Manindigan laban sa pagdagsa ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina

Ang Bayan
September 21, 2011

Alinsunod sa atas ng amo nitong imperyalista, pinag-iibayo ngayon ng rehimeng Aquino ang pagbubukas ng ekonomya ng bansa sa dayuhang malalaking monopolyo kapitalista, laluna sa mga dambuhalang kumpanya sa pagmimina. Ginagawa nito ang lahat ng paraan upang padulasin ang proseso ng pamumuhunan ng mga dayuhan habang pinaghahandaan ang pagbabago sa reaksyunaryong konstitusyon para tuluyang baklasin ang mga ligal na balakid sa dayuhang pamumuhunan.

[Download PDF]

Ipinagmamalaki ng rehimen ang target nitong pagdoble ngayong taon ng pamumuhunan ng mga dayong kumpanya sa pagmimina tungong $2.8 bilyon. Upang mapatanggap sa bayan ang pagdagsa ng mga dayong kumpanya sa pagmimina, kaliwa't kanang kasinungalingan ang inilalako ng rehimeng Aquino tungkol sa mga biyayang hatid umano ng pagmimina.

Sinasabi ng mga upisyal ng gubyerno ni Aquino na malaki raw ang maitutulong ng malawakang dayuhang pagmimina sa pagpapalago ng ekonomya. Makatutulong din daw ito upang maibsan ang malalang disempleyo.

Subalit ayon sa mga pag-aaral, may abereyds na 1.6% lamang ang ambag ng pagmimina sa pangkabuuang lokal na produksyon o Gross Domestic Product. Ang buwis na ibinabayad nila ay katumbas lamang ng 5% porsyento ng taunang kabuuang halaga ng mga mineral na dinambong nila sa bansa. Ni hindi umaabot sa 1% ang naiaambag ng pagmimina sa kabuuang empleyo, at ang anumang mga trabahong nililikha nito ay delikado at pansamantala lamang.

Kumpara sa kakarampot na mga "ambag" na ito, hindi masukat ang pinsalang idinudulot ng malalaking dayuhang minahan sa bansa. Nitong huling tatlo't kalahating dekada, hinuthot ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina ang P1.5 trilyong halaga ng mga yamang mineral ng Pilipinas, kabilang ang ginto, nickel, tanso, chromite at magnetite.

Bukod rito, pinahihintulutan ng umiiral na Mining Act of 1995 ang pagluluwas ng lahat ng tubong kinikita ng malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina pabalik sa kani-kanilang mga bansa.

Walang anumang iniaambag ang dayuhang operasyong pagmimina sa pangmatagalang pag-unlad ng lokal na ekonomya. Hanggang paghuhukay lamang ng mga mineral ang ginagawa ng mga ito. Habang bilyun-bilyon ang kanilang kinikita, permanenteng nawawala sa bansa ang mga rekursong mineral na iniluluwas at naiaambag sa industriyalisasyon ng mga banyagang ekonomya. Ipinagkakait nila sa Pilipinas ang maraming mineral na kinakailangan para makapagpundar ng lokal na mga saligang industriya na kailangan para sa pambansang industriyalisasyon.

Bukod rito, palagiang katambal ng pagpasok ng mga operasyong pagmimina ang militarisasyon at pagsupil sa mga demokratikong karapatan. Sapilitang sinasakop ang lupa ng mga magsasaka at pambansang minorya, at winawasak ang kanilang mga komunidad at kabuhayan. Kapag naninindigan sila laban sa pandarambong at pagsasamantala, dahas ang isinasagot sa kanila.

Malaking dagok sa naghihirap na mamamayan ang walang kahihiyang pagkukumahog ng rehimeng Aquino na akitin at payagan ang mga dayuhang kumpanya sa pagmimina na dambungin ang mga rekurso ng bansa. Malinaw na malinaw na wala itong balak na pakinggan ang sigaw ng mamamayan na itigil na ang dayuhang operasyong pagmimina.

Dapat paigtingin ng mamamayan ang kanilang paglaban sa pagpasok at pandarambong ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina. Dapat nilang higpitan ang kanilang pagkakaisa at isulong ang mga militanteng pakikibakang masa. Dapat nilang puspusang tutulan ang mga hakbangin ng rehimeng Aquino na baklasin ang lahat ng hadlang sa pagpasok ng mga dayuhang kumpanya sa pagmimina. Dapat nilang labanan ang pagdambong ng mga ito sa pambansang patrimonya ng Pilipinas at paghuthot ng supertubo mula sa yaman ng bansa.

Muling tumitingkad ang kawastuan ng patakaran ng demokratikong gubyernong bayan na ipagbawal ang lahat ng mga empresa, laluna ang malalaking dayuhang kumpanya sa pagmimina at pagtotroso na malawakang nandadambong sa likas na yaman, nang-aagaw ng lupa at nangwawasak sa kapaligiran. Patuloy na ipatutupad ng Bagong Hukbong Bayan ang patakarang ito at magsasagawa ng kinakailangang mga hakbangin para suportahan ang mamamayan sa pagpapalayas sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina mula sa kanilang lupain.

___________________________________

Ang imbing plano ng US sa pagmimina sa Pilipinas

Ang mga hakbangin ng papet na gubyerno sa Pilipinas para akitin ang dayong pamumuhunan sa pagmimina ay isinasagawa sa balangkas ng plano ng imperyalismong US. Ito ang makikita sa mga sikretong ulat ng US Embassy sa Maynila na nalantad sa website na wikileaks.org

Makikita sa mga ulat na ito na takam na takam ang US sa reserbang mineral ng Pilipinas. Lalong ginanahan ang US na buksan ang pagmimina sa Pilipinas matapos pagtibayin ng Korte Suprema noong 2004 ang Mining Act of 1995 na nagbibigaypahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari ng 100% ng kumpanyang magsasagawa ng malawakang eksplorasyon at produksyon ng mga mineral, langis at gas.

Ayon sa mga ulat na ito, nakipagpulong noong Agosto 2-6, 2005 ang United States Geographical Survey (USGS) sa mga upisyal ng gubyerno ng Pilipinas. Itinutulak ng USGS ang plano na magsagawa ng imbentaryo sa reserbang mineral ng Pilipinas gamit ang modernong teknolohiya. Iniendorso ito ni Mike Defensor, noo'y kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nangako sa gubyernong US na maghahanap ng pondo para ipantapat sa pondong ilalaan dito ng USGS. Hanggang $4 milyon ang halaga ng proyektong ito.

