Gregorio ‘Ka Roger’ Rosal: Magiting na Bayani ng Sambayanan at mga Inaapi

Valeriano Oriente
Melito Glor Command-Timog Katagalugan
Oktubre 11, 2011

Noong Hunyo 22, 2011, sa edad na 64, pumanaw ang isang magiting na bayani ng sambayanan at mga inaapi—si Kasamang Gregorio Rosal na higit na nakilala sa tawag na Ka Roger—ang tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilinas, ang boses at mukha ng rebolusyonaryong kilusan, ang tagapaghatid ng magandang balita ng rebolusyon sa masang pinagsasamantalahan at inaapi, ang tinig ng pag-asa sa mga duhagi na dumadagundong sa buong kapuluan at punyal na tumatarak sa uring mapagsamantala.

Sa rebolusyonaryong mamamayang kanyang pinaglikuran, nakilala siya ng karaniwang masa bilang si Ka Zacarias, JO, Alf at marami pang pangalan sa pakikibaka. Sa kanilang lugar sa barangay Tala-ibon, bayan ng Ibaan, lalawigan ng Batangas mas kilala siya bilang ka Goring sa kanyang mga kababayan.

Kung papaano ang isang bayani ng masa ay isisilang mula sa isang karaniwang pamilyang magsasaka na hamak sa paningin ng lipunan subalit nahubog na isang matatag na lider ng mamamayan at rebolusyon ay isang bagay na hindi na kagulat-gulat. Itinatakda ng kalagayan at pusisyon sa lipunan ng bawat masang pinagsasamantalahan at inaapi ang marubdob na pagnanasang baguhin ang isang bulok-sa-kaibuturang sistema ng lipunang Pilipino. Isang katotohanan itong nakataga na sa bato, pinapanday at dinadalisay ng apoy ng pakikibaka. At si Ka Roger ay isa lamang sa libu-libo at patuloy na dumaraming naghanap at natagpuan ang tunay na solusyon—ang programa sa demokratikong rebolusyon ng bayan—sa tila walang lunas na sakit ng karukhaan, kagutuman, pang-aapi at pagsasamantala sa ating bansa.

Si Ka Roger ay kumilos bilang aktibista sa lalawigan ng Batangas noong dekada '70, ang dekada na puno ng panlipunang ligalig at pag-aaklas ng mga kabataan. Kabilang siya sa unang mga naging kasapi ng Kabataang Gabay ng Bayan (KGB), isang patriotikong organisasyon ng mga kabataang Batangueño. Kalaunan naging mga kasapi ng Kabataang Makabayan (KM) ang mga kasapi ng KGB. Isa si Ka Roger sa mga aktibong miyembro ng Kabataang Makabayan-Batangas Chapter. Nag-aaral siya sa Golden Gate Colleges nang marekrut sa KM. Mula noon madalang na siyang umuwi sa kanilang barangay sa Tala-ibon at ang buong panahon niya’y inuukol sa pagkilos. Dahil mula sa uring magsasaka, tuwing uuwi sa kanila, tumutulong siya sa pagsasaka ng kanyang ama na noon ay matanda na rin. Tatlo silang magkakapatid sa huli. May mga anak sa una ang kanilang ama. Likas kay Ka Roger ang pagiging masipag at maalalahanin at matulungin sa pamilya. Bago pa siya naging aktibo sa pagkilos sa KM, marami lugar siyang inabot sa paglalako ng kulambo para kumita at masustentuhan ang kanyang pag-aaral dahil sa kagustuhan makapagtapos. Sa pakikinig sa mga talumpati sa mga rali habang naglalako ng kulambo namulat at unti-unting nahubog ang panlipunang kamalayan ni Ka Roger.

Nang aktibista na siya, bukod sa pag-oorganisa sa hanay ng mga estudyante sa Golden Gate Colleges, Lyceum Batangas, Western Philippine Colleges at Batangas High School, kumilos din siya sa hanay ng mga manggagawa sa azucarera at tubuhan ng Batangas Sugar Central sa Balayan, Batangas.

