Panghaharas sa kampo ng SAF PNP, matagumpay

Macario "Ka Karyo" Liwanag
Narciso Antazo Aramil Command - NPA-Rizal
September 14, 2011

Matagumpay na hinarass ng mga pulang mandirigma ng Narciso Antazo Aramil Command (NAAC-NPA-Rizal) ang mga pwersa ng Special Action Force (SAF-PNP) kagabi, ika-13 ng Setyembre 2011 sa ganap na ika- 11:30 hanggang 12:00 ng gabi. Naganap ang nasabing harass sa kampo ng ng SAF PNP sa Sitio San Josef, Brgy. San Jose, Antipolo City, Rizal ilang kilometro lang ang layo sa mga kampo ng berdugong 16th IB-PA at ng mga detachment ng 59th IB-PA.

Sa loob ng 30 minutong pamumutok ng mga pwersa ng NPA, wala ni isa man sa mga miyembro ng SAF PNP na nasa loob ng detachment ang nagawang makaganti ng putok kabilang na ang kanilang detachment commander.

Nang matagal ng nakalayo at di na nagpapaputok ang mga pulang mandirigma ay saka pa lamang nagawang makaganti ng putok ng mga nasa loob ng detachment na umabot nang hanggang alas-dos ng madaling araw nang walang tiyak na target.
Ang taktikal na opensibang inilunsad ay tugon sa kahilingan ng mamamayan sa lalawigan ng Rizal na parusahan ang mga sagadsaring tagalabag sa karapatang pantao at mga pumipinsala sa ari-arian at buhay ng mga mamamayan.

Ito rin ay bahagi ng pagtugon sa pambansang panawagan ng Partido Komunista ng Pilipinas na maglunsad ng mas malaganap na mga taktikal na opensiba bilang bahagi ng pagsisikap na dalhin ang digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa loob ng limang taon.

Nagpapasalamat kami sa mga mamamayan kabilang na ang ilang makabayang myembro ng PNP at CAFGU-AFP at mga nagmamalasakit na opisyal ng gobyerno sa kanilang iniambag na tulong para maging matagumpay ang taktikal na opensibang ito. Ang mahigpit na pagtutulungan ng mamamayan at ng Bagong Hukbong Bayan ay magreresulta sa ibayo pang mga tagumpay at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan.

MABUHAY ANG BAGONG HUKBONG BAYAN!
MABUHAY ANG PARTIDO KOMUNISTA NG PILIPINAS!
MABUHAY ANG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!
MABUHAY ANG SAMBAYANANG PILIPINO!