Magkakasunod na Taktikal na Opensiba at Pamamarusa sa Palawan, Tagumpay! 23 Armas Nasamsam!

Information Bureau
Communist Party of the Philippines
July 7, 2011

Sa gitna ng pagpapatupad ng WesCom ng IPSP Bayanihan at ng Balikatan Exercises ng armadong pwersa ng US at Gobyerno ng Pilipinas sa isla ng Palawan bunsod ng sigalot sa pinag-aagawang Spratlys, masigla at sunod-sunod na naglunsad ng matatagumpay na taktikal na opensiba at pamamarusa sa mga minahan ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng Palawan sa ilalim ng Zacarias Sarsidillo Command.

Noong March 14, 2011, malubhang nasugatan ang tatlong elemento ng Provincial Mobile Group-Philippine National Police (PMG-PNP) matapos ambusin ng armadong pwersa ng BHB ang sinasakyang back-to-back sa Brgy Cataban, Taytay, Palawan.

Samantala, dinis-armahan ng iskwad ng BHB ang armadong grupo ni Abet Pacia sa San Jose, Taytay noong ika-6 ng Hunyo, 2011. Bantog sa mga kriminal na gawain at pagiging marahas sa mamamayan, kinumpiska sa nasabing mga armadong kriminal ang isang (1) carbine; dalawang (2) shotgun; isang (1) night vision goggle; at isang (1) .45 kalibreng armas at bala.

Nakumpiska naman ang isang (1) shot gun; isang (1) 9mm; at anim (6) na handheld radio nang salakayin ng isang yunit ng BHB ang mga security guard ng Ipilan Nickel Corporation (INC) sa Baranggay Ipilan, Espanola, Palawan noong June 26, 2011.

Sa parehong araw, dinis-armahan din ang mga security ng Macro Asia, isang Nickel Mining Company sa Baranggay Pulot 3, Espanola, Palawan kung saan kinumpiska ang (1) shotgun at isang (1) .38 kalibreng armas.

Noong June 27, 2011, nasamsam ang isang (1) street sweeper shotgun; apat (4) na .45 kalibreng armas; at isang (1) icom radio nang dis-armahan ng yunit ng BHB ang security group ng Bantay Lawa sa Lawa ng Danao, Bgy. Poblacion, Taytay, Palawan. Ang security group ang responsable sa pangangamkam ng lupa at paninira ng mga pananim ng mga magsasaka sa lugar

Kinumpiska naman noong July 2, 2011 ang mga gamit sa pagmimina ng Orebucks Mineral Traders, isang small scale mining ng chromite sa Bgy. Paly, Taytay, Palawan. Nakumpiska dito ang isang (1) baby M16, dalawang (2) shotgun; dalawang (2) .45 kalibreng armas; dalawang (2) ingram machine pistol; dalawang (2) KG9, isang (1) .38 kalibreng armas; tatlong (3) hand grenade, anim (6) na handheld radio; isang (1) scope; at mga bala ng iba't ibang armas.

Ayon kay Kasamang Samuel Caballero, tagapagsalita ng Zacarias Sarsidillo Command-Bagong Hukbong Bayan Palawan, ang mga panimulang pamamarusa at pagdis-arma sa mga minahan sa timugan at hilagang bahagi ng Palawan ay labis na ikinatuwa ng mga mamamayan. Batay sa salaysay ng mga Palaweño, ang mga abusadong armadong grupo at mga kompanya ng minahan ay matagal na nilang inirereklamo subalit nananatiling walang aksyon ang mga lokal na pamahalaan. Sa halip lalo pa itong nakikipagsabwatan sa at patuloy na pinapahintulutan ang mga dayuhang mamumuhunan na magmina sa lalawigan.

Tiniyak ng BHB na walang madadamay at masasaktang mga sibilyan sa isinagawang mga taktikal na opensiba at pamamarusa. Kasabay ng mainit na suporta ng rebolusyonaryong mamamayan sa lalawigan, mahigpit na tumatalima ang BHB sa CARHRIHL habang aktibong ipinagtatanggol ang kapakanan at kagalingan ng mamamayang Palaweño laban sa mga mapagmalabis na armadong grupo at anti-kalikasan at anti-mamayang pagmimina sa lugar.

Ang pinakahuling mga tagumpay ng BHB sa Palawan ay palatandaan ng lumalawak na pagtangkilik at lumalakas na suporta ng mamamayang Palaweño sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka at Bagong Hukbong Bayan.