Editoryal: Pagkaisahin ang mamamayan laban sa digmang mapanupil ng rehimeng US-Aquino

Ang Bayan
December 7, 2011

Download PDF here

Duguan na ang "tuwid na daan" ng rehimeng US-Aquino matapos ang isa't kalahating taon lamang nito sa poder. Kabi-kabila ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao bunsod ng inilulunsad nitong digma laban sa bayan. Hindi kayang pagtakpan ng bukambibig na "kapayapaan" at "paggalang sa karapatang-tao" ni Benigno Aquino III ang kalupitan ng mga armadong tauhan ng kanyang rehimen laban sa mamamayang Pilipino.

Pagkaluklok pa lamang niya sa poder, inatasan na ni Aquino ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na lupigin ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa loob ng tatlong taon. Alinsunod rito, binuo ng AFP ang Oplan Bayanihan (OPB), ang pinaigting na digmang mapanupil ng militar laban sa mamamayan.

Sa ilalim ng OPB, inilunsad ang mga operasyong militar na nakatuon sa mga baryo na pinagsususpetsahan ng AFP at PNP na aktibo sa rebolusyonaryong kilusan. Ipinwesto ng AFP ang mga pangkat ng sundalo sa mga sentrong baryo upang manghalihaw, manakot at dahasin ang mamamayang itinuturing nilang "kaaway ng estado". Ang mga operasyong ito ay nakapadron sa mga brutal na operasyong inilunsad ng berdugong si Gen. Jovito Palparan mula 2004-2010.

Saan man nag-ooperasyon, pinaiiral ng AFP at PNP ang batas militar. Ipinapataw ang curfew at pagrerekisa ng mga tao. Ang mga pinaghihinalaang sangkot sa rebolusyonaryong kilusan ay ginigipit ng militar sa iba't ibang paraan. Kinokontrol ang paglalakbay maging ang pagtatrabaho ng mga residente sa kanilang mga bukid. Nililimitahan ang dami ng binibiling pagkain at iba pang kagamitan ng mga residente. Pwersahang pinapasok ang mga bahay. Nagkakampo ang militar sa gitna ng mga bahayan sa mga baryo at sa loob o tabi ng mga eskwelahan at iba pang pampublikong lugar. Laganap ang mga kaso ng pagsusugal at paglalasing ng mga sundalo.

Ito ang mukha ng terorismong "nakasentro sa tao." Pinakamaigting at pinakamalupit ang mga operasyong ito ng AFP at PNP sa mga lugar kung saan puspusang nakikibaka ang mga magsasaka para sa reporma sa lupa at ang mga minoryang mamamayan para sa kanilang lupaing ninuno laban sa pagpasok ng dayuhang malalaking plantasyon at mga kumpanya sa pagmimina.

Sa kalunsuran, ang mga maralitang komunidad ang dumaranas ng kalupitan ng rehimeng US-Aquino. Libu-libo nang pamilya ang naging biktima ng mararahas na demolisyon. Di bababa sa isang demolisyon bawat buwan ang ipinatutupad ng gubyerno ni Aquino upang bigyang-daan ang mga proyekto ng malalaking burgesyang kumprador. Patuloy ding ginigipit ang mga unyon ng mga manggagawa. Di na iilan ang mga unyonistang biktima ng pamamaslang.

Layunin ng rehimeng US-Aquino na supilin ang mga naninindigan para sa interes ng mamamayan. Katulad ng nagdaang mga rehimen, tinatarget ng kasalukuyang gubyerno ang mga aktibista at lider na nasa unahan ng mga pakikibakang masa. Patuloy na dumarami ang mga kaso ng iligal na pag-aresto, pagdukot at pagpatay. Halos bawat linggo ay isang aktibista o lider-masa ang pinapatay ng mga armadong tauhan ni Aquino. Mahigit 350 na ang mga detenidong pulitikal (kabilang ang 78 inaresto sa ilalim ng rehimeng Aquino). Subalit katulad ni Marcos, iginigiit ni Aquino at kanyang mga upisyal na walang kahit isang detenidong pulitikal sa bansa.

Kabilang sa mga patuloy na ibinibimbing detenidong pulitikal ang 13 konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) sa usapang pangkapayapaan. Tumatanggi ang rehimeng US-Aquino na palayain sila sa kabila ng tatlong ulit nitong pagpangakong palalayain ang naturang mga konsultant. Alinsunod ito sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) na nagbibigay-garantiya sa mga tauhan ng magkabilang panig na sangkot sa negosasyon laban sa pagmamanman, pang-aaresto, pagkulong at iba pang panggigipit.

Ang pagtanggi ni Aquino na tuparin ang obligasyon nito sa usapan ay patunay ng kawalan niya ng interes sa pakikipagnegosasyon sa NDFP. Nag-ingay siya noong isang taon para sa usapang pangkapayapaan. Pero pagkatapos niyon ay sunud-sunod na balakid ang kanyang itinayo laban sa makabuluhang pag-usad ng pag-uusap. Pawang buladas ang binitawan ni Aquino tungkol sa "kapayapaan" at "paggalang sa karapatang-tao". Lumalabas na ang usapang pangkapayapaan ay pakitang-tao lamang ni Aquino.

Ang tunay na interes ni Aquino ay paigtingin ang digmang mapanupil laban sa bayan. Pangunahing instrumento rito ni Aquino ang militar, pulisya, CAFGU at iba pang mga armadong pwersa ng estado. Kaya naman hanggang ngayon ay wala pang kahit isang upisyal o tauhang militar na responsable sa nagdaang mga pasistang krimen ang pinagharap na ng kaso at pinarusahan. Tuluy-tuloy ang pagpapatupad ni Aquino ng mga hakbanging higit na pumapabor sa mga sundalo at pulis. Nagbibigay ng ayudang militar ang US upang palakasin pa ang mga sandata at iba pang kagamitan ng AFP at PNP.

Sa harap ng tuluy-tuloy na pag-igting ng digmang mapanupil ng rehimeng US-Aquino, dapat pag-ibayuhin ang tapang ng mamamayan sa paglaban. Dapat mapukaw sila na sama-samang tumindig laban sa mga pang-aabuso ng militar. Dapat palaganapin sa kanilang hanay ang mga pag-aaral hinggil sa karapatang-tao gaya ng nakasaad sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHIHL). Ang ganitong pagmumulat ang susi para determinado silang magtanggol ng kanilang mga tahanan, kabuhayan at mga kalayaan.

