Di maibalik ni Aquino ang tiwala ng bayan sa bulok na sistema

Ang Bayan
7 Agosto 2011
Download PDF

Pawang kasinungalingan at panakip-butas ang laman ng talumpati ni Benigno Aquino III sa pagbubukas ng reaksyunaryong kongreso noong Hulyo 25. Pilit niyang pinalalabas na gumaganda na ang kalagayan ng bansa at patuloy ang mga pagbabago. Tinangka niyang ibalik ang tiwala ng mamamayan sa reaksyunaryong gubyerno. Pero sa desperasyon niyang takpan ang katotohanan, lalo lamang niyang ihiniwalay ang kanyang rehimen sa mamamayan. Dinagdagan lamang ni Aquino ang kawalan ng tiwala at pag-asa ng bayan sa naghaharing sistema.

Gusto ni Aquino na likhain ang ilusyon ng pagbabago at pagsulong sa ilalim ng kanyang rehimen. Pero walang silbi ito sa mamamayan na araw-araw ay lugmok sa lumalalang kahirapan. Walang awat ang pagdurusa nila sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng langis, ng pagkain at iba pang bilihin. Laganap ang disempleyo at mababa ang sahod. Nangangabulok ang mga pampublikong ospital at paaralan. Milyun-milyong pamilya ang walang disenteng tirahan. Laganap ang sakit, pagkawasak ng kalikasan at samutsaring mga suliraning panlipunan at pangkabuhayan.

Binuhay ni Aquino ang pagbira niya sa korapsyon ng nagdaang rehimeng Arroyo sa layuning muling makuha ang suporta ng bayan at paasahin silang may magbabago sa ilalim ng kanyang paghahari. Subalit hindi niya mapagtakpan na matapos ang isang taon ay nabigo siyang kasuhan, litisin at parusahan si Gloria Arroyo at ang mga kasabwat niya sa malalaking kaso ng pandarambong at korapsyon. Ang paglitaw naman ng "Kamag-anak, Kaklase, Kabarkada, Kabarilan, Inc." ay naglalantad sa nagpapatuloy na sistema ng kronyismo.

Pinalalabas ni Aquino na sumusulong ang ekonomya batay lamang sa upinyon ng gubyernong US at ng mga dayuhang ahensya sa credit rating (paggagrado sa tiwala sa pagpapautang). Subalit tahimik na tahimik siya tungkol sa kalunus-lunos na kalagayan ng mayorya ng mga manggagawa, magsasaka, karaniwang empleyado, tauhan ng gubyerno at mga walang hanapbuhay.

Isang milyong trabaho raw ang nalikha noong nakaraang taon. Subalit hindi niya sinabi kung papaano iyon nalikha. Hindi niya binanggit na mahigit isang milyong mamamayan din ang nadagdag sa pwersa ng paggawa noong nakaraang taon. Na araw-araw ay sinisipa sa kanilang mga trabaho ang mga manggagawa matapos ang kanilang tatlong-buwang mga kontrata. Wala pa rin siyang plano para malawakang lumikha ng empleyo sa mahigit nang 11 milyong wala o kulang ang trabaho.

Tagasunod lamang ng IMF ang mga upisyal sa ekonomya ni Aquino. Tumatangging tugunan ng mga ito ang iginigiit ng mga lokal na industriya at manupaktura na palakasin ang lokal na produksyon at merkado at bawasan ang pagsalalay sa mga dayuhang kalakal. Nagmamatigas ang mga ito na ituloy ang mga pinaglumaan nang patakarang nagtataguyod sa liberalisasyon ng kalakalan at pamumuhunan, pribatisasyon ng mga pag-aari ng estado at deregulasyon ng operasyon ng mga dayuhang pribadong mamumuhunan. Nitong nakaraang dalawang dekada, nagiba na halos lahat ng probisyon ng konstitusyon ng 1987 na pumapatungkol sa pangangalaga ng pambansang patrimonya. Kung matuloy ang dati nang mga balak na pagbabago sa konstitusyon, tiyak na malulubos na ang panibagong kolonisasyon ng ekonomya ng Pilipinas.

Ipinagmalaki ni Aquino ang paglago ng produksyon ng palay, kahit pa ang katotohana'y ibinunsod lamang iyon ng pagbawi sa lupang natuyuan noong nagdaang taon. Walang pagbabago sa produktibidad ng lupa. Nabawasan daw ang importasyon ng bigas subalit hindi naman inutusan ang NFA na paramihin ang binibiling palay sa mga magsasaka upang baklasin ang monopolyo rito ng malalaking negosyanteng komprador kasabwat ang malalaking burukrata. Patuloy pa rin siyang nagbibingi-bingihan sa sigaw para sa tunay na reporma sa lupa sa Hacienda Luisita na pag-aari ng kanilang angkan.

Walang maipagmalaki si Aquino na solusyon sa kahirapan kundi ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Sa pagtanggap ng limos na ilanlibong piso kada buwan, ang tinaguriang "pinakamahihirap" na pamilya ay pinapaniwalang makaaahon sila sa kahirapan nang hindi nilulutas ang saligang mga suliranin ng kawalan ng lupa, malawakang disempleyo at iba pang ugat ng kanilang pagdarahop.

Walang tugon si Aquino sa mga pundamental at maiinit na usaping inihahapag ng mamamayan. Iginigiit ng bayan ang trabaho, dagdag sahod, reporma sa lupa at pagrespeto sa karapatang-tao. Sigaw nila ang pagwawakas sa pagtaas sa presyo ng langis at nasyunalisasyon ng industriya ng langis. Sigaw nilang wakasan ang demolisyon ng mga bahay ng mga maralitang lunsod. Sigaw nilang wakasan ang panghihimasok militar ng US sa Pilipinas at ang pakikialam nito sa problema sa Spratly Islands.

Hindi tinukoy ni Aquino na prayoridad ang usapang pangkapayapaan ng kanyang gubyerno at ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Hindi pa rin niya tinutupad ang pangakong palalayain ang lahat ng konsultant ng NDFP sa usapan. Labintatlo sa kanila ang nananatiling nakapiit. Nagpapakakupad ito sa usapang pangkapayapaan, pero paspas naman ang mga operasyon ng mga pasistang tropa nito sa kanayunan. Kaliwa't kanan ang mga paglabag sa karapatang-tao sa isinasagawa nitong "peace and development operations."

Ang "state of the nation address" ni Aquino ay reaksyunaryo, maka-imperyalista at anti-mamamayang talumpating puno ng kasinungalingan at panlilinlang. Desperado itong pagdulog sa bayan na magtiwala sa bulok at lugmok-sa-krisis na malakolonyal at malapyudal na sistema. Subalit maling-mali si Aquino at ang kanyang mga gabay na Amerikano sa pag-aakalang maililigaw nila ang mamamayan mula sa landas ng rebolusyonaryong paglaban sa pamamagitan ng gayong mga hungkag na deklarasyon at mga gimik sa pulitika.

Sa harap ng lumalalang kahirapan at kaapihan, lalong namumulat ang mamamayang Pilipino sa pangangailangang isulong ang rebolusyonaryong pakikibaka na siyang tanging tuwid na daan tungo sa pambansa at panlipunang paglaya. Pinatutunayan ito ng patuloy na paglaki at paglakas ng Bagong Hukbong Bayan at ng pag-igting ng mga pakikibakang masa sa unang taon ng rehimeng US-Aquino.

