Labanan ang pakanang charter change ng imperyalismong US!

Ang Bayan (CPP)
August 21, 2011

Download PDF

Kasabwat ng mga papet na upisyal ng gubyernong Aquino, puspusang itinutulak ngayon ng imperyalismong US ang charter change (“cha-cha”) o pagbabago ng konstitusyong 1987 ng Pilipinas. Lantarang nanghihimasok ang US sa panloob na usapin ng bansa sa tahasang paggigiit nito na alisin ang mga probisyon sa konstitusyon na nagbabawal sa mga dayuhang korporasyon na magkaroon ng mayoryang kontrol sa mga kumpanyang may operasyon sa Pilipinas.

Dapat mahigpit na tutulan ng mamamayang Pilipino ang maniobrang ito ng imperyalismong US. Lalo lamang itong yuyurak sa kasarinlang pang-ekonomya ng Pilipinas na nilapastangan nitong nakaraang 25 taon ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon. Ang itinutulak na cha-cha ng US ay magreresulta sa ganap na pang-ekonomyang rekolonisasyon ng Pilipinas at magbubulid dito sa lalong malalalim na krisis.

Kung tutuusin, bigo ang konstitusyong 1987 na hadlangan ang mga imperyalista na dambungin ang pambansang patrimonya ng Pilipinas. Mula noong huling bahagi ng dekada 1980, mahigpit na ipinatupad ng magkakasunod na papet na rehimen ang mga patakarang ipinataw ng International Monetary Fund kapalit ang panibagong mga utang. Pawang nakatuon ang mga ito sa pagbubukas ng ekonomya sa operasyon ng dayong mga monopolyo kapitalista at pagbaklas ng mga taripa sa dayong kalakalan. Sunud-sunod na pinagtibay ang mga batas na tahasang lumabag sa reaksyunaryong konstitusyong 1987.

Upang “akitin” ang mga dayuhang mamumuhunan, ibayong sinupil ang mga manggagawang Pilipino at pinigilan ang pagtataas ng kanilang sahod. Isinabatas noong 1989 ang Wage Rationalization Act na bumaklas sa pambansang pamantayan sa minimum na sahod. Sinusugan din ng Herrera Law ang Labor Code at binigyang-daan ang kontraktwalisasyon ng paggawa at nagpataw ng karagdagang mga restriksyon sa karapatang magwelga. Ginagamit ito ng mga kapitalista upang lalong ibaba ang sahod at hadlangan ang mga manggagawa sa pagbubuo ng mga unyon. Nitong nakaraang dalawampung taon, halos napako ang sahod ng mga manggagawa na kulang na kulang na kumpara sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin. Mula noon ay bumagsak nang halos 70% ang bilang ng mga unyon at organisadong mga manggagawa.

Magkakasunod na ipinatupad ng rehimeng Aquino, Ramos, Estrada at Arroyo ang mga Medium Term Philippine Development Plan alinsunod sa programa ng IMF. Hinikayat nito ang pagpasok ng mga dayong kapitalista para pagsamantalahan ang murang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino. Pinasok nila ang mga isinapribadong industriya tulad ng paglikha ng enerhiya, distribusyon ng tubig at kuryente, mga imprastruktura sa transportasyon at sa mga call center. Sinamantala nila ang deregulasyon upang magtaas ng presyo at magbulsa ng palaki nang palaking tubo.

Nitong nagdaang 25 taon, bigo ang mga programang ito na paunlarin ang lokal na ekonomya. Tuluy-tuloy na dumausdos ang sektor ng manupaktura—na siyang motor ng ekonomya na lumilikha ng yaman. Bumagsak ang bilang ng mga empresa sa manupaktura mula 7,500 noong 1999 tungong 4,600 noong 2008. Kaakibat na bumagsak ang bilang ng ineempleyong manggagawa mula 1.1 milyon tungong 860,000. Nakapag-aambag na lamang ng 23% ang manupaktura sa kabuuang ekonomya—tulad ng antas nito mahigit 50 taon na ang nakararaan.

Ilang dekada nang “pag-akit sa dayong mamumuhunan” ang sentral na elemento ng mga programang pang-ekonomya na ipinatupad ng mga nagdaang papet na rehimen. Subalit nitong nakaraang 65 taon ng neokolonyal na republika, ang ekonomya ng Pilipinas ay palagiang nasa krisis, bigong makatayo sa sariling paa at pirming nakasalalay sa dayong pautang at pamumuhunan. Ang yamang nililikha ng uring magsasaka at manggagawa ay palagiang hinuhuthot ng mga dayuhang malalaking kapitalista at kasabwat na mga parasitikong lokal na naghaharing uri.

Deka-dekada ay lumalala ang disempleyo, kawalan ng lupa, kahirapan, kagutuman, kawalan ng pabahay, mga epidemya at iba pang sakit panlipunan. Habang lalong nagsisilbi ang mga naghaharing papet na rehimen sa interes ng dayuhang kapital, lalo silang nabibigong tugunan ang pangangailangan ng mamamayan at pinabibigat ang pasanin sa kanilang mga balikat. Habang binibigyang-kaluwagan sa buwis ang mga dayong kapitalista, palaki naman nang palaki ang sinisingil na buwis sa mamamayan. Habang binibigyan ng buong laya ang mga dayuhang kapitalista na magtaas nang magtaas ng presyo, ganun naman ang pagpigil sa pagtaas ng sahod ng mga manggagawa. Habang papalaki ang pondong inilalaan para sa pakikisosyo sa mga dayuhang malalaking negosyo, ganun naman ang pagliit ng inilalaan sa edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan.

Sa pagtulak na amyendahan ang konstitusyong 1987, layunin ng imperyalismong US at ng mga tuta nito na tuluyan nang iwaksi ang kasarinlan sa ekonomya. Hangarin nilang alisin na ang lahat ng hadlang at bigyang-daan ang walang patumanggang pagdambong ng dayuhang malaking kapital sa lokal na ekonomya.

Ang pagtutulak ng imperyalismong US na amyendahan ang konstitusyon ng Pilipinas ay nakaugnay sa desperasyon ng gubyernong US sa harap ng isa sa pinakamalalalang resesyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Sa pagbaklas sa mga hangganan ng ekonomya ng Pilipinas at iba pang malakolonya, nais ng US na mabuksan ang bago pang mga pronterang pang-ekonomya para mapalawak pa ang mapagkukunan ng hilaw na materyales at murang lakas paggawa. Bibigyang-daan nito ang pagsidhi ng pagsasamantala sa uring manggagawang Pilipino at isasailalim sila sa mas masahol na kundisyon sa paggawa. Lalo nitong lulunurin ang mga magsasakang Pilipino sa utang at pagkalugi bunsod ng walang awat na pagtatambak ng mga dayuhang produktong agrikultural.

Batid ng imperyalismong US at mga tuta nito na peligroso ang pagtutulak ng cha-cha. Ang mga itinulak na pagbabago sa konstitusyon sa ilalim ng nakaraang tatlong rehimen ay malawakang nilabanan ng mamamayan dahil malinaw na ang mga iyon ay sumusuhay sa pampulitikang ambisyon ng mga naghaharing pangkatin na manatili sa poder. Sa pagtulak ng cha-cha, nais ng US Embassy sa Maynila na palabasing may malawak na suporta para rito. Ilang susing upisyal ng papet na gubyerno ang nagsalita na para sa cha-cha habang maingat na iniiwasan ang usapin ng pagpapalawig ng termino ng mga upisyal.

Subalit kung itutulak ng imperyalismong US at kanilang mga papet ang cha-cha, tiyak na haharapin nila ang determinadong paglaban ng mamamayan sa ibayong imperyalistang dominasyon, pang-aapi at pagsasamantala. Ang paglaban ng bayan sa cha-cha ay paglaban sa neoliberal na balangkas ng imperyalistang globalisasyon. Tutol ang mamamayan sa tuluyang pagbubukas ng bansa sa pang-aapi at pagsasamantala ng mga dayuhang kapitalista.

