Ibayong paglagablabin ang apoy ng mga pakikibakang magsasaka

ANG BAYAN
7 Nobyembre 2011
Download PDF

Animo'y tuyong dayami ang malawak na kahirapan at kagutuman na dinaranas ng masang magsasaka sa buong bansa. Kaliwa't kanan ay sumisiklab ang apoy ng mga pakikibakang magsasaka. Matindi ang pagtutol sa iba't ibang anyo ng pangangamkam ng lupa. Ipinaglalaban ng mga magbubukid ang tunay na reporma sa lupa para mabaklas ang monopolyong kontrol sa lupa. Naninindigan sila para sa kanilang mga demokratikong karapatan kahit pa sa harap ng matinding militarisasyon at pasistang karahasan.

Nagngangalit ang masang magsasaka sa asenderong presidenteng walang ginawa kundi ibayo pang pahirapan ang mga magsasaka. Sa ilalim ng kanyang mahigit lamang isang taong paghahari, kaliwa't kanan nang mga patakarang bumibigwas sa interes ng masang magsasaka ang itinaguyod at ipinatupad ni Aquino.

Pinalakpakan ni Aquino ang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo na tahasang nagsaisantabi sa pangkasaysayang sigaw ng mga magbubukid para sa tunay na reporma sa lupa. Ang desisyon nito na dapat umanong pagbotohan ng mga magbubukid kung pabor sila sa "stock distribution option" (SDO) o sa pamamahagi ng lupa ay muli lamang nagbigay ng puwang sa pamilyang Cojuangco-Aquino na pagtibayin ang monopolyong kontrol nito sa 6,500-ektaryang asyenda. Muli nitong inilantad ang kahungkagan ng Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER).

Ang desisyong ito ay tiyak na gagamiting balangkas ng iba pang malalaking asendero para hadlangan ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa. Banta ito sa sigaw ng magsasaka para isailalim sa tunay na reporma sa lupa ang 8,650-ektaryang Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas. Kung ang desisyon lamang na ito ang susundin, tuluyan nang mababalewala ang pakikibaka ng mga magsasaka laban sa tangkang magtayo ng subdibisyon at pook panturista sa lupang matagal na nilang ipinaglalaban.

Ipinatutupad din ni Aquino ang malawakang pangangamkam ng lupa ng mga dayuhang malalaking kapitalista, malalaking asendero at burgesyang komprador na nagreresulta sa pagpapalayas sa daan-daan libong mga magsasaka mula sa lupang kanilang sinasaka. Binibigyang-daan ni Aquino ang kumbersyon ng malalawak na lupaing agrikultural para sa operasyon ng malalaking minahan at plantasyon at para itayo ang mga proyektong pang-imprastruktura sa ilalim ng kanyang programang Public-Private Partnership.

Tulad ng rehimeng Arroyo, malalawak na lupain ang isinusubasta ni Aquino sa dayuhang malalaking kapitalista. Mahigit 11,000 ektaryang lupain sa San Mariano at mga karatig na bayan sa Isabela ang inialok ni Aquino sa malalaking kapitalistang Hapon nang bumisita siya roon noong nakaraang taon. Pinangangambahan din ang pagkontrol ng malalaking kumpanyang Amerikano sa milyun-milyong ektaryang niyugan matapos ianunsyo ni Aquino ang balak ng mga ito na mamuhunan ng $15 milyon para sa "buko juice."

Kaalinsabay nito, itinutulak ng rehimeng Aquino ang pagtatayo ng terminal ng bus at tren (MRT-7) at mga establisimyentong komersyal at residensyal sa Tungkong Mangga, sa San Jose del Monte, Bulacan. Itatayo ito sa 311 ektaryang lupain na sinasaka at pinaninirahan ng may 300 pamilyang magsasaka. Inaangkin ng pamilyang Araneta ang lupaing ito kaya naman puspusan itong itinutulak ni Mar Roxas na itinalaga ni Aquino na kalihim ng transportasyon.

Wala ring ginagawa ang rehimeng Aquino para itaas ang kita ng masang magsasaka. Nananatiling inutil ang gubyerno sa pagtataas ng presyo ng pagbili ng palay mula sa mga magsasaka. Hinahayaan lamang nito ang malalaking korporasyon at mga mapagsamantalang komersyante na baratin ang presyo ng tabako, pinya, saging, mga gulay at iba pang produktong agrikultural ng mga magsasaka.

Todo-larga ang rehimeng Aquino sa pag-akit sa pagpasok ng dayuhang malalaking kapitalista para dambungin ang yamang mineral ng bansa. Bukod sa dati nang mga pang-akit tulad ng kalayaang iuwi ang tubo at di pagsingil ng buwis, binigyang-katiyakan din ni Aquino ang mga dayuhang mamumuhunan na mapabibilis ang proseso ng aplikasyon nila sa pamumuhunan. Tiniyak din ni Aquino ang seguridad ng mga dayuhang kapitalista sa pamamagitan ng pagsasanay ng mga grupong paramilitar para magbantay sa mga operasyong pagmimina ng mga ito.

Ang todong kampanya ni Aquino na bigyang-daan ang pandarambong ng mga dayuhang malalaking kapitalista ay nagreresulta sa malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka at minoryang mamamayan. Ang mapandambong na mga operasyong pagmimina ay sumisira sa mga kabundukan, lumalason sa mga bukal at sapa, nagpapabaha sa mga ilog at nangwawasak ng malalawak na lupaing agrikultural.

Sa pamamagitan ng kanyang mga alipures, itinutulak ngayon ni Aquino ang "charter change" upang amyendahan ang mga probisyon ng reaksyunaryong Konstitusyon ng 1987. Sa ngalan ng "pagpapalaki ng dayuhang pamumuhunan", balak ni Aquino na alisin ang mga pagbabawal sa dayuhang pag-aari ng lupa at ang probisyon na naglilimita sa mga dayuhang mamumuhunan sa 40% pag-aari ng mga empresa sa bansa. Wala itong ibang kahulugan kundi ang muling kolonisasyon ng bansa, ang tuluyang paglilibing ng reporma sa lupa at ang ibayong pagkasadlak ng masang magsasaka sa kahirapan at kagutuman.

Dahil sa hatid na labis na kahirapan ng mga patakaran ng rehimeng Aquino, kaliwa't kanan ang pagsiklab ng mga pakikibakang magsasaka sa iba't ibang panig ng bansa. Itinatakwil nila ang rehimeng Aquino bilang gubyernong makadayuhan at maka-asendero. Ipinaglalaban nila ang makatwirang presyo ng kanilang mga produkto at makatarungang sahod para sa mga manggagawang bukid. Naglulunsad sila ng mga martsa at demonstrasyon sa mga sentrong bayan at lunsod upang isigaw ang kanilang paglaban sa pangangamkam sa kanilang mga lupa. Nakikibaka sila upang hadlangan ang pagpasok ng dayuhang malalaking minahan at plantasyon at upang igiit ang tunay na reporma sa lupa.

Sa pamamagitan ng kani-kanilang mga organisasyon, naglulunsad din ang mga magsasaka ng mga bungkalan o sama-samang pagsasaka ng mga tiwangwang na lupa sa mga asyenda. Sa pamamagitan ng bungkalan, iginigiit ng mga magsasaka ang kanilang karapatan na bungkalin ang lupa at pakinabangan ang bunga ng kanilang lakas-paggawa. Sa iba't ibang panig ng bansa, tuwirang nagresulta sa pag-unlad ng kabuhayan ng mga magsasaka ang inaani nilang bunga ng kanilang pagbubungkal.

Ang pagsiklab ng mga pakikibakang magsasaka ay lumilikha ng mainam na kundisyon para sa pagsigla ng paglahok ng masang magsasaka sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Kaalinsabay nito, ang aktibong pagsuporta ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga rebolusyonaryong pwersa sa mga pakikibakang magsasaka alinsunod sa programa ng rebolusyong agraryo ay nagbibigay ng ibayong sigla, tapang at determinasyon sa masang magbubukid na isulong ang kanilang mga paglaban.

Ang inihahasik ng rehimeng Aquino na mga patakaran at programang anti-magsasaka at anti-mamamayan ay mabilis na nagpapasibol ng mga pakikibakang antipyudal, anti-imperyalista at antipasista sa buong bansa. Ang idinudulot nitong labis na kahirapan at kaapihan sa mamamayan ay lalong magpapalagablab sa apoy ng mga pakikibakang magsasaka na magbabantang lumamon sa reaksyunaryong paghahari ng asenderong presidenteng si Aquino.