____________________________

Abang kalagayan ng mga manggagawa

Lalong nalugmok sa kahirapan at kaapihan ang mga manggagawa sa unang taon ng rehimeng Aquino.

Sa panahong ito ay limang manggagawang unyonista ang naging biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang.

Patuloy din ang pagtugis sa mga maslider at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga manggagawa. Kabilang sa 72 lider at aktibista ng Southern Tagalog na sinampahan na naman ng gawa-gawang kasong pagpatay si Atty. Remigio Saladero, isang kilalang abugado ng mga manggagawa. Ito ay matapos ibasura ng korte ang unang gawa-gawang kaso laban sa kanila noong 2009.

Sa usapin ng sahod, kulang na kulang na nga ay halos P4,000 ang nakaltas sa tunay na halaga ng buong taong sahod ng mga manggagawa dahil sa walang awat na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. Sa kabila nito, ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nag-apruba lamang ng katiting na P22 na umento sa Cost of Living Allowance (COLA) ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa National Capital Region (NCR). Ang ibinigay namang P1,800 na dagdag kada buwan sa mga empleyado ng gubyerno ay malayung-malayo sa hinihiling nilang P6,000 umento bawat buwan.

Lumaki nang 11.3 milyon ang bilang ng mga walang trabaho, at ang tantos ng kulang sa trabaho ay lumalala sa kabila ng patuloy na pagpapalabnaw sa depinisyon at kategorisasyon ng mga walang trabaho. Ayon sa isang sarbey ng SWS, si Aquino ang nagtala ng pinakamasahol na tantos ng disempleyo sa unang taon ng panunungkulan kumpara sa iba pang presidente. Animnapung porsyento (60%) ng mga may trabaho ay partaym na manggagawa lamang at halos kalahati ng may trabaho ay nasa impormal na sektor. Wala silang katiyakan sa trabaho, walang mga benepisyo at hindi pinahihintulutang mag-unyon.

Ang "tuwid na daan" ni Aquino ay malinaw na pumapabor sa kapital laban sa mga karapatan at interes ng mga manggagawa. Itinutulak na panukala ngayon ng Akbayan, grupong partylist na alyado ng Malacañang sa Kongreso, ang pagliligalisa sa kontraktwalisasyon ng hanggang 20% ng mga manggagawa sa mga industriya sa halip na itaguyod ang katiyakan sa trabaho ng lahat ng mga manggagawa.

Walang proteksyong tinatamasa ang mga manggagawa sa mga panganib na kinakaharap nila sa kanilang tinatrabahuan. Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights at Institute for Occupational Health and Safety Development, 214 manggagawa na ang namamatay sa iba't ibang aksidente sa paggawa mula pa lamang noong Enero 2011.

____________________________

Pinakamasahol na taon para sa mga OCW

Mga "bagong bayani" kung ituring ang mga migranteng manggagawang Pilipino, pero patuloy silang pinababayaan ng rehimeng Aquino. Ngayong taon, halos kalahati ang kinaltas ng rehimeng Aquino sa badyet para sa serbisyo sa mga migrante (mula P19.5 bilyon tungong P10 bilyon).

Tampok nitong nakaraang taon ang kabiguan ng rehimeng Aquino na resolbahin ang samutsaring suliraning kinaharap ng mga migrante. Bigo itong iuwi ang 90% ng mga Pilipinong nabahura sa Libya. Gayundin, bigo itong bigyan ng sapat na suporta ang libu-libong migranteng may iba't ibang problemang kinakaharap sa ibang bansa.

Sa kabila ng mga kaguluhan sa iba't ibang bansa, patuloy na hinihikayat ni Aquino ang mga Pilipino na mangibang bayan. Takam na takam si Aquino na malikom ang tinatayang $22 bilyong makukuha ng kanyang rehimen sa mga remitans ngayong taon. Ang pagpapaluwas ng mga manggagawa ang sentro ng programang pang-empleyo ni Aquino. Umaabot na ngayon sa halos 15 milyon ang mga migranteng manggagawang Pilipino.

____________________________

Buwanang demolisyon

Isang maralitang komunidad sa kalunsuran ang winasak bawat buwan sa unang taon ni Benigno Aquino III bilang presidente. Umaabot sa 27,000 pamilya o 103,555 indibidwal ang nawalan ng tirahan sa 14 na mararahas na demolisyong isinagawa sa iba't ibang lugar sa buong bansa mula Hulyo 2010. Tatlong aktibista mula sa sektor na ito ang naging biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa parehong panahon.

Ang mga demolisyong isinasagawa para bigyang-daan ang mga pambansang proyekto ay nagpapakita na walang puwang ang mga maralita ng lunsod sa Private-Public Partnership (PPP) ni Aquino. Sila ay sapilitang pinalalayas sa kanilang mga komunidad kahit na walang relokasyon. Kung mayroon man ay walang kabuhayan at serbisyo sa mga pinagtatapunan sa kanila.

____________________________

Lumalawak na agwat ng mayayaman at mahihirap

Lalong yumayaman ang mayayaman sa ilalim ng rehimeng US-Aquino. Ang pinakamayayamang Pilipino, ayon sa sarbey ng Forbes Magazine, ay nakapagpalago nang 39% sa kanilang negosyo mula US$16.4 bilyon noong 2010 tungong US$22.8 bilyon ngayong taon.

Sa kabilang banda, ayon sa isa pang sarbey, upang mapaliit ang bilang ng naghihirap na mga Pilipino ay binago ng gubyerno ang hangganan ng karalitaan mula P54 tungong P46 na arawang kita. Gayunpaman, nananatiling mataas ang bilang ng mga naghihirap na Pilipino na umaabot sa 23.1 milyon.

Matataas na buwis at bayarin ang ipinataw sa malawak na mamamayan sa unang taon ng gubyernong Aquino, samantalang maluwag ito sa pagpapataw ng buwis sa mga kumpanya ng langis sa kabila ng limpak-limpak na kita ng mga ito mula sa serye ng pagtataas sa presyo ng mga produktong petrolyo. Mula Enero 2011 ay 27 beses nang tumataas ang presyo ng langis.

____________________________

Tatlong biktima ilang araw bago ang SONA

Tatlo ang naging biktima ng pampulitikang pamamaslang ilang araw bago ang ikalawang State of the Nation Address ni Benigno Aquino III.

Dagdag sila sa 48 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang na naitala sa unang taon ni Aquino.

Noong Hulyo 10 ng gabi ay pinatay si Roque Laputan, 59 anyos at kasapi ng Anakpawis sa Davao del Sur. Nasa isang tindahan siya noon sa Barangay Tagansuli, Malalag, Davao del Sur nang barilin siya ng isa sa dalawang nakamaskarang lalaking sakay ng motorsiklo. Hinawakan sa leeg at hinatak ang aktibistang manggagawang bukid bago barilin nang dalawang beses sa ulo. Namatay agad si Laputan.

Isa si Laputan sa mga nangunguna sa mga kilos-protesta laban sa operasyon ng dayuhang minahang Xstrata-Sagittarius Mines Inc. sa Davao del Sur. May balak din ang kumpanyang ito na magtayo ng coal-fired plant sa nasabing lugar.

Dalawa ring residente ng Pangarap Village sa Caloocan City ang napatay nang pagbabarilin sila ng mga armadong bantay. Kabilang sila sa mga residenteng nagpoprotesta sa demolisyon sa nasabing lugar. Bukod sa dalawang biktimang napatay na sina Soliman Gomez at Rommel Fortadez, anim pang residente ang nasugatan sa pamamaril.