Dahil sadyang hilig niya ang broadcast media, kumuha si Ka Roger ng airtime sa isang istasyon ng radyo sa Batangas City upang mabisang maipaunawa sa mamamayan ang mahahalagang usapin at isyung tampok ng panahong iyon. Ito ay sa programa ng KM Batangas.

Noong 1972, naglunsad ang KM Batangas Chapter ng Operasyon Tulong sa mga sinalanta ng bagyo sa paligid ng Laguna de Bay. Si ka Roger ay isa sa mga aktibong kumilos para makapangalap ng tulong mula sa mga kaibigan at masa. Kabilang din siya sa mga nangasiwa ng pamamahagi ng tulong sa mga sinalanta ng kalamidad. Hindi ito makakalimutan ng mga mamamayan naninirahan sa paligid ng Lawa ng Laguna. Iyon ang kauna-unahang Operasyon Tulong na nailunsad ng mga progresibo at militanteng kilusang kabataan noong panahong iyon.

Noong Agosto 23, 1972 nang isuspindi ni Marcos ang pribelihiyo ng writ of habeas corpus napilitan iwan ni Ka Roger ang syudad at nagtungo sa kanayunan ng Batangas para doon ipagpatuloy ang pagmumulat sa mga mamamayan. Makalipas ang ilang panahon ay bumalik ulit siya sa lungsod para muling kumilos dito. Naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas noong Agosto, 1972 bago ibagsak ni Marcos ang batas militar noong Setyembre 21, 1972.

Nang ipataw na ang batas militar, nagpasya ang ilang kabataan aktibista mula sa KM na magtungo sa kanayunan para dito ipagpatuloy ang pakikibaka. Kabilang si ka Roger sa mga kabataang pinili ang landas sa pagrerebolusyon. Sa ilang mga kabataan na nagpasyang kumilos sa kanayunan, si Ka. Roger ang isa sa mga matatag na nanatili sa landas ng mahirap na pakikibaka. Kumiilos siya sa bahagi ng silangang Batangas sa mga bayan ng Rosario, San Juan, Talisay at Lobo. Tumagal siya sa mga barangay ng apat na bayan nang halos dalawang (2) taon bago ito pansamantalang iniwan noong 1974 para tipunin ang mga natitirang pwersa ng Batangas at dalhin sa pangunahing itinatatag na sonang gerilya sa Tagkawayan, Quezon. Gayunman, naantala pa siya ng humigit-kumulang sa isang taon bago nakapasok sa Hangganang Quezon-Bikol (QBZ) dahil hinugot siya para sa isang gawaing itinalaga sa kanya.

Noong 1973, nahuli siya ng mga pasista at ikinulong sa Canlubang Detention Center sa Camp Vicente Lim. Makalipas ang ilang panahon sa kulungan, kasama siya sa mga tumakas na noon ay tinagurian the "Great Escape" at nakilala ang kanilang grupo bilang Papillion squad, na hinalaw mula sa tunay na kwento ng isang prisonerong Pranses na nagtataglay ng di masusupil na diwa at di karaniwang determinasyon na palayain ang sarili mula sa malupit at makahayop na piitan ng gubyernong Pranses. Kauna-unahan ito sa kasaysayan na may nakatakas sa isang detention cell na mahigpit na nababantayan.

Noong 1974, pumasok siya sa isa sa sona ng Larangan Gerilya ng Kalayaan na nasa Hangganang Quezon-Bicol (QBZ) at kumilos sa bahaging Quezon sa mga bayan ng Calauag at Tagkawayan bilang mandirigma ng BHB. Hindi nagtagal naging giyang pampulitika ng yunit ng BHB na kumikilos sa bahaging Mapulot, Tagakawaan at noong 1975, huling bahagi ng taon, nahirang siyang kagawad ng komiteng larangan ng QBZ at itinalaga para pamunuan ang mga rebolusyonaryong gawain sa Camarines Norte.