Hindi dapat palampasin ang kahit isang pasistang krimen na walang puspusang paglaban. Dapat mabilis na ipabatid sa buong Pilipinas at buong mundo ang bawat kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng mga abusadong sundalo, pulis at paramilitar. Dapat buhayin ang mabilis na daluyan ng impormasyon mula sa sulok ng mga baryo patungo sa masmidya at social media o mga daluyan ng impormasyon sa internet. Ang bawat daing na nagmumula sa kasuluk-sulukang sityo ay dapat paalingawngawin sa buong kapuluan.

Ang pakikibaka para sa katarungan ay pakikibaka hindi lamang ng isa o ilang indibidwal na biktima laban sa partikular na sundalo o yunit ng militar at pulisya. Ang pagyurak sa karapatang-tao ng bawat isa ay pagyurak sa karapatang-tao ng kalahatan. Ang sigaw para sa katarungan ay siyang dapat na sigaw ng buong bayan.

Dapat pagbayarin hindi lamang ang mga upisyal at armadong tauhan ng estado. Dapat panagutin ang mga utak ng pasistang digmang mapanupil laban sa bayan. Dapat ituloy ang pakikibaka para pagbayarin si Gloria Arroyo at kanyang mga kampon ng mga pasistang nagpatupad ng brutal na Oplan Bantay Laya.

Kasabay nito ay dapat pagbayarin si Benigno Aquino III sa kanyang pagpapatupad ng mapanupil na Oplan Bayanihan at pagtangging harapin at lutasin ang mga saligang usaping panlipunan na nasa ugat ng armadong paglaban ng mamamayan.

------------------------
Rehimeng US-Aquino, walang pagkakaiba sa dating rehimen

Walang pagkakaiba ang rehimeng US-Aquino sa pinalitan nitong rehimen. Pagkaraan ng halos isa't kalahating taon sa poder, nagpapatuloy ang talamak na pang-aabuso sa karapatang-tao. Ang pwersahang pagwasak sa mga sakahan at pagtataboy ng mga Lumad at mga magsasaka sa kanilang mga lupain at tirahan laluna sa mga lalawigan ng Surigao, Agusan, Compostela Valley at sa General Santos City ay komun pa ring pangyayari ngayon, tulad ng pwersahang pagpapabakwit sa mga katutubo at mamamayang Moro at mga magsasaka sa Samar at Negros, anang KARAPATAN sa ulat nito ngayong 2011.

Bukod sa ekstrahudisyal na pamamaslang at pagdukot, tampok sa mga paglabag ng rehimeng US-Aquino sa karapatang-tao ang pagtortyur, arbitraryong pang-aaresto, iligal na detensyon, demolisyon ng mga komunidad ng mga maralitang lunsod, pwersahang pagpapabakwit sa mga taumbaryo, pagwasak sa mga ari-arian ng mamamayan, pagbabanta, harasment, walang habas na pagpapaputok, pagbabawal at marahas na pagbubuwag ng mga protesta at pagtitipon ng mamamayan at paggamit ng mga paaralan at iba pang mga pampublikong lugar bilang mga himpilan at sa iba pang pangmilitar na gawain.

Ang rehiyon ng Bicol naman ang nangunguna sa mga may naitalang insidente ng mga paglabag sa karapatang-tao bunsod ng pagpapatupad ng Oplan Bayanihan ng rehimeng US-Aquino. Sinundan ito ng Southern Mindanao Region, Southern Tagalog, Western Visayas, Central Visayas at Eastern Visayas.

Isa pang tampok na katangian ng kasalukuyang rehimen ay ang aroganteng pahayag nito na walang mga bilanggong pulitikal. Sa katunayan, sa kasalukuyang bilang ng 356 bilanggong pulitikal, 78 rito ay nadakip sa panahon na ng rehimeng Aquino at 13 naman ay mga konsultant ng NDFP.

---------------------------
Mga paglabag (Hulyo 2010-Okt. 2011) Mga biktima



Ekstrahudisyal na pamamaslang 64

Pagdukot 9

Pagtortyur 51

Bigong ekstrahudisyal na pamamaslang 27

Iligal na pang-aaresto at detensyon 135

Iligal na pagrerekisa at kumpiskasyon 120

Pambubugbog at pananakit 62

Demolisyon 6,108

Pagpasok sa bahay nang walang pahintulot 243

Pagwasak ng mga ari-arian 5,403

Pagkuha ng mga ari-arian 185

Pwersahang pagpapabakwit 4,376

Sapilitang pagpapatrabaho 112

Paggamit ng mga paaralan, klinika, kapilya at iba

pang lugar na pampubliko para sa layuning militar 10,577

Pagsikil o marahas na pagbuwag sa mga aksyong masa,

asembliya at pagtitipong publiko 842

-----------------

Kilos-protesta ng mga kabataan, marahas na binuwag

Sinalubong ng karahasan ng mga pulis ang kilos-protestang inilunsad ng mga kabataan sa Recto Avenue sa Maynila noong hapon ng Disyembre 6. Binomba ng tubig gamit ang mga trak ng bumbero at pinagtutulak ng mga pulis ang mahigit 1,000 kabataan at estudyanteng nagmartsa mula sa Morayta Avenue.

Balak ng mga kabataang kalahok sa kilos-protestang tinaguriang "Campout Mendiola" na magmartsa tungo sa tulay ng Mendiola at magkampo roon nang tatlong araw. Upang biguin ang planong ito, ilang trak ng pulis ang ipinwesto ng gubyerno sa Mendiola. Nagtungo ang mga nagpoprotesta sa Plaza Miranda sa Quiapo at doon nagtayo ng kanilang mga tolda. Nakatakda silang samahan sa susunod na araw ng mga manggagawa at iba pang sektor sa planong pagbalik sa tulay ng Mendiola.

Ang kilos-protesta ng mga kabataan ay pinamunuan ng mga organisasyong tulad ng Anakbayan, Kabataan Partylist at League of Filipino Students. Suportado sila ng halos 200 organisasyon ng mga estudyante at kabataan.

Sa kanilang manipesto, idineklara nilang "Hindi na namin matiis ang baluktot na kaayusang panlipunan na nagkakait sa mayorya ng ating mamamayan ng disenteng buhay at saligang mga serbisyong panlipunan. Di na namin matiis ang sistemang panlipunan na lumilikha ng dambuhalang yaman para sa mga dayuhang interes at iilan habang ang mamamayan na buong buhay na nagbabanat ng buto ay lalong nalulubog sa kagutuman, kahirapan at kawalang-katarungan."

Ang "Campout Mendiola" ay inspirado ng mga pag-aalsa sa Middle East at North Africa hanggang sa kilusang Occupy. Layon nitong pakilusin ang ilampung libong mamamayan mula sa mga kampus, komunidad at trabahuan upang magkampo sa Mendiola at yanigin ang bansa ng kanilang galit at protesta. Maglulunsad rin ng gayong mga pagkilos sa iba't ibang rehiyon.

