Editoryal: Samantalahin ang alitan sa hanay ng mga naghaharing uri

Ang Bayan Articles
December 21, 2011

Download PDF here

Niyayanig ngayon ng pampulitikang krisis ang naghaharing sistema dulot ng sunud-sunod na bira at kontra-bira ng mga reaksyunaryong pangkatin. Dapat samantalahin ng mamamayan at rebolusyonaryong kilusan ang kaguluhang ito.

Pinakahuli sa maniobrahan ang pag-impeach o pagsasakdal ng mga alyado ni Benigno Aquino III sa Kongreso kay Supreme Court Justice Renato Corona. Si Corona ay tauhan ni Gloria Arroyo na kanyang itinalaga bilang punong mahistrado ng Korte Suprema ilang araw bago magtapos ang kanyang termino bilang presidente. Ito ay upang magkaroon siya ng pananggalang mula sa kataas-taasang hukuman sakaling usigin siya para sa kanyang malalaking krimen laban sa bayan.

Sinuportahan ng mga progresibong partido sa Kongreso at mamamayan ang impeachment ni Corona dahil bahagi ito ng mga kinakailangang hakbang para mawala ang mga sagka upang tuluy-tuloy na maisakdal, malitis at maparusahan si Arroyo. Ang layunin ding ito ang idineklara ng mga kaalyado ni Aquino sa pagtulak ng naturang impeachment. Gayunman, batid ng mamamayan na may iba pang layunin ang naghaharing pangkating Aquino sa pagsisikap na patalsikin si Corona bilang pinuno ng Korte Suprema.

Ang pagpapatalsik kay Corona ay bahagi ng ganting-suntok ng asenderong presidente sa desisyon ng Korte Suprema na nag-uutos na ipamahagi na ang lupa ng Hacienda Luisita. Mas mahalaga pa, nais paluhurin ni Aquino ang buong Korte Suprema at tiyakin ang pagkatig nito sa mga isasagawa pang hakbangin ng kanyang rehimen.

Ang alitan ng mga pangkating Aquino at Arroyo ay nagpapakita ng kahirapang panatilihin ang maayos na pagbibigayan ng mga nagriribalang paksyon. Sa pamamagitan ng US, nagkasundo ang kampong Arroyo at Aquino bago pa ang eleksyong 2010 na hahayaan ng kampong Arroyo ang maayos na pagsasalin ng kapangyarihan. Kapalit nito ang ibibigay na kaluwagan ni Aquino sa mga Arroyo.

Subalit lumiit na ngayon nang husto ang puwang para tumalima si Aquino sa kasunduang ito. Ito ay sa harap ng nagpapatuloy na sigaw ng mamamayan para sa katarungan para sa mga krimen ni Arroyo sa panahong siya'y presidente. Ang pagsasampa ng kaso at pagkukulong kay Arroyo ay pagpapakitang-tao ni Aquino para palaba-sing sersyoso siya sa pag-usig sa mga Arroyo.

Sa napakarami at napakalalaking krimen ni Arroyo, pinili ng rehimeng Aquino na idemanda siya sa relatibong mas maliit na kaso ng “pananabotahe” sa eleksyong 2007. Kalkulado ito upang patuloy na mabigyan ng puwang ang posibleng aregluhan sa pagitan ng mga pangkating Aquino at Arroyo. Ang ganting bigwas ng pangkating Arroyo—ang desisyon ng Korte Suprema sa Hacienda Luisita—ay labis na ininda at ikinapikon ni Aquino.

Ang hakbangin ng pangkating Aquino na pag-impeach kay Corona ay nagluluwal ngayon ng ibayo pang pagtindi ng pampulitikang krisis ng naghaharing sistema. Taliwas sa nais ni Aquino na magbitiw si Corona, nagpahayag siya ng kahandaang makipagtagisan at harapin ang isinampang kaso laban sa kanya. Nagsimula na siyang magtipon ng mga kakampi, laluna sa hanay ng mga hukom at abugado. Sa kanyang pagbatikos kay Aquino, nais niyang makuha ang suporta ng mamamayang disgustado na sa naghaharing rehimen.