Noong kalagitnaan ng 1979, nahirang siya kagawad ng Pansamantalang Komiteng Tagapagpaganap ng Rehiyong TK makaraang maisaayos ang kaguluhan sa organisasyon ng Partido sa Kalayaan na idinulot ng paksyunalismo ni Apolinario (Rey Ababag) mula huling hati ng 1976 hanggang kalagitnaan ng 1977.

Mula 1980-1981, hinirang na pangalawang kalihim sa edukasyon si Ka Roger alinsunod sa desisyon ng Southern Luzon Commission (SLC) ng PKP na ihiwalay ang mga probinsya ng Laguna, Batangas, Cavite at Rizal sa rehiyong QBZ at ipailalim sa rehiyon ng KR-ST proper. Sa panahong ito, nagkaroon ng mahalagang papel si Ka Roger sa pagbibigay ng gabay at pamumuno sa mga batang kadreng nagbubukas ng sonang gerilya sa mga bayan ng Laguna sa balisbisan ng Mt. Banahaw at lower Sierra Madre at pagbabalik sa naiwanang Larangang Gerilya ng Kagitingan sa bahaging upper Sierra Madre sa may hangganan ng Laguna at Quezon. Kasama ng kanyang kabiyak, si Ka Soly, inilipat sila sa sona ng Batangas noong Nobyembre 1981.

Sa mga taon ng 1981 at 1982, may maiikling panahong pinamunuan nya ang Komite sa Urban ng Partido sa ilalim ng Komiteng Rehiyon ng ST-proper at itinalagang pinuno ng central command ng malaking anti-pasistang mobilisasyon ng rehiyon sa pagbisita ng Santo Papa noong 1981 para dramatikong ilantad at tutulan ang diktadurang rehimeng Marcos sa mata ng buong daigdig. Kabilang din si Ka Roger sa regional mass action committee na nag-organisa ng mga malalaking pagpapakilos sa TK na rumurok sa isang pambansang Lakbayan noong 1984 na bahagi ng pambansang kampanyang iboykot ang eleksyon para sa Interim Batasang Pambansa ng rehimeng Marcos.

Mula 1982, pinamunuan nya ang Pansamantalang Komiteng Tagapagpaganap ng Komite ng Partido ng Himalayas—ang tipak ng teritoryo mula silangang Batangas hanggang Gitnang Quezon—na inihahandang mga tumpok na sonang gerilya na tinawag na Luzon, Visayas at Mindanao. Pagsapit ng 1985, ipinailalim na sa saklaw ng pamumuno ng Komite ng Partido sa Himalayas ang bagong bukas na sonang gerilya sa kanlurang Batangas.

Sa Ikalawang Pangrehiyong Kumperensya ng TK noong 1985, bilang pagkilala sa mahahalagang ambag nya sa pagsulong ng rebolusyon sa TK, nahalal si Ka Roger bilang pang-apat na kagawad ng Komiteng Tagapagpaganap ng Komiteng Rehiyon (KT-KRTK) at umakto bilang kagawad ng Kalihiman ng rehiyon matapos tumangging pumakat sa gawain sa sona ang nahalal na una at ikalawang pangalawang kalihim ng KRTK.

Naging bahagi si Ka Roger sa malalaking pagsulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa Timog Katagalugan na nagsimulang magmarka noong 1983 hanggang 1987. Sa mga taong ding ito nakilala si Ka Roger bilang tagapagsalita ng National Democratic Front-Southern Tagalog (NDF-ST) noong 1987 sa panahon ng usapan sa kapayapaan sa gubyerno ni Corazon Aquino at sa sumunod na mga taon bilang tagapagsalita ng Melito Glor Command. Gayunman, nasaksihan nya rin noong 1988 ang pinakamadilim na bahagi ng kasaysayan ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon na humantong sa bingit ng halos pagkawasak ng Partido bunga ng isteryang anti-impiltrasyon—ang Operation Missing Link (OPML)—na isinulong ng mga nagtaguyod ng maling linya sa loob ng Komiteng Rehiyon at Komisyon ng Timog Luzon ng PKP.