------------------------

Salamangka ni Aquino

Sa halip na harapin at tugunan ng gubyernong Aquino ang mga saligang suliranin ng kahirapan, sinasalamangka nito ang mga estadistika ng gubyerno para palabasin na nababawasan ang bilang ng mga naghihirap na Pilipino.

Ibinunyag ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Partylist ang ginawang pagbabago ng National Statistical Coordination Board (NSCB) sa hangganan ng kahirapan. Kung dati, ang sukatan ng karalitaan ay ang paggastos ng isang indibidwal ng di lalagpas sa P52 bawat araw para sa pagkain, ibinaba ito sa P46. Ginawa ito ng NSCB sa pamamagitan ng pagbababa ng taya nito sa araw-araw na minimum na pagkain ng isang tao.

Sa pamamagitan ng gayong pagbabago sa sukatan ng karalitaan, pinalalabas ng gubyerno ni Aquino na naibaba nito ang tantos ng kahirapan mula 26.3% tungong 20.9%, ayon kay Palatino. Pero kung imamantine ang dating pamantayan, lalabas na tumaas pa nga ang tantos ng kahirapan tungong 32%.

Ang salamangka sa estadistika ay isinagawa upang palabasin ng gubyernong Aquino na may silbi ang programa nitong Conditional Cash Transfer (CCT) sa pagpapataas sa antas ng pamumuhay ng mamamayan. Nais bigyang-matwid ng rehimeng Aquino ang pagpapalobo sa badyet ng CCT tungong P39.5 bilyon para 2012, mas mataas nang 70% mula sa badyet nito ngayong 2011.

Noong 2003 ay binago rin ng NSCB ang sukatang ito, kaya napalabas ng rehimeng Arroyo na nabawasan nito ang bilang ng naghihirap. Kung hindi binago ang mga sukatang ito, tinataya ng ilang grupo na aabot sa halos 40% ng mga Pilipino ang maibibilang sa mga labis na naghihirap.

------------------------

Huwad na sona ng kapayapaan, binatikos sa Mountain Province

Mariing kinukundena ng Leonardo Pacsi Command ng BHB-Mountain Province ang huwad na mga konsultasyon at reperendum na inilulunsad ng Provincial Peace and Order Council (PPOC) sa iba't ibang munisipalidad sa prubinsya. Ayon sa mga dumalo sa naturang mga reperendum, lantarang minamanipula ng Philippine National Police (PNP) ang mga botohan para sa pagbubuo ng mga "peace zone" o "sona ng kapayapaan" sa pamamagitan ng pagpapadagsa ng mga upisyal at tauhan ng pulisya na pabor dito. Sadya ring mapanlinlang ang tanong sa reperendum na "Gusto mo ba ng kapayapaan"?

Ang konsepto ng "peace zone" ay inilalako ng mga repormistang pwersa para magkaroon umano ng kapayapaan at malayang mailatag ang mga proyekto at programang pangkaunlaran. Alinsunod rito, hindi papapasukin sa mga "sona ng kapayapaan" kapwa ang AFP at Bagong Hukbong Bayan (BHB). Sa halip, pupwesto sa mga erya ang mga "lokal" na armadong pwersa tulad ng CAFGU-CAA, gayundin ang mga pwersa ng Cordillera People's Liberation Army (CPLA), kasama ang pwersa ng PNP. Gayunpaman, maaaring pasukin ng militar ang "sona ng kapayapaan" gamit ang anumang dahilan, anumang oras nito nanaisin. Sa esensya, hindi nito inaalis ang AFP sa lugar. Masahol pa, pinipigilan nito ang mamamayan para depensahan ang kanilang mga sarili, sa pamamagitan ng kanilang sama-samang pagkilos at ng kanilang hukbo, ang BHB.

Sa aktwal, ang tunay na layunin ng paglalatag ng mga "sona ng kapayapaan" ay ang pagtataboy sa BHB at paghihiwalay ng mamamayan sa armadong pakikibaka at sa tunay nilang hukbo. Kapag naitaboy sa "peace zone" ang BHB, mawawalan ng tagapagtanggol ang mamamayan. Libre nang manalasa ang militar at naghaharing uri sa lugar at magpapasok ng mga mapangwasak at mapandambong na mga proyekto, tulad ng malawakang pagmimina.

Noon at ngayon, ang mga lokalisadong "peace zone" ay sumasalungat din sa usapang pangkapayapaan ng GPH at NDFP sa pambansang antas. Sa balangkas ng "lokal na kasunduan hinggil sa kapayapaan," maaaring balewalain sa mga "peace zone" ang mga dati nang napagkasunduan ng GPH at NDFP tulad ng CARHRIHL.

Unang lumitaw sa Pilipinas ang konsepto ng "peace zones" noong panahon ng rehimen ni Corazon Aquino. Ang mga sosyal-demokrata o SocDem na mayroong malaking impluwensya sa Malacañang ang nagtulak ng "peace zone" sa pamamagitan ng Coalition for Peace (COPE).

Mula noong panahon ng dating rehimeng Aquino hanggang rehimeng Ramos ay 11 ang naitatag na "peace zone". Ilan dito ang sa Carmen at Tulunan, North Cotabato; Naga City, Camarines Sur; Tabuk, Kalinga; Mataragan, Abra; at Sagada sa Mountain Province.

Ang "peace zone" sa Sagada ang ibinabandila ng mga promotor nito bilang matagumpay na halimbawa. Subalit taliwas ito sa katotohanan.

Noong huling bahagi ng dekada 1980 hanggang dekada 1990, napakamilitarisadong lugar ang Sagada. Matindi ang mga paglabag sa karapatang-tao. Tinayuan ng detatsment ang mga eskwelahan at loob mismo ng munisipyo. Binastos din ang mga sagradong lugar tulad ng mga dap-ay (pulungan ng matatanda) dahil dito dumudumi at umiihi ang mga sundalo. Dalawang menor de edad ang pinatay ng lasing na mga sundalo noong Oktubre 1988 sa tapat mismo ng munisipyo sa sentro ng Sagada. Tinamaan at namatay sa "crossfire" ang isa pang bata sa labanan ng militar at BHB sa Sagada Central School noong Nobyembre 1988.

Dahil dito, lumakas ang panawagan ng mga taga-Sagada para sa demilitarisasyon ng kanilang bayan. Iginiit nila ang kagyat na pagpapaalis sa pasistang tropa ng AFP, pagbibigay ng hustisya sa mga biktima ng dahas-militar at pagbuwag sa mga pwersang paramilitar at iba pang mga istrukturang paniktik na itinayo ng AFP. Anila, naiipit nga ang mamamayan sa labanan ng AFP at BHB, lalo na yaong mga pinagsususpetsahan ng militar na sumusuporta sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mamamayan ang kadalasang pinagdidiskitahan ng mga tropa ng AFP kapag natatalo sila sa labanan.

