Mabangis at mapanlinlang na mga operasyong militar ang pinakakawalan ng Rehimeng Aquino laban sa mamamayan ng Mindoro

Patnubay de Guia
National Democratic Front-Southern Tagalog
August 1, 2011

Sa kabila ng mga paghahambog at retorika ni Aquino sa kanyang ikalawang State of the Nation Address (SONA), hindi nagawang pagtakpan ang anti-mamamayan at mapaminsalang mga operasyong militar sa kanayunan ng Mindoro. Sa kanyang unang taon, ipinamalas nito ang pangil ng higit na mabangis na pagsalakay at pagsupil sa mamamayang Mindoreño. Kabaligtaran ng kanyang deklarasyon na tatapusin ang kahirapan sa bayan, mas ibayong pahirap ang tugon nya sa mamamayang humihingi na magkaroon ng pagbabago sa kanilang busabos na kalagayan.

Mula Enero hanggang Hunyo, inilunsad ng 80th at 4th IB ng Philippine Army ang masaklaw at pursigidong mga operasyong militar sa katimugang bahagi ng isla na sumasaklaw sa mga bayan ng Rizal, San Jose at Magsasaysay ng Mindoro Occidental at ng Roxas, Mansalay at Bulalacao ng Mindoro Oriental. Sinaklaw din ng mga CMO ang interyor ng Bongabon kung saan inilunsad ang mga papulong ng mga dating RSOT na ngayo’y bininyagan sa bagong katawagang Peace and Development Teams (PDTs).

Nitong Enero, opisyal na inilabas ng 80th Infantry Battalion ng Philippine Army ang propagandang nasa implementasyon na ang Oplan Bayanihan sa Isla ng Mindoro sa pamamagitan ng lokal na istasyon ng radyo. Ayon sa Battalion Commander nitong si Roger Percol, gagamitin nila ang tatlong (3) ARMS laban sa rebolusyonaryong kilusan: ang OPEN ARMS upang masalo ang mga nais na sumukong rebelde; ang LONG ARMS upang maabot ang nais nilang abutin at katulungin sa paglaban sa mga rebelde; at ang STEEL ARMS upang gapiin ang rebolusyonaryong armadong pwersa. Naglulubid ito ng kasinungalingang ang mga operasyong militar diumano ay mayor na nakatuon sa mga di pangkombat tulad ng mga Civil Military Operations (CMO) na itinatago sa tawag na Peace and Development Operations. Subalit taliwas ang mga pahayag na ito sa aktwal na kaganapan at karahasang inihahasik ng mga operasyong militar ng mersenayong AFP.

Magkakaugnay at magkakatuwang na ginagamit ng AFP ang open arms, long arms at steel arms sa aktwal na paglulunsad ng mga operasyong militar. Sa katunayan ang open arms ang siyang bisig ng AFP sa panlilinlang at say-ops at nagsisilbi sa kanilang programang “balik-loob”, amnestiya at social integration. Tinutugis ng militar ang mga dating NPA at pinangangakuan ng "tahimik" at "maginhawang" buhay kapalit ng kakarampot na halaga at mga kundisyon para ipagkanulo ang rebolusyon. Samantala, balon ng kurupsyon at ginagawang gatasan ng AFP ang pondo para sa rebel returnees. Sa kabilang banda, nagmimistulang hostage ang mga rebel returnees na pwersahang ginagamit sa mga operasyong militar. Di iilang kaso na mga rebel returnee ang pinatay mismo ng militar kapag lumipas na ang pakinabang sa kanila saka malisyosong ibibintang sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa pinakahuling serye ng mga operasyong militar sa isla, ginagalugad at nag-iiimbestiga ang militar sa mga komunidad. Itinatago nila ang mga aktibidad na ito sa ngalan ng "civil military operations" (CMO) at peace and development teams (PDTs). Pinipilit nilang magmukhang magalang at marangal ngunit mabilis namang nagiging mabalasik kapag hindi nagugustuhan ang sagot o tono ng kanilang kausap. Tinatanong nila isa-isa ang mga tao kung may kilala bang NPA at pilit pinapatuga ng mga kilala nilang tao na panig sa rebolusyonaryong kilusan. Maging ang mga bata ay hindi pinalalampas. Pinapainan sila ng kendi o tsokolate saka tatanungin kung may dumadaang NPA sa lugar. Intimidasyon, pananakot at pagbabanta naman sa mga sibilyan ang ginagawa nila sa oras na walang makuhang impormasyon.