May mga elemento ng naghaharing Partido Liberal na inilaglag dahil sa hindi pagsunod sa utos ni Aquino na mabilisang ma-impeach si Corona. Maaari ring tumagos sa iba pang sangay ng gubyerno tulad ng Senado ang epekto ng hakbanging impeachment dahil nanaisin ni Aquino na tiyakin ang katapatan sa kanya ng pinuno ng nakatataas na kapulungan ng Kongreso na siyang maglilitis kay Corona.
Ang mga maniobra at kontra-maniobra ng mga nagriribalang pangkatin ay nagbubunsod ng paglala sa mga bitak sa hanay ng mga reaksyunaryo—bagay na nakabubuti at dapat samantalahin ng rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan.

Para mapakinabangan ang gulo sa naghaharing sistema na ibinunsod ng impeachment ni Corona, dapat gamitin ang mga taktika ng pakikipagkaisang prente upang magbuo ng mga alyansa para ihiwalay ang naghaharing pangkating Aquino at pagbayarin si Arroyo sa mga krimen nito sa bayan.

Dapat ipursige ng mga demokratiko at progresibong pwersa ng mamamayan ang malawak na kilusan para isakdal at parusahan si Arroyo. Dapat igiit ang pagsasampa ng mga kaso sa pandaraya sa eleksyong 2004, mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao at makataong batas at malalaking kaso ng korapsyon at pagtanggap ng suhol. Dapat samantalahin ang lahat ng pagkakataon para maugnayan ang iba't ibang grupo at personalidad, kabilang yaong mga sumusuporta sa rehimeng Aquino subalit hindi naman mga sagadsaring tagapagtanggol nito. Dapat magkaisang bantayan ang posibleng aregluhan sa pagitan nina Aquino at Arroyo sa hinaharap.

Dapat ding samantalahin ang lumalawak na pagkadismaya kay Aquino ng mga taong hindi naman maka-Arroyo subalit may reaksyon laban sa brusko at malupit na mga pang-aatake kay Corona. Kung talagang gusto ni Corona na makuha ang suporta ng mamamayan, kailangan siyang dumistansya kay Arroyo at pamunuan ang Korte Suprema na pumanig sa interes ng mamamayan sa napakaraming mga kaso, kabilang ang pagbabaligtad ng ilang nauna na nitong mga desisyon.

Dapat hamunin ng mamamayan ang Korte Suprema na pawalambisa ang mga patakaran at batas na mapang-api sa mamamayan tulad ng labor-only contracting, mga kaltas sa badyet ng serbisyong panlipunan, mga demolisyon ng mga komunidad ng maralita, Oil Deregulation Law, Mining Act of 1995, Comprehensive Agrarian Reform Program Extension with Reforms (CARPER), Foreign Investments Incentives Act at marami pang iba.

Upang epektibong magamit ng mamamayan ang mga taktika ng pakikipagkaisang prente, dapat nilang palakasin ang kanilang hanay at ipagpatuloy at palawakin pa ang mga pakikibakang masa para sa kanilang mga batayang interes.

Dapat nilang ipursige ang pakikibaka laban sa CARPER at para sa tunay na reporma sa lupa. Dapat silang magpunyagi para ipaglaban ang mga makabayang patakaran sa ekonomya na magbibigay-diin sa paglikha ng lokal na empleyo, pagpapairal ng nakabubuhay na sahod at pagpapababa sa presyo ng mga produktong petrolyo at iba pang pangunahing bilihin. Dapat nilang ibayong palakasin at palawakin ang pakikibaka laban sa mga pagkaltas sa badyet para sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan at ilantad at tutulan ang Conditional Cash Transfer (CCT) ng rehimen bilang instrumento ng counterinsurgency at huwad na programa para ibsan ang kahirapan.

Tiyak na makikinabang ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan mula sa krisis sa pulitika ng naghaharing sistema. Ang lumalalim na mga bitak sa hanay ng nagriribalang pangkatin ay tiyak na tatagos hanggang sa AFP at PNP. Tulad ng dati, ang mga disgustadong nakababatang upisyal at karaniwang tauhang militar at pulisya ay makikipag-ugnayan sa mga rebolusyonaryong pwersa.

