Magkaisa laban sa rehimeng US-Aquino!

Ang Bayan
7 January 2011
Download pdf

Matapos ang isang taon, walang napala ang mamamayang Pilipino kundi ibayong pagdurusa, palalang kahirapan at papasidhing pagkaapi sa ilalim ng lalong nagiging mapanupil na rehimeng US-Aquino. Pinapasan nila ang papabigat na krisis na resulta ng pagtahak ni Aquino sa dati nang anti-mamamayan at maka-imperyalistang landas ng mga nagdaang rehimen.

Mabilis na nadismaya ang mamamayan sa kawalan ng mapagpasyang hakbang ng rehimeng Aquino para usigin, litisin at parusahan si Gloria Arroyo at ang kanyang mga kasapakat sa pandarambong at mga pasistang krimen. Hindi naiiba sa kroniismong ala-Gloria ang ipinapakita ngayon ng rehimeng Aquino sa kabi-kabilang kwestyunableng mga paghirang at mga maanomalyang transaksyong kinasasangkutan ng tinaguriang "Kamag-anak, Kaklase, Kaibigan at Kabarilan Inc."

Kumakalat ang apoy ng galit ng bayan sa rehimeng Aquino bunsod ng pagpapatupad nito ng mga patakarang lalo lamang naglulubog sa kanila sa kumunoy ng kagutuman at kahirapan. Pinahihintulutan niyang itaas nang itaas ng mga dayuhang monopolyo sa langis ang presyo ng mga produktong petrolyo sa lokal na pamilihan. Mismong Malacañang ang nagbibigay-daan sa pagtaas ng singilin sa mga expressway, tren, kuryente, tubig at mga serbisyong pangkalusugan at pang-edukasyon. Sa kabilang panig, hinahadlangan ni Aquino ang pagtaas ng sahod sa kabila ng pagdausdos ng tunay na halaga ng kita ng karaniwang mamamayan.

Patuloy ang pagkakait ng tunay na reporma sa lupa sa Hacienda Luisita at iba pang malalaking asyenda. Sunud-sunod ang mga hakbangin ng pamilyang Cojuangco-Aquino para linlangin, hati-hatiin, takutin at supilin ang nakikibakang mga magsasaka at manggagawang bukid. Ikinagalak ni Aquino ang kautusan ng Korte Suprema na muling magsagawa ng reperendum hinggil sa "stock distribution option" (SDO) taliwas sa panawagan ng mga magsasaka ng asyenda na ipamahagi ang lupa. Ikinagalak din niya nang panigan ng Korte Suprema ang tiyuhin niyang si Eduardo "Danding" Cojuangco na angkinin ang "coco levy funds" na piniga mula sa pawis at dugo ng mga magniniyog sa ilalim ng batas militar.

Sa kabila ng idinulot na krisis ng imperyalistang "globalisasyon" nitong nagdaang dalawang dekada, pilit pa rin itong itinataguyod ni Aquino. Itinutulak niya ang ibayong liberalisasyon ng dayuhang kalakalan at pamumuhunan, ang pagsasapribado ng natitirang mga ari-arian ng estado at ang pagpapalaki ng papel ng pribado at dayuhang kapitalistang interes sa pagtatayo ng mga imprastrukturang pampubliko. Marahas na binubuwag ang mga barongbarong ng maralita upang bigyang-daan ang interes ng malalaking kumpanyang komprador. Tinatapyasan ang badyet para sa kalusugan at edukasyon habang nangangabulok ang mga pampublikong eskwelahan at mga pasilidad-medikal.

Nananatiling tapat si Aquino sa patakaran ng International Monetary Fund (IMF). Tulad ng dati, mahigit kalahati ng rekurso ng estado ang inilalaan para sa pagbabayad ng utang panlabas, na kalakha'y di pinakikinabangan ng bayan. Patuloy na ipinatutupad ang mga patakaran para sa ekonomyang nakatuon sa eksport ng bahagyang naprosesong mga kalakal. Palaasa ang ekonomya sa utang panlabas at dayuhang puhunan. Walang matagalang solusyon sa napakalubhang problema ng disempleyo. Binibigyang-daan ang pandarambong ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina. Tumatanggi ang rehimen na magbalangkas ng programa para sa pagpupundar ng mga lokal na industriya at ekonomyang nakatatayo sa sarili.

Walang ipinapakain ang rehimeng Aquino sa bayan kundi mga kasinungalingan. Ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang pinakamalaking ilusyong inilalako ni Aquino. Pinaniniwala ni Aquino na sa pamamagitan ng pagbibigay ng ilanlibong pisong limos kada taon sa "pinakanaghihirap" na mamamayan ay maiaangat sila sa kahirapan kahit hindi nilulutas ang mga saligang suliraning sosyo-ekonomiko tulad ng kawalan ng lupa, disempleyo at napakabababang sahod.

Ang 4Ps ni Aquino ay bahagi lamang ng Oplan Bayanihan na binalangkas alinsunod sa US Counterinsurgency Guide. Simple ang pinakalayunin ng 4Ps: kabigin ang mamamayan mula sa landas ng rebolusyonaryong paglaban sa pamamagitan ng pagpapaasa sa kanila na giginhawa ang kanilang buhay. Ipinatutupad iyon kaakibat ng mga operasyong tinaguriang "peace and development" ng mga upisyal sa saywar ng AFP para takpan ang kalupitan ng militar laluna sa kanayunan.

Bukambibig ni Aquino ang karapatang-tao subalit wala naman siyang isinasagawang makabuluhang hakbangin para itaguyod ito. Wala pang kahit isang naparurusahan sa mga pasistang kriminal na responsable sa mahigit isang libong kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Namamayagpag pa rin si Gen. Jovito Palparan na utak ng mga brutal na krimen ng nagdaang dekada kabilang ang pagdukot, panggagahasa, pagtortyur sa mga estudyante ng UP na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan at mga aktibistang sina Manuel Merino, Raymond Manalo at Jonas Burgos.

Wala ni pagkastigo sa AFP sa di mabilang na krimen sa ilalim ng Oplan Bantay Laya noong 2001-2010. Kaya patuloy lamang ang militar sa pagsasagawa ng kampanya ng terorismo sa inilulunsad nitong operasyong triad: sabayang mga operasyong saywar, paniniktik at kombat. Sa mga operasyong tinaguriang "community organizing for peace and development" o COPD, nagpapataw ang militar ng curfew, kontrol sa populasyon at pagkain na labag sa mga karapatan ng mamamayan. Araw-araw ay niyuyurakan ng AFP ang karapatang-tao. Sa unang taon ng rehimeng Aquino, nasa abereyds na linggu-linggo ang pagpaslang sa mga aktibista.

Patuloy ang pagtanggi ng militar na kilalanin at respetuhin ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL). Nitong nagdaang mga buwan, walang habas din nitong nilabag ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) sa pag-aresto at pagkulong sa mga kinatawan at konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan. Patuloy na nakakulong ang 17 konsultant ng NDFP sa kabila ng pagpirma ni Aquino sa kasunduan noong Enero 2011 na palalayain sila. Nakabimbin pa rin ang mahigit 300 bilanggong pulitikal.

Sa kabilang panig, tuluy-tuloy ang pakikipag-ayusan ni Aquino sa mga Marcos. Ang pagbubukas na ituring na "bayani" ang diktador na si Marcos ay malaking insulto sa sambayanang Pilipino at pagbabaligtad sa kanilang husga nang ibagsak si Marcos sa Pag-aalsang Edsa noong 1986.

