Pulang pagpupugay kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, 1947-2011

Komite Sentral
Partido Komunista ng Pilipinas
Oktubre 9, 2011

Nagpupugay ang buong kasapian at pamunuan ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP), lahat ng Pulang mandirigma at kumander ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at lahat ng rebolusyonaryong pwersa kay Gregorio ‟Ka Roger“ Rosal. Si Ka Roger ay pumanaw noong Hunyo 22, 2011 sa edad na 64 dahil sa atake sa puso sa isang larangang gerilya sa Luzon.

Sa loob ng mahigit isang dekada bilang tagapagsalita ng Partido, at bago ito, bilang tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Tagalog (Melito Glor Command), si Ka Roger ang nagsilbing mukha at tinig ng rebolusyonaryong kilusan ng sambayanang Pilipino. Naging simbolo siya ng pakikibaka ng karaniwang tao--ng masang magsasaka, manggagawa, mga maralita, kawani at maliliit na propesyunal--na may matayog na hangaring makalaya mula sa naghaharing sistema na umaapi at nagsasamantala sa kanila.

Bilang tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas, siya ang naging tagapaghatid ng magandang balita ng rebolusyon. Ang kanyang tinig ay nagpaalab sa tapang ng mga Pulang mandirigma at mamamayang nakikibaka. Siya ang naging daluyan ng mga dulog ng mga inaapi at niyuyurakan na nag-aasam ng katarungan.

Katulad ng nakararaming Pilipino, si Ka Roger ay lumaki sa kaapihan at paghihirap sa kanayunan. Ipinanganak siya noong Abril 19, 1947 sa Barangay Talaibon, Ibaan, Batangas. Si ‟Goring“ ay ikatlo sa anim na magkakapatid: sina Nicetas, Bernardo, Felecidad, Emilia at ang namatay na si Remedios. Ang kanilang ama na si Pablo Rosal at ina na si Crispina Crusat ay kapwa mga kasama na nagsisilbi sa isang maliit na panginoong may lupa. Tubo ang pangunahing tanim sa lupa. Ang kanyang ama ay nagsisilbi noong tagahalo ng nilulutong asukal o muscovado habang tagagatong naman ang kanyang ina. Kabilang sa gitnang-panggitnang magsasaka ang kanilang pamilya at sumusuporta sa mga panawagan para sa rebolusyonaryong pagbabago.

Sa murang edad ay nasaksihan at dinanas ni Ka Roger ang kahirapan sa ilalim ng mapang-api at mapagsamantalang sistema. Nagbanat siya ng buto sa murang edad upang makatulong sa kabuhayan ng kanyang pamilya. Walong taon siyang nagsilbi sa bahay ng panginoong maylupa, mula elementarya hanggang ikalawang taon sa hayskul. Pakikinig sa radyo at pagbabasa ng komiks ang kanyang kinahiligan. Dulot ng kahirapan, ilang taon siyang nahinto sa pag-aaral. Para maipagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral, pinasan niya ang mga kulambo't sarisaring kalakal na inutang sa mga usurero. Nilakbay niya ang kasuluk-sulukan ng iba't ibang baya't lalawigan. Saanman mapadpad sa kanyang pakikipagsapalaran, iisa ang larawan ng kahirapan at pagkaapi na kanyang nasaksihan.

Nakatuntong siya ng kolehiyo sa Golden Gate Colleges sa Batangas City noon na lamang 1971 sa edad na 24. Panahon iyon ng nagpupuyos na kabataan at estudyante sa Maynila at iba't ibang lunsod.