Nais ng US na makapagsagawa ng masusing sarbey ng yamang mineral ng Pilipinas upang matukoy kung saan isasagawa ang pagmimina na sasak- law sa buong lupain. Tinataya ng USGS na mayroong mahigit US$840 bilyong yamang mineral ang Pilipinas na hindi pa namimina. Tinatayang sangkatlo ng lupain ng Pilipinas ang may depositong mineral tulad ng tanso, ginto, nickel at chromium. Sa pamamagitan ng pagtukoy sa lugar ng konsentrasyon ng mga yamang mineral, mabubuo ng gubyerno ng Pilipinas ang Mineral Action Plan, kabilang ang plano para akitin ang dayong pamumuhunan.

Makikita rin sa mga ulat ng embahada ng US na kailangang maghanda ng mga plano kung papaano haharapin ang mga posibleng balakid sa pagpapatupad nito. Tinukoy nito ang pagtutol ng mga nagtataguyod sa kalikasan at ang Simbahang Katoliko. Tinukoy din nito ang negatibong imahen ng sektor ng pagmimina dahil sa mga naganap na sakuna tulad sa Marinduque Island noong 1996. At usapin din ang mga lupaing ninunong sumasaklaw sa mga lugar na miminahin. Ang ilan dito ay may ugnay sa rebolusyonaryong kilusan at sa pakikibaka ng Bangsamoro.

Tinukoy ng US na susi ang paglutas sa "usaping panseguridad" para mahawan ang landas tungo umano sa paglago at pagunlad ng pamumuhunan sa pagmimina.

___________________________________

Kumperensya sa pagmimina, binatikos

Binatikos ng mga pambansang minorya na kasapi ng KAMP at aktibistang pangkalikasan ang Philippine Mining Congress, isang kumperensya ng mga lokal at dayuhang kumpanya sa pagmimina na idinaos noong Setyembre 11-13.

Nagpiket sila sa harapan ng Sofitel Plaza Hotel sa Pasay City para tutulan ang patuloy na mapangwasak na pagmimina sa mga lugar ng mga pambansang minorya.

Umaabot na sa isang milyong ektarya ng Pilipinas ang ibinenta ng gubyerno para lamang sa kapakinabangan ng mga korporasyon sa pagmimina, at 60% dito ay mga lupang ninuno. Layunin ng Philippine Mining Congress na hikayatin ang mga dayuhan na mamuhunan sa pagmimina sa Pilipinas alinsunod sa plano ng rehimeng Aquino. Hiling ng mga nagprotesta na ibasura na ang Mining Act of 1995 dahil isa itong mapangwasak at mapandambong na batas.

___________________________________

100,000 pumirma laban sa Xstrata

Umabot sa 100,000 ang lumagda sa petisyon ng mamamayan laban sa balak na malawakang operasyong pagmimina ng dayuhang kumpanyang Xstrata at subsidyaryo nitong Sagittarius Mines Inc. (SMI) sa South Cotabato, Kidapawan, North Cotabato at Digos, Davao del Sur.

Sasaklawin ng planong pagpasok ng SMI ang 20,000 ektarya kung saan nakikitang wawasakin ang apat na ilog ng naturang mga bayan. Bukod sa laki ng suplay ng tubig na gagamitin ng pagmimina, pinangangambahan din ng mga magsasaka at mangingisda sa ireresultang kontaminasyon ng mga tubig.

Maaapektuhan din ng planong operasyon ng SMI ang sistema ng irigasyon sa lugar, at kalaunan, ang produksyong agrikultural.

Samantala, isang panukalang batas ang isinusulong ngayon sa Kongreso na naggigiit na wakasan ang balangkas ng mga operasyong pagmimina sa bansa na nagsisilbi lamang sa interes ng mga dayuhang kumpanya. Iginigiit nito na ang pagmimina ay dapat magsilbi sa pambansang industriyalisasyon, modernisasyon ng agrikultura, pagsustine sa kapaligiran at pagrespeto sa karapatang-tao.

Ani Rep. Bayan Muna Rep. Teodoro Casiño, na siyang naghapag ng panukala, dapat nang tapusin ang dominasyon ng mga dayuhan sa industriya ng pagmimina at ang oryentasyong pang-eksport nito. Sa gayon ay magagamit sa lokal na ekonomya ang bilyun-bilyong pisong kita sa pagmimina para isulong ang pag-unlad ng lokal na ekonomya at mga serbisyong panlipunan.

Binatikos din ni Casiño ang paglilihim ng mga dayuhang kumpanya ng tunay nilang kinikita. Aniya, noong 2007 ay iniulat ng Mines and Geosciences Bureau na ang kabuuang produksyon sa pagmimina ng mga metal ay P81.4 bilyon samantalang noong taon ding iyon ay umabot sa P112.015 bilyon ang eksport ng mga metal mula sa bansa. Ibig sabihin ay may P30 bilyong produksyon na hindi iniulat ng mga kumpanya sa pagmimina. Itinutulak ni Casino na itigil muna ng gubyerno ang pag-aapruba ng mga bagong aplikasyon sa pagmimina hangga't hindi pa nababago ang batas sa pagmimina sa bansa.

___________________________________

Matagumpay ang pambansang tigil-pasada--PISTON

Nagtagumpay ang pambansang tigil-pasada ng mga tsuper sa buong bansa noong Setyembre 19 para tutulan ang walang awat na pagtaas ng presyo ng langis. Pinamunuan ito ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).

Ayon kay George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng PISTON, marami ang nakiisa sa kanilang pagkilos at malaking porsyento ng mga byahe sa buong bansa ang naparalisa. Patunay lamang ito na mayroong pagkakaisa ang mga drayber sa mga panawagang ibasura na ang Oil Deregulation Law, tanggalin ang 12% Value Added Tax sa langis at malakihang irolbak ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Hindi rin, anila, natinag ang mga tsuper at mamamayan sa paglulunsad ng tigil-pasada sa kabila ng banta ng Malacañang na suspindihin ang kanilang mga prangkisa kapag nakiisa sila sa welga, gayundin sa 5,000 pwersang ipinadala ng Metropolitan Manila Development Authority, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines para takutin sila. Bigo rin, anila, ang dayalogo sa pagitan ni Benigno Aquino III at mga kinatawan ng mga grupo sa transportasyon noong Setyembre 15 dahil walang inilatag na kongkretong solusyon si Aquino para sawatain ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at parusahan ang mga dambuhalang kumpanya ng langis sa pagpapahirap nila sa bayan.