Tulad ng diktadurang Marcos at mga sumunod na rehimen, nagpapamalas si Aquino ng walang kahihiyang pagpapakatuta sa imperyalismong US. Ipinagtatanggol niya ang Visiting Forces Agreement, ang Mutual Defense Treaty at iba pang di pantay na kasunduan ng Pilipinas at US. Patuloy na nakaistasyon sa Camp Navarro sa Zamboanga City ang may 700 tropang Amerikano na kabilang sa Joint Special Operations Task Force (JSOTF)-Philippines. Sunud-sunod ang pagdaong ng mga barkong pandigma ng US na nagbababa ng libu-libong tropang Amerikano.

Sa utos ng US, ginagatungan ni Aquino ang isyu ng Spratly Islands upang lumikha ng tensyong diplomatiko at militar sa South China Sea. Nais ng US na likhain ang sitwasyon upang makapanghimasok ang pwersang militar nito sa ngalan ng "pagtulong" sa Pilipinas. Estratehikong layunin ng US na hadlangan ang paglakas ng China na itinuturing na lumalaking banta sa pangdaigdigang kapangyarihan ng US.

Ang rehimeng US-Aquino ang kasalukuyang reaksyunaryong namamahala sa naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Walang maaasahang maaliwalas na kinabukasan ang sambayanang Pilipino sa ilalim ng paghahari ni Aquino. Ihahatid lamang nito ang masang anakpawis, petiburgesya at pambansang burgesya sa sunud-sunod na papalalang mga krisis.

Sa pagnanais na makamit ang pambansa at demokratikong mga pagbabago, walang ibang masusulingan ang sambayanan kundi ang maglunsad ng mga pakikibakang masa at isulong ang armadong rebolusyon. Ang pagpapatupad ni Aquino ng anti-mamamayan at makadayuhang mga patakaran ay nag-uudyok sa bayan na paigtingin ang kanilang mga pakikibaka. Hindi maglalaon at hahantong ang mga ito sa pag-aalsa ng milyun-milyong mamamayan laban sa papet at reaksyunaryong paghahari ni Aquino.

Patuloy na isinusulong sa buong bansa ang pakikidigmang gerilya upang igpawan ang mga kahinaan, higitan pa ang nakaraang mga tagumpay at kamtin ang mga rekisito sa pagsusulong ng digmang bayan tungo sa estratehikong yugto ng pagkapatas. Sa pagsulong ng mga pakikibakang masa, dapat handa ang Bagong Hukbong Bayan sa pagrekluta ng libu-libo pang Pulang mandirigma sa mga darating na panahon. Dapat tuluy-tuloy na maglunsad ng mga taktikal na opensibang kayang ipagwagi upang pahinain ang armadong pwersa ng kaaway, mag-ipon ng karagdagang mga sandata at magbigay-inspirasyon sa bayan sa pagsusulong ng kanilang mga pakikibakang masa.

Dahil sa pagpapatupad nito ng anti-mamamayan, makadayuhan at mapanupil na mga patakaran, mabilis na nahihiwalay ang rehimeng Aquino sa mamamayan, kahit iisang taon pa lamang ito sa poder. Hindi maglalaon at lalamunin ang paghahari ni Aquino ng mga apoy ng pakikibaka ng sambayanang Pilipino.

________________

State of the Youth Address, inilunsad

Naglunsad ang mga grupo ng kabataan-estudyante ng koordinadong kilos-protesta nitong Hulyo 19 na tinaguriang "State of the Youth Address" (SOYA) upang igiit kay Benigno Aquino III ang sapat na badyet para sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo. Binatikos nila ang patuloy na pagbawas ng nakalaang badyet sa mga pampublikong kolehiyo at unibersidad. Anila, ang halos dalawang dekadang tuluy-tuloy na pagkakaltas sa badyet sa edukasyon ay nakasama sa kalidad ng edukasyon sa bansa.

Nilahukan ng daan-daang mga organisasyon ng kabataan-estudyante ang pambansang kilos-protesta. Sinuportahan din ito ng 112 kasapi ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC), Kabataan Partylist at ni Pres. Alfredo Pascual ng University of the Philippines.

Sa National Capital Region, tampok sa mga kilos-protesta ang mga walkout ng mga estudyante, pagsisindi ng kandila at "planking" o pagdapa ng mga raliyista.

Samantala, sa Iloilo City, 2,500 estudyante ang nag-walk out at nagmartsa patungong Iloilo Provincial Capitol para sa SOYA. Kabilang sa mga nag-walk out ang mga estudyante ng Western Visayas College of Science and Technology, University of the Philippines in the Visayas at West Visayas State University. Naglunsad din ng walkout ang mga estudyante mula sa Baguio, La Union, Sorsogon, Cotabato, Cebu, Davao at Cagayan de Oro.

________________

Mga magsasaka ng Hacienda Luisita, lumalaban sa desisyon ng Korte Suprema

Sa kabila ng mga pagbabawal ng pamilyang Cojuangco-Aquino, binungkal ng mahigit 200 manggagawang bukid ng Hacienda Luisita Inc (HLI) ang 500 ektaryang lupa na binakuran at inangkin ng Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) at ng kasosyo nitong Luisita Industrial Park Corp. Ito'y ginawa sa loob ng pinagtatalunang asyenda ng tubo sa Barangay Balete, Tarlac City.

Ang kampanyang bungkalan na nilahukan ng mga upisyal ng barangay ay organisadong protesta laban sa maka-panginoong maylupang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 5. Bagamat nagpapawalambisa sa Stock Distribution Option (SDO), ang desisyon ay nag-uutos din na magsagawa muli ng reperendum kung saan pagpipiliin ang mga magsasaka kung papabor sila sa SDO o sa pamamahagi ng lupa.

Mahigit dalawang ektarya ang nabungkal sa loob lamang ng isang araw, gamit ang mga gulok at ilang hand tractor.

Bago ito, ipinahayag na ng mga magsasaka at manggagawang bukid na hindi nila tinatanggap ang desisyon ng korte. Hindi sila lalahok sa anumang reperendum na ipatatawag dulot nito.

Alam na alam ng mga taga-asyenda na pabor sa pamilyang Cojuangco-Aquino ang desisyon ng Korte Suprema. Sa botong 6-4, kinatigan nito ang naunang desisyon ng Presidential Agrarian Reform Council (PARC) noong 2005 na nagpawalambisa sa Stock Distribution Option (SDO). Pero binalewala nito ang dekada-dekada nang pakikibaka ng mga magsasaka at manggagawang bukid para sa lupa.

Dati nang ginamit ng pamilyang Cojuangco-Aquino ang reperendum para ikutan ang obligasyon nilang ipamahagi ang lupa ng asyenda. Una nilang ginamit ang taktikang ito noong 1989, sa ilalim ng rehimen ni Corazon Cojuangco Aquino.

Dahil ipinangalandakan noon ni Aquino ang repormang agraryo bilang haligi ng kanyang rehimen, pinalawak niya ang saklaw ng reporma sa lupa. Pero para mapanatili sa kanyang angkan ang Hacienda Luisita, hindi sinaklaw ng reporma ang asyenda at sa halip ay ipinailalim ito sa iskemang SDO. Sa halip na lupa, mga walang kwentang sapi ang ipinamahagi sa mga magsasaka.

Noong Agosto 2010, nagkaroon ng panibagong reperendum sa pagtatangkang idiskaril ang lumalakas na paglaban ng mamamayan sa asyenda. Lansakan ang naging panunuhol at pananakot ng mga armadong goons ng mga Cojuangco-Aquino para manipulahin ang botohan at palabasing mayorya ng mga magsasaka ang may gusto ng SDO. Hindi tinanggap ng mga magsasaka ang reperendum at ang inihaing compromise deal ng pamilyang Cojuangco-Aquino.

