Safehouse ng Provincial Special Operation Group ng PNP sa Calatagan Batangas nireyd ng NPA!

Apolinario Matienza
Eduardo Dagli Command - NPA-Batangas
Agosto 14, 2011

Nireyd ng Bagong Hukbomg Bayan Batangas na nasa ilalim ng Eduardo Dagli Command ang safehouse ng Provincial Special Operation Group ng PNP sa barangay Talisay Calatagan Batangas noongAgosto 11, 2011 ganap na ika 7:15 ng gabi. Naabutan ng bagong hukbong nayan sa nasabing safehouse si PNP Sgt. Rico Puno at 2 pang tumatayong tagabantay ng PSOG. Nagkaroon ng ilang minutong palitan ng putok sa pagitan ng BHB at ni Sgt Rico Puno na ikinasugat ni Puno bago siya tumakas. Nakumpiska ng BHB sa safehouse ang isang carbine cal. 30 at isang cal. 45 pistola, Si PNP Sgt Rico Puno ay tumatayong intelligince officer ng PSOG sa lalawigan ng Batangas.

Isinagawa ng BHB ang pag-reyd sa safehouse na pag-aari ni PNP Sgt Rico Puno na nagkukubli sa isang farm [manukan] dahil na rin sa sumbong ng mamamayan na natatanggap ng BHB. Ang Farm na ito ay tipunan ng mga bayarang armadong tauhan ng PSOG at dito iniimbak ang mga baril na ginagamit ng grupong sindikato na pinatatakbo ni Rico Puno at ng PSOG. Si PNP Sgt Rico Puno ay maraming kasong kriminal sa mamamayan at rebolusyonaryong kilusan sa Kanlurang Batangas tulad ng mga sumusunod;

1. ang pagiging handler ng mga dating NPA na binulok at ginawa niyang upahang mamamatay tao.

2. Si PNP Sgt Rico Puno ang responsable sa 2 holdapan na naganap sa taong ito sa bayan ng Lemery at Balayan. Sa bayan ng Lemery ay naganap noong ika-23 ng Abril 2011 sa isang pawnshop na malapit sa city mart na nakapangulimbat ng mga alahas na nagkakahalaga ng P 800,000 at noong ika- 21 ng mayo sa barangay Project ng Balayan na isang Negosyanteng Babae na taga Nasugbu ang biktima na nakunan ng isang milyong piso.

3. Aktibo si PNP Sgt Rico Puno sa paglaban sa rebolusyonaryong kilusan, nagtatayo siya ng mga barangay intelligence net work o BIN laban sa mga rebolusyonaryong pwersa sa Kanlurang Batangas, aktibo siyang nakikipagtulungan sa Philippine Air Force sa pagpapatupad ng kontra-rebolusyonaryong OPLAN BAYANIHAN.


Ang pangyayaring ito ay isa na namang malaking sampal sa PNP laluna sa PNP Batangas dahil sa pagkakalantad ng kanilang paninindikatong aktibidad na isang tiyak ay alam ito ni PD Rosauro Acio. Tulad ng nakaraang pagsisinungaling ni PD Rosauro Acio kaugnay sa pagkamatay ng isa niyang bagitong koronel na si Col. Rodney Ramirez, asahan nating pilit na namang itatago ni Col. Acio sa mamamayan ang katotohanan ng pangyayari, maglulubid na naman si PD Rosauro Acio ng kasinungalingan upang pagtakpan ang kanilang pagkatalo na natamo sa kamay ng Bagong Hukbong Bayan sa ilalim ng Eduardo Dagli Command sa Batangas. Hindi maamin sa publiko ni PD Rosauro Acio na NPA ang may kagagawan sa pagkamatay ni Superintendent Rodney Ramirez dahil sa kakaibang taktika at husay na ipinamalas ng BHB Batangas. Sa halip gumawa ang PNP Batangas ng mga moro-morong hulihan at patayan upang ipakita sa mamamayang Batangueno na resolbado na ang kaso pero sa katunayan ay mga walang malay sa pangyayari ang kanilang hinuli at pinatay tulad ni Jose Atienza at Marcelina Marquez na 2 nakilala at may isa pa di nakilala noong July 22 , 2011 na lumabas sa dyaryo. Lumabas sa pagsisiyasat ng BHB na ang 2 pinaslang ng PNP Batangas ay tauhan din ng PSOG na matapos pakinabangan nila sa pagtutulak ng ilegal na droga, isinalbeyds ito ng PNP at itinapon sa barangay Dahilig Lemery at hindi totoong nagkaroon ng Shoot out tulad ng sinabi ng PNP.

Mananatili ang BHB sa panig ng katotohanan at magsisilbi sa interes ng taong bayan. Magiting nitong lalabanan ang sinumang umaabuso sa karapatan at kapakanan ng taong bayan. Patuloy nitong isusulong ang armadong pakikibaka upang wakasan ang sistemang mala-kolonyal at mala-pyudal ng lipunang Pilipino upang matamo ng sambayanan ang tunay na kalunalaran at katahimikan.

Mabuhay tayong lahat!