Patatagin ang malawak na prenteng patriyotiko laban sa panghihimasok ng imperyalismong US!

Ang Bayan
7 Oktubre 2011
Download PDF

Nag-iibayo ang panghihimasok ng imperyalismong US sa Pilipinas sa ilalim ng papet na rehimeng Aquino. Walang awat ang pakikialam nito sa mga panloob na usapin sa ekonomya, pulitika, militar at kultura. Lantaran ang pagwawasiwas nito ng kapangyarihang militar upang lalong patatagin ang mahigit isang siglong imperyalistang dominasyon nito sa bansa at ibayong itulak ang mga patakarang makadayuhan at pahirap sa bayan.

Mula nang itayo ng imperyalismong US ang neokolonyal na estado sa Pilipinas noong 1946, tuluy-tuloy na nalugmok ang mamamayang Pilipino sa palagiang krisis bunsod ng pandarambong dito ng mga dayuhang kumpanya at paghuthot nila ng supertubo mula sa yaman ng bansa. Kasabwat nila ang malalaking burgesyang komprador at malalaking panginoong maylupa sa pang-aapi at pagsasamantala sa masang manggagawa at magsasaka at sa pagpapakasasa sa likas na yaman ng bansa. Kinasangkapan nila ang reaksyunaryong estado at pasistang militar sa pagsupil sa mamamayang kumikilos para sa pambansa at demokratikong pagbabago.

Nitong nagdaang mahigit tatlong dekada, dumausdos ang Pilipinas sa papalalim na krisis sanhi ng tuluy-tuloy na pagsasakatuparan ng mga patakaran ng liberalisasyon, deregulasyon, pribatisasyon at denasyunalisasyon ng sunud-sunod na mga papet na rehimen. Bunga nito, nalubog ang Pilipinas sa utang. Lumawak ang problema sa disempleyo at pagkapako ng sahod. Nawasak ang mga produktibong pwersa. Ibinunsod nito ang malawakang pang-aagaw ng lupa at pagkasira ng produksyon ng pagkain, pagdambong sa likas na yaman at paglapastangan sa kapaligiran. Dumaranas ngayon ng walang kapantay na kahirapan at kagutuman ang mamamayang Pilipino.

Sa kabila ng salantang idinulot na ng mga patakarang ito sa Pilipinas, may gana pa ngayon ang mga reaksyunaryong papet ng imperyalismong US na lalo pang itulak ang Pilipinas sa bangin ng neokolonyalismo. Imbing pagnanais nila na itulak ang lalo pang pagbubukas ng ekonomya ng Pilipinas. Nililinlang nila ang mamamayan sa ilusyon ng "mundong walang mga hangganan" upang burahin sa kanilang isip ang kahalagahan ng patrimonya, kalayaan, kasarinlan, pambansang dignidad at karapatan sa pambansang pagpapasya.

Muli ngayong binubuhay ng mga reaksyunaryong papet at tauhan ng rehimeng Aquino ang mga hakbang para amyendahan ang konstitusyon ng 1987 upang tuluyang alisin ang mga probisyon nito na pumapatungkol sa pagtataguyod ng pambansang patrimonya. Ipinaaalala nito sa mamamayang Pilipino ang pagtulak ng mga Parity Amendments noong 1946 na nagbigay ng pantay na karapatan sa mga Amerikano na magnegosyo, magmay-ari ng lupa at magsamantala sa likas na yaman ng bansa.

Sa ngalan ng "pag-akit sa dayuhang pamumuhunan", itinutulak ng mga reaksyunaryong papet na payagan ang mga dayuhang kapitalista na bumili ng lupa sa Pilipinas at bigyan ng karapatan ang 100% mga dayuhang kumpanya na magnegosyo sa Pilipinas. Kung matutuloy ang gayong mga hakbangin, lalong lalaganap ang problema ng kawalan ng lupa at mga kaso ng pagpapalayas ng mga magsasaka sa kanilang mga lupa. Tiyak din na ibubunga niyon ang tuluyang pagpilay sa mga lokal na maliliit na negosyanteng ilang dekada nang di makabangon sa harap ng pagtatambak ng dayuhang mga kalakal at pagdagsa ng dayuhang kapital.

Isang malaking kasinungalingan ang ilang dekada nang sinasabi ng mga reaksyunaryong ekonomista na ang "pag-akit sa dayuhang pamumuhunan" ang solusyon sa mga problemang pangkabuhayan ng bansa. Nitong nakaraang mga dekada, di nagsawa ang magkakasunod na reaksyunaryong estado sa pag-iisip ng mga pabuyang iaalok sa mga dayuhang kapitalista. Kabilang dito ang pagpapanatiling mababa ang sahod ng mga manggagawa, malawakang kontraktwalisasyon, panggigipit sa mga unyon, hindi pagsingil ng buwis, pagbibigay-layang iuwi ang kanilang tubo, pagbibigay-karapatan na kontrolin ang daan-daan libong ektaryang lupain at kabundukan at paggamit ng pampublikong pondo sa kanilang pamumuhunan.

Lumaki nang halos tatlumpung ulit ang tuwirang dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas mula $914 milyon noong 1980 tungong $24.9 bilyon noong 2010. Subalit walang pag-unlad na nangyari. Sa halip, lalo pang sumasadsad ang ekonomya ng Pilipinas. Katunayan, ang bahagi ng manupaktura sa kabuuang ekonomya ay bumagsak na sa antas nito noong dekada 1950. Dumaranas ngayon ang bansa ng wala pang kapantay na problema sa disempleyo na di kayang lutasin kahit ng todo kampanyang pagluluwas ng mga migranteng manggagawa.

Ang itinutulak na bagong Parity Amendments ay maghahatid sa Pilipinas sa bagong yugto ng malakolonyal nitong kasaysayan--isang panahon ng di nahahangganang dayuhang pandarambong sa ilalim ng isang papet na rehimen. Lalong mawawalan ng saysay ang sinasabing "kalayaan" ng Pilipinas. Ang papet na estado ay tuluyang masasadlak sa pagiging tagapangasiwa na lamang ng dayuhang interes sa bansa. Ang direksyon at kinabukasan ng bansa ay ganap nang itatadhana ng mga dayuhang monopolyong kapitalista.

Ang gayong mga hakbangin ng reaksyunaryong papet ay nagsisilbing banta at hamon sa mamamayang Pilipino, laluna sa uring manggagawa, masang magsasaka, petiburgesyang lunsod at pambansang burgesya. Sila ang pangunahing pumapasan ng mapang-api at mapagsamantalang sistema. Sa balikat nila babagsak ang karagdagan pang mga pabigat na idudulot ng itinutulak na bagong Parity Amendments at tuluyang pagsuko ng kasarinlang pang-ekonomya ng bansa.

Dapat puspusang labanan ng sambayanang Pilipino ang tangkang lalong ilubog ang Pilipinas sa malakolonyalismo. Ang pagpupursige ng mga reaksyunaryong papet na tuluyang isuko ang kasarinlang pang-ekonomya ng Pilipinas ay dapat harapin ng ubos-kayang pakikibaka para ipagtanggol ang pambansang kalayaan, demokrasya at karapatang magpasya-sa-sarili.

Dapat magmartsa ang buong sambayanan sa bandila ng prenteng patriyotiko upang epektibong salagin ang plano ng mga reaksyunaryong papet na ganap na ipagkanulo ang Pilipinas at tuluy-tuloy na isulong ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan. Dapat ibayong palaganapin ang diwa ng patriyotismo, laluna sa hanay ng mga kabataan-estudyante. Basagin ang ilusyon ng "globalisasyon" at "kaunlaran" na pinalalaganap ng mga imperyalista at kanilang mga tuta sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng makabayang pag-aaral sa kasaysayan ng bansa.

Dapat itaguyod ng prenteng patriyotiko ang mga patakaran sa sariling pagpapasya at labanan ang dayuhang panghihimasok sa mga panloob na usapin sa bansa. Dapat igiit ang pagwawakas sa permanenteng presensya ng mga tropang Amerikano sa Pilipinas at pagbabasura sa lahat ng tagibang na kasunduang militar. Dapat ipaglaban ng mga patriyotikong pwersa ang nagsasariling patakarang panlabas na nakabatay sa paggagalangan ng mga bansa at laban sa panghihimasok.