________________________________


Pangangamkam ng lupa sa Bulacan

Nakaambang mapalayas sa kanilang mga sakahan at mga bahay ang mahigit 300 pamilyang magsasaka sa Tungkong Mangga, San Jose del Monte, Bulacan. Ito ay dahil itatayo sa 311 ektaryang inokupahan nila ang Metro Rail Transit-7 (MRT-7), isang sistema ng riles na tatahak mula Tungkong Mangga tungong North Edsa, Quezon City at dudugtong sa LRT Line 1 (Baclaran-Monumento) at MRT 3 (Pasay-North Edsa.)

Mahigpit na tinututulan ng mga magsasaka ang MRT-7 at ang nakaambang pagpapalayas sa kanila. Ang lupaing saklaw ng proyekto ay marapat nang ipamahagi sa mga magsasaka. Sa halip, isinubasta ito ng rehimeng Aquino sa pribadong mga korporasyong sangkot sa proyekto. Pangunahin na rito ang pamilyang Araneta-Roxas na umangkin sa lupa ng mga magsasaka. Sa lupang ito itatayo ang depot, intermodal station at mga kaakibat na imprastrukturang komersyal-residensyal. Namuhunan na sa proyektong ito ang San Miguel Corp. (SMC), Universal LRT Corp. at iba pang lokal at dayuhang kapitalista.

Ang MRT-7 ay nagkakahalaga ng $1.235 bilyon o mahigit P53.105 bilyon. Walang kahihiyang inendorso ni DOTC Secretary Roxas ang proyektong ito para paglaanan ng pondo ng rehimeng Aquino. Uutang ang rehimen ng aabot sa isang bilyong dolyar para mapondohan ang proyektong ito.

________________________________

Nagpapatuloy na pakikibaka sa Hacienda Looc

Muli na namang umiigting ang pakikibaka ng mga magsasaka sa Hacienda Looc sa harap ng pagtatangka ng mga malalaking burgesyang komprador na agawin ang lupa.

Ang Hacienda Looc ay sumasaklaw sa limang barangay sa mga magkakanugnog na bayan ng Nasugbu, Batangas at Maragondon, Cavite. May kabuuang lawak ito na 8,650 ektarya. Mataba ang lupa at sagana sa likas-yaman ang lupain. Mahigit 1,700 ektarya nito ay tinatamnan ng palay, mais, tubo at mga gulay. Mayaman din ito sa mga bungang-kahoy tulad ng mangga, langka at kaymito, mga sagingan at iba pa.

Noong 1990, tumanggap ang mga magsasaka ng Hacienda Looc ng certificate of land ownership award (CLOA) at mga emancipation patent (EP) sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP). Matapos ang ilang taon, binawi ng gubyerno ang mga CLOA at EP matapos ibenta ng Assets Privatization Trust (APT) ang buong asyenda sa Manila Southcoast Development Corp. (MSDC). Ang MSDC ay nasa ilalim ng SM Group of Companies.

Itinutulak ng MSDC at ng kasosyo nitong Fil-Estate Lands ang proyektong Royal Cliff, Harbor Town, Gold and Country Club. Balak itayo ang apat na golf course, dalawang daungan ng mga yate, isang ekslusibong beach resort at subdibisyon na pakikinabangan lamang ng mayayaman. Ang SM Land naman ang nasa likod ng Hamilo Coast Project na sasaklaw sa 5,800 ektaryang lupain kabilang ang 25 kilometrong baybaying dagat na may 13 mga kweba, mayamang kagubatan at iba pa. Tinatayang mahigit 10,000 pamilya ang mapapalayas ng proyektong ito ng SM Land.

Patuloy na nilalabanan ng mga magsasaka ang ginagawang kumbersyon ng lupa at ang itinatayong mga istruktura ng SM. Iginigiit nila ang kanilang karapatan na magmay-ari sa lupa ng Hacienda Looc.

________________________________

Pangangamkam ng lupang agrikultural sa Cagayan Valley, tumitindi

Inilalaan ng gubyerno ang 457,000 ektarya ng matatabang lupang agrikultural sa rehiyon para sa multinasyunal na agribisnes na korporasyon gaya ng bio-ethanol. Sasakupin nito ang mahigit 75% lupaing agrikultural, bukod pa sa mga lupaing klasipikado pa rin bilang "kagubatan" o "kabundukan" kahit matagal nang tinatrabaho ng mga magsasaka.

Sa kabuuan, mahigit 80,000 ektarya ang gagawing plantasyon ng bio-ethanol. Mula sa kabuuang target na 11,000 ektarya sa walong bayan ng Isabela, 3,000 ektarya na sa apat na bayan ang naipasok sa mapandambong na kontrata. Sa Cagayan naman, 20,000 ektarya ang planong plantasyon at planta sa Lallo.

Nagpapatuloy ang pangangamkam ng gubyerno ng lupa sa pamamagitan ng huwad na programa ng reporestasyon gaya ng Community-Based Forest Management (CBFM), Socialized Industrial Forest Management Agreement (SIFMA) at Certificates of Ancestral Domain Claims (CADC). Sa ilalim nito, hindi magmamay-ari ng lupa ang mga magsasaka kundi magiging steward o tagapag-alaga diumano ng kagubatan. Maaari silang patalsikin ng kumpanyang nagnenegosyo roon o ng mismong gubyerno kailanman nila naisin. Paraan ito upang makalusot sa pamamahagi ng lupa. Sa halip na ipamahagi, magpapatanim na lamang ang gubyerno ng punong kahoy gaya ng ipinipilit sa 15,303-ektaryang lupa sa Sandoval Estate at 943 ektarya sa Sindon, Ilagan, Isabela.

Ganito rin ang kaso sa 600-ektaryang saklaw ng CBFM sa Baggao-Gattaran na hanggang ngayo'y klasipikado pa rin bilang "kagubatan" kahit deka-dekada nang napaunlad ng mga magsasaka at karamiha'y tinitirhan ng mga masang Agay. Ginagamit din ang "reporestasyon" upang makamkam ng mga korporasyong agribisnes ang malawak na lupa. Sa San Mariano, Isabela, 50% ng SIFMA erya ay pinatatamnan ng tubo. Sa karanasan, bukod sa walang katiyakan ang masa sa lupa ay hindi rin sila ligtas sa pandarahas ng mga mangangamkam, gaya ng nangyari sa 500-ektaryang CBFM sa Bangag, Lallo, Cagayan.

Kasabay ng pekeng "reporestasyon" ang largadong pagtotroso ng limang higanteng kumpanya ng pagtotroso sa 184,316 ektaryang natitirang kagubatan sa rehiyon, na nagdudulot ng kapinsalaan sa buhay at kabuhayan ng mamamayan.

Wala pa ring kahit isang nabigyan ng lupa ang Comprehensive Agrarian Reform (CARP) kahit pa ipinagmamalaki ng Department of Agrarian Reform (DAR) na nakapamahagi ito ng 341,793 ektarya noong 2010. Sa katunayan, lumawak ang pang-aagaw ng lupa ng DAR gamit ang Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) na ang pangunahing target ay ang mga problematikong kaso ng "repormang agraryo." Ang mga lupang matagal nang napailalim sa Presidential Decree 27 ay hindi ipasasakamay sa mga magsasaka, kundi pinababayarang muli at naibibigay sa iba sa pamamagitan ng Voluntary Offer to Sell o ng DAR. Nakakanselahan ito ng Certificate of Land Transfer (CLT)-Emancipation Patent (EP)-Certificate of Landownership Award (CLOA), o nagkakaroon ng huwad na mga papeles pabor sa mayayaman, makapangyarihan at mga usurero.

Dumarami ang mga magsasakang sinasampahan ng mga kasong kriminal sa Department of Agrarian Reform Adjudication Board (DARAB) para maipilit ang pagpapaalis mula sa kanilang lupa at tirahan. Pinakamalaking kaso ang 7,000 ektaryang lupa sa Borja Estate sa Amulung, Cagayan. Doon, naigapang ng karamihan sa mga magsasaka ang mahal na amortisasyon ayon sa inutil na PD 27, pero ngayo'y muling pinababayaran ng DAR ang lupa ng P100,000 kada ektarya. At sa Del Pilar, San Mariano, taun-taong pinagbabayad ang mga magsasaka para sa irigasyon ng World Bank na itatayo sa ilalim ng diumano'y reporma sa lupa--sa loob ng 381 taon!