Sa kanyang paglalako ay nagkaroon si Ka Roger ng pagkakataong makinig sa talumpati sa mga rali. Namulat at lumahok siya sa mga pagkilos sa lansangan at taimtim na nag-aral ng kasaysayan at ng kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Naging kasapi si Ka Roger ng grupong Kabataang Gabay ng Bayan (KGB) ng mga kabataang aktibistang Batangueño. Malaon, sumapi si Ka Roger sa Kabataang Makabayan. Sa mga pag-aaral at pakikisalamuha, lumalim nang lumalim ang kanyang pag-unawa sa mga ugat ng dinaranas na kahirapan at kaapihan ng sambayanan. Nabuo at hakbang-hakbang na tumibay ang kanyang determinasyon na maging bahagi ng pangkasaysayang kilusang magbabago sa mukha ng lipunan at magbubukas ng bagong kabanata sa buhay ng mamamayan.

Nang ipataw ang batas militar noong 1972, nagpasya si Ka Roger na magpatuloy sa rebolusyonaryong pagkilos. Naging bahagi siya ng pangkat sa pag-oorganisa ng mga manggagawa sa tubuhan sa Batangas Sugar Central sa Balayan, Batangas. Noong Hulyo 1973, nadakip siya ng kaaway at ikinulong sa kampo militar sa Kuomintang, Batangas City. Malao'y ikinulong siya sa Camp Vicente Lim, Canlubang, Calamba, Laguna. Sa determinasyong ipagpatuloy ang rebolusyonaryong pagkilos, tumakas siya kasama ng siyam na iba pang namumunong kadre ng Partido sa rehiyon noong Nobyembre 1973 sa tinaguriang ‟The Great Escape“.

Mula nang makatakas siya sa kulungan ay binagtas ni Ka Roger at iba pa niyang mga kasama ang landas patungo sa armadong pakikibaka sa kanayunan. Napailalim siya sa tinawag na Larangan ng Kagitingan (larangang gerilya sa Sierra Madre sa hangganan ng Laguna-Quezon). Sa pamumuno nina Kasamang Lorena Barros, ipinakat si Ka Roger at iba pang kasama sa Mindoro noong 1974 upang magsagawa ng pagsisiyasat at paghahanda para sa pagpapalawak sa isla.

Pagsapit ng 1975-76, kabilang si Ka Roger sa ipinakat sa mga unang pangkat na nag-organisa sa QBZ (Quezon-Bicol Zone) at nanguna sa pagsusulong ng digmang bayan sa Camarines Norte. Malao'y pinamunuan niya ang komite sa larangan doon.

Noong sumunod na mga taon, si Ka Roger ay naging bahagi ng kasaysayan ng paglawak at pagsulong ng mga rebolusyonaryong pwersa sa kabuuan ng Southern Luzon, partikular sa rehiyong Southern Tagalog. Noong 1980-1981, alinsunod sa desisyon ng Southern Luzon Commission ng PKP, binuo ang Komiteng Panrehiyon sa Southern Tagalog (KR-ST) na sumaklaw sa mga prubinsya ng Laguna, Batangas, Cavite at Rizal. Itinalaga si Ka Roger sa KR-ST bilang pangalawang kalihim sa edukasyon. Kalaunan, ipinailalim ang larangang gerilya ng South Quezon sa KR-ST. Gumampan si Ka Roger ng malaking papel sa pagpapalawak at pagpapalakas ng South Quezon at Bondoc Peninsula. Sa loob ng ilang taon ay nagsilbi rin siyang kalihim ng larangan sa Laguna-North Quezon-Eastern Rizal.

Sa kanyang pamumuno, sumulong ang armadong pakikibaka at mga pakikibakang masa sa mga lugar na ito. Naging krusyal ang papel ng QBZ, South Quezon at Bondoc Peninsula sa pagpapalawak at pagpapalakas sa iba pang bahagi ng rehiyong Bicol at Southern Tagalog. Malaki ang naging bahagi ng mga pakikibaka at pagkilos ng masa sa mga lugar na ito sa pagpapasigla ng mga kilos-protesta sa buong bansa noong simula ng dekada 1980. Noong 1985, itinalaga si Ka Roger bilang kagawad ng KR-ST Komiteng Tagapagpaganap ng Panrehiyong Komite. Noong 1986 ay naging kagawad siya ng Panrehiyong Kalihiman.