Dapat itaguyod ng prenteng patriyotiko ang mga nasyunalista o makabayang patakaran sa ekonomya. Dapat ipaglaban ang pagbabasura sa mga makadayuhang batas tulad ng Oil Deregulation Law, Foreign Investments Act, Mining Act of 1995 at iba pang batas na pumapabor sa mga dayuhang kapitalista at kontra sa interes ng mga lokal na mamumuhunan. Dapat ipaglaban ang pagbabasura sa mga tagibang na kasunduang pang-ekonomya tulad ng Japan-Philippine Economic Partnership Agreement, Treaty of Amity sa Japan, General Agreement on Tariffs and Trade at iba pa.

Dapat igiit ang sariling pagpapasya sa mga patakarang pang-ekonomya at labanan ang mga dikta ng International Monetary Fund at World Bank. Dapat igiit ang pagwawakas sa pagsalalay ng Pilipinas sa pautang. Dapat itulak ang reporma sa lupa at ang pambansang industriyalisasyon.

Nasa pundasyon ng prenteng patriyotiko ng bayan ang mga rebolusyonaryo at progresibong pwersa. Dapat silang magpunyagi sa pagpapakilos sa malawak na masa at armadong pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya. Bahagi nito ang mga pakikibakang antipyudal sa kanayunan, kabilang ang kilusan para sa pagtatanggol sa kalikasan at kabuhayan ng masang magsasaka at minoryang mamamayan laban sa malalaking kumpanya sa pagmimina at pagtotroso.

Bahagi rin nito ang mga pakikibaka sa kalunsuran laban sa dagdag na mga pasaning buwis, kontra sa monopolyong pagpepresyo sa mga produktong langis, pagtutol sa pagbawas sa mga gastusing panlipunan, paggiit ng mas mataas na sahod, pagtatanggol sa karapatan sa disenteng trabaho at iba pang mga pakikibakang masa.

Sa harap ng nagtatagal at papalalim na pagkalugmok sa depresyon ng pandaigdigang sistemang kapitalista, lalong ginigipit ng imperyalismong US ang mga malakolonya nito tulad ng Pilipinas para ibayo pa nitong mapiga ang likas na yaman at murang lakas-paggawa ng mga manggagawang Pilipino.

___________________________

US, nasa likod ng panibagong cha-cha

Sa isinagawang Legislative Summit nitong Setyembre 29, nagpahayag ang mga namumuno ng Senado at Kongreso na itutulak nila ang pagbabago sa konstitusyon ng 1987 (cha-cha o charter change) para amyendahan ang mga pang-ekonomyang probisyon ng saligang batas. Ang hakbanging ito ay isinagawa isang buwan lamang matapos magpahayag si Ambassador Harry Thomas Jr. ng US na dapat amyendahan ang konstitusyon ng Pilipinas para alisin ang itinuturing na mga mahigpit na probisyon na nakasasagabal sa maluwag na pagpasok ng dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas.

Ang kasalukuyang pagtutulak sa cha-cha ay pinangungunahan ni Sen. Franklin Drilon. Sa mga nagdaang taon, ilang ulit na nakipagkonsultasyon si Drilon sa mga upisyal ng embahada ng US sa Pilipinas para talakayin ang cha-cha.

Ayon kay Bayan Muna Rep. Teddy Casiño, ang panibagong cha-cha ay lubusang pagsusubasta sa soberanya ng bansa sa mga dayuhan. Tinukoy naman ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN), ang panukalang isinampa ni Rep. Loreto Campos ng Misamis Occidental na lubusang nagtatanggal sa mga nalalabing proteksyon ng 1987 Konstitusyon sa ekonomya ng bansa. Kabilang dito ang pagtanggal sa 40% limitasyon sa pag-aari ng mga dayuhan sa mga negosyo at pagpapahintulot sa kanila na kontrolin ang maneydsment ng mga kumpanyang may mga saping pag-aari ng mga banyaga. Gayundin, layunin nitong palawakin ang karapatan ng mga dayuhang mamumuhunan sa eksplorasyon ng likas na yaman. Pahihintulutan din nito ang mga dayuhan na magmay-ari ng mga lupang industriyal; magpraktis ng kanilang propesyon; magmay-ari ng midya; magmay-ari ng mga kolehiyo at unibersidad; at umupa ng lupa nang hXigit pa sa 50 taon.

___________________________

3 minahan sa Surigao, pinarusahan

Pinarusahan ng mga gerilya sa ilalim ng Pulang Diwata Command ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Northeastern Mindanao Region (NEMR) ang tatlong pinakamalalaki at pinakamapangwasak na minahan sa Surigao del Norte noong umaga ng Oktubre 3.

Ang mga ito ay ang Taganito High-Pressure Acid Leaching Plant (THPAL-Sumitomo), Taganito Mining Corporation (TMC) at Platinum Group Metals Corporation (PGMC). Lahat ng ito ay mga subsidyaryo ng Nickel Asia Corp. na pag-aari ng Sumitomo Metal Corp. Ltd. ng Japan at nakabase sa bayan ng Claver.

Ang aksyong pamarusang ito, na isa sa pinakamalalaki at pinakamapangahas na operasyon ng BHB sa kasaysayan ng digmang bayan sa Pilipinas, ay tanda ng mataas na antas ng pagpaplano at koordinasyon.

Ipinakikita rin nito ang kakayahan at determinasyon ng rebolusyonaryong kilusan na ipatupad ang patakaran ng demokratikong gubyernong bayan na pangalagaan ang kapaligiran at likas na yaman at ipagtanggol ang mga karapatan ng mga Lumad, magsasaka at manggagawa. Ani Ka Maria Malaya, tagapagsalita ng National Democratic Front-NEMR, dahil nagsasabwatan ang mga ahensya ng rehimeng US-Aquino para makapag-opereyt ang mga mapandambong na minahan sa bansa, tanging ang rebolusyonaryong kilusan ang makapagbibigay-proteksyon sa mamamayan.

Ayon sa inisyal na ulat, 200 malalaking makinarya ang sinira ng BHB, na kinabibilangan ng mga dump truck, excavator, traktora at pitong barge ng TMC. Winasak din ang pangunahing upisina, ang accounting office at laboratoryo ng kumpanya. Pinasabugan ng mga eksplosibo ang bagong tayo na Taganito Mining Port ng TMC-THPAL, ang smelting plant at isang bertikal na tangke nito na imbakan ng gasolina.

Umaabot naman sa 152 makinarya ang winasak sa Platinum Group Metal Corporation (PGMC) na kinabibilangan ng mga buldoser, pay loader, crane, compactor, grader, dump truck, 10 barge at anim na tugboat. Ang PGMC ay kapatid na kumpanya ng TMC.

Ito na ang isa sa pinakamalalaking pinsalang naidulot ng rebolusyonaryong kilusan sa mga mapandambong na dayuhang kumpanya sa bansa.

Kinumpiska ng BHB ang ilang kompyuter at mga kagamitang may silbing pangmilitar tulad ng combat boots, mga base radio, at 25 handheld VHF radio. Nasamsam din ng mga Pulang mandirigma ang 13 shotgun, 10 maiikling armas, ilang ripleng M16 at mga bala.

Pinabulaanan naman ni Jorge "Ka Oris" Madlos, tagapagsalita ng NDF-Mindanao, ang balita na tatlong gwardya ang napatay sa pagsalakay ng BHB. Aniya, walang kahit isa sa mga gwardya ang sinaktan. Sa katunayan, hindi lumaban ang laking-kumpanyang pwersang panseguridad ng mga kumpanya. Karamihan sa mga gwardya ay tumakas, kabilang ang 20-kataong "quick reaction force" na nasasandatahan ng mga makabagong armas.

Habang isinasagawa ang aksyong pamarusa ay tinipon sa iba't ibang lugar ang 300 manggagawa at ipinaliwanag sa kanila ang dahilan ng pagparusa sa tatlong minahan. Pinalaya ang tatlong matataas na upisyal ng TMC pagkaraan ng limang oras at binalaan ang mga ito laban sa masasamang gawain ng kanilang kumpanya.

Inihanay ni Malaya ang mga paglabag ng mga kumpanya sa mga patakaran ng demokratikong gubyernong bayan.