Kasabay nito ang patuloy na panlilinlang, panghuhuthot at pang-aagaw ng lupa ng mga sindikato sa lupa ng mga peke at tunay na mga abugado, surbeyor at inhinyero na kakutsaba ng DAR, Department of Environment and Natural Resources (DENR), Land Bank, Register of Deeds, Bureau of Internal Revenue (BIR), mga kumpanya sa agribisnes at mga lokal na gubyerno. Sa Cagayan, pinakamalaking sindikato ang grupo ni Engr. Ruben Ulita at sa Isabela, pinakamatindi ang panggagantso ng grupo ng pekeng abugado na si Nenita Balmaceda-Perez.

Anti-mamamayang proyekto. Bago ang eleksyon at pagkatapos maluklok ang rehimeng Aquino ay pinatindi ang propaganda at pakitang-ginhawa sa pamamagitan ng mga proyektong "pangkaunlaran" na sa katunaya'y anti-mamamayan. Sa Cagayan, ang Cagayan Economic Zone Authority (CEZA) ng mga Enrile ay nagsisilbi pa ring pangunahing mangangamkam ng 54,000 ektaryang lupa sa prubinsya. Kapalit ng paggawa ng kalsada, mga casino at hotel, pinalayas ang 300 magsasaka mula sa Barangay Samoc-samoc, bayan ng Sta. Ana, Cagayan noong Enero.

Tinuunan ng gubyerno ang pagsisimula ng iba pang mga proyekto na nagsisilbi sa imperyalistang interes. Halimbawa'y ang planong pagbubukas ng apat na hydro-electric na planta sa Isabela, at ang planong pagtatayo ng Ngarutngot Dam sa Cagayan at Ilaguen Dam sa Isabela, hydro-electric dam sa San Agustin, Isabela na popondohan ng Japan, ang Lallo International Airport, konstruksyon ng mga pamprubinsyang kalsada at iba pa.

________________________________

Pagkilos ng mga magsasaka para sa lupa

Ginugunita ng mga progresibong organisasyon ang buwan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng serye ng mga aktibidad at protesta mula Setyembre hanggang Disyembre. Noong Oktubre 17 hanggang 21, inilunsad ng mga magsasaka ang lakbayan para ipanawagan ang pagtatakwil sa rehimeng US-Aquino at para sa tunay na reporma sa lupa.

Nasa sentro ng mga pagkilos ang paglaban sa malawakang pangangamkan ng lupa na tuluy-tuloy na nagaganap sa iba't ibang bahagi ng bansa. Inilantad ng mga magsasaka ang Comprehesive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER) bilang instrumento ng mga panginoong maylupa na ibayo pang palawakin ang kanilang monopolyo sa lupa. Anila, sa loob lamang ng mahigit isang taon sa poder, lantad na lantad na maka-panginoong maylupang katangian ng rehimen ni Benigno Aquino III at itinatakwil na ito ng mga magsasaka.

Dinala ng mga magsasaka sa mga sentrong syudad ang mga usapin ng kani-kanilang mga lokalidad at kanilang mga pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa.

Bumyahe patungong Maynila ang 1,500 magsasaka mula sa mga asyenda ng Central Luzon, Southern Tagalog, Cagayan Valley at Ilocos Region para magkampo sa Mendiola. Nagtipon sila sa ilalim ng pamumuno ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas. Ipinanawaagn nila ang pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa.

Umabot naman sa 10,000 magsasaka mula sa Bukidnon at Misamis Oriental ang nagkampo sa kapitolyo sa Cagayan de Oro sa parehong panahon. Ang mga lakbayang ito ay rurok lamang ng maraming mga pagkilos na inilunsad ng mga organisasyon ng mga magsasaka mula pa Setyembre.

Humigit-kumulang 1,500 magsasaka naman mula sa iba't ibang prubinsya, sentrong bayan at lunsod sa Eastern Visayas ang sabay-sabay na nagmartsa sa pamumuno ng Samahan han Gudti nga Parag-uma-Sinirangan Bisayas (SAGUPA-SB) patungo sa mga upisina ng Department of Agrarian Reforms (DAR) noong Oktubre 21 upang igiit sa rehimeng Aquino ang panawagang tunay na reporma sa lupa, pagbasura sa CARP at pagsasabatas ng GARB, at ang pagpapahinto sa militarisasyon sa kanayunan. Ang martsa-rali ay bahagi ng pambansang kilos-protesta na inilunsad ng mga magsasaka bilang paggunita sa Peasant's Month.

Sa Catarman, Northern Samar, nagmartsa ang mga myembro ng SAGUPA-SB at Northern Samar Small Farmers Association (NSSFA) upang iprotesta ang patuloy na militarisasyon sa kanayunan. Ayon kay Oscar Tulin, tserman ng NSSFA, "Inaarmasan ng militar kahit ang mga menor-de-edad at tinatakot ang mga magsasaka tuwing nag-ooperasyon ang mga ito". Iginiit din nila ang pagpapalaya sa mga detenidong pulitikal tulad nina Dario Tomada at Felicidad Caparal, mga lider-magsasaka na sinampahan ng gawa-gawang kaso.

Sa Eastern Samar, binasag ng protesta ang limang-taong pananahimik dulot ng takot noong panahon ni Gen. Jovito Palparan. Pinamunuan ng Kapunungan han mga Parag-uma ha Eastern Samar (KPES) ang humigit-kumulang 400 magsasaka mula sa mga bayan ng Borongan, Maydolong, Arteche, Llorente, McArthur at Quinapondan ang martsa-rali upang iprotesta ang malawakang pagmimina sa prubinsya. Patuloy ang operasyon ng dalawang malalaking kumpanya ng mina sa Eastern Samar, ang Masada Mining Co. at King Resource Mining Company na sumasaklaw sa mga bayan ng McArthur, Llorente at Salcedo.

Sa Catbalogan, dumalo ang may 700 magsasaka mula sa iba't ibang bayan ng Samar upang iprotesta ang kahirapan, kagutuman at militarisasyon.

Sa Tacloban City, umabot sa 200 magsasaka ang nagrali sa harapan ng Department of Agrarian Reform-Eastern Visayas (DAR-8) at naglunsad ng noise barrage sa Old Bus Terminal bilang protesta sa nagpapatuloy na kawalan ng lupa ng mga magsasaka, pangangamkam ng lupa at militarisasyon.

________________________________

Dayuhang proyekto at pagmimina sa Panay, tinututulan

Determinadong tinututulan ng mga minoryang Tumanduk at mga magsasaka sa mga lalawigan ng Capiz at Iloilo ang patuloy na pangangamkam ng militar sa kanilang lupang ninuno at ang nakaambang mga proyektong makasisira sa kanilang kabuhayan at sa kalikasan.

Maliban sa pangangamkam ng 3rd ID ng Philippine Army sa 33,310-ektaryang lupaing ninuno na ginagamit na Army Reservation, kinakaharap ngayon ng mga Tumanduk ang P19.2 bilyong proyektong Jalaur River Multipurpose Project Phase II. Magsisimula ang proyektong ito sa 2012 at popondohan ng gubyernong China at South Korea. Galing din sa dalawang bansang ito ang mga kontratista ng proyekto.

Ang dam ng Jalaur River Multipurpose Project Phase II ay makapagbibigay ng 11 megawatts na elektrisidad para sa Iloilo City, inuming tubig, at irigasyon para sa 22,000-ektaryang lupang agrikultural sa lalawigan ng Iloilo.

Sa kabilang banda, kapag lubusang lumarga ang proyektong ito, magkakaroon ng dislokasyon sa mga barangay ng Aglunok, Hilwan, Marandig, Supanga, Caratagan, Guinbunyugan, Binolusan Pequeño, Cahigon, Masaroy, Garangan at Agcalaga, lahat sa bayan ng Calinog, Iloilo.