Dapat mulat na iprograma ng Bagong Hukbong Bayan ang pakikipag-ugnayan sa mga upisyal at tauhang ito para makapagsagawa sila ng pampulitikang edukasyon sa kanilang hanay at makabig sila sa panig ng rebolusyon. Kasabay nito, dapat maglunsad ang BHB ng mas madadalas at mas malalaking taktikal na opensiba upang pahinain ang armadong makinarya ng estado, gapiin ang kampanyang panunupil laban sa mamamayan, palakasin ang hukbong bayan at umabante sa susunod na antas ng digmang bayan.

----------------

Impeachment kay Corona

Sa kumpas ng Malacañang, mabilisang naisagawa ang impeachment o pagsasakdal ng Kongreso kay Supreme Court Chief Justice Renato Corona noong Disyembre 12.

Pagkaraan lamang ng ilang oras na pagpupulong ng Liberal Party at mga kongresistang bahagi ng mayorya, ang resolusyon para sa impeachment ay kaagad na nakalikom ng 188 lagda o mahigit sangkatlo ng 285 kongresista, sapat para idiretso ang reklamo ng Mababang Kapulungan sa Senado.

Kinabukasan, kaagad na pinulong ang Senado bilang Korte para dinggin ang reklamo ng Mababang Kapulungan laban kay Corona. Itinakda nito ang unang araw ng paglilitis sa Enero 16 ng susunod na taon.
Si Corona ang dating chief of staff ni Arroyo noong bise presidente pa ito. Nang maging associate justice si Corona ng Su-prema, karamihan ng mga desis-yong pinanigan niya ay pabor sa iligal, kontra-mamamayan at mapaniil na mga hakbangin ng rehimeng Arroyo. Itinalaga siya bilang punong mahistrado ilang araw bago bumaba sa poder si Arroyo, sa kabila ng pagbabawal ng konstitusyon na maghirang ang presidente 60 araw bago magtapos ang termino.

Bilang punong mahistrado, pinanigan ni Corona ang mga maniobrang ligal ng pamilyang Arroyo. Pinakatampok dito ang desisyon ng Korte Suprema na pahintulutan si Arroyo at asawa nito na bumyahe palabas ng bansa para umano magpagamot. Pinawalambisa ng desisyon ng Korte Suprema ang kautusan ng Department of Justice na manatili sila sa loob ng bansa para harapin ang mga imbestigasyon sa mga krimeng kinasasangkutan ni Arroyo. Napawalang-saysay na lamang ang desisyong ito ng Korte Suprema nang sampahan na ng kaso si Arroyo at ipag-utos ng korte ang pag-aresto at pagbimbin sa kanya.

Bahagi ng pagpapanagot kay Arroyo. Suportado ng pitong progresibong kinatawang bumubuo sa Koalisyong Makabayan (Bayan Muna, Anakpawis, Gabriela Women's Party, ACT Teachers Party List at Kabataan Partylist) ang impeachment ni Corona. Ani Rep. Teodoro Casiño ng Bayan Muna, kinakailangang mapanagot si Corona sa mahabang listahan ng mga desisyong kontra-mamamayan at pumapabor sa kanyang padrinong si Arroyo. Ang pagsasakdal kay Corona ay karugtong ng pakikibaka para panagutin si Arroyo sa kanyang mga kasalanan sa bayan.

Isa pang reklamong isinampa kay Corona ang pagkakanulo sa tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpabor sa mga mapaniil na patakaran tulad ng Executive Order 464 at Presidential Proclamation 1017. Ang EO 464 ay kautusan ni Arroyo na nagbabawal sa mga tauhan ng ehekutibo na dumalo sa mga imbestigasyon ng Kongreso at Senado. Ang Presidential Proclamation 1017 ay deklaras-yon ni Arroyo ng state of emergency noong 2006.

Tutol din si Corona na iparinig sa publiko ang “wiretapped” na pag-uusap nina Arroyo at dating COMELEC Commissioner Virgilio Garcillano. Ipinagtanggol din niya si Rodolfo Neri sa hindi nito pagharap sa mga pagdinig sa Senado tungkol sa anomalyang NBN-ZTE.