Ang TMC ay responsable sa malawakang pagkasira ng yamang dagat at ang mga kabundukan ng Surigao del Norte sa loob ng 30 taon nitong operasyon. Nilapastangan din nito ang mga karapatan ng mga Lumad na Mamanwa sa kanilang lupang ninuno, at ginulo ang kabuhayan ng mga magsasaka. Niyurakan ng kumpanya ang mga karapatan ng mga manggagawa nito. Sinuhulan din lamang nito ang mga bulok na burukrata para pumayag ang lokal na gubyerno sa P40 milyong buwis lamang sa halip na P400 milyon.

Milyun-milyong tonelada namang nickel ore ang dinadambong ng PGMC at ibinebenta sa mga imperyalistang bansa tulad ng US, Japan at Australia. Bunsod ng operasyong ito ay lubusang nakalbo ang mga kagubatan at kabundukan na sakop ng konsesyon ng PGMC at nasira rin ang mga ilog at dagat. Karamihan sa mga manggagawa ng PGMC ay mga kontraktwal lamang at hindi tumatanggap ng karampatang sahod.

Ang higanteng THPAL ay maramihang gumagamit ng sulfuric acid na lubhang nakalalason sa tao at sa kapaligiran. Gumagamit ito ng panggatong na karbon (coal) kaya nagbubuga ito ng tone-toneladang nakalalasong usok. At ang pinoproseso lamang nito ay mababang kalidad na nickel ore mula sa iba't ibang minahan sa apat na lalawigan ng CARAGA Region. Ang mataas na kalidad ng nickel ore ay iniluluwas lahat nito at pinakikinabangan ng ibang bansa.

Samantala, binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas ang gubyernong Aquino sa kahiya-hiyang pagpanig nito sa interes ng mga dayuhang mamumuhunan at pag-utos na dagdagan pa ang mga pwersang panseguridad para bantayan ang mga minahan. Sinabi naman ni Ka Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDF Negotiating Panel, na hindi nauunawaan ni Aquino ang mga batayang isyu kung bakit nakikibaka ang mga katutubo, mga magsasaka at mga mangingisda laban sa mapangwasak na operasyon ng malalaking kumpanya ng minahan. Una, ang paghuhukay ng mga mineral ore para sa eksport sa lubhang mababang presyo ay pumapatay sa anumang balak ng bansa na mag-industriyalisa. Pangalawa, inaagawan ng lupa ang mga pambansang minorya at malawakang nasisira ang kanilang kabuhayan at kultura. Pangatlo, patuloy na nilalason ng mga minahan ang kapaligiran at sinisira ang agrikultura at iba pang pinagkakabuhayan ng mamamayan.

Tinukoy ni Jalandoni na lubusan nang nalason ang mga ilog at sapa sa Claver, gayundin ang baybayin nito. Kaya nagpetisyon ang Tribal Coalition of Mindanao at iba pang kapanalig nito sa Korte Suprema noong Mayo 30 laban sa mga minahang pinarusahan ng BHB at sa Oriental Synergy Mining Corp., Shenzhou Mining Group Corp. at Marcventures Mining Development Corp., lahat nakabase sa Claver.

___________________________

Mga pangunahing sakunang dulot ng pagmimina

Abril 6 at Hulyo 11, 2007. Toronto Ventures Inc. Siocon, Zamboanga del Norte. Inanod ng malalakas na ulan ang lupa at winasak ang kongkretong pader ng dam na ginagamit sa pagmimina ng copper at zinc. Nakontamina ang Canatuan at Siocon River. Umabot sa tatlong metro ang kapal ng latak na naipon sa ilalim ng mga ilog.

Oktubre 11 at 31, 2005. Lafayette Mining Ltd. Rapu-rapu, Albay. Umawas ang cyanide mula sa imbakan matapos ang malakas na ulan. Nagresulta ito sa malawakang pagkamatay ng mga isda sa Ungay at Hollowstone Creek. Kontaminado ng nakalalasong cyanide ang Binosawan River.

Agosto 27 at Setyembre 11, 2002. Dizon Copper Silver Mines Inc. San Marcelino, Zambales. Bumigay sa malakas na ulan ang dam na may lamang basura mula sa mina. Binaha ng basura ang mabababang lugar at umawas ito patungong Mapanuepe Lake at Sto. Tomas River. Napilitang magbakwit ang apektadong mamamayan.

Disyembre 2001. Maricalum Mining. Sipalay, Negros Occidental. Mula nang matigil ang operasyon sa pagmimina, natuyo ang imbakan ng basura mula sa mina. Nililipad na ng hangin ang alikabok mula sa imbakan hanggang sa layong limang kilometro. Tumaas ang bilang ng mga nagkakasakit sa baga.

Agosto 9, 1999. Atlas Consolidated Mining and Development Corp. Toledo City, Cebu. Naglabas ng 5.7 milyong metro kubiko ng asido. Nakontamina at nilatak ang Sapangdaku River at nangamatay ang mga isda rito.

Abril 26, 1999. Manila Mining Corp. Placer, Surigao del Norte. Nasira ang kongkretong tubo ng tailings pond at nalibing ang 40 bahay dahil sa pagdaloy ng latak. Apatnapung ektarya ang apektado, kabilang ang 20 ektaryang lupang agrikultural.

Nobyembre 6, 1997. Philex Mining Corp. Sibutad, Zamboanga del Norte. Gumuho ang putik at malalaking bato tungo sa dam na imbakan ng latak mula sa mina matapos ang malalakas na pag-ulan. Nagkaroon ng biglaang pagbaha, pagkawasak ng mga bahay at palayan sa malapit.

Marso 24, 1996. Marcopper Mining Corp. Marinduque Island. Nabutasan ang isang tunnel na nakadugtong sa tailings pond nito at bumuhos ang 1.6 milyong metro kubikong latak (katumbas ng 300,000 dump truck) sa Boac at Mogpog River River at dumaloy ito tungong Calancan Bay. Dahil dito ay tuluyan nang namatay ang mga ilog na ito.

Napilitang magbakwit ang 1,200 mamamayan. Nalubog sa baha ang limang bayan. Mula nang simulang linisin ang Boac River noong 2000, umaabot na sa 67,000 metro kwadrado ng nakasakong latak ang naiimbak sa tabing ilog. Ito ang pinakamalalang sakunang dulot ng pagmimina sa Pilipinas.

Setyembre 2, 1995. Manila Mining Corp. Placer, Surigao del Norte. Bumigay ang pundasyon ng tailings pond at namatay ang lima katao. Nakontamina ang baybayin.

Disyembre 6, 1993. Marcopper Mining Corp. Marinduque Island. Bumigay ang imbakan ng latak at dumaloy ito tungong Mogpog River. Dalawang bata ang namatay dahil sa baha. Nangamatay din ang mga alagang hayop. Nakontamina ang lupang agrikultural. Binaha ang bayan ng Mogpog at iba pang komunidad.

Oktubre 7, 1986. Lepanto Consolidated Mining Corp. Mankayan, Benguet. Bumigay ang tailings pond dahil sa sobrang dami ng nakaimbak na latak. Tumapon ang latak sa Abra River at apektado rito ang siyam na bayang dinadaluyan ng ilog, kabilang ang Cervantes, Ilocos Sur kung saan napagkakaitan ng 7.33 milyong kilo ng bigas taun-taon ang mga komunidad dahil ang polusyon sa ilog ay nakakabawas sa tubig pang-irigasyon.

Nobyembre 8, 1982. Maricalum Mining Corp. Sipalay, Negros Occidental. Bumigay ang imbakan ng basura ng mina at nalunod sa 1.5 metrong baha ang mga lupaing pang-agrikultura. Nagkaroon ng makapal na latak sa Tao-angan River.

___________________________

Dole, pinarusahan sa pang-aagaw ng lupa

Pinarusahan ng mga gerilya mula sa Front 19 ng Northeastern Mindanao Region ang multinasyunal na kumpanyang Dole Philippines noong gabi ng Setyembre 25.

Sinira ng mga gerilya ang dalawang backhoe, apat na dump truck, ang bodega at nursery at pinagtataga ang lahat ng mga puno ng saging sa 20 ektaryang plantasyon ng Dole sa Anahaw Daan, Tago, Surigao del Sur.