May taas na di bababa sa 120 metro ang gagawing dam ng Jalaur River. Mga 12 kilometro ang dadaanan ng tubig paakyat mula sa Alibunan River patungo sa dam. Gagawing watershed area ang gilid at paak- yat na bahagi ng nasabing ilog. Mahigpit na ipagbabawal ang pagsasaka sa eryang ito. Tuwing tag-ulan, malalagay sa matinding panganib ang mga mamamayan sa ibabang bahagi kapag nagkaroon ng biglaang pagbaha dahil sa pagbukas ng mga gate ng dam para pakawalan ang sobrang tubig.

Nakaamba rin ang pagpasok ng malakihang pagmimina. Ilan sa mga kumpanyang mag-oopereyt ang TMC International Corporation (TMCIC) at Quarry Ventures Philippines Inc. sa limang bayan ng Capiz. Sasaklawin ng TMCIC ang 10,344 ektaryang lupain sa mga barangay ng Abangay, Aglinab, Apero, Artuz, Gebioan, Katipunan, Roosevelt, San Miguel Ilawod at Wright sa bayan ng Tapaz. Ang Quarry Ventures Philippines naman ay magmimina sa 8,524 ektarya ng lupain sa apat na barangay ng Jamindan.

Nagpapatuloy din ang pakikibaka kontramina sa Maayon, Cuartero at Dumarao, lahat sa Capiz. Noong Enero ay may bagong aprubadong kontrata sa pagmimina ng ginto ang tatlong kumpanya--Teresa Marble Corporation, Quarry Ventures Philippines Inc. at Walter Mining and Industrial Development Corporation.

Samantala, daan-daang mamamayan sa bayan ng Igbaras, Iloilo ang pumirma laban sa aplikasyon sa eksplorasyon ng mineral ng Emerald Mineral Resources Company sa mahigit 2,360 ektaryang lupain. Isinumite nila ang petisyong ito sa upisina ng Department of Environment and Natural Resources at Mines and Geosciences Bureau (DENR-MGB) noong Hunyo. Ang mga lumagda sa petisyon ay mga residente ng mga apektado sa 12 barangay at poblasyon ng Igbaras.

________________________________

P31 milyong pondo para sa mga bandido, binatikos

Binatikos ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang ibinigay ng gubyerno na P31 milyon sa bandidong Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa-Pilipinas (RPMP), Revolutionary Proletarian Army (RPA) at Alex Boncayao Brigade (ABB).

Ani Prof. Jose Ma. Sison, punong konsultant pampulitika ng NDFP, dapat tuligsain si Teresita Quintos-Deles, pinuno ng Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) dahil sa panloloko niya at pangungurakot sa pondo ng GPH. Aniya, muling binubuhay at pinagbabagong-bihis lamang ni Deles ang mga grupong paramilitar ng GPH tulad ng RPA-ABB at CPLA. Dapat daw panagutin si Deles sa kanyang panlilinlang at pagnanakaw ng pampublikong pondo kakutsaba ang mga grupong paramilitar ng GPH.

Ayon naman kay Luis Jalandoni, tagapangulo ng NDFP Negotiating Panel, panlilinlang ang pamimigay ng pondo ng gubyerno sa RPMP-RPA-ABB dahil ginawa lamang ito para masabing sumusulong ang prosesong pangkapayapaan. Dagdag pa ni Jalandoni, matagal nang tumigil sa pakikipaglaban ang mga bandido ng RPMP-RPA-ABB at ginagawang kasangkapan na lamang sila ng estado laban sa mamamayan. Ginagamit din silang bayarang goons ng mga pulitiko at panginoong maylupa.

Ang P31 milyong pondo ay nasa ilalim ng Payapa at Masaganang Pamayanan Program (PAMANA) ng OPAPP at pinangangasiwaan ni Deles. Bahagi ito ng kasunduan sa pagitan ng bandidong grupo sa rehimeng Estrada noong Disyembre 6, 2000 kung saan tuluyan na silang sumuko at nakipagtulungan na lamang sa gubyerno.

Nauna nang nakatanggap ng P500 milyon noong taon ding iyon ang RPMP-RPA-ABB na humantong sa alitan at pagkabiyak ng kanilang grupo. Nakakuha rin ng P10 milyon ang grupo para sa mga kasamahan nilang gustong sumuko at pumaloob sa militar.

Matatandaang noong panahon ng dating kalihim ng OPAPP na si Gen. Hermogenes Esperon ay mayroong P170 milyong pondo para sa Social Integration Program (SIP) na hindi naipaliwanag ang pinagkagastusan. Si Deles naman ay inaakusahang gumamit ng pondo ng ahensya para mangampanya para kay Gloria Arroyo noong eleksyong 2004. Dahil dito ay iginiit ng progresibong mambabatas na buwagin na ang OPAPP.

________________________________

Kampanya laban sa Oplan Bayanihan, inilunsad sa Bicol

Umabot sa 12,000 Bikolano ang naglunsad ng caravan, rali at kampo-protesta laban sa Oplan Bayanihan (OPB), ang programang kontra-rebolusyonaryo ng rehimeng US-Aquino.

Umikot noong Oktubre 17-18 sa iba't ibang syudad sa rehiyon ang Alyansa na Kilusan laban sa Militarisasyon sa Kabikolan. Panawagan nila ang paglaban sa OPB at hustisya para sa mga biktima ng paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng rehimeng Aquino. Ayon kay Vince Casilihan ng Karapatan-Bicol, naitala sa rehiyon ang 24 na kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 18 iligal na pang-aaresto, 20 kaso ng pagdukot at 39 kaso ng pananakot at intimidasyon mula nang ipatupad ang OPB. Inihalimbawa ni Casilihan ang ginawa noong Hulyo ng Community Peace and Development Team na nagbahay-bahay sa 11 barangay sa Guinobatan, Albay at namwersa sa mga residente na sumapi sa Barangay Defense System. Isang residente naman ng Pio Duran, Albay ang sinaktan ng mga militar na nagdulot ng pagdurugo at pananakit sa kanyang katawan.

Samantala, sinabi ng Kilusang Mayo Uno-Bicol na pangunahing apektado ng OPB ang mga magsasaka. Bukod sa inaakusahan silang mga rebelde ay target din ng mga operasyon ng AFP ang mga nakikibakang magsasaka sa malalaking asyenda, mga minahan at mga lugar kung saan laganap ang pagpapalit-gamit ng lupa.

Sinabi naman ng Bagong Alyansang Makabayan-Bicol (BAYAN-Bicol) na ang OPB ng rehimen ay pagpapanggap at panlilinlang sa ngalan ng kapayapaan. Patuloy pa rin ang militarisasyon kasabay ng pagsasagawa ng mga bogus na programa para umano sa mahihirap na mamamayan. Gayunman, magagapi rin ang OPB katulad ng pagkagapi ng Oplan Bantay Laya ng dating rehimeng Arroyo, anang BAYAN-Bicol.

________________________________

Pulang parangal kay Ka Roger sa pusod ng Kamaynilaan

Isang malaking pagtitipon ang idinaos noong Oktubre 21 sa University of the Philippines (UP) Theater sa Diliman, Quezon City upang magbigay ng parangal kay Gregorio "Ka Roger" Rosal, yumaong tagapagsalita ng Partido Komunista ng Pilipinas. Mahigit 2,500 katao mula sa iba't ibang prubinsya at organisasyon ang nagpugay kay Ka Roger--salamin ng paghanga ng marami at pagmamahal sa kanya ng mga rebolusyonaryo at mamamayang Pilipino.

Marami sa mga dumalo ay mula sa uring manggagawa at magsasaka--mga uring pangunahing ipinaglaban ni Ka Roger sa halos apat na dekada niyang pakikibaka. Marami rin ang dumalong mangingisda, estudyante, propesyunal, taong simbahan, maralitang lunsod at iba pang sektor. Dumalo ang mga kanyang mga kamag-anak at kaibigan. May dumalo ring mamamahayag at dating kinatawan ng gubyerno.

Okupado hindi lamang ang lahat ng upuan sa UP Theater kundi pati mga pasilyo. Marami sa mga dumalo ang nakasuot ng mga T-shirt na may larawan ni Ka Roger at mga Mao cap na paboritong isuot at tatak ng yumaong tagapagsalita. Nakasabit naman sa loob ng UP Theater ang mga bandila ng PKP, Bagong Hukbong Bayan, National Democratic Front of the Philippines (NDFP) at mga alyadong organisasyon nito.