Ayon sa mga saksi, lasing ang mga armadong gwardya na nagbabantay sa lupain ni Gregorio Araneta III. Si Araneta ay manugang ng yumaong diktador na si Ferdinand Marcos at malapit na kamag-anak ni Manuel "Mar" Roxas II, ang bagong hirang na kalihim ng Department of Transportation and Communications.

Pinaiimbestigahan ni Rep. Rafael Mariano ng Partidong Anakpawis ang nasabing mga insidente. Partikular sa Pangarap Village, hindi lamang ito ang unang pangyayari. Noong Abril 28, tatlo ang nasugatan sa walang patumanggang pamamaril ng mga gwardya ng Carmel Development Inc., na pagmamay-ari ng pamilyang Araneta.

Ani Cristina Guevarra, pangkalahatang kalihim ng HUSTISYA, isang organisasyon ng mga kamag-anak ng mga biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao, hindi pa nga nabibigyan ng hustisya ang mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng nakaraang administrasyon ay nagpapatuloy pa rin ang pamamaslang sa ilalim ni Aquino.

____________________________

Ika-2 SONA ni Aquino, sinalubong ng mga protesta

Sinalubong ng mga kilos-protesta sa loob at labas ng bansa ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Benigno Aquino III noong Hulyo 25. Pinamunuan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) at mga organisasyong nasa ilalim nito ang mobilisasyong masa.

Sa National Capital Region. Nagmartsa ang 14,000 raliyista sa Commonwealth Avenue sa Quezon City bago magsimula ang talumpati ni Aquino sa Batasang Pambansa. Sinunog nila ang 14-na-talampakang effigy ni Aquino bilang simbolo ng bagsak na gradong ibinigay sa kanya ng mamamayan.

Sumama sa kilos-protesta ang delegasyon ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita. Ipinanawagan nila ang kagyat na pamamahagi ng malawak na lupa ng pamilyang Cojuangco-Aquino. Kasabay nito, iginiit nila kay Aquino na itigil na ng kanyang pamilya ang pagpapanggap na maka-magsasaka sila.

Bigo si Aquino sa panunungkulan nito bilang pangulo ng bansa, ayon sa BAYAN. Walang pagbabagong naramdaman ang mamamayan sa nakalipas na isang taon dahil tuluy-tuloy ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pamasahe, paglala ng kahirapan at kawalan ng trabaho at pagkabulok ng mga serbisyong panlipunan tulad ng pabahay, edukasyon, kalusugan at iba pa.

Dagdag pa ng BAYAN, patuloy na tumataas ang bilang ng paglabag sa karapatang-tao sa kanyang panunungkulan. Marami ring bilanggong pulitikal ang hindi pa pinalalaya ng gubyerno. Binatikos din ng BAYAN ang kabiguan ni Aquino na parusahan si Gloria Macapagal Arroyo sa mga pagkakasala nito.

Samantala, sa iba't ibang lugar sa bansa ay sinabayan din ng protesta ang SONA ni Aquino.

Sa labas ng NCR, pinakamalaki ang mga mobilisasyon sa Mindanao. Mahigit 10,000 magsasaka sa buong isla ang naglunsad ng mga aksyong protesta, ayon kay Pedro Arnado, pangkalahatang kalihim ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas-Southern Mindanao. Sinunog ng mga raliyista ang isang effigy ni Aquino na may nakakapit na imperyalistang US at kumprador bilang pagpapakita ng malaking pagkadismaya sa isang taon nitong pamumuno. Binatikos din nila ang patuloy na pagpapalayas sa mga maralitang residente sa syudad at iba pang lugar sa bansa, ang tumitinding militarisasyon sa kanayunan at maka-dayuhan nitong Public-Private Partnership (PPP).

Sa Panay. Umabot sa 3,700 ang dumalo sa mga pagtitipon sa tatlong prubinsya kaugnay sa SONA. Sa Iloilo City, nagtipon ang 2,500 katao sa tapat ng University of the Philippines in the Visayas at St. Clement Church at nagmartsa sa kapitolyo ng syudad. Naglunsad sila roon ng rali at konsyerto. Mga 500 naman ang nagrali sa Crossing Banga at New Washington sa Kalibo, Aklan habang sa Capiz ay 700 ang nagprotesta sa plasa ng Roxas City.

Sa Southern Tagalog. Umabot sa 2,000 ang namobilisa sa "SONA ng mamamayan" na inilunsad sa iba't ibang prubinsya sa rehiyon. Ito ay matapos ang serye ng mga pagkilos noong nakaarang linggo. Sinunog nila ang isang effigy ni Aquino sa Laguna sa pagtatapos ng rali.

Sa Bicol. Nagmartsa ang may 1,000 katao sa pamumuno ng BAYAN-Bicol at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Nagtipon muna sila sa Ninoy Aquino Park sa Daraga at tumungo sa Peñaranda Park sa Legazpi City. Sinabi ng BAYAN-Bicol na ipinagpatuloy lamang ni Aquino ang patakaran ng globalisasyon sa ilalim ng Philippine Development Plan.

Sa Cagayan de Oro. Naglunsad ng dulaang kalye ang mga maralita sa Cogon Market na pinakamalaking palengke sa syudad. Ipinakita sa dula kung paano araw-araw ay pinagkakasya na lamang ng isang pamilya ang kakarampot nilang badyet dahil sa mababang sweldo at matataas na bilihin.

Sa Zamboanga City. Iginiit sa isang piket-rali ang pagpapalayas sa mga tropang militar ng US at paggalang sa soberanya ng bansa.

Sa Ilocos Sur. Nagrali ang mga progresibong grupo sa Plaza Burgos sa Vigan City. Bitbit nila ang dalawang "higantes" na sina Aquino at Arroyo na sumisimbulo sa kawalan ng pagkakaiba ng dalawang rehimen.

Sa Baguio. Inilunsad ng mga aktibista ang isang "workers lunch". Pinananghalian nila ang kanin at sayote bilang pagpapakita ng patuloy na kagutuman at kahirapan ng sambayanan.

Sa Bacolod City. Sinunog ng mga nagprotesta ang effigy ni Aquino na isang papet ng US at binigyan siya ng bagsak na marka. Isa sa kanilang batayan ang palimos na programang Conditional Cash Transfer (CCT) na insulto lamang sa mahihirap na mamamayan.

Sa Cebu City. Pinamunuan ng Nagkahiusang Drayber sa Sugbo-PISTON ang protesta sa Colon Street na pinakamayor na kalsada sa syudad. Dismayado sila dahil hindi iniutos ni Aquino na tanggalin ang 12% Value Added Tax sa langis at bigo siyang pigilan ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo nito. Binatikos din nila ang mapanlinlang na "Pantawid Pasada Program" para sa mga drayber.

Sa Leyte. Umabot sa 500 ang nagprotesta sa lumang terminal ng bus ng Tacloban City.

Mayroon ding mga pagkilos sa iba't ibang bansa kontra-SONA.

Sa US, pinangasiwaan ng BAYAN-USA ang protesta sa New York kung saan mariing binatikos si Aquino sa pagiging masugid na papet nito ng US.

Sa Canada, isang rali rin ang inilunsad sa Quebec na bumatikos sa kabiguan ni Aquino na resolbahin ang kahirapan at iba pang problema ng bansa.

Nagkaroon din ng sabay na pagkilos at pahayag kontra-SONA ang mga migrante sa New Zealand, Hongkong, Taiwan, South Korea, Middle East at Europe.