Sa isang pahayag, nilinaw ni Ka Maria Malaya, tagapagsalita ng National Democratic Front sa rehiyon, na layunin ng aksyong parusa ang pagpapalayas sa Dole. Wala itong kinalaman sa usapin ng pagpapataw ng rebolusyonaryong pagbubuwis. Aniya, walang nagagawang kabutihan sa ekonomya ang anumang dayuhang plantasyon. Nang-aagaw lamang ito ng lupa.

Tinukoy din ni Ka Maria na noong laganap pa ang pagsasaka, halos lahat ng myembro ng mga pamilyang magsasaka ay produktibo at kumikita. Pero mula nang agawin ng Dole ang kanilang lupa, kadalasa'y isang myembro na lamang ng bawat pamilya ang pana-panahong nagkakatrabaho bilang manggagawa ng plantasyon kapalit ng mababang sahod.

___________________________

Pananambang sa Paquibato

Walong sundalo ng 69th IB ang napatay at di mabilang na mga tropa ang nasugatan nang tambangan sila ng isang tim mula sa 1st Pulang Bagani Company ng Bagong Hukbong Bayan noong Setyembre 19 sa Sityo Banban, Barangay Lumiad, Paquibato District, Davao City. Pinasabugan muna ng BHB ng pitong command-detonated explosive ang mga sundalo bago sila paputukan.

Para mapagtakpan ang malaking pagkatalo at kahihiyan nito, ipinagmalaki ng 10th Infantry Division (AFP Eastern Mindanao Command) na nakakumpiska sila ng maraming eksplosibo sa isang malaking kampo ng BHB na kanila umanong napasok. Ipinakita ng militar sa midya ang ilang eksplosibong hindi sumabog na nakuha nila mula sa pinaglabanan kasama ang iba pang eksplosibong dati na nilang nakumpiska.

Subalit hindi naitago ng 10th ID sa masa ang kanilang mga kaswalti. Kitang-kita ng mga residente nang kargahin ng kaaway ang mga kaswalting sundalo gamit ang dalawang helikopter na Huey na kayang magsakay ng sampu katao. Dalawang beses bumalik ang isa sa mga helikopter na ito. Matapos makuha ang mga kaswalti ay anim na beses na binomba ng militar mula sa ere ang mga taniman sa Sityo Banban. Noong gabing iyon ay isinara sa trapiko ang daan patungo sa hedkwarters ng 69th IB sa Barangay Dalisay, Panabo City nang ibaba mula sa helikopter ang mga kaswalti. Dalawang beses na dumating ang sasakyan ng punerarya para kunin ang mga bangkay ng mga sundalo.

___________________________

Mga opensiba ng AFP sa Kabikulan, binibigo ng BHB

Tuluy-tuloy na hinaharap at binibigo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Bicol ang malulupit na operasyong militar at civil-military operation ng 9th ID at pulis.

Sumusunod ang ulat ng mga taktikal na opensiba sa Kabikulan na hindi pa nailalabas sa Ang Bayan:

Setyembre 23. Nasugatan ang tatlong pulis nang salakayin ng isang iskwad ng Celso Minguez Command ng BHB-Sorsogon ang istasyon ng pulisya sa bayan ng Barcelona bago maghatinggabi.

Setyembre 21. Napatay ang isang sundalo at nasugatan ang di bababa sa tatlong iba pa nang biguin ng Celso Minguez Command ang opensibong operasyon ng mga tropa ng 93rd Division Reconnaissance Company at 903rd Brigade sa Barangay Bacalon, Magallanes, Sorsogon. Ang operasyon ng AFP ay isinagawa sa araw na nagdeklara ng suspension of offensive military operations ang militar kaugnay diumano ng United Nations International Day of Peace.

Bandang alas-8:30 ng umaga ay inambus din ng isang iskwad ng BHB ang isang KM 450 trak na puno ng sundalo ng 49th IB na susuporta sana sa mga tropa ng 93rd DRC. Pinasabugan ito ng command-detonated explosive (CDX) pagdating ng Barangay Cadandanan sa bayan ng Bulan. Napatay ang dalawang sundalo at nasugatan ang anim na iba pa. Wasak ang kanilang sasakyan.

Setyembre 17. Pinasabugan ng CDX ng isang platun ng BHB ang umaatakeng mga tropa ng 49th IB sa Barangay Bogtong, Barcelona, Sorsogon. Napatay ang isang sundalo at nasugatan ang isa pa.

Setyembre 15. Inambus ng mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Armando Catapia Command (Camarines Norte) ang mga sundalo ng 92nd DRC sa Barangay Malangkaw Basud, Labo. Galing sa isang operasyong militar ang mga sundalo at pauwi na sa kanilang kampo nang tambangan ng mga Pulang mandirigma. Anim na sundalo ang nasugatan.

Setyembre 3. Inambus ng mga Pulang mandirigma ng Nerissa San Juan Command ang mga pulis sa Barangay Mabini, Caramoran, Catanduanes. Nasugatan ang Deputy Chief of Police ng Caramoran Municipal Police Station na si P/Insp. Rene Bea at apat pa nitong kasamahang pulis.

Walang napatay o kaya'y malubhang nasugatan sa panig ng mga Pulang mandirigma sa naturang mga labanan. Ani Ka Greg Bañares, tagapagsalita ng NDF-Bicol, ipinapakita nito ang determinadong pagtataas ng kahandaan, disiplina at kakayahang militar ng mga Pulang mandirigma, mahusay na koordinasyon at suportahan ng mga larangang gerilya sa iba't ibang prubinsya, at ang malawak at malalim na suportang masa.

___________________________

Umaatakeng kaaway sa ICR, binigwasan

Napangibabawan ng mga Pulang mandirigma sa dalawang larangang gerilya sa Ilocos-Cordillera Region ang pang-aatake ng kaaway at nakapagdulot ng maraming kaswalti sa AFP.

Di bababa sa 20 sundalo ang napatay at walo ang nasugatan sa mga labanang naganap sa Ilocos Sur at Ifugao nitong Setyembre.

Sa Cervantes, Ilocos Sur, 15 elemento ng 50th IB ang napatay sa serye ng mga labanan noong Setyembre 23, 24 at 26.

Sa unang labanan sa Barangay Remedios noong umaga ng Setyembre 23, apat na sundalo ang napatay at anim ang nasugatan. Sa Sityo Bulaga, Barangay Aluling, sampung sundalo ang napatay noong gabi ng Setyembre 24. At sa Sityo Maupong, Barangay Concepcion, di pa malamang bilang ng militar ang nasugatan. Dalawang mandirigma sa ilalim ng Alfredo Cesar Command ang nagbuwis ng kanilang buhay.

Labis na kinamumuhian ng mamamayan ng Cervantes ang 50th IB, na nagsisilbing protektor ng Lepanto Consolidated Mining Inc. Noong unang hati ng 2010 ay nagtayo ng himpilan ang 50th IB sa Cervantes. Subalit pinalayas ang batalyon ng mga galit na mamamayan matapos gahasain at halayin ng mga sundalo ang ilang estudyante ng Ilocos Sur Trade School.

Samantala, sa Ifugao, limang sundalo ang napatay at dalawa ang nasugatan nang magsagupa ang isang yunit ng Nona del Rosario Command ng BHB at mga sumasalakay na militar sa Barangay Binablayan sa bayan ng Tinoc noong Setyembre 12. Isang sibilyang nagtatrabaho sa kanyang kaingin ang napatay nang magpaputok ang mga sundalo.

___________________________

Panghihimasok ng US sa Pilipinas, kinumpirma ng Wikileaks cables

Sala-salabat na mga usapin ang nabunyag sa halos 1,800 lihim na ulat at mensahe ng embahada ng US na kasama sa mga lihim na dokumentong isinapubliko ng website na wikileaks.org. Ang sumusunod ay ilan lamang sa matitingkad na usaping tinalakay at naibunyag sa mga ulat na ito.

Permanenteng presensyang militar. Ipinakita ng mga lihim na ulat ng US embassy ang partikular na pansin na ibinibigay nito para tiyakin ang tuluy-tuloy na pananatili ng mga pwersang militar ng US sa Pilipinas. Makikita sa partikular ang pagbibigay-diin nito sa pagsasagawa ng mga "mercy mission" at mga proyektong pangkabuhayan, bilang mga hakbangin para makuha ang simpatya ng mamamayan pabor sa presensya ng mga tropang Amerikano.

