa ilalim ng rehimeng Aquino.


Mayo 27. Alas-4:30 ng madaling araw, sapilitang pinasok ng isang platun ng 54th IB na pinamumunuan ni Lt. Roland Caringan ang tahanan ni Pablo Naogsan, 80 anyos, sa Barangay Butigue, Paracelis, Mountain Province. Si Naogsan ang ama ni Simon "Ka Filiw" Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera Peoples Democratic Front (CPDF).


Mariing kinundena ng CPDF ang panghaharas ng militar sa nakatatandang Naogsan. Winasak ng mga sundalo ang pintuan, ginising ang matanda na nag-iisa noon at hinalughog ang buong bahay. Inakusahan siyang nagpapatuloy ng mga gerilya ng BHB at pinagbantaang sasaktan kung hindi siya titigil.


Umalis lamang ang militar nang magsidatingan ang mga kapitbahay ni Naogsan para alamin kung ano ang nangyayari. Pormal na inireklamo ni Naogsan sa barangay ang mga sundalo.


Mayo 26. Marahas na dinemolis ng may 40 pulis ang pitong bahay sa isang komunidad sa Poblacion, Gitagum, Misamis Oriental. Nagkalat ang dugo sa lugar nang pagmalupitan ng mga pulis ang mga residenteng nagtanggol sa kanilang mga tahanan. Inaresto si Joel Saplot, tagapangulo ng Kasamahan ng Mangingisda sa Poblacion Gitagum at Operators (KASAMAPO), kasama ang mag-anak na sina Fernando Oraiz Sr., Fernando Oraiz Jr., Juanie Oraiz at Adoracion Oraiz. Nekadetine sila ngayon sa istasyon ng PNP sa Gitagum. Pinalalayas na ang mga residente noong Mayo 5 dahil pribadong pag-aari daw ang kinatitirikan ng kanilang mga bahay. Subalit matatag na nanindigan ang mga residente sa pamumuno ng KASAMAPO na ipaglaban ang kanilang mga bahay at kabuhayan.


Mayo 24. Alas-4 ng madaling araw ay sinalakay ng isang kumpanya sa ilalim ng 86th IB ang bahay ni Delfin Uschongsan, residente ng Barangay Kiling, Alfonso Lista, Ifugao. Hinalughog ng mga sundalo ang bahay at dinala nila si Uschongsan at dalawa niyang pamangkin na lalaki sa Pakak CAA/PNP/PA Detachment sa parehong barangay. Inakusahan nilang mga myembro ng BHB sina Unchongsan. Kahit ang mga kapitbahay na nagkikiusyoso lamang sa mga pangyayari ay pinaratangang mga simpatisador ng BHB.


Nang tumanggi ang hepe ng pulisya sa Alfonso Lista na kasuhan ang tatlong biktima dahil sa kawalan ng ebidensya, binantaan ng mga sundalo sina Uschongsan na patuloy silang idedetine kung idedemanda nila ang militar. Pinalaya lamang ang tatlong biktima noong Mayo 25 matapos mangako ang mga ito na tatahimik na lamang tungkol sa pang-aabuso sa kanila ng mga sundalo.


Ang mga pandarahas ng AFP ay bahagi ng militarisasyong matagal nang nagaganap sa silangang bahagi ng Mountain Province at Ifugao. Pinasisinungalingan nito ang bukambibig ng militar hinggil sa pagkamit ng kapayapaan at pagrespeto sa karapatang-tao sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Palayain si Ericson Acosta, sigaw ng mga artista't manunulat



Nananawagan ang mga kapamilya, kaibigan at iba pang mga personalidad mula sa sirkulo ng arte at sining na palayain si Ericson Acosta, isang freelance journalist na nagdodokumento ng kalagayan ng karapatang-tao sa Samar.


Inaresto si Acosta ng mga tauhan ng 8th ID noong Pebrero 13 sa Barangay Bayang, San Jorge, Samar kasama ang ilang mga lider ng isang organisasyong magsasaka. Tinamnan ng granada ang gamit ni Acosta at sinampahan siya ng kasong pag-iingat ng di lisensyadong armas.


Inilunsad noong Abril ang Free Ericson Acosta Campaign bilang suporta sa pagpapalaya kay Acosta. Nakakulong siya ngayon sa Calbayog Sub-provincial Jail. Bago iprisinta sa publiko, matinding tortyur ang dinanas ni Acosta. Muntik din siyang patayin ng militar.