Bagamat pinatawan siya ng aksyong pandisiplina na mahigpit na babala dahil sa kabiguang salungatin ang maling agos at itaguyod ang wastong paninindigan sa kritikal na mga sandaling buhay ng Partido ang nakataya, masigasig at buong kababaang-loob nyang itinuwid ang mga pagkakamali, nagpuna sa sarili sa harap ng publiko, sumailalim sa reedukasyon, at aktibo’t buong tiyagang nagpaliwanag sa masa at mga kasamang naging biktima at humingi ng tawad sa mga naging pagkakamali ng Partido hanggang sa maghilom ang sugat na nilikha ng pinsala ng OPML. Dahil sa kanyang sinseridad kasama ng iba pang mga nagkamali, pinatawad ng masa ang kilusan at muling naibalik ang tiwala ng masa sa rebolusyon. Naging instrumental si Ka Roger sa muling pagsasaayos, pagpapasigla at higit na pagpapalakas ng mga rebolusyonaryong gawain sa larangang gerilya ng Laguna, Hilagang Quezon at Rizal na pangunahing tinamaan ng kampanyang anti-impiltrasyon. Mula 1989, mahalaga ang ginampanan ni Ka Roger sa pagbawi ng mga gawain pininsala ng OPML.

Nag-iwan ng malaking marka at aral kay Ka Roger ang negatibong karanasang ito sa OPML upang higit na maging matatag at tiyak ang kanyang mga tindig sa mga hamong darating sa susunod na mga taon.

Noong 1992, kabilang si Ka Roger sa matatag na nagtaguyod ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Sa harap ng tila malakas na hangin ng mga tagapagtaguyod ng Kaliwa at “Kanang” opurtunistang linya sa Partido, matatag na itinaguyod at tumindig si Ka Roger sa tamang linya. Noong 1993, kabilang si Ka Roger sa mga hinirang ng Komite Sentral ng Partido sa mga bubuo ng bagong KRTK na may hurisdiksyon sa mga probinsya ng Calabarzon at Mimaropa.

Noong 1994, itinalaga si Ka Roger bilang Tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas habang kasabay na ginagampanan ang tungkulin bilang kalihim ng komiteng larangang gerilya ng Laguna at kagawad ng KT-KRTK. Sa plenum noong 1996, inihalal siya bilang ikatlong pangalawang kalihim ng KRTK at nagpatuloy sa tungkuling ito hanggang sa tuluyan na siyang hugutin para sa buong panahong gawain bilang tagapagsalita ng Partido noong 2000.

Ang mula pa sa pagkabatang pangarap ni Ka Roger na maging komentarista sa radyo ay nabigyang buhay at laya una, noong pamunuan nya ang pagtatatag ng unang gerilyang radio broadcast sa TK—ang Radyo Pakikibaka—at pangalawa, bilang tagapagsalita ng PKP. Ang talas ng kanyang mga pamamahayag at kritisismo sa malapyudal at malakolonyal na lipunan ay humihiwa at nag-iiwan ng malalim na sugat sa kamalayan ng mga mapagsamantala’t pasista—ang imperyalismong US, ang malalaking asendero’t kumprador, at mga burukrata sa reaksyunaryong gubyerno. Sa kabilang banda, ang bawat salitang namumutawi sa kanyang bibig ay inspirasyong umaantig sa lahat ng nakikibakang mamamayan sa kanayunan at kalunsuran. Si Ka Roger ay hindi lamang naging boses at mukha ng rebolusyon, siya’y naging simbolo ng pag-asa ng masang duhagi’t inaapi para sa isang lipunan na walang pagsasamantala at lubos na demokratiko.