Mula't sapul, walang balak ang pamilyang Cojuangco-Aquino na ipamahagi ang 6,453 ektaryang produktibong lupa ng asyenda sa kabila ng bukambibig ng asenderong pangulo. Ginamit nila maging ang kataas-taasang hukuman ng bansa para gawing ligal ang patuloy na pag-angkin ng kanilang angkan sa lupang hindi naman sa kanila.

Matatandaang noong dekada 1950, ang perang ginamit sa pagbili ng Hacienda Luisita na noo'y pagmamay-ari ng mga Espanyol ay mula sa pautang ng Government Service Insurance System at ilang bangko ng US na ginarantiyahan ng gubyerno ng Pilipinas. Pumayag noon ang pamahalaan na gamitin ang pondo ng GSIS at garantiyahan ang utang nito sa bangko ng US sa kondisyong pagkatapos ng 25 taon ay ipamamahagi na ang lupa sa mga magsasaka at manggagawang bukid.

Hindi ito ipinatupad ng mga Cojuangco. Gamit ang pagmaniobra sa mga batas at lantarang panloloko sa mga magsasaka, inangkin nila ang lupa at marahas na sinupil ang paglaban ng mga tunay na nagmamay-ari nito.

Mariing kinundena ng iba't ibang grupo ng mga magsasaka at iba't ibang sektor ang desisyon ng Korte Suprema. Nagsimula nang maglunsad ng iba't ibang aksyong protesta sa Hacienda Luisita para igiit ang kanilang karapatan na maangkin ang lupa.

________________

Linggu-linggong pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Aquino

Walang awat ang kampanya ng ekstrahudisyal na pamamaslang ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng rehimeng Aquino. Sa unang taon ng rehimen, halos bawat linggo ay may isang aktibistang pinaslang ang mga armadong ahente ng estado. Pinatitingkad nito ang kahungkagan ng mga deklarasyon ng rehimen na itataguyod nito ang karapatang-tao.

Sa unang taon ni Aquino, naitala ng grupong KARAPATAN ang 48 kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Kabilang sa mga biktima ang mga aktibista mula sa sektor ng magsasaka, manggagawa, mga pambansang minorya, empleyado ng gubyerno, titser, estudyante, negosyante, maralitang lunsod at tagapagtaguyod ng kalikasan. Walang humpay din ang mga kaso ng pagdukot, tortyur, arbitraryong pang-aaresto, iligal na detensyon at iba pang mga karahasang militar sa bansa.

Wala ring ipinakikitang intensyon ang rehimeng Aquino na parusahan ang mga pasistang responsable sa mahigit 1,000 kaso ng pamamaslang at iba pang krimen sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Sa kabila ng dalawang magkasunod na kautusan ng Korte Suprema sa Armed Forces of the Philippines na ilitaw ang mga dinukot nitong aktibista, wala pa ring ginagawang hakbangin si Aquino upang papanagutin ang mga upisyal at tauhan ng AFP na nagsagawa at nasa likod ng mga mga krimeng iyon.

Nitong Hulyo, magkasunod na ipinag-utos ng Korte Suprema sa militar na ilitaw ang mga aktibistang sina Jonas Burgos, Karen Empeño, Sherlyn Cadapan at Manuel Merino. Kinilala ng korte ang mga ebidensya na nagpapakita na ang pagdukot kay Burgos noong Abril 2007 at kina Empeño noong Pebrero 2006 ay kagagawan ng mga tauhan ng AFP.

________________

3 magsasaka, binugbog ng 801st DRC

Wala pa ring awat ang pang-aabuso ng militar sa kanayunan. Tatlong magsasaka ang binugbog ng mga nag-ooperasyong sundato nitong Mayo at Hunyo sa isang baryo sa Basey, Samar.

Noong Hunyo 4, namaga ang katawan at nabalian ng mga buto si Jessie Odel, 35, may asawa, nang bugbugin siya ng mga sundalo ng 19th IB sa Sityo Biga, Barangay Mabini dahil wala siyang maituro tungkol sa Bagong Hukbong Bayan.

Noong Mayo 26, dinakip at binugbog ng mga sundalo ng 801st Division Reconnaissance Company (DRC) si "Jerry," 30, may asawa.

Isang araw bago ito, dinakip din at binugbog ng parehong yunit-militar sa Sityo Bagti, Barangay Mabini ang magsasakang si "Docoy," 30, may asawa.

Ang lahat ng biktima ay binalaang huwag magsumbong. Si Odel ay sinabihan ng mga sundalo na babayaran lamang nila ang mga gastusin niya sa ospital kung tatahimik na lamang siya tungkol sa pagpapahirap sa kanya.

________________

Demolisyon sa Davao City

Sampung residente ng Barangay Soliman, Agdao District, Davao City ang nasaktan nang idemolis ang kanilang komunidad noong Hulyo 1. Kabilang sa mga nasaktan ang isang 12-taong gulang na bata.

Mariing kinundena ng Tanggol Bayi, grupo ng kababaihang nagtatanggol sa karapatang-tao ang marahas na demolisyon. Sampung araw lamang bago ito ay dinemolis din ang isang maralitang komunidad sa Tigatto, Buhangin District sa parehong syudad.

Mahigit 200 pamilya ang mawawalan sana ng tahanan kung nalubos ang demolisyon. Problema rin kung saan sila maitataboy dahil malaking bahagi ng Davao City ang nasalanta ng baha ilang araw pa lamang ang nakararaan.

Hindi natuloy ang pagwasak sa lahat ng mga bahay nang dumating si Mayor Sara Duterte para kumprontahin si Court Sheriff Abe Andres na nagpapatupad ng demolisyon. Bago ito ay pinakiusapan niya ang court sheriff na ipagpaliban nang ilang oras ang demolisyon at hintayin ang kanyang pagdating para maiwasan ang pagdanak ng dugo. Nang balewalain ng court sheriff ang pakiusap ng meyor, sa galit ni Duterte ay sinuntok niya ito. Ang insidenteng ito ang umagaw ng atensyon ng masmidya at publiko. Marami ang bumatikos kay Duterte subalit marami ang tila nakaligta sa pagpansin sa karahasan laban sa mga maralita.

________________

Mga pang-aabuso ng militar sa Tubo, Abra

Matitinding paglabag sa karapatang-tao ang naging katambal ng mga operasyong militar ng 41st IB mula Marso hanggang Abril sa Barangay Alangtin, Tubo, Abra at nitong Mayo sa Barangay Baclingayan sa bayan din ng Tubo.

Sa Baclingayan, iligal na inaresto noong Mayo 24, bandang alas-6:15 ng umaga si Sayan Pimmangen Macaiba, taga-Belwang, Sadanga, Mountain Province. Pumunta noon sa Baclingayan sina Macaiba at isa pa niyang kasama na taga-Belwang para bumili ng kalabaw. Habang nasa daan na sila pabalik sa Belwang, nasalubong nila sa Kadawilan sa Belwang-Baclingayan Trail ang isang seksyon ng Recon Platoon Alpha Coy ng 41st IB sa ilalim ni 2Lt. Aries M. Tagayun. Nakatakbo ang kasama ni Macaiba.

Hinanapan ng militar si Macaiba ng dokumento ng kalabaw pero wala siyang maipakita. Kinumpiska ng militar ang dala niyang karbin at .45 na pistola.

Pinaputukan pa ng militar ang tabi ng paa ni Macaiba nang tatlong beses kaya nabutas ang kanyang tsinelas. Pinagsuot siya ng poncho at isinama siya at ang kalabaw pabalik sa Baclingayan. Binusalan ang kanyang bunganga para hindi siya makapagsalita.

Inientrega ang kalabaw sa mga upisyal ng barangay. Hindi nila ipinakita si Macaiba sa mga mamamayan ng Baclingayan. Mga alas-11 ng gabi ay dinala si Macaiba sa sentro at ipinasa sa PNP. Kinasuhan siya ng iligal na pag-iingat ng armas at pinagpyansa ng P80,000. Pansamantalang nakalalaya si Macaiba pero may hinaharap pa rin siyang gawa-gawang kaso.