Isa sa pinagtutuunan ng US ng pansin ang paglalatag ng mga imprastruktura para sa madali at mabilis na pagbabase ng kanilang mga tropa at kagamitan sa bansa. Sa ulat ng embahada ng US na may petsang Abril 4, 2007, binansagan ng US ang Pilipinas bilang "focal point" o sentro ng gera nito sa "kontra-terorismo." Isinangkalan nito ang mga bandidong grupong Abu Sayyaf at Jemaah Islamiyah upang bigyang-katwiran ang "paghahanda" ng imprastruktura sa Mindanao, partikular sa Jolo at Tawi-tawi, para sa malakihang deployment ng mga tropang Amerikano sa hinaharap. Gamit ang mga tauhan nito sa US Agency for International Development at Joint Special Operations Task Force-Philippines, itinulak ng US ang pagpapaunlad ng mga paliparan, daungan at tulay sa iba't ibang isla para magamit ang mga ito ng mga pwersa, eroplano at barkong pandigma ng US.

Kabilang dito ang pagpapalapad sa mga paliparan sa Jolo at Tawi-tawi. Anim na milyong dolyar (P270 milyon sa palitang P45 kada dolyar) ang hiniling ng embahada ng US sa Pilipinas para sa pagpapahaba ng naturang mga paliparan. Target nitong itaas ang kapasidad ng paliparan para makalapag dito ang malalaking eroplano tulad ng Boeing 737 at C-130. Maglalaan din ng pondo para sa konstruksyon ng tulay sa pagitan ng Tawi-tawi at Sanga-Sanga, isang kalapit na isla. Kailangan ang tulay na ito para sa mabilis na paglilipat ng lokal at Amerikanong tropa sa pagitan ng mga isla. Magkakahalaga rin ito ng $3 milyon.

Labas sa imprastruktura, pinaglaanan din ng pondo ang pagsasanay ng mga gwardyang Pilipino sa mga daungan at paliparan sa Zamboanga at Sulu. Mayroon ding espesyal na pondo para sa pagpapataas ng kakayahan ng mga pwersa ng AFP na nakatutok sa Sulu. Para maging katanggap-tanggap ang kanilang presensya sa mga isla, nagbuhos ang US ng milyun-milyong dolyar para sa mga proyektong sosyo-ekonomiko tulad ng pagpapatubig, pagpapakuryente at pagtatayo ng mga eskwelahan. Binibigyan ng malaking papel sa mga ito ang Joint Special Operations Task Force-Philippines.

Nabanggit sa mga telegrama ang pagturing ng US sa Pilipinas bilang susing bahagi ng estratehiya nito sa Asia sa mga usaping pangkalakalan. Sa isang telegrama na may petsang Agosto 27, 2007, iniulat ni Kristie Kenny, embahador noon ng US sa Pilipinas, na mataas na ang kapasidad ng US na ipagtanggol ang kanilang interes sa karagatan ng Sulu at Sulawesi, isa sa susing rutang pangkalakalan sa Asia. Ito ay dahil tuluy-tuloy ang pagbuhos ng US ng pondo sa mga pwersa ng AFP na nakatutok sa mga lugar na ito.

Pakikialam sa mga usaping panloob. Kinumpirma rin ng mga telegrama ang paghahari-harian ng US sa reaksyunaryong pulitika ng bansa. Sa isang telegramang may petsang Oktubre 2, 2005, iniutos ng US ang mabilis na pagpasa ng Anti-Terror Bill matapos ang pambobomba sa Bali, Indonesia. Mahigpit na tinutulan ng mamamayan ang naturang panukala dahil gagamitin lamang ito ng naghaharing pangkatin para atakehin ang mga karapatang sibil ng mamamayan at gipitin ng naghaharing pangkatin ang mga kalaban nito sa pulitika.

Tulad ng inaasahan, nag-uunahan ang mga tuta nito na ipatupad ang dikta ng amo. Agad itong sinang-ayunan ng noo'y kalihim ng Department of Interior and Local Government na si Angelo Reyes. Aniya, "malinaw at kagyat ang panganib" ng teroristang pang-aatake sa bansa. Tiklop-tuhod namang nagbigay ng katiyakan si noo'y Senate Pres. Franklin Drilon na maipapasa ang panukala. Sa kabila ng malawakang pagtutol ng mamamayan, naipasa ang naturang panukala noong 2005.

Tuluy-tuloy ang panghihimasok ng US sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Government of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDPF). Sa serye ng palitan ng mga telegrama sa pagitan ng mga embahada ng US sa Pilipinas at The Netherlands, iginiit ng US na hindi dapat tanggalin si Jose Maria Sison, punong konsultant ng NDFP sa usapan, sa listahan ng mga terorista. (Tingnan ang isyu ng Ang Bayan, Setyembre 7, 2011.) Noong 2009, mariing tinutulan ng US ang pagtanggal ng European Union kay Sison sa listahan nito. Nanulsol pa ang US na sapilitan na lamang pabalikin si Sison sa Pilipinas kahit pa malinaw ang banta sa buhay at seguridad niya. Noong Pebrero 2010, sikretong ipinatawag ng US ang ambasador ng Norway na nagsisilbing tagapamagitan sa usapan, para pag-ulatin ito at muling igiit na ibalik si Sison sa listahan ng mga terorista.

Tahasan ang embahador ng US sa Pilipinas sa pagpapahayag, pagpapatawag, pagpapaulat at pagbibigay ng mga direktiba sa mga tutang upisyal nito sa bansa. Sa iba't ibang telegramang pumapatungkol sa iba't ibang internal na usapin, mahihinuha ang mababang pagtingin at pagkamuhi nito sa mga alipures nito sa reaksyunaryong gubyerno. Litaw na litaw ang kolonyalistang arogansya ng mga ambasador nito sa Pilipinas.

Lalong kamuhi-muhi ang pangangayupapa ng mga upisyal ng Pilipinas sa mga direktiba ng embahada ng US. Mula sa dating presidenteng si Gloria Arroyo, presidente ng Senado at Kongreso at mga myembro nito at maging sa mga upisyal ng pulisya at militar, walang pagkakaiba ang mga tuta nito sa pagkukumahog na ipatupad ang mga utos ng US. Ikinokonsulta ng mga ito ang halos lahat ng hakbang ng reaksyunaryong estado--mula sa pagharap nito sa rebolusyonaryong kilusan hanggang sa binalak nitong pagpapataw ng batas militar noong 2005.

___________________________

Panagutin ang US sa pagtatago ng mga armas nukleyar sa Pilipinas

Dapat managot ang US sa mahabang kasaysayan ng pagsisinungaling nito kaugnay ng pagtatago ng mga armas nukleyar sa bansa.

Sa isang lihim na dokumento na isinulat noong 1969, iniulat ng US diplomat na si Robert McClintock kay Henry Kissinger, noo'y Secretary of State ng US, ang pag-iingat sa impormasyon na mayroong nakatagong armas nukleyar ang US sa Pilipinas. Ayon sa ulat, walang nakakaalam sa mga upisyal ng papet na gubyerno, liban kay Ferdinand E. Marcos na noo'y tumatakbo sa pangalawang termino bilang presidente ng bansa. Itinago nila ang mga armas nukleyar sa mga base nila sa Pilipinas mula pa noong 1966 bilang bahagi ng estratehiya ng pakikipagdigma nila sa Southeast Asia.

Ang ulat ni McClintock ay tugon sa nagaganap noon na imbestigasyon ng isang komite sa Senado ng US na pinamumunuan ni Sen. Stuart Symington. Iniimbestigahan noon ng naturang komite ang mga sikretong kasunduan na pinasok ng gubyernong US nang walang pahintulot o pagsang-ayon ang Senado o Kongreso. Mahigpit na iminungkahi ni McClintock sa komiteng Symington ang paglilihim ng impormasyon sa takot na mabunyag ito sa publiko ng US, at sa kalaunan, sa Pilipinas. Ikinabahala niyang maapektuhan ang kampanya ni Marcos, sakaling mabunyag na may alam siya tungkol dito. Sinang-ayunan ni Kissinger ang mungkahing ito ni McClintock.