Kaya ganun na lamang ang galit at pagkasuklam ng mga pwersang panseguridad ng estado at imperyalismong US kay Ka Roger na paulit-ulit na kinasahan ng engrandeng mga operasyong paghanap at paglipol na may ayuda ng pinakamoderno at sopistikadong kagamitan para sa elektroniko at sattelite surveilance ng US at nilagyan ng P5 milyong patong sa ulo. Di iilang ulit na ipinailalim sa mahigpit na sarbeylans ang mga natukoy na istap, mga kapamilya, kapatid at anak at maging mga alyado’t kaibigan ni Ka Roger. Sa kasagsagan ng ‘total war’ ni Corazon Aquino, ipinag-utos ni General Galido, dating pinuno ng SOLCOM ang pagdukot sa panganay na anak ni Ka Roger noong 1989 upang pasukuin ito.

Subalit hindi natigatig si Ka Roger at sa bandang dulo napilitan si Galido na ilabas at ibalik si Andrea sa lola nito dahil sa malakas na pagkundena na inani ng SOLCOM sa upinyong publiko. Pinatutunayan ng mga karanasang ito na walang dadaig pa sa malawak at malalim na network ng suporta ng mamamayan, anumang mga imbing pakana, iumang na bitag at ikakasang mga elektroniko at sattelite na pagmamanman para ikahon at presisong tukuyin ang kinaroroonan ni Ka Roger na naging mailap na target ng mga pinpoint operations ng special forces ng AFP. At nang mabigo ang mga pakanang ito, ginamit naman ng AFP ang panlalansi para itago sa maamong maskara ang tunay na mabalasik nitong anyo sa pamamagitan ng mga doble-karang alok at suhol para sa diumano’y medikal na pangangailangan ni Ka Roger na walang ibang layunin kundi sukulin ito sa kanilang bitag.

Ang huling mga taon ng buhay ni Ka Roger ay batbat ng paghamon sa kanyang determinasyon na lampasan at pangibabawan ang malubhang pinsala sa kanyang kalusugan dulot ng ikatlong stroke noong 2006. Minsan nya nang nalampasan ito sa una at pangalawang stroke noong 1997 at 2000 na dahil sa mataas na diwang taglay at determinasyong makabalik sa agos ng rebolusyon ay napangibabawan nya ang mga pinsala sa kalusugan. Ang ekstra-ordinaryong dedikasyon nya sa paglilingkod sa mamamayan at rebolusyon ang reserbang enerhiyang nagbibigay ng lakas kay Ka Roger upang magpatuloy sa gitna ng mga kahirapan at balakid. Hindi nya alintana ang pansariling kabutihan. Nasa unahan lagi ng kanyang diwa ang maglingkod, itaguyod at pangalagaan ang interes ng karaniwang mamamayan higit sa kanyang sariling kalusugan at kaligtasan. At hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, kapakanan pa rin ng masa at rebolusyon ang kanyang alintana.

Hindi mabubura ang alaala ni Ka Roger sa mamamayan at mga kasamang naging bahagi’t kakapit-bisig niya sa bawat ikot at liko ng rebolusyon. Hindi mabubura ang kanyang alaala sa bawat mamamayan at kasamang umantig sa kanilang damdamin para tahakin at yakapin ang simulain ng pambansa-demokratikong simulain. Katawang lupa lamang ang mamamatay kay Ka Roger subalit ang lahat ng sinisimbolo ng kanyang pagkatao—ang walang pagkatakot sa sakripisyo at di makasariling hangarin, ang walang kapantay na pagpapahalaga sa kalayaan at demokrasya, ang walang hanggang patriotismo, ang taus-puso at walang-pag-iimbot na paglilingkod sa sambayanan, ang pagiging mapagmahal na ama at asawa, at higit sa lahat, ang di matatawarang katatagan at katapatan sa simulain para kamtin ang isang lipunang malaya sa pagsasamantala, lubos na demokratiko, maunlad at masagana: Ito ang tatak ng isang tunay na Komunista… ang sagisag ng katauhan ni Ka Roger.

Sa ngalan ng Melito Glor Command, lubos ang aming pakikiramay sa mga anak at kaanak ni Kasamang Gregorio ‘Ka Roger’ Rosal, magiting na mandirigma ng proletaryado’t uring anakpawis.

Mabuhay ang Dakilang Alaala mo, Ka Roger!

Mabuhay ang Rebolusyong Pilipino!