Mula Mayo 22 hanggang 29 ay nagpakat ng dalawang 105 mm howitzer ang militar sa Barangay Kili, Tubo.

Noong Mayo 22 ay ilang oras na idinetine ng 41st IB sa power house ng Micro Hydro Power generator ng Barangay Kili si Manuel Bagsao, residente ng naturang baryo. Pinalaya lamang siya nang sugurin ng mamamayan ang kinaroroonan ng militar para igiit ang pagpapakawala kay Bagsao.

Tinakot din ni Lt. Col. Noli Anquillano, hepe ng 50th IB, ang ama ni Ka Andy, isang Pulang mandirigma para ituro niya ang kinaroroonan ng kanyang anak.

Sa Sityo Beew sa bayan ng Alangtin, nagpakat ng mortar launcher sa harap ng simbahan sa loob ng baryo ang mga tauhan ni Colonel Anquillano. Ilang beses nilang pinaputok ang mortar na ito. Isang buwan din nilang pinwestuhan ang mga pasilidad ng sibilyan tulad ng dap-ay (lugar-tipunan ng mga nakatatanda) at barangay hall bukod sa mga bahay ng mga residente.

Kinontrol ng militar ang kilos ng mamamayan. Inilista nila ang mga pangalan ng mga lumalabas ng baryo, lugar na pupuntahan at oras at petsa ng pagbalik.

Arbitraryo nilang sinasaktan ang ilang sibilyan. Dalawang beses na dinagukan ng isang sundalo si Wail, isang 30 taong gulang na binata, dahil hindi raw nagustuhan ng sundalo ang paraan ng pagsagot ni Wail sa mga tanong niya. Minultahan ng mga nakatatanda ang naturang sundalo dahil sa kanyang kalapastanganan.

Hinaras din ang mga pinaghihinalaang tagasuporta ng BHB sa Beew. Partikular na pinag-initan ang apat na bahay na pinagsususpetsahan nilang pangunahin daw na tinutuluyan ng BHB: ang tahanan ng mag-asawang Lorenzo at Rita Cayandag; Benedicto 'Bakday' Oloan; Tessie Bakilog; at Totoy Palino. Kinunan nila ng litrato si Jennifer Palino (anak ni Totoy Palino) at inakusahang kuryer ng BHB. Pinag-initan din ang aso ni Oloan na pang-hunting daw ng BHB.

Sinira ng mga tropa ng 50th IB ang bakod ng mga alagang kalabaw kaya nakapasok ang mga ito sa mga bukid at kaingin at nasira ang mga tanim ng masa. Marami ring kalabaw ang nahulog, napilay o namatay. Hindi man lamang inayos ng mga sundalo ang sinira nilang bakod.

Sinunog ng militar ang kagubatan at kabundukan na pinaghihinalaan nilang kinaroroonan ng BHB. Malawak ang inabot ng sunog. Mumultahan sana sila ng mamamayan pero huli na dahil umalis na ang mga tropa.

Pinakamalala nilang paglabag ang pagdukot kay Martin 'Baldo' Chupchupen na taga-Mainit, Bontoc, Mountain Province. Galing si Chupchupen sa Mainit para bumili ng kalabaw sa Alangtin kaya hindi niya alam na may operasyon ang militar. Nasalubong niya ang mga tropa ng 50th IB sa Mt. Layaban. Hinuli siya ng mga ito at dinala sa kanilang hedkwarters sa Manabo, Abra. Tuwing hinanahap siya ng mga kababaryo niya sa himpilan ng 50th IB ay sinasabi ng militar na pinalaya na nila si Chupchupen. Ang totoo'y hindi pa rin siya inililitaw hanggang ngayon.

________________

49th IB, binigwasan ng BHB sa Sorsogon

Kabi-kabila ang mga kaswalti ng mga nag-ooperasyong tropa ng 49th IB sa Sorsogon. Sa bawat atake ng kaaway ay natutunugan sila ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at natatambangan.

Noong Hulyo 4, napag-alaman ng isang yunit ng BHB na nakahimpil noon sa Barangay Togawe, bayan ng Gubat na naglalakad patungo sa kanilang lokasyon ang isang tim ng 49th IB. Agad na nagplano ng ambus ang mga Pulang mandirigma. Pinasabugan nila ng command-detonated explosive (CDX) bago paulanan ng bala ang parating na mga sundalo. Apat sa mga kaaway ang naiulat na napatay.

Kinabukasan, pinagbuntunan ng militar ng kanilang galit ang mga inosenteng sibilyan. Bandang alas-9:30 ng umaga, kanilang tinangay sina Rosabelle Mangampo Calayo, 32 taong gulang na maybahay, mga anak niyang sina Mark Jay, 2 taong gulang at Mark Anthony, 1 taong gulang, at pamangking si Ricky Calayo, 23 taong gulang at dinala sa munisipyo ng Gubat. Pinauwi lamang sila pagsapit ng alas-2 ng hapon nang puntahan sila ng barangay chairman ng Togawe.

Bago ito, tinangkang kubkubin ng 49th IB ang isang yunit ng BHB na pansamantalang nakahimpil sa Barangay San Ramon, Barcelona noong Hunyo 30 ng hapon. Natunugan ito ng BHB at naunahan sila gamit ang CDX at mga awtomatikong riple. Hindi bababa sa tatlo ang napatay at lima ang nasugatan sa kaaway.

Kinagabihan, naglunsad ng hot pursuit operation ang militar sa Barangay San Ramon. Kinumpiskahan nila ng cellphone ang mga tagabaryong sina Rosanna at Rosemarie Estiller.

________________

23 armas, nasamsam sa mga kontra-minang opensiba ng BHB sa Palawan

Nagbubunyi ang mamamayan ng Palawan sa sunud-sunod na mga tagumpay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) laban sa mga mapanirang operasyon ng pagmimina sa lalawigan. Nakasamsam ang mga Pulang mandirigma ng 23 armas sa anim na taktikal na opensiba ng Zacarias Sarsidillo Command (BHB-Palawan) nitong Hunyo hanggang Hulyo.

Ayon kay Ka Samuel Caballero, tagapagsalita ng BHB-Palawan, nakasamsam ang BHB noong Hulyo 2 ng mga kagamitan sa pagmimina sa Orebucks Mineral Traders, isang kumpanyang nagmimina ng chromite sa Barangay Paly, Taytay. Nakahakot din sila ng 11 armas na may iba't ibang kalibre tulad ng isang Baby M16, dalawang Ingram machine pistol, dalawang KG9 machine pistol, dalawang shotgun, dalawang .45 pistola at isang .38 rebolber. Nakasamsam din sila ng tatlong granada, anim na radyong pangkomunikasyon, isang sniper scope at iba't kalibre ng mga bala.

Sa bayan din ng Taytay, pinarusahan ng isang yunit ng BHB ang abusadong Bantay Lawa Security Group noong Hunyo 27 sa Danao Lake, Barangay Poblacion dahil sa pagiging instrumento nito sa pang-aagaw ng lupa at panununog ng mga taniman ng mga magsasaka sa nasabing lugar. Nasamsam ang isang "Street Sweeper" na shotgun, apat na .45 pistola at isang radyong ICOM.

Sinalakay naman ng BHB-Palawan noong Hunyo 26 ang mga tauhang panseguridad na nagbabantay sa minahan ng Ipilan Nickel Corporation sa Barangay Ipilan, Española, Palawan. Naagaw sa kanila ang isang shotgun, isang pistolang 9 mm at anim na radyong pangkomunikasyon. Sa araw ding ito, nakumpiska mula sa tauhang panseguridad ng Macro Asia ang isang shotgun at isang .38 kalibreng pistola. Ang Macro Asia ay nagmimina ng nickel sa Barangay Pulot 3, sa bayan din ng Española.