Di iilan sa mga kaalyado ng rehimeng Aquino ang nadismaya sa mabilisang proseso ng pag-impeach kay Corona. Ilan dito sina Rep.Rodolfo Bia-zon ng Muntinlupa, at Rep. Hermilando Mandanas ng Batangas na pinagbitiw bilang tagapangulo ng makapangyarihang Ways and Means Committee dahil sa hindi paglagda sa reklamong impeachment.

Samantala, taliwas sa nais mangyari ng kampong Aquino ay hindi magbibitiw si Corona. Sinabi niya ito noong Disyembre 14 sa harap ng mga tagasuporta mula sa mga korte ng Metro Manila.

Inilalarawan ni Corona ang pagtatanggol sa sarili bilang paglaban sa umuusbong na “diktadura” ni Aquino na aniya'y nais lamang gawing sunud-sunuran ang Korte Suprema.


----------------

356 bilanggong pulitikal, nag-hunger strike

Nag-hunger strike ang 356 bilanggong pulitikal sa iba't ibang kulungan ng bansa noong Disyembre 3-10, anibersaryo ng Pandaigdigang Araw ng Karapatang-Tao. Ang koordinadong pag-aayuno ay isinagawa sa National Bilibid Prison, Camp Crame, Camp Bagong Diwa, Cebu, Calbayog, Tagum, Batangas, Laguna, Rizal at iba pang mga sentro ng detensyon sa bansa.

Ito na ang pangatlong pag-aayuno ng mga detenidong pulitikal ngayong taon.

Isinagawa ang hunger strike upang igiit ang kagyat at walang kundisyong pagpapalaya ng lahat ng mga bilanggong pulitikal.
Sa Southern Tagalog, nagpakalbo ang 30 detenido bago sila magsimula ng kanilang pag-aayuno.

Sa Tagum, Davao del Norte nagsimula nang mas maaga ang hunger strike ng 16 detenidong pulitikal sa detention center ng Mankilam noong Nobyembre 27. Nakuha ng mga detenido ang simpatya ng 500 regular na bilanggo sa piitan na sumama rin sa kanilang pag-aayuno.

Bilang pakikiisa sa mga bilanggong pulitikal, muling iti-nanghal ng iba't ibang progresibong musikero, artista sa teatro at mga dating detenido ang multimidyang palabas na “Poldet: Panata sa Kalayaan ng mga Detenido Pulitikal” noong Dis-yembre 10.

Samantala, sa tulong ng kanilang mga tagasuporta ay naglunsad sina Alan Jazmines at Eduardo Sarmiento ng isang eksibit ng kanilang mga obra sa Sining Kamalig Gallery sa Gateway Mall sa Cubao, Quezon City. Tampok sa eksibit na tinawag na “Painting Freedom” (Pagpinta ng Kalayaan) ang kanilang mga painting na naglalarawan ng samutsaring eksenang nagaganap sa loob ng piitan at mga naiisip, hinaing at pangarap ng mga detenido.

Sina Jazmines at Sarmiento ay parehong mga konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan na dinakip ng militar, labag sa mga probisyon ng JASIG.

Itinuturing kapwa nina Jazmines at Sarmiento na bahagi ng kanilang pakikibaka ang pagpipinta, laluna sa panahong nakapiit sila at pinagkakaitan ng pagkakataong ipagpatuloy ang kanilang mga rebolusyonaryong gawain. Ang serye ng kanilang mga obra ay pinamagatang “Piitan, Loob at Labas.” Nagbukas ang eksibit noong Disyembre 18 at magsasara sa Disyembre 31.

Nagpiket naman sa harap ng Camp Crame ang mga kaibigan at kaanak ng mga bilanggong pulitikal na nakapiit doon.