Sinakyan ng mga SocDem tulad ni Teresita "Ging" Deles ang panawagang demilitarisasyon. (Si Deles ay istap noon ng Malacañang at ngayo'y namumuno sa Office of the Presidential Assistant on the Peace Process o OPAPP). Subalit pinalitan nila ito ng "peace zone".

Sa kabila ng pag-iral ng "peace zone," inatake ng kaaway noong Hunyo 1991 ang Mt. Sisipitan sa Sagada. Naghulog ng bomba ang mga eroplano at sumalakay ang mga sundalo. Para makalapag ang mga helikopter, winasak ang isang ektaryang gubat sa tuktok ng bundok na pangunahing pinagmumulan ng tubig ng magkanugnog na bayan ng Sagada at Besao. Naperwisyo rin ang kabuhayan ng mamamayan dahil sa pagmomortar ng AFP sa mga bundok.

Pumasok ang libu-libong tropa ng 702nd Brigade noong Nobyembre 1991 at nanatili sila hanggang 1999. Sinuyod ng mga armored personnel carrier at iba pang sasakyang pangkombat ang mga kalsada hanggang sentro ng Sagada. Kung noong panahon ng diktadurang Marcos ay walang sumasapi sa CAFGU sa Sagada-Besao, sa panahon ng "peace zone" ay nakapagbuo ang AFP ng 14 na kumpanya ng CAFGU sa prubinsya.

Tatlong batalyon ng 702nd Brigade ang ikinonsentra sa sentro at iba pang bahagi ng Mountain Province: ang 24th IB sa Sagada-Besao; 68th IB sa Bontoc-Sadanga; at 69th IB sa Radian-Bauko-Sabangan. Gumawa ang militar ng mga trinsera sa bundok sa itaas ng Poblacion, Sagada. Pinaligiran din ng mga foxhole ang simbahan hanggang tabi ng altar na ginawa nilang lutuan. Ito rin ang nangyari sa simbahan sa Aguid, Sagada at Bagnen, Bauko.

Taliwas sa ipinangalandakan ng mga SocDem, walang umiral na kapayapaan sa "peace zone" ng Sagada. Mauulit lamang ang mapapait na karanasang ito kung mailulusot ang panibagong pakana hinggil sa "sona ng kapayapaan" sa Mountain Province.

------------------------

Paglabag sa karapatang-tao ng kababaihan, tinuligsa

Nagrali sa Mendiola, Maynila ang GABRIELA at iba pang progresibong grupo noong Nobyembre 25 para gunitain ang International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Idineklara ng United Nations noong 1999 ang Nobyembre 25 bilang araw para mabigyang-atensyon ang pangangailangang wakasan ang karahasan laban sa kababaihan.

Pinaalala ng mga raliyista sa gubyernong Aquino na dapat panagutin si Gloria Arroyo sa mga paglabag niya sa karapatang-tao ng kababaihan. Ayon sa GABRIELA, 153 babae ang pinaslang, 11 ang dinukot at 290 ang iligal na inaresto sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Kabilang sila sa 1,208 biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang, 206 biktima ng pagdukot at 1,099 biktima ng tortyur sa panahon ni Arroyo.

Ani Lana Linaban, pangkalahatang kalihim ng GABRIELA, "Isang patak lamang sa isang baldeng tubig ang pananabotahe ni Arroyo sa eleksyon. Kung gagawing kasong kriminal ang kanyang rekord sa karapatang-tao, sapat na ito para maikulong siya nang ilandaang taon."

Binatikos din ng mga raliyista ang nagpapatuloy na paglabag sa karapatang-tao sa ilalim ng Oplan Bayanihan. Anim na babae na ang pinaslang at 35 babaeng detenidong pulitikal naman ang nananatili sa iba't ibang piitan sa buong bansa.

Dagdag pa ni Linaban, madalas na ginagamit ng militar ang karahasang sekswal para yurakan ang dignidad at determinasyon na lumaban ng kababaihan.

Tinukoy niya ang kaso ni Charity Diño, 31 taong gulang na guro, na pinagsuot lamang ng panty at bra habang iniinteroga ng militar. Si Diño ay inaakusahang rebelde kasama nina Billie Batrina at Sonny Rogelio na tinatawag na "Talisay 3". Sa katunayan, sila ay mga boluntir na organisador ng Samahan ng mga Magsasaka sa Batangas. Nakakulong sila sa Batangas City Jail mula pa noong 2009.

Iginiit ng GABRIELA kay Benigno Aquino III na kagyat na palayain ang 35 babaeng detenidong pulitikal.

---------------------------

Tagumpay at papatinding laban sa Hacienda Luisita

Ipinagdiwang ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng Hacienda Luisita ang desisyon ng Korte Suprema noong Nobyembre 22 na pumabor sa kanila. Matapos ang ilang dekada nang labanan sa husgado, iniutos na ng Korte na ipamahagi ang 4,500-ektaryang Hacienda Luisita sa mga magsasaka at manggagawang bukid nito. Gayunpaman, batid ng mga taga-asyenda at ng malawak na tagasuporta nila na malayo pa ang pagtatapos ng laban at marami pang balakid ang kailangan nilang labanan at igpawan para tuluyan nang mapasakamay nila ang lupa.

Sa desisyon ng Korte Suprema, inoobliga rin ang Hacienda Luisita Incorporated (HLI) na bayaran nito ang mga magsasaka at manggagawang bukid ng P1 bilyon. Katumbas ito ng halaga ng lupang naibenta na ng HLI nitong nakaraang mga taon, kabilang na yaong mga ginawang subdibisyon at bahagi ng Subic-Clark Expressway. Ipinawalambisa ng Korte Suprema ang Stock Distribution Option (SDO) ng HLI na ginamit ng mga Cojuangco mula noong huling bahagi ng dekada 1980 upang iwasan ang pamamahagi ng lupa. Kinilala ng Korte Suprema na sa pamamagitan ng SDO ay nanatiling nasa kontrol ng HLI ang malawak na lupain ng asyenda.

Gayunpaman, iniutos ng korte na bigyan ng "makatarungang kabayaran" ang pamilyang Cojuangco-Aquino para diumano sa kanilang pagpapayaman sa lupa. Kung susundin ang pagpapalagay ng Korte Suprema na nasa P170,000/ektarya ang halaga ng lupa sa asyenda, lalabas na kailangang bayaran sila ng hanggang P836 milyon. Ang halagang ito ay panimulang babayaran ng gubyerno, gamit ang kaban ng bayan. Ang natitirang halaga ay babayaran nang hulugan ng mga magsasaka nang hanggang 30 taon. Kung ang mga Cojuangco naman ang tatanungin, P1 milyon bawat ektarya ang halaga ng lupa sa asyenda kaya halos P5 bilyon ang dapat daw bayaran sa kanila. Mabigat na pasanin sa mga magsasaka ang pagbabayad ng utang at di naglalaon ay nagiging biktima sila ng malalaking usurero at negosyante. Sa maraming pagkakataon, napipilitan ang mga magsasaka na ibenta pabalik sa panginoong maylupa at mga korporasyon ang naipamahagi nang lupa.