Samantala, dinisarmahan ng isang iskwad ng BHB ang abusadong kriminal na pribadong armadong grupo ni Abet Pacia sa Barangay San Jose, Taytay noong Hunyo 6. Nakakumpiska sila ng isang karbin, dalawang shotgun, isang kal .45 pistola at isang pares ng night vision goggles.

Ani Caballero, ikinasisiya ng mamamayan ang matagumpay na mga opensibang ito ng kanilang hukbong bayan. Matagal nang inirereklamo ng mga taga-Palawan ang pagkasira ng kapaligiran dulot ng operasyon ng mga kumpanya sa pagmimina. Inirereklamo rin ng mamamayan ang paghahasik ng takot ng mga armadong tauhan ng mga kumpanyang ito laluna sa mga bata at kabataan.

Sa kabila nito, nagbibingi-bingihan ang mga gubyernong lokal at nakikipagsabwatan pa sila sa mga kumpanya sa pagmimina.

________________

Operasyong harasment sa Samar

Isang sundalo ang napatay at tatlong iba pa ang nasugatan sa operasyong harasment na inilunsad ng isang yunit ng Jorge Bolito Command ng Bagong Hukbong Bayan noong Mayo 29 sa Sityo Biga, Barangay Mabini, Basey, Samar. Ang mga kaswalti ay kabilang sa 35 tropa ng nag-ooperasyong 801st Division Reconnnaissance Company, isang piling yunit ng 8th Infantry Division.Walang kaswalti sa paning ng BHB. Ang pag-atake ay pagpaparusa sa 801st DRC na sangkot sa pambubugbog sa mamamayan sa kanilang mga operasyon sa Basey.

________________

Serbisyong medikal sa Samar, inilunsad

umabot sa 120 pasyente mula sa ilang baryo ng Pinabacdao, Samar ang nagtamasa ng iba't ibang mga serbisyong medikal mula sa mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at lokal na medik noong Hunyo. Isinailalim sila sa mga pagsusuri, menor na operasyon, pagbunot ng ngipin at iba pang serbisyong pangkalusugan.

Ang interbaryong serbisyong medikal ay inilunsad matapos ang pagsasanay ng Jovito Ragay Command ng BHB sa Calbiga, Samar noong Mayo 23-Hunyo 10. Lumahok dito ang 15 gerilya at 10 kasapi ng mga lokal na organisasyong masa. Layunin ng pagsasanay ang pagpapataas ng kaalaman sa usaping pangkalusugan at ang pag-aambag ng gawaing medikal sa pagsusulong ng digmang bayan.


________________

Utak ng mga pasistang krimen, pinarusahan sa Batangas

Ipinatupad ng Bagong Hukbong Bayan ang hatol ng hukumang bayan laban kay P/Supt. Rodney Ramirez na napatunayang utak sa pamamaslang ng dalawang lider-masa sa Southern Tagalog. Ang parusang kamatayan ay ipinatupad ng Eduardo Dagli Command noong Hunyo 12 ng umaga sa Barangay Butong Bayan, Taal, Batangas.

Sa isinagawang imbestigasyon, napatunayan na si Ramirez ang nag-utos ng pagpatay sa mga lider-masang sina Sabina "Nanay Sabeng" Mendoza Arriola sa Santa Rosa, Laguna noong Marso 23, 2009 at kay Kenneth Reyes sa Lemery, Batangas noong Abril 11.

________________

Bishop Purugganan, tagapaglingkod ng sambayanan

Nagpugay ang National Democratic Front of the Philippines kay Most Rev. Miguel Purugganan, Bishop Emeritus ng Diocese ng Ilagan, Isabela na namatay noong Hulyo 8. Ipinaabot ng NDF ang taos-puso nitong pakikiramay sa kanyang pamilya, mga kasamahan sa simbahan, mga kaibigan at lahat ng mamamayang natulungan niya.

Si Bishop Purugganan ay isa sa pitong Katolikong obispo na matapang na nakipaglaban sa batas militar at sa diktadurang Marcos. Itinayo niya ang Basic Christian Communities Community Organizing (BCC-CO) sa buong bansa na nag-organisa at nagmobilisa sa mga inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan para igiit ang kanilang karapatan, kolektibong isulong ang kanilang interes at ipaglaban ang kanilang batayang pambansa at demokratikong mga mithiin. Naging tagapangulo siya ng BCC-CO sa mahabang panahon.

Tinanggap niya bilang istap na organisador ng BCC-CO kahit ang mga taong tinutugis ng diktadurang Marcos at binansagan nitong kaaway ng estado. Tinulungan at dinepensahan niya ang mga istap niyang hinuhuli at ikinukulong ng militar. Kahit noong panahong hindi pa siya obispo, nakilala siya bilang makatarungan at mapagkalingang tao. Anang NDFP, hindi malilimutan ng mga nakasama niya ang kanyang taimtim na paglilingkod sa sambayanan.

________________

Nananaginip nang gising si Colonel Sumagaysay

Umani ng matataginting na tagumpay ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Negros, taliwas sa halos araw-araw na pambubuladas ni Col. Jonas Sumagaysay ng 3rd ID.

Nananaginip si Colonel Sumagaysay kung ang akala niya ay hindi maglalaon at babagsak na ang BHB sa Negros. Sa pinakahuling buladas ni Sumagaysay, nakapagtanim daw ang AFP ng mga "deep penetration agent" (DPA) o mga "insider" sa hanay ng rebolusyonaryong kilusan kaya nalalaman daw nila agad ang mga kilos ng BHB. Ayon sa kanya, isa umanong "Oplan Panghilamon" (Oplan Pagbunot-damo) ang isinasagawa ng rebolusyonaryong kilusan sa isla para linisan ang hanay nito ng guniguning mga DPA.

Lumalakas, at hindi humihina ang BHB sa isla. Patunay nito, nakapaglunsad ang BHB ng 21 koordinadong taktikal na opensiba mula Hunyo 5 hanggang Hulyo 6. Ayon sa pahayag sa midya ni Ka Juanito Magbanua, tagapagsalita ng Apolinario Gatmaitan Command ng BHB-Negros, pitong sundalo ang napatay at 15 ang nasugatan sa kaaway at nakasamsam pa ang BHB ng anim na malalakas na armas. Pinarusahan din ng BHB ang mga asset ng militar.

Pinakahuli sa mga taktikal na opensiba ang pananalakay ng BHB sa fish farm ng pamangkin ni Gov. Alfredo Marañon Jr. sa Barangay Bulanon, Sagay noong Hulyo 16. Dalawang M14, isang M16, isang shotgun at isang .22 na pistola ang nasamsam sa naturang pananambang.

Ipinagbunyi ng mamamayan ang pananalakay sa kontra-mamamayan at maka-kapitalistang gubernador ng Negros Occidental. Si Marañon ang nasa likod ng mga operasyon sa pagmimina sa mga kabundukan at tabing dagat ng mga bayan ng Sagay at Cadiz. Sistematiko niyang pinalayas ang 8,000 mamamayang nakatira sa saklaw ng Northern Negros Forest Reserve para gawing pastuhan ang lupa.

Bago ito, nireyd ng BHB ang compound ng Philex Gold Mining Corp. sa Barangay Nabulao, Sipalay City sa Negros Occidental noong Hulyo 6. Dinisarmahan ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Armando Sumayang Command ng BHB sa Southwestern Negros Front ang mga armadong gwardya at winasak ang tatlong sasakyan ng minahan at dalawang baraks. Apat na shotgun, isang kal .357 rebolber at tatlong radyong pangkomunikasyon ang nasamsam ng BHB.

