Kampo ng CAFGU sa Eastern Pangasinan, hinagisan ng mga granada!

Gregorio Salvador
NPA-Eastern Pangasinan
August 4, 2011

Mapangahas na dinikitan ng isang NPA commando team ang CAFGU detachment sa Brgy.Bachelor East, Natividad, Pangasinan upang hagisan ng dalawang granada bandang alas-10 ng gabi noong Agosto 2. Hindi sila agad nakaganti ng putok hanggang sa ligtas na nakalayo ang mga operatiba. Matapos ang halos 10 minuto ay humarurot palabas mula sa loob ng kampo ang isang sasakyan lulan ang kanilang mga sugatan. Halos magkakalahating oras na bago nagsimulang magpaputok ang mga kaaway nang walang tiyak na target.

Bahagi ito ng serye ng mga pag-atake ng iba’t ibang yunit ng NPA sa mga patrol bases ng kaaway na nakabaybay sa kabundukan ng Caraballo mula noong nakaraang taon. Nauna nang hinaras ang kampo sa Brgy.Namulandayan, Lupao; dalawang beses namang pinaulanan ng bala sa magkahiwalay na pagkakataon ang nasa Sitio Lingkupan, Brgy.Cabangaran, San Quintin; at kasunod nito ang nasa Brgy. RA Padilla, Carranglan.

Ang pagtatayo ng mga nasabing detachment ay resulta ng panlilinlang at pwersahang rekrutment ng mga berdugong tropa ng 48iB at 71IB sa mga masang dumanas ng matinding pananakot, panggigipit, at pandarahas noong panahon ng Oplan Bantay-Laya ng nagdaang rehimen. Napilitan silang pumasok bilang CAFGU upang matigil na ang pagpapahirap sa kanila ng kaaway. May ilan din namang nakipagsapalaran kapalit ng kakarampot na sahod dahil sa kawalan ng hanapbuhay at kahirapan. Pero marami sa mga ito ay umalis na nang umalis na rin ang mga kaaway sa lugar na inokupahan nila.

Ang naturang kampo ang madalas na nagsisilbing Tactical Command Post (TCP) ng 81IB tuwing nagsasagawa sila ng mga kampanyang militar sa bahaging ito ng Eastern Pangasinan. Ang natirang mga CAFGU dito ay tuluyan na at lantarang nagsisilbing paniktik at giya ng mga militar upang maghasik ng pasistang karahasan at pang-aabuso sa mga komunidad, pangalapan, at pook-obrahan ng mga kababaryo nilang pinaghihinalaan simpatisador at sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Dahil dito, bahagi na sila sa mga lehitimong target ng pinasiglang mga opensiba ng NPA.

Nagsisilbi itong BABALA sa lahat ng mga aktibong elemento ng CAFGU at informer ng kaaway na umalis na rin, tulad ng mga nauna na sa kanila, upang hindi na madamay sa mga susunod pang mga pag-atake ng mga kasama. Huwag na silang magpagamit pa sa mga utusang sundalo at pulis na sumusupil sa mga karapatan at paglaban ng mamamayang labis nang pinagsasamantalahan at inaapi.

Batid din namin na kayo man ay nakararanas din ng pang-aalila at pagmamaltrato ng mga abusadong opisyal na humahawak sa inyo. Ang kakarampot ninyong sweldo at panustos ay kinukurakot pa nila. Ang pag-alis sa serbisyo ang simula upang makalaya sa kontrol ng kaaway at maipagtatanggol ang sarili laban sa iba’t-ibang klase ng pang-aabuso. Ang pagpanig sa mamamayan at rebolusyon ang lulubos sa hangaring makamit ang hustisya at pagbabago na papawi sa lahat ng anyo ng pagsasamantala at pang-aapi sa ating lipunan.