Sa Sityo Lawaan at Balhok, Bgy. Lisap, Bongabon pinasok ng militar ang mga bahay kahit walang tao. Ginalugad nila ang bahayan kahit disoras ng gabi at madaling araw na nagdulot ng takot sa mga naninirahan ditong katutubo. Ikinalat at itinapon din nila ang mga gamit ng masa sa labas ng bahay. Binubulabog ang pagtulog ng mga taumbaryo sa lakas ng ilaw mula sa gamit nilang flashlight at nahihintakutang nagkukulong na lamang sa loob ng bahay sa pangamba na masaktan o mabaril.

Inimbestigahan naman at pinilipit ang tenga ng masang nakasalubong sa pagitan ng Sityo Naswak at Balangkawan sa Bgy. Lisap, Bongabon na ang tanging “kasalanan” ay may dalang kalahating kabang bigas na binili ng mga katutubo saka pinagsama-sama nila sa isang lalagyan dahil magkakasabay naman sila sa pag-uwi. Dalawang binatilyo naman ang nakasalubong at inimbestigahan kung NPA dahil lamang nakasuot ng camisa chino na sa takot at pagkataranta ay sumagot ng “opo”. Dinakip sila at inalpasan din noong araw na iyon dahil hindi naman sila totoong NPA.

Ginagamit pa rin ng AFP ang gasgas nitong istilo ng pagkukunwaring kasapi ng NPA para makuha ang tiwala ng masa. Noong Pebrero, dumating ang 50 militar sa Sityo Tignuan na may kasamang apat (4) na babae at nagpakilalang mga kasapi ng hukbong bayan. May 15 namang militar ang pumunta sa tiangge sa Sityo Sigaw, Bgy. Lisap, Bongabon nitong Mayo kung saan namili ang dalawa (2) at nagpakilalang NPA habang may tatlong (3) nakabantay. Nanlalansing nagtanong ang mga ito kung may mga sundalo ba sa malapit para diumano’y maambus nila. Naglunsad din ang mga ito ng masinsing intelligence operations sa tabing ng pagkuha ng tukô (gecko) at pamimili ng mga hayop.

Ginagamit naman ng AFP ang long arms para iimbwelto sa kontra-insurhensiyang kampanya (counter-insurgency o COIN) nito ang iba’t ibang ahensya ng gubyerno, non-government organizations (NGOs) at mga organisasyong sibiko at relihiyoso.

Sa bayan ng Bulalacao at Mansalay, namahagi ang militar kasama ang GMA Kapuso Foundation ng school supplies. Binigyan nila ng malaking media coverage ang tulong sa mga katutubo. Naglunsad din ng relief operations ang AFP noong Pebrero kung saan namahagi sila ng kulambo sa Bgy. Panaytayan at Amaga sa bayan ng Mansalay. Pinalusong naman ng AFP sa Sityo Balite, Bgy. Lisap, Bongabon ang mga katutubong nasa hulo para diumano bahaginan ng bigas. Ngunit tanging ang mga sityo lider ang binigyan ng bigas at tsinelas lamang ang natanggap ng mga katutubo.

