Ka Roger: Dakilang Bayani ng Digmang Magsasaka

Mensahe ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid –
Timog Katagalugan
Oktubre 11, 2011

Isinilang siya sa daigdig na may lupa ang mga kamay. Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, nakakuyom ang kanyang kamay sa lupa – langit ng magbubukid. Luha, pawis, pulbura, dugo – pinalapot ang lupa upang maging putik sa mga pitak ng kapuluan. Nagtanim ng binhi si Ka Roger. May masaganang anihan na naghihintay.

Naghahandog ng pinakamataas na pagpupugay ang rebolusyunaryong kilusang magsasaka sa Timog Katagalugan sa pagpanaw ng dakilang komunistang si Gregorio ”Ka Roger” Rosal – magiting na bayani ng uring inaapi sa kanayunan at buong sambayanan.

Ang Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid sa rehiyong Timog Katagalugan, kasaping organisasyon ng National Democratic Front ay kasamang nagluluksa ng sambayanang Pilipino sa pagkilala kay Ka Roger, sa mahahalagang kontribusyon nito sa pambansa demokratikong pakikibaka ng mamamayan noong siya ay nabubuhay pa.

Hindi matatawaran ang pagpupundar na iniambag ni Ka Roger sa pagsusulong ng digmang magsasaka at rebolusyong agraryo sa mga kanayunan ng rehiyon na tumutugon sa minimum na programa ng rebolusyunaryong kilusan para sa pagpawi sa usura, pagpapaba ng upa sa lupa, pagpapataas ng sahod ng manggagawang bukid, pagpapataas ng presyo ng produktong-agrikultural hanggang sa pamamarusa sa mga despotikong panginoong maylupa.

Sa kasagsagan ng kampanya para sa rebolusyong agraryo sa Hangganan ng Quezon-Bikol simula 1979, nagbigay inspirasyon ang kanyang kinumposong Awit ng Kainginero sa mga maralitang setler sa railroad towns ng Camarines Sur, bulubundukin ng Labo at Sta. Elena sa Camarines Norte at Tagkawayan, Quezon. Sa kanyang gabay at pamumuno, isinulong ng hukbong bayan sa silangang Batangas ang pagpapataas ng parte ng mga magsasaka sa iwihan ng baboy at baka noong 1983, at bilang kalihim ng komiteng larangang gerilya sa hangganan ng Laguna at Quezon simula 1994, matagumpay na pinangunahan nya ang isinulong ng maliliit na magkakahoy sa Sierra Madre sa pagpapataas ng kanilang parte kada board-feet mula sa pagsasamantala ng mga malalaking negosyante sa pagtotroso at ikinampanya ang kilusang balik-saka sa hanay ng mga maliliit na magsasaka upang ipreserba ang natitirang kagubatan at likas-yaman ng Sierra Madre laban sa mga mapanirang operasyon ng pagtotroso.

Si Ka Roger ay ipinanganak noong Abril 19, 1947 kina Pablo Rosal at Crispina Crusat, kapwa mga kasamá sa tubuhan sa Bgy. Talaibon, Ibaan sa lalawigan ng Batangas kaya hindi kataka-takang maagang naunawaan ni Ka Roger ang pagsasamantalang pyudal sa hanay ng uring magsasaka.

Upang maitaguyod ang mahirap na kabuhayan, nangatulong si Ka Roger sa kanilang panginoong maylupa, naglako ng kulambo at iba pang paninda. Sa kanyang paglalako, nakakapakinig siya ng mga programa sa rali. Madali niyang nagagap ang pambansa demokratikong propaganda palibhasa'y kasabay ng kanyang hanapbuhay ang pag-aaral niya ng lipunang Pilipino. Una siyang naging kasapi ng Kabataang Gabay ng Bayan (KGB) sa edad na bente-kwatro at di nagtagal ay namulat sa rebolusyunaryong ideya sa Kabataang Makabayan (KM). Ang Batangas Sugar Central ang unang naging larangan ng labanan ni Ka Roger bilang isa sa mga kabataang organisador ng manggagawang bukid.