Sa panahon ding ito makikilala ni Ka Roger si Ka Soly (Rosemarie Dumanais), ang kanyang magiging asawa. Si Ka Soly noo'y isang nakababatang Pulang mandirigma. Nagkaroon sila ng dalawang anak na kanilang minahal at tiniyak na mahusay na naaalagaan ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Lumaki man ang kanilang mga anak na malayo sa kanila, tuluy-tuloy na tiniyak ng mag-asawang Ka Roger at Ka Soly ang kapakanan at kaligtasan ng kanilang mga anak.

Noong 1989, sa utos ni Gen. Alejandro Galido ng Southern Luzon Command ng AFP, dinukot ng mga pasistang ahente ang panganay na anak nina Ka Roger at Ka Soly na si Andrea mula sa pangangalaga ng kanyang lola sa Ragay, Camarines Sur. Layunin ng AFP noon na pwersahing sumuko si Ka Roger. Sa halip na panghinaan ng loob, matapang na inilantad ni Ka Roger sa midya ang karumal-dumal na krimeng ito. Sa harap ng batikos ng publiko, napwersa ang militar na palayain si Andrea.

Nasaksihan ni Ka Roger ang malalaking pagsulong ng rebolusyonaryong kilusan sa Southern Tagalog. Gayunman, nasaksihan din niya ang isa sa pinakamadidilim na yugto ng kasaysayan nito. Noong 1988, inilunsad sa rehiyon ang tinaguriang ‟Operation Missing Link”, isang hibang na kampanyang kontra-ahente na humantong sa mga paglabag sa mga demokratikong karapatan. Bagamat wala siyang tuwirang papel sa naganap na mga pagkulong, pagpapahirap at pagpatay sa ilang naging biktima, kabilang si Ka Roger sa mga pinuna at pinatawan ng aksyong pandisiplina dahil sa pananagutan niya bilang isa sa mga namumunong kadre ng rehiyon at kabiguang manindigan laban sa kahibangan. Mapagkumbaba siyang nagpuna sa sarili.

Nang italaga siya sa Laguna kung saan pangunahing naganap ang OPML, palagian niyang pinaalalahanan ang mga Pulang mandirigma na maging mapagkumbaba sa paghingi ng paumanhin sa mga kamag-anak ng mga naging biktima. Kalaunan ay naghilom ang mga sugat at sumulong ang mga rebolusyonaryong pakikibakang masa sa larangang iyon.

Anuman ang kanyang mga sinapit sa buhay personal at pampulitika, hindi kailanman pinanghinaan ng loob si Ka Roger. Tinupad niya ang kanyang mga tungkulin sa abot ng kanyang makakaya. Higit pa rito, naging katangi-tangi ang mga kontribusyon niya sa larangan ng propaganda.

Bilang isa sa mga pinuno ng Partido, lubos niyang batid ang halaga ng gawaing propaganda sa pagsusulong ng mga pakikibaka ng sambayanan. Sinimulan ni Ka Roger ang aktibong pamamahayag sa radyo at masmidya. Noong 1986, una siyang nakilala bilang si ‟Ka Roger“ nang mapabilang siya sa pangangasiwa ng pagpapalaya ng mga bihag-sa-digma sa Quezon. Noong 1987, nagsilbi siyang tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF) sa Southern Tagalog sa pakikipagnegosasyong pangkapayapaan sa Gubyerno ng Pilipinas. Sa mga sumunod na taon, bilang tagapagsalita ng Melito Glor Command, walang pagod si Ka Roger sa pakikipag-ugnayan sa masmidya upang ilinaw ang paninindigan ng PKP at BHB sa iba't ibang mga tampok na usapin. Kabilang din sa mga naging tungkulin niya ang pangangasiwa sa Kalatas, ang rebolusyonaryong pahayagang masa ng ST, at sa Radyo Pakikibaka, ang rebolusyonaryong pambalitaan sa himpapawid ng rehiyon.