Ginagamit ng pamilyang Cojuangco-Aquino, kabilang ang kanilang numero unong kinatawan na si Benigno Aquino III, ang CARPER bilang ligal na batayan para sa "makatarungang kabayaran". Ang sagot ng mga magsasaka: hindi nila utang sa mga Cojuangco-Aquino ang lupa, lalupa't nakuha lamang ito ng angkan sa pamamagitan ng paggamit ng pampublikong pondo. Higit pa rito, silang nagtrabaho sa lupa ng deka-dekada nang walang sapat na sahod at kompensasyon ang nagpayaman dito, at hindi ang mga Cojuangco-Aquino na nagpakasasa sa kanilang pawis at dugo.

Dagdag dito, bagamat kinilala ng Korte Suprema na sagka ang SDO sa layunin ng repormang agraryo sa loob ng Hacienda Luisita, hindi nito tahasang idineklara na hindi konstitusyunal ang iskema. Maaari pa rin itong gamitin ng mga Cojuangco-Aquino sa mga susunod pang ligal na labanan. Gayundin, hindi nito nahahagip ang mga kaso ng marami pang mga asyenda sa buong bansa na ipinailalim din sa iskemang SDO.

Pinatitingkad ng ligal na tagumpay sa Hacienda Luisita ang pangangailangang maisulong sa Kongreso ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB) na nagtataguyod sa libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang benepisyaryo ng reporma sa lupa. Pinatitingkad rin nito ang reaksyunaryong katangian ng CARPER, ang ligal na balangkas na ginagamit ngayon ni Aquino para pigain ang mga magsasaka at tangkaing bawiin ang kanilang tagumpay.

Wasto lamang na igiit ng mga magsasaka at manggagawang bukid sa Hacienda Luisita ang libreng pamamahagi ng lupa at tutulan ang anumang iskemang mag-oobliga sa kanilang hulugan ang lupa na di makatarungang inagaw sa kanila ng mga Cojuangco.

Wastong ipagpatuloy ng mga magsasaka at manggagawang bukid ng asyenda ang kanilang kampanya para kolektibong pangasiwaan at bungkalin ang lupa sa Hacienda Luisita. Nitong nakaraang mga buwan, nakapagtanim sila ng mga gulay at nag-alaga ng mga hayop upang matamasa na nila ang biyaya ng lupa kahit wala pang desisyon ang Korte. Dahil dito, napataas nila ang kanilang kita at antas ng pamumuhay, at natustusan ang tuluy-tuloy nilang pakikibaka. Hindi sila umasa noon sa desisyon ng Korte at hindi pa rin sila dapat umasa rito ngayon.

-------------------------------

Tagumpay sa Hda. Luisita, inspirasyon sa iba pang pakikibaka

Lagpas sa hangganan ng Hacienda Luisita ang epekto ng makasaysayang desisyon ng Korte Suprema nitong Nobyembre 22 na ipawalambisa na ang Stock Distribution Option (SDO) at simulan na ang pamamahagi ng lupa ng asyenda sa mga magsasaka at manggagawang bukid rito.

Bunsod ng desisyon ng Korte, nanawagan ang Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) noong Nobyembre 25 na saklawin na rin ng repormang agraryo ang 12 iba pang asyenda sa buong Pilipinas na nagpapatupad din ng SDO. Siyam dito ay nasa Negros Occidental, dalawa sa Iloilo at isa sa Davao del Sur. Lahat-lahat ng mga ito ay may kabuuang laki na 2,787 ektarya.

Samantala, nagbigay-inspirasyon din ang pinakahuling tagumpay sa Hacienda Luisita sa mga magniniyog para muling igiit ang pagbabalik sa kanila ng pondong coco levy.

Noong Nobyembre 28, mahigit 200 maliliit na magniniyog mula sa Quezon ang nagprotesta sa tapat ng upisina ng San Miguel Corp. (SMC) sa Pasig City dala ang mga instrumento sa paggawa ng kopra para ipakita kung gaano kahirap ang produksyon nito.

Anang Pinag-isang Lakas ng Magbubukid sa Quezon at ng KMP, ang pondong coco levy ay natipon mula sa buwis na ipinataw sa bentahan ng kopra noong batas militar. Noong 1983, nang makalikom ng P2 bilyong pondo mula rito, ginamit ito ni Danding Cojuangco para bumili ng mayoryang sapi sa SMC. Sa kasalukuyan ay P200 bilyon na ang halaga nito.

Ang pondong coco levy ay sapilitang dinambong ng sabwatang Marcos-Cojuangco, anang KMP. Pag-aari ito ng maliliit na magniniyog at matagal na itong dapat bawiin at ibalik sa kanila. Nanawagan ang KMP na kagyat nang isabatas ang panukalang Small Coconut Farmers Trust Fund Act na ihinain ni Anakpawis Rep. Rafael Mariano para mailatag ang daan sa pagbabalik ng pondong coco levy.

------------------------

Mga pakulo ni Arroyo

Nagluluto ng kung anu-anong mga pakulo at gimik ang kampo ni Gloria Arroyo para lamang makaiwas ang dating pangulo na makulong sa pangkaraniwang piitan habang siya'y nililitis. Pinakahuli rito ang katawa-tawang kwento na may plano umanong asasinasyon kay Arroyo na may kodang "Put the Little Girl to Sleep" (Patulugin ang Maliit na Babae). Ayon sa kampong Arroyo, plano umano ng gubyerno ni Benigno Aquino III na lasunin si Arroyo o gumamit ng iba pang paraan para patayin ang dating presidente at ngayo'y kongresista ng Pampanga.

Walang sumeryoso sa gayong pahayag ng kampong Arroyo. Iginigiit pa rin ng maraming sektor na dapat mapiit na sa ordinaryang kulungan si Arroyo, dahil mismong ang mga doktor niya ang nagsasabing pwede na siyang palabasin sa ospital. Bago ito ay nagdesisyon na ang korte na isailaim pa rin si Arroyo sa "hospital arrest" pero hindi na sa mamahaling ospital na St. Luke's kundi sa Veterans' Memorial Medical Center (VMMC), isang pampublikong ospital kung saan idinetine rin si dating pangulong Joseph Estrada.

