Pananagutan ng GPH ang muling pagkaunsyami ng usapan

ANG BAYAN
21 October 2011
Download PDF

Muli na namang mauunsyami ang nakatakda sanang pagdaraos ng pormal na usapang pangkapayapaan sa pagitan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at Gubyerno ng Pilipinas (GPH) sa Oktubre 31-Nobyembre 12 sa Oslo, Norway. Ito'y dahil nabigong muli ang GPH na tupdin ang mga obligasyon nito sa ilalim ng Oslo Joint Statements ng Enero at Pebrero 2011 na palayain ang karamihan kundi man lahat ng 17 ibinilanggong konsultant ng NDFP na protektado ng JASIG.

Katatapos lang ng GPH na mangako noong Setyembre na tutupdin ang obligasyong ito bago mag-Oktubre 10. Ito ay para mabigyan pa ng pagkakataon ang magkabilang panig na maghanda para sa kanilang paglahok sa negosasyong pangkapayapaan sa Oslo.

Binitiwan pa man din ng mga kinatawan ng GPH ang pangakong ito sa harap ng upisyal na kinatawan ng gubyerno ng Norway na nagsisilbing tagapamagitan sa usapang pangkapayapaan. Pero halos dalawang linggo na ang lumipas mula sa itinakdang dedlayn na pangakong pagpapalaya ay wala pa ring ginagawang hakbangin ang GPH para tuparin ito. Bagkus ay nagmatigas ang GPH at ang AFP na wala itong hawak na mga bilanggong pulitikal at pawang mga detenidong may kasong kriminal ang tinutukoy ng NDFP. Mismong pinuno ng negotiating panel ng GPH ang nagsabing hindi makaaasa ang NDFP na may mapalalaya pang konsultant nito.

Nais sana ng NDFP na matuloy na ang pakikipagnegosasyon sa GPH upang resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian at makabuo ng mga kasunduan hinggil sa mga batayang reporma sa lipunan, ekonomya at pulitika para mailatag ang daan tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas. Subalit ginawa nang imposible ng GPH na matuloy pa ito sa Oktubre 31.

Sukatan ng sinseridad ng NDFP na ipagpatuloy ang negosasyong pangkapayapaan ang ipinakikita nitong pagpapasensya na maghihintay nang kahit ilang panahon para tuparin ng GPH ang mga obligasyon nito. Sa balikat ng GPH nakaatang ang pananagutan at kahihiyan kung bakit patuloy na naipagpapaliban ang pormal na usapan.

Sa kabiguan nitong tuparin ang mga obligasyon nito, ipinakikita ng GPH na hindi ito interesado na ituloy ang pakikipagnegosasyon sa NDFP. Panay lamang ang satsat nito tungkol sa usapang pangkapayapaan subalit wala naman itong ipinakikitang kaseryosohan sa aktwal na pakikipagnegosasyon para resolbahin ang mga saligang suliranin ng bayan na siyang ugat ng rumaragasang digmang sibil sa bansa.

Lumalabas na makabuluhan lamang ang usapang pangkapayapaan para sa GPH kung magsisilbi ito sa pasipikasyon at pagpapasuko sa armadong rebolusyonaryong kilusan. Sa gayon, ginagamit lamang itong palamuti para pagtakpan ang kalupitan ng Oplan Bayanihan, isang brutal na kontra-rebolusyonaryong kampanyang dinisenyo ng imperyalismong US. Ang bukambibig na kapayapaan ng Oplan Bayanihan ay walang iba kundi pagpapatahimik sa mamamayang gutom, api at pinagkaitan ng katarungan.

Nakahanda ang rebolusyonaryong kilusan na harapin ang mapanlinlang na patakarang ito ng GPH. Determinado nitong panghawakan ang mga saligang kahilingan ng mamamayang Pilipino para sa katarungang panlipunan at pambansang kalayaan, sa larangan ng usapang pangkapayapaan at sa larangan ng mga pakikibakang masa at armadong paglaban.

Ang krisis ng naghaharing sistema ng malalaking panginoong maylupa at kumprador ay patuloy na lumalala at gumagatong sa galit at paglaban ng mamamayang Pilipino. Sa harap ng kinakaharap na labis na kahirapan at pagdurusa, ibayong nagpupunyagi ang mamamayang Pilipino na bagtasin ang landas ng rebolusyonaryong pakikibaka upang labanan ang pananalasa ng mga naghaharing uri at kanilang mga imperyalistang amo.

Maidaos man ang negosasyong pangkapayapaan o hindi, patuloy na susulong ang rebolusyonaryong kilusan upang itaguyod ang tunay, makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.

________________________________

Italyanong pari, biktima ng Oplan Bayanihan

Nakiisa ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mariing pagkundena sa brutal na pagpaslang sa antiminang Italyanong pari na si Fr. Fausto Tentorio, 59 taong gulang. Kabilang din sa mga kumundena sa pagpaslang sina Rubi del Mundo, tagapagsalita ng National Democratic Front sa Southern Mindanao Region at Mohagher Iqbal, tagapagsalita ng Moro Islamic Liberation Front at pinuno ng peace panel nito. Ani del Mundo, ang 6th ID ang pasimuno ng pamamaslang. Idinagdag ni Iqbal na nakatanggap sila ng impormasyon na ang salarin ay isang grupong paramilitar sa ilalim ng AFP.

Si Fr. Tentorio ay pinaslang noong Oktubre 17, bandang alas-7:30 ng umaga, sa loob ng kanyang parokya sa Arakan Valley, North Cotabato. Ayon sa nakasaksi sa karumal-dumal na krimen, kasasakay lang ng Italyanong pari sa kanyang van nang lapitan siya ng isang lalaking nakasuot ng helmet at pagbabarilin hanggang sa mapatay. Sampung beses siyang pinagbabaril gamit ang isang pistolang may silencer. Dalawang bala ang tumama sa kanyang ulo. Pagkatapos ng madugong insidente ay lumakad ang salarin palayo sa eksena at sumakay sa naghihintay na motorsiklong minamaneho ng isa pang di rin kilalang lalaki.

Tatlong buwan bago ang pamamaslang, naglipana sa may kumbento ang mga ahenteng militar na nagpanggap na mga maglalako ng isda. Halos araw-araw nilang tinitiktikan si Fr. Tentorio pero bigla lahat silang nawala noong araw na paslangin siya. Ipinagtanong din ng mga sundalo ng 57th IB noong Oktubre ang kanyang cellphone number. Noong 2006, sinugod ng mga militar ang idinadaos na medical mission ni Fr. Tentorio sa akusasyong nagkakanlong siya ng mga sugatang Pulang mandirigma.

Ang pagpatay kay Fr. Tentorio ay tinuligsa ng iba't ibang mga grupong relihiyoso, mga lokal na residente, mga tagapagtanggol ng kalikasan at grupong nagtataguyod sa karapatang-tao. Isang piket-rali ang inilunsad ng mga kasapi ng Hustisya sa upisina ng Department of Justice (DOJ) sa Maynila nitong Oktubre 18. Nagtirik din ng mga kandila sa Quezon City Rotonda ang Promotion of Church People's Response bilang pakikiramay.

Isang fact-finding mission naman ang isasagawa ng Exodus for Justice and Peace. Naniniwala silang ang pagpaslang kay Fr. Tentorio ay bahagi ng Oplan Bayanihan ng gubyerno kung saan target ang mga indibidwal na mahigpit na tumututol sa patakaran nito sa pagmimina.

Si Fr. Tentorio ay aktibong tumutulong sa pakikibaka ng mga residente sa North Cotabato laban sa malakihang pagmimina partikular sa Kulaman Valley. Aktibo rin niyang binabatikos ang papel ng militar bilang mga protektor ng mga minahan. Itinaguyod rin niya ang pakikibaka ng mga minoryang Higaonon para sa kanilang lupang ninuno.

Dati nang nakakatanggap si Fr. Tentorio ng mga pagbabanta sa kanyang buhay mula sa Bagani Command, isang grupong paramilitar na nasa ilalim ng 73rd IB. Nakaligtas siya sa unang pagtatangka sa kanyang buhay noong 2003 sa tulong ng mamamayan.

