Paghandaan ang pagpapaigting ng digmang mapanupil ng rehimeng Aquino

Ang Bayan
7 Setyembre 2011
Download PDF

Batay sa mga kilos at pahayag ng gubyerno ng Pilipinas (GPH) at mga kinatawan nito nitong huling mga linggo, lumilinaw ang determinasyon ng rehimeng Aquino na tapusin na ang pakikipagnegosasyon nito sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at ibayong paigtingin ang digmang mapanupil nito sa ilalim ng Oplan Bayanihan.

Hindi nagpapakita ang GPH ng seryosong interes na isulong ang pakikipag-usapang pangkapayapaan sa NDFP matapos mabigong gamitin ito bilang instrumento ng pasipikasyon. Matatag na naninindigan ang negotiating panel ng NDFP na ang mga kasunduang pinasok ng GPH at NDFP ay dapat sundin ng magkabilang panig. Kabilang dito ang The Hague Joint Declaration of 1992, ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL).

Sa kumpas ng kanilang mga Amerikanong tagapayo sa counterinsurgency, mariin ang pagtanggi nina Benigno Aquino III at kanyang negotiating panel na tumalima sa mga kasunduan. Kabilang pa rin sa mga sinasalaula nila ang Oslo Joint Statements noong Enero at Pebrero 2011 kung saan nakiisa ang GPH na pabilisin ang proseso ng pagpapalaya sa di bababa sa 17 konsultant ng NDFP na kasalukuyang nakakulong sa iba't ibang piitan ng GPH. Bukod pa ito sa pagpapalaya rin ng mahigit 350 bilanggong pulitikal. Di lamang nagmamatigas ang GPH laban sa pagtalima sa mga pinagkaisahan, inilagay pa nito sa bingit ng pagbagsak ang buong usapang pangkapayapaan nang ideklara nito na "wala nang bisa" ang JASIG.

Halatang-halata na ang tanging interes ng GPH ay gamitin ang negosasyong pangkapayapaan nito sa NDFP upang mabitag ang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagdedeklara ng sunud-sunod na mga tigil-putukan kahit hindi nareresolba ang mga usaping sosyo-ekonomiko at pampulitika na siyang nasa ugat ng armadong tunggalian.

Sa halip na lutasin ang mga ugat ng gera sibil, pinag-iibayo ng rehimeng Aquino ang pagdurog sa mga rebolusyonaryong armadong pwersa at pagsupil sa paglaban ng mamamayang Pilipino. Mga di armadong mamamayan at buu-buong mga komunidad ng mga sibilyan ang isa sa mga pangunahing target ng Oplan Bayanihan. Sa ilalim nito ay di bababa sa 50 biktima na ang pinapatay sa panibagong bugso ng ekstrahudisyal na pamamaslang. Paulit-ulit na ring gumagamit ng dahas ang estado para supilin ang mga demonstrasyon at pakikibakang masa.

Dapat nating puspusang labanan ang mga maniobra ng rehimeng Aquino na tapusin na ang usapan at ibasura ang mga nakamit nitong tagumpay sa nakaraan. Kaalinsabay nito, kailangang maghanda ang mamamayang Pilipino sa tiyak na pagpapaigting ng reaksyunaryong digmang mapanupil.

Walang ibang masusulingan ang mamamayang Pilipino kundi ang patindihin ang kanilang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at mga demokratikong paglaban. Dapat nilang palakasin ang kanilang kapasyahan at militansya sa harap ng umiigting na terorismo ng estado. Dapat aktibo nilang ilantad at mariing tutulan ang mga pang-aabusong militar at mga paglabag sa kanilang karapatang-tao.

Patuloy na haharapin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang GPH sa usapang pangkapayapaan hangga't may ipinapakitang kaseryosohan ang rehimeng Aquino na makipagnegosasyon sa balangkas na itinakda ng The Hague Joint Declaration at tatalima ito sa lahat ng mga dating kasunduan.

Sa pagpupursige ng NDFP na ituloy ang usapan, hiniling nitong makausap ng mga pinuno ng dalawang negotiating panel ang kinatawan ng gubyernong Norway, na siyang nagsisilbing tagapamagitan sa usapan. Naganap ang pag-uusap nitong Setyembre 5-6 at bunga nito ay nangakong muli ang GPH na palayain ang mga nakakulong na konsultant ng NDFP. Sa batayang ito ay itinakda ang susunod na pormal na usapan sa huling bahagi ng Oktubre.

Samantala, sa harap ng nagaganap nang pag-iibayo ng digmang mapanupil ng rehimeng Aquino, ipagpapatuloy ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan ang pagpapaigting ng pakikidigmang gerilya sa buong kapuluan upang matupad ang mga rekisito para maisulong ang digmang bayan sa mas mataas na antas. Dapat magrekrut ang Pulang hukbo ng mas marami pang mandirigma at umagaw ng mas marami pang sandata. Dapat itong maglunsad ng sunud-sunod na mga taktikal na opensiba upang madiskaril at magapi ang kontra-rebolusyonaryong kampanyang mapanupil ng AFP.

_________________________

Itaboy ang salot na AFP sa mga komunidad

Ang Oplan Bayanihan ay salot na nananalasa kapwa sa kanayunan at sa lumalawak na mga bahagi ng kalunsuran. Tinatarget nito ang buu-buong mga komunidad. Sa kanayunan, partikular na target yaong mga lumalaban sa mapangwasak na mga operasyong pagmimina. Ang mga komunidad na aktibong nagtatanggol sa kanilang karapatan sa pulitika, ekonomya, kapaligiran at kultura ay awtomatikong pinaghihinalaan ng AFP na sumisimpatya sa Bagong Hukbong Bayan (BHB) at isinasailalim sa matitinding operasyong militar at saywar. Sa kalunsuran, tinatarget ang mga komunidad na tumututol sa demolisyon para bigyang-daan ang mga proyekto sa ilalim ng programang Public-Private Partnership ng rehimeng Aquino.

Iniiwang duguan ng Oplan Bayanihan ang mga lugar na sinasalanta nito sa dami ng mga paglabag sa karapatang-tao. Ipinaiilalim sa batas militar ang buu-buong mga komunidad. Taliwas sa mga probisyon ng pandaigdigang makataong batas at ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL), nagtatayo ang mga sundalo ng mga detatsment sa mga sentro ng populasyon. Pinipilit nila ang mga residente na magbigay ng kahoy at iba pang materyales at ang mamamayan na mismo ang inuutusang magtayo ng mga detatsment ng militar.

Kung hindi man magtayo ng hiwalay na detatsment, inookupa ng militar ang mga paaralan, barangay hall, klinika, simbahan at iba pang pasilidad ng mga sibilyan. Sa proseso ay ginugulo nila ang katiwasayan at normal na daloy ng pamumuhay sa mga komunidad. Partikular nilang nilalabag ang karapatan ng mga bata dahil ang makapal na presensyang militar sa mga eskwelahan ay nakakadiskaril sa kanilang pag-aaral at naglalagay sa kanila sa panganib. Araw-araw ding nalalantad ang mga bata sa mga bisyo, kalaswaan, magaspang na kilos at iba pang masasamang gawi ng mga pasistang tropa. (Tingnan ang kaugnay na artikulo.)

Karapatan ng ilampung libong mamamayan ang nalalabag dahil sa paghahari ng teroristang lagim ng AFP sa malalawak na bahagi ng kanayunan. Sa ilalim ng Oplan Bayanihan ay kinokontrol ng militar ang bawat kilos ng mamamayan. Nagpapataw sila ng mga blokeyo sa pagkain at kabuhayan. Hindi malayang makapaglakbay ang mga residente dahil tadtad ng mga tsekpoynt ang mga daan at sarisaring rekisitos ang hinihingi ng militar bago patuluyin ang mga dumadaan dito. Kinikitil ang karapatan ng mamamayan na magtrabaho sa kanilang mga sakahan. Nililimitahan ang mga kalakal na maaari nilang bilhin. Tinatakot sila para piliting ituro ang mga lokal na maslider at aktibista. Ang mga kabataang magsasaka ay pinipilit ding maggiya sa mga operasyon ng AFP para tugisin at lipulin ang BHB. Ang sinumang tumutol sa kalakarang ito ay pinag-iinitan, binabansagang rebelde at nanganganib na arestuhin, dukutin o patayin.