Si Acosta ay naging manunulat ng Philippine Collegian, pahayagan ng mga estudyante sa University of the Philippines sa Diliman. Isa siya sa bumuo at namatnugot ng 1994 Literary Folio ng Philippine Collegian, ilang dekada makaraan itong huling mailimbag. Hindi lamang manunulat si Acosta, isa rin siyang makata, mahusay na artista at kompositor ng orihinal na musika.


Bilang suporta sa kampanya, kinundena ng mga panelist at mga delegado ng 50th UP National Writers' Workshop ang patuloy na iligal na pagdetine kay Acosta. Ginawa nila ang pahayag sa Baguio City kung saan idinaos ang naturang palihan ng mga manunulat. Ilan sa mga pumirma sa pahayag sina National Artist Bienvenido Lumbera, Jose Dalisay, Jr., Jun Cruz Reyes, Gemino Abad, J. Neil Garcia, Charlson Ong, Rolando Tolentino, Romulo Baquiran, Jr. at Cristina Pantoja-Hidalgo.

5 magsasaka, nakakulong sa Catbalogan




Limang magsasaka ang ilang taon nang nakadetine sa Catbalogan City Jail dahil sa mga paratang na mga myembro sila ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Ang mga biktima ay sina Noel Galvez, Simon Gabijan, Jesus Bacnotan at mag-asawag Loreto at Beatriz Gabuay. Apat sa kanila ang sinampahan ng mga kasong kriminal kaugnay ng pagkakasangkot nila umano sa mga taktikal na opensiba ng BHB.


Si Galvez, 42 anyos, isang magsasaka mula sa Calbiga, Samar ay inaresto noong Agosto 2010 habang sinasamahan niya ang ilan niyang kababaryo para magrehistro sa upisina ng COMELEC. Isinangkot siya ng militar sa reyd ng BHB sa Binanggaran, Calbiga noong Disyembre 2009. Nagtatrabaho noon sa kanyang bukid si Galvez nang maganap ang reyd.


Si Gabijan, 48 anyos, magsasaka mula sa Barangay Lipata, Paranas, Samar ay nangingisda naman kasama ng kanyang pamilya nang salakayin ng BHB ang istasyon ng pulisya sa Motiong, Samar. Idinawit siya rito ng militar, kaya pumunta siya sa pulisya para linisin ang kanyang pangalan. Kinausap din niya ang hukom na may hawak ng kaso at pinayuhan siyang kumuha ng abugado para mapawalambisa ang mandamyento de aresto laban sa kanya. Dahil wala naman siyang pambayad ng abugado ay lumuwas na lamang siya sa Maynila para makipagsapalaran. Bumalik lamang siya noong Hunyo 2004. Subalit pagbalik niya ay inaresto siya, dahil sangkot umano siya sa reyd ng BHB sa San Jose de Buan noong Marso 2004.


Si Bacnotan, 64 anyos, ay dinukot ng militar noong Nobyembre 2008 mula sa kanyang tahanan sa Barangay Lipata. Dinala siya sa iba't ibang kampong militar at tatlong araw na isinailalim sa interogasyon. Ipinasa siya sa kustodiya ng pulisya at sinampahan ng kasong rebelyon, pagpatay, tangkang pagpatay at pagnanakaw kaugnay ng reyd ng BHB sa Motiong.


Si Gabuay, 63 anyos, magsasakang taga-Barangay Salay, Paranas ay inaresto ng mga elemento ng 34th IB noong Setyembre 2008. Dahil sa takot na masalbeyds ito, sinamahan si Gabuay ng kanyang asawang si Beatriz. Sabay silang ikinulong at pinalaya lamang si Beatriz matapos ang 10 buwan. Noong 2010, bumalik ang mga sundalo sa Barangay Salay para arestuhin si Beatriz. Napag-alaman ni Beatriz kalaunan na walang mandamyento de aresto laban sa kanya. Gayunman, pinili na lamang niyang samahan ang kanyang asawa sa kulungan dahil sa takot na balikan siya ng militar sa kanilang barangay.

Pakikibaka kontramina, lumalawak sa Cagayan Valley




Lumalawak ang pakikibaka kontra sa pagmimina sa buu-buong tipak ng mga lupain, katubigan at kabundukan ng Cagayan Valley. Mula sa bayan ng Gonzaga, ang pakikibakang masa na sinimulan pa noong 2007 ay kumakalat ngayon hanggang sa mga bayan ng Buguey, Sta. Teresita, Dugo, Lallo, Sta. Ana, Camalaniugan, Aparri at iba pang karatig bayan nito.