Si Fr. Tentorio ang ikatlong misyonero ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) na pinatay sa Mindanao. Ang una ay si Fr. Tullio Favali na pinatay noong Abril 11, 1985 sa Tulunan, North Cotabato ng grupong paramilitar na pinamumunuan ni Norberto Manero. Ang ikalawa ay si Fr. Salvatore Carzedda na pinaslang ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo noong Marso 20, 1992 sa Zamboanga City.

________________________________

Mga pambansang minorya, biktima ng rehimeng Aquino

Sa loob ng 16 na buwang panunungkulan ni Aquino, umaabot na sa siyam na lider-minorya ang pinaslang ng mga pwersa ng estado. Libu-libong minoryang mamamayan ang napilitang lumikas sa kani-kanilang mga komunidad dahil sa matinding militarisasyon at pang-aabuso. Marami sa kanila ang dumanas ng harasment, iligal na pang-aaresto at pambubugbog.

Pinakahuli sa mga kaso ng pamamaslang ang pagpatay kay Rabenio Sungit, isang lider ng mga Palaw'an mula sa Quezon, Palawan. Noong Setyembre, binaril si Sungit ng dalawang nakamotorsiklong lalaki sa palengke ng Quezon sa naturang prubinsya. Bago ito, madalas "bisitahin" ng mga sundalo ng Philippine Marines ang bahay ng mga Sungit para itanong kung nasaan at kung ano ang ginagawa niya. Pangalawang myembro na ng pamilyang Sungit si Rabenio na pinaslang ng mga pwersa ng estado. Noong 2005 ay pinatay din ng mga armadong galamay ng reaksyon ang kanyang kapatid na si Abelino.

Mahaba ang kasaysayan ng paglaban ng pamilyang Sungit sa malakihang pagmimina at para sa mga karapatan ng mga pambansang minorya sa Palawan. Dahil dito, binansagan silang mga komunista at ginawang target ng panggigipit ng militar.

Noong Hunyo 30, pinatay ng mga paramilitar si Arpe Belayong, isang lider ng mga Higaonon at ang kanyang manugang na si Soltie "Amang" Daguingan. Nasugatan ang mga anak ni Belayong na sina Michelle, 14 at Longlong, 6. Sina Belayong at Daguingan ay mga lider ng mga komunidad na tumangging umalis sa kanilang mga lupa sa kabila ng mga operasyon ng dayuhang pagmimina sa Agusan del Sur. Noong 2010 ay pinatay ng mga pwersang paramilitar ang kapatid ni Belayong na si Mampaagi dahil din sa pagtutol sa malakihang pagmimina sa kanilang lugar.

________________________________

Matinding militarisasyon sa San Fernando, Bukidnon

Walang humpay ang militarisasyon sa mga barangay ng Bunacao, Namnam at Magkalungay sa San Fernando, Bukidnon. Kamakailan, inireklamo ng mga minorya sa lugar ang walang tigil na pambobomba sa bundok ng Butay, malapit sa Pantagon Range kung saan sila kumukuha ng pagkain at iba pang pinagkakakitaan. Malaon nang tinitiis ng mga residente rito ang pang-aabuso ng militar at lokal na reaksyunaryo.

Nang magsimula silang lumaban, pinaratangan silang mga myembro ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Pinagbawalan silang lumahok sa mga pagkilos para sa kanilang mga karapatan. Kasabwat ni Mayor Laurentia Edma ng San Fernando, itinatag ng militar ang Triom Force, isang grupong paramilitar, para gipitin ang mga residenteng lumalaban para sa kanilang mga karapatan. Noong Oktubre 11 ay pinatay ng Triom Force ang kapitan ng barangay ng Kibungkong na si Jimmy Arion, matapos siya magpahayag ng mariing pagtutol sa grupo. Ang Triom din ang pumatay sa mag-amang Nicomedes de la Peña, Sr. at Nicomedes de la Peña Jr., noong Abril 27. Mga magsasaka silang mula sa Barangay Mabuhay. Pinatay din ng Triom sina Ruben Gatong at Itik Awisan, mga residente ng Kibungkong at Namnam, dahil tumanggi silang sumapi sa grupo.

Tuluy-tuloy ang panggigipit at pananakot ng mga sundalo. Pinapasok nila ang lahat ng mga sityo at tinitiktikan ang mga residenteng lumalahok sa mga kilos-protesta. Regular silang nagpapatawag ng mga pulong at nagpapalabas ng mga sine kung saan sinisiraan ang mga pagkilos. Nagtayo sila ng detatsment sa harap ng paaralang elementarya sa Namnam. Tinutulan ito ng mga residente.

________________________________

Panggigipit sa mga magsasaka sa MisOr

Noong Setyembre 24, umabot sa Kalumbay Regional Lumad Organization ang ulat ng Pangalasag, isang organisasyon ng mga minoryang Higaonon, kaugnay sa panghaharas sa kanila ng mga tauhan ng A Brown Company Inc. (ABCI).

Ang Pangalasag ay tumututol sa planong pangangamkam ng ABCI sa kanilang mga lupa sa Opol, Misamis Oriental. Balak ng ABCI, isang dayuhang kumpanyang nagtatanim ng palm at nagbebenta ng palm oil na magbukas ng plantasyon sa lupang tinatamnam ng mga Higaonon ng saging, niyog at iba pang pananim. Kanilang iginigiit na iatras ang proyekto ng ABCI.

Noong Marso 10, ginipit at sinindak ng mga gwardya ng ABCI ang pitong myembro ng Pangalasag. Plano nilang kumuha ng "bagacay," isang uri ng kawayan, nang bigla na lamang silang pagbawalan ng mga gwardya ng ABCI na pumasok sa lugar. Hindi tumuloy ang mga magsasaka at sa halip ay tumungo na lamang sa ibang lugar. Isang oras matapos ito, sinundan sila ng mga armadong tauhan at walang kaabug-abog na pinaulanan ng bala ng mga nagpakilalang myembro ng National Bureau of Investigation. Sinaktan sila, tinakot at iligal na idinetine sa Opol Police Station.

Inilipat sila sa upisina ng NBI sa kapitolyo ng Cagayan de Oro at kinasuhan ng direct assault.

________________________________

Lakbayan sa Northcentral Mindanao, inilunsad

Sa Northcentral Mindanao, tatlo sa bawat apat na magsasaka ang walang sariling lupa. Ilampung libong mga manggagawang bukid ang nabubuhay sa matinding kahirapan. Ang kawalan ng lupa ay lalong pinalalala ng malawakang pangangamkam ng lupa ng mga multinasyunal na korporasyon sa pagkain. Kamakailan, naging sentro na rin ang rehiyon ng madudugong kumprontasyon sa pagitan ng mga lumalabang magsasaka at mga dayuhang kumpanya, kanilang kasapakat na mga panginoong maylupa at mga armadong pwersa ng estado.

Ang mga usaping ito ang dala-dala ng libu-libong magsasakang nagmartsa galing sa kanilang mga sakahan sa Valencia, Bukidnon; Luagit, Misamis Oriental; at Gingoog City tungong Cagayan de Oro City mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 21.

Sa Bukidnon, nakikipagsabwatan ang mga dayuhang korporasyon sa mga panginoong maylupa para mapasakamay nila ang mga lupang mainam sana para sa produksyon ng pagkain para sa lokal na konsumo. Inuupahan nila, kundi man direktang binibili ang mga lupa para sa komersyal na produksyon ng mga produktong agrikultural na pang-eksport.

Sa 315,164 ektaryang lupang sakahan, halos 80,000 ektarya ang tinatamnan ng pinya pa lamang. May 32,000 ektarya namang tinatamnan na ng saging. Kabilang sa mga dayuhang kumpanyang may mga plantasyon dito ang Del Monte Philippines Inc. (DMPI), Lapanday Diversified Products Corp., Davao Agriventures Corp. (DAVCO), Mt. Kitanglad Agri-Development Corporation at Southern Fresh Fruits.

Kasabay ng malawakang pangangamkam ng lupa ang paglaganap ng mga pang-aabuso sa karapatang-tao ng mga magsasaka.

