Roger Bantog Jr: Pinakabagong biktima ng extra judicial killings sa Albay sa ilalim ng Oplan Bayanihan ng Rehimeng US-Aquino

Florante Orobia
Santos Binamera Command, BHB-Albay
Agosto 31, 2011

Pinatutunayang hungkag ang deklarasyon ng rehimeng US-Aquino na igagalang nito ang Karapatang Pantao, sa panibagong kaso ng Extra Judicial Killings (EJK) sa isang magsasaka sa barangay Caguiba, Camalig Albay. Si Roger Bantog Jr, 33 taong gulang, barangay tanod at kasapi ng Anakpawis Partylist ang pinakabagong biktima ng EJK sa lalawigan ng Albay sa ilalim ng rehimeng Aquino. Sa unang taon ng rehimen, halos bawat linggo ay may aktibista at myembro ng media na pinapaslang ng mga nakamotor na armadong ahente ng estado o “DEATH SQUAD” ng AFP.

Agosto 28, 2001 sinadya si Roger Bantog Jr sa kanyang bahay ng dalawang armadong lalake na nakasakay sa motorsiklo at nagpakilala na sila ay ahente ng Commission on Human Rights o CHR. Habang nakikipag-usap ay malapitang binaril ng mga ito si Roger Bantog Jr ng kalibre .45, bagamat naisugod sa ospital ay agad na namatay ang biktima dahil sa tama ng bala. Pinulot pa ng mga salarin ang basyo ng bala bago umalis sa lugar at kinarnap pa nito ang motorsiklo ni Roger, patunay lamang ng kanilang pagiging bihasa sa pamamaslang. Pagpapatunay ito, nasa ilalim ng OPLAN BAYANIHAN ni Aquino ay walang awat ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa madugong kampanya nito ng pagpaslang sa mga walang kalaban-labang sibilyan. Tunay na wala itong pinag-iba sa nagdaang Oplan Bantay Laya ng Rehimeng Arroyo, na nagtala ng mahigit 1000 biktima ng EJK sa loob ng 9 na taon. Wala ring makabuluhang hakbangin ang rehimeng USAquino upang papanagutin ang mga salarin at bigyang hustisya ang mga biktima ng EJK. Walang duda na ang AFP ang may kagagawan ng brutal na pagpaslang kay Roger Bantog Jr. Tanging ang AFP ang may motibo upang paslangin ang biktima dahil sa pagiging myembro nito ng progresibong Partylist na Anakpawis.

Nananawagan ang SBC-BHB Albay sa sinumang maaaring makapagbibigay ng pagkakakilanlan ng mga salarin sa brutal na pagpaslang kay Roger Bantog Jr at iba pang biktima ng Extra Hudisyal na Pagpaslang ng “DEATH SQUAD” ng AFP, na makipagtulungan sa alinmang yunit ng BHB upang mabigyang hustisya ang pamilya ng mga biktima.

Labanan at biguin ang pamamaslang ng mga ahente ng estado sa ilalim ng OPLAN BAYANIHAN ng rehimeng Aquino!