____________________________

3 konsultant ng NDFP, malaya na

Malaya na ang tatlong detenidong pulitikal na pawang mga konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP). Ikinagalak ng mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao at ng makatarungan at matagalang kapayapaan ang paglaya nina Jovencio Balweg ng Abra, Maria Luisa Purcray ng Agusan del Norte at Jaime Soledad ng Leyte. Maaalalang noon pang Pebrero 21 ipinangako ng rehimeng Aquino ang kagyat na pagpapalaya sa lahat ng nakakulong na konsultant ng NDFP.

Naunang lumaya sina Balweg at Purcray noong Hulyo 22 ng hapon. Lumahok pa si Balweg sa apat na araw na sabay-sabay na pag-aayuno ng 230 sa 354 na bilanggong pulitikal sa buong bansa na sinimulan noong Hulyo 22 ng umaga. Si Soledad naman ay lumaya noong hapon ng Hulyo 25.

Labing-apat pang konsultant ng NDFP ang patuloy na nakabilanggo. Kabilang dito sina Alan Jazmines, Eduardo Sarmiento at Eduardo Serrano na nakakulong sa PNP Custodial Center sa Camp Crame at si Randy Malayao na nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology sa Tuguegarao City. Kabilang sila sa mahigit 300 pang mga bilanggong pulitikal na nananatiling nakabimbin sa iba't ibang mga piitan ng reaksyunaryong gubyerno.

Nadagdagan pa ang bilang ng mga bilanggong pulitikal ngayong Hulyo. Isang araw bago palayain si Balweg, isang dating aktibista ang inaresto ng pulisya at militar sa kanyang tahanan sa Naguilian, La Union noong Hulyo 21. Si Gloria Quiñones Floresca, 57 anyos, na dinakip sa harap ng kanyang apat na taong gulang na apo, ay dating organisador ng Solidarity of Ilocos Associations of Women (Silaw), na kaanib ng Gabriela-Ilocos.

Noong Hulyo 23 naman, isang lider ng tribong Aggay ang inaresto ng mga sundalo ng Charlie Coy ng 17th IB at ng PNP Regional Mobile Group (RMG) sa hinalang siya ay kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Si Vicente Agbayani, 48 anyos, ay dinakip nang walang mandamyento de aresto habang nagtatrabaho sa kanyang kaingin sa Barangay Masi, Rizal, Cagayan. Ayon sa kanyang asawa na si Salomea, si Agbayani ay sinaktan at piniringan. Ilang araw siyang hinanap ng kanyang mga kamag-anak bago siya natagpuang nakakulong sa Bureau of Jail Management and Penology sa Tuguegarao City.

Si Agbayani ay lider ng Timpuyog Dagiti Mannalon nga Aggay iti Zinundungan Valley at ng lokal na balangay ng Katribu Partylist.

____________________________

4 na Moro, biktima ng karahasang militar

Apat na sibilyang Moro ang naging biktima ng malalalang paglabag sa karapatang-tao nitong Hunyo at Hulyo.

Ayon sa ulat ng Mindanao People's Caucus (MPC), inaresto noong Hulyo 23 ng mga operatiba ng Special Operations Task Force ng 1st Infantry Division ng Philippine Army (SOTF-PA) si Abdul Ajid Balanting, 39 taong gulang, sa kanyang bahay sa Barangay Libug, Sumisip, Basilan. Pilit siyang pinaaamin na kasapi ng Abu Sayyaf at sangkot sa maramihang pangingidnap at pagsalakay sa Lamitan noong 2001.

Si Balanting ay pinaghubo't hubad, binuhusan ng gasolina at sinilaban nina Capt. Sherwin Guidangan, S/Sgt. Elmer Magdaraog, Sgt. Edgardo Santos at Sgt. George Aging, pawang mga elemento ng SOTF-PA. Nasunog ang mga tainga, mukha, tiyan at ari ni Balanding.

Nalaman na lamang ng mga kamag-anak ni Balanting ang kalunus-lunos na dinanas ng biktima nang maghapag sila ng petisyon sa korte para sa "writ of habeas corpus" at maientrega sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Isabela si Balanting.

Napilitan ang AFP na ipaaresto ang apat na militar dahil sa pagkakabunyag ng kasong ito sa midya. Pinaniniwalaan na ang matinding pagtortyur kay Balanting ay ganti ng mga sundalo sa pagkamatay ng pitong elemento ng Philippine Marines at pagkakasugat ng 25 pang sundalo nang tambangan sila ng Abu Sayyaf sa Patikul, Sulu noong Hulyo 28.

Isa pang kaso ng tortyur ang inilantad sa midya nitong Agosto 2 kaugnay ng pagpapahirap kay Asrap Musa, 17 taong gulang na estudyante. Inaresto siya ng mga elemento ng SOTF-PA nang walang mandamyento de aresto noong Hunyo 23 at dinala sa hedkwarters ng SOTF-PA sa Isabela City. Pinagbubugbog at inilublob siya sa isang dram na puno ng tubig para lamang paamining kasapi siya ng Abu Sayyaf. Nakakulong siya ngayon sa Basilan Provincial Jail at sinampahan ng kasong "illegal possession of explosives". Itinatanggi niya ang mga paratang ng militar.

Noon namang Hulyo 8 ay pinagbabaril ng Special Forces ng Philippine Army sina Moner Esmael, 30 taon gulang, at Gayla Sabtal, mga mangingisdang Moro na naglalayag noon sa karagatan ng Kaliantana sa Naga, Zamboanga Sibugay.

Nangingisda ang mga biktimang sakay ng isang bangka ilang kilometro mula sa dalampasigan ng Kaliantana bandang alas-4 ng madaling araw nang pagbabarilin sila ng mga tauhan ng Special Forces. Nasugatan sa binti si Esmael at dinala sa ospital. Samantala, nawawala pa rin hanggang ngayon si Sabtal at pinangangambahang patay na.

Ayon sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang mga paninira at pang-aabuso sa mga sibilyang Moro na kagagawan ng nga armadong pwersa ng gubyernong Aquino ay malinaw na paglabag sa karapatang-tao, sa kasunduang tigil-putukan sa pagitan ng MILF at ng gubyerno ng Pilipinas, at sa International Humanitarian Law.

____________________________

Kumpanya ng minahan sa Masbate, muling pinarusahan

Sa ikalawang pagkakataon, pinarusahan ng Jose Rapsing Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Agosto 1 bandang alas-12:30 ng madaling araw ang Filminera Mining Corporation (FMC) sa Sityo Guinobatan, Barangay Syndicate, bayan ng Aroroy. Pinasabugan ng eksplosibo ng isang espesyal na yunit ng BHB ang imbakan ng tubig na ginagamit ng malaking dayuhang kumpanya sa pagproseso ng ginto upang paralisahin at patigilin ang operasyon nito, ayon kay Ka Greg Bañares, tagapagsalita ng National Democratic Front-Bicol.

Ang FMC, na unang pinarusahan ng BHB noong Abril 2007, ay pinangangasiwaan ng Masbate Mining Project (MMP) at subsidyaryo ng Australian-Canadian na korporasyong Central Gold Asia. Dahil sa operasyong open pit gold mining nito, malubhang krimen sa mamamayang nagsagawa tulad ng malawakang pagkasira ng kalikasan, pandarambong sa likas na yaman ng prubinsya, at pamamaslang at pandarahas sa maliliit na minero at mga residente ng lugar kasabwat ang mga tropa ng 9th ID at ng Philippine National Police.