-------------------

Terorismong Palparan, patuloy sa ilalim ni Aquino

Binati ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang pagsasampa ng Department of Justice ng kasong pagkidnap at iligal na detensyon laban kay Gen. Jovito Palparan noong Disyembre 16, ngunit anito'y hindi mapasusubalian na labis-labis ang pagkakaantala ng hakbanging ito. Si General Palparan ay kinasuhan kaugnay ng pagdukot at iligal na pagdetine noong 2006 kina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan, mga estudyante ng University of the Philippines at sa aktibistang magsasakang si Manuel Meriño. Hanggang ngayon ay hindi pa inililitaw ang mga biktima.

Kasamang kinasuhan ang mga tauhan ni General Palparan na sina Lt. Col. Felipe Anotado Jr., M/Sgt. Rizal Hilario at S/Sgt. Edgardo Osorio. Ipinag-utos naman ng Malolos Regio-nal Trial Court Branch 14 noong Disyembre 20 ang pagpapaaresto kay General Palparan, isang araw matapos siya magtangkang magtungo ng ibang bansa.

Bagamat mabuting bagay na idimanda at panagutin si General Palparan sa kaso ng pagdukot kina Empeño, ito ay maliit na bahagi lamang ng mahabang listahan ng brutalidad na dapat panagutan nina Palparan at mga su-sing upisyal ng rehimeng Arroyo. Dapat silang kasuhan ng malawakang paglabag sa karapatang-tao at mga makataong batas.

Tinukoy ng PKP na sa ilalim ng Oplan Bayanihan, patuloy na ipinatutupad ng AFP ang mga taktika ng terorismo na ginamit noon ni General Palparan. Sa tinaguriang "civil-military operation" ng AFP, patuloy ang pananalasa ng pasismo at tero-rismo sa pagpapataw ng curfew, blokeyo sa pagkain, paghihigpit sa pagkilos ng mga tao at iba pa. Patuloy din ang mga eks-trahudisyal na pamamaslang, pagdukot at iligal na pag-aresto.

Ito rin ang binatikos ng mahi-git 2,500 kataong nagtipun-tipon noong Disyembre 10 sa paanan ng Mendiola Bridge para gunitain ang ika-63 Pandaigdigang Araw ng Karapatang-Tao. Tinuligsa nila ang patuloy na mga paglabag ng rehimeng Aquino sa karapatang-tao at paghahasik ng terorismo sa balangkas ng Oplan Bayanihan. Binatikos din nila ang sunud-sunod na demolisyon sa mga komunidad ng mga maralita. Naglunsad ng katulad na mga rali sa mga syudad ng Davao, Iloilo, Bacolod, Cagayan de Oro at Cotabato. Nagrali rin ang mga Pilipino Sa Times Square sa New York City sa pangunguna ng BAYAN-USA.

Ang rali sa Mendiola ay bahagi ng limang-araw na protesta na sinimulan ng mga grupo ng kabataan mula Disyembre 6 para okupahin ang Mendiola. Ang protestang ito, na isinagawa sa estilong kampuhan, ay paulit-ulit at marahas na bi-nuwag ng mga pwersa ng pulis para pigilan ang mga estudyante na makalapit sa Malacañang. Noong Disyembre 7, apat na estudyante ang inaresto ng mga pulis subalit napilitan silang palayain kinabukasan matapos kundenahin ng mga upisyal ng UP at mga progresibong grupo ang pang-aaresto.

Humupa na lamang ang tensyon noong Disyembre 8 hanggang 10. Nakapagtayo ng kampo-protesta ang mga estudyante malapit sa Mendiola. Doon ay nakiisa sa kanila ang mga estudyante mula sa South-ern Tagalog, ang Kilusang Mayo Uno, Migrante International at mga magsasaka ng Hacienda Luisita. ~

--------------------

Aktibistang magsasaka, pinaslang sa Mindoro

Pinaslang ng mga pinaghihinalaang elemento ng 80th IB si Guillermo Castillo, 46, sa Sityo Tuguilan, Barangay Tayamaan, Mamburao, Occidental Mindoro noong Disyembre 13. Si Guillermo, myembro ng lokal na organisasyon ng mga magsasaka sa Mamburao ay binaril ng naka-bonnet na salarin sa harap ng kanyang asawa sa loob ng kanilang bahay. Siya ay kapatid ni Eulogio “Eli” Castillo, isa sa Morong 43—mga manggagawang pangkalusugan na iligal na inaresto at dinetine noong Pebrero 2010.

