Pagpupugay kay Kasamang Jose Asco, Natatanging Kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas at Kumander ng Bagong Hukbong Bayan (1953- 2011)

Komiteng Rehiyon
Cagayan Valley, Partido Komunista ng Pilipinas
2 Oktubre 2011

Nagpipista ang palalong naghaharing uri sa pagkasawi ni Jose 'Ka Jo' Asco at apat pang mga kasama na nagbuwis ng buhay sa labanan sa Sityo Talinganay, Barangay Sto. Domingo, Piat. Sa pasistang tropa ng AFP at PNP, isa siyang mahapding tinik sa kanilang dibdib na inaakalang natanggal na noong hapon na iyon ng Mayo 12, 2011.

Sino siya at bakit sa kabila ng pagsasaya ng reaksyunaryong gobyerno, di hamak na mas marami ang ngayo'y nagdadalamhati sa kanyang pagpanaw?

Isa siyang magsasakang ulila na sa mga magulang na nakatira noon sa Barangay Bato, Rizal, Cagayan. Kalaunan, naging foreman siya ng Redwood Logging Company, isang trabahong nagdala sa kanya sa liblib ng mga kagubatan palapit sa mga mandirigma ng New People's Army na nagpamulat at nagpakilos sa kanya sa rebolusyon. Noong 1979, sumampa siya sa NPA. Naging kasapi siya ng Partido Komunista ng Pilipinas noong 1985.

Pinangalanan siyang "terorista" at "salot" ng gobyerno. Ngunit sa mga kasama at masa na kanyang pinaglingkuran, mula sa liblib na mga baryo hanggang kapatagan ng Isabela at Cagayan, ang pangalan niya'y Ka Tomas, Ka Baylon, Ka Jo. Itinangi at minahal nila siya bilang mahusay na lider rebolusyonaryo. Hinahanap siya at niyayakap ng masa saan man siya magpunta, ang kanyang mga pamulat at kuwento ay ilaw nila sa madilim na gabi. Elementarya lamang ang kanyang natapos, ngunit naaral niya ang kalagayan ng lipunan at ibinahagi ito sa masang magsasakang sinamahan niya sa paglaban hanggang sa huling hininga. Gamit ang matayog na kaisipan ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, naaral niya at hinamon ang kaayusan na may nagpapasasa sa yaman gayong kayraming naghihirap. Naunawaan niyang hindi ito kapalaran, at niyakap ang armadong rebolusyon bilang tanging solusyon sa aping kalagayan.

Ginamit ng reaksyunaryong gobyerno, AFP at PNP ang samu't saring masamang pangalan upang pagtakpan ang katotohanan—isa siyang komunistang di nila matibag ang prinsipyo. Binigo ni Ka Jo ang maraming pagsubok sa kanyang katatagan, hindi lang ang mga panloob na mga kontradiksyon sa isip o sakit sa katawan. Nanatili siyang matibay kahit dekada na siyang pinasusuko ng kaaway, sa pamamagitan ng suhol man o karahasan. Tinawanan niya ang mga alok sa kanya ng pagsurender, napoot siya sa pagdidiin sa kanyang mga anak at kapamilya upang sumuko siya, kabilang ang pagpaslang ng militar sa kanyang bagong-panganak na asawang si Maria 'Ka Rema' Gubat noong 2001. Sa mahigit 33 taong pagsisilbi niya sa mamamayan, hindi siya nanlamig sa paglaban ni isang saglit.

Ginampanan niya ang lahat ng tungkuling iniatang sa kanya sa abot ng kanyang makakaya, tungkuling pang-organisasyon, pampulitika o pangmilitar man ang mga ito. Kabilang sa mga pusisyong hinawakan niya ay ang pagiging isa sa namumuno sa Roger Baccud Front noong 1986, South Party Committe-Cagayan noong 1988, Apayao Party Committee noong 1993, Northwest Cagayan Party Committee noong 1995, at sa panahon ng kamatayan ay bilang kagawad ng Komiteng Larangan sa Danilo Ben Front-West Cagayan. Kahit maari nang magpahinga dahil sa edad at kalagayang pangkalusugan, pinili niyang gumampan ng gawain sa larangang gerilya. Gumabay at nagsanay siya sa mga bagong kadre at kasapi ng Partido, naging mahusay na kumander ng platung gerilya, naging inspirasyon hindi lang sa mga kapwa namumuno at pinamumunuan, kundi pati sa masang anakpawis sa buong rehiyon.

Nakasaludo ang mga kadre at kasapi ng Partido Komunista, mga komander at mandirigma ng NPA, at buong rebolusyonaryong puersa sa Cagayan Valley sa naging buhay at kamatayan ni Kasamang Jose Asco. Buhay at kamatayan itong di mamamantsahan anumang putik ang ibato ng reaksyunaryong rehimen sa rebolusyonaryong kilusan, isang kasaysayan na magsisilbing bantayog na kailanma’y nakatirik at di magigiba sa dibdib ng uring api, gaya ng kanyang prinsipyo na ating pagliliyabin hanggang sa pananagumpay ng rebolusyon.

Mabuhay ang ala-ala ni Ka Jose Asco at lahat ng rebolusyonaryong martir!
Kamtin ang pag-unlad ng digmang bayan tungong estratehikong patas hanggang sa ganap na tagumpay!