Itinalaga si Ka Roger bilang tagapagsalita ng Partido noong huling bahagi ng 1993. Kabilang sa mga nauna niyang tungkulin ang pagsusulong ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto sa larangan ng propaganda. Puspusan siyang nakipaggitgitan sa pulitika laban sa iilang mga kontra-rebolusyonaryong nagtaksil at lumaban sa kilusang pagwawasto at naninira sa Partido.

Itinalaga siya sa Pambansang Komisyon sa Propaganda noong 2001 at nagsilbing pangalawang kalihim nito. Bukod sa pagiging tagapagsalita ng PKP, tumulong din siya as pangangasiwa ng regular na paglalabas ng Ang Bayan at sa mga gawain sa Philippine Revolution Web Central at Sine Proletaryo, ang grupo sa bidyo ng PKP.

Sa sumunod na mahigit isang dekada, ginampanan niya ang tungkulin bilang tagapagsalita ng Partido at pinuno ng Kawanihan sa Impormasyon ng PKP. Mula sa radyong VHF hanggang sa makabagong mga cellphone, ginamit niya ang lahat ng paraan ng pakikipag-ugnayan sa masmidya upang ihatid sa buong bansa ang mga balita mula sa mga larangang gerilya. Sa araw-araw, ang tinig ni Ka Roger at ang kanyang payak na mga paliwanag sa mga masalimuot na usapin ay sabik na inantabayanan ng mga Pulang mandirigma at karaniwang tao sa buong bansa.

Naging napakaepektibo ng kanyang payak na paglalahad ng paninindigan ng Partido sa pagpapaunawa at pagpukaw sa mamamayan. Palagian niyang inilalantad ang kasinungalingan ng mga reaksyunaryo, laluna ang mga pasistang tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na walang katapusan sa paghahabi ng buhangin. Dahil dito, labis siyang kinamuhian ng mga reaksyunaryo.

Inanyayahan niya ang mga reporter, brodkaster at mga manunulat sa midya sa loob ng sonang gerilya upang tuwiran nilang makita ang reyalidad ng rebolusyonaryong kilusan at kung papaano ito puspusang isinusulong ng sambayanang Pilipino. Sa loob ng mga sonang gerilya, nakilala nila si Ka Roger bilang simpleng tao. Pinakinggan nila si Ka Roger katulad ng ginawa niyang pakikinig sa kanilang mga hinaing at suliranin. Nakuha ni Ka Roger ang kanilang respeto, kung hindi man paghanga. Ang husay at tyaga, talas at talino, patriyotismo at pagmamahal sa bayan na ipinamalas ni Ka Roger ay lalong nagtaas sa prestihiyo ng Partido at rebolusyonaryong kilusan.

Bilang tagapagsalita ng PKP, walang pagod si Ka Roger sa paghahatid ng balita ng rebolusyong Pilipino. Naglalakad siya nang ilang araw, tinatawid ang mga ilog at dagat at naglalakbay sa mahahabang lansangan para makaabot saan man siya kinakailangan. Pinaunlakan niya ang halos lahat ng imbitasyon at kahilingan na makausap ng mga mamamahayag, anumang araw at anumang oras, umaga man o gabi. Dahil dito, hindi iilan sa masmidya ang kanyang naging kaibigan. Minsan pang nakaduweto sa radyo ni Ka Roger ang bantog na mang-aawit at brodkaster na si Tiya Dely Magpayo sa pagkanta ng kundimang ‟Lumang Simbahan.“

Bilang tagapagsalita ng Partido, si Ka Roger ay nanguna sa mahahalagang pampublikong aktibidad. Pinangunahan niya ang isang pagdiriwang ng anibersaryo ng Partido sa Laguna noong 1993 kung saan ilanlibo ang nagtipon sa ilalim ng nagwawagayway na bandila ng Partido. Pinangasiwaan niya ang pagpapalaya ng mga bihag sa Southern Tagalog at Bicol. Sa kabila ng mahigpit na mga operasyon ng AFP, nakapaglunsad siya ng mga press conference sa mga larangang gerilya ng Laguna, Albay, Quezon, Mountain Province at iba pang lugar.