Para maitago ang marahas at mapanupil na katangian ng kanilang mga operasyon, ginagamit na pantabing ng AFP ang mga "medical mission" at iba pang "gawing sibiko." Tusong ginagamit ng AFP ang karatula ng "kapayapaan at kaunlaran" para paigtingin ang militarisasyon at ang pagsupil sa mamamayan. Mahigpit na katuwang ng Oplan Bayanihan ang programang palimos ng DSWD. Ito ay upang kasabay ng lantad na pandarahas ay napagtatakpan din ng AFP ang pagyurak ng reaksyunaryong gubyerno sa kagalingan ng mamamayan at naililihis sila mula sa landas ng pakikibaka.

Dapat puspusang labanan ng mga sibilyan ang paghahari-harian ng mga pasistang tropa ng AFP sa kanilang mga komunidad. Dapat patuloy na ilantad at mariing tutulan ang mga paglabag sa kanilang karapatang-tao na basta-basta na lamang naisasagawa ng AFP dahil sa pagpapairal nito ng batas militar sa mga lugar na kanilang inookupa. Dapat gamitin ng mamamayan ang lahat ng paraan sa pulitika at propaganda para mapalayas ang militar sa kanilang mga lugar at manumbalik sa kontrol ng mga sibilyan ang mga pampublikong pasilidad at maging mga sarili nilang tahanan na sapilitang sinakop ng reaksyunaryong militar. Para maipamalas ang kanilang sukdulang pagkamuhi, maaari ring magsagawa ang mamamayan ng direktang aksyong masa tulad ng pagwasak o pagsabotahe sa mga detatsment para tuluyan nang maitaboy ang mga salot na tropa mula sa kanilang mga komunidad.

_________________________

Paglapastangan sa mga karapatan ng mga sibilyan

Ang kaligtasan at mga karapatan ng mga sibilyan ang isa sa pinakamalalaking kaswalti sa pag-igting ng Oplan Bayanihan.

Dumarami ngayon ang mga ulat na natatanggap ng Ang Bayan hinggil sa sistematikong paglapastangan ng militar sa karapatan at kagalingan ng mga sibilyan para lamang maisulong ang mga kontra-rebolusyonaryong layunin ng rehimeng Aquino.

Sa Paquibato District, Davao City, matagal nang inirereklamo ng mga residente ang pagkakampo ng 69th IB malapit sa Paradise Embac Annex School at mga bahay ng mga sibilyan dahil sa panganib na idinudulot nito sa mamamayan. Nagpipilit ang militar na manatili sa kabila ng mariing pagtutol ng mga residente. Ang mga tumututol sa kanilang presensya ay agad na binabansagang mga tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at pinagbabantaang patayin.

Para magmukhang ineendorso ng mga sibilyan ang presensya ng militar sa komunidad, nilinlang ni Lt. Col. Alfredo Patarata, hepe ng 69th IB ang mga residente ng Paradise Embac. Hindi mapilit ni Patarata ang mga upisyal ng barangay na iendorso ang pagkakampo ng AFP sa lugar kaya nagpatawag siya ng pulong ng mga taga-Purok 6, 7 at 8 ng Barangay Paradise Embac para umano mapag-usapan ang isang proyektong patubig. Nagpasa siya ng mga blangkong papel na pinapirmahan niya sa mga nagsidalo. "Attendance sheet" daw ito. Yun pala'y ito ang palalabasin niyang lagda ng mga residenteng nag-eendorso raw ng pagkakampo ng militar sa gitna ng komunidad.

Hindi nakapagtataka ang pagkamuhi ng mga taga-Paradise Embac sa mga sundalo. Bukod sa sapilitan nilang pagkakampo, marami pang ibang paglabag sa karapatang-tao ang 69th IB. Ang mga pinag-iinitan nitong pamilya ay hindi pinapayagang magtrabaho sa kanilang sakahan. Nililista ang mga pangalan ng lahat ng taong dumadaan sa tsekpoynt ng militar. Pinagbabawalan din silang mag-usap o gumawa ng anumang ingay habang naglalakad sa kalsada. Noong Hulyo, ang mga residenteng dadalo sa martsa-rali sa Davao City laban sa State of the Nation Address ni Benigno Aquino III ay anim na oras na hinarang. Pinaratangan silang mga tagasuporta ng BHB. Ang mga drayber naman ng motorsiklo ay inaakusahang nagbibyahe ng mga isparo yunit ng BHB.

Di bababa sa tatlong residente na ang pinagbuhatan ng kamay ng mga sundalo sa iba't ibang pagkakataon. Palagiang binabalaan ang mga residente na kapag may nangyari sa mga sundalong nakakampo sa lugar ay pagbabayaran nila ito nang mahal.

Partikular na hinaharas ng mga sundalo ang mga bata. Inuutusan nila ang mga ito na hamunin ang mga Pulang mandirigma na salakayin ang kampo militar, gayong napakalapit nito sa eskwelahan. Sinusuhulan ng mga sundalo ang mga bata at estudyante na magbigay ng impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng BHB. Walang pakundangan ding pumapasok ang mga sundalo sa mga silid-aralan habang may klase para tanungin ang mga mag-aaral tungkol sa BHB.

Sa Davao del Sur, tuluy-tuloy na hinaras ng mga tropa ng 73rd IB ang mga guro at mag-aaral ng Blaan Literacy School and Learning Center (BLSLC) sa Sityo Dlumay, Upper Suyan, Malapatan, Sarangani hanggang sa mapilitan ang mga guro at istap nito na lisanin ang lugar para sa sarili nilang kaligtasan.

Apat na taon nang umiiral ang BLSLC, na pinatatakbo ng Center for Lumad Advocacy and Services (CLANS). Kasabay ng paaralan para sa mga batang Blaan ay mayroon ding proyektong micro-hydropower ang CLANS sa lugar, sa tulong ng Sibol ng Agham at Teknolohiya. Bago dumating ang CLANS sa komunidad ay tatlong oras naglalakad ang mga bata araw-araw patungong sentro ng Upper Suyan dahil naroon ang pinakamalapit na eskwelahan.

Subalit mula noong Nobyembre 2010, dumating ang 73rd IB at pinag-initan ang mga proyekto ng CLANS at mga residente sa lugar.

Isinailalim sa interogasyon at nilitratuhan ang mga guro ng BLSLC. Binansagan silang mga "komunistang guro" at "kontra-gubyerno" at pinagbantaang papatayin dahil sa nakitang poster na kontra-mina na nakapaskil sa paaralan. Pagsapit ng Marso ay napilitan na silang isara ang eskwelahan.

Mula nang dumating ang mga sundalo, lahat ng Blaan na nakikita nilang bumibili ng bigas sa mga karatig-baryo ay kara-karakang inaakusahang tagasuporta ng BHB. Paulit-ulit na pinupuntahan sa bahay ang mga lider sa komunidad tulad ni Francisco Manangka para pagsabihan na huwag paniwalaan ang anumang sinabi sa kanya ng CLANS dahil "ang estilo nila ng pagtuturo ay katulad ng sa BHB." Noong Marso 22, si Manangka at walo pang lider ng komunidad ay sapilitang dinala sa kampo ng 73rd IB ng meyor ng Manapla para sa interogasyon. Tatlong araw silang hinawakan ng militar, at pinilit na magpainterbyu sa telebisyon.

Sa Panay, nakahimpil ang mga pwersa ng 61st IB at CAFGU sa mga sentro ng mga baryo ng Libertad, Wright, Roosevelt, San Miguel Ilaya, Tacayan, Acuña,, Nayawan, Lahug, Aglinab, Katipunan at Abangay sa Tapaz; at sa Barangay Masaroy sa Calinog. Nagpetisyon na ang mga residente rito para paalisin ang mga tropang militar.