Ang Philex Mining Corp., ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng BHB-Southwestern Negros, ay responsable sa paninira sa buhay, kabuhayan, kalusugan at kapaligiran ng mamamayan. Nagtatambak ito ng nakalalasong dumi sa sapa ng Mantubay at mga ilog ng Bacuyangan at Sipalay na nagreresulta sa maramihang pagkamatay ng mga isda sa mga baybayin ng Sipalay at pagkaubos ng tubig para sa irigasyon ng mga magsasaka.

Bunsod ng mga operasyon at eksplorasyon ng nasabing kumpanya sa pagmimina, ilang libong mamamayan ang napalayas sa kanilang mga tirahan tulad ng nangyari na sa mga barangay ng Camindangan, Manlocahoc, Cabadiangan at San Jose sa Sipalay City at Baryo Camalandaan sa bayan ng Cauayan.

Bago pa ang taktikal na opensiba sa timog Negros, nabigla ang pulisya at militar sa sunud-sunod na aksyong militar ng mga yunit-gerilya sa ilalim ng Leonardo Panaligan Command sa Central Negros. (Basahin ang kaugnay na artikula sa isyung Hulyo 7, 2011 ng AB.)

Sa hilagang bahagi naman ng isla, nagulat si Lt. Col. Eduardo Gubat, hepe ng 62nd IB, sa inilunsad na mga pagsalakay ng BHB. Noong Hunyo 8 ng gabi, sinalakay ng Roselyn Pelle Command ng BHB-Northern Negros ang mga tropa ng 62nd IB na nakahimpil sa Sityo Magkalape, Barangay Tabun-ac sa Toboso, Negros Occidental. Dalawang sundalo ang iniulat na napatay at ilan ang nasugatan. Kinabukasan, hinaras ng isa pang yunit ng BHB ang mga sundalo na nakahimpil sa mataas na bahagi ng Sityo Gabon-gabon sa hangganan ng Barangay Tabun-ac at Barangay Pantao, Calatrava.

Noong Hunyo 12, inambus ng BHB ang isang kolum ng Regional Mobile Group (RMG) sa Sityo Banag, Libertad sa Escalante City. Anim na tauhan ng RMG ang napatay.

Samantala, isang sundalo ng 11th IB ang nasugatan nang magkaengkwentro ang militar at isang yunit ng BHB sa Sityo Lag-asan, Barangay Tacpao, Guihulngan, Negros Oriental noong Hulyo 4.

Bunsod ng mga kabiguang ito, tinanggal sa pwesto si Col. Francisco Patrimonio bilang hepe ng 303rd Brigade nitong Hulyo 20. Ibinalik din sa Negros ang 3rd Scout Ranger Company mula sa Samar.

________________

Sunud-sunod na opensiba sa Leyte laban sa 78th IB

Dalawampu't isang (21) sundalo ng 78th IB ang napatay nang salubungin sila ng mga taktikal na opensiba ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Mt. Amandewin Command ng Bagong Hukbong Bayan sa Leyte (MAC-BHB-Leyte). Ikinagagalak ng mga taga-Leyte ang mga tagumpay na ito ng BHB na nagpataas sa moral at kakayahang lumaban ng hukbong bayan, ayon sa naantalang ulat mula sa Efren Martires Command ng BHB (EMC-BHB) sa Eastern Visayas.

Pinabulaanan ng matatagumpay na taktikal na opensibang ito ang pahayag sa midya ni Col. John Bonafos, hepe ng 802nd Brigade na isang sundalo lamang ang kaswalti ng 78th IB.

Sa katunayan, ani Ka Karlos Manuel, tagapagsalita ng EMC-BHB-EV, bukod sa 18 tropang napatay ng BHB sa tatlong taktikal na opensibang isinagawa nito, nadagdagan pa ng tatlo ang kaswalti ng kaaway nang magkaroon ng misencounter sa pagitan ng mga nalito at demoralisadong sundalo ng 78th IB. Sa panig ng BHB, apat na Pulang mandirigma ang bahagyang nasugatan sa nasabing mga labanan.

Noong Marso 2, ang bagong idineploy sa Leyte na mga pwersa ng 78th IB ay naglunsad agad ng mga operasyong militar sa erya. Gayunpaman, napaghandaan ng mga Pulang mandirigma ang opensiba ng kaaway dahil kabisado nila ang matatarik na kabundukan at malakas ang suporta ng mga magsasaka na palaging binibiktima ng militar.

Noong Marso 8, tinambangan ng isang yunit ng MAC-BHB-Leyte ang isang platun ng 78th IB bandang alas-4 ng hapon sa Sityo Mati, Barangay Antipolo, Albuera, Leyte. Pagkaraan ng 40-minutong labanan, anim na tropa ng 78th IB ang napatay at naparalisa ang kalakhan ng platun.

Kinabukasan, Marso 9, binalikan ng mas maliit na yunit ng BHB ang mga demoralisadong sundalo. Bandang alas-6 ng umaga ay hinaras sila ng mga Pulang mandirigma at nadagdagan ng lima pa ang kaswalti ng kaaway.

Noong Marso 13, bandang alas-10 ng umaga, muling inambus ng BHB ang isa pang platun ng 78th IB sa Sityo Buwak, Barangay Tinag-an, Albuera. Tumagal nang lampas isang oras ang labanan at pito ang napatay sa kaaway.

Dahil sa sunud-sunod nilang pagkatalo, ang demoralisado at litung-litong mga sundalo ay nagka-misencounter noong Marso 18. Tatlo pang tropa ang napatay bunsod nito.

________________

Ilantad ang pagpapanggap ng 8th ID

Patunay ng makahayop na asal ng 8th ID ang paggamit nito ng mga obispo ng Simbahang Katoliko para itulak ang isang imoral, hindi makatarungan at todo-largang gera sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan.

Ito ang batikos ni Fr. Santiago Salas, tagapagsalita ng National Democratic Front-Eastern Visayas (NDF-EV) sa pagmamalaki ni Armed Forces chief-of-staff Gen. Eduardo Oban at ng hepe ng 8th ID na si Gen. Mario Chan na nakuha na umano nila ang suporta ng simbahan, lokal na gubyerno at iba pang sektor para sa Oplan Bayanihan. Nanawagan ang NDF-EV sa Simbahang Katoliko at sa iba pang sektor na maging mapanuri at mapagmatyag para hindi sila mahulog sa bitag ng militar at matangay sa madugong kampanya nito laban sa mamamayan ng Eastern Visayas. Sa pamamagitan ng Oplan Bayanihan, ang militar ay parang mababangis na lobong nagpapanggap na maaamong tupa, ani Salas. Dapat itong puspusang ilantad hindi lamang sa Eastern Visayas kung hindi sa buong Pilipinas.

Hinikayat ng NDF-EV ang lahat na ilantad at labanan ang Oplan Bayanihan. Ani Salas, dapat makita ng mamamayan ang panloloko at malisyosong pagpapanggap ng Oplan Bayanihan bilang programa para sa kapayapaan at kaunlaran. Imbes na matangay sa hindi tuwid na daan ng Oplan Bayanihan patungong gera, hinikayat ng NDF-EV ang Simbahang Katoliko at iba pang sektor na suportahan ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng gubyernong Aquino at ng NDFP at ang pakikibaka para sa makatarungan at matagalang kapayapaan. Dapat din nilang suportahan ang pakikibaka para makamit ang hustisya para sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao. Ang kasalukuyang talakayan sa usapang pangkapayapaan ay naglalayong makabuo ng mga solusyon sa mga problemang sosyo-ekonomiko, na isa sa mga ugat ng umiiral na gera sibil sa bansa.

