Pagkondena sa SAF PNP sa kanilang paglabag sa karapatang pantao

Macario Liwanag (Ka Karyo)
NPA Rizal (Narciso Antazo Aramil Command)
September 18, 2011

Mariing kinokondena ng Narciso antazo Aramil Command ang paglabag sa karapatang pantao na ginagawa ng Special Action Force (SAF PNP) sa ilalim ng pamumuno ni P/Insp. Mark Green Lagura.

Matapos ang matagumpay na panghaharas na inilunsad ng mga pulang mandirigma ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) sa kampo ng SAF-PNP sa Sitio San Joseph, Brgy San Jose, Antipolo City noong ika-13 ng Setyembre 2011 kung saan dalawa ang nasugatan sa hanay ng SAF, ay sunod sunod naman na pandarahas ang ginawa nila sa mga mamamayan ng nasabing barangay kabilang na ang mga sumusunod:

1. Noong Setyembre 14, 2011 sa ganap na ika-3 ng umaga, sakay ng brgy. Patrol, nagtungo ang anim kataong brgy. tanod sa sitio san Joseph upang rumesponde sa naganap na holdapan sa lugar upang imonitor kung ano ang narinig na putukan mula 11:30 ng gabi hanggang alas 2:00 ng madaling araw. Pagdating nila sa kampo ay hindi na sila pinadiretso, sa halip ay piniit pa ng humigit kumulang 20 miyembro ng SAF PNP. Pinaratangan silang diumano ay mga miyembro ng Bagong Hukbong Bayan. Nang itanggi nila ang akusasyon at patunayan na sila ay mga lehitimong brgy. tanod, pinadapa at saka walang habas na nagpaputok ang mga ito.Bagamat walang nasugatan, nagbunsod ito ng matinding takot sa mga brgy. tanod.

2. Nagsagawa ng mga checkpoints sa mga daan upang diumano’y tiyakin ang seguridad. Nagdudulot ito ng matinding takot at paga-alala sa hanay ng mga mamamayan lalo na sa mga kababaihan at mga bata.

3. Tuloy tuloy na operasyong pangkombat kung saan sila ay nagbabanta at nanghaharas sa mga mamamayan na pinaghihinalaan nilang mga tagasuporta ng Bagong Hukbong Bayan. Nagiging sanhi rin ito upang hindi na pumunta sa kanilang taniman at ulingan ang mga tao sa takot na basta na lamang sila pagbabarilin ng mga SAFP at palabasing mga kasapi ng BHB kagaya ng ginawa na nila sa maraming pagkakataon.

Ang mga ganitong gawi ng SAF PNP ay pagpapakita lamang ng kanilang kawalang kakayanan na protektahan at ipagtanggol ang mga sibilyan. Paglabag din ito sa Komprehensibong Kasunduan sa Paggalang sa Karapatang Pantao at Internasyunal na Makataong Batas (CARHIHL), isang kasunduang pinirmahan sa pagitan ng NDFP at GPH.

Patuloy na panghahawakan ng BHB ang layunin nitong ipagtanggol ang sambayanan laban sa mga mapagsamantala at mapang-api. Kaya’t umasa ang mga mamamayan na hindi titigil ang Bagong Hukbong Bayan sa paglulunsad ng mga taktikal na opensiba upang maparusahan ang yunit ng pasistang SAF PNP at mabigyang katarungan ang ginawa nilang mga kawalang hiyaan sa mga mamamayan.

Sa mga miyembro ng SAF PNP, kapag nagpatuloy kayo sa pananakit sa mga sibilyan, umasa kayo na magpapatuloy ang paniningil sa inyo ng Bagong Hukbong Bayan.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!