Marapat lamang na magkaisa ang mga sibilyan para ipaglaban ang karapatan nilang mamuhay nang matiwasay sa kanilang mga komunidad at igiit ang pagpapalayas sa mga mapang-abuso at perwisyong militar.

_________________________


Mga mag-aaral at residente, ginagamit na mga human shield

Laganap sa Southern Mindanao ang pagkakampo ng militar malapit sa mga pampublikong paaralan at iba pang sentro ng populasyon. Ito'y para magsilbing mga human shield o pananggalang umano ang mga bata at iba pang residente laban sa pang-aatake ng Bagong Hukbong Bayan. Sumusunod ang mga paaralang pinupwestuhan ng AFP sa Maragusan at Maco, Compostela Valley: Paloc Elementary School (Maragusan); Tandik Elementary School (Maragusan); Parasanon Elementary School (Maragusan); Cambagang Elementary School (Maragusan); New Leyte Elementary School (Maco); at Sangab Elementary School (Maco).

Ang 72nd IB naman ay nagmamantini ng patrol base malapit sa mga sentro ng populasyon sa mga barangay ng Anitapan, Panamin at Cabuyuan sa Mabini; sa mga barangay ng New Visayas, New Asturias, Libay-libay, Kinuban at Mapaang sa Maco; at sa mga sityo ng Palo, Bukobuko sa Anay at Gumayan sa Barangay Napnapan sa Pantukan.

Ang himpilan naman ng 71st IB ay nasa likuran lamang ng munisipyo ng Pantukan. Samantala, ang 2nd Scout Ranger Battalion ay may kampo sa Barangay Pangibiran, Mabini.

_________________________

Brutalidad ng estado laban sa mga maralitang lunsod, kinundena

Mariing kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang rehimeng Aquino sa serye ng marahas na mga demolisyon sa mga komunidad ng maralitang lunsod sa Quezon City at sa Cebu nitong katapusang linggo ng Agosto.

Marahas na binuwag ng 200 pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) ang barikadang itinayo ng mga maralita sa Barangay Old Balara, Quezon City noong Agosto 31. Sa nangyaring girian ay marami ang nasaktan, dalawang residente ang inaresto at umabot sa 1,000 bahay ang winasak ng mga demolition team mula sa Metro Manila Development Authority at National Housing Authority. Itinuloy pa rin ang demolisyon sa isang ektaryang lupang pag-aari ng malaking land developer na Susana Realty sa kabila ng mga protesta ng mamamayan at malakas na pagbuhos ng ulan.

Dalawang araw bago ito, namayani rin ang kalupitan ng mga pulis sa demolisyon sa Sityo Camarin, Barangay Bonbon, Aloguinsan sa Cebu. Marami ang nasugatan at 39 katao ang inaresto kabilang ang isang 70 anyos na lalaki, mga babae, tatlong estudyante ng UP-Cebu at pati mga menor de edad. Binuwag ng mga pulis ang barikadang itinayo ng may 250 magsasaka at mga tagasuporta nila.

Tinututulan ng 300 pamilyang magsasaka ang pagbabakod sa kanilang lupa na anila'y hindi naman pag-aari ng pamilyang Gantuangco na umaangkin dito. Balak ng mga Gantuangco na palayasin ang mga residente rito para mabigyang-daan ang pagtatayo ng isang shipyard at economic zone. Nang magmatigas ang mga residente ay humingi ang sheriff ng reimporsment na 200 pulis mula sa apat na bayan at lunsod, bukod pa sa mga sasakyang pamatay-sunog at buldoser. Ang naganap na demolisyon ang pinakamalaki at pinakamalupit na pangyayari sa Cebu mula noong unang hati ng dekada 1980.

Anang PKP, malinaw na ipinakita ng rehimeng Aquino ang kontra-maralitang patakaran nito sa marahas na pagtaboy sa mga residente para lamang pagbigyan ang mga interes ng malalaking negosyante batay sa iskemang Public-Private Partnership. Naglaan ang rehimen ng P22 bilyon para maisakatuparan ito. Dahil dito, idineklara ng KADAMAY si Aquino na "persona non grata" (hindi karapat-dapat) at binansagang "Demolition King."

Kaugnay ng sunud-sunod na mga pangyayaring ito, nananawagan ang PKP sa maralitang lunsod na labanan ang kampanya ng rehimeng Aquino na wasakin ang kanilang mga tahanan. Anito, patuloy na ipinapatupad ng kasalukuyang rehimen ang Philippine Development Plan na dinisenyo at may nakalaang pondo mula sa International Monetary Fund at ng World Bank na nagbibigay prayoridad sa malalaking proyekto ng mga kumprador kasosyo ang mga dayong malalaking kapitalista sa kapinsalaan ng mga komunidad ng mga maralitang lunsod.

_________________________

Ika-2 Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos, ginunita

Ginunita ng mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at daan-daang mga aktibista ang Ikalawang Pandaigdigang Araw ng Desaparecidos sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga aksyong protesta sa mga lunsod ng Quezon, Bacolod at Iloilo noong Agosto 30.

Nagdaos ng kilos-protesta ang mga kasapi ng Desaparecidos, Hustisya at alyansang End Impunity sa harapan ng Ever-Gotesco Mall sa Commonwealth Avenue, Quezon City kung saan dinukot ng mga ahenteng militar si Jonas Burgos noong Abril 28, 2007. Naglagay sila ng imahe at karatula na nagsasabing: "Mag-ingat sa mandurukot. Dito dinukot ng militar si Jonas Burgos."

Ayon kay Mary Guy Portajada, pangkalahatang kalihim ng Desaparecidos, 206 katao ang dinukot sa loob ng siyam na taong paghahari ng rehimen ni Gloria Arroyo. Sa 14 na buwan namang paghahari ni Benigno Aquino III ay nagkaroon na ng walong kaso ng pagdukot. Nakababahala ito, sabi ni Portajada, na ang amang si Armando ay dinukot noong Hulyo 31, 1987 at hindi pa rin inilitaw hanggang ngayon.

Labing-isang tao naman ang dinukot sa Negros mula lamang noong 2005, ayon kay Julius Dagatan, tagapagsalita ng Negros Black Ribbon Crusade (NBRC).

Sa pagtitipon ng mga kasapi ng KARAPATAN-Negros, NBRC at BAYAN-Negros sa Philippine Independent Church sa Bacolod City, kinilala nila ang mga ito na sina Perseus Geagoni (Disyembre 5, 2005), Roberto Marapo at Deonilo Borres (Mayo 6, 2006), Felicidad Katalbas (Enero 5, 2007), Flaviano Arante at Reynold Yanoc (Enero 2008), magpinsang Razel at Jason Pelayo (Mayo 26, 2009), Michael Celeste, Gerald Alabe at Julie Devero (Hulyo 19, 2011). Mga ahenteng militar at bandidong Revolutionary Proletarian Army (RPA) ang itinurong dumukot sa kanila.

Sa Iloilo City naman, isang rali ang idinaos sa Plazoletagay, pangunahing interseksyon ng nasabing lunsod. Pinamunuan ito ng Panay Alliance-KARAPATAN, Mothers and Relatives Against Tyranny (Martyr) at Save Luisa and Nilo Movement (SLNM). Sina Nilo Arado at Ma. Luisa Posa-Dominado ay dinukot ng mga armadong lalaki noong Abril 12, 2007 sa Barangay Cabanbanan, bayan ng Oton, Iloilo. Si Dominado ay tagapagsalita ng SELDA-Panay at si Arado naman ay tagapangulo ng BAYAN-Panay.

Iginigiit ng mga progresibo at demokratikong organisasyon at mga kamag-anak ng mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao mula 1986 hanggang sa kasalukuyan na imbestigahan ang mga kasong ito at bigyan ng hustisya ang mga biktima.