Dahil sa mahigpit na suporta ng mamamayan, naisakatuparan ng BHB ang pagpaparusa sa kabila ng pagbabantay ng 20-kataong Special Civilian Auxiliary (SCAA) sa ilalim ng 22nd ID, bukod pa sa isang kumpanya ng 9th IB na nakabase sa malapit na lugar ng minahan.

____________________________

39th IB, tinambangan sa Davao del Sur

Apat na sundalo ng 39th IB ang napatay at maraming iba pa ang nasugatan nang tambangan ang kanilang yunit ng mga Pulang mandirigma ng Valentin Palamine Operations Command (VPOC) ng Far South Mindanao Region sa Barangay Tikulon, Malita, Davao del Sur noong Hulyo 29.

Para mapagtakpan ang kanilang kabiguang militar at makakuha ng simpatya ng mamamayan, kaagad-agad na nagparatang si Lt. Col. Oliver Artuz, hepe ng 39th IB, na "patraydor" ang isinagawang ambus dahil sa paggamit ng ipinagbabawal umanong "land mine".

Nilinaw ni Ka Dencio Madrigal, tagapagsalita ng VPOC na walang nilabag na karapatang-tao o alituntunin sa digma ang BHB. Ang ginamit nito ay command-detonated explosive (CDX) at hindi contact-detonated land mine na walang pagtatangi sa mga target nito dahil basta na lamang itong sumasabog oras na magalaw ng tao o hayop.

Dagdag pa ni Madrigal, kumpara sa mga eroplanong pambomba tulad ng Toratora, OV10, Sikorsky, MG520 at iba pang sasakyang panghimpapawid na ginagamit ng Armed Forces of the Philippines, na walang piling nambobomba sa kanayunan at iba pang mga komunidad, ang CDX na ginagamit ng BHB ay kontrolado at pinasasabog lamang kung nariyan na ang lehitimong target-militar. Tinitiyak ng kumander at "blasting officer" ng BHB na walang madadamay na mga sibilyan habang pinasasabog ito.

Ginamit ng BHB ang CDX laban sa armadong kaaway para ipagtanggol ang mga teritoryo ng National Democratic Front sa Malita, ani Ka Dencio Madrigal. May ilang buwan nang tuluy-tuloy ang pang-aatake ng mga sundalo ng reaksyunaryong gubyerno para hawanin ang lugar para sa mga dayuhan at malakihang operasyon sa pagmimina.

Sa tabing ng civil-military operations (CMO), nagtipon ang mga hepe ng 27th IB, 73rd IB at 39th IB sa Little Baguio para pangasiwaan ang operasyon doon. Layon nilang matiyak ang walang sagabal na operasyon ng mga kumpanya sa pagmimina sa malawak na lupaing ninuno ng mga tribong B'laan at Tagakaolo.

Bago ang ambus na ito, isang sundalo ng 73rd IB ang napatay nang tambangan sila ng milisyang bayan noong Hulyo 26 sa Sityo Malbag, Barangay Little Baguio.

____________________________

Komboy, tinambangan sa Samar, kampo sa Pangasinan, inatake

Tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng Arnulfo Ortiz Command ng BHB-Samar ang komboy ng militar noong gabi ng Hulyo 20 sa Paranas, Samar. Pauwi sa kanilang himpilan sa San Jose de Buan ang mga sundalo ng 34th IB sakay ang limang siksbay nang pasabugan sila ng command-detonated explosives at paulanan ng bala ng BHB habang nasa pagitan ng mga barangay ng Concepcion at Canliques ng nasabing bayan.

Ayon sa NDF-Eastern Visayan Information Bureau, isang sarhento ang napatay at anim na iba pa ang nasugatan. Sinamsam ng mga Pulang mandirigma ang mga armas ng mga pasistang sundalo.

Noong araw ding iyon ay naglunsad ng kontra-atake ang isang yunit ng Mt. Amandewin Command ng BHB-Leyte laban sa sumasalakay na mga tropa ng 19th IB sa Carigara, Leyte. Dalawang sundalo ang napatay, ayon sa pahayag ni Fr. Santiago Salas, tagapagsalita ng NDF-EV. Walang kaswalti ang BHB.

Samantala, mapangahas na dinikitan ng isang tim ng BHB sa Eastern Pangasinan ang detatsment ng CAFGU sa Barangay Bachelor East, Natividad, Pangasinan upang hagisan ng dalawang granada bandang alas-10 ng gabi noong Agosto 2. Hindi nakaganti ng putok ang mga elemento ng CAFGU hanggang ligtas na nakalayo ang mga operatiba ng BHB. Matapos ang halos 10 minuto ay humarurot palabas mula sa loob ng kampo ang isang sasakyan lulan ang kanilang mga sugatan. Halos magkakalahating oras na bago magsimulang magpaputok ang mga pwersang paramilitar nang walang tiyak na target.

Ang harasment sa detatsmet ay bahagi ng serye ng mga pag-atake ng iba't ibang yunit ng BHB sa mga patrol base ng kaaway na nakabaybay sa kabundukan ng Caraballo mula noong nakaraang taon. Nauna nang hinaras ang kampo sa Barangay Namulandayan, Lupao, Nueva Ecija. Dalawang beses namang pinaulanan ng bala sa magkahiwalay na pagkakataon ang nasa Sityo Lingkupan, Barangay Cabangaran, San Quintin at kasunod nito ang nasa Barangay RA Padilla, Carranglan.

____________________________

Biktima ng inhustisya, pinalaya ng BHB

Pagsasakatuparan ng rebolusyonaryong hustisya ang pagpapalaya ng hukbong bayan kay Dennis Rodanes habang ibinibyahe siya ng mga tauhan ng Philippine National Police/Bureau of Jail Management and Penology (PNP/BJMP) patungong Davao Penal Colony (DAPECOL) upang pagsilbihan niya ang habambuhay na hatol ng reaksyunaryong hukuman ng gubyerno ng Pilipinas.

Ito ang pahayag ni Ka Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng Merardo Arce Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Southern Mindanao Region. Sa isang pahayag noong Hulyo 30, pinuri niya ang mga Pulang kumander at mandirigma ng Herminio Alfonso Command (HAC) habang ipinagbubunyi naman ng mga rebolusyonaryong pwersa at masa ang mapangahas na aksyong militar na ito at pagsasakatuparan ng rebolusyonaryong hustisya.

Noong Hulyo 21, bandang alas-4 ng madaling araw, hinarang ng mga Pulang mandirigma ng HAC ang naglalakbay na sasakyan ng BJMP sa tsekpoynt na itinayo nila sa Sityo Maluos, Barangay Sinuda, Kitaotao, Bukidnon. Galing ang sasakyan sa BJMP-Ozamiz City sa Misamis Occidental at patungo sa DAPECOL sa Davao del Norte, ayon sa ulat ni Ka Isabel Santiago ng HAC.

Agad na pinalaya ng BHB si Rodanes. Siya ay hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ng mapaniil at kontra-mamamayang hukuman na nakabatay pangunahin sa gawa-gawang mga ebidensyang itinanim ng 1st Infantry Division ng Philippine Army, ani Santiago.