Noong Hunyo 14, pinaputukan ng mga gwardya at goons ng Central Mindanao University (CMU) ang nakakampong mga magsasaka sa Dologon, Maramag. Nagkampo ang mga kasapi ng Buffalo-Tamaraw-Limus Farmers Association para pigilan ang pagpapalayas sa kanila sa lupang sinaka nila nang mahigit tatlong dekada. Nakatakdang ibenta ng pamunuan ng CMU sa DAVCO ang kanilang mga sakahan para sa pagpapalawak ng plantasyon ng saging at pinya ng kumpanya.

Noong Hulyo 30 naman, pinaputukan ng mga gwardya ng Del Monte Plantation ang mga nakakampong magsasaka sa Ocaya Ranch sa Kuya, Maramag. Nakatakdang paalisin ang mga magsasaka sa mga lupang kanilang sinasaka dahil ibinenta na ito ng panginoong maylupa sa Del Monte para sa ekspansyon ng plantasyon ng pinya.

________________________________

Ka Roger, pinarangalan at binigyang-pugay

Bumuhos ang mga pagpupugay at pagpaparangal sa yumaong tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) na si Gregorio "Ka Roger" Rosal.

Naglabas ng kani-kanilang pagpaparangal ang sentral na pamunuan ng PKP, mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan, ang National Democratic Front at mga rebolusyonaryong organisasyong masang kabilang dito na kumikilala at nagpupugay kay Ka Roger na nagsilbing boses ng rebolusyonaryong kilusan sa mahigit isang dekada. Nagbigay-pugay din ang mga progresibong organisasyon ng mga kabataan, magsasaka, manggagawa, mangingisda at iba pang sektor na kumilala sa malaking papel ni Ka Roger sa pagtatanggol sa interes ng mamamayang Pilipino.

Inilabas ng Kawanihan sa Impormasyon ng PKP noong Oktubre 9 ang impormasyon hinggil sa pagpanaw ni Ka Roger noong Hunyo 22. Kasabay nito ay pinalaganap ang pahayag ng Komite Sentral ng PKP sa pamamagitan ng espesyal na isyu ng Ang Bayan. Dito ay nagbigay ang buong PKP ng Pulang pagpupugay sa buong buhay na walang pag-iimbot na paglilingkod ni Ka Roger sa sambayanan. Anang Komite Sentral, bilang tagapaghatid ng balita ng rebolusyong Pilipino, ang tinig ni Ka Roger ay nagpaalab at nagbigay-inspirasyon sa mga Pulang mandirigma at mamamayang nakikibaka. Naging daluyan din siya ng mga dulog ng mga inaapi at niyuyurakan na nag-aasam ng katarungan, dagdag pa ng Komite Sentral.

Kinilala ng Komiteng Panrehiyon ng Partido sa Southern Tagalog (KR-ST) ang malaking ambag ni Ka Roger sa rehiyon. Sa pahayag ng KR-ST, binaybay nito ang naging papel ni Ka Roger sa pagpupundar at pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon. Nagbalik-tanaw ito sa mga ginampanang papel ni Ka Roger sa rehiyon bilang upisyal ng panrehiyong pamunuan ng Partido at bilang tagapagsalita ng Melito Glor Command (MGC) noong 1988 hanggang 1992. Kinilala rin ng KR-ST ang malaking bahagi ni Ka Roger sa pangangasiwa noon ng gawaing propaganda sa rehiyon kabilang ang pangunguna sa gawaing pagbobrodkas ng Radyo Pakikibaka at paglalabas ng Kalatas, ang rebolusyonaryong pahayagang masa ng ST.

Mula sa Southern Tagalog, ang rehiyong pinagmulan ni Ka Roger, naglabas din ng pahayag ang Melito Glor Command (MGC), ang Lucio de Guzman Command (BHB-Mindoro) at ang Eduardo Dagli Command (BHB-Batangas). Nagbigay din ng kani-kanilang pagpaparangal ang mga panrehiyong balangay sa ST ng Revolutionary Council of Trade Unions (RCTU-ST), Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid (PKM-ST), Artista at Manunulat para sa Sambayanan (ARMAS-ST), Kabataang Makabayan (KM-ST) at Liga ng Agham para sa Bayan sa UP Los Baños (LAB-UPLB).

Isang tunay na rebolusyonaryong bayani ng mamamayang Pilipino: Ganito inilarawan si Ka Roger ni Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng National Democratic Front-Mindanao. Aniya, ang panahon na naging tagapagsalita si Ka Roger ng PKP ang pinakamaningning na panahon ng rebolusyonaryong propaganda na hindi pa napapantayan sa ngayon. Binigyang-pugay ni Ka Oris ang pagkamapagkumbaba at sipag ni Ka Roger. Ipinakita ng buhay ni Ka Roger, na nagmula sa uring magsasaka, ang katotohanang ang masa ang tunay na mga bayani.

Isang di mapupuksang apoy ang itinanim ni Ka Roger sa puso at isip ng mga rebolusyonaryo sa kalunsuran, ayon sa Panrehiyong Komite ng Partido sa National Capital Region. Anila, ang apoy na ito ang nagbibigay-liwanag sa landas ng rebolusyonaryong pagkilos at pupuksa sa paghahari ng malalaking panginoong maylupa at burgesyang komprador.

Ginunita ni Simon "Ka Filiw" Naogsan, tagapagsalita ng Cordillera Peoples Democratic Front ang mahalagang aral sa gawaing propaganda na iniwan ni Ka Roger. Nagkasama ang dalawang lider sa isang press conference noong 2005 sa Mountain Province kung saan inimbitahan nila ang mga kagawad ng midya para iulat ang pag-unlad ng rebolusyong Pilipino. Ayon kay Ka Filiw, nakita niya kung paanong mahusay na makitungo at makisalamuha si Ka Roger sa mga mamamahayag, masa at mga Pulang mandirigma.

Nakaukit na sa puso at damdamin ng batayang masa ang iniwang pamana ni Ka Roger na mga tagumpay at pagsulong, ayon kay Ka Simeon Santiago, political director ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Mindanao Region. Aniya, patuloy na dadagundong ang kanyang tinig sa buong bansa.

Inilarawan naman si Ka Roger ni Prof. Jose Ma. Sison, tagapangulong tagapagtatag ng PKP, bilang ulirang kadreng komunista, katangi-tanging makabayang Pilipino, magiting na Pulang mandirigma, malinaw na tagapagpahayag at mabisang guro at organisador sa hanay ng masang anakpawis. Sinabi naman ni Ka Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDFP-Negotiating Panel, na walang kamatayang boses si Ka Roger ng rebolusyon at ng masang inaapi at pinagsasamantalahan.

Inilarawan naman ng Pambansang Katipunan ng mga Magbubukid si Ka Roger bilang bayani ng uring magsasaka. Nanawagan ang PKM sa mga magbubukid na itaguyod ang kanyang rebolusyonaryong pamana. Ayon naman sa Revolutionary Council of Trade Unions, si Ka Roger ang tambuli ng rebolusyon na nagpasidhi sa kapasyahang lumaban at magrebolusyon. Mga palumpon ng pulang rosas naman ang inialay ng Kabataang Makabayan kay Ka Roger na kanilang inilarawan na idolo at inspirasyon ng mga rebolusyonaryong kabataan.

Nagbigay-pugay din ang mga bilanggong pulitikal sa bansa. Sa kanilang pahayag, kinilala nina Prospero Agudo, Alan Jazmines, Eduardo Sarmiento at Eduardo Serrano ang masiglang pagbabalita ni Ka Roger at ang matapat na pagtatanggol niya sa interes ng mamamayan.

Nagpahayag din ang iba't ibang mga progresibong lider at organisasyon. Ginunita, nagbigay-pugay at nagparangal ang mga grupong BAYAN, Pamalakaya, KMU, Anakbayan, ang Antonio Zumel Center for Press Freedom at marami pang iba. Kinilala rin ng mga lider tulad nina Renato Reyes, Carol Araullo, Judy Taguiwalo, Roberto de Castro at iba pa ang naging ambag ni Ka Roger sa pakikibaka ng mamamayang Pilipino.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kumilala kay Ka Roger bilang tunay na bayani ng mga naghahangad ng kalayaan mula sa pang-aapi at pagsasamantala. Nagpaabot din ng pakikiramay ang mga rebolusyonaryo at progresibong organisasyon mula sa Austria, Australia, India, Belgium at iba pa.