Nang ipataw ang Batas Militar, napiit si Ka Roger sa Camp Vicente Lim subalit dahil tangan ang pinakamahalagang tungkulin ng mga bilanggong politikal, mapanlikha niya at ng kanyang mga kasamahan na natakasan ang bilangguan.

Sa panahong ito nagsisimulang lumawak at lumakas na ang mga baseng rebolusyunaryo sa kanayunan sa Rehiyong Timog Katagalugan at Hangganan ng Quezon at Bikol (QBZ). Sa mga larangang ito pinagyaman ni Ka Roger ang kanyang unang mga dekada sa rebolusyunaryong paglilingkod hanggang sa mahalal siya sa mga namumunong komite sa rehiyon. Malaki ang bahaging ginampanan ni Ka Roger sa mga gawain sa mga unang pagtatangkang magbukas ng sonang gerilya sa Mindoro, Laguna at Batangas. Humawak din siya ng resposibilidad sa iba pang mga larangan habang ginagampanan ang iba pang gawain sa propaganda.

Pinangunahan ni Ka Roger ang pagsasahimpapawid ng Radyo Pakikibaka noong 1990, ang kaunaunahang radyong gerilya sa Timog Katagalugan. Sa unang pagkakakataon sa Timog Katagalugan, may espasyo na sa himpapawid para sa tinig ng mga magsasaka. Sabik na tinanggap ng masa ang Radyo Pakikibaka sa kanilang mga dampa at sakahan, sa mga komunidad ng maralita at mga tahanan. Hindi miminsang naglunsad ng bata-batalyong operasyon ang Armed Forces of the Philippines para lamang mapigilan ang pag-ani ng tagapakinig ng Radyo Pakikibaka. Sampal sa mukha ng mga panginoong maylupa ang tinig ni Ka Roger. Itinambol ni Ka Roger ang mga tagumpay ng masa sa kanayunan. Higit na naunawaan ng masa ang mga dahilan at solusyon sa kanilang pagkaalipin sa lupa. Buong giting niyang inilantad ang mga kasinungalingan ng Imperyalismong US at mga lokal na reaksyunaryo. Habang niyayanig ng mga taktikal na opensiba ng Bagong Hukbong Bayan ang mga bantayog ng reaksyon, nagbigay inspirasyon naman ang mga balita ng tagumpay na inihahatid Ka Roger sa mga rebolusyunaryo at progresibong pwersa sa mga bukid at kabayanan. Si Ka Roger ang walang-kamatayang tinig ng sambayanan at rebolusyon.

Noong Hunyo 22, 2011, pumanaw si Ka Roger sanhi ng atake sa puso. Subalit ang pagpanaw ni Ka Roger na naging tinig ng dakilang digmang magsasaka ay nananatili sa himpapawid ng alaala ng rebolusyunaryong kilusang magbubukid. Kasama ang libu-libong masang kasapian ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid sa Timog Katagalugan, nakikiisa ito sa pagpupugay at pagbibigay ng pinakamataas na rebolusyonaryong parangal at pagkilala sa mga ambag ng Dakilang Ka Roger sa Pambansa Demokratikong Rebolusyon.

Ang pagpupugay na ito ay higit na magiging makabuluhan kung patuloy na tatanganan ng lahat ng uring inaapi sa kanayunan at buong sambayanan ang pambansa demokratikong pakikibaka hanggang sa tagumpay.

Sa pamamagitan ng masigasig at mapangahas na paglikha ng pagkakaisa ng iba't ibang pwersa at sektor para ibagsak ang pyudalismo at lahat ng reaksyon, maipagpapatuloy natin ang simulain ni Ka Roger upang matatag na ibandila ang Demokratikong Rebolusyong Bayan bilang tanging paraan para sa pagkakamit ng karapatan sa lupang binubungkal at panlipunang paglaya.

Nagaanyaya ang dakilang buhay at kamatayan ni Ka Roger – Tumindig! Magmartsa sa landas ng rebolusyon!