Matapos ang halos tatlong dekada ng tuluy-tuloy na paglala ng kalagayang panlipunan bunsod ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon, nananawagan ang mamamayang Pilipino na ipagtanggol ang pambansang kasarinlan at itaguyod ang mga makabayang patakaran sa larangan ng ekonomya. Hangarin nila ang pagwawakas ng dayuhang dominasyon sa ekonomya at ang isang patakarang pang-ekonomyang nagtataguyod sa interes ng mamamayang Pilipino higit sa lahat.

_____________________________

Ligal na pandarambong

Sa nakaraang 25 taon, kabi-kabila ang pinagtibay na mga batas na naglalayong bigyang-daan ang dayuhang pandarambong sa bansa. Noong 1987, nabuo ang Omnibus Investments Code na nagpahintulot ng 100% dayuhang pag-aari sa mga lokal na empresa sa tinaguriang mga prayoridad na larangan ng pamumuhunan. Pinagtibay noong 1991 ang Foreign Investments Act na lalo pang nagbigay-kaluwagan sa pagpasok ng dayuhang mga kapitalista at nagbigay ng mga insentibo para sa mga dayuhan. Pinagtibay din ang mga sumusunod:

* Special Economic Zone Act ng 1995 na nagbigay-daan sa pagtatayo ng mga special economic zone tulad ng sa Cagayan, Zamboanga City at Calabarzon kung saan nabigyan ng buong laya ang operasyon ng mga dayuhang mamumuhunan.

* Mining Act of 1995 na nagbigay-daan sa mga dayuhang kumpanya na kumontrol sa malalawak na lupain para sa pagmimina.

* Ratipikasyon ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT) noong 1994 na nagsilbing balangkas para sa todo-largang liberalisasyon ng mga batas sa kalakalan at pamumuhunan.

* Pag-apruba sa Bank Liberalization Law of 1994, Build-Operate-Transfer Law of 1994, Oil Industry Deregulation ng Industriya ng Langis ngaw of 1997 at Investment House Liberalization Law of 1997.
_____________________________

4Ps, perwisyo at panlilinlang sa mahihirap

Lubus-lubos na ipinagmamalaki ng rehimeng Aquino ang Programang Pantawid Pamilyang Pilipino (4Ps) bilang programang naglalayon umanong iahon ang pinakamahihirap na mamamayan. Ang totoo, isa itong engrandeng programa ng panloloko sa bayan upang palabasin na mayroon itong programa para sa mahihirap samantalang ang tunay nitong pinaglilingkuran ay ang malalaking dayuhang kapitalista.

Matapos ang ilang taong pagpapatupad nito mula sa panahon pa ni Arroyo, wala itong idinudulot na mapagpasyang pagbabago sa antas ng buhay ng milyun-milyong naghihirap na mamamayan. Hindi limos, kundi trabaho, dagdag sahod, pabahay, edukasyon at kalusugan ang sigaw ng bayan. Walang dulot ang 4Ps ni Aquino kundi perwisyo.

Panlilinlang sa bayan. Ang 4Ps ni Aquino, sa katunayan, ay programang panakip-butas sa kawalan ng hakbangin ng naghaharing rehimen na mapagpasyang lutasin ang mga problema ng malawakang disempleyo, pang-aagaw ng lupa at kawalang-lupa, mababang sahod at pagtaas ng presyo na siyang nagdudulot ng kahirapan sa mamamayan. Ipinatutupad ito ni Aquino upang bigyang-daan ang mga patakaran ng pribatisasyon at deregulasyon.

Ipinagmamayabang ng rehimeng Aquino na umabot na sa 100,000 pamilya ang nakinabang sa programa. Dahil dito, balak ni Aquino na maglaan ng P39.5 bilyon sa 4Ps sa 2012 (mula P21.2 bilyon ngayong taon) para diumano umabot sa 700,000 pamilya ang makinabang sa taong 2012. Subalit kapalit nito, tuluy-tuloy na pinababayaan ng rehimeng Aquino ang mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon at kalusugan.

Pinagtatakpan nito ang malalaking pagkaltas na ginagawa ni Aquino sa badyet sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan. Habang ang isang kamay ni Aquino ay namamahagi ng limos, ang kabilang kamay naman niya’y tumatapyas ng pondong higit na mas kinakailangan.

Habang ipinagmamayabang nito na bahagi ng 4Ps ang pondo para sa mga buntis, ilandaang pampublikong ospital naman ang ipinasara nito. Nagbibigay ang rehimen ng P15 kada batang nag-aaral, pero mahigit P1 bilyon naman ang tinapyas nito sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo. Sa kabilang panig, tuluy-tuloy na dinadagdagan ng rehimeng Aquino ang pondong nakalaan sa pakikisosyo sa malalaking dayuhang kapitalista at pambayad sa dayuhang utang.

Perwisyo sa bayan. Tanda ng kawalan nito ng tunay na malasakit sa mahihirap, ipinatutupad ng rehimeng Aquino ang 4Ps sa paraang nagdudulot ng malaking perwisyo sa halip na ginhawa sa mga diumano’y magbebenepisyo rito. Para lamang magbigay ng barya-baryang limos, labis pa nitong pinahihirapan ang mga pamilyang bahagi ng programa.

Hilong-hilo ang mahihirap sa kahahabol sa mga rekisitong itinakda para makuha ang kakarampot na limos. Ramdam nila ang pagturing sa kanila bilang mga pulubi, na kinakailangang manikluhod at magbigay-patunay ng kanilang karalitaan para lamang maisama sa programa. Masahol pa, inaasahan sa kanila ang walang reklamong pagsunod sa mga dikta ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), nakatutulong man ito sa kanila o hindi.

Perwisyo sa maralitang lunsod. Sa isang pag-aaral ng Center for Women’s Resources, isang institusyong nagtatanggol sa karapatan ng kababaihan, sa kalakhan ng Metro Manila, ilang prubinsya sa Bicol at mga isla ng Mindoro at Negros, kitang- kita ang panloloko ng 4Ps. Isang malaking kabalintunaan na para lamang mag-aplay bilang benepisyaryo, kailangan nilang gumastos ng napakalaki. Ayon sa mga nakapanayam, umaabot sa P350 ang kailangang gastusin para sa mga dokumentong rekisito ng DSWD. Dahil wala namang pondo ang karamihan sa kanila, nangungutang sila para rito.

Magulo, hindi regular at nahuhuli ang pamimigay ng pera. Marami sa mga benepisyaryo ay kailangan pang mamasahe para makapunta sa mga upisina o mga bangko kung saan inilalagak ang kanilang pondo. Madalas ay wala silang natatanggap at kailangan pa nilang mangutang ng pamasahe para makauwi. Kailangang araw-araw nilang subaybayan kung dumating na ang pera. Kung hindi makukuha ang pera mula sa bangko sa loob ng tatlong araw, awtomatiko itong nawawala.

Obligadong dumalo sa mga pulong na ipinatatawag ng DSWD ang mga magulang na benepisyaryo. Habang papataas ang katungkulan ng isang benepisyaryo, mas maraming pulong ang kailangan niyang daluhan. Kung hindi, kakaltasan ng P500 ang kanyang cash grant. Obligado silang sumunod sa bawat dikta ng DSWD kahit hindi kinakailangan. Isang halimbawa nito ang pwersahang pagpapatsek-ap ng mga bata—umuulan man o umiinit—para patuloy na makatanggap ng pondo. Wala itong silbi, anang mga magulang, dahil wala namang pondong pambili ng iniresetang gamot sakaling magkasakit ang mga bata.

Kailangang araw-araw na pumasok ang mga bata para makatanggap ng P15 kada araw. Pero sa Metro Manila, umaabot na sa P50-100 ang arawang gastusin ng batang nasa elementarya. Kung mas mababa sa 85% ang attendance ng isang bata sa paaralan, tatanggalin ang P15 na nakalaan para sa kanya.