Ayon sa iba pang dokumento, mahigit 13,000 armas nukleyar ang ipinwesto ng US sa iba't ibang bahagi ng mundo, kabilang ang Pilipinas, mula 1950 hanggang 1990. Sa isang partikular na memo, tinukoy ang Clark Air Base bilang lunsaran ng mga pang-aatakeng nukleyar, sakaling magkaroon ng kumprontasyong militar sa pagitan ng China at US.

Isinapubliko ang naturang mga dokumento matapos mawalan ng bisa ang pagiging lihim ng mga ito. Ito ay alinsunod sa Freedom of Information Act sa US, na nagtatakdang dapat isapubliko ang lahat ng mga sikretong dokumento matapos ang 20 taon.

___________________________

Matandang sibilyan, pinaslang sa Ifugao

Isang matandang sibilyan ang napatay ng mga nananalasang tropang militar sa Ifugao. Sa kanayunan ng Ilocos Sur at Davao City, anim na sibilyan ang naging biktima ng iligal na pang-aaresto. Sa kalunsuran, walang tigil ang harasment sa mga maslider sa Panay. Ilan lamang ito sa pinakamatitingkad na paglabag sa karapatang-tao na nakalap ng Ang Bayan mula Agosto hanggang sa kasalukuyan.

Setyembre 29. Pinalabas ni Col. Lyndon Paniza, tagapagsalita ng 10th ID na dinukot ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sina Datu Lorenzo Pendio, barangay kapitan ng Salapawan, Paquibato District, Davao City at Datu Marcelo Gumatao, parehong lider ng tribong Ata-Manobo. Ang diumanong pagdukot ay isinasangkalan ngayon ng militar at mga galamay nila para magdeklara ng pangayaw o tribal war sa lugar laban sa mga sibilyang pinagsususpetsahang sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Pinalabas pa ni Paniza na mga elemento ng CAFGU ang dalawang datu. Ang totoo, kabilang sila sa mga aktibong tumututol sa pagtatayo ng mga detatsment ng militar sa kanilang lugar. Pansamantala silang nakituloy sa kanilang mga kamag-anak dahil pinag-iinitan sila ng militar.

Setyembre 27. Tumanggap ng mga pagbabanta sa pamamagitan ng mga tawag sa telepono at mensaheng text si Hope Hervilla, tagapangulo ng Bagong Alyansang Makabayan-Panay. Ito ay matapos iulat ng militar at pulisya ang presensya umano ng mga isparo yunit sa Iloilo City. Ani Hervilla, layunin ng mga pagbabanta na takutin sila at ilatag ang kundisyon para sa dagdag pang mga atake laban sa mga ligal na aktibista. Tinukoy niya ang mga pagbabanta ring natanggap ni Fernando Baldomero, tagapangulo ng Bayan Muna-Aklan, bago siya paslangin noong Hulyo 2010.

Setyembre 24. Nilapastangan ng mga tropa ng 50th IB ang bangkay ni Benny Boy "Ka Likot" Aguillar, isang 23 anyos na Pulang mandirigmang napaslang sa labanan sa Sityo Bulaga, Barangay Aluling, Cervantes, Ilocos Sur. Basag ang kanyang bungo, tanggal ang isang mata at wasak ang dibdib dahil tinadtad ng bala at pinagkukulata ang kanyang katawan. Sadya pang inilantad ang kanyang bangkay sa mga taga-Cervantes kinabukasan para takutin sila. Pinagbawalan din ng militar na kunin ng mga kamag-anak sa lugar na pinaglabanan ang bangkay ni Delfin "Ka Dindo" Gullayan, isa pang gerilyang napaslang sa parehong labanan. Limang araw ang lumipas bago makuha ang kanyang naaagnas nang bangkay.

Setyembre 23-26. Limang sibilyan ang arbitraryong inaresto ng mga nag-ooperasyong elemento ng 50th IB at inakusahang mga Pulang mandirigma. Ang mga biktima ay sina Matthew Sawey, Francis Tengngedan, Edward Galao, Kidsol Keeg at Hilario Bantio. Sina Galao, Keeg at Bantio ay nananatili pa rin sa kamay ng militar.

Setyembre 21. Iligal na inaresto si Gilbert Sibala, isang magtutuba na taga-Sityo Carbon, Barangay Lumiad, Paquibato District. Si Sibala ay pamangkin ng isang retiradong sarhento ng 69th IB. Pilit na pinapirma si Sibala sa isang dokumentong nagsasaad na siya ay sumuko, habang nagsilbing testigo ang dalawang sundalo. Pinagsuot din siya ng unipormeng camouflage, pinagbitbit ng baril at nilitratuhan. Pinilit ng mga sundalo ang pulisya na magsampa ng kaso laban kay Sibala, gamit ang litrato bilang "ebidensya."

Setyembre 21. Pinagbantaan ang buhay ni Ma. Geobelyn Lopez, pangkalahatang kalihim ng Madia-as Ecological Movement. Aniya, sa isang sulat na ipinadala sa kanya ng isang "Alvin M. Salvador," iniuugnay siya sa armadong rebolusyonaryong kilusan at sinabihang maaari raw siyang matulad kina Ma. Luisa Posa-Dominado at Nilo Arado, dalawang maslider na dinukot noong Abril 2007 at hindi pa inililitaw hanggang ngayon. Pinamumunuan ni Lopez ang isang malawakang kampanya laban sa mga mapangwasak na operasyong pagmimina sa mga isla ng Panay at Guimaras.

Setyembre 20. Dinemolis ng MMDA Sidewalk Clearing Operations Group ang piketlayn ng mga manggagawa ng Philbles, Inc. sa Barangay Paso de Blas, Malinta, Valenzuela City. Binigyan lamang ng 15 minuto ang mga manggagawa bago buwagin ng dalawang trak ang piketlayn. Karamihan ng mga manggagawa sa pabrika ng sako ng asukal ay mga babae. Halos isa't kalahating taon nang nakatayo ang piketlayn nang ito ay idemolis nang walang anumang kautusan mula sa DOLE o anumang ahensya ng paggawa.

Setyembre 20. Namatay sa sakit sa puso si Crisanto Fat, 48 anyos, isang detenidong pulitikal na nakakulong sa Negros Provincial Jail mula pa noong Abril 2009. Si Fat ay lider ng Naghiliusa nga mga Mangunguma sa Barangay Quintin Remo nang kasuhan siya ng iligal na pag-iingat ng baril at eksplosibo. Ito ay isang taon matapos matuklasan na mayroon siyang sakit sa puso. Binalewala ng rehimeng Aquino ang mga panawagan para palayain si Fat sa makataong batayan.

Setyembre 12. Napatay ng mga nag-ooperasyong sundalo si Ama Bahiwag Puguon, isang nakatatandang sibilyan na taga-Ballococ, Liwon, Asipulo, Ifugao. Si Ama Bahiwag ay nasa kanyang kaingin sa Barangay Binablayan sa katabing bayan ng Tinoc nang paputukan siya ng militar na nakapwesto sa mga bahay ng mga sibilyan. Winasak din ng mga sundalo ang mga gamit, plato, kahon ng mga damit at gitara ng mag-asawang Ina Elizabeth at Manong Jose, mga residente ng Bagnet. Ninakaw din ng mga pasista ang ATM card ng mag-asawa para sa 4Ps at ang air gun ni Manong Jose at sinunog nila ang mga tablang inimbak nila.

Agosto-Oktubre. Apatnapu't limang pamilya ang nawalan ng tahanan sa marahas na demolisyon ng isang komunidad sa Sityo Fatima, Barangay Don Bosco, Parañaque City nitong Oktubre 5.

Bago ito, isa pang marahas na demolisyon ang isinagawa sa Reparo Street, Barangay 161 sa Baesa, Caloocan City noong Setyembre 20. Nanlaban ang mga residente sa pamamagitan ng paghagis ng mga bote at bato sa demolition team. Dalawandaang bahay ang winasak sa 6,200 metro kwadradong lote na inaangkin ng isang Simplicio Rivera. Hindi pinansin ng pulisya ang pakiusap ng mga residente na ipagpaliban ang demolisyon hangga't wala pang resulta ang isinampa nilang petisyon sa korte.