Masigabong palakpakan ang agad na salubong ng mga dumalo sa pinakaunang pagpapakita pa lamang sa larawan ni Ka Roger sa entablado. Katabi ng malaking larawan niya ang mga katagang "Ka Roger--ang walang kamatayang tinig ng sambayanan."

Pinakatampok sa parangal ang pagpapalabas sa bidyo ng mga pakikipanayam kay Ka Roger, sa kanyang pamilya, mga kaibigan, nakasama sa pakikibaka at sa mga lider ng rebolusyonaryong kilusan. Binaybay sa bidyo ang kanyang buhay mula sa pagkabata, pag-aaral, pagkamulat, pagkahuli at pagtakas, pagsapi sa Bagong Hukbong Bayan, pagiging lider, pagiging epektibo at hinahangaang tagapagsalita ng PKP at pagiging huwarang rebolusyonaryo at komunista. Makailang ulit na pinalakpakan ang mga tinuran niya sa mga bidyo, patunay na hanggang sa kamatayan ay mabisa pa rin ang kanyang mga pahayag.

Laman ng mga talumpati ang pinakamataas na pagpupugay sa yumaong tagapagsalita. Sa pormang bidyo, nagparangal ang NDFP sa pamamagitan ng talumpating binasa ni Ka Luis Jalandoni. Nagpadala rin ng talumpating nakabidyo si Ka Jose Maria Sison, Chief Political Consultant ng NDFP. Sa entablado, nagpugay naman ang iba't ibang indibidwal na nakasama, nakilala o humahanga kay Ka Roger. Kabilang dito sina Vicente Ladlad, isa sa mga konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan; Rey Casambre, Executive Director ng Philippine Peace Center; Dr. Carol Araullo, tagapangulo ng BAYAN; Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng GABRIELA; Tata Pido ng Pamalakaya; Satur Ocampo, dating kinatawan ng Bayan Muna at presidente ng alyansang Makabayan; at Fely Indanan, nakababatang kapatid ni Ka Roger. Nagpugay si Deo Macalma ng dzRH na matagal na nakaulayaw ni Ka Roger sa himpapawid. Nagbigay-respeto rin sa kanya si Atty. Silvestre Bello III, dating tagapangulo ng negotiating panel ng Gubyerno ng Pilipinas.

Matingkad sa mga talumpati ang mga kwento ng kahusayan niya sa gawain laluna sa kanyang tungkulin bilang tagapagsalita ng PKP. Sa mga tinuran, di mapasusubalian ang mahusay na rebolusyonaryong aktitud ni Ka Roger--pakikitungo sa mga kasama, masa, taong-midya, at maging sa mga kinatawan ng GPH, at higit sa lahat, sa tatag ng kanyang paninindigan at pagkilos sa rebolusyon.

Maaalab ang mga pangkulturang pagtatanghal sa espesyal na programa. Lalong pinasigla ng mga awit at sayaw ng iba't ibang grupo at indibidwal ang parangal. Inawit at tinugtog ni Jess Santiago sa gitara ang "Awit ng Kainginero," isang orihinal na komposisyon ni Ka Roger. Sinabayan ito ng sayaw ng grupong pangkulturang Sinagbayan. Inawit naman ng Kumasa, isang grupong pangkultura ng mga manggagawa sa Southern Tagalog ang ilang rebolusyonaryong awitin, kabilang ang bersyong awit ng tulang Baseng Bukid ni Ka Roger. Kumanta at tumugtog din ang First Quarter Storm Movement, ang People's Chorale, gayundin si Chikoy Pura ng grupong The Jerks.

Binasa naman sa programa ang mensahe ng pagpupugay ng mga bilanggong pulitikal na sina Ka Alan Jazmines, Eduardo Serrano, Eduardo Sarmiento at Prospero Agudo mula sa Camp Crame; at Ka Bart Alcantara mula sa Fort Bonifacio.

Sa pagtatapos ng parangal, taas-kamao at maalab na inawit ng mga dumalo ang Internationale sa pangunguna ng People's Chorale at mga lider ng iba't ibang ligal na organisasyon at mga personahe. Kasabay nito, pinalabas ang bidyo ng isa sa mga gun salute kay Ka Roger sa isang larangang gerilya ng BHB at ng raling iglap ng RCTU-NDF sa Southern Tagalog. Dumagundong sa UP Theater ang mga sigaw ng "Mabuhay si Ka Roger!" at "Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!"

________________________________

Fr. Fausto Tentorio: Niyakap niya ang adhikain ng mamamayang Pilipino

Mahigit 15,000 katao ang sumama sa caravan at nakimartsa noong Oktubre 25 para ihatid sa kanyang huling hantungan si Fr. Fausto Tentorio, ang Italyanong pari na walang awang pinagbabaril ng mga galamay ng 6th Infantry Division sa harap ng kanyang parokya sa Arakan, North Cotabato noong Oktubre 17. Bukod sa mga kamag-anak at kaibigan ni Fr. Tentorio, kabilang sa mga nakilibing ang iba't ibang grupong Lumad, mga magsasaka, taong simbahan, tagapagtaguyod ng karapatang-tao, tagapagtanggol ng kalikasan at mga progresibong lider.

Sa kalagitnaan ng paglalakbay nito mula Davao City hanggang Kidapawan City, tumigil ang caravan sa harap ng hedkwarters ng 57th IB sa Makilala, Cotabato. Nagbabaan sa kanilang mga sasakyan ang mga dumalo para kundenahin ang pagpaslang sa Italyanong pari at kay Ramon Batoy, isang lider magsasaka at kapanalig ni Fr. Tentorio (tingnan ang kaugnay na artikulo). Sa tindi ng kanilang galit, sinira ng mga Lumad at magsasakang sumama sa protesta ang isang billboard hinggil sa Oplan Bayanihan na nasa tapat ng himpilan. Gamit ang pulang pintura, isinulat din nila ang salitang "berdugo" sa karatula ng kampo.

Tatlong beses na tinangkang pigilin ng mga militar at pulis ang caravan. Hinaras at nilitratuhan ng mga ahenteng militar ang mga nagpoprotesta. Subalit hindi natinag ang mga ito. Iisa lamang ang naging sigaw ng mga nakilibing: Katarungan para kay Fr. Tentorio!

Ang Italyanong pari ang ika-54 na biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Aquino.

Sa loob ng mahigit tatlong dekada, naglingkod si Fr. Tentorio bilang misyonero ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) sa Pilipinas. Nakilala siya sa kanyang walang sawang pagtulong sa mga Lumad at iba pang maralita sa malawak na kanayunan ng Mindanao. Itinaguyod niya ang samutsaring mga programa sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan para sa mga Lumad at iba pang naghihikahos. Sa North Cotabato pa lamang ay umabot sa 80 daycare center ang ipinatayo niya, na pangunahing sumeserbisyo sa mga batang Lumad at magsasaka.

Subalit hindi lamang tulong materyal ang ibinigay niya, kundi suportang moral sa kanilang pakikibaka para igiit ang kanilang mga karapatan. Sa proseso ay nakabangga ni Fr. Tentorio ang mga pwersang nagsasamantala at umaapi sa mga Lumad at magsasaka.

Pangunahin dito ang malalaking kumpanya sa pagmimina at ang mga protektor nila sa reaksyunaryong militar at iba pang armadong pwersa ng estado. Itinuring nila siyang banta at kaaway dahil sa kanyang pagtutol sa mga anti-mamamayang proyekto at patakaran.

Nang iutos ni Benigno Aquino III ang pagpapalakas ng seguridad para sa mga operasyong pagmimina nitong Oktubre, binasbasan na rin niya ang pag-iibayo ng mararahas na hakbangin laban sa mga aktibistang antimina. Si Fr. Tentorio ang unang haligi ng progresibong kilusang antimina sa Mindanao na itinumba ng mga berdugo matapos ang utos ni Aquino. Sa pagkitil ng kanyang buhay, inakala ng rehimeng Aquino, ng AFP at ng pinoprotektahan nilang malalaking dayuhang minahan na aatras na sa takot ang mga Lumad at magsasakang inaagawan nila ng lupa at rekurso. Lalo lamang silang pinatapang at ginalit ng pagpaslang kay Fr. Tentorio.