Ayon kay Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng National Democratic Front-Cagayan Valley (NDF-CV), mahigit 13,843 ektarya ng lupa at tabing-dagat ang kinakamkam at pinipinsala ng mga dayuhang korporasyon upang kunan ng magnetite (batobalani), manganese at iba pang mineral. Tampok sa mga kumpanyang ito ang Lian Xing Philippines Stone Carving Corporation sa Barangay Batangan, Gonzaga na nagsasagawa ng magnetite sand mining.


Sa paglawak ng mga operasyong pagmimina, napapalayas ang mga maralitang magsasaka at mangingisda, nasisira ang kanilang mga lupain at nawawasak ang likas na yaman na pinagmumulan ng kanilang ikinabubuhay. Ilang halimbawa nito ang paglubog ng kalahati ng kalupaan ng Barangay Bisagu sa West Aparri. Natitibag din ang pampang ng mga baryo sa Lallo at Camalaniugan. Resulta ito ng pagkawala na ng batobalani na siyang nagpapatibay sa mga ilog at tabing-dagat mula sa pagkatibag.


Nagngangalit ang mamamayan sa tone-toneladang mina na diretsong ibinibyahe patungong Taiwan at iba pang mga bansa habang naiiwan ang uka-ukang mga lupa at sira-sirang mga ilog at pampang. Maliwanag na ito ay pandarambong sa likas na yaman ng mamamayan. Kapalit nito ang pagkawasak ng rekurso ng bansa, pati na ang buhay at kabuhayan ng masa.


Gayunman, walang pakialam ang mga dayuhang kapitalista kasabwat nilang mga lokal na burukrata. Ayon kay Carlito Pentecostes, Jr., alkalde ng Gonzaga, walang dapat ireklamo ang mamamayan dahil may permit daw mula sa gubyerno ang pagmimina. Ang grupo ni Pentecostes ang siyang pangunahing tagapagtaguyod ng interes ng imperyalistang korporasyon at mapagsamantalang uri ng Gonzaga. May proteksyon ito ng dinastiyang Enrile (Rep. Jackie Enrile at ama nitong si Senate President Juan Ponce Enrile) na siyang naghahari-harian sa prubinsya ng Cagayan at may basbas ng rehimen ni Benigno Aquino III.


Pinaiigting ni Pentecontes ang militarisasyon sa bayan ng Gonzaga para panatilihin ang mga proyekto sa pagmimina. Mismong si Pentecostes ang nanakit sa isang lider ng mga magsasaka upang pigilan ang ilulunsad nilang aksyong protesta noong Abril 30. Upang ipagtanggol ang "ligalidad" ng pag-ooperasyon ng mga minahan, idineploy sa anim sa 25 barangay ng Gonzaga ang mga tropa ng Special Operations Team-Bayanihan-17th IB ng Philippine Army at Regional Mobile Group (RMG) ng Philippine National Police. Bukod pa ito sa tatlong kampo ng militar. Mahigit 30,000 mamamayan ang kanilang binibiktima dahil sa pagtutol ng mga ito sa imbing pakana ng mga imperyalista, malalaking kumprador kapitalista at mga panginoong maylupa.


Akbayan, iba pang kasabwat sa pandarambong. Kasabwat ng mga naghaharing uri ang mga kontra-rebolusyonaryong grupo na nagpapanggap na maka-mamamayan. Ilan dito ang Akbayan, Alyansa Tigil Mina at PADER. Ang mga organisasyong ito ang nanlalason sa isipan ng mamamayan. Inilalako nila ang maling kaisipan na maaaring mapahinto ang pagmimina sa pamamagitan ng pagmamakaawa sa gubyerno na siyang nakikinabang sa pagsasamantalang ito.


Ang mga grupong ito, ayon sa tagapagsalita ng NDF-CV, ay nagpoposturang kontra sa iligal na pagmimina para pagtakpan ang naghuhumiyaw na katotohanan na ang pinakamalaking maysala sa pangangamkam ng lupa ng mga magsasaka at pagwasak ng kapaligiran ay ang mismong gubyerno. Bukod pa rito, sinasakyan lamang ng mga grupong ito ang mga isyu sa pagmimina at pagkawasak ng Cagayan River para makapanghuthot ng pera sa mga "international funding agencies" at iba pang grupong nagpoposturang maka-kalikasan. Nais nilang iligaw ang landas ng militanteng paglaban ng masa.