Perwisyo sa mga magsasaka. Sa Eastern Visayas, dahil sa pagdagdag ng pondo ay nagkaroon ng mga dagdag na benepisyaryo sa listahan. Mga ilang buwan na ang nakararaan nang paasahin sa tulong bawat tatlong buwan ang mga bagong nailista. Ngunit karamihan o lahat ng bagong nakalista ay hanggang listahan lamang. Kahit naproseso na ang kanilang mga papeles, wala pa rin silang natatanggap na banepisyo.

Sa dati namang mga nakalista, mayroong hindi na nakatatanggap ng pera o nabawasan ang dating natatanggap na halaga. May mga pamilyang labis-labis ang pagdarahop ngunit hindi isinama sa listahan. May mga kabilang sa matataas na uri gaya ng maliit na panginoong maylupa, komersyante at mayamang magsasaka na isinama sa 4Ps dahil kilala sila sa barangay.

Sa isang bayan ng Northern Samar, ginawa pang negosyo ang 4Ps. Kasabwat ng gubernador at upisyal ng DSWD, kinukuha ng isang negosyante ang nakalaang pondo sa isang bangko sa kabisera gamit ang ATM card ng mga benepisyaryo. Ito raw ay para mabawasan ang gastos sa transportasyon at pagkain ng mga benepisyaryo. Kapalit nito, kinakaltasan niya ng 10% ang tinatanggap na pera ng mga nasa listahan.

Ginamit din sa eleksyon ang 4Ps. Noong nakaraang taon, tinakot ng ilang kandidato ang masa na kung hindi sila iboboto ay aalisin sila sa listahan ng mga benepisyaryo. Ginamit din itong panghati sa masa at pag-udyok ng kaguluhan sa hanay nila.

_____________________________

Matatagumpay na taktikal na opensiba sa Masbate at iba pang prubinsya

Matagumpay na binigwasan ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bicol ang mga tropa ng 9th Infantry Division ng Philippine Army at Philippine National Police (PNP) na masugid na naglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong kampanyang Oplan Bayanihan (OPB).

Koordinado at sunud-sunod na mga pag-atake ang isinagawa ng mga Pulang mandirigma sa mga prubinsya ng Masbate, Sorsogon, Albay at Camarines Sur nitong Agosto 14 na nagresulta sa maraming kaswalti sa pasistang Armed Forces of the Philippines (AFP) at PNP.

Pinagsanib na mga yunit ng BHB ang nagsagawa ng matatagumpay na opensiba.

Sinalakay ng mga Pulang mandirigma ang Mobo Municipal Police Station bandang alas-2:30 ng umaga kung saan tatlong pulis ang nasugatan. Pagsapit ng alas-10 ng umaga, inambus at pinasabugan naman ng command-detonated explosives ng isa pang yunit ng mga gerilya ang sumaklolong mga tropa ng 9th IB na lulan ng isang trak sa Barangay Mayrangan, Masbate City. Apat na sundalo ang napatay sa ambus at maraming iba pa ang nasugatan.

Nagtangka ring sumaklolo ang mga tropa ng 506th PNP Provincial Mobile Group na galing sa Masbate City na katabi lamang ng bayan ng Mobo. Ngunit inambus din sila ng mga Pulang mandirigma pagdating nila sa Barangay Tugbo, Mobo. Napilitan silang bumalik sa Masbate City dala ang kanilang mga sugatan.

Hindi rin nakasaklolo ang mga tropa ng Special Action Force ng PNP na nakabase sa Barangay Lalaguna, Mobo at ang mga tropa ng Bravo Coy ng 9th IB na nasa Barangay Armenia, Uson nang harangin at paputukan din sila ng mga Pulang mandirigma.

Hinaras din ng BHB ang mga detatsment ng 22nd IB at CAFGU sa Barangay Alanao, Lupi, Camarines Sur at sa Barangay Mayon, Castilla, Sorsogon.

Samantala, sunud-sunod ang mga inilunsad na aksyong militar ng mga Pulang mandirigma ng Santos Binamera Command (SBC) laban sa mga tropa ng AFP at CAFGU sa Albay nitong unang hati ng Agosto. Tugon ito sa kahilingan ng mga Albayano na mabigyang-katarungan ang mga paglabag sa kanilang karapatang-tao at maparusahan ang mga berdugong militar at CAFGU na animo’y halimaw na nananalasa sa kanilang mga pamayanan.

Tinambangan ng mga operatiba ng SBC si Benedicto Lea, isang sagadsaring asset ng militar sa Barangay Caguiba, Camalig noong Agosto 13. Tinambangan din ng isang tim ng SBC si Pfc. Leo Salcedo ng 83rd IB sa hangganan ng Barangay Inarado at Alobo, Daraga noong Agosto 8. Nasamsam mula sa kanya ang isang kal .45 na pistola.

Pinaputukan ng isang tim ng SBC ang detatsment ng 22nd IB sa Barangay Francia, Ligao City noong Agosto 7. Ilang oras bago ito, inisnayp ng isa pang tim ng SBC ang mga tropa ng 2nd IB sa Barangay Malobago, Guinobatan. Sa araw ding ito, tinambangan ng isang yunit ng SBC-BHB si Salvador Caneso, 23 anyos, isang aktibong ahenteng impormer ng 22nd IB.

Hinaras naman ng mga yunit gerilya ng SBC ang mga tropa ng 22nd IB sa Naga, Oas noong Agosto 6 at mga tropa ng 2nd IB sa Barangay Bololo, Guinobatan noong Agosto 1.

_____________________________

4 sundalo, patay sa magkasunod na atake sa Aurora

Apat na sundalo ng 48th IB ang napatay sa magkasunod na opensiba na inilunsad ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Barangay Diteki, San Luis, Aurora.

Dinikitan at pinaputukan ng isang yunit ng BHB ang mahigit 20 sundalo na nakahimpil sa barangay hall ng Diteki bandang alas-11:15 ng gabi noong Agosto 12.

Kinabukasan, pinasabugan naman ng command-detonated explosives (CDX) at pinaulanan ng mga bala ng isa pang yunit ng BHB ang sumaklolong pwersa ng 48th IB alas-9:10 ng umaga. Pauwi na sa kanilang hedkwarters sa Baler ang mga sumaklolong tropa na lulan ng dalawang trak at isang V150 armored personnel carrier nang pasabugan ng CDX ang nangungunang trak at bumalandra ito sa gitna ng kalsada.

_____________________________

BHB, naglunsad ng opensiba laban sa 8th ID sa Samar

Naglunsad ng serye ng mga taktikal na opensiba ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa prubinsya ng Samar laban sa search and destroy mission ng 8th ID na nagmamaskarang peace and development operations sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Ayon sa Efren Martires Command (BHB-Eastern Visayas), umiigting na ang mga taktikal na opensiba sa Samar mula pa noong Hunyo upang labanan ang pananalanta ng Oplan Bayanihan. Nakatutok ito sa pagtatayo at pagkukumpuni ng mga kalsada upang mapabilis ang malakihang deployment ng mga tropang naglulunsad ng search and destroy operations ng militar sa buong isla.

_____________________________

Sumusunod ang mga taktikal na opensibang inilunsad.

Hulyo 20. Ayon sa pinakahuling ulat mula sa Arnulfo Ortiz Command, isang K3 machine gun, dalawang M16, tatlong .45 na pistola, mahigit 2,000 bala na iba’t iba ang kalibre, isang kahon ng bala ng mortar, mahahalagang dokumento at iba pa ang nasamsam ng mga Pulang mandirigma nang tambangan nila ang isang limang-sasakyang-komboy ng 34th IB sa pagitan ng Barangay Concepcion at Barangay Canligues, Paranas, Samar. Nauna nang naiulat sa isyung Agosto 7, 2011 ng AB na isang sarhento ang napatay at anim pa ang nasugatan nang pasabugan ng command-detonated explosives ang militar bago sila paulanan ng bala.

Hulyo 13. Isang 9 mm na pistola, isang .38 rebolber, isang .38 na pistola at dalawang laptop ang nakumpiska ng BHB sa isinagawa nilang reyd sa Sub-provincial Jail sa Barangay Lagundi, Catbalogan, Samar.