Sa Metro Manila, tinatayang 70% ng mga byahe ng dyip at FX sa mga estratehikong syudad sa rehiyon ang naparalisa. Nagtayo ang mga welgista ng mga sentro ng protesta sa Cubao, Philcoa, Commonwealth Avenue at Kamias at Kalayaan Road sa Quezon City; España Avenue at Sta. Mesa sa Maynila; Monumento sa Caloocan; Alabang Viaduct sa Muntinlupa; Sucat sa Parañaque; San Joaquin at Pasig Market sa Pasig City; at Angono sa Rizal. Maaga pa lamang ay nagsimula nang magtipon ang mga tsuper at nanghikayat sa mga kapwa drayber na huwag pumasada sa araw na iyon. Nakiisa sa kanilang tigil-pasada ang mga manggagawa, estudyante, maralitang lunsod, kababaihan at iba pang sektor.

Sa ibang mga rehiyon, umabot sa abereyds na 60-100% paralisado ang mga byahe sa iba't ibang syudad at bayan. Sa Masbate, umabot sa 100% paralisado ang mga byahe; sa Cagayan de Oro, 98%; sa Butuan City, 95%; at sa Davao City, 92%. Nobenta porsyento (90%) namang paralisado ang mga byahe sa Calamba, Sta. Rosa at San Pedro (Laguna); Imus, Rosario, Bacoor, Gen. Mariano Alvarez at Dasmariñas City (Cavite); at sa Digos City, Valencia City at General Santos City. Sa Tiaong, Quezon at Iligan City, 80% paralisado ang pamamasada; at sa Malaybalay, Bukidnon at Marbel City ay 60%. Bukod sa mga drayber ng dyip, nakiisa rin sa welga ang mga drayber ng bus, traysikel, minicab at habal-habal (motorsiklong pampasahero). Sinuspinde rin ang pasok sa eskwelahan at upisina sa ilang lugar dahil sa tigil-pasada.

Iba't ibang kilos-protesta rin ang inilunsad tulad ng sa Cebu kung saan hinarangan ng mga drayber ang oil depot ng Petron sa Mandaue City. Naglunsad ng noise barrage naman ang mga aktibista sa Baguio City at rali ang isinagawa sa Kalibo, Aklan at sa mga syudad ng Santiago, Iloilo, Bacolod at Koronadal.

Nakahanda muli ang PISTON na maglunsad ng tigil-pasada kapag walang gagawing aksyon ang rehimen at magpapatuloy sa pagkaganid ang mga kumpanya ng langis.

___________________________________

Mga abusadong sundalo, pinalalayas sa Compostela Valley

Pinalalayas ng mga residente ng bayan ng Pantukan, Compostela Valley ang mga abusadong tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang lugar dahil nagiging peligro na ang presensya ng mga ito sa kanilang buhay at kabuhayan. Lalong naging pursigido ang mga residente na palayasin ang mga sundalo ng 71st IB matapos mapatay ng isang lasing na sundalo ang pitong taong gulang na batang si Sunshine Jabinez noong hatinggabi ng Setyembre 3. Si Sunshine ay estudyante ng Biasong Elementary School.

Napatay si Sunshine ni PFC Baltazar M. Ramos matapos walang habas na magwala ito sa isang videoke bar sa Barangay Biasong, Pantukan. Si Ramos ay kabilang sa Peace and Development Team (PDT) ng 10th ID. Pinagbabaril ni Ramos ang mga bahay sa paligid, kabilang ang bahay ng pamilyang Jabinez kung saan natutulog ang batang si Sunshine.

Bago ito, naghamon ng away si Ramos sa mga tao sa videoke bar, ayon sa ulat ng KARAPATAN-Southern Mindanao Region. Pumasok siya sa kusina at sinita ang isang sibilyan. Pagkatapos nito ay pumulot siya ng bote at ipinukol sa naturang sibilyan.

Si Sunshine ay kaagad na dinala sa Pantukan District Hospital ngunit patay na ito nang dumating, ayon kay Edessa Sandra A. Campos, upisyal ng Children's Rehabilitation Center-Southern Mindanao Region.

Kinundena ni Campos ang pagdeploy ng mga militar sa komunidad ng sibilyan. Aniya, hindi para sa katahimikan at kaunlaran ng komunidad ang mga sundalo lalupa't inilalagay nila sa malaking peligro ang mga residente, partikular ang mga bata. Kinundena rin ni Campos ang paggamit ng AFP ng mga bata bilang mga giya sa pagtugis sa Bagong Hukbong Bayan.

Ipinanawagan ng KARAPATAN-SMR na imbestigahan ang mga upisyal na responsable sa malawakang pagdeploy ng mga militar sa mga lugar ng mga sibilyan. Iginigiit din nila na dapat tupdin ang mga kasunduang nangangalaga ng karapatang-tao tulad ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law, United Nations Convention on the Rights of the Child at Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

___________________________________

Protesta ng mga detenidong pulitikal sa bansa, inilunsad

Naglunsad ng ayuno ang mga detenidong pulitikal sa buong bansa noong Setyembre 13-21 para igiit ang walang kundisyong pagpapalaya sa kanila. Nakiisa ang mga demokratiko at progresibong organisasyon sa kilos-protesta na itinaon sa ika-39 anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar.

Idinadaos ang pag-aayuno mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon. Sa unang araw, nagpiket ang mga kasapi ng Samahan ng mga Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto (SELDA), KARAPATAN, GABRIELA at Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa harapan ng Camp Crame sa Quezon City. Tinukoy ni Angelina Ipong, pangkalahatang kalihim ng SELDA, na umaabot na sa 77 bilanggong pulitikal ang iligal na inaresto at ikinulong sa ilalim ng rehimeng Aquino.

Nag-aayuno rin ang walong detenidong pulitikal sa Iloilo Rehabilitation Center bilang bahagi ng koordinadong pambansang protesta para mapalaya ang lahat ng detenidong pulitikal sa bansa.

Ito ang ikalawang pag-ayuno ang mga detenidong pulitikal. Noong Hulyo, apat na araw ding nag-ayuno ang mga detenido bago ang ikalawang State of the Nation Address (SONA) ni Aquino. Mula noon ay lilima pa lamang ang lumalaya sa noo'y 353 bilanggong pulitikal sa kabila ng pangako ng rehimeng Aquino na palalayain sila bago ang pormal na usapang pangkapayapaan na nakatakda sana noong Hulyo.