Nilinaw ng NDF-CV na wala sa pagmamakaawa, mga dayalogo, o paghihintay ng kapalaran ang solusyon ng suliranin ng mamamayang GonzageƱo at ng buong mamamayan ng Cagayan Valley. Matuwid lamang na ubos-kayang lumahok at mag-ambag ang mamamayang anakpawis sa pagpapaunlad ng digmang bayan. Habang sumusulong ang Pulang kapangyarihang pampulitika, lalong natitiyak ang pagsasakatuparan ng mga batas ng demokratikong gubyernong bayan kabilang na ang pagtatanggol sa lupa, kabuhayan at buhay ng mamamayan laban sa pandarambong at pangangamkam ng mga dayuhan at lokal nilang mga alipures.

Pagbasura sa VFA, iginigiit




Iginiit ng mga progresibong grupo ang pagbasura sa makaisang panig at hindi pantay na Visiting Forces Agreement (VFA). Anila, lantarang niyuyurakan ng VFA ang soberanya ng Pilipinas.


Lubusan nang nalalantad ang nakasisira at hindi pantay na katangian ng tratado. Pinirmahan ang VFA noong Mayo 27, 1999, walong taon matapos mapalayas ang mga base militar ng US sa Pilipinas. Layon umano nitong pamahalaan ang kondukta ng mga bumibisitang pwersang militar ng US.


Sa pamamagitan ng VFA, nagagawa ng gubyernong US na magmantine ng permanenteng presensya ng mga tropang militar nito sa Pilipinas. Bukod sa walang katapusang mga pagsasanay-militar, permanenteng nakaistasyon ang 700-kataong Joint Special Operations Task Force-Philippines ng US sa Camp Navarro sa Zamboanga City na sangkot sa mga operasyong counterinsurgency. May mga ulat hinggil sa pagsama ng mga tropang militar ng US sa mga kampanyang militar ng AFP laban sa mga pwersa ng BHB at MILF. Ang mga aktibidad na ito ay may tabing ng "kampanya kontra-terorismo".


Pinapaburan din ng VFA ang mga tropang Amerikano na lumalabag sa mga batas ng bansa. Lantarang pagyurak ito sa soberanya ng Pilipinas at nagdudulot ng walang kapantay na pananalasa sa mamamayang Pilipino. Dagdag pa, nagiging target ang bansa ng pang-aatake ng mga kaaway ng US. Sa kabila ng mga pagbatikos sa VFA, walang plano ang rehimeng Aquino na ibasura o repasuhin ito.

Parangal-militar ng AFP kay Marcos, tinututulan




Tinututulan ng malawak na mamamayang Pilipino ang panukala ni Vice Pres. Jejomar Binay kay Pres. Benigno Aquino III na ilibing ang yumaong diktador na si Ferdinand Marcos sa Ilocos Norte at bigyan ng lubos na parangal-militar. Ipinahayag ang pagtutol na ito hindi lamang ng mga grupong makabayan kundi pati ng mga demokratikong grupo sa US.


Kaugnay nito, isinampa ng pitong progresibong kongresista ang House Resolution No. 1297 para tutulan ang balak na paglibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City.


Anila, huwad na bayani si Marcos. Naibunyag ni Col. Bonifacio Gillego at gayundin ng United States Army Records na pinalsipika ni Marcos ang kanyang "maningning na rekord" noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isa pa, hindi karapat-dapat na bigyang-parangal ang isang katulad ni Marcos na isang diktador at kaaway ng mamamayan katulad nina Adolf Hitler ng Germany, Anastasio Somoza ng Nicaragua at iba pa.


Ayon naman sa Bagong Alyansang Makabayan at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas, nagbibigay ng maling mensahe sa mamamayang Pilipino ang rekomendasyon ni Binay kay Aquino. Isa itong insulto para sa mga Pilipinong walang takot na lumaban para maibagsak ang diktadurang US-Marcos, kabilang ang ama ng pangulo na biktima ng asasinasyon ng rehimeng Marcos. Ang pagbibigay ng lubusang parangal-militar kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani o sa Ilocos Norte man ay pahiwatig na ang mga diktadura ay pinararangalan imbes na ito ay kundenahin ng kasaysayan.