Hunyo 26. Tinambangan ng mga espesyal na operatiba ng BHB si Bolontoy Sosing, isang importanteng aset-paniktik ng militar.

Hunyo 6. Tatlong sundalo ang napatay at isa ang nasugatan nang paputukan ng mga myembro ng Serafin Pacimos Command ang isang yunit ng 8th ID sa Barangay Matuguinao. Walang kaswalti sa panig ng mga Pulang mandirigma.

_____________________________

Safehouse ng PSOG sa Batangas, nireyd ng BHB

Nireyd ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Eduardo Dagli Command ng BHB-Batangas ang safehouse ng Provincial Special Operations Group ng Philippine National Police (PSOG-PNP) sa Barangay Talisay, Calatagan, Batangas noong Agosto 11 bandang alas-7:15 ng gabi. Naabutan ng mga partisano sa safehouse ang isang upisyal ng PSOG na si Rico Puno at dalawang iba pa na nagsisilbing mga bantay. Si Puno, na siyang tumatayong upisyal-paniktik ng PSOG sa lalawigan ay maraming kasong kriminal laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa kanlurang Batangas.

Nakakubli sa isang manukan ang safehouse ng PSOG na pag-aari rin ni Puno. Ngunit dahil sa mga sumbong ng mamamayan ay nagawang salakayan ito ng BHB. Tipunan ng mga bayarang armadong tauhan ng PSOG ang safehouse na ito at dito iniimbak ang mga baril na ginagamit ng mga sindikatong pinatatakbo mismo ni Puno at ng PSOG. Ilang minutong nakipagbarilan si Puno sa mga partisano. Nasugatan siya subalit nakatakas. Nakumpiska sa safehouse ang isang karbin at isang kalibre .45 pistola.

Samantala, sa Negros Occidental, iniulat ng Armando Sumayang Jr. Command ng Southwest Negros Front na nasugatan ang dalawang sundalo ng 47th IB ng Philippine Army at isang aset-paniktik nito sa isang operasyong isinagawa ng isang yunit-partisano ng BHB sa Sipalay City noong Agosto 5.

Nag-iinuman ang mga sundalo at kanilang aset sa isang videoke house sa Sityo Bactolon, Barangay Camindangan nang salakayin sila ng mga Pulang mandirigma. Nasugatan sina 2Lt. Rigor Borja at Cpl. Juanito Fernando ng 47th IB Peace and Development Team at si Roderick “Eric” Samulde, isang notoryus na aset-paniktik. Nang magkaputukan na ay nagsitakbuhan na lamang ang ibang sundalo na nasa isang bahay at kalapit na basketball court patungo sa kanilang detatsment na may kalahating kilometro ang layo. Hindi man lamang nila sinaklolohan ang mga sugatan nilang kasamahan, kabilang ang kanilang upisyal.

Ang operasyong partisano sa Sityo Bactolon ay nagpapakita na sa kabila ng mga kasinungalingan at pagsurender umano ng mga lokal nga lider-masa ay nabigo pa rin ang lambat paniktik ng kaaway at sumusulong ang armadong rebolusyon, ani Guerrero.

Sa Mountain Province, sinunog ng mga residenteng galit na galit sa mga abusong militar ang detatsment ng CAFGU sa Sityo Opucan, Barangay Poblacion, Sadanga noong gabi ng Hulyo 22. Ang detatsment na itinayo ng 77th at 54th IB ay tinatauhan ng sampung paramilitar at ng nakadestinong cadreman ng AFP. Pinasok ng mga residente ang detatsment habang nag-ooperasyon ang mga paramilitar.

Ayon sa mga ulat, sinunog ng mga residente ang detatsment para mapalayas ang mga elemento ng CAFGU na nagdudulot ng peligro sa kanilang baryo. Nakatayo ang detatsment sa bukana ng poblasyon. Kahit tutol ang mga residente, nagtatayo ang mga sundalo ng mas malaki pang detatsment para sa dagdag pang mga sundalo mula sa 54th Engineering Brigade.
4 upisyal ng BJMP, idineklarang mga POW

Pormal na tinuran na mga prisoner of war (POW) o bihag-sa-digma ang apat na upisyal ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ng Ozamiz City na nasa kustodiya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) mula noong Hulyo 21. Dinakip sila ng BHB nang palayain ng mga Pulang mandirigma ang bilanggong si Dennis Rodanes habang inihahatid siya patungong Davao Penal Colony.

Ayon sa pahayag noong Agosto 9 ni Ka Rigoberto F. Sanchez, tagapagsalita ng Merardo Arce Command sa Southern Mindanao Region, ang paggawad ng katayuang POW sa apat na tauhan ng BJMP ay pormal na garantiya ng pagkilala at paggalang sa kanilang mga batayang karapatan. Ang mga bihag ay sina P/Insp. Murphy Todyog, Jail Warden ng BJMP-Ozamiz City; P/Insp. Eric Llamanzares; Special Jail Officer 2 Rogelio Begontes; at Jail Officer 1 Rolando Bajuyo Jr. Nasa pangangalaga sila ngayon ng Guerrilla Front 53 ng Herminio Alfonso Command.

Gayunpaman, ipinaliwanag ni Sanchez na patuloy na isinasagawa ang imbestigasyon sa apat sa posibleng pagkakasangkot nila sa mga kasong kriminal. Maaaring mabawi ang katayuang POW ng sinuman sa kanila sakaling sampahan ng mga kasong kriminal sa hukumang bayan. Binigyang-katiyakan ni Sanchez na patuloy na gagalangin ang karapatan ng apat habang nasa pangangalaga ng BHB. Naaantala lamang ang proseso ng pag-iimbestiga sa kanila dahil sa mga operasyong militar ng mga tropa ng 8th, 57th at 61st IB sa mga bayan ng Kitaotao at Kibawe sa Bukidnon at sa Arakan Valley sa North Cotabato.

Isinasailalim din sa imbestigasyon ng hukumang bayan sina Henry Dano, alkalde ng bayan ng Lingig, Surigao del Sur at dalawang militar na nagsisilbing mga eskort niya. Sina Dano at dalawa niyang badigard na militar ay inaresto at dinisarmahan ng BHB matapos nilang salakayin ang kanyang bahay sa Barangay Sabangan, Lingig noong Agosto 6 ng umaga.

Inaalam pa ang pagkakasangkot ni Dano sa mga armadong operasyon ng militar laban sa mamamayan kabilang ang pangangalap ng datos-paniniktik, pagrerekluta at paglilista ng mga sibilyan sa mga grupong paramilitar tulad ng CAFGU at pagmamantini ng pribadong armadong hukbo.

Paiimbestigahan din ang kanyang mga badigard na sina Cpl. Alrey Villasis Desamparado at Pfc. Allan Pelino, parehong kasapi ng Intelligence Section ng 75th IB ng 4th Infantry Division ng Philippine Army. Anang MAC, ang kanilang pagsisilbi bilang mga “military escort” ni Mayor Dano ay tabing para sa kanilang mga gawain bilang mga operatibang paniktik. Nang arestuhin sila ay nakuha sa kanila ang mga dokumentong nagpapatunay na sila ay mga elemento ng S-2 ng 4th ID. Pagpapasyahan pa pagkatapos ng isinasagawang imbestigasyon sa kanila kung gagawaran sila ng istatus bilang mga POW, ayon kay Sanchez.
_____________________________

Opensibang magsasaka ang tugon ng mamamayan ng Southern Tagalog

Ito ang kasunod na bahagi ng artikulo kaugnay ng kilusang magsasaka sa Southern Tagalog. Basahin ang unang bahagi sa isyung Hulyo 21, 2011 ng Ang Bayan.