Noong Setyembre 6 ay dinemolis din ang daan-daang bahay sa Commonwealth Avenue, Quezon City para bigyang-daan ang National Center Eastside Development Project ng rehimeng Aquino. Kabilang sa mga dinemolis ang bahay ng yumaong lider manggagawa at Anakpawis Rep. Crispin "Ka Bel" Beltran.

Umabot naman sa 384 pamilya ang dinemolis ang nawalan ng tahanan sa San Pedro, Laguna noong Agosto 5. Winasak ang mga bahay ng mga maralita para bigyang-daan ang Southrail project ng Philippine National Railways.

___________________________

Kulturang pagtatanghal ng mga detenidong pulitikal

Itinanghal ang multi-midyang produksyong pinamagatang "Poldets: Panata sa Kalayaan ng mga Detenidong Pulitikal" sa Lean Alejandro Hall (Vinzons Rooftop), University of the Philippines sa Diliman, Quezon City noong Setyembre 30. Tampok dito ang mga likhang sining ng kasalukuyan at dating mga bilanggong pulitikal tulad nina Ericson Acosta (makata, mandudula at kompositor), Axel Pinpin (makata), Bonifacio Ilagan (script writer at direktor) at Jess Santiago (mang- aawit at makata).

Sa pamamagitan ng sining biswal ay tinalakay ang mga usaping pampulitika tulad ng ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot, demolisyon, militarisasyon at iba pang paglabag sa karapatang-tao sa bansa. Tampok sa pagtatanghal ang kalagayan at panata ng mga detenidong pulitikal. Si Ericson Acosta ang nagsilbing tagapagsalaysay ng dula mula sa kanyang piitan sa Samar.

Gamit ang monologo, itinampok din ang mga naging bilanggong pulitikal, partikular sa panahon ng batas militar. Dito nagsilbing testimonya ang sining upang ilahad nina Judy Taguiwalo at Bonifacio Ilagan ang kanilang naging karanasan sa piitan at kung bakit hanggang sa ngayo'y nagpapatuloy sila sa pakikibaka tungo sa paglaya ng mga bilanggong pulitikal at ng bayan. Hindi naging epektibo ang piitan upang tumigil sila sa pakikibaka. Sa halip, ito pa ang naging daan upang manatili sila sa paglahok sa pambansa-demokratikong kilusan. Iniluwal ang kanilang sining sa piitang inakalang magpapatahimik ng kanilang rebolusyonaryong adhikain.

Ang "Poldet" ay idinaos sa kabuuang direksyon ni Donna Dacuno at sama-samahang itinanghal ng UP Alay Sining, KARATULA, Sinagbayan (Sining na Naglilingkod sa Bayan) at People's Chorale.

___________________________

Mga manggagawa sa PAL, sinibak; tuloy ang paglaban

Sa gitna ng kilos-protesta ng mga manggagawa ng Philippine Airlines (PAL) at sa kabila ng nakasampa nilang apela sa Korte Suprema, itinuloy ni Lucio Tan at iba pang malalaking kapitalistang may-ari ng PAL noong Oktubre 1 ang ilang taon na nitong binabalak na pagsibak sa regular nitong mga manggagawa sa check-in, cargo, catering at ramp at pagkuha ng mga kontraktwal na manggagawa mula sa mga ahensyang pag-aari rin ni Tan.

Isang linggong sunud-sunod na kilos-protesta ang inilunsad ng mga manggagawa ng PAL, ng kanilang mga kapamilya at tagasuporta. Noong Setyembre 27, naglunsad ng work stoppage (pagpunta sa trabaho pero di paggampan ng gawain) ang mga manggagawa ng PAL na nagresulta sa malaking pagkadiskaril sa operasyon ng kumpanya.

Marahas ang naging ganting-aksyon ng PAL. Gumamit ito ng mga pulis at gwardya upang pwersahang alisin ang mga manggagawa sa kanilang mga pwesto at ilabas mula sa paliparan. Noong araw ding iyon pinatawan ng "forced leave" ang mmgaa nggagawang lumahok sa kilos-protesta at kalaunan ay sinibak. Nagbanta rin ang Malacañang na sasampahan ng kasong kriminal ang mga nagprotestang manggagawa.

Umani ng malawak na suporta ang paglaban ng mga manggagawa ng PAL. Kaagad na nagpahayag ng suporta ang Kilusang Mayo Uno (KMU). Nananawagan din si Garry Martinez ng Migrante International sa mga migranteng manggagawang Pilipino na suportahan ang pakikibaka ng mga manggagawa ng PAL sa pamamagitan ng hindi pagsakay sa mga eroplano nito.

Binatikos din ng PKP ang marahas na pagbuwag sa kilos-protesta ng mga manggagawa ng PAL noong Setyembre 27 at tinuligsa si Aquino dahil sa banta nitong "parurusahan" ang mga manggagawa ng PAL na lumahok sa protesta.

Nagpahayag din ng suporta ang Church People-Workers' Solidarity (CPWS) sa laban ng mga manggagawa ng PAL. Ang CPWS ay bagong tatag na lambat ng mga taong simbahan at grupong tagapagtaguyod ng karapatan sa paggawa.

Hiniling ng KMU sa publiko na suportahan ang laban ng mga manggagawa ng PAL dahil ito ay laban ng manggagawang Pilipino at mamamayan. Anito, ginagamit ng malalaking kapitalista tulad ni Lucio Tan ang kasalukuyang krisis bilang katwiran para magtanggal ng mga manggagawa.

___________________________

Dilawang liderato ng PALEA

Binatikos ng KMU ang dilawang liderato ng Philippine Air Lines Employees' Association (PALEA) dahil sa maling mga desisyon nitong nakapinsala sa interes ng mga manggagawa ng PAL. Anang KMU, matagal nang ipinagkakanulo ng presidente ng PALEA na si Gerry Rivera at pangkalahatang kalihim nitong si Bong Palad ang interes ng mga manggagawa ng PAL. Sina Rivera at Palad ay mga upisyal din ng repormistang Partidong Manggagawa.

Tinukoy ng KMU ang dalawang beses na pagboto ng kasapian ng PALEA pabor sa pagwewelga na binalewala ng liderato. Noong Disyembre 2010, umabot sa 86% ng kasapian ng PALEA ang bumoto pabor sa welga. Umabot naman sa halos kabuuan (95%) ng kasapian nito ang pumabor sa pagwewelga noong Pebrero 2011. Subalit sa halip na ikasa at pamunuan ang pagwewelga ng unyon alinsunod sa kapasyahan nito, nagsampa lamang ng kaso sina Rivera sa National Labor Relations Commission (NLRC) at dumulog sa Malacañang.

Tulad ng inaasahan, pumabor ang Malacañang sa kapitalista at ibinasura ng NLRC ang kasong unfair labor practice na isinampa ng PALEA.

Sina Rivera at Palad din ang pumayag noong 1999 sa sampung taong moratoryum sa Collective Bargaining Agreement sa PAL na nagpako sa sahod at benepisyo ng mga manggagawa at nagbigay-daan sa patuloy na pagkamal ni Lucio Tan ng limpak-limpak na tubo.

Nanawagan ang KMU sa mga manggagawa na itakwil ang pamunuan ng PALEA at ituluy-tuloy ang kanilang paglaban. Anito, sa suporta ng uring manggagawa at malawak na publiko, ang sama-samang pagkilos ng mga manggagawa ng PAL ang mapagpasya sa pagbaka sa malawakang tanggalan, iskemang kontraktwalisasyon at pagbuwag sa unyon.

___________________________

Mas maraming kilos-protesta, haharapin ng rehimeng Aquino

Mas maraming kilos-protesta ang kakaharapin pa ng rehimeng US-Aquino bunsod ng patuloy nitong pagwawalambahala sa mga hinaing ng taumbayan laban sa mga patakarang dikta ng International Monetary Fund at World Bank.

Ipinahayag ito ng PKP makaraan ang isang linggong mga kilos-protesta sa mga lansangan sa iba't ibang bahagi ng bansa noong Setyembre 19-23. Pinuri nito ang ilampung libong mamamayan na lumahok sa mga martsa-rali, piket at iba pang anyo ng protesta laban sa anti-mamamayan at makadayuhang mga patakaran ng liberalisasyon at pribatisasyon ng gubyernong Aquino.

