Unang karanasan

Ka Mon
23 October 2011

Tahimik kaming lima matapos bigyan ng briefing para sa isasagawang isang lihim na aktibidad.

Binulungan ako ni Sandra, "Masakit ang tiyan ko". Tulad ko, bago din siyang sasabak sa ganito. Lalong nagdagdag ito ng malakas na kabog sa aking dibdib. Dinadaga na yata ako. Umatras na kaya ako habang maaga pa?

"Kaya natin 'yan," pampalakas-loob ni Sim. Sinegundahan naman ito ni Carla. Pangalawang beses na nilang sasama sa ganitong aktibidad.

Inalala ko na parang de-numerong kalkulasyon ng makina sa pabrika ang mga aktwal na gagawin at tagubilin ng pag-iingat.

Ah, kaya ko naman ito!

Napakaliit ng gagawin namin kumpara sa kung bakit namin kailangang gawin ang lihim na pagkilos na ito. Maliit na bagay marahil ito kung ikukumpara sa mga nagawa ni Ka Roger.

Dati ko nang naririnig ang boses ni Ka Roger tuwing umaga habang nakatutok ang tainga ng tatay ko sa radyo bago maggamas sa maliit naming sakahan. Nakikita ko rin si Ka Roger paminsan-minsang may pagkakataong makapanood ng balita sa TV sa tinutuluyang boarding house kapag awas ko sa trabahong 6 to 6.

Kanina ko lang siya nakilala. Bago ang briefing, binasa ng team leader ang pahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas hinggil kay Ka Roger at kung sino nga ba siya para sa rebolusyonaryong kilusan.

Halos kasing-edad ko siya ngayon nang pumasok siya sa kilusan noon.

Kinamangha ko ang kanilang ginawang pagtakas noon sa pagkabilanggo. Samantalang heto ako, hindi na yata makawala sa trabahong pihong wala namang kinabukasan. Pakiramdam ko nakakulong na lang kami lagi sa gusto ng mataas sa pabrika, gaya ng nauna kong napasukan, at posibleng maaari pa sa mga papasukang trabaho matapos ma-endo.

Ngayon ko din naunawaan bakit siya tinig ng rebolusyon. Hindi lang pala simpleng dahil siya ang spokesperson ng NDF-Southern Tagalog at ng Partido Komunista ng Pilipinas. Siya ang boses ng mamamayan, ng tulad naming hindi makapagsalita para sa aming karapatan.

Nag-organisa din pala si Ka Roger sa mga manggagawa noon. Ngayon ko naaalala ang sinabi ng instruktor namin sa isang pag-aaral na dinaluhan ko noon lamang nakaraang linggo, "Kailangang mulatin, organisahin, at pakilusin ang uring mamumuno sa rebolusyon".

Marahil marami sa mga inorganisa ni Ka Roger ang sumunod sa kanyang mga yapak at namumuno na ngayon sa rebolusyon. Susunod din kaya ako sa yapak niya? Paano ako mamumuno?

Nasa ganito akong pagkilala kay Ka Roger at pagtatanong sa sarili nang marinig ko, "Tara na".

Nagsalita na ang aming team leader.

"Tandaan muli, alalahanin ang oryentasyon at makikinig sa command," paalala niyang muli.

"Pwede po bang mag-CR muna. Natatae ako," pakiusap ni Bert.

"Sige, bilisan mo na lang at kailangang makakilos tayo on time," natatawang sabi ng aming team leader. Hindi ko siya kinakikitaan ng anumang kaba kahit siya'y babae. Siguro matagal-tagal na din siya sa ganitong mga aktibidad. Siguro bihasa na din siya sa mga pasikut-sikot ng rebolusyon.

Matapos ang halos 15 minuto, lumabas na si Bert. "Ready na!" aniya sabay hinga ng malalim.

Natawa na lang kami habang mabilis na lumalakad palabas ng bahay. Papunta na kami sa pagdadausan ng lihim na pagkilos.