Kinilala at itinanghal ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Mindanao ang taos-pusong serbisyo ni Fr. Tentorio sa maralitang mamamayan, laluna sa mga Lumad na pumapasan ng susun-susong pang-aapi. Bumuhos ang mga papuri sa kanya mula sa NDF-Mindanao, NDF-Far South Mindanao, Kabataang Makabayan-Southern Mindanao at Komiteng Rehiyon ng Partido sa Southern Mindanao.

Anang NDF-Mindanao, nangahas si Fr. Tentorio na manindigan laban sa mga interes ng malalaking minahan, ng patuloy na pagmilitarisa ng AFP sa Arakan Valley Complex at ng mga yumuyurak sa karapatan ng mga magsasaka at Lumad. Isa siyang tunay na kaibigan ng mamamayang Pilipino.

Itinanghal naman ng NDF-Far South Mindanao si Fr. Tentorio bilang martir ng bayan. Pinarangalan siya sa kanyang buong puso at walang pag-iimbot na paglilingkod sa mamamayan ng maraming liblib na lugar sa Mindanao. Anito, pinalalakas pa ng kanyang kamatayan ang kapasyahan ng rebolusyonaryong kilusan na ipaglaban ang dakilang adhikain ng kapayapaan, katarungan at kalayaan.

Ihinalintulad ng KM-SMR si Fr. Tentorio kay Norman Bethune dahil isa siyang Italyanong misyonerong hindi nagdalawang-isip na paglingkuran ang masang Pilipino. Si Bethune, isang mamamayan ng Canada at myembro ng Partido Komunista ng US na lumahok sa rebolusyong Tsino ang itinatanghal na halimbawa ng komunistang diwa ng internasyunalismo.

Pinakamataas na papuri at parangal ang iginawad ng KR-SMR. Sinumada ng komiteng rehiyon kung papaano nahubog ang buhay at katauhan ni Fr. Tentorio sa matagal na panahong pakikisalamuha at paglilingkod sa masa, pag-aaral sa kanilang kalagayan at pakikisangkot sa kanilang mga pakikibaka. Anang KR-SMR, si Fr. Tentorio ay Italyanong naging dakilang Pilipino--isang komunista at internasyunalistang nag-alay ng buong buhay upang paglingkuran ang interes ng maralitang masang Pilipino at yumakap nang mahigpit sa adhikain ng mamamayang Pilipino.

Tiniyak ng komiteng rehiyon ng SMR na ipaglalaban nito ang hustisya para kay Fr. Tentorio. Anito, handa ang hukbong bayan na harapin at singilin ang kaaway na pumaslang sa kanya. Sa gitna ng kanilang pagdadalamhati, inihayag nila ang kanilang determinasyong makibaka upang ibagsak ang kaaway na pumatay sa kanya at kamtin ang lipunang malaya sa pagsasamantala at pang-aapi.

________________________________

Lider-magsasaka sa Arakan Valley, pinaslang

Tatlong araw matapos paslangin ng berdugong militar si Fr. Fausto Tentorio, isang lider-magsasakang mahigpit niyang kapanalig ang walang awa ring pinatay ng mga elemento ng 5th Special Forces. Ang naturang yunit-militar ay nasa sa ilalim ng 6th ID na siyang responsable sa pagpatay kay Fr. Tentorio.

Si Ramon Batoy, 35 anyos at lider ng Arakan Progressive People's Organization (APPO), ay pinagbabaril ng mga sundalo sa Sityo Upper Lumbo, Barangay Kabalantian, Arakan, North Cotabato.

Ayon sa salaysay ng kanyang asawang si Gina, naghahanda noon si Batoy na magpunta sa kanilang sakahan nang biglang dumating ang mga sundalo ng 5th Special Forces para halughugin ang kanyang bahay. Tumanggi si Batoy na patuluyin sila dahil wala silang mandamyento. Nang kulatahin siya ng tinyenteng namuno sa reyd, nagtanggol siya sa sarili at tinaga niya ang upisyal sa leeg. Nasugatan din niya ang isa pang sundalo.

Tinadtad siya ng bala ng tatlong sundalo sa harap ng asawa niyang anim na buwang buntis at dalawa niyang anak sa kabila ng kanilang pagmamakaawa. Sinabitan ng M14 ang bangkay ni Batoy at kinunan ito ng litrato.

Di pa nagkasya, inistraping ng mga sundalo ang mga bahay ng mga sibilyan. Inaresto, idinetine at tinortyur nila ang dalawang sibilyan--sina Noli Badol at Celso Batoy--at pinaratangang mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Dahil sa takot ay nagbakwit ang mga residente ng Upper Lumbo.

Naglubid ng kasinungalingan ang militar para pagtakpan ang kanilang karumal-dumal na krimen. Nagpunta raw doon ang Special Forces dahil pinaplano raw ng BHB na maglunsad ng atake. Pinalabas ng mga upisyal at tagapagsalita ng 57th IB at 602nd Brigade na tuwirang nangangasiwa sa 5th Special Forces na napatay si Ramon Batoy matapos ang 30-minutong engkwentro sa pagitan ng mga sundalo at BHB. Mahigpit itong pinabulaanan ng mga myembro ng APPO.

Sabay na pinaglamayan ang mga bangkay nina Batoy at Fr. Tentorio. Sabay ding ipinaglalaban ang katarungan para sa kanilang brutal na pagkakapaslang.

________________________________

Katarungan para sa Tineg 8

Matinding nilabag ng mga elemento ng 503rd Brigade at 41st IB ang mga pandaigdigang alituntunin sa digma at ang Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) nang paslangin nila ang walong Pulang mandirigma na kabilang sa isang yunit ng Agustin Begnalen Command (Bagong Hukbong Bayan-Abra) na nakubkob noong umaga ng Oktubre 10 sa Barangay Caganayan, Tineg, Abra.

Ayon sa salaysay ng mga nakaligtas na gerilya, sugatan ang walong Pulang mandirigma at mga hors de combat o wala na sa katayuang lumaban. Sa kabila nito ay tinuluyan pa rin sila ng mga sundalo. Di pa nakuntento, nilapastangan ng militar ang mga labí ng pito sa walong napaslang na gerilya. Ang mga labí ng pitong biktima ay pawang may mga bakas ng tortyur at iba pang uri ng pambababoy.

Taliwas sa mga lumabas na ulat sa midya, hindi dinala ng militar sa Bangued, kabisera ng Abra, ang mga bangkay ng mga kasama kundi iniwan lamang sa mga lokal na residente na walang paraan para mailuwas ang mga labí. Hindi rin basta-basta makalapit ang mga residente ng Tineg at katabing bayan ng Lacub para kunin ang mga bangkay dahil sa tuluy-tuloy na pambobomba at pagmamasinggan ng militar sa erya. Saka na lamang napilitang gumawa ng hakbang si Gov. Eustaquio Bersamin ng Abra para kunin ang mga naaagnas nang bangkay matapos ang ilang araw na paggigiit ng mga residente at kinatawan ng mga grupong nagtataguyod sa karapatang-tao.

Pinarangalan ng gubernador ng Abra si Lt. Jeson Capoquian, ang direktang namuno sa mga tropang sumalakay. Patunay ang sumusunod na talaan ng mga kahayupang ginawa ng mga tropang militar sa tinaguriang "Tineg 8" kung anong klaseng mga aksyon ang kapuri-puri para sa mga reaksyunaryo at pasista:

* Binasag at binutas ang bungo ni Edgardo "Ka Recti" Balbin. Buhay pa siya nang tadtarin ng bala. Ang iba niyang pinsala ay nagmula sa malalakas na hampas at hindi mula sa mga tama ng bala.

* Malapitang binaril sa may kaliwang tainga si Reynaldo "Ka Kris" Masadao. Tulad ni Ka Recti ay buhay pa siya bagamat sugatan. Durog ang kanyang buto sa kanang binti kaya halos humiwalay na ito. Pinagsisipa siya at pinagtataga ng mga sundalo.

* Pinagbabaril ang ibabaw na bahagi ng ulo ni Miguel "Ka Oxy" Anggaboy hanggang sa mabutasan ang kanyang bungo. Tinanggal ang kanyang utak. Si Ka Oxy ang lider ng tim ng mga gerilya. Nang makuha na ang kanyang bangkay ay naka-shorts na lang ito samantalang nakapantalon siya nang magkalabanan.

