Intelligence operative ng PNP, patay sa operasyon ng BHB

Samuel Guerrero
Celso Minguez Command - NPA-Sorsogon (Mt. Bulusan Front)
Oktubre 8, 2011

MATAGUMPAY na napatay sa isang ispesyal na operasyon ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) nitong Oktubre 7 si PO2 Danilo Detablan sa Barangay Timbayog, Casiguran, Sorsogon. Nasamsam sa kaniya ang isang pistolang kalibre .45.

Si PO2 Detablan ay aktibong operatibang paniktik ng 508th Police Provincial Mobile Group na nakabase sa Camp Salvador Escudero sa Sorsogon City. Masugid siya sa paglalatag ng mga intelligence network at paglulunsad ng mga strike operation laban sa BHB sa bayan ng Casiguran at sa Bacon District ng Sorsogon City.

Si Detablan ang responsable sa pagsalakay sa isang yunit ng BHB sa Sogod, Bacon noong Oktubre 2008 kung saan nasawi si Antonio “Ka Larry” Garrote. Siya rin ang nanguna sa pagkubkob sa mga Pulang gerilya sa Sityo Sug-ong, Sta. Cruz, Casiguran noong Agosto 2008 at Setyembre 2010.

Kublihan lamang ni Detablan ang umano’y pagkakatalaga niya sa anti-drug operations ng PNP. Taliwas dito, protektado pa nga niya ang talamak na bentahan ng bawal na gamot sa Timbayog, ang mismong barangay niya.

Ang pagkakapatay kay PO2 Danilo Detablan ay isang malaking hakbang sa pagsisikap ng BHB na buwagin ang inilatag niyang mga intelligence network sa mga sonang gerilya. Tagumpay din ito sa kampanya ng rebolusyonaryong kilusan laban sa salot na bentahan ng droga.