Nabibigkis ngayon sa isang matatag na panrehiyong sentro ng kilusang magbubukid ang mga maralita sa kanayunan ng Southern Tagalog (ST). Nagsisimula na muling bumangon ang mga pamprubinsyang balangay nito mula sa nakapanatiling 54 na balangay sa iba’t ibang antas ng organisasyon na matatagpuan sa mga lugar na may mga kasong agraryo at pagpapalayas sa masang magsasaka. Patuloy ang pagpapalawak at pagtatayo ng mga bagong balangay sa iba’t iba ring antas.

Ang mga balangay sa islang prubinsya ng rehiyon ay unti-unti na ring nakakabawi sa matinding hagupit na idinulot ng militarisasyon at terorismo ng estado nitong mga nakaraang taon.

Regular ang mga pagpupulong at konsultasyon ng mga samahang magsasaka. Papasinsin ang mga pagbibigay ng pangmasa at pampulitikang pag-aaral sa mga komunidad sa kanayunan. Mula sa pagkakatuto sa mayamang karanasan ng pakikibakang magbubukid, natutukoy ngayon ang mga pangunahing isyu at kampanyang pangmagsasaka na marapat ilunsad upang mapakilos ang pinakamaraming bilang ng mamamayan.

Gamit ang sariling lakas, hindi lamang nasasalag ng mga magsasaka ang pinakamatitinding pang-aatake sa kanilang mga karapatan at kagalingan, matagumpay din nilang naisusulong ang kanilang interes at kapakanan. Nagawa nila ang mga ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng militanteng mga kampanyang nagpalawak sa kanilang mga samahan at nagpatatag sa kanilang hanay. Kabilang dito ang walang takot na paglaban sa militarisasyon at paglabag sa karapatang-tao at sa saywar ng mga espesyal na ahente ng estado habang puspusang isinusulong ang pakikibaka para sa tunay na repormang agraryo.

Para sa tunay na repormang agraryo. Pinatunayan ng karanasan at maningning na tradisyon ng militanteng kilusang magbubukid sa rehiyon na ang pag-abante ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa ay nasa kanila mismong mga kamay.

Itinaguyod ng kilusang magbubukid sa rehiyon ang programa sa repormang agraryo na tunay na magpapalaya sa kanilang uri mula sa karukhaan at kawalang-lupa sa pamamagitan ng aktibong pagsusulong nito sa kanayunan ng rehiyon. Pinanatili nilang produktibo ang mga lupang agrikultural at pinatatag ang kooperatibismo sa mga kolektibong sakahan upang pisikal na maipagtanggol ang mga lupaing inaagaw ng mga panginoong maylupa at/o tinatangkang isailalim ng mga real estate developer sa pagpapalit-gamit.

Ang kainutilan at butas-butas na probisyon ng bogus na CARP ay hindi nagkaroon ng puwang upang patuloy na umasa ang mga una nang nalinlang na mga magsasaka sa huwad na repormang agraryo ng estado. Sistematikong binalikan at inokupa ng mga magsasaka ang mga lupaing ipinailalim sa CARP na bago pa muling narekonsentra sa mga panginoong maylupa at developer ay kolektibo nang pinagyaman ng mga magbubukid upang mapanatiling produktibo at agrikultural.

Maniningning ang mga karanasang ito sa naging pakikibaka ng mga magbubukid mula sa mga bulubundukin ng Quezon at Batangas hanggang sa kapatagan ng Cavite kahit pa halos mapagitnaan na ng mga sentrong komersyal ang mga lupang sakahan.

Maraming komunidad ng magsasaka ang nabenepisyuhan ng kanilang sama-samang pagkilos na nagreresulta sa pagpapababa ng upa sa lupa, pagkakamit ng mas makatwirang hatian sa ani, pagpapataas ng sahod sa mga manggagawang bukid at iba pang benepisyong pang-ekonomya.

Kontra-militarisasyon. Kakambal ng pangangamkam ng lupa ang pandarahas sa mamamayang inaagawan ng karapatan, mula sa simpleng panggigipit at pananakot hanggang sa tahasang terorismo. Ginagamit ang iba’t ibang ahensya at institusyon ng estado para ipatupad ang mga pasista at kontra-mamamayang pakana.

Hindi kataka-taka na tambak sa iba’t ibang prubinsya ng rehiyon ang mga tropang militar. Sa Batangas, halimbawa, hindi bababa sa pitong batalyon ng Philippine Army at Philippine Air Force ang nakaistasyon. Dito rin ang pinakamaraming dokumentadong kaso ng usapin sa lupa.

Gayundin, hindi nagbabago ang dami ng mga pwersang militar sa Quezon at Mindoro sa matagal na panahon. Sa mga lugar na ito ipinagpapalagay ng estado na may pinakamalalakas na rebolusyonaryo at armadong paglaban ang mga maralita sa kanayunan. Ang mga pwersang militar dito ang pangunahing tagapagpatupad ng mga programang maka-panginoong maylupa.

Lalo pang dumami ang itinambak na pwersang militar sa rehiyon matapos ideklara noong Disyembre 2010 ang Oplan Bayanihan, ang pinakabagong programang counterinsurgency ng AFP.

Taliwas sa gustong palabasin ng rehimen na bawas na ang pang-aabusong militar sa Oplan Bayanihan, lalo pang dumami ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at sibil sa rehiyon. Patunay dito ang 12 biktima ng pampulitikang pamamaslang na naitala sa panahon ni Benigno Aquino III. Binuhay din ang isinampang gawa-gawang kaso sa tinaguriang ST-72 na dati nang napabasura sa korte dahil sa teknikalidad at kawalan ng batayan.

Mayroong 55 bilanggong pulitikal sa ST. Kabilang dito si Darwin “Tatso” Liwag, pangalawang tagapangulo ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan. Karamihan sa mga bilanggong pulitikal sa rehiyon ay mga lider-magsasaka o galing sa mga komunidad ng magsasaka.

Pinaigting na panlilinlang. Hindi lamang tahasang karahasan ang kailangang labanan ng mga magsasaka sa rehiyon. Kakambal ng pandarahas ang panlilinlang. Para rito, binuo o pinakikilos ng estado ang mga nagpapanggap na samahang magsasaka na naghahasik ng mapanlinlang na mga kaisipan.

Kabilang dito ang AKBAYAN, UNORKA, PAKISAMA, PARRDS, PARAGOS, PAMMBUKID-KA, KASAKA-TK, KMBP, CARET, AR NOW, CENTRO-SAKA at PEACE Foundation (Araro PL) sa nagkukunwaring mga maka-magsasakang organisasyon. Ang mga samahang ito ang nagsisilbing espesyal na ahente sa saywar ng gubyerno at AFP para ilihis ang landas ng masang magsasaka sa mapagpalayang adhikain nito at panatilihin ang paghaharing pyudal at malapyudal sa kanayunan.

Nakapagtala ng may 20 maliliit na grupong repormista at nagpapanggap na organisasyong magbubukid sa rehiyon. Nagtatangka silang ibulid sa repormismo ang uring magsasaka sa pamamagitan ng pagwasak sa base ng militanteng kilusan at pagkakaisa ng maralita sa kanayunan upang patuloy na makapagsamantala at makapaghari ang mga panginoong maylupa at mga kasabwat nito.

_____________________________

Pagtutol sa pagmimina sa Jiabong, Samar

Mariing tinututulan sa ngayon ng mamamayan ang banta ng malakihang pagmimina sa Jiabong, Samar, isang tabing-dagat na fifth-class municipality malapit sa Catbalogan na kabisera ng prubinsya. Kasama ang Jiabong sa 16,397 ektaryang inaprubahan ng reaksyunaryong gubyerno para sa pagmimina noon pang 2004. Sa bauxite pa lamang, tinatayang ang $24 bilyong halaga na pwedeng minahin ang pinaglalawayan ng mga dayuhang kumpanya.

Sa bayan, umaabot sa 2,000 ektarya ang naaprubahan bilang konsesyon sa pagmimina, o halos sangkatlo ng kabuuang 6,700-ektaryang erya ng Jiabong. Sa ngayon, nagsimula na ang eksplorasyon ng Manganese Mineral Belt Mining and Development Corporation (MMBMDC) para sa aluminum, bauxite at manganese. Ang MMBMDC ay pag-aari ng mga negosyante mula sa South Korea. Target din nitong palawakin ang operasyon tungo sa mga karatig-bayan ng Catbalogan at Motiong.