* Binaril nang malapitan si Reyna "Ka Ogie" Villacarlos sa may kanang tainga. Punit ang kanyang shorts at panty sa bahagi ng kanyang ari. Ayon sa mga residente ay una nilang natagpuan ang kanyang bangkay na hubo't hubad.

* Pinagtataga ang kaliwang bahagi ng katawan at ang mga braso, hita at binti ni Rodel "Ka Bunso" Corpus. Tanggal ang ibabaw ng kanyang bungo dahil sa dalawang tama ng bala sa ulo.

* Bakas sa bangkay ni "Ka Omeng" na gumamit ang militar ng lubid o tela para ibigti o sakalin siya.

* Tanggal ang ilong ni "Ka Berlin."

Tanging ang bangkay ni Dorothy "Ka Winnie" Ating ang walang bakas ng pang-aabuso.

Sa isang pahayag, nanawagan ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga tagapagtaguyod ng karapatang-tao, mga abugado, taong simbahan, pandaigdigang ahensya sa karapatang-tao at sa Joint Monitoring Committee na sumusubaybay sa pagtalima ng GPH at NDFP sa CARHRIHL na magsagawa ng sarili nilang mga imbestigasyon tungkol sa Tineg 8. Hinikayat nito ang mga eksperto na suriin ang mga bangkay at isiwalat ang katotohanan.

Anito, kitang-kita sa kaso ng Tineg 8 na walang anumang pagkakaiba ang Oplan Bayanihan ni Aquino sa Oplan Bantay Laya ng dating rehimeng Arroyo sa usapin ng kahayupan at kalupitan.

________________________________

30,000 Moro, lumikas

Umabot na sa 30,000 sibilyan sa Zamboanga Sibugay at Basilan ang lumikas sa kanilang mga tahanan mula noong huling linggo ng Oktubre bunsod ng walang humpay na pambobomba at pananalakay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kanilang mga komunidad.

Ang mga nagsibakwit ay nagmula sa mga bayan ng Ipil, Naga, Kabasalan, Alicia, Payao at Mabuhay sa Zamboanga Sibugay at limang barangay sa Al Barka, Basilan.

Ang malawakang opensibang militar ng AFP ay ibinunsod umano ng pagkamatay ng 19 na sundalo sa Al Barka noong Oktubre 18 matapos sila tambangan ng mga mandirigma ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Ang mga napatay na sundalo ay bahagi ng mahigit 40-kataong pwersa ng AFP na sumalakay sa pwesto ng MILF. Kinundena ng MILF ang pagsalakay bilang paglabag sa umiiral na tigil-putukan sa pagitan ng GPH at MILF.

Kahit lumabas sa imbestigasyon mismo ng AFP na ang mga sundalo ang nagkaroon ng pagkakamali at kahinaan sa naturang insidente, mabilis na sinunggaban ng mga propagandista ng Malacañang ang ambus sa Al Barka para magamit itong sangkalan sa pagpapaigting ng opensibang militar laban sa MILF.

Para pagtakpan ang kalupitan nito, laluna sa sibilyang populasyon, binansagan ng Malacañang ang kampanyang anti-MILF ng AFP bilang "all-out justice" (todo hustisya) sa halip na "all-out war" (todo digma). Nabisto ang pagiging gimik lamang nito nang aminin ng Malacañang na ang bumuo ng islogan ay ang sekretaryo sa turismo ng rehimeng Aquino, isang eksperto sa paggawa ng mga patalastas. Sa pamamagitan ng mapanlinlang na islogang ito, layon ng rehimeng Aquino na itodo ang armadong pagsupil sa pakikibaka ng Bangsamoro habang patuloy ang pagtatangka nitong itulak sa patibong ng kapitulasyon ang MILF sa pamamagitan ng mapanlinlang na usapang pangkapayapaan.

Anang Moro Resistance and Liberation Organization, isang alyansang organisasyon ng National Democratic Front, sa halip na tugunan ng rehimeng Aquino ang mga lehitimong ipinaglalaban ng MILF at ng mamamayang Moro, ay gera at panlilinlang ang pangunahin sa adyenda ng rehimen. Itinutulak ni Aquino mismo ang todo-digma laban sa Bangsamoro upang gapiin ang kanilang pakikibaka at gayo'y bigyang-daan ang pandarambong sa lupain ng Bangsamoro.

Dahil dito, naniniwala ang MRLO na ang armadong pakikibaka ng Bangsamoro sa balangkas ng pambansa-demokratikong rebolusyon ang tanging solusyon upang wakasan ang pang-aapi sa Bangsamoro at makamit ang tunay na kapayapaan at katarungan.

________________________________

3 mandirigma sa Rizal, tinortyur

Inaresto, tinortyur at pinagbawalang umugnay sa pamilya at abugado ang tatlong Pulang mandirigma ng Narciso Antazo Aramil Command (Bagong Hukbong Bayan-Rizal). Ang tatlo, na mga dating estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) ay dinakip noong gabi ng Oktubre 26 sa Barangay Sta. Inez, Tanay, Rizal. Kinilala ang tatlong biktima na sina Marissa Espedido, 21 anyos; Hermogenes Reyes Jr., 22 anyos; at Jared Valero Morales, 21 anyos.

Inaresto sila ng mga elemento ng 16th IB, Rizal PNP at CAFGU. Ayon sa Narciso Antazo Aramil Command, ang tatlo ay nagsasagawa ng konsultasyon hinggil sa usapang pangkapayapaan nang sila ay arestuhin.

Magdamag silang idinetine sa isang detatsment ng 59th IB at isinailalim sa matinding interogasyon at tortyur. Piniringan sila at ginapos at kinabukasan ay dinala sa hedkwarters ng 16th IB sa Pinugay, Baras, Rizal kung saan sila dumanas ng mas matindi pang interogasyon at tortyur.

Pinagbawalan silang makita o makausap ang kanilang mga kamag-anak. Sinampahan sila ng mga kasong kriminal para patagalin ang pagbibimbin sa kanila. Nakakulong sila ngayon sa Rizal Provincial Jail sa Taytay, Rizal.

Iginiit ng Partido Komunista ng Pilipinas na ituring na mga bihag-sa-digma (prisoner of war o POW) ang tatlong detenido at igalang ang kanilang mga karapatan. Anang PKP, ang malupit na pagtrato sa tatlo ay kabaligtaran ng makataong pagtrato ng BHB sa mga nabibihag nitong sundalo at pulis.

Samantala, iginigiit ng mga obispo at progresibong organisasyon sa Davao City ang pagpapalaya sa mandirigma ng BHB na sina Vanessa delos Reyes, Ariel Haducana at Jason Casilum na pawang mga hors d'combat nang madakip ng AFP. Umapela si Bishop Delfin Callao na palayain ang tatlo sa batayang makatao.

________________________________

Libya pagkatapos ni Gaddafi

Nagbunyi ang imperyalistang US at mga alyado nito sa North Atlantic Treaty Organization (NATO) nang masukol at mapaslang ng kanilang mga putsistang alipures sa syudad ng Sirte noong Oktubre 20 ang lider ng Libya na si Moammar Gaddafi.

Mistulang mga buwitre ngayon ang US, France, Great Britain, Italy at iba pang imperyalistang bansa na umaaligid sa ibabaw ng nakatimbuwang na Libya. Pinagpipistahan nila ang makukuhang mga biyaya ng gera matapos ang pitong buwang pananalakay dito. Nasa kanilang kontrol ang bilyun-bilyong dolyar na kayamanan ng Libya na nakadeposito sa mga bangko sa Europe. (Sa katunayan, noong huling bahagi ng Agosto, nang ilang araw pa lamang naaagaw ang Tripoli, ang kabisera ng Libya, naningil na ang US sa National Transitional Council ng paunang bayad sa mga ginastos nito sa gera.) Hihigpitan din ng mga imperyalista ang kontrol ng malalawak na oil field at rekursong ginto. Balak din nilang isapribado ang sistemang patubig ng Libya at maghakot ng limpak-limpak na salapi sa mga kontrata para sa rekonstruksyon ng winasak nilang bansa. (Basahin ang isyung Setyembre 21 ng Ang Bayan para sa karagdagang detalye.)

