19 tropa ng 50th IB patay sa tatlong labanan sa Cervantes, Ilocos Sur

Armando Silva
Alfredo Cesar Command, New People’s Army – Ilocos Sur
14 Oktubre 2011

Pilit mang itago at hindi aminin ng militar ang totoong kaswalti nila, hindi maililihim ang katotohanan hinggil sa tunay na bilang ng mga namatay at sugatang sundalo sa mga naganap na labanan sa Cervantes, Ilocos Sur noong huling linggo ng September 2011. Batay sa nasaksihan mismo ng mga mamamayan ng Cervantes, umaabot sa 19 na sundalong patay at anim na sugatan ang sinikap ng militar na ilusot sa mga lihim na rota. Ito ang pinal na bilang ng nakumpirmang kaswalti ng militar. Sa ambush na isinagawa ng NPA sa Brgy. Remedios noong umaga ng September 23, anim na patay na sundalo ang nakita ng mga masa na bitbit ng mga militar. Sa labanang naganap naman sa sitio Bulaga, Brgy. Aloling noong gabi ng September 24, sampung (10) patay na sundalo ang nakita ng masa na nakaratay sa ilalim ng tulay kinaumagahan ng September 25. Maliban dito, isinakay ang isang sugatang sundalo sa chopper noon ding September 25 at dinala sa ospital pero nakumpirmang ito ay tuluyang namatay. Sa labanang naganap sa sitio Maupong, Brgy. Concepcion noong hapon ng September 26, dalawa pa ang namatay na sundalo na nakita ng masang bitbit ng mga militar. Liban sa mga namatay, may anim na iba pang sugatang sundalo sa labanan noong September 23 na dinala sa ospital. Ang lahat ng mga kaswalting ito ay pawang mga tropa ng 50th IBPA.

Sa kabila nito, dalawang pulang mandirigma, sila Ka Dindo at Ka Likot, ang namartir sa isang enkwentrong naganap noong gabi ng September 24. Ang bangkay ni Ka Likot ay tinadtad ng bala ng mga militar kung kaya’t nadurog ang bungo at dibdib niya. Tuluyan na ring natanggal ang isa niyang mata dahil sa kababuyang ginawa ng mga pasista. Ang bangkay naman ni Ka Dindo ay natagpuan noon lamang hapon ng September 29. Ang mga naunang pagsisikap na hanapin si Ka Dindo ay nabigo dahil ipinagbawal ng militar na may makalapit sa lugar kung saan naganap ang labanan. Ngunit bunga ng pagpupursige ng mga kapamilya’t kababayan ni Ka Dindo, kasama ang mga masa ng Cervantes at mga nagmula sa human rights groups, natagpuan rin ang bangkay malapit sa lugar ng enkwentro .

Gawain ng militar ang magsinungaling kaugnay ng mga kaswalti nila sa labanan upang pagtakpan ang pagkabigo ng kanilang mga kontra-rebolusyonaryong kampanya. Katawa-tawa at hindi kapani-paniwala ang sinabi ni Col. Posadas, CO ng 503rd Infantry Brigade, na isa lang ang sundalong sugatan sa labanan noong September 23 habang isa naman daw ang namatay sa labanan noong September 24.

Sa kasalukuyang operasyong militar sa Cervantes, marahas na naghahari-harian ang militar. Ibinuhos ng AFP ang mahigit isang batalyong tropa sa naturang bayan. Sa kabila ng lagi nilang pagbubukambibig na sila ay nagtataguyod diumano ng kapayapaan, pag-unlad at karapatang pantao, muli na naman nilang ipinamalas ang marahas at mersenaryo nilang pagkatao bilang mga bayarang pasistang tropa ng Lepanto Consolidated Mining Inc. at iba pang malalaking minahan. Dahil sa laki ng kaswalting tinamo nila sa mga naganap na labanan, sila ay mistulang mga nagwawalang aso na bumibiktima sa mga inosenteng sibilyan. Hindi nila nirerespesto ang awtoridad ng lokal na gubyerno ng Cervantes at nilalapastangan nila ang karapatan ng mga sibilyan. Arbitraryo silang nagtayo ng mga checkpoint, pinuwestuhan ang maraming baryo at sinisindak ang mga masang magsasaka.

Pitong sibilyan ang arbitraryong hinuli nila at pinaratangang mga kasapi ng NPA. May hawak daw silang mga ebidensya na ang mga ito ay kasama sa mga naganap na labanan. Hinuli mula sa iba’t-ibang baryo ng Cervantes mula September 23 hanggang September 25 sina Kidsol Keeg ng barangay Remedios, Edward Galleto Galao ng Sitio Cabaroan, Barangay Concepcion, sila Francis Tengedan at Mateo Simongo Sawey ng barangay Aluling at si Hilario Waglan Bantiwan na tiga-Sitio Sisikan, Barangay Tabio, Mankayan, Benguet. Hinuli naman sa checkpoint sa Rosario, Cervantes noong October 2 sila Joy Ananayo Attiw na tiga Wangwang, Tinoc, Ifugao at Lunesa Bawayan Bonilla na tiga-Mabalite, Tadian, Mountain Province. Si Kidsol Keeg ay tuloytuloy na binogbog at pinahirapan ng mga militar bago pinalaya. Si Tengedan, isang provincial checker ng DENR, at si Sawey ay pinalaya din matapos ding pahirapan sa interogasyon. Ang apat na iba ay kinasuhan ng mga kasong murder, frustrated murder at rebellion at ikinulong.

Sa kabila ng malawak na pagtutol ng masa sa lugar, pinagpipilitan ng mga tropa ng 50 th IB na muling magtayo ng kampo militar sa Cervantes, partikular sa Brgy. Remedios. Ang ilang beses nilang pagtatangkang magtayo ng kampo sa Cervantes nitong nakaraan ay pawang nangabigo at sila’y paulit-ulit na itinaboy ng masa. Ang kampong naitayo nila sa Ilocos Sur Trade School sa Brgy. Rosario ay pinaalis ng masa noong Enero nitong taon dahil sa maraming abuso militar kabilang ang kaso ng pagmolestya at panggagahasa sa ilang babaeng estudyante ng naturang eskwelahan.

Anumang paglilihim at pambabaluktot na ginagawa ng militar sa mga datos, lilitaw pa rin ang katotohanan. Anumang panlilinlang na ginagawa nila, tulad ng mga pakitang taong medical service na isinagawa nila sa Cervantes at paulit-ulit nilang pagbubukambibig ng “kapayapaan at kaunlaran at pagrespeto sa karapatang pantao”, hindi nila maikukubli ang tunay nilang marahas at berdugong katangian. Anumang panggigipit at pananakot na ginagawa nila sa mga masang magsasaka at iba pang sibilyan ay lalo lamang nagpapaalab sa kapasyahan ng masa na lumaban. At higit sa lahat, anumang pagsisikap nila upang durugin ang NPA sa ilalim ng Oplan Bayanihan, hindi-hindi nila mahahadlangan ang patuloy na pagsulong ng armadong rebolusyonaryong kilusan.

Ang tagumpay ng mga labanang naganap sa Cervantes ay patunay sa kakayahan ng NPA na magdepensa sa harap ng marahas na atake ng pasistang militar, dahil ito ay nagtatamasa ng malawak na suporta ng masa.#