Sinusubukan din ng kampong Arroyo na payagang maipailalim sa "house arrest" si Arroyo sa kanyang magarang bahay sa La Vista, Quezon City. Kung sa "hospital arrest" naman sa VMMC, hinihiling nilang magtamasa siya ng pribilehiyong makagamit ng kompyuter at cellphone, bagay na ipinagbabawal sa mga detenido.

Dahil halos walang sumisimpatya kay Arroyo sa Pilipinas, sinusubukan ngayon ng kanyang kampo na makakuha ng internasyunal na simpatya. Tumulak noong Disyembre 1 patungong Europe si Atty. Raul Lambino, isa sa mga abugado ni Arroyo para makipagpulong sa Christian Democratic Party. Isusumbong doon ni Lambino ang pampulitikang panunupil umano ng rehimeng Aquino sa pag-asang makakuha siya ng internasyunal na suporta para kay Arroyo.

Ang pag-aakusa ng kampo ni Arroyo ng pampulitikang panunupil ng gubyernong Aquino ay hindi lamang pagtatangka na makakuha ng simpatya ng publiko kundi upang matabunan ang espesyal na pagtrato na ibinibigay ng gubyernong Aquino kay Arroyo.

Bago pa man ang eleksyong presidensyal noong 2010 ay nagkasundo na ang mga kampo nina Arroyo at Aquino na maghihinay-hinay lamang si Aquino sa pamilyang Arroyo kapag nakaupo na siya sa poder. Ang gayong kasunduan ang nagpapaliwanag kung bakit inabot ng 505 araw (o mahigit isang taon) bago masampahan ng kasong kriminal at maaresto si Arroyo.

Dapat lamang na higpitan pang lalo ng sambayanang Pilipino ang pagsubaybay sa bawat liko't ikot ng mga pakulo't sabwatan nina Arroyo at Aquino upang maibunyag ang bawat akomodasyong ibinibigay ng gubyernong Aquino sa kampo ni Arroyo at tiyakin na mapagdusahan ni Arroyo ang kanyang malalaking krimen laban sa bayan.

------------------------------

Pulang pangayaw

Di bababa sa walong armas ang nakumpiska ng isang grupo ng mga Lumad mula sa mga gwardya ng Sagittarius Mines Inc. (SMI) sa Barangay Tablu, Tampakan, South Cotabato noong Nobyembre 27.

Ang mga Lumad ay kabilang sa isang grupong nagngangalang Pulang Pangayaw.

Itinanghal ng National Democratic Front sa Far South Mindanao Region (NDF-FSMR) ang Pulang Pangayaw bilang armadong kilusang masa ng mga Lumad dahil sa tapang at determinasyon nitong labanan ang isang makapangyarihang kaaway tulad ng dambuhalang minahang Xstrata-SMI.

Ipinaliwanag ni Ka Efren, tagapagsalita ng NDF-FSMR, na bagamat ginagamit ng grupo ang salitang "pangayaw," hindi simpleng personal na paghihiganti ang kanilang layunin. Ang Pulang Pangayaw ay isang kilusang masa na lumalaban para sa mga lehitimo at makatarungang hinaing ng mga Lumad, at bahagi ng pambansa-demokratikong kilusan.

Ang kanilang pakikibaka ay hindi rin tulad ng pangkaraniwang pangayaw na tumatarget lamang sa mga kaalitang personal o pampamilya. Tinatarget ng Pulang Pangayaw ang mga armado at pasistang galamay ng SMI tulad ng 27th at 39th IB ng Philippine Army, mga espesyal na CAFGU, mga pribadong goons at mga security guard ng Xstrata-SMI at ang Task Force Kitaco at mga operatibang paniktik nito. Ang Task Force Kitaco ay binuo ng 10th ID ng Philippine Army para tutukan ang Kiblawan, Davao del Sur; Tampakan, South Cotabato; at Columbio, Sultan Kudarat, ang mga munisipalidad kung saan pangunahing nag-ooperasyon ang Xstrata-SMI.

Anang Pulang Pangayaw: "Sa loob ng nakaraang limang taon mula nang magsagawa ng eksplorasyon ang Xstrata sa aming lupain, mapayapa namin silang sinabihan na ayaw namin sa minahan. Ayaw naming wasakin ang aming kabundukan, ang aming mga ilog at lugar ng pangangaso. Ayaw namin sa kakarampot na sahod na ibinibigay sa amin kapalit ng aming kabuhayan. Subalit nagmatigas sila sa kanilang kagustuhang kunin ang ginto at tanso mula sa aming lupain.

"Kaya nagkagulo. Idineploy nila ang 27th at 39 IB, ang Task Force Kitaco at maraming kumpanya ng mga security guard upang kami ay patahimikin at palayasin sa kalaunan. Sinubukan naming makipagnegosasyon, magbarikada at magpetisyon. Pero wala ring nangyari. Kaya ngayon, wala na kaming ibang mapagpipilian kundi ang lumaban."

---------------------------------

Ambus sa Paquibato

Tatlong sundalo mula sa 69th IB ang napatay nang tambangan sila ng 1st Pulang Bagani Company noong Nobyembre 29 sa Sityo Guinobatan, Barangay Paradise Embac, Paquibato District sa Davao City. Nakakumpiska rito ang mga Pulang mandirigma ng isang M203. Ang mga sundalo ay bahagi ng isang tim ng Community Peace and Development (COPD) na nag-ooperasyon sa lugar.

Samantala, mariing binatikos ng Merardo Arce Command ng Bagong Hukbong Bayan sa Southern Mindanao Region si Sara Duterte, meyor ng Davao City dahil sa panawagan nitong sumuko sina Ka Parago at Ka Oda, mga pinuno ng 1st Pulang Bagani Company. Bago ito, ipinagtanggol din ni Duterte ang pananatili ng mga sundalo malapit sa isang eskwelahan sa Paradise Embac sa kabila ng mga reklamo ng mga residente. Tuluy-tuloy din niyang binabatikos ang mga taktikal na opensiba ng BHB laban sa 69th IB na kilala sa matitinding pang-aabuso sa mga taga-Paquibato.

Libu-libo nang residente ng Paquibato at Panabo ang nabibiktima ng 69th IB. Ilan lamang sa mga paglabag nila sa karapatang-tao ang sapilitang pagpapasuko at pagpapaanib sa CAFGU, tangkang panggagahasa, pambabastos sa kababaihan at harasment ng kabataan at mga estudyante, pang-uupat ng pangayaw para pag-awayin ang mga setler na Lumad at hindi Lumad, paglalasing, pagbabanta at pananakot at paggamit ng mga pasilidad ng mga sibilyan tulad ng mga paaralan, bahay ng mga residente at barangay hall.