Matagal nang tinitiktikan ng militar sina Guillermo at iba pa nilang kaanak. Siya ang ika-66 na biktima ng ekstrahudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Aquino.

-----------------------

702nd Bde, 10 araw na nanalasa sa NE at Aurora

Pinerwisyo ng mga elemento ng 48th, 81st at 56th IB at 72nd DRC sa ilalim ng 702nd Bde ang mga residente ng mga bayan ng Gabaldon, Bongabon at Laur, Nueva Ecija at ang hangganan ng Nueva Ecija at Aurora mula Nobyembre 25-Dis-yembre 5.

Sa Sityo Baong, Barangay Labi, Bongabon,  natigil ang masa sa hanapbuhay na pangangalap ng kahoy sa bundok na kanilang tanging ikinabubuhay dahil sa takot matapos sila pagbawalan ng militar na umahon. Nang wala namang makitang mga Pulang mandirigma  ang militar sa lugar, sinunog nila ang tatlong kubo ng mga magkakahoy.
Kinuha rin ng mga sundalo ang mga pagkain, damit at kumot ng masa.

-------------------

6 araw na tigil-putukan, idineklara ng PKP

Ibinaba ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at ng Komisyong Militar nito ang kautusan sa lahat ng kumand at yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at mga milisyang bayan na ipatupad ang tigil-putukan mula alas-12 ng umaga ng Disyembre 24 hanggang als-12 ng gabi ng Disyembre 26 at mula alas-12 ng umaga ng Disyembre 31 hanggang als-12 ng gabi ng Enero 2, 2012.

Ang tigil-putukan ay pakikiisa sa tradisyunal na pagdiriwang ng mamamayang Pilipino ng Pasko at Bagong Taon. Magbibigay-daan din ito sa paggunita sa ika-43 anibersaryo ng pagkakatatag ng PKP sa Disyembre 26.

May partikular na kabuluhan ang tigil-putukan sa pagbibigay pagkakataon sa mga Pulang mandirigma at rebolusyunar-yong pwersa sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad kamakailan na pakilusin ang masa para muling makabangon.

Sa nabanggit na mga panahon ay titigil at hindi maglulunsad ng mga opensibang ope-rasyon ang lahat ng mga kumand at yunit ng BHB at mga milisyang bayan laban sa mga armadong yunit at tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at mga pwersang paramilitar ng Gubyerno ng Pilipinas (GPH).

Sa mga panahong ito, ang mga upisyal at kasapi ng AFP at PNP na walang malalang kasalanan sa mamamayan ay pahihintulutang makapasok sa teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan upang makadalaw sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.

Habang ipinatutupad ang unilateral na tigil-putukan, dapat nasa depensibong postura ang lahat ng kumand at yunit ng BHB at milisyang bayan sa estratehiko at taktikal na antas.
Dapat silang maging mapagbantay laban sa anumang pagsalakay sa teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan, surbeylans o mga opensibong operasyon ng mga armadong kumand at yunit ng GPH. Ipatutupad lamang ang aktibong pagdepensa sa sarili kung may malinaw at kagyat na peligro.

Pinaalalahanan din ang mga kumand at yunit ng BHB at milisyang bayan na sa kabila ng naunang deklarasyon ng tigil-putukan ng Gubyerno ng Pilipinas, ang mga yunit ng armadong pwersa ng kaaway at pulisya ay nagpapatuloy sa kanilang surbeylans at operasyon para kontrolin ang mamamayan alinsunod sa gerang mapanupil na Oplan Bayanihan. Ang lahat ng rebolusyonaryong pwersa ay hinihikayat na mahigpit na magbantay sa mga mapang-away na aksyon o kilos ng kaaway, ipaabot ito sa kinauukulang kumand ng BHB at sa pamunuan ng PKP at National Democratic Front of the Philippines.