Ayon sa alyansang JINGYAP (Jiabongnon Nagkakaurusa nga Parag-uma Hingyap Kauswagan), labis na ikinababahala ng maliliit na magsasaka at mangingisda sa Jiabong ang bantang pagmimina. Labis na naghihikahos ang mga magsasaka sa bayan na kulang o walang sariling lupa at biktima ng pyudal at malapyudal na pagsasamantala.

Pinangangambahan din nila ang magiging epekto ng pagmimina sa pagtatahong na pinakasasaligan ng bayan at tinatayang nagkakahalaga ng P32 milyon bawat taon. Ang Jiabong ang pinakamalaking suplayer ng tahong sa Eastern Visayas at isa sa pinakamalalaki sa bansa. Umaabot ang produkto nila hanggang Davao, Bicol at Maynila. May karanasan na ang bayan sa pinsalang dulot ng pagmimina sa pagtatahong.

Noong 2009, biglang bumagsak ang produksyon ng tahong at itinuro ang malawakang polusyon bilang sanhi. Sa ngayon, bunga ng operasyong paglilinis na ginawa ng lokal na pamahalaan ay nakatanggal ng katumbas na 37 trak ng basura at pollutant mula sa 67 ektaryang nakalaan sa pagtatahong. May malaking pananagutan dito ang Philippine Alumina Mining Corp. dahil ang basura mula sa naunang eksplorasyon nito para sa carbon ang naging dahilan ng kontaminasyon ng dagat.

Unti-unti pa lamang na nakababawi ang mga magtatahong kung kaya’t tinututulan nila ang bantang eksplorasyon ng MMBMDC. Giit ng JINGYAP, makapamiminsala ang pagmimina sa kabuhayan, kalusugan at kapaligiran ng bayan. Hindi matagalang solusyon ang pagmimina sa paghihikahos ng maliliit na magsasaka at mangingisda sa harap ng kawalan ng tunay na repormang agraryo at pambansang industriyalisasyon. Maaaring malason hindi lamang ang dagat kundi pati ang mga palayan sa Jiabong at ang mga watershed dito at sa Catbalogan. Maaaring maging sanhi ang pagmimina ng mga sakuna tulad ng pagbabaha at landslide. Binabatikos din ng JINGYAP ang militarisasyon dahil pinoprotektahan nito ang interes ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina at mga korap na upisyal.

Hinahamon ng JINGYAP ang lokal na gubyerno ng Samar na panindigan ang idineklara nitong 50-taong moratoryum sa malakihang pagmimina noong 2003. Samantala, patuloy na nag-oorganisa, kumikilos at nananawagan ang JINGYAP sa mamamayan na magkaisa at labanan ang banta ng malawakang pagmimina.

_____________________________

Aktibistang minorya sa Davao del Sur, pinaslang

Pinaslang noong Agosto 4 ng tatlong armadong lalaking pinaghihinalaang ahente ng militar si Dioquino Scuadro, 49 anyos, kasapi ng tribong Tagakaolo. Nangyari ang pagpatay sa loob mismo ng tahanan ng biktima sa Sityo Sulok Talaod, Barangay Ticulon, Malita, Davao del Sur.

Bandang alas-10:15 ng gabi nang may kumatok na lalaki sa kanilang bahay. Nang tumanggi si Scuadro na pagbuksan siya ay pinwersa ito ng tatlong armadong lalaki at pinasok ang kanyang kwarto. Kaagad na pinagbabaril at napatay ang biktima.

Nasaksihan ng anak na babae ni Scuadro na si Jinky ang pamamaril sa kanyang ama. Nakita pa niya ang tatlong salarin na tumungo sa daang papunta sa Barangay Little Baguio, Malita.

Ayon sa Barugkatungod, isang grupong nagtatanggol sa karapatang-tao, si Scuadro at kanyang mga kamag-anak ay nailagay sa listahan ng mga minamanmanan ng 39th IB dahil sumusuporta umano sila sa Bagong Hukbong Bayan, .

Aktibong kasapi si Scuadro ng Pigu-nawan (Pagkakaisa), isang organisasyon ng mga pambansang minorya na naggigiit ng kanilang karapatan sa kanilang lupang ninuno at pagpapasya sa sarili. Aktibo rin siya sa mga kampanya laban sa pagmimina at pangangamkam ng lupa.

Idinagdag ng Barugkatungod na pilit na ipinatutupad ng 39th IB ang food blockade sa mga barangay ng Pangaleon, Manuel Peralta, Little Baguio at Datu Danwata, lahat sa bayan ng Malita. Tatlo hanggang limang kilo lamang ng bigas ang pinapayagang dalhin o bilhin ng mga mamamayan sa nasabing mga lugar.

Anito, malinaw na lumilikha ng takot at kahirapan ang ginagawa ng militar sa mga mamamayan at hindi totoong nagdadala ng katahimikan at kaunlaran ang Oplan Bayanihan ng administrasyong Aquino.

Nananawagan sila sa mga lokal na pamahalaan ng Davao del Sur na humakbang para maibsan ang umiigting na kalagayan ng karapatang-tao sa Malita. Humihingi rin sila ng tulong sa mga taong simbahan, mga abogado at iba pang sumusuporta sa karapatang-tao.

_____________________________

Mga upisyal ng CMU, inireklamo sa Ombudsman

Sinampahan ng mga kasong administratibo at kriminal sa Mindanao Regional Office of the Ombudsman sa Cagayan de Oro City noong Agosto 8 ang mga upisyal ng Central Mindanao University (CMU) at mga armadong bantay nito kaugnay ng pamamaril sa nagpoprotestang mga magsasaka na kaanib ng Buffalo-Tamaraw-Limus (BTL).

Kabilang sa mga kasong isinampa ng mga magsasaka ng BTL sa Ombudsman ang malalang pang-aabuso sa awtoridad, di karapat-dapat na asal ng isang upisyal ng bayan, malalang pananakot at pamimilit at pananakit.

May ilang linggo nang nagkakampo sa labas ng CMU ang mga magsasakang kaanib ng BTL nang lusubin sila noong Hulyo 14 ng 15 armadong gwardya ng pamantasan. Ang kanilang aktibidad ay bahagi ng “Operation Tikad” (bungkalan) na pinamumunuan ng KASAMA-Mindanao.

Walang patumanggang pinagbabaril at pinagbubugbog ng mga armadong bantay ang mga nagkakampong magsasaka at mga tagasuporta nila. Pito sa mga magsasaka ang nasugatan bunsod ng karahasang iyon, ayon sa Amihan-Northern Mindanao Region, isang grupo ng mga babaeng magbubukid.

May ilang dekada na ang pakikibaka ng mga magsasaka ng BTL para sa lupa. Iginigiit ng 800 pamilyang magsasaka ang karapatan nilang bungkalin ang 400 ektaryang nakatiwangwang na lupa ng CMU. Bahagi ito ng kabuuang 3,084 ektarya ng unibersidad. Sinusuportahan ng panlalawigang pamahalaan ng Bukidnon ang kanilang karapatang bungkalin ang naturang lupa.

Pero mula nitong maagang bahagi ng 2011 ay naging maigting na ang pagkikibaka ng mga magsasaka ng BTL nang magdesisyon ang administrasyon ng CMU na palayasin sila sa kanilang binubungkal na lupa dahil sa plano nitong ipaupa ang lupa sa mga multinasyunal na korporasyon. Isa rito ang Davao Agri-Ventures Corporation (DAVCO) na kasalukuyan nang nagsasarbey sa komunidad ng mga taga-BTL.

