Rebolusyunaryong pagpupugay kay Gregorio “Ka Roger” Rosal, tambuli ng rebolusyon

Revolutionary Council of Trade Unions
October 12, 2011

Kaming mga rebolusyonaryong manggagawa at maralita sa ilalim ng Revolutionary Council of Trade Unions-National Democratic Front of the Philippines ay taas-kamaong nagbibigay-pugay kay Gregorio “Ka Roger” Rosal sa kanyang pagpanaw. Ang kanyang buhay at pakikibaka ay maalab na inspirasyon sa amin at sa masang manggagawa at sambayanan para tumahak sa armadong pakikibaka at pambansa-demokratikong rebolusyon na may perspektibang sosyalista.

Lubos ang pagsang-ayon namin kay Kasamang Jose Maria Sison sa kanyang pagpaparangal kay Ka Roger: “Pinaparangalan namin siya bilang huwarang komunistang kadre, bilang mahusay na makabayang Pilipino, bilang magiting na Pulang mandirigma, bilang malinaw na tagapagpahayag at bilang epektibong edukador at organisador sa hanay ng masang anakpawis.”

Niyayakap namin bilang huwarang dapat tularan si Ka Roger, na nanggaling sa uring magsasaka at naging mahusay na rebolusyonaryo sa pinakamataas na antas ng pakikibaka. Sumasaludo kami sa kanyang dakilang mga ambag sa pambansang pagpapalawak at pagpupundar ng Bagong Hukbong Bayan at Partido Komunista ng Pilipinas, sa pagsusulong ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto, at sa rebolusyunaryong gawaing propaganda. Bilang tagapagsalita ng PKP, naging mahusay siyang tapaglantad ng bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal, tagapaghimok para sa bagong demokratikong rebolusyon at tagapagpasidhi ng kapasyahang militanteng lumaban at magrebolusyon.

Inspirasyon sa amin ang kanyang katatagan at pagpupunyagi sa harap ng maraming hamon sa paglilingkod sa sambayanan at pagrerebolusyon: sa harap ng kahirapan at sakripisyo, ng pagtugis at panunupil ng reaksyunaryong militar, ng pandarahas at panggigipit nito sa kanyang pamilya, ng malulubhang pagkakamali ng rebolusyonaryong Kilusan noong dekada ’80, at ng matinding karamdaman at kapansanan nitong huli. Hindi siya nagawang pigilan sa pagrerebolusyon ng mga bagay na ito, kahit pa hindi rin biro ang bigat nila.

Dahil epektibo siyang tambuli ng rebolusyon, ilang ulit ipinropaganda ng mga kaaway ng sambayanan ang kanyang karamdaman at umano’y kamatayan – sa maling pag-aakalang makakapagpahina ito sa loob ng mga rebolusyunaryong pwersa at masa. Pero maging sa dulo ng kanyang buhay at sa kanyang kamatayan, nagsisilbing huwaran sa mga rebolusyunaryo, masa at sambayanan si Ka Roger. Namatay siyang naglilingkod sa sambayanan, sa piling ng rebolusyunaryong masa at hukbong bayan. Hindi siya nagpagupo sa kahirapan at sakripisyo. Sa kabila ng lubos na pagpupunyagi ng militar, hindi nila siya nadakip o napatay.

Pumanaw man si Ka Roger, mananatiling buhay ang kanyang rebolusyonaryong diwa sa masang manggagawa at sambayanan na pinukaw at pinatibay niya sa paniniwalang sa pagbabagsak sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata-kapitalismo at sa pakikibaka para sa sosyalismo lamang magkakaroon ng tunay na pagbabago sa ating bayan. Pumanaw man siya, mananatiling buhay ang kanyang rebolusyonaryong diwa sa napakaraming taong direkta niyang iminulat, inorganisa at pinakilos para sa pambansa-demokratikong rebolusyon.

Magpupunyagi kaming paramihin ang mga manggagawa at maralita na may ngiti sa bibig at mata na katulad ng kay Ka Roger – ngiti ng lubos na pagtitiwala sa masa at pag-asa sa tagumpay ng rebolusyon. Ibayo naming papalawakin ang hanay naming mga manggagawa at maralita na, katulad niya, ay masigasig na nanghihikayat magrebolusyon sa simple at matalas na pananalita. Masikhay kaming magpaparami ng mga manggagawa at maralita na, katulad niya, ay buong pusong yumayakap sa simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka.

Patuloy na mabubuhay at mag-aalab ang rebolusyunaryong diwa ni Ka Roger dahil nakadambana ito sa dakilang puso ng uring manggagawa.

Mabuhay si Ka Roger, ang sambayanang Pilipino at ang uring manggagawa!
Mabuhay ang pambansa-demokratikong rebolusyong may perspektibang sosyalista!