Sa labis na pagkamuhi kay Ka Roger, di nagsawa ang militar sa pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso laban sa kanya. Pinagmukha siyang demonyo at kriminal. Pinatungan ang kanyang ulo ng `5 milyong pabuya at binuhusan ng milyun-milyong piso ang mga operasyon ng pasistang militar upang siya ay patayin o dakpin.

Ilang malalaking kampanyang militar ang inilunsad ng AFP upang dakpin si Ka Roger, kabilang ang sa Laguna (1998), North Quezon (2000-2001), South Quezon (2002), sa Albay (2003), Masbate (2004), Mountain Province (2005) at muli sa South Quezon noong 2005-2006. Tuluy-tuloy ang kanilang mga operasyong paniktik. Walang sawang minanmanan ng mga pasista ang kanyang mga anak, mga kapatid at iba pang kamag-anak at kaibigan. Sa ilang pagkakataon ay napalaban ang yunit-panseguridad ng Kawanihan ng Impormasyon. Subalit dahil sa malalim na suporta ng masa, ang lahat ng operasyon ng kaaway ay matagumpay na napangibabawan nina Ka Roger.

Hindi inalintana ni Ka Roger ang pagod at mga panganib sa paggampan ng kanyang mga tungkulin. Napupuyat siya sa pagsusulat, pag-aaral at pakikipagpulong. Gumigising siya nang maaga at kaagad na nagsisimula ng gawain. Ang walang-kapagurang paggampan sa mga rebolusyonaryong gawain malao'y magdudulot ng ilang mayor na karamdaman. Muntik na siyang mamatay noong 1995 nang tamaan siya ng tipos matapos ang mahabang paglalakbay sa isang larangang gerilya. Nabinat pa siya nang dahil sa kasabikang balikan na ang kanyang mga rebolusyonaryong gawain sa kabila ng tagubilin ng duktor na magpahinga ng isang buwan.

Noong 1997 ay unang beses siyang na-stroke. Sa loob ng maikling panahon ay napangibabawan niya ang pinsalang idinulot nito at nakabalik sa paggampan ng mga trabaho para sa rebolusyon. Nasundan ito ng isa pang stroke noong 2000. Ilang buwan siyang namahinga subalit tulad ng unang atake ay nagpursige siyang makabalik sa pagkilos sa kanayunan.

Muli siyang na-stroke noong Mayo 1, 2006. Ang ikatlong atakeng ito ay nagdulot ng mas malaking pinsala sa kanyang katawan. Subalit sa kabila ng malaking kapansanang pisikal na kanyang dinanas, nagpatuloy ang determinasyon ni Ka Roger na maglingkod sa rebolusyonaryong kilusan. Pilit niyang pinangibabawan ang naging kapansanan. Subalit dahil napakalaki ng pinsalang tinamo niya sa stroke, hindi naglao'y hakbang-hakbang na lumala ang kanyang kundisyon at naging imposible na makabalik pa sa dating ginagampanang trabaho.

Noong mga taong 2006-2011, si Ka Roger ay nasa pangangalaga ng isang pangkat ng mga kasama na tumiyak sa kanyang seguridad, pangangailangang medikal at kalidad ng buhay. Bagamat hindi na niya magampanan ang dating mga tungkulin, patuloy pa rin siyang kaugnayan ng Kawanihan sa Impormasyon at pana-panahong kinokonsulta sa mga gawain nito. Sa kabila ng kanyang kapansanan, patuloy pa rin si Ka Roger sa pagsubaybay sa mga pagsulong ng gawain ng Partido, laluna sa gawain ng Kawanihan. Patuloy siyang lumahok sa mga kolektibong talakayan, mga pag-aaral, pagpaplano at mga pulong para sa pagpuna at pagpuna sa sarili. Ikinagalak niya ang pakikipagtalakayan sa mga kasama. Walang sawa naman ang mga kasama sa pakikinig sa kanyang mga kwento tungkol sa kanyang aktibismo, mga karanasan sa pagkilos, tungkol sa kanyang mga anak, asawa at ina. Sa ilang masasayang pagtitipon ay pinauunlakan niya ang hiling ng mga kasama na tugtugin niya ang kanyang silindro.