Sa jeep, walang imikan. Kami lang anim ang pasahero. Inaalala kong muli na ang pagkamatay ni Ka Roger ay simbigat ng Sierra Madre. Habang papalapit nang papalapit kami sa paglulunsaran, lalong bumibigat ang kaba sa aking dibdib. Simbigat din ng Sierra Madre.

Halos isang oras ang biyahe bago namin marating ang lugar. Malapit sa palengke. Matao ang lugar kahit katanghaling tapat.

Ilang minuto pa ang pinaghintay namin. Nang maghudyat na, dali-dali na kaming pumwesto sa hanay. Lahat kami ay nakapulang t-shirt. Nagsipagtakip ng mukha. Nagsuot ng Mao cap, iyung tulad ng sinusuot din ni Ka Roger.

Nakita kong sabay-sabay na lumadlad, itinaas, at winagayway ang bandila ng karet at maso, ng Bagong Hukbong Bayan, NDF, at RCTU. Marami pala kami dito. Marami pala kaming rebolusyonaryo!

Mabuhay ka, Ka Roger!
Mabuhay ang lahat ng martir ng rebolusyon!
Mabuhay ang sambayanan!
Tunay na hukbo ng sambayanan, NPA! NPA!

Nakisabay na ako sa mga pagsigaw na ito. Unti-unting nawawala ang takot na kanina ko pa inipon.

Sa mabilisan naming pagtitipon, nagulat ang mga mamamayan sa amin. Hindi naman sila natakot. May mga nasa loob ng mga tindahan at iba pang establisimyento ang nagsipaglabasan. Nanonood sila sa amin.

"Tayo na Mon. Ipamahagi na natin itong mga polyeto," paalala sa akin ni Sandra.

Sa pamamahagi namin ng mga polyeto, nagsalita ang isang di-katandaang lalaking may bitbit na pinamalengke, "Rally pala ito para kay Ka Roger". Nagpapalitan ang kanyang tingin sa pagbasa sa polyeto at sa aming isinasagawang pagkilos.

Naulinigan ko din ang isang ginang na nagsabing, "Nasa paligid lang pala ang mga NPA at naka-uniform pa."

May mga mamamayang nakikita kong tumitingin sa aming mga bandila. May ilang nagsasabing, "Tama yan!" Gaya ko, sumasang-ayon din marahil sila na ang Partido Komunista ng Pilipinas ang mamumuno sa rebolusyon at ang NPA ang kanilang tunay na hukbo.

Inabutan din namin ng polyeto ang isang traffic enforcer. Narinig ko sa kabilang linya ng kanyang 2-way radio, "Bakit trapik?" Sumagot siya, "May rally ang mga NPA."

Napansin ko din ang dalawang pulis na papalayo nang makita ang aming hanay. 'Di yata't sila ang nauunang humarang, manghingi ng permit, at mandahas kapag may mga rali ang mga aktibista. Iba sila ngayon. Lumalayo at hindi makalapit. Siguro dahil alam nilang wala silang magagawa at hindi kailangan ng permit ng rebolusyon.

Nang marating namin ang palengke, naroon na ang mga maliliit na manininda, mga kargador, manggagawang namimili, mga ungising musmos at iba pang simpleng tao. Parang kumapal ang aming tinig. May mga mamamayan nang nakikisabay sa aming mga chants. Dumadami ang kalahok sa pagkilos. Hindi na lang sila nanonood. Dumadami ang nagpupugay kay Ka Roger. Hindi na lang kami ang mga rebolusyonaryo. Nagpapahayag at lumalahok ang mamamayan para sa rebolusyon!

Nang maghudyat na ng dispersal, organisado kaming naglansag ng hanay at pumuslit. Tapos na ang ilang minutong lightning rally.

Salamat Ka Roger. Huli man ako sa iyong panahon, lagi kong maririnig ang iyong tinig at ipagpapatuloy ang iyong mga simulain at inspirasyon. Mula ngayon bilang kasapi ng rebolusyonaryong kilusang lihim hanggang sa pagtatagumpay ng rebolusyon.#