Habang nagpipista ang mga imperyalista ay nagpapatuloy naman ang matinding pagbabangayan ng mga paksyon na noo'y pansamantalang nagsama-sama at nagkaisa sa ilalim ng bandilang monarkiya at pagkamuhi sa rehimeng Gaddafi. Ang mga armadong paksyong ito ay may kani-kanyang mga interes, may mga espesyal na pwersa at espesyal na mga tagapayo. Sa gayong kalagayan ay madaling mailusot ang pagtatayo ng base militar ng US African Command (AFRICOM) para pangasiwaan ang mga nagriribalang pwersa.

Ihinanay ni Prof. Jose Ma. Sison, tagapangulo ng International League of Peoples' Struggles (ILPS), ang mga nagbabangayang pwersang ito:

Una ang mga pangunahing lider ng National Transitional Council (NTC) bunsod ng pagpatay sa kumandante heneral nito na si Abdul Fatah Younis. Si Younis ay dating ministro ng depensa ng Libya na bumaligtad laban kay Gaddafi. Pinaslang siya ng kapwa niya lider ng NTC habang umaabante sila patungong Tripoli. Nais ngayong maghiganti ang tribo niyang Obeidi dahil sa patraydor na pagpaslang sa kanilang pinuno. Ikalawa ang mga grupong Islamikong suportado ng Qatar kabilang ang mga beteranong pro-al Qaeda na Libyan Islamic Fighting Group at mga namumuno ng mga hunta militar sa Tripoli at Benghazi laban sa mga sekularistang suportado ng mga rebeldeng nakabase sa Mistrata at Zintan. Bukod sa mga ito ay mayroong iba pang nag-aaway-away na mga armadong paksyon, tribo at rehiyon.

Taliwas sa inaaasahan, walang iiral na "demokrasya" sa Libya kahit pa may bagong punong ministro na ito ngayon (si Abdel-Rahim al-Keeb) o magkaroon man ng mga eleksyon sa bansa. Ito ay dahil ang tendensya ng anumang armadong paksyong maupo sa poder ay maghari sa pamamagitan ng kamay na bakal at maging korap bunga ng lubusang paghawak nito sa kapangyarihan, ani Sison.

Sa kabilang banda, paborable ang mga kundisyon para sa pag-unlad ng isang pambansang kilusang mapagpalaya na ibubunsod ng bagong rehimeng papet, marahas at korap. Nagpapatuloy ang matinding ribalan ng maraming armadong paksyon. Dagdag pa, may natitirang signipikanteng tagasuporta pa rin si Gaddafi. Sa pag-iral ng bagong rehimen, tiyak na mawawala sa malawak na mamamayan ang mga biyayang tinatamasa nila noon sa rehimeng Gaddafi tulad ng libreng edukasyon, serbisyong pangkalusugan, pabahay at elektrisidad, subsidyo sa pagbili ng sasakyan, gastos sa gasolina, alawans sa mga bagong kasal at mga buntis, subsidyo sa magsasaka at maraming iba pa.

Sa kabila ng mga panlalait ng mga imperyalista at pagtatangka nilang pagmukhaing demonyo si Gaddafi, ang kanyang pagkamatay bilang martir at anti-imperyalistang mandirigma ay nagbibigay pa rin ng inspirasyon para makibaka para sa pambansang kalayaan ang maraming tribo at mga itim na Libyan na bumubuo ng sangkatlo ng populasyon, sabi ni Sison.

Tinatanaw ng ILPS na kasunod ng pag-usbong ng anti-imperyalistang kilusan ay lilitaw ang mga pwersang patriyotiko at progresibo kabilang ang rebolusyonaryong partido ng uring manggagawa at ang kilusang unyonismo at mabubuo ang mga demokratikong organisasyong masa na sinupil noon.

________________________________

Walang katuturang pulong

Palatandaan ng lalim ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista, muling nabigo ang mga lider imperyalista na magkaisa sa mga hakbangin para harapin ang bantang muling pagsambulat ng krisis sa ekonomya. Nauwi sa wala ang nakaraang pulong ng Group of 20 sa Cannes, France noong Nobyembre 3-4. Dumalo sa pulong ang mga pinuno ng 20 pinakamalalaking ekonomya sa mundo kasama ang kanilang mga ministro sa pinansya at mga kinatawan ng mga bangko sentral.

Pakay umano nila na hanapan ng solusyon ang pandaigdigang krisis. Subalit matapos ang dalawang araw na pagpupulong, at ng bilyun-bilyong dolyar na ibinuhos para rito, bigo ang mga imperyalistang lider na magkaisa sa anumang hakbangin. Binansagan ang pulong na "Summit for Nothing" o "Walang Katuturang Pulong."

Nabigo silang magkasundo sa mga detalye ng pagpopondo ng European Financial Stability Facility (EFSF), ang pondong pansalba ng Eurozone sa mga gubyernong binabagabag ng krisis. Bigo rin ang G20 na palakihin ang rekurso ng International Monetary Fund (IMF) bilang pandaigdigang institusyon na nagseserbisyo sa panahon ng kagipitan sa ekonomya. Mahigit tig-isang trilyong Euro ang kinakailangan ng EFSF at IMF pero tig-400 bilyong Euro lamang ang kaya nitong ipautang.

Ang masasabing tunay na nakamit sa naturang pulong ay ang matagumpay na pambabraso ng Germany at France para iatras ng prime minister ng Greece ang balak niyang idaan sa reperendum ang ipinataw na mga kondisyon ng European Community Bank, European Commission at IMF para salbahin ang ekonomya ng bansa.

Sa unang araw pa lamang ng pulong ay nagulantang ang lahat ng nagsidalo sa pulong nang ianunsyo ng prime minister ng Greece ang kanyang plano dahil sa napakalaking implikasyon nito di lamang sa Greece, kundi sa mga bansa ng Eurozone at EU at sa buong daigdig. Alam ng lahat na kung idadaan sa reperendum ang mga ipinapataw na panggigipit sa mga sahod, benepisyo at serbisyong panlipunan ay tiyak na HINDI ang sagot ng mamamayan ng Greece.

________________________________

Daungan sa US, naparalisa ng mga protesta

Naparalisa ang operasyon ng daungan sa Oakland, California, USA matapos magprotesta roon ang mahigit 7,000 katao noong Nobyembre 2. Ang daungang ito ay ikalima sa pinakaabala sa buong US.

Ang isinagawang demonstrasyon doon ay bahagi ng kilos-protestang "Occupy Oakland" at kaugnay ng protestang "Occupy Wall Street". Karamihan sa mga nagprotesta ay mga manggagawa. Kinundena nila ang hindi patas na pagtrato sa kanila at ang lumalawak na agwat ng mayayaman at mahihirap.

Noong gabi ng Nobyembre 2 ay inokupa ng ilang mga nagprotesta ang isang bakanteng gusali. Dumating ang mga pulis at binuwag ang mga nagprotesta na nasa labas ng gusali. Hindi natinag ang mga nagprotesta sa brutalidad ng mga pulis. Nagtayo sila ng barikada ngunit tinirgas sila at pinaputukan para umalis sa lugar. Isang lalaki ang nasaktan samantalang marami ang nasugatan. Mahigit 100 naman ang inaresto at matinding sinaktan. Gayunpaman, muling naitayo ng mga nagpoprotesta ang kanilang kampo kung saan nakapaglunsad sila ng mga pulong para magplano ng iba pang mga pagkilos.

Ang Occupy Oakland ay nagsimula noong Oktubre 10. Inokupahan ng mga nagprotesta ang dalawang parke at doo'y nagtayo ng mahigit 150 tolda. Noong Oktubre 25 ng madaling araw ay binuwag ng mga pulis ang kampo. Tinangka ng mga nagprotesta na balikan ang lugar. Sa pakikipagsagupa sa mga pulis, dalawang upisyal ng pulis at tatlong nagprotesta ang nasugatan at mahigit isang daan ang inaresto. Kabilang sa mga demonstrador na malalang nasugatan si Scott Olsen, isa sa maraming beterano ng gera sa Iraq na walang trabaho at naghihirap. Mula sa kanyang pagkakaratay sa ospital ay naging simbulo si Olsen ng tindi ng pagpapabaya ng gubyernong US sa mga mamamayan nito.

Ang Occupy Oakland ay isa lamang sa maraming iba pang kampo-protesta sa US. Sa California, inookupahan din ng mga nagpoprotesta ang mga syudad ng San Francisco at San Jose.