Ilang pagkakataon siyang nabisita ng kanyang mga anak. Nakapagtagal sila nang ilang linggo o ilang buwan upang tumulong sa pag-aalaga sa kanilang ama at palalimin ang kanilang ugnayan. Masaya si Ka Roger na ang kanyang mga anak ay lumaki na naglilingkod din sa bayan. Gayundin, ikinalugod ni Ka Roger na kahit naghiwalay silang mag-asawa noong 2003, ay nanatili silang magkaibigan at mahusay na magulang sa kanilang mga anak. Habang malayo ang kanyang mga anak, pana-panahon silang sumusulat upang magbalita. Hinihingan nila ng payo ang kanilang ama tungkol sa iba't ibang usapin sa kanilang buhay.

Kahit may kapansanan na siya ay gumigising pa rin siya ng madaling araw upang makinig sa balita. Pana-panaho'y nagagawa niyang repasuhin ang mga pahayag na inilalabas ng Partido. Labis-labis niyang ikinabahala ang mga pamamaslang sa mga taong-midya at ang Masaker sa Maguindanao noong Nobyembre 2009 kung saan ilampung reporter ang nabiktima. Noong nakaraang Bagong Taon, personal niyang pinagtibay ang kanyang mensahe sa sambayanang Pilipino kung saan nanawagan siya ng pagpapaigting ng rebolusyonaryong pakikibaka sa harap ng kawalan ng pagbabago sa ilalim ng bagong reaksyunaryong gubyerno ni Benigno Aquino III.

Itinakwil ni Ka Roger ang mga alok na tulong medikal ng AFP. Batid niya na ang mga ito'y mga tusong patibong. Batid niya ang pagiging ipokrito ng alok na tulong dahil patuloy na nakapatong ang pabuya sa kanyang ulo at walang tigil ang mga operasyon para siya ay madakip.

Noong Abril 19, 2009, nagtipon ang mga kasama sa ika-62 kaarawan ni Ka Roger. Ginamit ng PKP ang pagkakataong iyon upang parangalan siya at alalahanin ang kanyang mga naging kontribusyon sa rebolusyong Pilipino. Kinanta ng mga kasama ang ‟Awit ng Kainginero“, na kinomposo ni Ka Roger noong dekada 1980 sa Southern Tagalog bilang pagtanghal sa simpleng mga magsasaka. Nagpugay ang lahat kay Ka Roger at sa kanyang buhay na inialay sa paglilingkod sa bayan, sa Partido at rebolusyon.

Hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay, bawat tibok ng puso ni Ka Roger ay inilaan niya sa mamamayang salat at gutom at sa kanilang rebolusyonaryong pakikibaka para sa panlipunang katarungan at pambansang kalayaan.

Ang buong kasapian ng Partido Komunista ng Pilipinas, ang mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan at sambayanang Pilipino ay nakikiisa sa kanyang pamilya at mga kaibigan sa pagluluksa sa kanyang pagpanaw. Itinataas nila ang kanilang mga kamao at itinatanghal ang kanilang mga sandata bilang pagsaludo kay Ka Roger, isang katangi-tanging komunista, matapang na mandirigma, militanteng tagapagtanggol ng bayan, pinagpipitagang kasama at mabuting kaibigan.

Pamana ni Ka Roger ang kanyang mga tagumpay at alaala na permanente nang nakaukit sa rebolusyonaryong kasaysayan ng sambayanang Pilipino. Nakahanay na ang kanyang pangalan sa magigiting na bayani ng rebolusyong Pilipino at habampanahong magbibigay ng inspirasyon sa sambayanang Pilipino sa kanilang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya.