Operasyong isnayp ng BHB, tatlong myembro ng 7th Scout Ranger Company malubhang nasugatan

Florante Orobia
Santos Binamera Command, BHB-Albay
Agosto 31, 2011

Matagumpay ang isinagawang operasyong isnayp ng isang team ng BHB laban sa tropa ng 7th SRC, lulan ng military truck bandang alas 6:00 ng umaga, Agosto 31, 2011. Naganap ito sa purok 3 ng barangay Morera, Guinobatan Albay habang binabaybay ng tropa ng 7th SRC ang kahabaan ng National Road mula sa probinsya ng Sorsogon pauwi sa HQ nila sa Pili, CamSur. Tatlo ang kumpermadong sugatan sa tropa ng Scout Ranger, ito’y sina MSgt. Rolly Intan may tama sa leeg, Pfc. Jade Desamparado may tama sa hita at Pfc. Sherwin Arnejo may tama sa dibdib.

Kaagad nagpahayag ng kasinungalingan si Major. Narsan Oboyes – tagapagsalita ng 2nd IBPA, na aabot sa tatlumpong myembro ng NPA ang nagsagawa ng ambus, gayong isang team ng Isnayper lamang ang naglunsad ng operasyong isnayp. Tatlong bala lamang ang pinaputok ng mga sniper ng BHB at ang volume of fire ay nagmula nasa mga natarantang tropa ng 7th SRC. Ligtas na nakamaniubra ang team ng BHB matapos ang isinagawang pag-isnayp.

Pantakip kahihiyan lamang sa pinsalang dulot ng Operasyong Isnayp, ang iginigiit nina Major Narsan Oboyes at Col. Romeo Aysun na naglulunsad ang nasabing tropa ng 7th SRC ng “libreng sakay” dahil sa nangyayaring Regional Transport Strike. Ang katotohanan ay pagtransporta ito ng kanilang tropa pabalik sa Headquarters mula sa isang “Search & Destroy Operation” na kanilang isinagawa ilang araw palang ang nakalipas sa mga yunit ng BHB sa probinsya ng Sorsogon. Lehetimo itong target ng operasyong militar ng BHB, dahil kabilang ito sa nangungunang yunit ng AFP na ginagamit sa panghahalimaw ng OPLAN BAYANIHAN ng rehimeng USAquino at punong-puno ng mga elemento ng 7th SRC ang military truck at wala ni isa mang sakay na sibilyan na pwedeng mapinsala. Mahigpit ang oryentasyon ng BHB, na nagbabawal sa pagbira ng anumang sasakyan kung may lulan itong sibilyan, kaya nakakasiguro ang SBC – BHB ALBAY na ang lahat ng operasyong militar na inilulunsad ng mga yunit gerilya ay walang madadamay na sibilyan. Magkaganon paman ay patuloy parin ang panawagan ng BHB sa mga sibilyan na hangga’t maaari ay iwasan ang pagsakay sa mga behikulong pang-militar. Hindi katulad ng AFP na mismong sa bibig ng mga upisyal militar nila lumalabas ang pahayag, na kapag may isang NPA sa loob ng bahay ng sibilyan ay raratratin nila ito ng walang pagsasaalang-alang sa mga sibilyang madadamay.

Magpapatuloy ang SBC - BHB ALBAY sa paglulunsad ng mga Taktikal na Opensiba upang biguin ang panghahalimaw ng OPLAN BAYANIHAN (OPB) ng rehimeng US-Aquino, at isulong sa mas mataas na yugto ng pakikibaka ang Demokratikong Rebolusyong Bayan. Pangunahing target ng mga operasyon ng BHB ang mga elemento at tropa ng gubyerno na walang habas sa paglabag sa karapatang pantao, nagpapagamit sa pansariling interes ng mga pulitiko, imbwelto sa mga karumaldumal na krimen at nagtatanggol sa interes ng mga dayuhan at lokal na kapitalistang imbwelto sa mapanirang pagmimina.

Digmang Bayan ang gagapi sa halimaw na Oplan Bayanihan!
Mabuhay ang Mamamayang Albayanos! Isulong ang Digmang Bayan Hanggang sa Tagumpay!