Ani Marie Hilao-Enriquez, tagapangulo ng KARAPATAN, matagal na ring dapat palayain ang mga detenidong pulitikal laluna ang mga may karamdaman, matatanda na, kababaihan at mga detenidong saklaw ng Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees.

___________________________________

Kabataang Agta, dinukot ng militar

Isang kabataang Agta ang dinukot ng militar mula sa kanyang bahay sa bayan ng Burdeos sa Polillo, hilagang Quezon. Ayon sa salaysay ng tribong Agta, noong Agosto 23 ay kinuha ng mga armadong lalaking nagpakilalang mga kasapi umano ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) si Rogemer "Demer" Morada, 25 taong gulang. Si Morada ay dating mandirigma ng BHB.

Walang mga "name tag" o "name cloth" ang mga armado pero naniniwala ang mga Agta na ang mga ito ay mga sundalo ng gubyerno.

Iniulat sa midya ni Fr. Pete Montallana ng Prelature of Infanta ang pagkawala ni Morada. Pagkalipas ng ilang linggo, napilitang aminin noong Setyembre 9 ni Col. Aurelio Baladad, hepe ng 202 Infantry Brigade, na nasa kamay nga nila ang kabataang Agta, pero ito raw ay kusang sumama sa kanila. Hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw ng militar si Morada.

Si Baladad ang upisyal na sangkot sa iligal na pag-aresto at pagdetine ng mga manggagawang pangkalusugan na tinaguriang Morong 43.

___________________________________

Mga pandarahas ng SAF-PNP sa Antipolo City

Anim na barangay tanod sa Antipolo City ang naging biktima ng pang-aabuso ng mga elemento ng Special Action Force ng Philippine National (SAF-PNP).

Noong Setyembre 14, ipiniit ng mga kasapi ng SAF-PNP ang anim na barangay tanod ng Barangay San Jose, Antipolo City. Naganap ito bandang alas-3 ng umaga nang magtungo ang mga barangay tanod sa Sityo San Josef ng naturang barangay upang magresponde sa naganap na holdapan sa nasabing lugar. Gusto rin nilang imbestigahan ang narinig nilang mga putukan mula alas-11:30 ng gabi hanggang alas-2 ng madaling araw.

Pagdating ng mga barangay tanod sa detatsment na tinatauhan ng humigit-kumulang 20 sundalo ng PNP Special Action Force, hindi na sila pinatuloy pa. Ikinulong sila sa akusasyong mga myembro umano sila ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Itinanggi nila ang akusasyon at pinatunayan nilang sila ay mga lehitimong barangay tanod. Pero sila ay pinadapa at saka walang habas na nagpaputok ng kanilang mga baril ang mga elemento ng SAF. Bagamat walang nasugatan sa kanila at pinalaya bandang huli, ang pandarahas na ito ay nagdulot ng matinding takot sa mga barangay tanod. Gayon na lamang ang takot ng mga taga-SAF dahil noong Setyembre 13 ay hinaras ng BHB ang kanilang detatsment.

Nagdudulot ng matinding takot sa mamamayan ang pagtatayo ng mga tsekpoynt ng SAF para umano tiyakin ang seguridad ng komunidad. Malaki ang pangamba ng mga residente rito, laluna ng mga babae at bata.

Inirereklamo rin ng mamamayan ang nagpapatuloy na mga operasyong pangkombat ng SAF dahil marami sa kanila, laluna ang mga magsasaka ang binabantaan at hinaharas sa hinalang sila ay mga tagasuporta ng BHB. Dahil dito, natatakot na silang pumunta sa kanilang mga taniman at ulingan. Ilang beses nang nangyari na basta na lamang binabaril ang sinumang makursunadahan ng SAF at pinalalabas na mga kasapi umano ng BHB ang mga biktima.

___________________________________

Babaeng lumad, binaril ng militar

Isang babaeng lumad ang nagtamo ng sugat sa dibdib nang basta na lamang siya binaril ng mga sundalo. Mag-iigib sana ng tubig si Bebit Kalinaw Enriquez sa ilog sa mabundok na bahagi ng Sityo Panaytayon, Barangay Mahaba, Cabadbaran, Agusan del Norte nang makita siya ng mga nag-ooperasyong sundalo ng 30th IB. Natakot siya kaya tumakbo siya papunta sa kalapit na kubo ng tiyo niyang si Datu Rabnat Kalinawan. Dito siya hinabol at binaril ng mga sundalo.

Dadalhin na sana siya ng mga kamag-anak niya sa ospital, pinigilan sila ng ibang grupo ng mga sundalo. Sa halip ay dinala siya sa Barangay Puting Bato at mula rito, sa ospital ng militar. Sinabi ng militar na siya ay myembro ng Bagong Hukbong Bayan na nasugatan sa isang engkwentro. Matapos ang ilang araw, panibagong kasinungalingan ang ipinagkalat ng 4th ID. Si Gng. Enriquez daw ay hindi tinamaan ng bala mula sa baril ng mga sundalo kundi ng eksplosibong ipinakat ng BHB.

Samantala, ang mga kamag-anak ni Enriquez na sina Datu Rabnat, asawa niyang si Elsa, mga anak na sina Toto, Warlito at Benny at asawa nitong si Victoria ay limang araw na pinaghahanap ng kanilang mga kaanak at kababaryo bago sila natagpuan sa lugar na pinagpigilan sa kanila ng militar.

Ang krimeng ito ay isinagawa sa gitna ng 15-araw na malawakang operasyong militar ng 4th ID sa Caraga Region. Mula Agosto 30 hanggang Setyembre 14, nanalasa ang militar sa Butuan City at sa mga bayan ng Cabadbaran, RTR, Santiago, Tubay at Kitcharao, Agusan del Norte; at sa mga bulubunduking barangay ng Alegria, Gigaquit at Claver, Surigao del Norte. May hiwalay ding operasyon ang 29th at 36th IB sa Surigao del Sur sa panahong ito.

___________________________________

Mga kontra-atake sa militar, inilunsad ng Pulang Diwata Command

Naglunsad ng mga kontra-atake ang mga yunit ng Pulang Diwata Command (Bagong Hukbong Bayan-Northeastern Mindanao Region) noong Agosto 31-Setyembre 7 laban sa pananalakay ng mga tropa ng 4th Infantry Division ng Philippine Army. Nagtamo ng di pa mabilang na mga kaswalti ang kaaway sa 15-araw nitong pang-aatake habang dalawang Pulang mandirigma ang magiting na nag-alay ng kanilang buhay.