Ito ang ikalawang taon ng paggunita ng araw na ito sa ilalim ng United Nations. Ang paglalaan ng Agosto 30 bilang araw ng mga desaparecidos para patingkarin ang usapin ng mga taong inaresto o dinukot at ikinulong sa mga lihim na piitan ay inisyatiba ng Federacion Latinoamericana de Asociaciones de Familiares de Detenidos-Desaparecidos o Fedefam, isang asosasyon ng iba't ibang grupo sa Latin America na kumikilos laban sa lihim na pagbibilanggo at pagdukot. Ilang taon na itong ginugunita sa iba't ibang bansa at ng mga organisasyon tulad ng Amnesty International, Office of the UN High Commissioner on Human Rights at International Committee of the Red Cross.

_________________________

Ekstrahudisyal na pamamaslang, nagpapatuloy

Nagpapatuloy pa rin ang mga kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa kabila ng pagyayabang ng rehimeng Aquino na pinapahalagahan nito ang mga karapatang-tao sa bansa. Nitong huling linggo ng Agosto, dalawang magsasaka ang naging biktima ng death squad. Isa ang napatay at isa ang nakaligtas sa kamatayan.

Ang pinakahuling biktima ay si Roger Bantog Jr., 33 taong gulang na magsasaka at tanod ng Barangay Caguiba, Camalig, Albay. Noong Agosto 28, pinuntahan siya sa kanyang bahay ng dalawang armadong lalaki na nagpakilalang tauhan ng Commission on Human Rights (CHR). Habang kinakausap ang biktima ay malapitan itong binaril ng dalawa. Pinulot pa ng mga salarin ang mga basyo ng bala bago sila umalis. Tinangay nila ang motorsiklo ng biktima.

Nadala pa rin sa ospital si Bantog Jr. pero dahil sa tindi ng kanyang tama ay nalagutan din ito ng hininga.

Naniniwala ang mga kamag-anak ni Bantog Jr. na mga ahente ng militar ang may kagagawan ng brutal na pamamaslang. Tanging mga sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang may motibong paslangin si Bantog Jr. dahil sa pagiging kasapi nito ng Partido Anakpawis.

Sa Negros Occidental naman, nasugatan si Elmer Cabahug, 33 taong gulang at kasapi ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), nang pagbabarilin siya at iba pang mga magbubukid ng mga tauhan ng Revolutionary Proletarian Army (RPA) noong Agosto 27 sa Sityo Calintaan, Barangay Lopez Jaena, Sagay City.

Nagtatanim ng mais sa isang bakanteng lote sina Cabahug nang dumating ang sampu-kataong grupo ng RPA na pinamumunuan ni Remar Agabon. Pinagbabaril sila ng mga tauhan ng RPA nang tumanggi silang lisanin ang erya. Tinamaan sa kanang binti si Cabahug at dinala sa Don Vicente Gustilo Hospital sa katabing bayan ng Escalante.

Dumating ang mga pulis sa lugar ng pinangyarihan ng pamamaril ngunit wala na silang nadatnan na mga kasapi ng RPA. Bukod kay Agabon, nakilala ni Cabahug ang tatlong iba pang kasapi ng RPA na sina Jimmy Ordanesa, Reynante Ordanesa at Angel Bucaling.

Ang RPA ay armadong grupo na itinatag nina Arturo Tabara at Nilo de la Cruz mula sa mga kasapi ng Bagong Hukbong Bayan na hindi pumaloob sa desisyon ng ika-10 Plenum ng Komite Sentral ng Partido at Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Noong 2000 ay pormal na lumagda ng memorandum of agreement ang RPA sa reaksyunaryong gubyerno ni Estrada at mula noon ay naging aktibong katuwang ito ng AFP laban sa PKP-BHB-NDFP at rebolusyonaryong masa.

_________________________

Panghahadlang sa usapang pangkapayapaan, mariing binatikos

Hindi interesado ang rehimen ni Benigno Aquino III na makabuo ng mga kasunduan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na lulutas sa mga ugat ng armadong tunggalian at maglalatag ng daan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

Ganito ang pahayag ni Kasamang Fidel V. Agcaoili matapos ng sunud-sunod na pahayag at mga hakbangin ng mga negosyador ng gubyerno ng Pilipinas (GPH) na lumalapastangan sa mga umiiral na kasunduan at sumisira sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GPH at ng NDFP.

Binatikos ni Agcaoili ang paglabag ni Alexander Padilla, pinuno ng negotiating panel ng GPH, sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantess (JASIG) nang ideklara niya itong "walang bisa", na maaari lamang gawin ng pinuno ng GPH matapos ipaabot ang "notice of termination" 30 araw bago ang pagpapawalambisa. Ayon kay Agcaoili, sa pagpapawalambisa ni Padilla sa JASIG ay nalagay sa panganib ang buhay ng mga sangkot sa negosasyon.

Tinuligsa rin ni Agcaoili ang hindi paggalang ng GPH sa mga naunang kasunduan. Ayon kay Agcaoili, malinaw sa kasunduan ng NDFP at GPH noong Enero na palalayain nito ang 17 konsultant ng NDFP bago magbukas ang pormal na usapang pangkapayapaan noong Pebrero 15. Sa ngayon ay lilima pa lamang ang konsultant ng NDFP na pinalaya ng GPH.

Bago ito ay nagpahayag din si Padilla na hindi dapat palayain ang mga konsultant ng NDFP dahil hindi pa pinalalaya ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga bihag-sa-digma o prisoner of war (POW) sa Mindanao. Ani Agcaoili, hindi saklaw ng JASIG ang mga POW na inaresto ng BHB at may karapatan ang rebolusyonaryong kilusan sa isla na imbestigahan ang mga POW dahil sa mga kasong isinampa ng mamamayan sa kanila sa hukumang bayan.

Samantala, binatikos din ni Agcaoili si Deles dahil sa mga pagmamaniobra niya laban sa prosesong pangkapayapaan. Ani Agcaoili, pilit binabago ni Deles ang kasalukuyang kaayusan ng usapan kapwa sa pagitan ng GPH at NDFP at GPH at Moro Islamic Liberation Front (MILF).

Sa halip na kilalanin ang usapang pangkapayapaan bilang nagpapatuloy na proseso, nais ibasura ni Deles ang mga dati nang napagkasunduan ng GPH at NDFP. Kabilang dito ang JASIG at ang batayang dokumentong The Hague Joint Declaration na nagtatakda sa katangian at takbo ng usapan. Nais din ni Deles na palitan ang bansang tagapamagitan sa usapan ng GPH at MILF bago ituloy ang pormal na negosasyon.

_________________________

Alok na awtonomya ni Aquino, tinanggihan ng MILF

Bumalik sa "zero" ang antas ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gubyerno ng Pilipinas at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil hindi matanggap ng mamamayang Moro ang iniaalok na huwad na awtonomya ng rehimen ni Benigno Aquino III. Bunsod nito, maagang tinapos noong Agosto 23 ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GPH na idinaos sa Kuala Lumpur, Malaysia. Nakatakda sana itong maganap mula Agosto 22 hanggang 24, ayon sa MILF Peace Panel.

"Langit at lupa" ang agwat ng "compact peace proposal" na inihapag ng GPH negotiating panel at ng panukala ng MILF para sa isang "substate". Ang panukala ng GPH na hindi humaharap sa mga saligang usapin ng sariling pagpapasya ng mamamayang Moro ay agad na itinakwil ng mga negosyador ng MILF na nagsabing kaagad iyon iuulat sa kanilang Komite Sentral. Nalagay sa bingit ng pagbagsak ang negosasyon matapos hindi tanggapin ni Atty. Marvic Leonen, pinuno ng panel ng GPH, ang pagtakwil ng MILF sa panukala ng gubyerno.

Ayon kay Mohagher Iqbal, pinuno ng MILF peace panel,, 14 na taon nang tumatakbo ang negosasyong pangkapayapaan sa pagitan ng MILF at GPH at nitong huli ay nagkasundo sa Tokyo, Japan sina Aquino at Murad Ebrahim, tagapangulo ng MILF, na pabilisin ang paghahanap ng solusyon sa problema ng mamamayang Moro. Iniatras na ng MILF ang iginigiit nito noong "secession" o lubos na paghihiwalay sa GPH at ang isinusulong na lamang ay ang pagbubuo ng isang mala-independyenteng estado o "substate." Subalit tinugunan ito ng GPH ng "kasunduang pangkapayapaan" na baligtad sa hangarin ng mamamayang Moro.

Sa kaayusang inihapag ng GPH, isang "gubyernong transisyon" ang bubuuin kung saan ang MILF ay magiging sangkatlo (1/3) lamang sa mga mamamahala rito. Ang nalalabing bahagi ay bubuuin ng GPH at mga kinatawan ng mga sibilyang organisasyon. Ang ipinapanukalang tunay na awtonomya ng MILF sa anyo ng "substate" ay tinugunan ng GPH ng "reintegrasyon" sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Binansagan ito ng GPH na "enhanced autonomy" or pinaunlad daw na awtonomya.

Sa "reintegrasyon," magiging minoryang pwersa na lamang ang MILF. Isa pa, ang gubyernong transisyon ay direktang ipapailalim sa Office of the President, o kay Aquino, dugtong pa ni Atty. Michael Mastura, isa sa mga pangunahing kasapi ng MILF Peace Panel. Kaya ito tinanggihan ng panel at patuloy na iginigiit ang kahilingang "substate".

Binansagan din nina Iqbal at Mastura na "malisyoso" ang walang pahintulot na paglakip ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga pangalan ng apat na lider nila sa listahan ng magiging "Acting Governor" ng ARMM. Ito ay sina Aleem Abdulaziz Mimbantas, MILF Vice Chairman for Military Affairs; Ghadzali Jaafar, MILF Vice Chairman for Political Affairs; Atty. Michael Mastura; at Hj. Abdula Camlian.

Hindi kinikilala ng MILF ang ARMM dahil sa kabila ng 15 taong pag-iral nito ay wala itong pagbabagong idinulot sa kabuhayan ng mamamayang Moro. Kung mayroon mang pagbabago, ani Iqbal, iyon ay sa mga buhay lamang ng mga upisyal ng ARMM.

_________________________

Sabwatang Dutch, US at GPH laban kay Ka Joema, nakumpirma

Malaon nang ibinunyag ng Ang Bayan, ang upisyal na pahayagan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), ang sabwatan ng mga gubyerno ng Pilipinas (GPH), The Netherlands at US laban kay Ka Jose Maria "Joema" Sison, pangulong tagapagtatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).

Nakumpirma pa ito nang mabunyag ng WikiLeaks ang isang "memo" para sa US State Department ng ihinanda ni Kristie Kenny, dating embahador ng US sa Pilipinas. Ang WikiLeaks ay isang website na nagsisiwalat ng masasamang gawain ng mga gubyerno.

Ayon sa WikiLeaks, nagpadala si Kenny ng telegrama noong Setyembre 4, 2007 sa US State Department para iulat na noong Setyembre 3 ng umaga ay dumalaw sa kanyang bahay si Foreign Affairs Secretary Alberto Romulo. Masayang ikinwento ni Romulo kay Kenny ang ilang taong pagtutulungan ng gubyernong Dutch at ng gubyernong Pilipinas para makabuo ng matibay na kaso laban kay Sison.

Si Sison ay nakadistyero sa The Netherlands mula noong 1987 at nakatira sa Utrecht. Siya ang punong konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan. Inaresto siya ng mga pulis na Dutch noong Agosto 28, 2007 sa gawa-gawang kasong pagpatay kina Romulo Kintanar at Arturo Tabara.

Masaya umano si Romulo bunsod ng pagkakahuli ng mga awtoridad ng The Netherlands kay Sison. Sinabi ni Kenny na dahil may malaking interes ang gubyernong US sa pagtugis sa mga "terorista", nananalig si Romulo na handang tulungan ng US ang gubyernong Dutch sa kaso laban kay Sison. Gayunpaman, makaraan ang dalawang linggong pagkakabilanggo ay pinalaya si Sison ng mga awtoridad ng The Netherlands dahil sa kawalan ng ebidensya.

Sa kabila ng kabiguang ito, desperadong nagbalak pa rin ang rehimeng Arroyo noong Abril 2009 sa pamamagitan ni National Security Adviser Norberto Gonzales na "patalsikin" sa The Netherlands si Sison at ibalik siya sa Pilipinas para papanagutin sa mga gawa-gawang kasong pagpatay laban sa kanya. Nabigo rin ang pakana ni Gonzales laban kay Kasamang Joema.

_________________________

8 patay, 14 nasugatan sa kaaway sa mga bigwas ng BHB

Walo ang napatay at 14 pa ang nasugatan sa tropa ng militar sa mga bigwas ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Albay, Capiz at Aurora nitong huling dalawang linggo ng Agosto.

Albay. Tatlong sundalo ng 7th Scout Ranger Company na nakasakay sa isang KM 450 na trak ang nasugatan nang isnaypin sila ng isang yunit ng Santos Binamera Command (SBC) ng BHB noong Agosto 31. Naganap ang pag-iisnayp bandang alas-6 ng umaga sa Purok 3, Barangay Morera, Guinobatan.

Para hindi mapahiya ang Scout Rangers, agad na sinabi ni Maj. Narsan Obeyes, tagapagsalita ng 2nd IB, na 30 Pulang mandirigma ang nagsagawa ng ambus. Sa katunayan, ayon sa koresponsal ni Ka Florante Orobia, tagapagsalita ng SBC, isang maliit na tim lamang ang naglunsad ng isnayping na tatlong beses lamang nagpaputok.

Dagdag na kasinungalingan ng militar na ang inatakeng mga sundalo ay nagbibigay daw ng "libreng sakay" sa mga pasaherong na-istranded umano dahil sa isinagawang welga ng sektor ng transportasyon sa buong Bicol. Ang totoo ay kanilang ibinabyahe ang mga sundalo pauwi sa kanilang himpilan sa Pili, Camarines Sur mula sa ilang araw na operasyong militar sa Sorsogon.

Capiz. Isang sundalo ang napatay at lima pang kasamahan nito ang nasugatan, kabilang ang dalawang upisyal ng Bravo Coy ng 61st IB nang tambangan sila ng isang platun ng BHB sa ilalim ng Jose Percival Estocada, Jr. Command (JPEC) ng Central Panay noong Agosto 28 sa bayan ng Tapaz.

Mula sa Barangay Lagdungan, Tapaz ang mga sundalo ay iikot sana sa iba pang yunit militar bandang alas-10 ng umaga nang pasabugan ang sinasakyan nilang KM 450 sa hangganan ng Barangay Bagong Baryo at Barangay Switch, Tapaz. Kasunod nito ay pinaulanan ng bala ang sasakyan. Napatay ang drayber nito at nasugatan sina 1Lt. Joselito Dalida, company commander ng Bravo Coy; 2Lt. Lisbon Caesar Brawner, lider ng platun; at dalawang iba pa. Isang sundalo lamang ang hindi nasugatan.

Samantala, hindi na nakaresponde ang isang trak ng militar na magrereimpors sana sa mga tinambangang pwersa dahil nahulog ito sa bangin sa Sityo Ambulong, Barangay Malitbog, Tapaz at nasugatan ang sundalong nagmamaneho nito.

Ang pananambang ay pangatlong aksyong militar laban sa berdugong 61st IB mula noong Agosto 23. Noong alas-10 ng umaga ng Agosto 23 ay hinaras ng isang yunit ng BHB ang isang "Peace and Development Team (PDT)" ng Charlie Coy ng naturang batalyon na nakahimpil sa isang paaralang elementarya sa sentro ng Barangay Tacayan. Noon namang hapon ng Agosto 28 ay binulabog ng isa pang yunit ng BHB ang isa pang PDT na nakahimpil din sa paaralang elementarya sa Barangay Acuna. Tiniyak ng mga Pulang mandirigma ang kaligtasan ng mga sibilyan bago ilunsad ang mga aksyong harasment.

Aurora. Nagtamo ng malaking pinsala ang 48th IB nang pitong sundalo ang napatay at anim na iba pa ang nasugatan nang makaengkwentro nila ang isang yunit ng Domingo Erlano Command (BHB-Aurora) sa Barangay Dikapinisan, San Luis noong alas-6:30 ng umaga ng Agosto 23.

Upang itago ang kanilang mga kaswalti, hinakot ng militar ang mga patay sakay sa isang helikopter. Pero bago ito, inistraping muna ng helikopter ang kabundukan ng Dikapinisan at pinasabugan ng bomba para masigurong walang nakaantabay na mga isnayper ng BHB. Dumating sa PNP Provincial Headquarters ang helikopter bandang alas-4:30 ng hapon at maraming nakakita sa pagbaba ng pitong bangkay ng mga sundalo.

Ang mga sugatan naman ay isinakay sa bangka at idinaong sa Baler Fishport mga alas-9 na ng gabi. Sa pitong mga sugatan, tatlong sundalo ang may tama sa katawan, dalawa ang may sugat sa likod at isa ay sa paa tinamaan.

Ang huling bigwas na ito ng BHB laban sa militar sa Aurora ay mariing sampal sa AFP, PNP at dinastiyang Angara dahil sa ipinagmamayabang nila na "insurgency-free" o wala nang BHB ang lalawigan ng Aurora.

_________________________

Mga aksyong militar sa Southwest Negros

Naglunsad ng mga aksyong militar ang mga Pulang mandirigma na nasa ilalim ng Armando Sumayang Jr. Command ng Bagong Hukbong Bayan sa Southwest Negros Front noong Agosto 5-19 laban sa mga tropa ng 47th IB, mga aset nito at mga sagadsaring kontra-rebolusyonaryong elemento.

Noong Agosto 15, sinunog ng mga Pulang mandirigma ng BHB ang motorsiklo ng isang sundalo ng 47th IB sa Sityo Cambogui-ot, Barangay Camindangan sa Sipalay City, Negros Occidental.

Tatlong araw bago ito, sa Sityo Linumsan sa Barangay Camindangan pa rin, binulabog ng isang tim ng BHB ang mga sundalo ng 47th IB na nakahimpil sa bahay ng kanilang aset na nakilala lamang na si JR. Sa sobrang pagkataranta ay nagtakbuhan ang nahintakutan na mga sundalo sa iba't ibang direksyon. Hindi man lamang nila nadala ang kanilang mga sandata.

Ayon sa mga nakasaksi sa aksyong harasment, limang sundalo ang napatay. Dalawa rito ay dinala sa kanilang detatsment at ang tatlo naman ay nasa isang bakanteng lote sa Sityo Cambinunyag. Bandang huli ay isinakay ang mga bangkay sa helikopter na lumapag sa bayan ng Valladolid.

Noon namang Agosto 5, sinalakay ng isang yunit partisano ng BHB ang isang videoke house sa Sityo Bactolon, Barangay Camindangan kung saan nag-iinuman na mga sundalo ng 47th IB. Dalawang sundalo at kanilang aset paniktik ang nasugatan. (Basahin ang isyu ng Agosto 7 para sa dagdag na detalye.)

Samantala, ipinatupad ng isang tim ng BHB ang utos ng Hukumang Bayan na parusahan si Raymundo "Monding" Agaze sa Sityo Makilo, Barangay Camansi, Kabankalan City noong Agosto 19. Ayon kay Ka Andrea Guerrero, tagapagsalita ng Armando Sumayang Jr. Command ng BHB-Southwest Guerrilla Front, si Agaze, na residente ng Barangay Pinggot sa bayan ng Ilog, ay inakusahan ng panggagahasa sa kanyang katulong na isang menor de edad noong 2006. Noong taon ding iyon ay isinampa sa Hukumang Bayan ang kasong reyp laban kay Agaze.

Nilitis ang kaso sa presensya mismo ng biktima at ng isinakdal. Inamin ni Agaze ang ginawang panggagahasa sa biktima at nangakong magbayad ng danyos. Nangako rin siyang hindi na gagawa ng anumang krimen.

Nagkasundo ang biktima, pamilya nito at si Agaze. Pero noong 2008, tinangkang patayin ni Agaze ang ama ng biktima nang pagbabarilin niya ito. Bunsod nito, inakyat ng lokal na Hukumang Bayan ang parusang kamatayan laban kay Agaze sa Panrehiyong Hukumang Bayan. Awtomatikong nirepaso ng mataas na hukumang bayan ang kaso at pinagtibay ang desisyon ng mababang hukumang bayan.

_________________________

Mga litrato at bidyo ng mga bihag-sa-digma, ipinalabas sa midya

Isinapubliko noong Agosto 29 ang mga larawan at bidyo ng apat na tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na bihag-sa-digma ng Bagong Hukbong Bayan. Mahigit isang buwan na ang nakararaan mula nang sila ay dakpin sa Bukidnon.

Ang mga kinunan ng mga litrato at video clip noong Agosto 24 ay sina Jail Warden Ericho Dacillo Llamasares, Jail Inspector Murphy Bonoway Todyog, Special Jail Officer 2 Rogelio Begontes at Jail Officer 1 Rolando Delta Bajoyo, Jr. Ilang araw pagkaraan nito ay ipinalabas din ang mga litrato at video clip nina Mayor Henry Dano ng Lingig, Surigao del Sur at dalawang eskort na militar nito.

Ipinanawagan ng mga tauhan ng BJMP at nina Mayor Dano na pabilisin ang negosasyon para sa agaran nilang paglaya. Sa partikular, hiniling nila ang pagtigil sa mga "rescue operations". Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang mga opensibang militar ng Eastern Mindanao Command, bagay na nakaaantala sa mabilis at ligtas na pagpalaya sa mga bihag sa digma at kina Dano.

Samantala, tinitiyak ni Rubi del Mundo, tagapagsalita ng NDF-Southern Mindanao Region, na umaalinsunod lahat sa Protocol 1 ng Geneva Convention at ng Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law ang kanilang pagtrato sa mga bihag.


_________________________

Badyet pangkalusugan, tinapyasan

Mariing tinututulan ng iba't ibang sektor ang pagtapyas sa 2012 badyet pangkalusugan. Pinamunuan ng Kilos Bayan para sa Kalusugan ang mga aksyong protesta sa Department of Health (DOH) noong Agosto 24 at sa Kongreso noong Agosto 25. Iginigiit nila ang pagtataas ng badyet sa pampublikong pangangalaga ng kalusugan.

Kulang na kulang ang inilaang P42.693 bilyong badyet para sa 2012, ayon kay Dr. Geneve Rivera, pangkalahatang kalihim ng Health Alliance for Democracy (HEAD). Hindi ito sapat para tumbasan ang pangangailangan ng mga pampublikong ospital.

Kahit piso ay walang itinaas sa badyet para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE o gastusin sa pang-araw-araw) ng limang ospital na kabilang sa 12 espesyal na ospital na nakabase sa National Capital Region (NCR), at sa 18 lokal na ospital sa buong bansa. Sa katunayan, nitong 2011, binawasan pa ng P70.8 milyon ang badyet sa MOOE ng walong ospital sa NCR. Binawasan din ang MOOE ng Jose Reyes Memorial Medical Center ng P9.3 milyon at ang badyet ng San Lazaro Hospital ng P6.5 milyon.

Nagtanggal din ng P70.8 milyon mula sa MOOE ng Philippine Heart Center, National Kidney and Transplant Institute at Philippine General Hospital habang P363.7 milyon naman ang kinaltas sa MOOE ng lahat ng mga ospital sa labas ng Metro Manila.

Dahil sa pagtapyas, napilitan ang ilang ospital gaya ng Philippine Orthopedic Center na taasan ang singil sa mga serbisyong medikal gaya ng X-ray. Ang singil nitong mula P120 patungong P250 ay malaking pabigat para sa mahihirap.