Galit na galit din ang isang grupo ng mga Filipino-American sa panuklang ito. Ang grupong US Pinoys for Good Governance (USP4GG) ay nagbigay ng sulat-protesta kay Aquino na hanggang ngayon ay hindi pa sinasagot.

Pagbili ng armas mula sa US, binatikos




BINATIKOS ng iba't ibang progresibong organisasyon ang plano ng rehimeng Aquino na bumili ng mga labis na kagamitang pandigma mula sa US sa ilalim ng programang Excess Defense Articles (EDA) ng US.


Ayon sa Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), ang pagbili ng mga kagamitang pandigma mula sa US ay nakatali sa interes ng US na panatilihin ang Visiting Forces Agreement (VFA). Ang pagbili ng mga sandata at iba pang kagamitan mula sa US ay palaging nakatali sa interes ng US, anang BAYAN.


Iginiit ng BAYAN na walang kinahinatnan ang limang taong pangangako ng US ng modernisasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kapalit ng pananatili noon ng mga base militar at pakikipagkasundo sa US. Ang balak ng rehimeng Aquino na bumili ng labis na kagamitang pandigma mula sa US ay patunay na walang pinatunguhan ang pagiging palaasa ng Pilipinas sa US.


Ang programang EDA ng US ay isang paraan ng pagsuporta nito ng mga papet na estado upang magsilbi ang mga ito sa pandaigdigang estratehiyang pulitiko-militar ng US. Sa partikular, nagagawa ng US na pag-ibayuhin ang saklaw ng kapangyarihang militar nito sa Asia-Pacific sa pamamagitan ng pagpapagamit ng mga pinaglumaan nitong kagamitang pandigma sa papet na rehimeng Aquino.


Ilang taong nakararaan, nagpahayag ang ilang upisyal ng US ng planong magpaupa ng mga eroplanong pandigma sa papet na gubyerno ng Pilipinas bilang paraan ng pagpapalakas ng impluwensya at presensyang militar ng imperyalismong US sa rehiyon.


Ibayong pinalalakas ngayon ng US ang presensyang militar nito sa Asia-Pacific sa harap ng nakikita nitong banta ng paglakas ng kapangyarihang militar ng China. Ginagamit ngayon ng US at rehimeng Aquino ang alitan sa teritoryo ng Spratly Islands sa hanay ng Pilipinas, Vietnam at China para magbabala sa posibilidad na sumiklab ang armadong tunggalian.

Pagsingil ng kamag-anak ni Aquino sa SCTEX, ipinatigil ng TRB




Ipinatigil ng Toll Regulatory Board (TRB) ang pagsingil ng pamilya ni Benigno Aquino III sa mga dumaraang sasakyan sa mahigit pitong kilometrong Subic-Clark-Expressway (SCTEx). Ibinaba ng TRB ang "cease and desist order" noong Hunyo 2 sa Hacienda Luisita Inc. (HLI), Jose Cojuangco & Sons Inc. (JCSI) at Brown International Corporate Services Inc. (BICSI), mga korporasyong siyang nakalista sa resibong iniisyu sa mga motorista na tinatakan ng "Passthru."


Ibinaba ang mandamyentong ito bunsod ng malakas na pagtutol ng mga magsasaka sa pangunguna ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at mga motoristang gumagamit ng daang ito sa loob ng Hacienda Luisita sa Tarlac, na pag-aari ng pamilya Cojuangco-Aquino. Ang daan ay dumudugtong sa SCTEx at sa Manila North Road (mas kilala bilang MacArthur Highway).


Ipinanawagan ng KMP sa TRB na utusan ang HLI, JCSI at BICSI na ibalik ang perang kinolekta sa mga motorista o kung hindi ay gumawa ng isang "trust fund" para sa mga magsasaka. Sa isang panayam, inamin mismo ng tiyuhin ni Aquino na si Jose "Peping" Cojuangco, Jr. na ang BICSI ang siyang kumpanyang inatasang maningil sa mga motoristang dumaraan. Hindi niya ipinaliwanag kung bakit nakapasok sa eksena ang dayuhang kumpanyang ito.


Tinataya ng KMP na mula Mayo 17 hanggang Hunyo 2 ay nakakolekta ang pamilya Cojuangco-Aquino ng P2.7 milyon sa mga motorista. Dalawampung piso ang ibinabayad ng bawat kotse at dyip samantalang ang bawat van at maliliit na delivery truck ay nagbabayad ng P50. Sinisingil naman ng P100 ang bawat bus, trak at iba pang malalaking sasakyan.