Nitong Mayo, namahagi ang militar ng pera sa ngalan ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps. Harap-harapang pinaratangan ng militar na “4Ps sa araw, NPA sa gabi” ang mga katutubo na noon lamang nakatanggap ng tulong mula sa reaksyonaryong estado. Buwan din ng Mayo, binalaan ng 203rd Brigade ang Kapulungan para sa Lupang Ninuno (KPLN) sa pagtitipon nito sa Calapan na maglulunsad sila ng operasyong militar sa interyor ng timugang Mindoro at inaming direktang target nila ang mga komunidad na sumusuporta sa Hagibat (Hagibat Mangyan Mindoro)--isang organisasyon ng mga grupo ng katutubo na Hanunuo, Alangan, Gubatnon, Iraya, Buhid at Bangon. Kung nais wasakin ng reaksyunaryong armadong pwersa ang mga pamayanang nagsisikap na magbayanihan para sa kanilang kagalingan, nasaan ang sinseridad at tunay na kahulugan ng sinasabi nitong “oplan bayanihan” na nais nilang paniwalaan ng mamamayan?

Walang katotohanan ang pinapangalandakan ng AFP na kaunlaran. Hindi mawawakasan ang kahirapang dinaranas ng mamamayan sa pamamagitan ng mga paimbabaw at pangmadaliang mga programa. Tanging layunin ng long arms ng AFP na kontrolin at patahimikin ang mamamayan sa kanilang paghahangad ng kagalingan at katarungang panlipunan, maghasik ng pagdududahan sa kanilang hanay, lansihin sila sa pag-amot ng limos mula sa binihisang mga "proyektong pangkaunlaran" upang gamitin laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Ang steel arms o kamay na bakal ang siya namang bisig ng AFP sa paggamit ng dahas at mga pasistang karahasan para maghasik ng terror sa batayang antas. Numero unong nilalabag ng reaksyunaryong armadong pwersa ang karapatang pantao ng mga Mindoreño. Tampok sa mga naging paglabag nito ang pagpapahubad ng shorts habang kinukunan ng video ang isang sibilyang inabutan nitong naliligo sa bukal; pananakit, pagkasa at panunutok ng baril sa mga sibilyan; at pangunguha ng mga pananim at pamimilit na pagbili ng kanilang mga alagang hayop sa binarat na halaga.

Noong Enero 30, sa Sityo Tangkulang, Bgy. Panaytayan, Mansalay, sinaid ng nag-ooperasyong tropa ng AFP ang pananim na tubó sa kaingin ng masa. Hinarang at kinumpiska naman ng militar ang dalang kamote ng mga batang nagtyatyagang mag-ahon at lusong sa malalayong kaingin sa Sityo Balangkawan. Kinuha din nila ang mga tanim na pinya sa tabing-daan nang walang paalam at kaukulang kabayaran sa may-ari.

Sinasabi ng militar sa mga sibilyang kanilang pinupuntahan na mabait na sila ngayon (pahayag ng pag-amin na sila nga’y tunay na marahas) pero hindi maitago ang marahas at mabangis nilang katangian na makikita sa sumusunod:

a.Pagpapatupad ng food blockade. Kinontrol nila ang pagbili ng sibilyang populasyon sa mga tiangge. 1/4 kilong asukal, 1 kape, 1 kaha sigarilyo o 1 piraso ng la reyna, 1 sardinas, 1 lighter at 1/3 kilo ng bigas lang ang maaaring bilhin ng bawat tao;

b.Pagnanakaw ng mga alagang manok at kambing, pagpapalit ng isang manok sa isang lata ng sardinas at pagbili ng tatlong (3) manok sa halagang isandaang piso;

c.Panunutok ng baril habang iniinteroga o kinakausap ang masa;

d.Pananakot/pagbabanta;

e.Sapilitang pagpapaipon sa mga Mangyan sa nilisan nilang baryo na walang pakundangan nagbabale-wala sa katutubong kultura kung saan sadyang nililisan nila ang dating mga tirahan kapag may nangyayaring mga sakuna o kung may namamatay na kapamilya. Nagtatayo sila ng panibagong baryuhan habang pinipili naman ng iba na manirahan na lang sa kani-kanilang kaingin;

f.Pagkontrol sa mga komunidad kung saan natitigil ang pang-ekonomikong aktibidad ng taumbaryo. Ipinagbabawal ng militar na umalis ng bahay at pumuntang kaingin ang mga katutubo sa tuwing naglulunsad sila ng mga operasyong militar;

g.Surgical operations na tumatarget sa mga lider at kasapi ng hayag na kilusang masa; at,

h.Sapilitang pagpapagiya sa mga sibilyan at nabihag na NPA sa mga operasyong militar.