Mas malala pa, ang malaking bulto ng badyet para sa kalusugan ay inilalaan sa Philhealth na hindi naman napakikinabangan ng mahihirap dahil kulang sa gamit ang mga pampublikong ospital. Kaya napipilitan ang mga kasapi nito na gumastos ng sariling pera para sa mga serbisyong medikal na obligadong ipagawa sa mga pribadong ospital o pasilidad. Ang mahihirap na pasyente na walang sapat na perang pambayad sa ospital ay inoobligang magbigay ng collateral gaya ng cellphone at relo.

Ang ipinagmamalaki ng gubyernong Aquino na pagtaas nang P10 bilyon sa badyet ng DOH ay mapupunta lamang sa mga proyektong Public-Private Partnership (PPP). Dito manggagaling ang pondo ng gubyerno na inilalaan sa iskemang PPP sa 25 panrehiyong ospital na aabot ng P3 bilyon. Ang iskemang ito ay nakabatay sa programang pribatisasyon ng pangangalaga sa kalusugan at corporatization (o pagpapatakbo bilang korporasyon) ng mga pampublikong ospital.

Iginigiit ng mga manggagawang pangkalusugan ang alternatibong badyet pangkalusugan sa 2012 na aabot sa P90 bilyon. Lahat ng 12 espesyal na ospital ay dapat tumanggap ng P1 bilyon badyet at ang mga pampublikong ospital ay dapat may P500 milyon badyet bawat isa. Gagamitin ito para mapaunlad at mapalitan ang mga luma at sirang kagamitan at matiyak na mayroong sapat na suplay ng gamot at iba pang medikal na pangangailangan sa kanilang mga botika.

Ipinaglalaban din nila ang P6,000 na pagtaas ng minimum na sahod para sa lahat ng mga manggagawang pangkalusugan ng gubyerno. Ang sahod ng isang nars ay dapat maging P24,887 bawat buwan at ang sa doktor naman ay dapat P50,000. Kailangan ding magkaroon ng angkop na pondo para sa kanilang kagalingan. Higit sa lahat, dapat magbigay ang gubyerno ng libreng serbisyong medikal sa mahihirap.

_________________________

Badyet sa mga SUC, muling binawasan

Muling binawasan ng rehimeng Aquino ang badyet sa mga pampublikong unibersidad at kolehiyo (State Universities and Colleges o SUC) para sa darating na 2012.

Ayon sa Kabataan Party, aabot na lamang sa P21.8 bilyon ang badyet sa susunod na taon, mas mababa sa badyet ngayon na P22.03 bilyon. Binawasan din ng P569 milyon ang badyet ng mahigit 50 SUC sa bansa. Kabilang dito ang P250.9 milyon na kaltas sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) sa 45 SUC at P403.3 milyon sa Personnel Services o pagpapasweldo sa mga guro at empleyado sa 58 na SUC. Walang badyet na ibinigay para sa pagpapagawa ng mga bagong klasrum o gusali o tinatawag na capital outlay.

Mariing binatikos ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Party ang gagawing pagbabawas sa badyet sa mga SUC. Ayon kay Palatino, sa halip na bigyan ng pagkakataon na makapag-aral ang mahihirap na kabataan ay nilakihan ang pondo para sa Conditional Cash Transfer (CCT) na programang palimos at insulto lamang sa mahihirap. Lumobo nang 86% o P18.3 bilyon ang pondo ng CCT habang nagdagdag ng P7.1 bilyon naman para sa Public-Private Partnership (PPP).

Nagprotesta ang mga estudyante, guro at kawani ng mga SUC sa tapat ng Batasan Pambansa noong Agosto 25 habang dinidinig ang nasabing badyet. Ilang estudyante ang nasugatan nang itaboy sila ng mga pulis at ginamitan ng water cannon. Nagbanta naman sila na sa darating na Setyembre 15 hanggang 26 ay maglulunsad sila ng serye ng mga kilos-protesta at walkout sa mga klase.

_________________________

Inutil ang rehimeng Aquino sa harap ng epidemyang dengue

Tumitingkad ang pagkainutil ng gubyernong Aquino na lutasin ang lumalalang epidemya ng dengue fever. Nitong mga nagdaang linggo, tumingkad ang labis na kakulangan ng mga pasilidad ng mga pampublikong ospital para harapin ang dumaraming mga kaso ng dengue. Kulang na kulang ang mga kama (na karaniwa'y ipinagagamit na sa dalawa o tatlong batang pasyente) at ang iba ay sa pasilyo na inihihiga. Ang ibang mga pasyente ay nagdadala na lamang ng sarili nilang mga higaan.

Nitong unang walong buwan ng 2011, umabot na sa mahigit 56,000 ang kaso ng dengue at 321 na ang namamatay. Sa National Capital Region (NCR), karamihan sa mga kaso ay naitala sa Quezon City, Caloocan City at Maynila.

Bukod pa sa NCR, tumaas din ang mga kaso ng dengue sa Region 1 (286%), sa Region 2 (103%) at sa Region 3 (225%). Nagkaroon ng mga kaso ng dengue sa 16 na lunsod at munisipalidad sa buong bansa. Sa Central Luzon, halimbawa, nagkaroon ng 2,172 kaso sa Pampanga; 3,096 sa Bulacan; 2,080 sa Nueva Ecija; 1,213 sa Tarlac; 593 sa Bataan; 398 sa Zambales; at 126 sa Aurora.

Sa halip na maglabas ng pondo para tulungan ang mga ospital, pinagbawalan pa ni Benigno Aquino III na gamitin ang pondong pangkalamidad ng ilang mga lokal na pamahalaan kung hindi naman daw malala ang kaso sa kanilang lugar.

Epidemyang dengue, salamin ng bulok na lipunan. Ayon sa mga pananaliksik, mas mataas ang bilang ng nagkakasakit ng dengue fever, malarya, leptospirosis at mga nakahahawang sakit sa mga lugar na sobrang dami ang populasyon, siksikan ang kalagayan, marumi ang paligid, walang sistema ng malinis na tubig at walang maayos na sistema sa pagtapon ng basura.

Resulta ito ng kapabayaan ng gubyerno na bigyan ng karampatang panlipunang serbisyo ang mga naninirahan sa mga komunidad ng iba't ibang lunsod. Sa harap nito, walang ibang maireseta ang Department of Health kundi ang manawagan ng paglilinis ng paligid. Subalit walang ginagawa ang rehimeng Aquino para isaayos ang mga pampublikong imprastruktura upang tiyakin ang kaayusan at kalinisan sa tirahan ng ilang milyong pamilya sa kalunsuran.

Lalong walang ginagawang hakbangin ang gubyerno upang maisaayos ang kabuhayan ng milyun-milyong walang hanapbuhay at nagtitiis sa mga barungbarong. Ang totoo, nagtitiis ang mga residente sa ganitong kalagayan dahil karamihan sa kanila'y walang mapagkakitaan sa kanayunan. Ang iba naman ay naitaboy sa kalunsuran dahil sa matinding militarisasyon sa kanayunan.

Walang pangmatalagang plano ang gubyernong Aquino sa pagharap ng epidemya kahit taun-taon ay alam naman nitong kumakalat ang naturang sakit.


_________________________

Malawakang tanggalan ng mga manggagawa sa US at Eurozone

Salamin ng nagpapatuloy na krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang malawakang tanggalan sa trabaho sa pinakamalalaking kumpanya sa buong mundo. Libu-libong manggagawa ang tinanggal na at nakatakda pang tanggalin sa malalaking bangko at iba't ibang linya ng industriya sa US at mga bansa sa Eurozone.

Pinakamatingkad ang naganap na malawakang tanggalan sa sektor ng pagbabangko nitong Agosto kung saan umabot sa mahigit 60,000 ang sinesanteng mga empleyado.