Patriot Act ng US, pinalawig pa




Gigil na gigil si Pres. Barack Obama ng US na pirmahan ang matagal na niyang itinutulak na apat na taong pagpapalawig sa tatlong probisyon ng US Patriot Act. Ito ay sa kabila ng pagtutol ng mga grupong oposisyunista sa loob ng Kongreso at grupong tagapagtaguyod ng karapatang sibil. Pinirmahan niya ang naturang mga batas sa pamamagitan ng "autopen machine" ilang minuto bago ito mawalan ng bisa noong Mayo 27 habang nasa France siya para sa pulong ng G8.


Ang pinalawig na mga probisyon ay pumapatungkol sa poder ng gubyernong makakuha ng sikretong mga order ng korte para manmanan ang anumang bagay, tulad halimbawa ng usapan sa telepono, talastasan sa internet at mga rekord sa negosymo, na pinaniniwalaan nitong mahalaga sa imbestigasyon ng terorismo; paggamit ng walang takdang "roving" wiretaps para subaybayan ang anumang numero ng telepono, email account o iba pang pasilidad sa komunikasyon na pinaniniwalaang ginagamit ng kanilang target; at paggamit ng "lone wolf" wiretapping, na nagpapahintulot sa gubyerno na subaybayan ang isang indibidwal kahit wala itong kuneksyon sa dayuhang kapangyarihan o teroristang grupo.


Ang US Patriot Act ay isinabatas pagkatapos atakehin ang Twin Towers sa New York noong Setyembre 11, 2001. Mula nang ipatupad ang batas na ito, marami nang naging kaso ng paglapastangan sa karapatan ng mga ordinaryong mamamayang Amerikano.

Kilos-protesta sa Spain, lumalawak




Mahigit isang linggong kilos-protesta ang inilunsad ng libu-libong mamamayan ng Spain sa 162 bayan at syudad nito noong Mayo 15 hanggang 23 para tuligsain ang kainutilan ng gubyernong Zapatero na lutasin ang krisis sa ekonomya at laganap na disempleyo. Kinundena rin nila ang mga hakbangin sa pagtitipid ng gubyerno na lalo pang nagpalala sa kahirapan ng mamamayan.


Sa kabila ng pag-iral ng batas na nagbabawal sa mga kilos-protesta sa bisperas ng eleksyon, 30,000 raliyista ang nagkampo sa Puerta del Sol, pangunahing plasa sa Madrid, kabisera ng Spain.


Pinamunuan ng mga kabataan ang kilos-protesta na tinagurian nilang "May 15 Movement." Tinuran din nila ang kanilang mga sarili bilang "Los Indignados" o "mga nangngangalit". Nag-organisa sila sa pamamagitan ng tweeter sa internet at iba pang social media. Nagsimulang magrali ang 150 katao lamang sa plasa ng Puerta de Asul, Madrid. Tinangka silang buwagin ng mga pulis noong Mayo 15, pero parang apoy na lumaki ang bilang ng mga tao mula nang malantad sa publiko ang gayong panunupil.


Para masusteni ang protesta, nagtayo ng malawak na kampo (tent city) ang mga nagpoprotesta sa loob ng plasa na may lutuan, pagawaan ng mga plakard, day care, nursery at upisina ng komunikasyon na sumasagot sa mga tanong ng midya. Ang karamihan ay doon na natutulog sa kampo.


Ang Spain ang may pinakamataas na tantos ng disempleyo (21.3%) sa mga bansa ng Eurozone. Kabilang ito sa tinataguriang PIGS (Portugal, Ireland, Greece at Spain), mga bansang naghihingalo ang ekonomya at kinakailangang isalba ng malalaking bangko at institusyon sa pinansya tulad ng IMF.


Ang gubyernong Zapatero ay nagpapatupad ng isa sa pinakabrutal na programa sa pagtitipid sa buong Europe na siyang dahilan ng matinding pagkamuhi ng mamamayan.


Sa kaugnay na balita, naglunsad din ng mga rali sa ibang bansa bilang pakikiisa sa Spain. Ang pinakamalalaking rali ay naganap sa Paris, France; Rome sa Italy; at sa Buenos Aires, Argentina.