Ang balita ng kamatayan ni Ka Roger ay nagbunsod ng mga mensahe ng pakikiramay sa internet. Ang pangalan ni Ka Roger ay kabilang sa pinakamainit na mga salita sa mga palitan ng mensahe sa Twitter at iba't ibang website. Nagsulat ng mga artikulo nag-alaala kay Ka Roger ang mga reporter na naging malapit niyang kaugnayan tulad nila Delfin Mallari at Paul Gutierrez. Hindi iilang tula ang inakda para siya'y parangalan.

Bilang pagtugon sa panawagan ng PKP, lahat ng yunit ng Bagong Hukbong Bayan sa buong bansa ay nagpormasyon noong tanghaling tapat ng Oktubre 15 bilang pagpupugay sa dating tagapagsalita ng PKP at upang ihanay si Ka Roger sa Bulwagan ng mga Bayani at Martir ng sambayanang Pilipino. Partikular sa Batangas, na lupang tinubuan ni Ka Roger, dumalo ang may isandaang Pulang mandirigma at masang magsasaka sa isang pagtitipon upang gunitain ang rebolusyonaryong buhay ni Ka Roger.

Kasabay ng pagpopormasyon ng BHB, nagdaos ng mga raling iglap sa iba't ibang bahagi ng Southern Tagalog; sa Sta. Cruz, Maynila; sa Cubao, Quezon City; sa Davao City at iba pang lugar ang Kabataang Makabayan at iba pang mga rebolusyonaryong organisasyon. Ang mga nagrali sa US embassy at Mendiola noong araw na iyon ay naglaan din ng panahon para parangalan si Ka Roger.

Idinaos naman noong hapon ng Oktubre 15 ang isang malaking pagtitipon sa covered court sa Ibaan, Batangas, ang bayang tinubuan ni Ka Roger. Dumalo doon ang lagpas sa 500 katao. Sinalubong sila ng kapitan ng Barangay Talaibon, kung saan lumaki si Ka Roger. Nagsalita ang dalawa niyang kapatid, pinalabas ang maiksing bidyo ng kanyang talambuhay at ang mensahe ng pakikiisa ni Kasamang Joema Sison. Nagpahayag ang iba't ibang sektor ng pakikiisa at umawit ng mga rebolusyonaryong himig. Bago ito, isang misa ang isinagawa sa simbahan ng Ibaan. Binisita rin ang lumang bahay ng pamilyang Rosal.

Sa pangunguna ng NDF Negotiating Panel at mga lokal na upisyal nito, idaraos sa darating na Oktubre 21, Araw ng mga Magsasaka, ang isang malaking pampublikong pagtitipon sa UP Film Center upang bigyang-parangal si Ka Roger.

________________________________

COPD sa NEMR, kasinsahol ng RSOT

Maliban sa mapanlinlang nitong pangalan, walang anumang pagkakaiba ang Community Organizing for Peace and Development (COPD) Teams ng Oplan Bayanihan (OPB) at ang sirang-sira nang Reengineered Special Operations Teams (RSOT) ng Oplan Bantay Laya.

Batay sa karanasan ng Northeastern Mindanao Region (NEMR), ginagamit pa rin ng OPB ang triad operations kung saan sabayang isinasagawa ang operasyong kombat, paniktik at COPD.

Habang may mga nakapwestong yunit pangkombat ang AFP sa paligid para itaboy ang Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang mga tim ng COPD ay nagbababad sa sentro ng mga tinatarget na baryo. Tulad rin ng mga operasyong RSOT, ang mga operasyong COPD ay anti-mamamayan sa kaibuturan. Ginagamit nitong pananggalang ang mamamayan, tinatakot at dinadahas sila, niyuyurakan ang kanilang mga karapatan at winawasak ang kanilang pagkakaisa.

Sadyang inookupa ng mga tim ng COPD ang mga bahay at pasilidad ng mga sibilyan upang magsilbing "proteksyon" sa kanila ang mga residente sa posibleng pag-atake ng BHB. Ilan sa mga kadalasan nilang kinakampuhan ang mga eskwelahan, barangay hall, health center, waiting shed at iba pang pampublikong lugar.

Oras na makapwesto ang tim ng COPD ay nagsasagawa na ito ng iba't ibang anyo ng saywar.

Panlilinlang. Para pagmukhaing demonyo ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) at wasakin ang pagkakaisa ng mamamayan at ng kanilang hukbo, nagpapalabas ang COPD ng kontra-rebolusyonaryong mga bidyo tulad ng "Huwad na Pangarap" at "Killing Fields."

May mga tropa rin ang COPD na magpapanggap na mga Pulang mandirigma, pumupunta sa bahay ng pinagsususpetsahang tagasuporta ng BHB at nakikitulog o kaya'y nagpapatulong na makaugnay sa mga kasama. Gumagawa sila ng kasiraan para maipagkalat na ang BHB umano ang may kasalanan.

Habang ginagawa ito sa mga target na baryo, nakikipagsabayan sa pagsisinungaling ang mga tagapagsalita at upisyal ng militar sa masmidya laban sa BHB. Ang mga pangunahing isyu na ibinibintang sa BHB ay ang paglabag umano sa karapatang-tao, pagrerekrut ng mga menor de edad, pangingikil, panunulisan at iba pang teroristang gawain. Inilalarawan ding mga myembro ng BHB ang mga magsasakang sibilyan na kanilang dinadakip o pinapatay.

Samantala, pilit naman nilang pinagmumukhang maaamong tupa ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paggamit sa mga rekurso ng sibilyang gubyerno para maghatid ng ilang serbisyo sa mga tao. Kinokontrol at pinamumunuan ng militar ang pamimigay ng mga rekurso ng mga ahensya ng gubyerno tulad ng National Commission on Indigenous Peoples, Department of Social Welfare and Development, Department of Health at mga lokal na gubyerno. Nagbibigay sila ng bokasyunal na pagsasanay sa kabataan, gamit ang mga kurikulum ng TESDA. Nagdaraos sila ng mga medical mission gamit ang tauhan at gamot ng rural health unit ng DOH. Namumudmod rin sila ng "Biyaya ni Pnoy," gamit ang bigas at iba pang rekurso ng DSWD. Layunin na rin ng ganitong uri ng saywar na pagtakpan ang sa aktwal ay lansakang pagbabalewala ng naghaharing rehimen sa interes at kagalingan ng mamamayan. Nais nilang pasalamatan pa ng mga tao ang mga mumong ipinamumudmod sa kanila habang pabulok nang pabulok ang mga serbisyong panlipunan.

Sinusubukan ng COPD na kabigin ang isip at damdamin ng mga tao sa sarisaring mabababaw na paraan tulad ng pagnininong, paglilinis ng mga pampublikong lugar sa baryo, pakikipaglaro ng basketbol sa mga tagabaryo, pagsama sa piknik ng mga organisasyon sa baryo, panliligaw sa mga dalaga, pag-iisponsor ng disko at banda at pakikipagkwentuhan at pagpapainom ng alak sa kalalakihan para makapaglabas ang mga ito ng impormasyon kapag lasing na.

Pero di nagtatagal at lumalabas din ang pangil ng tim ng COPD.

Pandarahas at pananakot. Batas militar ang pinaiiral sa mga komunidad na may operasyong COPD at pirming may pagbabanta o pananakot ang mga kalakaran nito.

Ang mga target o pinaghihinalaang aktibong sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan ay ipinapatawag sa kampo ng batalyon o kumpanya ng AFP, sa barangay hall, sa liblib o malalayong lugar para isailalim sa interogasyon at takutin na makipagtulungan sa militar.

Sinesensus ang mga bahay para alamin kung may mga nawawalang residente sa baryo o myembro ng pamilya. Kadalasan, ang mga nawawala ay inaakusahang kasapi ng BHB.

Ang mga kilalang lider magsasaka at lider lumad ay "binibisita" nang madalas sa kanilang mga bahay para iharas. Sustenidong sinusubaybayan ang mga pinagsususpetsahang aktibong simpatisador ng BHB.