Setyembre 7. Apat na pasistang tropa ang nasugatan nang dikitan at paputukan ng mga Pulang mandirigma ang mga sundalo na nag-iinuman sa barangay center ng Camam-onan, Gigaquit, Surigao del Norte.

Setyembre 5. Isang sundalo ang nasugatan nang isnaypin ng mga Pulang gerilya ng Front 16 ang isang yunit-militar sa sentro ng Sityo Zapanta, Barangay Bangayan, Kitcharao, Agusan del Norte. Hinaras sila ng mga gerilya makaraang layasan ng mga residente ang mga sundalo na umokupa sa kanilang mga bahay.

Setyembre 4. Isang sundalo ng 29th IB ang napatay nang isnaypin ng isang kasapi ng BHB Front 19 ang mga sundalo na pinamumunuan ni Lieutenant Orcullo sa KM 23, Sityo Magkahunaw, Janipaan, San Agustin, Surigao del Norte. Bunsod nito, umatras sa erya ang dalawang platun ng 29th IB na nag-ooperasyon noon.

Noong araw ding iyon, bandang alas-10 ng umaga, binulabog ng mga Pulang mandirigma ng Front 16 ang isang kolum ng Philippine Army sa kabundukan ng Mahaba sa Sityo Zapanta. Bandang alas-11 ng umaga ay 30 minutong binomba ng dalawang MG-520 ang lugar pero nakaatras na ang mga Pulang mandirigma.

Setyembre 3. Dalawa ang nasugatan sa isang kolum ng Scout Ranger Company nang isnaypin sila ng mga gerilya ng Front 16, alas-6:16 ng umaga sa Sityo Umaw, Barangay Camam-onan.

Setyembre 2. Marami ang nasugatan sa kaaway nang tambangan ng isang pangkat ng BHB mula sa Front 16 ang mga tropa ng 42nd Division Reconnaissance Company bandang alas-8 ng umaga sa kabundukan ng Mahaba, Zapanta, Bangayan. Bilang ganti, halos isang oras na binomba ng dalawang MG-520 helicopter gunship ang lugar na pinaglabanan. Pagsapit ng hapon, sinalakay ng isang tim ng BHB ang isang kolum ng Philippine Army sa Sityo Kamalig, Puting Bato, Cabadbaran, Agusan del Norte.

Agosto 31. Di mabilang na mga tropang militar ang nasugatan nang dalawang beses silang isnaypin ng BHB sa kabundukan ng Bangayan.

___________________________________

Hepe ng detatsment sa Albay, tinambangan

Ipinatupad ng isang tim ng Santos Binamera Command (Bagong Hukbong Bayan-Albay) ang atas ng Hukumang Bayan na parusahan si Cpl. Richard Guiriba Narito sa Barangay Maninila, Camalig, Albay noong Setyembre 7. Si Corporal Narito ang hepe ng pusakal na Taplacon Detachment ng 2nd IB sa bayan ng Camalig. Tinambangan ng mga Pulang mandirigma ng BHB si Corporal Narito at dalawa pang elemento ng 2nd IB na lulan ng dalawang motorsiklo. Nasamsam sa kanila ang isang ripleng M16.

Ayon kay Florante Orobia, tagapagsalita ng Santos Binamera Command, si Corporal Narito ang pangunahing responsable sa serye ng mga krimen at pang-aabuso sa mamamayan. Tampok sa mga krimeng ito ang brutal na pagpatay at pagsunog sa bangkay nina Vicente Moradillo at Ananias Cardiente Jr. (Enero 2010), ang pagpatay kina Danilo Balala (Pebrero 2011) at Salvador Mancera (Enero 2010) at pagholdap kina Mr. Armenta (2011), Anselma Murillo at Lourdes Lotino (2010).

Matagal nang hinahangad ng mamamayang biktima ng mga krimen ng grupo ni Corporal Narito ang hustisya at ipinagbunyi nila ang matagumpay na operasyong ito ng BHB.

___________________________________

75th IB, tinambangan ng BHB; 3 patay

Tatlong sundalo ang napatay nang tambangan ng mga Pulang mandirigma ng Conrado Heredia Command ang mga tropa ng 75th IB na naglulunsad ng operasyong militar sa Sityo Pamian, Barangay Bugac, Lingig, Surigao del Sur noong Setyembre 6. Layunin ng operasyon ng AFP ang bawiin ang mga detenidong hawak ng BHB na sina Mayor Henry Dano at mga sundalong eskort nito.

Ang ambus na ito ay parusa sa mga tropa ng 75th IB na nagsisilbing mga pribadong hukbo ng mga panginoong maylupa at mga kumprador. Nagbabalatkayo silang mababait na tupa na nagpapatupad ng mga programa na para umano sa kapayapaan at kaunlaran sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Ang nasabing programa ay ginagawang prente ng operasyong reskyu para sa mga detenidong hawak ng BHB.

Ayon kay Ka Roel Agustin II, tagapagsalita ng CHC, ang mga pasistang tropa ng 75th IB, 67th IB at 2nd Scout Ranger Battalion ay patuloy na ipinapakat sa mga prubinsya ng Surigao del Sur, Agusan del Sur, Compostela Valley at Davao Oriental para hanapin sina Dano.

Malinaw na hindi binibigyang-halaga ng AFP ang panawagan na ihinto ang mga operasyong militar upang matiyak ang kaligtasan ng mga detenido at mapabilis ang takbo ng kasong hinaharap nila sa hukumang bayan.

___________________________________

Sundalo, patay sa ambus

Isang sundalo ang napatay nang tambangan ng isang tim-kumando ng 1st Pulang Bagani Company (PBC) ng Merardo Arce Command ng BHB ang nagpapatrulyang mga elemento ng 69th IB noong Setyembre 17 sa Purok 7, Paradise Embac, Paquibato District, Davao City.

Ayon kay Leoncio Pitao, tagapagsalita ng 1st PBC, binigyan ng hustisya ng ambus na ito ang mga biktima ng matitinding pananakot, tortyur at iba pang paglabag ng militar sa karapatang-tao ng mga magsasaka, laluna ng mga babae at batang nag-aaral sa Paquibato District.

Matagal nang inirereklamo ng mga residente ng Paquibato District ang pagkakampo ng 69th IB malapit sa mga paaralan at bahay ng mga sibilyan.

___________________________________

Detatsment ng SAF-PNP, hinaras

Hinaras ng mga Pulang mandirigma ng Narciso Antazo Aramil Command (BHB-Rizal) ang mga pwersa ng Special Action Force (SAF-PNP) nitong Setyembre 13 ng gabi. Naganap ang naturang harasment sa detatsment ng SAF-PNP sa Sityo San Josef, Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal ilang kilometro lamang ang layo sa kampo ng mga berdugong 16th IB at ng mga detatsment ng 59th IB.

