4 na Sundalo ng 48th "Sedula/Berdugo" Battalion, Patay sa 2 Opensiba ng NPA

Ka Rowena Servante
Domingo Erlano Command, NPA-Aurora
13 Agosto, 2011

Hindi bababa sa 4 sundalo ng 48th IB ang napatay matapos ang dalawang magkasunod na opensiba ng NPA sa Brgy. Diteki, San Luis, Aurora. Ang una ay naganap noong 11:15 ng gabi ng Agosto 12, nang dikitan at pagbabarilin ng isang yunit ng NPA ang mga nasa 20 sundalo na umokupa sa Brgy. Hall ng Brgy. Diteki.

Kinabukasan, Agosto 13 ganap na 9:10 ng umaga ay naambush naman ang sasakyan ng mga sumaklolong pwersa ng 48th IB sa naturang barangay. Pinasabugan ng command detonated explosive ng NPA ang isang trak ng sundalo na noon ay sinasakyan ni 1Lt. Moreno, ang intelligence officer ng 48th IB. Ang trak ay bahagi ng convoy ng mga sasakyan kasama pa ang isang V150 armored personnel carrier at isa pang trak ng mga army. Pabalik na ang mga sundalo sa kanilang headquarters sa Baler nang sila ay pasabugan ng bomba at pagbabarilin ng isa pang yunit ng NPA. Bumalandra ang isa nilang trak, habang hindi na umabante ang kanilang V150 at sa halip ay bumalik na lang sa sentro ng barangay ng Diteki.

Dinakip naman ang mga sibilyan na sina Arthur Friginal, Arman Arevalo, Ulot Mariano at mag-asawang Nene Genes at Udit Wegan at dinala sa pwesto ng militar. Pilit silang pinaaamin na may kinalaman sila sa pangyayari. Pinakawalan lamang sila pag-abot ng hapon. Pinalikas din ng mga militar ang mga naninirahan sa Purok Sablang ng nasabing barangay.

Pinababa din ang mga magsasaka sa Sityo Katupnan, Brgy. Ditumabo, San Luis at hindi pinapaahon sa kanilang mga kaingin.

Ang mga aksyong ito ay pangatlo at pang-apat na sa mga aksyong militar na naganap sa loob ng isang buwan. Ang una ay ang labanan sa Brgy. Dierabasin, Dipaculao noong July 10 kung saan isang sibilyan ang pinatay ng mga sundalo at ipinagmalaking NPA ito. Iniuulat ng mga residente ng Brgy. Dierabasin na 3 ang patay na sundalo sa enkwentrong ito, habang wala naman sa panig ng NPA. Ang pangalawa ay noong July 11 nang paulanan ng bala ng isa pang yunit ng NPA ang detachment ng mga CAFGU sa Sitio Dimutol, Brgy. Dianawan, Maria Aurora.

Pinatutunayan ng sunod-sunod na aksyong militar sa nakalipas na isang buwan ang patuloy na paglakas ng rebolusyonaryong kilusan sa Aurora sa kabila ng pagyayabang ng AFP na nadurog na nito ang NPA sa lalawigan.

Ang mga aksyong ito ay tugon sa kahilingan ng mamamayan para parusahan ang 48th "Sedula/Berdugo" Batalyon sa mga hindi malilimutang mga krimen nila sa mamamayan. Ang batalyon din na ito ang pangunahing instrumento ng numero-unong land grabber ng Aurora na dinastiyang Angara para ipatupad ang makadayuhang programa na APECO.

Asahan pa ang mga susunod na mga opensiba at mga ambus ng NPA! Ang mga ito ay bahagi ng kampanya para sa pagtatanggol ng mamamayan laban sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapahirap na ginagawa ng pamilyang Angara at ng papet ng gobyernong US-Aquino.