Kung minsan ay tinatakot ang mga residente na nasa kompyuter ang mga pangalan nila at papipirmahin sa isang papel para mabura umano ang kanilang rekord sa kompyuter. Yun pala'y kasulatan na sa pagsurender ang kanilang pinipirmahan. Kundiman ay pormal na pinasusurender ang mga "may rekord."

Wala nang layang kumilos o maglakbay ang mga residente oras na babaran ang kanilang baryo ng mga tim ng COPD. Inililista kung sino ang lumalabas at pumapasok sa baryo, itinatanong kung kailan o anong oras babalik at ano ang sadya sa paglabas at pagpasok. May taning ang pagpasok at paglabas. Ang sinumang hindi agad bumabalik ay inaakusahang pumunta sa kampo ng BHB.

Kontrolado ang labas-masok ng mga rekurso. Sinusukat ang konsumo ng bawat pamilya at batay dito, nililimitahan ang pinahihintulutang bilhin. Nirerekisa sa tsekpoynt ang lahat ng mga gamit at pinamili.

Sa tagal nila sa mga komunidad ay hindi maitago na pasista sa kaibuturan ang mga naglulunsad ng operasyong COPD. Nariyan ang arbitraryong pagpapaputok sa mga bahay ng sibilyan kapag nalalasing, mga pambobomba at panganganyon kapag tinutugis ang BHB at iba pang gawaing nagtatanim ng takot sa mamamayan at naglalagay sa kanila sa peligro.

Pagwasak sa pagkakaisa. Pinakalayunin ng mga operasyong COPD ang sirain ang rebolusyonaryong pagkakaisa ng mamamayan para magkawatak-watak sila at madaling mapairal ang mga anti-mamamayang patakaran at proyekto.

Malinaw ang layuning ito tuwing pinupulong ng militar ang masa at nagtatanim ng kaguluhan at intrigahan sa kanilang hanay. Hinihikayat silang tukuyin ang mga namumuno sa mga organisasyong masa at isuplong ang mga kamag-anak o kakilala nilang mga myembro ng BHB. Pinalalabas nilang mayroon nang mga nagtraydor sa kanilang hanay kaya mas makakabuti kung umamin na rin sila at makipagtulungan sa AFP.

Palakasin ang pagkakaisa ng mamamayan. Ang pinakatiyak na paraan ng paggapi sa COPD at Oplan Bayanihan ay ang pagtataas sa mapanlabang diwa ng masa at ang mahigpit na paghawak sa inisyatibang pulitiko-militar.

Tungo rito, nananawagan ang National Democratic Front sa mamamayan ng rehiyon na magkaisa para ibunyag at tutulan ang COPD-OPB. Anito, sa ganitong paraan ay mabibigo ng mamamayan ng NEMR ang Oplan Bayanihan. Kaya walang dahilan para hindi rin mapagtagumpayan ng mamamayan ang OPB ngayon.

Hinimok ng NDF-NEMR ang mamamayan sa mga baryo na palakasin ang pananalig sa isa't isa at huwag magpadala sa mga panloloko ng AFP at mga pagtatangka nitong sirain ang kanilang pagkakaisa. Dapat mangahas ang mamamayan na isumbong sa pinakamalalapit na ahensya, institusyon at grupong nagtatanggol sa karapatang-tao ang mga paglabag ng pasistang militar at mga galamay nito.

Kung sa kabila ng giit ng mamamayan ay hindi lumalayas ang mga tropang militar, dapat organisadong magprotesta sa sentro ng bayan ang mga taumbaryo. Dalhin nilang isyu sa kilos-protesta ang pagbubunyag at pagtutol sa paggamit sa mga sibilyan bilang mga pananggalang ng militar. Maaari silang lumapit sa mga upisyal ng gubyerbo at simbahan upang doon makisilong habang hindi pa sila makakauwi sa kani-kanilang mga baryo. Maaari rin silang pumunta sa mga istasyon ng radyo o telebisyon upang patampukin ang mga paglabag ng militar sa karapatang-tao ng mamamayan.

Nanawagan ang NDF-NEMR sa mamamayan na huwag na huwag makihalo sa militar at huwag magpatira ng mga sundalo sa bahay para makaiwas sa peligrong madamay kung may engkwentro. Anang NDF-NEMR, dapat pakatandaan na paglabag sa batas ng digma at paglabag sa karapatang-tao na tirhan ng militar ang mga bahay at pasilidad ng mga sibilyan.

________________________________

Operasyong militar, salot sa kabuhayan ng masa

Sinasabi ng AFP at ng rehimeng Aquino na ang rebolusyonaryong kilusan daw ay sagka sa pag-unlad ng kanayunan. Taliwas dito ang karanasan ng 293 pamilyang magsasaka sa Agusan del Norte at Surigao del Sur na napilitang magbakwit noong Mayo hanggang Hunyo dahil sa mga operasyong COPD ng AFP.

Ayon sa isang artikulo sa Lingkawas, rebolusyonaryong pahayagang masa sa NEMR, umabot sa P984,000 (o abereyds na P3,358 bawat pamilya) ang tinatayang nawala sa mga nagbakwit dahil sa naiwan nilang mga sakahan at alagang hayop.

Tatlong mayor na pagbakwit ang naganap noong panahong iyon.

Ang una ay noong Mayo 26-Hunyo 16 sa Zapanta, Bangayan, Agusan del Norte. Pitumpu't limang pamilyang Mamanwa at magsasaka ang nagbakwit dahil sa operasyong COPD ng 30th IB. Sa panahong ito ay pinigilan din ng militar sa tsekpoynt ang mga motorsiklong nagdadala ng kahoy na siyang pinagkakakitaan ng mamamayan sa lugar.

Ang ikalawa ay noong Hunyo 20-Hulyo 4 sa Mahaba, Marihatag, Surigao del Sur kung saan 141 pamilyang magsasaka ang lumikas. Halos dalawang buwang pumondo ang COPD sa barangay hall, daycare center, health center at upisina ng Sangguniang Kabataan. Tampok ang harasment, pananakot at panlilinlang sa operasyong COPD ng militar.

Ang ikatlo ay noong Hunyo 26-Hulyo 2 sa Janipaan, San Agustin, Surigao del Sur kung saan 77 pamilyang Manobo at Mamanwa ang nagbakwit. Ang paglikas ay ibinunsod ng iligal na pag-aresto ng 29th IB-COPD sa anim na magsasakang nangongopra sa Upper Janipaan sa unang araw ng operasyon. Kasama ng mga mangongopra ang tatlong batang dinakip din at binansagang mga mandirigma ng BHB.

Sa mga kasong ito ay bumalik lamang ang mga magsasaka nang mapag-alaman nilang umalis na ang mga militar na umokupa sa kanilang mga komunidad.

________________________________

19 sundalo ng 50th IB, napatay sa Cervantes, Ilocos Sur

Sa kabila ng paglihim ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ay hindi nito maitago ang katotohanang nagtamo ito ng matinding hambalos sa kamay ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa mga labanang naganap sa Cervantes, Ilocos Sur noong katapusan ng Setyembre. Ayon sa karagdagang ulat ng Alfredo Cesar Command (BHB-Ilocos Sur), umabot sa 19 na sundalo ang napatay at anim ang nasugatan.

Para mailihim ang tunay na bilang ng kanilang mga kaswalti, idinaan ng militar ang mga bangkay at mga sugatan sa iba't ibang ruta. Gayunman, nabigo silang lubusang ilingid ito sa mamamayan.

Ayon sa ulat ng mga lokal na residente, hindi bababa sa sampung bangkay ng mga sundalo ang nakita nila sa ilalim ng tulay noong umaga ng Setyembre 25. Noong araw ding iyon ay isinakay sa isang helikopter ang isang sugatang sundalo at kumpirmadong namatay ito sa ospital.

Dalawang labanan ang naganap bago ito. Ang unang engkwentro ay naganap nang tambangan ng BHB ang mga tropa ng 50th IB sa Barangay Remedios noong Setyembre 23. Anim na sundalo ang napatay at anim din ang nasugatan. Nangyari ang pangalawang labanan kinabukasan ng gabi sa Sityo Bulaga, Barangay Aloling.

Isa na namang labanan ang naganap noong Setyembre 26 ng hapon sa Sityo Maupong, Barangay Concepcion. Dalawang sundalo ang napatay dito.