_____________________________

3 magsasaka sa Negros, dinukot

Tatlong magsasaka ang dinukot ng mga pinaghihinalaang ahente ng militar at Revolutionary Proletarian Army (RPA) noong Hulyo 19 sa bayan ng E.B. Magalona, Negros Occidental. Ang tatlong magsasaka ay sina Michael Celeste, Gerald Abale at Jully Devero.

Sunud-sunod na pwersahang kinuha ng mga armadong lalaking nakasuot ng bonnet ang mga biktima sa kanilang mga bahay sa Barangay Calusong. Ang ilan sa mga nandukot ay nakaunipormeng camouflage, ayon sa KARAPATAN-Negros.

Unang dinukot si Devero, 56 anyos. Pinasok ang kanyang bahay sa Sityo Manaque. Pwersahang kinuha ng mga salarin ang magsasaka sa harap ng kanyang asawa at anak nang walang anumang paliwanag.

Makaraan ang isang oras ay dinukot naman nila si Gerald Abale, 32 anyos. Ayon sa asawa niyang si Clemencia, tinutukan si Gerald ng baril ng mahigit walong armadong lalaki na ang ilan ay nakadamit komoplahe. Mahigpit na niyakap ni Clemencia si Gerald. Pero sinabihan siya ng isa sa mga dumukot na “gusto mo bang dito namin patayin ang iyong asawa?”

Halos kasabay ng pagdukot kay Abale, pinalibutan din ng walo hanggang sampung armadong lalaki ang bahay ni Danilo, ama ni Michael Celeste. Tinanong nila si Danilo kung nasaan ang kanyang anak na lalaki. Pagkatapos nito ay pinuntahan nila ang bahay ni Michael, na 50 metro lamang ang layo sa bahay ng kanyang ama. Habang dinadala nila si Michael ay binalaan ang kanyang pamilya na huwag silang sundan pa.

Si Celeste ay kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW). Noong Hulyo 2007, siya ay pinahirapan ng pinaniniwalaang mga kasapi ng RPA. Nito lamang Mayo 26 ay muling binantaan si Devero ni Raul Casiple, isang lider ng RPA.

Naniniwala ang mga pamilya ng tatlong biktima na mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at RPA ang may kagagawan ng pagdukot sa kanila. Layon nilang maghasik ng lagim sa hanay ng mamamayan sa Negros, ayon kay Rodel Mesa, pangkalahatang kalihim ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).

_____________________________

Badigard ni Palparan, sangkot sa kasong pagdukot

Positibong kinilala ng isang testigo ang isa sa mga badigard ni Gen. Jovito Palparan bilang kasama sa mga sundalong dumukot sa tatlong aktibista noong Hunyo 2006 sa Hagonoy, Bulacan.

Si S/Sgt. Edgardo Osorio ng 24th Intelligence Security Unit ng Philippine Army ay positibong kinilala ni Wilfredo Ramos, isang magsasakang nakasaksi sa pagdukot sa mga estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan at sa magbubukid na si Manuel Merino. Ani Ramos, tinutukan pa siya ni Osorio ng baril nang maganap ang insidente. Apat pang upisyal-militar ang kinilala ni Ramos na kabilang sa mga dumukot kina Empeño.

Sina Empeño ay idinetine sa iba’t ibang kampo militar sa Central Luzon at dumanas ng matinding tortyur sa kamay ng mga tauhan ni Palparan, ayon sa isa pang saksi. Hanggang ngayon, hindi pa rin sila inililitaw ng militar.

Si Osorio ay itinuro ni Ramos nang samahan ng sarhento si Palparan noong Agosto 19 sa preliminary investigation ng kasong kidnapping, illegal detention at rape na isinampa ng mga ina nina Empeño at Cadapan laban sa berdugong heneral. Nang ituro ng testigo si Osorio ay agad siyang isinama ng korte sa talaan ng mga akusado. Inatasan siyang magsumite ng counter-affidavit at dumalo sa susunod na pagdinig sa Agosto 31.

Samantala, bunga ng kinakaharap niyang mga kaso ay iniutos na ni Sec. Leila de Lima ng Department of Justice ang pagbilang kay Palparan sa immigration watchlist o mga personaheng hindi pinapayagang lumabas ng bansa nang walang pahintulot mula sa departamento.

_____________________________

Mga pambansang minorya, nagrali sa Mendiola

Bilang bahagi ng pagdiriwang ng Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo noong Agosto 9, nagrali sa Mendiola, Maynila ang mga kinatawan ng iba’t ibang tribo tulad ng Igorot, Aeta at Dumagat at mga Lumad mula sa Mindanao.

Binatikos nila ang patuloy na pangangamkam sa lupang ninuno ng mga pambansang minorya at paglabag sa kanilang karapatang-tao. Ayon sa Kalipunan ng mga Katutubong Mamamayan ng Pilipinas (KAMP), apektado ng pagmimina ang 50% ng mga lupang ninuno sa bansa. Sa Cordillera, umaabot na sa 60% ng kabuuang lupain sa rehiyon ang may nag-oopereyt na minahan. Samantala, sa Surigao del Sur at Agusan del Norte ay 93,740 ektarya na ng mga lupang ninuno ang may aplikasyon sa pagmimina.

Biktima rin ng karahasan ang mga pambansang minorya. Sa katunayan, anang KAMP, isa sila sa mga target ng Oplan Bayanihan. Walong minorya na ang nagiging biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Aquino. Pinakahuling biktima si Dioquino Scuadro. (Tingnan ang kaugnay na artikulo sa pahina 11.) Naghahasik din ng takot ang mga elemento ng militar at paramilitar sa mga komunidad ng mga Lumad sa iba’t ibang lugar sa Mindanao, laluna sa Far South Mindanao.

_____________________________

Mga maralita, sumugod sa upisina ng Ayala

Isang kilos-protesta ang inilunsad ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY) at Alyansa Kontra-Demolisyon (AKD) noong Agosto 12 sa University of the Philippines-Ayala Techno Hub sa Quezon City. Binato nila ng putik ang tarangkahan ng upisina ng Ayala sa UP-Techno Hub at iginiit na itigil ang demolisyon sa Sityo San Roque, Barangay North Triangle sa Quezon City.

Ayon kay Estrelita Bagasbas, tagapangulo ng AKD, nakahanda muli ang maralita na depensahan ang kanilang tahanan kagaya ng ginawa nila noong Setyembre 2010. Hinamon din ni Bagasbas ang rehimeng Aquino na huwag muling magkamaling kunin ang lupa sa Sityo San Roque mula sa mga maralita. Inakusahan ng KADAMAY na mang-aagaw ng lupa ang Ayala dahil desidido itong kunin ang lupain sa North Triangle kahit libu- libong pamilya ang mawawalan ng tahanan at kabuhayan.

Bigo rin anila ang pamahalaan sa proyekto nitong relokasyon sa Montalban, Rizal dahil kalahati sa mga nagsilikas ay bumalik din sa North Triangle dahil sa kawalan ng kabuhayan doon.

Nanindigan ang mga maralita na hindi nila ititigil ang laban hangga’t hindi tinutugunan ang kanilang mga hinaing.

_____________________________

Lumalalang krisis sa utang ng US

Kinakaharap ng US ang isang malaking krisis sa utang. Ang bigat ng problemang ibinunsod ng malakihang gastos sa paglulunsad ng mga gera at pagsalba ng malalaking kapitalista sa pinansya ay pinapapasan ngayon sa mamamayang Amerikano.

Nitong nagdaang mga buwan, umabot na ang kabuuang utang ng US sa nakatakdang hangganan na $14.3 trilyon. Para muling makapangutang ng pondo para patakbuhin ang gubyerno, kinailangan ng Kongreso ng US na magpasa ng bagong batas para itaas ang nauna nitong itinakdang debt ceiling o hangganan sa pangungutang.

Animo’y nagkaroon ng matinding debate sa pagitan ng mga Republican at Democrat, ang dalawang pinakamalalaking partido sa US. Subalit kalaunan, nagkasundo ang dalawang partido na itaas ang debt ceiling. Kaakibat nito, nagkaisa silang magsagawa ng malawakang pagkaltas ng pondo para sa serbisyong panlipunan sa loob ng sampung taon. Kabilang sa mga kakaltasan ang badyet sa Medicare, Social Security at mga benepisyo sa pagreretiro.