Sa 11 tauhan ng PNP/BJMP, apat sa mga upisyal nito ang inaresto at isinailalim sa kustodiya ng BHB. Sinamsam din ng mga Pulang mandirigma ang 13 armas ng mga eskort na BJMP na kinabibilangan ng apat na M16 at siyam na pistola at rebolber. Hinayaang bumyahe patungong DAPECOL ang natirang walong tauhan ng BJMP kasama ang iba pang mga bilanggo. Ayon sa BHB, ang apat na upisyal ng PNP/BJMP ay armado, aktibo at regular na mga upisyal ng kontra-rebolusyonaryo at mapaniil na makinarya ng reaksyunaryong gubyerno ng Pilipinas.

Nagsasakatuparan sila ng gawaing pampulis sa mga bilangguan ng reaksyunaryong estado na nagsisilbing mahalagang instrumento sa kontra-rebolusyonaryong gera ng gubyerno. Sa gayon, sila ay mga lehitimong target-militar kaya sila inaresto ng BHB at isinailalim sa imbestigasyon.

Gayunman, nilinaw ni Sanchez na ang patuloy na kustodiya sa kanila ay ginagabayan ng mga alituntunin ng BHB at nasa ilalim ng awtoridad ng demokratikong gubyernong bayan. Nirerespeto ang kanilang mga batayang karapatan at tinitiyak ang kanilang kagalingan. Maayos silang tinatrato ng BHB at nasa pangangalaga ng rebolusyonaryong baseng masa, dagdag pa ng tagapagsalita ng MAC-ROC-BHB-SMR.

____________________________

Rebolusyong Pilipino sa internet

Muling nagbukas ang Philippine Revolution Web Central (PRWC), ang upisyal na website ng Partido Komunista ng Pilipinas na matatagpuan sa www.philippinerevolution.net. Halos dalawang buwang nawala ang PRWC sa internet dahil sa mga problemang teknikal. Ang PRWC ay pinangangasiwaan ng Kawanihan sa Impormasyon ng PKP.

Matatagpuan sa PRWC ang mga kopya ng Ang Bayan at lahat ng pahayag na inilalabas ng PKP at iba pang rebolusyonaryong organisasyon. Sa mga susunod na linggo, makukuha rin dito ang iba't ibang mga dokumento, publikasyon, mga awit, bidyo at larawan na nagtatanghal ng iba't ibang mukha ng rebolusyong Pilipino.

____________________________

Api at naghihikahos ang mamamayan ng Cordillera

Salamin ng abang kalagayan ng mamamayan ng buong bansa ang karalitaan at kaapihan ng mamamayan ng Cordillera. Ito ay sa kabila ng katotohanang hitik sa likas na kayamanan ang rehiyong ito.

Patunay ng yaman ng Cordillera ang pagsaklaw ng kalahati ng lupain nito ng iba't ibang aplikasyon sa pagmimina. Kabilang sa mga kumpanyang may napipintong operasyon sa rehiyon ang Phelps Dodge sa Patiacan, Quirino, Ilocos Sur at Batong Buhay, Pasil, Kalinga; siyam na prenteng kumpanya ng Lepanto Consolidated Mining Co. na sasaklaw sa 311,853 ektarya sa 29 na bayan sa anim na prubinsya; at Nickel-Asia na sasaklaw sa 194,640 ektaryang kunsesyon ng Cordillera Exploration/Anglo-American Exploration. May 33 aplikasyon din sa pagmimina sa 292,600 ektarya sa iba't ibang lugar sa Abra. Limang geothermal at 38 hydroelectric power plant din ang itatayo sa rehiyon.

Subalit pawang mga imperyalista at burges kumprador na kumpanya ang nakikinabang sa yaman ng rehiyon. Ang Cordillera ay biktima ng matinding kapabayaan ng gubyerno. Pinaglalaanan lamang ang buong rehiyon sa pambansang badyet ng halagang katumbas ng inilalaan sa prubinsya ng Pangasinan. Lima sa anim na prubinsya nito ang nabibilang sa 15 pinakamahihirap na lalawigan ng Pilipinas. Ang rehiyon din ang may pinakakaunting aspaltado o sementadong kalsada sa lahat ng rehiyon. Pinakakaunti rin ang mga kongkreto at permanenteng tulay nito kahit nasa Cordillera ang malalaking ilog na nagpapatakbo sa limang megadam na nagsusuplay ng kuryente sa kalakhan ng Luzon.

Ang tanging tugon ng rehimeng Aquino sa karalitaan ng Cordillera ay ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Mayroong 49 na eryang saklaw ang 4Ps sa rehiyon. Wala pa ring pag-unlad, at bagkus ay lalo pang nangabulok ang mga pasilidad pangkalusugan at pang-edukasyon sa mga eryang ito sa kabila ng pondong ibinubuhos umano rito.

Mas masahol pa rito, ang paglaban ng mamamayan ng Cordillera para igiit ang kanilang karapatan sa buhay, lupa at kabuhayan ay sinisikil sa pamamagitan ng dahas militar. Sa ilalim ng Oplan Bayanihan, ang mga mapang-abusong Reengineered Special Operations Teams (RSOT) ng Oplan Bantay Laya ay binansagan nang Peace and Development Operations Teams. Pero walang pagkakaiba ang pasistang gawi ng mga nag-ooperasyong sundalo. Patuloy nilang inookupa ang mga paaralan, day-care center, barangay hall, klinika, mga pribadong tahanan at mga lugar na sagrado sa mamamayan, na pawang labag sa karapatan ng mga sibilyan at naglalagay sa kanila sa peligro. Walang sinasanto ang mga abusadong sundalo--bata man o matanda, babae o lalaki.

Malinaw na tinatarget ng AFP ang mamamayan dahil sa kanilang tumitinding organisadong pagtutol sa pagpasok ng mga mapangwasak na minahan at iba pang korporasyong pinoprotektahan ng militar.

Dagdag pang kontra-rebolusyonaryong maniobra ng AFP ang pagbuhay nito sa naghihingalo at nagkawatak-watak nang Cordillera People's Liberation Army (CPLA). Maglalaan daw ang Office of the Presidential Assistant for the Peace Process ng P400 milyong livelihood fund para sa pinag-isang mga paksyon ng CPLA para ipamukha na may pag-unlad ang prosesong pangkapayapaan sa rehiyon. Ang totoo, noong 2008 pa isinanib sa AFP ang mga elemento ng CPLA bilang espesyal na yunit paramilitar.

Walang ibang silbi ang maniobrang ito kundi ang pagsabotahe at paghadlang sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyernong Aquino at ng National Democratic Front of the Philippines. Bubuuin ding muli ang CPLA bilang pribadong hukbo na maaaring utusan ng mga lokal na warlord o ng Malacañang mismo laban sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Ipinagpapatuloy lamang ng rehimeng Aquino ang mga mapang-api at mapagsamantalang patakaran at batas na nagbibigay-daan sa pandarambong ng mga dayuhan at lokal na mapagsamantala sa likas na yaman ng rehiyon. Wala sa mga hungkag na pangako ng rehimeng Aquino kundi sa paglulunsad ng mga pakikibakang bayan at pagsusulong ng armadong rebolusyon ang pag-asa ng mga taga-Cordillera na makaahon sa karalitaan at kaapihan.

____________________________

Bungkalan: Pakikibaka sa pulitika at ekonomya

Iginigiit ng mga manggagawang bukid at magsasaka ng Hacienda Luisita ang kanilang karapatan para sa lupa at karapatang mabuhay sa pamamagitan ng kampanyang bungkalan. Mula sa 200 manggagawang bukid at magsasaka (tingnan ang isyung Hulyo 21, 2011 ng Ang Bayan), umaabot na ngayon sa 400 ang lumalahok sa pagbubungkal sa nakatiwangwang na lupa ng Hacienda Luisita.