Habang nagpapaputok ang mga Pulang mandirigma ng NAAC-BHB, wala ni isa man lamang sa mga myembro ng SAF-PNP na nasa loob ng detatsment ang nakaganti ng putok. Matagal nang nakalayo ang mga gerilya bago nakapagpaputok ang mga ito.

Dalawang sundalo ng SAF-PNP ang nasugatan sa aksyong harasment na ito, ayon kay Ka Macario Liwanag ng NAAC-BHB.

___________________________________

Bagong papet na rehimen sa Libya

Mariing kinundena ng International League of Peoples' Struggle (ILPS) ang brutal na kampanyang militar ng mga pwersa ng US, North Atlantic Treaty Organization (NATO) at kanilang mga papet na armadong pwersa laban sa mamamayan ng Libya.

Naagaw ng mga dayuhan at kasabwat na lokal na armadong pwersa ang Tripoli City matapos ang pitong buwang madugong kampanya ng pambobomba na isinagawa ng mga pwersang panghimpapawid at pandagat ng US, UK, France, Italy at iba pang kasapi ng NATO. Nagbuhos ang US ng hindi bababa sa $1 bilyon para ibagsak ang gubyernong Gaddafi. Umabot sa 20,000 bomba ang inihulog mula sa himpapawid na tumarget sa mga pangunahing kagamitan at pasilidad militar ng rehimen. Tinarget din ang mga bahay, moske, sibilyang imprastruktura kabilang ang pasilidad sa kuryente at tubig, ospital, eskwelahang at daycare center na nagresulta sa pagkamatay at pagkasugat ng libu-libong Libyan.

Ang pambobombang ito ay sinabayan ng mga pag-atake ng mga armadong pwersang anti-Gaddafi na inarmasan at sinanay ng Central Intelligence Agency. Ang mga pwersang ito ay nirekluta ng CIA mula sa pinakatraydor na mga elemento ng lipunang Libyan kabilang ang mga warlord, pwersang maka-monarkiya at mga pundamentalistang grupong Muslim na may koneksyon sa CIA at teroristang al-Qaeda.

Samantala, nagpahayag ng malaking pangamba ang Amnesty International sa nagpapatuloy na paglabag sa karapatang-tao kung saan pati mga bilanggong pulitikal ay pinagbabaril ng mga pwersang pakawala ng mga imperyalista. May mga ulat ding minamaltrato at ninanakawan ng mga pwersang mersenaryo ang mga sibilyang nagsisimpatya kay Gaddafi.

Sinuhayan ang brutal na kampanyang militar ng koordinadong kampanyang saywar ng pinakamalalaking korporasyon ng midya sa mundo. Ito ay para mabigyang-rason ang interbensyong militar at agresyon laban sa kasarinlan ng Libya at mamamayang Libyan. Sa kumpas ng US, ang mga papet at bayarang pwersang anti-Gaddafi ay inilalarawan sa masmidya na mga "demokratikong pwersa."

Ayon kay Kasamang Jose Maria Sison, tagapangulo ng ILPS, may tatlong dahilan kung bakit gayon na lamang ang tindi ng pagparusa ng mga imperyalista sa rehimeng Gaddafi. Una, hindi pumayag si Gaddafi sa planong itatag ang base militar ng US African Command sa Libya. Ikalawa, nagbanta siyang babawiin ang mga konsesyong ibinigay niya sa mga imperyalista noong 2003, kabilang ang pagpapahintulot sa mga dayuhang kumpanyang makapasok sa bansa mula nang ipatupad ang malawakang pribatisasyon ng mga empresang pag-aari ng estado. Ikatlo, binalak din ni Gaddafi na palitan ng gintong dinar ang dolyar bilang pambili ng langis sa Libya sa harap ng matinding krisis ng sistemang kapitalismo.

Maaalalang noong 2003, sa kaigtingan ng imperyalistang pagsalakay sa Iraq, nagpasya ang rehimeng Gaddafi na makipagmabutihan sa US at NATO. Ipinatupad nito ang mga patakaran na alinsunod sa neoliberal na globalisasyon. Nabigyan ng maraming pribilehiyo ang mga korporasyong multinasyunal. Naging talamak ang korapsyon sa hanay ng mga upisyal ng rehimen at maging sa mga kamag-anak ni Gaddafi. Tumaas ang mga presyo ng mga bilihin ng mga batayang pangangailangan at unti-unting nawalan ng trabaho ang mga kabataan sa kabila ng mataas pa ring istandard ng pamumuhay sa Libya kumpara sa buong Africa.

Nakipagtulungan din si Gaddafi sa US at iba pang pwersa ng NATO sa gawaing militar at paniktik kaugnay sa kampanya ng US laban sa "terorismo." Mula sa ugnayang ito ay nakakuha ang mga imperyalista ng maraming impormasyon at impluwensya sa mga upisyal ng gubyernong Gaddafi. Ang mga naimpluwensyahang upisyal na ito ang nirekrut laban kina Gaddafi at mga kamag-anak nito. Hindi kataka-taka na ang mga ito ang nakaluklok ngayon sa National Transition Council (NTC o pambansang konsehong pantransisyon) na binuo ng US.

Ang Libya ngayon ay itinatransporma na bilang malakolonya ng US, UK, France at Italy sa pamamagitan ng NTC at pinuno nitong si Mustafa Abdul Jalil. Hindi magtatagal ay maipapakat sa bansa ang mga pwersang imperyalista at papet nito sa tabing ng UN "peacekeeping forces". Hindi pa man naaagaw ang Tripoli ay naglipana na ang kanilang mga ahente, tagapayo at "special forces" para gabayan ang kanilang mga papet. Papalitan ang konstitusyon ng Libya ng isang konstitusyong naglilingkod sa pang-ekonomya, pampulitika, pangmilitar at pangkulturang interes ng mga imperyalista. Pwersadong tanggapin ng Libya ang pagtatayo ng base militar ng US African Command at magiging detatsment ito ng imperyalismong US tulad ng Kosovo, Afghanistan, Iraq at iba pa.

Nananawagan ang ILPS sa mamamayang Libyan at kanilang anti-imperyalista at demokratikong pwersa na samantalahin ang paborableng kalagayang pampulitika para makapagpalakas at maigpawan ang paglalaban ng mga pwersang anti-Gaddafi at pro-Gaddafi. Ang malawakang pamimigay ng mga sandata sa mamamayan ay paborable para sa pagtatatag ng isang rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa at gayundin sa pagpapasulong ng kilusan para sa pambansang pagpapalaya ng Libya.