Unang naglunsad ng welga ang mga militanteng drayber at opereytor na kaanib ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) na nagparalisa sa 70% ng pampublikong transportasyon sa bansa noong Setyembre 19. Sinundan ito ng serye ng mga aksyong protesta ng mga kabataan-estudyante sa mga pampublikong pamantasan sa iba't ibang bahagi ng bansa na rumurok noong Setyembre 23.

Mahigit 10,000 estudyante, guro, kawani at administrador ang lumabas sa kanilang mga silid-aralan at upisina at nagmartsa sa mga lansangan upang kundenahin ang kawalan ng suporta ng gubyerno sa edukasyon.

Sa Metro Manila, nagmartsa ang 5,000 estudyante mula sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City at Padre Paura, Maynila patungong Mendiola Bridge malapit sa Malacañang. Sumali sa kanila ang mga mag-aaral mula sa iba't ibang pampublikong paaralan sa Maynila at Bulacan. Nagdaos sila ng protestang "planking" (pagdapa sa kalsada), pangkulturang pagtatanghal at pananalumpati.

Libu-libo rin ang nagsagawa ng mga pagkilos sa mga syudad ng Baguio, Angeles, Davao, Tacloban, Iloilo at Malolos; sa Los Baños, Laguna; sa Bicol; at sa prubinsya ng Bukidnon. Binatikos nila ang badyet ng gubyernong Aquino para sa 2012 na nagkakaltas sa mga alokasyon para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan. Dahil dito, mapipilitan ang mga pampublikong unibersidad at kolehiyo at mga pampublikong ospital na magtaas ng mga singilin para makapagpalitaw ng kinakailangang pondo.

Aabot sa P24 bilyon ang tinatayang kakaltasin sa badyet sa sektor ng edukasyon. Kaya nagharap ng panukalang P45.8 bilyon alokasyong badyet para sa edukasyon si Kabataan Party Rep. Raymond Palatino.

___________________________

Pagtatayo ng base militar sa Jeju Island, pinatitigil

Nanawagan si Prof. Jose Ma. Sison, tagapangulo ng International League of Peoples Struggle para sa kagyat na pagpapatigil sa pagtatayo ng base militar ng US sa Gangjeong, Jeju island sa South Korea. Ayon kay Sison, malakas ang pagtutol ng mga residente rito dahil maiipit sila sa hidwaan sa pagitan ng US at China kapag tuluyang naitayo na ang base. Ang Jeju Island ay islang malapit sa North Korea at kilalang pasyalan ng mga turista. Maraming residente ng isla ang bumoto laban sa pagtatayo ng base militar.

Ikinatatakot nila ang maaaring pag-uulit sa nangyaring masaker sa Jeju Island noong Abril 3, 1948 kung saan 80,000 sibilyan ang napatay dahil sa militarisasyon. Mawawasak din ang kabuhayan ng mamamayan dahil sisirain ng mga kagamitang panggera ng US ang yamang dagat at lupa sa isla.

Nagbigay babala ang Kilusang Mayo Uno (KMU) laban sa tiyak na pagsasamantala sa mga manggagawa sa itatayong base. Sinusuportahan nito ang pakikibaka ng mga manggagawa at mamamayan sa gitna ng pambubuwag sa mga kilos-protesta, pang-aaresto at pananakot para harangin lamang ang konstruksyon ng base. Pansamantalang naitigil ang pagtatayo noong Hunyo nang harangan ng mga residente at kanilang mga tagasuporta ang daanan ng mga trak na nagdadala ng materyales na pangkonstruksyon.

Nanawagan kapwa si Sison at ang KMU sa ibang bansa na makiisa at suportahan ang laban ng mga residente sa Jeju Island para mapigilan ang anumang gerang agresyong ilulunsad ng US sa Asia-Pacific.

___________________________

Protesta laban sa Wall Street, nagpapatuloy

Mahigit nang tatlong linggo ang kampo-protestang tinaguriang "Occupy Wall Street" sa New York sa US. Umaabot sa ilang libong mamamayang Amerikano ang nagkakampo sa mga parke at iba pang lugar malapit sa Wall Street. Naglulunsad sila roon ng mga talakayan, debate at programa bilang pagprotesta sa mga patakaran ng gubyernong US na pabor sa malalaking korporasyon at nagbabalewala sa ordinaryong mga Amerikano.

Malawak ang saklaw ng mga usaping panlipunan at pangkabuhayan na itinatampok sa mga kilos protesta. Sa partikular, mariin nilang tinututulan ang pagsasalba ng gubyerno sa mga bangko at ang krisis sa pautang sa pabahay ng US. Bitbit nila ang mga plakard na may mga panawagang 'Tax the rich' (Buwisan ang mayayaman) at 'We want money for health care not corporate welfare' (Gusto namin ng pondong pangkalusugan, hindi para sa kagalingan ng mga korporasyon). Pumwesto ang mga ralyista sa Zuccoti Park at Liberty Park, mga pasyalang malapit sa Wall Steet.

Ang Wall Street ang sentro sa pinansya hindi lamang ng New York City kundi ng buong US. Sa lansangang ito matatagpuan ang New York Stock Exchange (NYSE). Ito ang pinakamalaking stock exchange ng buong mundo at pugad ng malalaking ispekulador sa pinansya ng US, kabilang ang malalaking korporasyon na nalugi at isinalba ng rehimen ni Barack Obama.

Ilang ulit na silang binubuwag ng mga pulis subalit nanunumbalik pa rin ang mga nagpoprotesta. Walumpung aktibista ang inaresto noong Setyembre 24. Limang aktbista ang nasaktan matapos sabuyan ng pepper spray. May 700 naman ang inaresto sa Brooklyn, New York dahil sa kaugnay na isyu noong Oktubre 1.

Umani ng suporta ang ginawang pagkilos sa Wall Street. Ilan sa mga sumama sa protesta ang Transport Workers Union of America, New York Union, Air Line Pilots Association (ALPA), ilang mga artista at pulitiko at maging ang Bagong Alyansang Makabayan at GABRIELA-USA, gayundin ang International League of Peoples Struggle. Noong Oktubre 5, nagpahayag ang 14 na pinakamalalaking unyon sa US na lalahok sila sa kampo-protesta.

Nagkaroon ng kahalintulad na pagkilos sa 52 syudad sa US, kabilang ang San Francisco, Boston at Chicago kung saan inokupahan din ang mga stock market. Mayroon ding nakatakdang pag-okupa sa mga stock market at bangko sa mga kabisera ng Canada, United Kingdom, Germany, Finland at Japan.

___________________________

Protesta sa Greece, nagpapatuloy

Tuluy-tuloy ang mga kilos-protesta ng mga manggagawa at estudyante sa Greece laban sa panibagong planong pagtitipid ng gubyerno sa mga serbisyong ibinibigay nito. Pinakahuli rito ang 20% bawas sa pensyong ibibigay sa mga edad 55 taong gulang pataas at 40% kaltas para sa mga edad 55 pababa. Gagawin ding "reserbang manggagawa" o tatanggalin sa trabaho ang 30,000 empleyado sa loob ng 12 buwan at babawasan nang 40% ang kanilang sahod sa susunod na mga taon. Magpapataw din ng property tax na sisingilin sa babayarang kuryente at iba pang serbisyo.

Naglunsad ng isang araw na welga ang mga manggagawa sa transportasyon noong Setyembre 22 kung saan tumigil ang operasyon ng mga bus, taxi at tren sa Athens. Naparalisa ang operasyon ng paliparan nang ilang oras matapos tumigil sa trabaho ang mga empleyado. Nag-walk out ang mga guro sa kanilang mga klase habang nagprotesta sa mga upisina ang mga empleyado sa pinansya at ospital.

Nagrali sa kabisera ang mga estudyante kasama ang mga pensyonado sa gusali ng parlamento. Nagprotesta noong Setyembre 29 ang mga artista at alagad ng sining kung saan sinunog nila ang emergency tax notice na balak ding ipataw ng gubyerno.

Noong Oktubre 5, nakansela ang mga byahe ng barko at eroplano. Halos walang pumasok sa mga ospital at upisina ng mga gubyerno matapos ang isang araw na welga.

___________________________