------------------------

Drones, ginagamit ng US laban sa mga sibilyan

Umabot na sa halos 2,912 mamamayan--kabilang ang 160 bata--ang pinatay ng gubyernong US sa mga isinagawa nitong walang pakundangang pambobomba gamit ang mga drone sa Pakistan, Yemen, Somalia, Libya, Iraq at Afghanistan. Ito ang tantya ng mga independyendeng mamamahayag na kabilang sa Bureau of Investigative Journalism sa pag-aaral na inilabas nitong Oktubre. Ipinagpapalagay na mas mataas pa rito ang aktwal na bilang dahil may mga lugar na binomba ng mga drone na pinagbawalang pasukin ng mga grupong nagsisiyasat.

Laganap ang paggamit ng US ng mga drone sa pambobomba sa Pakistan at Afghanistan. Hindi bababa sa 300 pambobomba ang isinagawa gamit ang mga drone sa lugar pa lamang ng mga katutubo sa Pakistan. Karamihan dito (248) ay isinagawa sa ilalim ng gubyerno ni Barack Obama. Anang US, target ng mga pambobomba ng mga drone ang mga "terorista".

Ang drone o unmanned aerial vehicle (walang pilotong sasakyang panghimpapawid) na kabilang sa bagong mga kagamitang pandigma ng US. Kinokontrol ang mga drone ng mahigit 2,000 Combat Systems Officer na nakapwesto sa mga Counterterrorism Center ng Central Intelligence Agency (CIA). Nakabase ito sa mahigit 60 sikretong lokasyon sa buong mundo. Ang mga drone na ginagamit sa Pilipinas at ibang lugar ng Asia ay kinokontrol mula sa Anderson Air Force Base, isang base militar ng US sa Guam.

Mahalagang bahagi ng teroristang gera ng US ang paggamit ng mga drone. Ngayong taon, ang badyet ng US para rito ay $4.8 bilyong mas mataas kumpara noong nakaraang taon. Noong 2010, umabot lamang sa 50 ang drone ng US. Sa susunod na mga taon, balak ng US na dagdagan ito ng mahigit 700 pa.

Ginagamit ang karamihan ng mga drone para sa rekonaysans, surbeylans, at elektronikong pag-iipon ng impormasyon laban sa mga indibidwal, grupo o kilusan na kalaban ng US. Subalit may mga drone katulad ng Predator na naaarmasan ng mga misayl o bomba.

Mariing tinututulan ng mga grupong nagtataguyod sa karapatang- tao sa iba't ibang panig ng mundo ang paggamit ng mga drone dahil mga inosenteng sibilyan ang karamihan sa mga biktima. Labag din ito sa internasyunal na makataong batas na mahigpit na nagbabawal sa panghihimasok ng US sa mga internal na usapin ng iba pang bansa at paglapastangan sa soberanya. Pananagutan ng US ang lahat ng mga ekstrahudisyal na pang-aatake na inilulunsad ng mga drone mula sa iba't ibang mga base militar nito.

----------------------------

Kaswalting sibilyan sa Afghanistan, dumarami

Mahigit 1,500 sibilyan na ang namamatay sa mga pananalakay sa gabi ng mga pwersa ng North Atlantic Treaty Organization (NATO) sa Afghanistan. Ang mga pananalakay na ito ng NATO ay mariing ipinagtatanggol nito bilang mahalagang sandata laban sa Taliban. Subalit lumalabas sa mga estadistika na ito na ang pinakamalaking sanhi ng mga sibilyang kaswalti sa Afghanistan mula nang salakayin ito ng mga pwersang pinamumunuan ng US noong 2001.

Paparami at papadalas ang mga pananalakay sa gabi ng mga pwersang NATO habang papalapit ang pag-atras ng bulto ng mga pwersa nito sa 2014. Bawat gabi, may abereyds na 10 reyd ang inilulunsad, at may mga pagkakataong umaabot sa 40 pananalakay ang isinasagawa.

--------------------------

2 milyong mamamayan, nagwelga sa UK

Mahigit dalawang milyong manggagawa sa pampublikong sektor ang matagumpay na naglunsad ng welga noong Nobyembre 30 sa United Kingdom (UK). Tinutulan nila ang dagdag na pagbabago sa sistema ng pensyon. Ito ang pinakamalaking welga na naganap sa UK sa loob ng 30 taon.

Pinamunuan ang naturang mobilisasyon ng 24 na unyon na kumakatawan sa 2.6 milyong manggagawa. Mahigit isang milyon ang lumahok sa Britain, 300,000 sa Scotland, 200,000 sa Northern Ireland at 170,000 sa Wales. Malawak at malalim ang partisipasyon ng iba't ibang sektor sa naganap na welga.

Galit ang mga unyon ng mga manggagawa dahil papagbayarin ng gubyerno ang lahat ng mga myembro ng dagdag na kontribusyon para sa pensyon, palalawigin ang kanilang serbisyo at babaguhin ang batayan ng pagpepensyon na magreresulta sa pagbawas ng kanilang sahod.

Lalong nagalit ang mamamayan nang ianunsyo ni Finance Minister George Osborne na madadagdagan pa ng dalawang taon ang pagpako sa mga sahod ng mga manggagawa. Tatanggalin din ang 700,000 manggagawa sa pampublikong sektor dahil sa panibagong pagtapyas sa badyet bunsod umano ng mabilis na paglala ng krisis sa ekonomya.

Halos paralisado nang 24 oras ang pampublikong serbisyo ng bansa nang magsilabasan sa kanilang trabaho ang libu-libong guro at estudyante, mga doktor at nars, pati pasyente, mga pulis, abugado, drayber, manggagawa at upisyal sa mga paliparan, imigrasyon at customs, mga empleyado sa silid-aklatan, museo at art gallery, at pati mga basurero, kusinero at iba pa.

Mahigit 70% (16,000) ang nagsara sa 21,700 pampublikong eskwelahan ng UK. Sa Northern Ireland, 100% paralisado ang linya ng transportasyon sa tren at bus samantalang nagsara ang mga daanan sa subway sa Glasgow at Merseyside. Mahigit 200 piket; 34 na malalaking demonstrasyon; at 15 malalaking martsa ang nailunsad sa buong bansa. Naganap ang pinakamalaking demonstrasyon at martsa sa mga syudad ng London, Bristol, Manchester, Belfast, Birmingham, Glasgow, Edinburgh, Brighton at Dundee na nilahukan ng mahigit 10,000 hanggang 30,000 welgista.

Libu-libong pulis ang ginamit ng gubyerno upang supilin ang mga pagkilos.

