Matatagumpay na mga taktikal na opensiba sa Masbate at iba pang probinsya

Greg Bañares
NDF - Bicol
August 15, 2011

Matagumpay na binigwasan ng malaganap na mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan sa rehiyon ang mga tropa ng 9th Infantry Division Philippine Army (9th IDPA) at Philippine National Police (PNP) na masugid sa paglulunsad ng kontra-rebolusyonaryong kampanyang Oplan Bayanihan (OPB).

Koordinado at sunud-sunod na mga pag-atake ang isinagawa ng mga pulang mandirigma sa mga probinsya ng Masbate, Sorsogon, Albay at Camarines Sur nitong Agosto 13 at 14 na nagresulta sa maraming kaswalti sa panig ng pasistang AFP at PNP. Pinakamalawak at pinakamatindi ang bigwas na tinamo ng mga tropa ng 9th Infantry Battalion Philippine Army (9th IBPA), Special Action Force (SAF-PNP), 506 PNP Provincial Mobile Group (PMG), at iba pang tropa ng PNP sa probinsya ng Masbate.

Pinagsanib na mga yunit ng BHB mula sa loob at labas ng probinsya ng Masbate ang nagsagawa ng sunud-sunod na pag-atake sa Mobo Municipal Police Station bandang alas-2:30 ng umaga nitong Agosto 14 at pag-ambus sa mga tropa ng 9th IBPA at SAF-PNP na nagtangkang sumaklolo sa himpilan ng pulisya ng Mobo.

Inambus ng mga pulang mandirigma ang tropa ng 9th IBPA na galing sa himpilan ng batalyon sa Sityo Baclay, Bgy. Bacolod, Milagros. Pinasabugan ng command detonated landmine ang sinasakyan nitong trak pagsapit sa Bgy. Mayngaran, Masbate City na nagresulta sa pagkamatay ng apat na sundalo (dalawa ang agad na namatay habang ang dalawa pa ay namatay sa Masbate College Hospital) at pagkakasugat ng marami pang iba.

Nagtangka ring sumaklolo ang mga tropa ng 506 PNP-PMG na galing sa Masbate City na katabi lang ng bayan ng Mobo ngunit inambus din ito ng mga pulang mandirigma pagsapit sa Bgy. Tugbo, Mobo. Napilitan itong bumalik sa Masbate City bitbit ang kanilang mga sugatan.

Hindi rin nakasaklolo ang mga tropa ng Special Action Force ng PNP na nakabase sa Bgy. Lalaguna, Mobo at ang mga tropa ng Bravo Company ng 9th IBPA sa Bgy. Armenia, Uson nang harangin at paputukan din sila ng mga pulang mandirigma.

Naglunsad rin ng mga pag-atake ang mga pulang mandirigma sa iba pang mga probinsya ng Bikol. Hinaras nila ang detatsment ng 22nd IBPA at CAFGU sa Bgy. Alanao, Lupi, Camarines Sur nitong Agosto 14 ng madaling araw, at ang detatsment ng 22nd IBPA at CAFGU sa Bgy. Mayon, Castilla, Sorsogon. Pinarusahan naman sa Albay ang masugid na asset ng militar na si Benedicto Lea noong Agosto 13 sa Bgy. Caguiba, Camalig.

Mainit na tinanggap ng malawak na mamamayan sa mga kanayunan at kalunsuran ng Bikol ang matutunog na taktikal na opensiba ng kanilang pinakamamahal na hukbo na determinadong isulong ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa mataas na yugto ng estratehikong pagkapatas upang wakasan ang daan-taong pagsasamantala at pang-aapi sa mamamayan at kamtin ang tunay na pambansang kalayaan, demokrasya at kaunlaran ng bayan sa hinaharap.


Gregorio "Ka Greg" Bañares
Tagapagsalita ng NDF-Bicol


email: greg_banares@yahoo.com
ndfbicol@gmail.com

website:www.ndfbicol.wordpress.com
www.ndfbicol.multiply.com

twitter account: www.twitter.com/ndfbicol
facebook account: greg banares