Katawa-tawa at hindi kapani-paniwala ang mga pahayag ng militar kaugnay ng kanilang mga kaswalti. Ani Col. Eliseo Posadas, hepe ng 503rd IB kung saan nakapailalim ang 50th IB, isang sundalo lamang ang nasugatan sa pananambang ng BHB noong Setyembre 23 habang isa ang napatay na sundalo sa labanan noong Setyembre 24.

Sa panig ng BHB, dalawang Pulang mandirigma, sina Ka Dindo at Ka Likot, ang nagbuwis ng buhay sa labanan noong Setyembre 24. Ang bangkay ni Ka Likot ay tinadtad ng bala ng mga pasistang sundalo kaya nadurog ang kanyang bungo at dibdib.

Noon namang hapon lamang ng Setyembre 29 natagpuan ang bangkay ni Ka Dindo dahil ilang araw na pinagbawalan ng militar na makalapit sa lugar na pinaglabanan ang kanyang mga kamag-anak. Bunga ng pagpupursige ng mga kapamilya at kababayan ni Ka Dindo, mga mamamayan ng Cervantes at mga grupong nagtataguyod sa karapatang-tao, natagpuan din ang bangkay ni Ka Dindo malapit sa lugar ng engkwentro.

Dahil sa laki ng kaswalting tinamo nila sa kamay ng BHB, nagbuhos ang Northern Luzon Command ng mahigit isang batalyong tropa sa bayan ng Cervantes. Nagmistulang mga asong nauulol ang noo'y mga sundalong nagpapanggap na mababait na tupa. Sa mga inosenteng sibilyan nila ibinubunton ang kanilang galit.

Hindi nila nirerespeto ang awtoridad ng lokal na gubyerno ng Cervantes at nilalapastangan ang mga karapatan ng mga sibilyan. Arbitraryo silang nagtayo ng mga tsekpoynt, pumwesto sa maraming baryo at nanindak ng mga magsasaka. Sa kabilang banda, ang tagumpay ng mga labanan sa Cervantes ay patunay ng kakayahan ng BHB na magdepensa sa harap ng marahas na mga atake ng pasistang militar dahil ito ay nagtatamasa ng malawak na suporta ng masa.

________________________________

Mayor Dano at 6 POW, pinalaya ng BHB

Sa utos ng Panrehiyong Komite ng PKP sa Southern Mindanao, pinalaya ng Conrado Heredia Command ng Bagong Hukbong Bayan noong Oktubre 9 si Mayor Henry Dano ng Lingig, Surigao del Sur at ang kanyang dalawang tauhang militar na sina Cpl. Alrey Desamparado at Pfc. Alan Saban ng 4th ID-AFP Intelligence Unit.

Ayon kay Rubi del Mundo, tagapagsalita ng NDFP sa Southern Mindanao, ang kaso laban kay Dano at sa kanyang mga tauhan ay pansamantalang sinususpinde sa kundisyong hindi na sila muling lalabag sa mga karapatang-tao, sa internasyunal na makataong batas at mga patakaran ng gubyernong bayan.

Sa mga isinagawang imbestigasyon, nakitang may tuwirang responsibilidad si Dano at ang kanyang mga tauhan sa mga krimen laban sa mamamayan, kabilang ang pagpaslang sa isang lider magsasaka. Umamin ang mga detenido sa kanilang mga naging krimen. Ang pagpapalaya sa kanila ay pagbibigay sa kanila ng pagkakataon na magpanibagong buhay at iwasto ang kanilang mga krimen sa nakaraan.

Isang araw bago ito, pinalaya naman ng BHB ang apat na bihag sa digma o mga prisoner of war (POW) na sina Jail Inspector Murphy Bomoway Todyog (Badge No. 0-08021), Jail Warden Erico Dacillo Llamasares (Badge No. 0-07022), Special Jail Officer 2 (SJ02) Rogelio Begontes (Badge No. 960187), at Jail Officer 1 (JOI) Rolando Delta Bajoyo, Jr. Pinalaya sila sa bisa ng kautusan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) dahil sa mga batayang makatao.

Matatandaang ang apat ay dinisarmahan at isinailalim sa kustodiya ng mga pwersa ng Herminio Alfonso Command-Guerrilla Front Committee 53 noong Hulyo 21. Kabilang sila sa yunit ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tinambangan ng BHB sa Barangay Sinuda, Kitaotao, Bukidnon upang makalaya si Dennis Rodenas, na dadalhin sana sa bilangguan sa Davao.

Idineklara ang apat na tauhan ng BJMP bilang mga prisoner of war at ginawaran ng proteksyon batay sa mga internasyunal na batas ng digma na itinataguyod ng Bagong Hukbong Bayan.

Sa mahigit dalawang buwang pangangalaga sa kanila ng Herminio Alfonso Command-BHB, maayos at makatao ang pakikitungo sa kanila. Ang apat mismong mga POW ang nagbigay ng pahayag kung paano sila inalagaan ng mga nagkustodiya sa kanila.

Naantala ang pagpapalaya sa kanila dahil sa sunud-sunod na laking-batalyong operasyong militar ng 602nd Brigade, 6th ID at 403rd Brigade, AFP Eastern Mindanao Command. Inilagay nila sa peligro ang kalagayan ng mga POW dahil sa naturang mga bigong operasyong "rescue".

Kabilang sa sumaksi sa pagpapalaya ang kinatawan ng International Committee of the Red Cross (ICRC), mga tagapagtanggol ng karapatang-tao at mga relihiyoso at si Atty. Persida Acosta ng Public Attorney's Office (PAO).

________________________________

Mapaminsalang pagmimina sa Cagayan Valley, nilalabanan ng mamamayan

Isang malawak na kampanya laban sa mapaminsalang dayuhan at korporadong pagmimina ang isinusulong ngayon sa Cagayan Valley. Bahagi ito ng pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa, pambansang industriyalisasyon at pagtataguyod ng pambansang patrimonya at soberanya.

Nagngingitngit ang daanlibong pamilya na napipinsala ng pagmimina. Sa Barangay Dugo, Camalaniugan, 78 pamilya na ang lumikas dahil sa paglubog ng kanilang mga bahay. Sa Gen. E. Batalla, Sapping sa bayan din ng Camalaniugan, natitibag na ang lupa. Sa Aparri at Calamaniugan, umabot na sa 180 bahay ang natangay dahil sa pagbaha ng Cagayan River. Sa Gonzaga, lumalalim at natutuyuan ang mga balon at umuuga ang mga bahay kapag may operasyon ang mina, habang ang dating hanggang baywang na ilog ay umaabot na hanggang sa leeg ang lalim. Mabilis ang pagbaha lalo na sa mga komunidad na malapit sa tabing dagat dahil sa pagtatambak ng basura ng mina sa mga bukirin. Samantala, pinalalayas ang mga residente ng Purok 7, Barangay Batangan sa Gonzaga dahil may nagmamay-ari na raw dito na kumpanya.

Pinakatampok na pinsala ang suction effect. Biglang bumabagsak ang lupa dahil sa pagkasira ng katubigan at pagpasok ng tubig dagat sa lupang agrikultural at residensyal. Ito ay dahil sa pitong-toneladang magnet na pirming nakasuksok sa ilalim ng tubig dagat upang mahigop ang magnetite. Bukod sa pagmimina ng magnetite, may mga proyektong eksplorasyon ng ginto sa Claveria; ginto at pyrex sa Baggao; magnetite sand sa Ballesteros; limestone sa Gonzaga; at napipintong pagmimina ng karbon (coal).

Ang pagmimina ng magnetite ay isinasagawa sa 13,843 ektarya sa 16 na kilometrong baybay na sumasaklaw sa buong ilog, dalampasigan at dagat ng mga baybaying bayan sa hilagang Cagayan. Kagyat na epekto nito ang kawalan ng mga makukuha at maibebentang hipon, kabibi, talangka at iba pang makakaing nakukuha sa mabababaw na bahagi ng dagat, na mayor na pinagkukunan ng masa ng kabuhayan. Nagdudulot din ito ng tiyak na kapahamakan sa mamamayan dahil sa ibinubunsod nitong mga baha na lumalamon sa mga bahay at sakahan sa mga baryo, mga gusali sa bayan sa panahon ng bagyo o kahit tuwing malakas lang ang ulan at lalo na kapag may tsunami.