Tanggalan sa malalaking bangko (Agosto 2011)
Bangko Bansa Tinanggal Tatanggalin
HSBC UK 2,000 30,000
BoA US 3,500 35,000
Lloyds Bank UK 2,000 15,000
RBS UK 2,000 67,000
UBS Switzerland 3,500 5,000
Barclay UK 3,000  
ABN-Amro Sweden 2,350  
Credit Suisse Switzerland 2,000  
Total 20,350 152,000


Partikular sa US, umabot sa 66,414 empleyado ang tinanggal noong Hulyo. Balak namang tanggalin ng United States Postal Service ang 120,000 manggagawa nito sa harap ng mga pagbabawas sa badyet ng gubyerno para sa mga pampublikong serbisyo. Sa mga pribadong kumpanya, mahigit 16,300 manggagawa ang sinipa ng Pfizer Company at 11,000 ng EON Computers ng US nitong Agosto.

Labing-anim na buwan nang sunud-sunod na tumataas ang bilang ng mga pinatatalsik sa trabaho. Ang naitalang bilang noong Hulyo ay 60% mas mataas kumpara noong Hunyo at 57% mas mataas kung ihahambing noong Hulyo 2010.

Tanggalan sa US (Hulyo 2011)
Kumpanya Tinanggal Tatanggalin
Merck & Co., 15,000  
Borders 10,700  
Cisco System Inc. 6,500 12,050
Lockheed Martin 6,500  
Boston Scientific 1,400  
State & Local Gov’t 12,050  
Colleges & Universities 1,914  
United States Postal Service   120,000
Total 54,064 132,050


Mahigit limang milyong manggagawa at empleyado na ang nawalan ng trabaho nitong nagdaang tatlong taon mula nang sumadsad sa resesyon ang ekonomya ng US noong 2008, na sinundan ng krisis sa iba't ibang bansang kapitalista.

Lalong bumibilis ngayon ang tanggalan sa trabaho matapos masaid ang $16 trilyong pondong ipinansalba ng gubyernong US sa malalaking bangko at iba pang dambuhalang kumpanya. Ang pondong pansalba na ito ay pansamantalang nakatulong para hindi tuluyang malugi ang mga kumpanya. Gayunman, nilustay lamang ito ng malalaking kapitalista.

Ang malawakang tanggalan ng mga manggagawa ay tanda ng desperasyon ng mga kapitalista na ibaba ang gastusin sa produksyon at patuloy na itaas ang tantos ng kanilang tubo sa harap ng patuloy na pagtumal ng mga pamilihan. Sa paglaki ng bilang ng mga walang hanapbuhay, lalong nahihila pababa ang sahod ng mga manggagawa.

Ang tuluy-tuloy na paglaki ng hukbo ng walang hanapbuhay ay nagbabadya ng lalong paglala ng kalagayan ng mga manggagawa sa mga darating na taon. Magdudulot ito ng matinding kahirapan at kapinsalaan sa uring manggagawa at sa iba pang sektor ng mamamayan. Nararamdaman na ito hindi lamang sa US at Europe kundi sa buong mundo. Sa kabilang banda, ang malawakang tanggalan ay lilikha ng kalagayan para mapukaw ang kanilang makauring kamulatan at maituro sila sa landas ng sosyalistang rebolusyon.

_________________________

Pambansang protesta ng mga drayber, matagumpay

Matagumpay ang inilunsad na pambansang protesta ng mga drayber at mamamayan noong Agosto 31 para tutulan ang sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa pangunguna ng Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at iba pang mga progresibong grupo, iba't ibang porma ng pagkilos ang isinagawa sa mga lunsod at bayan sa bansa. Isang transport caravan mula Quezon City hanggang sa tanggapan ng mga kartel ng langis sa Makati City ang nilahukan ng mahigit 50 sasakyan. Mariin nilang binatikos ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa kabila ng tumitinding krisis na nararanasan ng mamamayan.

Ayon kay George San Mateo, pangkalahatang kalihim ng PISTON, sobra nang P9 ang itinaas ng presyo ng langis mula pa noong 2008. Hinihingan din ng PISTON ng P9 rolbak ang mga kumpanya ng langis. Dapat din anilang buksan ng Shell, Chevron at Petron ang kanilang mga libro de kwenta upang makita talaga kung totoong kailangang magtaas ng presyo at kung gaano kalaki ang kinikita ng mga kumpanyang ito, dagdag pa ni San Mateo. Binatikos din niya ang gubyerno dahil sa kawalang-aksyon nito para pigilan ang mga kumpanya ng langis. Partikular na tinukoy ni San Mateo ang Department of Energy na nagmimistulang tagapagsalita pa ng mga kumpanya ng langis.

Sumugod naman sa tanggapan ng Pandacan Oil Depot sa Maynila ang Bagong Alyansang Makabayan-National Capital Region (BAYAN-NCR) habang nagpiket naman sa ilang gasolinahan sa Sta. Mesa, Maynila at Philcoa sa Quezon City ang mga estudyante at kabataan.

Samantala, sa Bicol, umabot sa abereyds na 93% paralisado ang transportasyon matapos magsagawa ang mga drayber ng isang tigil-pasada. Ayon sa Concerned Drivers and Operators for Reform (CONDOR-PISTON), pinaralisa nila ang mga byahe sa Camarines Sur (85%), Albay (98%), Sorsogon (99%), Camarines Norte (92%), Masbate (95%) at Catanduanes (85%). Sa Southern Tagalog, naparalisa rin ang ilang byahe sa Balayan, Calaca, Lemery, Lipa, Sto. Tomas at Tanauan sa Batangas; Dolores, San Antonio at Tiaong sa Quezon; Dasmariñas at Silang sa Cavite; at 90% naman sa buong lalawigan ng Laguna. Nagkaroon din ng sabay na protesta sa mga syudad ng Baguio, Angeles, Santiago, Tuguegarao, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro, Butuan, Surigao at General Santos.

Ipinanawagan ng BAYAN ang pagbasura sa 12% na Value Added Tax sa langis at sa Oil Deregulation Law na matagal ng pasakit sa mga drayber at mamamayan. Nakakasa naman ang pambansang tigil-pasada ng iba't ibang transport groups ngayong buwan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Pinakahuling pagtaas ang P0.90 kada litro sa gasolina at P0.70 kada litro sa diesel ng Chevron at Shell.

_________________________

Kontraktwalisasyon sa PAL, itutuloy na

Simula Oktubre 1 ay sisimulan na ng maneydsment ng Philippine Airlines (PAL) ang outsourcing o pagkuha ng mga kontraktwal na manggagawa mula sa labas ng kumpanya. Dahil dito, mahigit 2,600 empleyado nito ang patatalsikin sa pamamagitan ng sapilitang pagpaparetiro.

Ang tatanggaling mga empleyado ay nagmula sa airport services, inflight catering at call center reservations ng PAL na ipapakontrata na sa ibang mga kumpanya.

Idinadahilan ng kumpanya na noong 2008-2009 ay nalugi ito dahil sa epekto ng pandaigdigang krisis. Sinang-ayunan naman ng Department of Labor and Employment noong 2010 ang pagpapakontrata ng naturang mga serbisyo sa labas. Inabisuhan na ng PAL ang mga empleyado tungkol sa tanggalan at maglalaan umano ang kumpanya ng separation pay' at iba pang benepisyo sa mga maaapektuhan.

Mariing kinundena ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang outsourcing ng PAL. Sinabi ni Elmer Labog, tagapangulo ng KMU na pinatunayan ng rehimeng Aquino na maka-kapitalista ito at pabor kay Lucio Tan na siyang may-ari ng PAL. Kung totoong nais ni Aquino na depensahan ang mga manggagawa at tigilan ang tanggalan ay hindi sana nito sinag-ayunan ang gayong hakbangin ng PAL noong Marso 25 at muli, nitong Agosto 11. Ani Labog, magandang balita ito para sa mga kapitalista tulad nina Tan, Henry Sy at iba pa para mapaigting nila ang kontraktwalisasyon sa mga manggagawa sa pamamagitan ng mga iskemang tulad ng outsourcing.

Nanawagan ang KMU sa mga manggagawa ng PAL na kumilos at magprotesta para ipagtanggol ang kanilang kabuhayan at huwag magpadala sa bitag ng PAL. Iginiit din ng KMU ang pagbasura sa mga anti-manggagawa at anti-mamamayang patakaran ng rehimen.