________________

Pangangamkam at monopolyong kontrol sa lupa sa Southern Tagalog

Apat na raang libong (400,000) ektarya ng lupang sakahan ang sangkot sa mga kaso ng pang-aagaw sa rehiyon ng Southern Tagalog sa kasalukuyan. Saklaw nito ang 76 na bayan at 168 barangay. Kabilang sa mga mangangamkam ang 67 panginoong maylupa at 49 na korporasyon sa real estate. May bantang mapalayas ang mahigit 150,000 mamamayan sa 50 sa mga kasong ito.

Ginagamit ng mga panginoong maylupa at debeloper ng real estate ang iba't ibang reaksyunaryong patakaran at batas para isagawa ang pangangamkam ng lupa. Matingkad sa rehiyon ang malawakang land use conversion (LUC) o pagpapalit-gamit ng mga lupang pag-aari ng malalaking panginoong maylupa para iwasang mapailalim ang mga ito sa repormang agraryo.

Mula sa pagiging mga lupang sakahan, itinatransporma nila ang mga ito tungong subdibisyong residensyal, engklabong industriyal, sentrong komersyal at mga proyektong nananabing sa karatulang eko-turismo tulad ng mga golf course, leisure at ecological farm, at theme at nature park. May mga kasong lantarang minamamiobra ang mga umiiral na batas sa pag-aari sa lupa para lokohin at isahan ang mga magsasasaka. Sa ibang bahagi ng rehiyon, laganap ang kanselasyon ng certificate of land ownership award (CLOA), certificate of land title (CLT) at emancipation patent (EP)--mga probisyon sa mga batas sa repormang agraryo.

Libu-libong ektarya rin ang sinasaklaw ng pagmimina at konstruksyon ng mga "proyektong pangkaunlaran" tulad ng mga dambuhalang dam. Kabilang dito ang eksplorasyon ng Mindoro Resources Ltd. sa 24,000 ektaryang lupain sa Batangas, ang napipintong pagtatayo ng Laiban Dam na sasaklaw sa 28,000 ektaryang lupain sa hangganan ng Rizal at Quezon at ang off-shore mining ng Pitkin Petroleum Ltd. Mining Corp. sa Mindoro na sasaklaw ng 645,000 ektaryang lupa at baybaying dagat.

Lumalaganap din ang transpormasyon ng mga lupang agrikultural tungo sa mga korporadong sakahan na tinataguriang agro-ecological at agro-industrial, sa ngalan umano ng pagpapaunlad mula sa maliitang pagsasaka tungo sa mas malakihan, produktibo at sistematikong gamit ng lupa. Tampok ang mga plantasyon sa lalawigan ng Quezon at Palawan na tinatamnan ng industrial crops gaya ng tuba-tuba (jathropa) at balinghoy (cassava) para sa bio-fuel, at malunggay para naman sa gamit-medikal at nutrisyon.

Sa mga bulubunduking lugar ng rehiyon, ipinatutupad ang Integrated Social Forestry (ISF) at Community Based Forest Management Program (CBFMP) na nagpapalikas sa mga magsasakang nabubuhay sa pagtatanim ng produktong pagkain. Tampok ito sa lalawigan ng Batangas at mas marami pang kaso sa Palawan at Mindoro kung saan malalaki pa ang sinasaklaw ng mga kagubatan at kakahuyan.

Pinatitingkad ng mga kaso ng pangangamkam ang monopolyong kontrol ng lupa sa Southern Tagalog. Namamayagpag sa rehiyon ang pinakamalalaking panginoong maylupa, burgesya kumprador at dambuhalang land developer gaya ng mga Ayala, Cojuangco, Sy, Tan, Zobel, Roxas, Puyat, Lopez, Yulo, Reyes at Murray.

Nasa rehiyon din ang pinakamalalaking korporasyon sa real estate tulad ng Ayala Land Inc., SM Development Corporation, Manila Southcoast Development Corporation, LandCo, Fil-Estate, San Cristobal Realty Corporation, Laguna Estate Development Corporation, Guevent Industrial Development Corporation, Green Circle Properties, Crown Asia, Kuok-Philippines Property, Inc., Moldex, Cathay Land, Inc., na kapag inugat ang pag-aari ay kinakapitalan o kaya'y nasa sirkulo rin ng mga panginoong maylupang nauna nang nabanggit.

Hindi lamang sa Southern Tagalog nagaganap ang malawakang pangangamkam ng lupa. Sa iba't ibang bahagi ng bansa, nag-uunahan ang mga lokal na panginoong maylupa at dayuhang korporasyon na makopo ang pinakapaborable at pinakamayayamang lupain para sa sariling kapakinabangan. Udyok ito ng mga patakaran ng reaksyunaryong estado alinsunod sa "imperyalistang globalisasyon" at liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan. Binibigyan sila ng laya na dambungin ang likas na yaman ng bansa sa kapinsalaan ng lokal na ekonomya at ng sambayanan.

________________

Pagsasamantala sa mga gulayan sa Southern Tagalog

Ang produksyon ng gulay ay isa sa mga ikinabubuhay ng mga magsasaka sa Southern Tagalog (ST) at iba pang panig ng bansa. Papalaki ang produksyon nito, partikular sa Quezon at Laguna, na dati'y kilala sa mga niyugan.

Ang Laguna ang may pinakamataas na produksyon ng gulay. Noong 2006, umabot sa 86,091 tonelada ang produksyon ng gulay dito. Isa rin sa pinakamalalaking prodyuser ng gulay ang Quezon, ang pinakamalaking prubinsya sa rehiyon. Bentahe nito ang magandang klima sa Mt. Banahaw at pinong lupa naman sa mga bayan ng Sariaya, Lucban at Candelaria.

Pagsasamantalang pyudal sa mga magsasaka. Maliitan at hiwa-hiwalay ang produksyon ng gulay sa rehiyon. Atrasado ang mga kagamitang ginagamit sa pagtatanim, pag-aalaga at pag-ani ng gulay.

Dahil karamihan sa mga magsasaka sa ST ay walang lupa, napipilitan silang umupa ng lupa sa mga panginoong maylupa.

Iba't ibang iskema ng usura at hindi pantay na kalakalan sa pagitan ng mga magsasaka at mangangalakal ang pinaiiral. Ang mga panginoong maylupa, bagamat hindi signipikante ang bilang, ay may humigit-kumulang 100 ektaryang lupain. Ipinauupa nila ito sa mga maralitang magsasaka. Maging ang mga ahensya ng gubyerno ay mayroong mga pribadong korporasyon na sakahan tulad ng Department of Labor and Employment (DOLE) na may 36 ektarya at Project Development Assistance Center (PDAC) na mayroong 11.5 ektaryang lupain na ipinauupa rin nila imbes na ipagamit nang libre. Mismong ang Department of Agriculture ay nagpapaupa sa mga magsasaka nang may patong na interes na 20% bawat taon.

Malaking kabawasan sa kita ng mga magsasaka ang upang ibinabayad nila para sa lupa. Kahit umaabot sa isa hanggang dalawang ektarya lamang ang tinatamnan ng isang magsasaka ng gulay, umaabot sa P20,000 kada ektarya ang upa sa isang taon. Sa quintosan, na laganap sa Laguna, ay nakapako sa P2,000 ang upa sa bawat Πna ektarya, anuman ang mangyari sa ani. Tuwing panahon ng anihan ay binabarat ng mga middleman ang mga magsasaka sa mga produkto nilang gulay.

Ang mga panggitnang magsasaka naman ay hirap sa pagtatanim dahil pinakamura na ang puhunan na P30,000 para sa produksyon ng isang klase ng gulay sa isang ektarya lamang ng lupa. Ang iba ay nangungutang nang "5-6" (o 20% interes bawat araw) para makapagtanim.