Sa Nueva Vizcaya, halos lahat na ng bayan dito ay tadtad na ng aplikasyon sa pagmimina. Maliban sa dating erya ng Kasibu, Dupax at Quezon, umabot na rin ito sa Diadi, Bagabag, Solano at Bayombong. Sa Isabela, ipinagpapatuloy ng pambansa at pamprubinsyang pamahalaan ang pagmimina ng karbon sa 64,000 ektarya ng 24 baryo sa apat na bayan dito na magpapatalsik sa 10,000 pamilya. Napahinto na ang mga ito noong 2004 bunga ng maigting na paglaban ng mga residente. Bukod pa ito sa 2,391 ektaryang minahan ng ginto sa Dinapigue.

Sa mga apektadong komunidad, hindi kinikilala ng reaksyunaryong estado ang karapatan ng mga magsasaka sa lupa. Binabalewala ang karapatan ng mga pambansang minorya sa kanilang lupang ninuno at niyuyurakan ang karapatan ng mga mangingisda sa mga pook pangisdaan. Nilalapastangan ang karapatan ng mamamayan sa kabuhayan, tirahan, kaligtasan at kalusugan. Pati ang pinakamahabang ilog sa bansa, ang Cagayan River na nagmumula sa puno nito sa Nueva Vizcaya hanggang sa dulo nito sa baybay Cagayan ay napipinsala.

Lumalala ang militarisasyon at abusong militar sa mga lugar ng malalaking dayuhang minahan. Ang Oplan Bayanihan ay pangunahing nakatuon sa mga magsasaka at pambansang minoryang lumalaban sa mapaminsalang pagmimina at quarrying. Matitingkad na kaso ng paglapastangan sa karapatang-tao ang sunud-sunod na mga pagpaslang sa Buguey, Cagayan at Kasibu, Nueva Vizcaya; kumakapal na presensyang militar sa mga pinagmiminahan ng karbon sa Benito Soliven, Isabela; pagsasampa ng mga kasong illegal occupancy, libel, malicious mischief at iba pa at marahas na pagbuwag sa mga kilos-masa sa Gonzaga at barikada sa Kasibu.

Binabantayan ng PNP ang quarry sa Wangag River sa Cagayan at minahan sa Kasibu. Pinalalakas din ng gubyerno at ng mga dayong korporasyon sa pagmimina ang mga armadong bantay sa mga minahan. Wala ring awat ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso sa mga tumututol na mamamayan. Kasabay nito ay nag-iibayo ang pagsisikap ng mga kontra-mamamayang Akbayan Party List at iba pang reaksyunaryong institusyon ng gubyerno para ilihis ang pakikibaka ng mamamayan.

Yaman na gustong simutin. Ang Cagayan Valley ay isa sa mga rehiyon na may malaki at hindi pa gaanong nasisimot na yamang mineral. Mayroon itong 218 milyong metriko toneladang yamang mineral na metal at 1.4 bilyong metriko toneladang reserbang di-metal. Sa balangkas ng Northern Luzon Agribusiness Quadrangle (NLAQ) ay kasama ang higanteng minahan sa Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya sa 23 prayoridad na proyektong minahan sa bansa. Nakapaloob din sa NLAQ ang pandarambong ng mga imperyalistang kumpanya sa mga rekurso sa enerhiya sa rehiyon. Ilang halimbawa nito ang Philippine National Oil Company-Energy Corporation (PNOC-EC) at Aragon Coal Resources, Inc. na magmimina ng karbon at Aragon Power and Energy Corp. na magmimina ng gas at langis sa Cagayan Valley Basin. Ang mga ito'y sumasaklaw ng 748,000 ektarya ng agrikultural na lupain.

Labing-anim na bayan at isang syudad sa Cagayan, mahigit walong bayan sa Nueva Vizcaya at Quirino at anim na bayan sa Isabela ang sinasaklaw ngayon ng mga aprubadong konsesyon sa pagmimina at quarrying. Bukod pa ito sa dagsa-dagsang aplikasyon sa maliitang pagmimina kung saan ginagamit ang pangalan ng ilang lokal na mga negosyante at maging mga upisyal ng barangay bilang aplikante pero may kasosyong kumokontrol na dayuhang kumpanya. Lumalaganap ito dahil mas madaling mailusot ng mga dayuhang kumpanya ang mga permit at pagsuporta ng lokal na gubyerno at burukrata na nakikinabang din dito.

________________________________

Armadong proteksyon sa mga minahan, binatikos

Mariing binatikos ng mga progresibong partido, grupo at tagapagtanggol ng kapaligiran ang kautusan ng rehimeng Aquino sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na makipagtulungan sa mga kumpanya sa pagmimina sa pagbubuo ng mga pwersang paramilitar tulad ng Special Civilian Armed Auxiliary (SCAA) upang proteksyunan ang kanilang operasyon.

Ayon sa naturang mga grupo, ang mamamayan sa kanayunan ang siyang nangangailangan ng proteksyon laban sa militar na matinding lumalabag sa karapatan ng mga minoryang komunidad. Biktima sila ng pangangamkan ng lupa, pagkasira ng kapaligiran at kanilang kabuhayan dahil sa walang habas na pandarambong ng mga minahan.

Ang kautusang ito ni Aquino noong Oktubre 14 ang tugon ng kanyang rehimen sa inilunsad na koordinadong pagsalakay ng Bagong Hukbong Bayan sa tatlong minahan sa Surigao del Sur noong Oktubre 3 para parusahan ang mga kumpanya sa malawakang pinsalang idinulot nila sa kapaligiran at kabuhayan ng mamamayan. Ang pagbubuo ng SCAA ay sinimulan noong panahon ng rehimeng Arroyo. Ang AFP ang siyang nagsasanay sa mga SCAA habang ang gastos at pagpapasweldo rito ay binabalikat ng mga minahan.

Hiniling ng mga grupo sa rehimeng Aquino na bawiin nito ang planong pagpakat ng SCAA dahil lalala lamang ang mga pang-aabuso sa karapatang-tao. Mahaba na ang listahan ng mga paglabag ng pwersang paramilitar sa karapatang-tao. Pinangangambahan ng mga grupong nagtataguyod ng karapatang-tao na ang naturang mga hakbang ay magpapatindi ng militarisasyon at dislokasyon sa mga komunidad ng mga minorya.

Samantala, nagpakat na ng dagdag na pwersang militar ang 27th IB ng Philippine Army sa Sultan Kudarat at South Cotabato kung saan nag-oopereyt ang maraming malalaking dayuhang minahan.

________________________________

Niluto sa US Embassy ang pagsasabatas ng Cheaper Medicines Act

Bago maging batas ang Cheaper Medicines Act of 2008 ay niluluto na ng US Embassy kasabwat si dating Senador Mar Roxas ang pagpapalabnaw nito. Isa ito sa nilaman ng mga sikretong ulat ng US Embassy sa Maynila na nalantad sa Wikileaks.org. Ang Wikileaks.org ay isang website na tumututok sa pagbubunyag ng mga katiwalian ng mga gubyerno at korporasyon.

Nakipagpulong noong Mayo 16, 2006 si Roxas kay Barbara Weisel, ang Assistant Trade Representative for Asia Pacific and Pharmaceuticals Policy ng US. Sinundan ito ng hiwalay na pakikipagpulong ng mga tagapagpayo sa ekonomya ng US Embassy kina Roxas at iba pang upisyal ng gubyerno. Si Roxas noon ang namumuno sa Committee on Trade sa Senado samantalang si Rep. Junie Cua ang namumuno sa Committee on Trade sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Sa harap ng matingkad na isyu ng napakamahal na presyo ng mga gamot, isinumite ni Rep. Rolex Suplico ng Iloilo noong 2006 ang panukalang Cheaper Medicines Bill o Suplico Bill na muling isinampa noong 2007 ni Rep. Ferjenel Biron. Mayor na probisyon nito ang pagbubuo ng Drug Regulation Board na bibigyang-kapangyarihan na itakda ang presyo ng gamot. Target nitong ibaba nang 80- 90% ang presyo ng 1,500 gamot na nakalista sa Philippine Drug Formulary.