___________________________________

Malawakang pangwawasak ng kapitalismo sa gitna ng krisis

Kahit milyun-milyong Amerikano ang walang bahay, ilampung libong mga nakatiwangwang na bahay ang ipinagigiba ng mga nangrematang bangko.

Nangunguna ang Bank of America Corporation, ang pinakamalaking nagpapautang sa pabahay sa US, sa pagpapabulsoder sa mga narerematang bahay. Balak nitong ipagiba ang 40,000 bahay, karamihan sa mga syudad ng Detroit at Chicago at sa estado ng Ohio. Ang iba pang mga bangko at institusyong pampinansya na nagbabalak magpabuldoser sa mga narerematang bahay ay ang Wells Fargo & Co. (WFC), Citigroup Inc. (C), JP Morgan Chase & Co. (JPM) at Fannie Mae.

Dahil sa tindi ng krisis sa ekonomya sa US, tumataas ang bilang ng mga bahay na nareremata. Pagsapit nitong Hunyo, 1,679,125 o isa sa bawat 77 bahay ang naremata na o malapit nang maremata. Dahil sa dami ng narerematang mga bahay, pinangangambahan ng mga nagpapautang sa pabahay na bababa ang presyo ng mga ito, bagay na lalo nilang ikalulugi. Suliranin din ito ng mga kumpanya na may kinalaman sa konstruksyon at nagmamanupaktura ng mga kagamitang pambahay.

Nitong nakaraang mga taon, nagkandalugi ang pinakamalalaking bangko sa US matapos bumagsak ang halaga ng mga hawak nilang papeles sa pabahay dulot ng napakaraming di mabayarang utang.

Sa halip na ibenta sa murang halaga ang mga nakatiwangwang na narematang bahay, mas pinili ng malalaking kapitalista na nagmamay-ari ng mga bangko at kumpanya sa pabahay na ipagiba ang mga ito. Layunin nitong pangalagaan ang tubo ng mga kapitalista. Sa kwenta ng mga bangko, mas malulugi sila kung ibabaratilyo nila ang mga bahay o hihintaying tumaas ang presyo ng mga ito. Sa malawakang pagpapagiba ng mga bahay, mababawasan ang gastos nila sa pagmamantine ng mga ito at muling maitutulak pataas ang halaga ng mga bahay sa pamilihan.

Gamit ang ilang trilyong dolyar na pondo mula sa buwis ng mamamayan, sinalba ng gubyerno ng US ang mga kumpanyang ito. Balak na naman ng mga kumpanyang ito na mamuhunan sa pabahay. Ngunit kailangan nilang pababain muna ang suplay ng mga bahay upang maitaas ang presyo nito at muling makapagkamal ng tubo mula rito.

Ang mapangwasak na sistemang kapitalista. Ang pagpapagiba ng mga bahay ay hindi bagong pamamaraan ng kapitalismo para malutas ang krisis ng sobrang produksyon. Likas na katangian ng sistemang kapitalista ang pagsira sa mga produktibong pwersa at produkto ng lipunan sa panahon ng krisis. Sa Great Depression noong dekada 1930, tone-toneladang mga produkto ang sinira para mabawasan ang sobra-sobrang suplay ng mga produkto na nagreresulta sa pagbaba ng presyo nito sa pamilihan.

Sa kabila ng malawakang kagutuman na ikinamatay ng pitong milyon katao noon, dinispatsa ng malalaking kapitalista ang bagsak-presyong mga produktong pagkain sa pamamagitan ng pagsunog o pagtapon sa dagat. Mahigit sampung milyon ektaryang sakahang malapit nang maani ang inararo.

Noong 2009, ipinatupad rin ng gubyernong US ang $3 bilyong programang "cash-for-clunkers" kung saan hinikayat ang mga may-ari ng mga sasakyan na ipagpalit sa bago ang kanilang lumang sasakyan. Ang mga lumang sasakyang maayos pa ang kundisyon ay winasak upang hindi na maibenta pa. Sa gayong paraan, mababawasan ang suplay ng kotse sa pamilihan at maitutulak pataas ang presyo nito. Gayunman, bigo pa rin ang naturang programa na lutasin ang sobrang produksyon ng mga kotse.

3.5 milyon, walang matirhan. Umaabot na sa 3.5 milyong Amerikano ang walang disenteng tirahan dahil sa pagtaas ng halaga ng mga bahay at paglala ng kahirapan. Ang mga African-American ang nangunguna sa mga hindi kayang bumili ng bahay. Binubuo nila ang 49% sa buong bilang ng mga walang bahay.

Nitong mga nagdaang taon, sumusulpot sa iba't ibang mga syudad ang mga tinatawag na "tent city" kung saan libu-libong mga tao ang nakatira sa mga tent o tolda.

Mababa ang prayoridad ng gubyernong US sa pagbibigay ng pondo para sa serbisyong pabahay para tiyakin na may disenteng matitirahan ang mga mamamayang Amerikano. Noong 2011, naglaan ang gubyernong US ng $2.1 bilyong ayuda para sa mga walang mga bahay. Katiting lamang ito ng kabuuang badyet ng Housing and Urban Development na $290 bilyon (na kalakha'y napupunta sa bulsa ng mga kapitalista sa konstruksyon). Lalong maliit ito kung ikukumpara sa badyet ng US sa mga interbensyunistang gera ng US sa Iraq, Afghanistan at Libya at mga operasyong "counter-insurgency" nito sa Pilipinas at iba pang bansa.

___________________________________

Tanggalan ng mga manggagawa sa Honda, binatikos

Mariing binatikos ng mga manggagawa ng Honda Cars Philippines ang plano ng maneydsment na magtanggal ng mga manggagawa. Ayon sa Lakas ng Manggagawang Nagkakaisa sa Honda-Kilusang Mayo (LMNH-KMU), ang tunay na layunin ng plano ng maneydsment na bawasan nang 30% ang bilang ng mga manggagawa ay para wasakin ang kanilang unyon.

Pinasinungalingan ng LMNH-KMU ang sinasabi ng maneydsment na sobra ang dami ng mga manggagawa ng Honda. Anito, kumukuha ang Honda ng mga apprentice, mga kabataang manggagawa na nagsasanay pa lamang subalit direkta nang ginagamit bilang lakas-paggawa. Wala silang sahod, at sa halip ay binibigyan lamang ng napakababang alawans. Ang pakanang ito sa Honda Cars ay isang klase ng iskemang kontraktwalisasyon, ayon sa unyon.

