Mga kasong kriminal ni Superintendent Rodney Ramirez, siningil ng Bagong Hukbong Bayan!

Apolinario Matienza
Eduardo Dagli Command, NPA-Batangas
July 14, 2011

Iginawad ng BHB Batangas ang pamamarusa sa isang mataas na opisyal ng PNP (dating Provincial Intelligence Officer ng PNP Batangas) na si Superintendent Rodney Ramirez dahil sa mga kasong kriminal. Siya ay residente ng P. Burgos St. Barangay Anak Dagat, Lemery, Batangas, may asawa at 2 anak. Isinagawa ang pamamarusa noong ika-12 ng Hulyo 2011 bandang alas 9:45 ng umaga sa Barangay Butong bayan ng Taal, habang ligtas na naka-atras ang mga operatiba ng BHB.

Una nang umutang ng dugo ang nasabing upisyal ng PNP noong panahon na siya ay Chief of Police sa Santa Rosa City, Laguna. Panahon ito na ipinatutupad ang malawakang kumbersyon ng gamit sa lupa at pagdedemolis ang tirahan ng mga maralita sa lunsod para bigyang daan ang pagtatayo ng industriyal na purok para sa dayuhang investor. Mariing tinutulan ito ng mamamayan sa pangunguna ng samahang Mamamayan ng Santa Rosa para sa Katarungan, Kalayaan at Kapayapaan (MSRK3) para maipagtanggol ang interes ng mga maralitang tagalunsod, mga manggagawa at mga magsasaka. Nagsilbing balakid ang samahan sa malayang pagpasok ng dayuhan kaya't isinagawa ng Chief of Police ang karumaldumal na ekstrahudisyal na pagpaslang sa babaeng lider ng MSRK3 sa pamamagitan ng pag-utos sa kanyang mga tauhan.

Napatay sa pamamagitan ng pagbaril noong Marso 23, 2009 ang lider na si Sabina "Nanay Sabeng" Mendoza Ariola sa gitna ng nabanggit na syudad habang nagtatalumpati para kondenahin ang pagsagasa sa karapatan at kagalingan ng mamamayan.

Sa Batangas ang utang na dugo ni Supt. Ramirez ay ang pagpatay kay Barangay Chairman Kenneth Reyes ng Barangay Maguihan, Lemery at tumatayo ding Pamprobinsyang Tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan. Si Barangay Chairman Reyes ang nagtanggol sa mga pamilya ng mangingisda na pinalalayas sa lupa ng pamilyang Villarica. Dahil magkaibigan ang pamilyang villarica at Ramirez, kaagad inutusan ni Superentindent Ramirez ang kanyang alagang death squad upang paslangin si Barangay Chairman Reyes noong ika-11 ng Abril 2011.

Ang isinagawang pagpaprusa ng BHB kay superentindent Ramirez ay tugon lamang sa karaingan ng mamamayan at kapamilya ng mga biktima ng karahasan ni Superentindent Ramirez. Ipinapaabot ng BHB sa mga kapulisan laluna sa mga karaniwang kawal at mga nakabababang upisyal na huwag tularan si Superentindent Ramirez at huwag nang magpagamit sa kanilang mga superyor sa paggawa ng krimen laban sa mamamayan at rebolusyunaryong kilusan. Ang sinumang gumawa ng paglabag sa karapatan ng mamamayan at krimen sa rebolusyonaryong kilusan ay magiging target ng operasyon ng BHB.

Mariing kinokondena ng Eduardo Dagli Command ang marahas na panghuhuli sa 6 na sibilyan at pambubugbog sa iba pang mga inosenteng sibilyan ng walang kaukulang proseso o "due process" sa imbestigasyon. Mga suspect pa lamang ay dinadahas na. Hindi rin makatwiran ang ginawang pangrereyd sa mga kubo na pag-aari ng Mayor ng Lemery at ang kaniyang personal na bodyguard na bahagi ng lokal na PNP ay inalis. Lalo lamang inilalayo ng mga PNP sa kabuuan ang damdamin ng mamamayan sa ganitong mga marahas na aksyon.

Ang Bagong Hukbong Bayan ay handa anumang oras na gumawa ng karampatang aksyon laban sa mga kasong kriminal na ginagawa ng kapulisan o kasundaluhan sa pagiging pasista na hindi na kayang pagtiisan ng mamamayan para makamit ang katarungan.