Isinampa naman ni Roxas ang Senate Bill 2263 o Roxas Bill na bumabangga sa Suplico Bill. Tutol ito sa pagbibigay kapangyarihan sa gubyerno na itakda ang presyo ng gamot. Sa halip, idinidiin nito ang pagpapalawak ng importasyon ng mga gamot bilang paraan para bumaba ang presyo nito, kahit pa itinakda nito kung ano lamang ang pwedeng iangkat na gamot. Ang panukala ni Roxas ang malao'y mananaig at tataguriang "Universally Accessible Cheaper and Quality Medicines Act of 2008" o Republic Act No. 9502.

Ang pananaig ng panukala ni Roxas ay hindi mangyayari kung wala ang aktibong pagsuporta rito ng mga dayuhang malalaking kumpanya sa gamot. Tinatayang nagbuhos ng P1 bilyong pondo ang mga naturang kumpanya upang bilhin ang boto ng mga mambabatas.

Sa mga pakikipag-usap ng mga upisyal ng US kay Roxas, idiniin ng mga ito ang pangangailangang pangalagaan umano ang tinatawag na "intellectual property rights" ng mga korporasyong Amerikano. Tutol din ang US sa malawakang importasyon ng mga gamot, laluna mula sa India, kung saan ang mga gamot na produkto rin ng malalaking kumpanyang multinasyunal ay ibinebenta nang malayong mas mura kumpara sa Pilipinas. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan kay Roxas, itinulak din ng US ang paglimita sa mga gamot na maaaring iangkat mula sa ibang bansa.

________________________________

Pandaigdigang kilos-protesta laban sa krisis ng kapitalismo

Mahigit 950 demonstrasyon ang inilunsad ng dalawang milyong mamamayan noong Oktubre 15 sa 80 bansa sa Europe, North America, Latin America, Middle East, Africa at Asia-Pacific kasama na ang Pilipinas. Ang pinakamalalaking demonstrasyon ay inilunsad sa mga bansang tinatamaan ng malalang krisis sa pinansya at ekonomya.

Umabot sa 1,100,000 ang nagrali sa 60 bayan sa Spain. Umabot naman sa 700,000 ang nagdemonstrasyon sa Italy; 40,000 sa Portugal; at mahigit 60,000 sa Greece, Germany, Belgium, The Netherlands, Sweden, Croatia at Slovenia. Sa US, mahigit 50,000 ang nagrali sa mahigit 30 estado, habang mahigit 10,000 naman ang nagprotesta sa Canada at Alaska, isa ring estado ng US. Umabot naman sa 100,000 ang nagrali sa Santiago, Chile; 15,000 sa Israel; at 20,000 sa South Africa. Mahigit 15,000 naman ang nagrali sa Australia, New Zealand, Taiwan, Hongkong, Japan, Pilipinas, Indonesia at Malaysia.

"Occupy Wall Street". Ang naganap na pandaigdigang kilos-protesta ng mamamayan noong Oktubre 15 ay pakikiisa sa Occupy Wall Street, isang nagpapatuloy na kilusan sa US laban sa kapitalistang kasakiman. Ang kilusang ito ay nagsimula noong Setyembre 17 nang mahigit 150 kabataan ang nagkampo sa Zucotti Park, sa pusod ng New York City, ang sentro ng malalaking bangko sa US.

Ang impormasyon hinggil sa kanilang pagkilos ay tumampok at kumalat sa internet at malaoy nagbunsod ng papalaking mga demonstrasyon sa New York City at iba pang syudad sa US. Daan-daan na ang mga inarestong demonstrador nitong nagdaang mga linggo. Sa paglipas ng mga araw, umani ng papalawak na suporta ang pagkilos mula sa mga unyon, organisasyon sa komunidad, mga kilalang artista, tagapagtaguyod ng karapatang-tao at sibil at iba't iba pang grupo.

Tumindi nang tumindi ang panunupil ng mga pulis udyok ng mga bilyunaryo sa Wall Street. Nabunyag sa midya na nagbuhos ng $4 milyon ang Goldman Sachs bilang insentibo sa mga pulis sa pagbabantay sa mga nagpoprotesta. Idinedeploy ang pinakamababagsik na pulis na para bang humaharap sa mga kriminal. Noong Oktubre 11, tinangkang buwagin ng mga pulis ang kampo sa Zucotti Park.

Pandaigdigang protesta. Ang inilunsad na pandaigdigang koordinadong protesta noong Oktubre 15 ay tugon sa panawagan na suportahan at tularan ang kilusang Occupy Wall Street. Ang lawak at tindi ng mga protesta noong araw na iyon sa iba't ibang panig ng mundo ay salamin ng lawak at tindi ng pagdurusa ng mamamayan ng daigdig sa nagpapatuloy na krisis ng kapitalismo.

Dumagundong sa buong mundo ang panawagan na magkaisa para labanan ang kapitalistang kasakiman at sistema sa pinansya na nagdulot ng napakalaking pagdurusa sa milyun-milyong mamamayan sa daigdig. Ipinamalas nila ang kanilang galit laban sa malalaking kapitalista sa pinansya at mga korap na pulitiko na patuloy na nagpapakasasa sa harap ng lumalalang krisis ng kapitalismo.

________________________________

19 sundalo, patay sa ambus sa Basilan

Labinsiyam na mga elemento ng Special Forces ang napatay nang ambusin sila ng mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Barangay Cambug, Al-Barka, Basilan noong Oktubre 18.

Apatnapu't isa sundalo ng Special Forces ang sumalakay sa kinakampuhan ng MILF subalit sinalubong na sila ng pananambang bago pa sila makaabante.

Siyam na oras na tumagal ang labanan. Ayon sa MILF, halos pantay lang ang bilang ng Special Forces at mandirigma ng MILF na nagkalabanan, pero bentahe ng MILF ang paborable nitong pusisyon at pamilyaridad sa tereyn.

Maliban sa malaking kaswalti ng AFP, nasamsam din mula sa mga sundalo ng apat na M203, limang masinggan at 13 M16.

Kinundena ng MILF ang pang-aatake ng Special Forces bilang paglabag sa umiiral na tigil-putukan sa pagitan nito at ng Gubyerno ng Pilipinas. Anito, may nauna na ring paglabag ang AFP nang sumalakay din ito sa pinupusisyunan ng MILF sa Payao, Zamboanga Sibugay noong Oktubre 15. Magsasampa ang MILF ng protesta sa International Monitoring Team laban sa paglabag ng AFP sa tigil-putukan.

Samantala, umabot sa 1,500 sibilyan na ang lumilikas noong Oktubre 19 dahil sa panganganyon ng militar sa kanilang mga komunidad.

________________________________

24 sundalong Turkish, napatay sa reyd ng PKK

Dalawampu't apat na sundalong Turkish ang napatay nang salakayin ng mga mandirigma ng Kurdistan Workers Party (Parti Karkerani Kurdistan o PKK) ang iba't ibang detatsment ng militar sa Hakkari, Turkey noong gabi ng Oktubre 18. Ito na ang pinakamalaking kaswalting natamo ng mga pwersang panseguridad ng Turkey mula sa PKK mula noong 1993.

Bilang ganti, pinagbobomba ng militar ng Turkey ang pinaghihinalaang pinagkukutaan ng PKK sa hilagang Iraq. Nagpadala rin sila ng mga yunit komando para tugisin ang mga rebelde. Marami rin itong inarestong mga sibilyang pinagsususpetsahang sumusuporta sa PKK.

Ang PKK ay malaon nang nakikipaglaban para maitayo ang awtonomus na estado ng Kurdistan, na sumasaklaw sa silangang Turkey, hilagang Iraq, hilagang-kanlurang Iran at hilagang Syria. Matapos ang ilang taong paghupa, sumiklab muli ang gerilyang pakikibaka ng PKK mula noong 2004.

Sistematikong sinusupil ng Turkey ang karapatan ng mga Kurd. Ang timog-silangang Turkey kung saan konsentrado ang mga Kurd ang isa sa pinakamahihirap na lugar ng bansa. Daan-daanlibong Kurd ang sapilitang pinalayas mula sa kanilang lupang ninuno.