Mataas ang halaga ng mga binhi at pataba na ibinebenta sa mga magsasaka. Halimbawa, ang ibinebentang abono sa isang lugar sa Quezon ay nagkakahalaga ng P1,100 kada dalawang sako habang ang pestisidyo ay ibinebenta nangP560 kada bote. Ang upa sa araro ay P300 kada araw. Walang naitutulong ang gubyerno sa pagpapagaan ng pasanin ng mga magsasaka dahil isang pakete lamang ng buto na pambinhi ang ipinamamahagi nito sa bawat magsasaka. Ang pag-atake rin ng mga peste at bagyo at iba pang kalamidad ay salik din sa pagpapababa ng kita. Kung minsan ay wala talagang kita ang mga magsasaka.

Mababa ang sahod na tinatanggap ng mga manggagawang bukid. Karaniwang sahod nila na itinakda ng Regional Wage Board ng ST ay umaabot lamang sa P200-250 kada araw. Ang bayad naman sa kanilang kabayo sa paghahakot ng gamit ay P1 lamang kada kilo habang ang bayad sa mga namimitas at naghahakot na manggagawang bukid ay nakadepende kung ilang kilo ang kanilang nahakot.
_______________

Isang dekada ng pakikibaka at mga tagumpay ng ILPS

Sampung taon na ang nakararaan mula nang idaos ang unang pandaigdigang asembliya ng International League of People's Struggles (ILPS) sa The Netherlands. Binuo ang ILPS upang magtatag ng malawak na anti-imperyalista at demokratikong alyansa ng mga pormasyon at kilusang masa. Layunin nitong ibunyag at labanan ang di makataong mga patakaran at gawi ng mga kumpanyang multinasyunal, mga reaksyunaryong gubyerno at pandaigdigang institusyon tulad ng IMF, World Bank, WTO at alyansang militar.

Sa pamamagitan ng ILPS ay nagkaisa at nagtulungan ang mga demokratiko at anti-imperyalistang organisasyon tulad ng mga unyon at mga organisasyon ng kababaihan, kabataan, magsasaka, guro, manggagawang pangkalusugan, mamamahayag, manunulat, syentista at teknolohista, mga abugado at iba pang propesyunal, gayundin ang mga popular na kilusan at kampanya.

Nakapagdaos na ng tatlong internasyunal na asembliya ang ILPS. Ang ikaapat na asembliya ay isinagawa nitong Hulyo 7-9 sa Pilipinas.

Matitingkad ang pagsulong na nakamit ng ILPS sa larangan ng pampulitikang edukasyon kaugnay ng mahahalagang isyu at usaping internasyunal. Mataas ang naabot nitong antas ng pagkakaisa at militansya bunga ng puspusang pag-aaral at pagtangan sa anti-imperyalistang pakikipag-alyansa at pakikipagkaisa. Matagumpay nitong napangibabawan ang mga pagtatangka ng mga huwad na Maoistang grupo na wasakin ang pagkakaisa ng liga at ilihis ito tungong anarkista o Trotskyistang landas.

Sa ngayon, ang ILPS ang pangunahing pormasyon ng mga organisasyong masa na komprehensibong tumatalakay sa mahahalagang usapin sa pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Ginagabayan ito ng patakaran sa pagbubuo ng nagkakaisang prenteng internasyunal. Naglulunsad ito ng mga pinagsanib na kampanya, pagkilos at masasaklaw na mga kumperensyang internasyunal. Pinagsasama at kinokoordina nito ang mga organisasyong masa alinsunod sa kanilang mga komun na interes at tunguhin. Kasabay nito, nakikipagkaisa at sinusuportahan nito ang mga inisyatiba ng mga myembrong organisasyon nito.

Isa sa mga unang inilunsad na kampanya ng mga myembrong organisasyon ng Liga ang pakikibaka laban sa mga patakaran ng neoliberal na globalisasyon at "gera kontra-terorismo" ng US. Noong Pebrero 2003, kumilos ang Liga kasama ang milyun-milyong mamamayan para kundenahin ang pagsakop ng US sa Iraq at suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Iraqi.

Lumahok ang mga myembrong organisasyon sa mga kilos-protesta laban sa IMF, World Bank, WTO at World Economic Forum. Sa Asia at Africa, sinimulan nito ang mga kampanya laban sa Millennium Development Goals na ginagamit na pantabing ng mga imperyalista para takpan ang kanilang pandarambong. Naglunsad ito ng mga kampanya para ipanawagan ang pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal katulad nina Memik Horuz, pangalawang tagapangulo ng Liga, at Irene Fernandez, awditor nito. Itinayo ng ILPS ang DEFEND upang ipagtanggol ang mga karapatan ng upisyal nitong si Jose Maria Sison matapos siya bansagang terorista ng US, The Netherlands at ng European Union.

Inilunsad ng ILPS ang Mumbai Resistance 2004 para tutulan ang repormistang linya na namayani sa Mumbai Social Forum noong taong iyon. Noong 2005, lumahok ito sa mga aksyon at kumperensyang tumutol sa mga gerang agresyon ng US at nanawagan para sa kagyat na pagpapalaya ng mga detenidong pulitikal. Aktibong dinepensahan ng ILPS ang mga upisyal at myembro nitong pinag-initan ng mga reaksyunaryong gubyerno.

Kasabay ng mga internasyunal na kampanyang inilunsad ng ILPS, aktibo ang mga myembrong organisasyon sa mga protesta sa kani-kanilang saklaw. Kabilang sa mga isyung hinarap nila ang mga paglabag sa karapatang-tao sa Pilipinas, Turkey, India, Brazil at iba pa. Aktibo rin ang mga myembrong organisasyon sa mga lokal na isyu sa Nepal, Palestine, Turkey at iba pa. Noong 2008, inilunsad ng Liga ang unang internasyunal na kumperensya kaugnay ng mga migranteng manggagawa at refugee.

Noong taon ding iyon, muling binuhay ng ILPS ang RESIST, isang pormasyon laban sa imperyalistang globalisasyon at gerang agresyon. Nag-organisa ito ng kumperensyang dinaluhan ng mga kilalang eksperto sa ekonomya sa The Netherlands, Indonesia, US, South Africa at Pilipinas. Aktibo nitong dinala at iginiit ang anti-imperyalista at maka-mamamayang pagsusuri at paninindigan sa iba't ibang mga internasyunal na kumperensya.

Ngayong taon, sangkot ang Liga sa mga kampanya laban sa pananalakay ng US at NATO sa Libya, para sa pagpapalaya kay Julian Assange at pagtatanggol sa iba pang biktima ng pampulitikang pang-uusig. Aktibo nitong isinulong ang paggunita sa pandaigdigang araw ng kababaihan, pagbubuo ng pagkakaisa ng mga magsasaka sa Asia at pakikipagkaisa sa mamamayang biktima ng mga sakuna at mga pinsalang dulot ng imperyalistang pandarambong.

Ang mga nabanggit na kampanya, aksyong protesta at internasyunal na kumperensya ay ilan lamang sa mga pagkilos na nilahukan o inilunsad ng ILPS at mga myembrong organisasyon nito noong nakaraang dekada.

Ang ILPS sa ngayon ang tumatayong pinakamalawak na intenasyunal na pormasyon ng mga demokratiko at anti-imperyalistang organisasyong masa. Milyun-milyon ang kasapian ng mga organisasyong nakapaloob dito, na nakapaglulunsad ng mga kampanya sa kani-kanilang mga saklaw habang aktibong lumalahok sa mga internasyunal na kampanyang ikinakasa ng sentro nito. Sa pamamagitan ng pakikipagkaisang prente at direktang pag-organisa sa mamamayan, higit pang napalalakas nito ang sarili at sa gayo'y nagagawa nitong samantalahin ang mga kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at mga reaksyunaryo. ~