Ang paggamit sa mga sibilyan at mga nabihag na NPA bilang giya sa paglulunsad ng mga operasyong militar ay malinaw na mga paglabag sa karapatang pantao at internasyunal na mga tuntunin na sumasaklaw sa internal na mga labanan at gera sibil.

Nakasaad sa Protocol 2 ng 1949 Geneva Conventions, Part IV, Article 13, #1 na, "Ang sibilyang populasyon at mga indibidwal ay magtatamasa ng pangkalahatang proteksyon laban sa mga panganib na dulot ng mga operasyong militar.1” Dagdag pa, nakasaad sa ikalawang numero ng parehong artikulo na, "Ang sibilyang populasyon, gayundin ang mga indibidwal na sibilyan, ay hindi maaaring gawing target ng pag-atake. Ipinagbabawal ang mga kilos o banta ng karahasan kung saan ang pangunahing layunin ay maghasik ng takot sa sibilyang populasyon2."

Nakasaad naman sa Protocol 2, Part IV, Article 14 na, "Ang paggutom sa mga sibilyan bilang paraan ng pakikidigma ay ipinagbabawal. Kung gayun, ipinagbabawal ang pag-atake, pagpinsala, pagkakait o pagsira upang hindi na pakinabangan, para sa gayung layunin, ang mga kagamitan na mahalaga para mabuhay ang sibilyang populasyon, tulad ng pagkain, mga pataniman para sa produksyon ng pagkain, mga pananim, alagang hayop, instalasyon ng inuming tubig at suplay at sistemang irigasyon3."

Malinaw kung gayon na ang mga operasyong militar ng AFP sa balangkas ng Oplan Bayanihan ay tahasang paglabag sa karapatang pantao ng mamamayan at paglapastangan sa CARHIHL at Protocol 1 at 2 ng 1949 Geneva Conventions kung saan pumirma ang gubyerno ng Pilipinas.

Tuloy-tuloy, masaklaw, malakihan at masinsin ang mga operasyong militar na inilulunsad ng AFP sa balangkas ng Oplan Bayanihan. Ngunit nakatakda na itong mabigo sa harap ng nagkakaisang pagkilos ng mamamayan at kailan ma’y walang pag-asang magtagumpay ito sa isla ng Mindoro o maging saan mang lugar na buhay ang galit ng mamamayan sa pang-aapi at pagsasamantala.

Magagawa ng mersenaryong AFP na abutin ang kasuluksulukan ng mga bundok at masusukal na gubat ngunit hindi nila kayang supilin at patayin ang marubdob na paghahangad ng bayan na pagtagumpayan ang pakikibaka laban sa dantaong dinaranas na pagsasamantala at pang-aapi. At sa bawat operasyong militar, nalalantad at nahuhubaran ang islogang “Winning the Peace” ng AFP na walang ibang kahulugan kundi kapayapaan ng mga libingan at hindi kapayapaang nakabatay sa katarungan at kaunlaran.

Ang takot na pinadama sa mamamayan ng kampanyang ito ay napapalitan ng galit at pagnanais na lumaban. Matalinong sinusuri ng mamamayan kung sino ang tunay na nagsusulong ng kanilang interes at alam nila na tanging ang rebolusyonaryong kilusan lamang ang kumakatawan sa pagnanais nilang lumaya. Ito ang nag-iisang dahilan kung bakit hinding-hindi magagapi ng reaksyonaryong estado ang rebolusyonaryong kilusan. Ito rin ang nag-iisang dahilan kung bakit malalim ang kanilang pananalig na tanging ang rebolusyonaryong hukbong bayan at kilusan ang magliligtas sa kanila mula sa pagkabusabos at kaapihan.