Sa sentro ng London, nagtayo sila ng steel cordon para harangin ang mga nagmamartsa. Sa martsa patungong Parlamento, 96 na welgista ang inaresto, binugbog at dinetine. Naganap ito nang mapasok ng 60-kataong myembro ng Occupy London ang gusali ng Xstrata Mining Company at kontrolin ito ng anim na oras. Sa tuktok ng gusali, matagumpay silang nakapagladlad ng istrimer na may islogang "All power to the 99%" (Kapangyarihan sa 99%).

---------------------------

Mga negosyante sa India, naglunsad ng welga

Napilitang iatras ng gubyerno ng India ang pagbubukas ng sektor ng pagtitingi sa mga dayuhan matapos maglunsad ng malaking protesta ang maliliit na magtitingi sa bansa noong Nobyembre 30.

Pinamunuan ang welga ng Confederation of All India Traders na sumasaklaw sa 10,000 organisasyon ng negosyo sa pagtitingi. Nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng mga nagprotesta at pulis sa Lucknow, Uttar Pradesh. Bunga nito, inabandona ang mga tindahan sa Agra at Chhattisgarh at nabulabog ang mga garahe at mga eskwelahan.

Sa pamamagitan ng reporma sa negosyo na itinataguyod ng gubyerno, makakapasok ang mga dambuhalang supermarket ng daigdig sa lokal na pamilihan. Bagamat hanggang syudad lamang ang kanilang operasyon, pinapayagan silang magmay-ari ng 51% ng mga sapi ng mga korporasyon sa pagtitingi.

Takam na takam ang mga pandaigdigang kumpanya na pumasok sa India dahil sa populasyon nitong isang bilyon, ito na ang ikalawa sa pinakamalaking merkado sa buong mundo.

-------------------------------

Mga manggagawa, ipinagdiwang ang Araw ni Bonifacio

Naglunsad ng kilos-protesta noong Nobyembre 30 sa paanan ng Mendiola Bridge sa Maynila ang mga militanteng organisasyong manggagawa at iba pang progresibong grupo para gunitain ang ika-148 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio.

Nakasuot ng damit Katipunero ang 3,000 raliyista sa pangunguna ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Partidong Anakpawis, GABRIELA at Kalipunan ng Damayang Mahihirap. Nanawagan sila sa taumbayan na tularan si Bonifacio at ituloy ang pakikibaka para sa tunay na pagbabago ng lipunan.

Hiniling din nila na isulong ang dagdag sahod na P125 para sa mga manggagawa at ibasura ang kontraktwalisasyon. Iginigiit din nila na ipamahagi na ang lupain sa Hacienda Luisita nang walang kundisyon. Nanawagan sila para sa tunay na repormang agraryo at tunay na kalayaan mula sa imperyalismo.

Ayon kay Elmer Labog, tagapangulo ng KMU, kung buhay lamang si Bonifacio ngayon ay maglulunsad siya ng rebolusyon para sa pagbabago. Nanawagan si Labog sa mga manggagawa at iba pang maralita na pag-aralan ang tunay na kalagayan ng bansa at ugat ng kahirapan at sumapi o magtayo ng mga unyon at organisasyong magtataguyod sa kanilang karapatan.

Samantala, isang panukalang batas ang nakasalang ngayon sa Kongreso para gawing rekisito sa kolehiyo ang pag-aaral sa buhay at mga prinsipyo ni Bonifacio. Ang panukalang inihain ni Rep. Raymond Palatino ng Kabataan Partylist ay naglalayong magturo ng patriyotismo sa kabataan.

------------------------------

Magkasunod na demolisyon, isinagawa sa Quezon City

Dalawang marahas na demolisyon ang isinagawa ng lokal na gubyerno ng Quezon City at Philippine National Police (PNP) noong Nobyembre 28.

Sa isang komunidad sa BIR Road, East Triangle sa Barangay Central, isang residente ang inaresto at isa ang nasugatan matapos lusubin ng halos 30 pulis at myembro ng demolition team ang mga bahay ng mahigit 100 pamilya sa isang komunidad ng mga maralita roon. Tinangka munang pigilin ng mga residente ang demolisyon sa pamamagitan ng barikada. Nakipagnegosasyon din sila para makapanatili sa kanilang lugar. Nang depensahan ng mga maralita ang kanilang mga tirahan ay nagsimulang umatake ang mga pulis. Nawasak ang ilang barungbarong. Nagpaputok ng kanyang baril ang isang di nakaunipormeng pulis. Narekober sa lugar ang anim na basyo ng M16.

Mahigpit na tinututulan ng mga residente ang demolisyon para maitayo ang Quezon City Central Business District na bahagi ng proyektong Public-Private Partnership ng rehimeng Aquino.

Samantala, sa Sityo Looban, Barangay Kaligayahan sa Novaliches, sakay ng isang trak ang mga elemento ng Task Force Illegal Structures at Task Force Nova nang tangkain nilang pasukin ang maralitang komunidad rito. Subalit nagtayo ng barikada at nanlaban ang mga residente. Binuwag ng demolition team ang kanilang barikada at nasugatan ang ilang residente. Ilan din sa kanila ang inaresto.

Tutol ang mga maralita sa itatayong proyektong pabahay ng lokal na gubyerno dahil itataboy lamang sila sa malayong relocation site na walang maayos na serbisyo at kabuhayan.

----------------------------------

Lider-komunista ng India, pinaslang ng mga pasista

Mariing binatikos ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang reaksyunaryong gubyerno ng India sa brutal na pagpapahirap at pagpatay kay Kasamang Malloujula Koteswara Rao, tagapagsalita at kasapi ng Political Bureau (Politburo) ng Communist Party of India (CPI-Maoist).

Ayon sa pahayag ng gubyernong Indian, si Rao, na mas kilala sa India bilang Kasamang Kishenji ay napatay umano sa isang engkwentro sa Burishol Forest Area sa West Midnapore District, Jangalmahal, West Bengal noong Nobyembre 24. Ngunit batay sa impormasyon ng CPI-M, si Kasamang Kishenji ay nakikipagnegosasyon sa mga upisyal ng West Bengal nang siya ay patraydor na dakpin at arestuhin ng mga pasistang sundalo.

Anang PKP, nagtagumpay ang mga imperyalista, mga reaksyunaryo at kanilang mga pasistang alipures sa pagtortyur at pagpaslang kay Kasamang Kishenji. Ngunit kanilang pagbabayaran ito nang mahal. Magpapatuloy ang mamamayang Indian sa pagtahak ng rebolusyonaryong landas ng armadong paglaban at pakikibakang masa hanggang sa maibagsak ang mga reaksyunaryong estado at maipagtagumpay ang pambansa at panlipunang kalayaan. Sa gayon ay makakamit ang hustisya para sa mga inaapi at pinagsasamantalahang mamamayan ng India.

Download PDF here