Kabilang sa mga kalahok dito ang mga manggagawang bukid at magsasaka mula sa Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita (AMBALA) at United Luisita Workers Union (ULWU). Suportado sila ng Alyansa ng mga Magbubukid sa Gitnang Luson (AMGL), Alyansa ng Magbubukid sa Tarlak (AMT), at KARAPATAN-Tarlac. Sumusuporta rin si Fr. Greg Obejas ng Luisita Peasant and People's Alliance (Luppa), ang konseho ng barangay ng Balite, Tarlac City, at ang Tarlac City Council.

Matagal nang walang pakinabang ang mga lupang kanilang binubungkal ngayon. Wala ring kabuhayan ang mga manggagawang bukid ng Balite, kaya matagal na nilang inaasam-asam na mabungkal ang nakatiwangwang na lupa.

Sinarbey ang umabot sa 10 ektarya, at ang bawat ektarya ay tinakdaan ng mga magsasaka at manggagawang bukid na magbubungkal dito. Nagtayo ng kampuhan kung saan may mga tolda para magsilbing "cultivation center" upang maging kolektibo ang pagtatanim. Dito ay may mga binhi na ng mga gulay tulad ng okra, patola, kalabasa at sitaw. Nagdala rin ng mga puno ang ibang manggagawang bukid para itanim.

Nagsisilbi ring sentro ang "cultivation center" ng pagbabantay laban sa dislokasyon at tangkang pagpapalayas at pagtanggap ng mga tagasuporta mula sa iba't ibang sektor. Dito rin isinasagawa ang mga talakayan, programa para sa konsolidasyon at iba pang aktibidad.

Sa ngayon, dalawang traktora pa lamang ang nagagamit sa pagbubungkal habang hinihintay pa nila ang iba. Importante ang paggamit ng traktora para mapabilis ang paghahanda sa malawak-lawak na bahagi ng lupa.

Nananawagan ang iba't ibang unyon at grupong namumuno sa bungkalan sa lahat ng sektor na suportahan ang bungkalan at bisitahin ang kanilang kampuhan sa Hacienda Luisita. Lahat ng suportang pulitikal, moral at pinansyal ay tiyak na makapagpapalakas sa pakikibaka ng mga magbubukid.

Para maging matagumpay ang bungkalan, dapat mahigpit na tupdin ng mga nagbubungkal ang mga patakarang pinagkaisahan ng mga kasapi ng AMBALA at ULWU. Isa sa pinakamahahalaga rito ang kaisahang sila dapat ang magtatrabaho sa lupa, at ang pagbabawal na paupahan ito.

Hinikayat din ang mga magsasaka na depensahan ang lupang ito mula sa mga tauhan ng pamilyang Cojuangco-Aquino at ng kasosyo nitong bangko na kapwa nakaambang gumamit ng dahas at poder para mapalayas ang mga nagbubungkal. Bukod sa dahas at panlilinlang, inaasahang gagamitin ang mga pinansyer at iba pang panginoong maylupa na kaalyado ng mga Cojuangco-Aquino para maangkin ang lupa. Sa katunayan, may ilan nang mga manggagawang bukid na nakatanggap ng sulat na nagbabantang sila'y palalayasin.

Katangian ng bungkalan. Ang bungkalan ay direktang aksyon ng masa para igiit ang kanilang karapatan sa lupa at hanapbuhay. Unang sinimulan ang bungkalan upang magsilbing mapagkukunan ng mga manggagawa at magsasaka ng kanilang makakain at iba pang panustos nang magwelga sila noong 2005. Nang matapos ang welga, lalong lumawak ang bungkalan at nakapagbigay ng ginhawa mula sa kanilang malaaliping pamumuhay noong tubo pa ang tanging nakatanim sa lupain.

Sa militanteng pamumuno ng ULWU, naigiit at nanatili sa kamay ng mga manggagawang bukid ang kanilang mga lupang sinasaka pagkatapos ng apat na taon. Sa katunayan, umaabot na sa humigit-kumulang 2,000 ektaryang lupa ang kanilang kolektibong napapakinabangan noong 2009 sa iba't ibang bahagi ng asyenda. Dagdag dito, maraming magsasaka ang nagsimula na ring mag-alaga ng hayop na noo'y mahigpit na ipinagbabawal ng pamunuan ng asyenda.

Naging posible ito noong kasagsagan ng welga dahil sa di karaniwang lakas at alingawngaw ng welga, pagkakahiwalay ng panginoong maylupa bunga ng Hacienda Luisita Massacre at pasistang pananalasa ng Northern Luzon Command (NOLCOM) ng Philippine Army at Special Action Force (SF) ng Philippine National Police, at pagkakalantad ng busabos na kalagayan ng mga manggagawa. Naipagpatuloy ito pagkatapos ng welga dahil matagal na walang desisyon ang Korte Suprema sa kasong isinampa ng mga magsasaka laban sa stock distribution option o SDO. Nananatili rin ang mataas na kakayahang lumaban ng masa at ang malawak na pampulitikang suporta sa kanila.

Tagumpay ng bungkalan. Ayon sa mga pagtatasa ng mga unyon at mga kasapi nitong lumahok sa bungkalan, ito'y nagpalawak sa inisyatiba, maniobra at pleksibilidad sa pakikibaka ng masa. Nagbigay ito ng kita sa mga welgista at dagdag na panustos sa piket, kaya nakapagpalakas sa pagkakaisa at paglaban ng masa. Hindi basta-basta mabubura sa kamalayan ng masa ang sama-samang paglaban at organisadong inisyatiba upang igiit ang kanilang demokratikong karapatan sa lupa at hanapbuhay sa halip na umasa sa awa at limos ng panginoong maylupa at reaksyunaryong estado.

Dagdag na tagumpay ang muling pagkabuhay ng kalikasan. Kung noo'y halos tubo lamang ang nakikita, na hindi naman makain ng mga magsasaka, ngayo'y muling naging luntian ang kapaligiran sa mga tanim na napagkukunan ng kabuhayan.

Ngunit gagawin ng mga Cojuangco-Aquino ang lahat na panlilinlang at panunupil para mapanatili ang kanilang pyudal na monopolyo sa lupa. Kaya ang mga tagumpay na nakamit sa pamamagitan ng bungkalan ay tuwinang nanganganib na mabawi sa pamamagitan ng dahas o ligal na mga maniobra ng panginoong maylupa. Hangga't ang kapangyarihan ng panginoong maylupa ay hindi sapat na napahihina ng pagsulong ng armadong rebolusyon, marami at mabibigat ang mga limitasyon sa pagkonsolida sa mga tagumpay sa pulitika at ekonomya na nakamit sa bungkalan. Kailangang maging puspusan ang pagpapakahusay ng mga magsasaka sa pakikibakang ligal, patuloy na umipon ng malawak na suportang pampulitika, higit na palakasin at pataasin ang kanilang pagkakaisa at kahandaang lumaban.

Dapat tuluy-tuloy na palakasin ng mga magsasaka ang kanilang pagkakaisa sa pulitika at organisasyon. Dapat nilang iwasan ang patibong ng ekonomismo, kung saan magkakasya na lamang sila sa mga kagyat na pakinabang ng lupa at malilimutan ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kailangang magkaisa sila sa mga patakaran sa hatian sa lupa at pakinabang nito at tuluy-tuloy na paunlarin ang kolektibisasyon ng paggawa at mga kagamitan para sa pagpapaunlad ng lupa. Kaalinsabay nito, kailangang patuloy na itaas ang kamulatan ng lahat upang panatilihing matatag sa kanilang buhay-at-kamatayang pakikibaka para sa lupa.