___________________________________

Taas-singil sa toll, itutuloy na

Sa kabila ng mariing protesta ng mamamayan, inaprubahan na ng rehimeng Aquino ang pagpapataw ng 12% Value Added Tax (VAT) sa mga expressway simula Oktubre 1.

Ikinakatwiran ng rehimen na dapat magkaroon ng dagdag na kita ang gubyerno kaya magpapataw ito ng buwis sa mga expressway, taliwas sa pangako ni Aquino noong eleksyon. Subalit mahigpit na tinututulan ng Taxpayer's Unity Versus Tollhike in South Luzon Expressway (TUTOL SLEX) ang dagdag buwis. Ayon sa TUTOL SLEX, dagdag pahirap ito sa mamamayan. Kasabay nito, naghain si Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ng panukalang batas para ilibre ang mga tollway sa VAT. Mayroon ding 81 na kongresista na pumirma laban sa VAT sa toll.

Samantala, ipagpapaliban sa susunod na taon ang planong taas-pasahe sa Metro Rail Transit at Light Rail Transit dahil sa matinding pagtutol dito ng iba't ibang sektor, kabilang ang 11 senador.

___________________________________

Pagsasanay-militar ng US, kinundena

Mariing kinundena ng mga progresibong grupo ang pagsasanay-militar ng US at Pilipinas na tinaguriang Balance Piston 11-3. Inilunsad ito noong Setyembre 2-13 sa kampo ng 6th ID sa Camp Siongco sa Datu Sinsuat, Maguindanao.

Ayon sa KAWAGIB Moro Human Rights, ang mga pagsasanay ay tabing lamang para sa pamamalagi ng mga tropa ng US sa Mindanao, pagtatayo nila ng mga base at pasilidad sa Zamboanga, Jolo at Tawi Tawi at paglahok sa mga operasyong kombat. Iginiit nila ang pagbasura sa Visiting Forces Agreement dahil ginagamit itong sangkalan para sa permanenteng presensyang militar ng US.

Samantala, binatikos ng KAWAGIB ang mga paglabag sa karapatang-tao na ibinubunsod ng presensya ng mga tropang Amerikano. Anito, maraming residente ng bayan ng Awang ang nagreklamo sa patuloy na pagpapaputok ng mga sundalong Amerikano at Pilipino sa kanilang lugar.

___________________________________

Mga minero sa Indonesia at Peru, nagwelga

Mahigit 10,000 manggagawa ng Freeport McMoran Copper and Gold Inc., isang Amerikanong kumpanya ang nagsimulang magwelga noong Setyembre 15 sa mga minahan nito sa Indonesia at Peru. Ito ang umpisa ng plano nilang isang buwang welga para igiit ang pagtataas ng kanilang sahod batay sa pandaigdigang panuntunan sa pagpapasweldo.

Umaabot lamang sa $3 kada oras ang ibinibigay na sahod sa mga manggagawa ng Freeport. Gusto nilang limang ulit na mas mataas sa kasalukuyang sahod ang kanilang tatanggapin. Subalit ang kontra-mungkahi ng maneydsment ay 22% pagtaas lamang sa susunod na dalawang taon.

Sa Indonesia, naparalisa na ng mga welgista ang operasyon ng mina sa Grasberg sa prubinsya ng Papua, gayundin ang pantalang malapit dito.

Ang Freeport McMoran ang pinakamalaking dayuhang minahan sa Indonesia. Kontrolado nito ang 90% ng operasyong pagmimina sa bansa. Nasa minahan nito sa Grasberg ang pinakamalaking deposito ng ginto sa buong mundo.

Ang Freeport McMoran din ang ikatlong pinakamalaking kumpanyang nagmimina ng tanso sa buong mundo, kaya tiyak na maaapektuhan ng isang buwang welga ang pandaigdigang suplay ng metal na ito.

May nauna nang welga noong Hulyo sa Grasberg. Naapektuhan ng walong araw na welga ang buong operasyon ng minahan.

Sa Peru, ang welga ay inilulunsad ng mga manggagawa sa Cerro Verde, kung saan ang Freeport McMoran ang may hawak ng pinakamaraming sapi. Ang Cerro Verde, na may operasyon sa syudad ng Arequipa, ang isa sa pinakamalalaking kumpanyang nagmimina ng tanso sa Peru.

Nagkaroon na rin ng mga welga ngayong taon sa mga minahan ng Freeport McMoran sa Bolivia at Chile dahil din sa usapin ng sahod.

___________________________________

Pagkilos laban sa kaltas-badyet sa edukasyon

Naglabasan sa kanilang mga silid-aralan ang libu-libong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), kasama ang mga guro at upisyal ng paaralan nitong Setyembre 20 bilang protesta sa pagkaltas ng badyet ng PUP sa isang taon. Ang walkout ay bahagi ng isang linggo na pambansang kilos-protesta para tutulan ang pagbabawas sa badyet ng mga pampublikong unibersidad at kolehiyo sa 2012.

Tinawag ng mga taga-PUP ang kanilang kilos-protesta na "We Strike Back." Nilahukan ito ng pangulo ng PUP na si Dr. Dante Guevarra, ilang mga propesor at mga empleyado ng pamantasan. Binatikos nila ang gubyernong Aquino dahil ang pagkaltas nito ng P569.8 milyon sa badyet ng 50 pampublikong unibersidad at kolehiyo sa bansa ay nagpapakita na hindi ito sensitibo sa kanilang mga pangangailangan. Partikular sa PUP, binigyan lamang ito ng P737 milyon sa halip na P2 bilyong alokasyong hinihiling nila.

Naglunsad rin ng serye ng mga aksyong protesta sa University of the Philippines(UP)-Diliman at UP-Manila. Mas malaking welga at aksyong protesta ang nakatakda sa Setyembre 21 hanggang 23 sa dalawang kampus. Magmamartsa sila patungong Mendiola sa Setyembre 24 kasama ang iba pang mga estudyante sa buong Metro Manila.

Samantala, malinis ang mga blakbord noong araw ng Setyembre 16 sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa nang maglunsad ang mga guro ng "chalk holiday" para igiit ang kahilingan nilang mas mataas na alawans para sa tsok. Aabot sa 100,000 sa kabuuang 500,000 pampublikong guro ang lumahok sa protesta sa pamamagitan ng isang araw na hindi paggamit ng tsok.