Nagkunwari pa si Pres. Barack Obama at mga Democrat na gusto rin nilang taasan ang buwis sa malalaking korporasyon. Pero sa kadulu-duluhan, hindi nila tinutulan ang pagbabawas ng mahigit $1 trilyon sa mga pampublikong serbisyo sa loob ng isang taon. Ito na ang pinakamalaking kaltas sa kasaysayan ng bansa. Pinag-aaralan pa kung papaanong madadagdagan ng $1.5 trilyon ang tatapyasin sa mga gastusing panlipunan.

Krisis sa utang

Tuluy-tuloy na lumaki ang utang ng US nitong nagdaang mga taon. Ang kabuuang utang nitong $14.3 trilyon ay katumbas na halos ng Gross Domestic Product o kabuuang halaga ng ekonomya ng US.

Ang pangunahing dahilan ng paglobo ng utang ng US nitong mga nakaraang taon ay ang pagsalba ng gubyerno sa mga nangaluging malalaking bangko, kumpanya sa pinansya at iba’t ibang malalaking negosyo mula noong 2008. Ayon sa isang pag-aaral ng Federal Reserve (na tumatayong bangko sentral ng US), umabot sa $16 trilyon ang inilaan ng US dito sa anyo ng mga sikretong pautang na nagresulta sa paglobo ng utang mula $9.2 trilyon noong 2007 tungo sa kasalukuyang $14.3 trilyon.

Isa pang dahilan ng paglobo ng utang ang paglaki ng gastos sa gera at pagbuhos ng pondo sa militar. Mula $259 bilyon noong 2000, halos dumoble ito tungong $560 bilyon ngayong 2011. Sa pinakahuling pag-aaral ng Watson Institute for International Studies sa Brown University, tinatayang nasa pagitan ng $3.2 trilyon at $4.0 trilyon ang ginastos ng US sa mga gera nito sa Iraq, Afghanistan at Pakistan.

Isa ring mayor na dahilan ang malalaking kabawasan o palugit sa utang (tax break) na iginawad ng rehimeng Bush noon sa mga nangaluging korporasyon. Ayon sa pagtaya ng isang ahensya, umabot ito sa $2.5 bilyon noong 2008-2010.

Epekto sa mamamayan

Walang iba kundi ang mamamayang Amerikano ang pinagpapasan ng bigat ng problema sa utang. Kunwa’y matagal at mainit ang naging iringan kaugnay ng pagtataas ng debt ceiling. Ngunit sa akwal, kahit isang saglit ay hindi kinwestyon ng mga pulitikong kinatawan ng malalaking monopolyong kapitalista ang mga patakarang naglubog sa kanila sa napakalalim na kumunoy ng pautang.

Hindi nila binawi ang multi-trilyong pondong ipinansalba sa mga imperyalistang korporasyon kahit pa sa aktwal, ibinulsa lamang ito ng mga presidente at upisyal ng mga kumpanyang ito. Hindi nila iniaatras ang kanilang mga pwersa sa mga bansang sinalakay at inokupa nila.

Sa halip, itinuon ng gubyernong Obama ang pansin nito sa pagkaltas ng pondo sa mga serbisyong panlipunan tulad ng pondo sa kalusugan, edukasyon, pabahay, transportasyon at iba pa na dati nang kakarampot ang halaga. Sa ngayon, halimbawa, ang pondo para sa lahat ng nabanggit na serbisyo ay umaabot lamang sa 15% ng badyet ng bansa.

Sa ilalim ng plano ni Obama, aabot sa $1,300 kada taon ang kakaltasing mga benepisyo sa mga pensyonadong Amerikano. Gayundin, nakaambang kaltasan ng hanggang $300-500 bilyon ang Medicare (segurong pangkalusugan). Nakaamba namang bawasan nang $70 bilyon ang badyet sa edukasyon.

Walang saysay na hakbangin

Sa malao’t madali, mabibigo ang kasalukuyang mga hakbangin ng gubyernong Obama na lutasin ang problema sa tuluy-tuloy na lumalaking utang. Ang paglaki ng utang ng US ay salamin lamang ng nagpapatuloy at nagtatagal na pagkalugmok ng buong ekonomya sa isa sa pinakamalalalang resesyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

Ang mga hakbangin ng gubyernong Obama ay lalo lamang naglalantad sa mamamayang Amerikano ng kabulukan ng sistemang kapitalista. Tiyak itong magbubunsod ng malalaking pakikibaka ng masang Amerikano sa mga darating na panahon.
_____________________________

Pag-aalsa ng mamamayan sa UK, sinupil

Umabot sa 1,103 ang inaresto, 654 ang kinasuhan at lima ang napatay nang supilin ang pag-aalsa ng mga manggagawa, kabataan at migrante ngayong Agosto sa United Kingdom (UK).

Naging mitsa ng pag-aaklas ang pagpoprotesta ng mga kabataan laban sa pagpatay ng mga pulis noong Agosto 4 kay Mark Duggan, isang 29 anyos na Briton. Nagprotesta noong Agosto 6 ang mga kamag-anak at kaibigan niya sa Tottenham Police Station at humingi ng katarungan. Binuwag ng mga pulis ang pagkilos. Dito na sumambulat ang galit at disgusto ng kabataang British sa kanilang kalagayan, at dumaluyong ang protesta hindi na lamang para sa katarungan kay Duggan kundi para sa kanilang lahat.

Hinagisan ng mga nagprotesta ng petrol bombs at mga bote ang pwersa ng pulis at ginantihan sila ng pamamaril, pambobomba ng tubig, tirgas at pamalo. Inokupahan din ng mga nagprotesta ang ilang istasyon ng tren at gusali. Kinansela naman ang mga klase, trabaho sa syudad at maging ang nakatakda sanang laro ng football. Kumalat ang pag-aalsa sa mga lugar sa London at sa labas nito tulad ng Birmingham, Bristol, Liverpool at Manchester. Noong Agosto 9, inutusan ni UK Prime Minister David Cameron ang 16,000 pulis na tapusin na ang pag-aalsa na tinawag niyang “riot”. Nagbahay-bahay ang mga pulis para arestuhin ang mga sangkot sa pag-aalsa.

Ang naganap na pag-aalsa ang pinakamalaking pagkilos mula 1980. Tugon iyon ng mamamayan sa kinakaharap nilang matinding kahirapan. Dahil sa matinding krisis na bumabayo sa UK nitong nakalipas na mga taon ay tumaas ang bilang ng walang trabaho. Malalaki ang kinaltas sa badyet para sa mga serbisyong panlipunan. Kasabay nito ay tumaas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Isang milyong kabataan na nasa edad 25 anyos pababa o halos 20.3% ng kabuuang kabataan sa UK ang walang trabaho.

_____________________________

Daanlibo, nagprotesta sa Chile

Umabot sa 100,000 estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Chile ang nagrali noong Agosto 6 para igiit sa gubyerno ang reporma sa edukasyon. Ipinanawagan nila ang paglalaan ng mataas na badyet sa edukasyon at pagpapababa sa matrikula sa mga pribadong paaralan. Umaabot lamang sa 4.4% ng kabuuang kita sa bansa ang inilalaan sa edukasyon sa Chile. Mas mababa ito kumpara sa pamantayan ng United Nations Education, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) na 7.7%.

Nagkagirian ang mga estudyante at pulis sa Santiago, kabisera ng Chile at binomba ng tubig at pinasabugan ng tirgas ang mga estudyante para itaboy. Umabot sa 874 estudyante ang inaresto matapos buwagin ng mga pulis ang mahigit isang linggong kilos-protesta.

Nagsimula ang serye ng mga protesta noong Mayo nang magbarikada ang mga estudyante sa ilang paaralan. Umabot sa daan-daang libo ang nagrali noong Hunyo 30 dahil sa kaugnay ding isyu.