____________________________

Mga krimen ng 8th ID laban sa mamamayan ng Samar

Nitong 2011 ay todo-larga ang 8th Infantry Division sa pagpapatupad ng Oplan Bayanihan ng rehimeng Aquino. Sa maraming baryo sa Northern Samar at Eastern Samar, ang kampanyang militar na ito ay malinaw na lumalabag sa internasyunal na makataong batas at dagdag ding pahirap sa mamamayan.

Ayon sa ulat ng Bagong Hukbong Bayan, tahasang nagkakampo at pumapagitna sa sibilyang populasyon ang mga tropa ni Aquino. Upang hindi mapagbintangang lumalabag sa internasyunal na makataong batas, kunwari'y "taktikal" lamang ang pagkakampo ng mga sundalo tulad ng pagtatayo ng mga tactical command post at tactical patrol base. Ngunit sa katunayan ay halos buong panahong nagkakampo ang mga sundalo dahil sa dalas at dami ng kanilang mga operasyon. Ikinagagalit din ng mga magsasaka ang panggigipit sa kanila at ang epekto sa kanilang kaligtasan at trabaho.

Sa pagsisiyasat ng Silvio Pajares Command, nakalubog ngayon ang Bravo Coy ng 87th IB sa mga barangay ng Bangon, Bagacay at Capacujan sa Palapag, Northern Samar. Ang Charlie Coy naman ay nakatutok sa mga barangay ng Potong, Lapinig at sa mga baryo ng Silhagon, Hubasan, Naparasan at Burgos sa bayan ng Mapanas. Nagkaroon ng memorandum of agreement ang militar sa mga lokal na pamahalaang bayan. Napipilitan ang mga magsasakang dumalo sa mga miting sa bayan na ipinapatawag ng mga pasista. Sa nabanggit na mga baryo, pilit na kumukuha ang mga pasista ng "census," nananawagan ng "pagsurender" at may ilan nang kaso ng pandadahas sa mamamayan.

Dagdag pa ng SPC, pinaghatian naman ng 14th IB at 63rd IB ang eryang tinututukan. Binubuo ito sa mga barangay ng San Vicente sa Catubig, at sa mga barangay ng San Miguel, Perez, Quirino at Imelda sa Las Navas. Labas-masok ang mga sundalo sa naturang mga baryo, ngunit sa dalas ay halos lagi na silang naririyan. Ang barangay ng Imelda ay ginagawa nang himpilan, kung saan kumuha ng "census" ang mga pasista at nagsasabing isusunod ang ibang mga baryo.

Ang 14th IB naman ay may tinutukang erya sa Eastern Samar at may kumpanya na palipat-lipat na humihimpil sa Barangay San Roque, Jipapad at sa mga baryo ng Buko, Pandol at Balagon sa bayan ng Can-avid. Habang nakabase sa tactical command post sa isang baryo, sabay na ginagalugad naman ang iba pa. Iniimbestigahan ng mga pasista ang mga magsasaka kung nasaan ang BHB, at nagrerekluta rin ng magiging sundalo. Nagbabantay din ang mga ito sa mga "evacuation center" sa panahon ng mga sakuna. Kumukuha rin ito ng kahoy para sa kanilang kinakampuhan at gumagamit ng sibilyan sa pagtatayo ng kanilang kampo. Nagpasimuno rin ang mga pasista sa pagsusugal sa pagpapatakbo ng sabungan tuwing Sabado.

Sa ngayon ay kumikilos na ang mga magsasakang apektado ng militarisasyon. Inirereklamo nila ang panggigipit sa kanilang malayang pagkilos at ang epekto nito sa kanilang pagsasaka. Tinututulan nila ang pagkukunwari ng mga sundalo na nandiriyan ang mga ito para ipagtanggol ang mamamayan, dahil sa katunayan ay nailalagay ang mga sibilyan sa panganib. Nananawagan din ang mga magsasaka sa BHB na parusahan ang mga pasistang tropang nagdadala ng panganib at nagsisilbing pabigat.

____________________________

Pakikiramay sa mamamayan ng Norway

Nagpahayag ng pakikidalamhati ang Partido Komunista ng Pilipinas at buong rebolusyonaryong kilusan sa mamamayan ng Norway matapos ang dalawang magkasunod na teroristang atake na pumatay ng halos 80 Norwegian noong Hulyo 22.

Ang unang teroristang atake ay naganap nang sumabog ang bomba malapit sa mga gusali ng gubyerno sa sentro ng Oslo, kabisera ng bansa. Walong tao ang namatay at marami ang nasugatan. Dalawang oras matapos ito, 69 na kabataan ang isa-isang binaril ni Andres Behring Breivik sa isla ng Utoya. Ang mga kabataan, na karamiha'y nasa edad 14-18, ay lumalahok noon sa isang "youth camp" o pagtitipon na inisponsor ng Labor Party. Ang Labor Party ang partidong nasa poder, ay kilala sa maluwag na pagturing nito sa mga migrante sa bansa. Si Breivik ay isang anti-komunista, anti-Muslim at anti-migranteng Norwegian. Sa imbestigasyon ng pulis ng Norway at sa manipestong inilabas mismo ni Breivik, napatunayang siya rin ang may pakana sa pagpapasabog ng bomba sa Oslo.

Malawak na pagkundena ang inani ni Breivik habang bumuhos ang pakikiramay sa mga biktima, kanilang pamilya at mamamayang Norwegian sa kabuuan. Kabilang sa mga kumundena ang International League of Peoples' Struggles. Ayon sa ILPS, hindi ang mga Muslim o kahit ang pusakal na al-Qaeda ang tunay na terorista kundi ang imperyalismo na siyang may pakana ng pasismo, rasismo, pang-aapi at pagsasamantala sa bilyong manggagawa para maglunsad ng gera at pumatay ng milyong mamamayan.

____________________________

Pribatisasyon sa mga ospital, tinutulan

Naglunsad ng mga kilos-protesta ang mga nars at empleyado ng National Center for Mental Health (NCMH) sa Mandaluyong City at Philippine Heart Center (PHC) sa Quezon City laban sa banta ng pribatisasyon sa kanilang mga ospital.

Noong Hulyo 29, nagrali ang mga nars, empleyado at manggagawang pangkalusugan sa compound ng NCMH para tutulan ang napipintong pribatisasyon at paglilipat ng ospital sa Antipolo City. Plano ng gubyerno na ibenta ang 48 ektaryang lupain ng NCMH upang matayuan ito ng mga residensyal at komersyal na gusali. Anang mga nagprotesta, maaapektuhan ang mahigit 5,000 pasyente sa pagsasapribado ng ospital dahil karamihan sa kanila ay mahihirap at walang pambayad. Nanganganib din ang trabaho ng 1,700 empleyado at manggagawa ng ospital.

Isang piket-rali naman ang inilunsad noong Hulyo 8 sa tapat ng PHC sa Quezon City ng mga empleyado ng ospital para igiit ang mas mataas na badyet para sa ospital sa halip na ibenta ito. Nabaon sa utang ang ospital nang mahigit P46 milyon dahil sa napakaliit na badyet kaya isinubasta na ito ng lokal na pamahalaan ng Quezon City.