--------------------

PKP, nakiramay sa mga biktima ng bagyong Sendong

Nagpaabot ng pakikiramay noong Disyembre 18 ang Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa daanlibong mamamayan ng Mindanao at Visayas na sinalanta ng bagyong Sendong noong Disyembre 17-18. Kasabay nito, binatikos ng PKP ang mga upis-yal ng gubyernong Aquino dahil sa paninisi nila sa mamamayan na hindi raw nakinig sa mga babala. Halos 1,000 na ang patay at mahigit 400 ang nawawala, ayon sa pinakahuling tala. Karamihan ng mga namatay ay nalunod sa malalalim na baha sa mga syudad ng Cagayan de Oro at Iligan. Mahigit 30 katao rin ang namatay sa ilang lugar sa Negros Oriental.
Ang iba pang apektado ng kalamidad ay ang kanayunan, kalunsuran at baybaying lugar ng Northern Mindanao, kabilang ang mga prubinsya ng Surigao, Agusan, Zam-boanga, Lanao, Bukidnon, Davao del Norte, Davao Oriental at Compostela Valley at mga isla ng Siargao, Dinagat at Camiguin. Binaha rin ang mga syudad ng Dumaguete, Valencia at Tanjay sa Negros Oriental.

Nilampasan ng bagyong Sendong ang bilang ng mga biktima na naitala noon sa bagyong Ondoy. Ipinapakita nito na bigo ang gubyerno na sapat na paghandaan ang mga dumarating na kalamidad. Anang PKP, hindi pwedeng pagtakpan ng gubyerno ang kapabayaan nito sa pagbubunton ng sisi sa mamamayan.

Ang matinding hagupit ng bagyong Sendong, anang PKP, ay resulta ng malawakang pagkakalbo ng kabundukan at pagkapal ng latak sa mga ilog na nagbunsod ng mabilis na pag-awas ng tubig. Muling hinihingi ng ganuong kalagayan ang kagyat na pagtigil sa walang pakundangang pagsira sa kalikasan ng mga real estate developer at malalaking plantasyon, minahan at trosohan.

Ayon sa PKP, maaaring magpasya ang kinauukulang panrehiyong kumand ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) na pansamantalang itigil ang mga taktikal na opensiba upang maituon ang pansin sa pagpapakilos ng masa sa pagsisikap na muling makabangon mula sa pinsalang tinamo sa malaking kalamidad.

-------------------------

Ambus sa Antique at harasment sa Leyte

Naglunsad ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) ng ambus sa Antique at aksyong harasment sa Leyte nitong ikalawang linggo ng Disyembre.
Nakasamsam ang mga Pulang mandirigma sa ilalim ng Napoleon Tumagtang Command (BHB sa Southern Front ng Panay) ng tatlong malalakas na armas sa ambus nito laban sa militar at paramilitar noong Disyembre 9 sa Sityo Igbaklag, Barangay Aningalan, San Remigio, Antique.

Ayon sa mga panimulang ulat, nagsasagawa ng clearing operations ang pito-kataong yunit sa ilalim ng 12th IB ng Philippine Army "Cadre Battalion" sa mabundok na bahagi ng San Remigio nang sila ay tambangan. Nasamsam ng BHB ang isang M14, isang M16, isang karbin at mga bala. Nakumpiska rin ang radyong pangkomunikasyon ng kaaway.

Ang mga napatay ay sina Cpl. Absalom Labitan, kumander ng detatsment ng 12th IB sa Barangay Aningalan at dalawang elemento ng Civilian Armed Auxiliary (CAA).

Samantala, sa Leyte, pinaulanan ng bala ng mga Pulang mandirigma na nasa ilalim ng Mt. Amandewin Command (BHB-Leyte) ang nag-ooperasyong tropa ng 78th IB sa bayan ng Burauen noong umaga ng Disyembre 11. Ang aksyong harasment laban sa militar ay inilunsad sa pagitan ng Barangay Ro-xas at Barangay Villa Aurora ng nasabing bayan, ayon sa ulat ng Efren Martires Command (BHB-Eastern Visayas). Bahagi ito ng pagsuporta ng hukbong bayan sa pakikibaka ng mga mamamayan ng Roxas at iba pang barangay laban sa operasyong militar na naglalagay sa kanila sa panganib at bumubulabog sa kanilang kabuhayan.

Inireklamo na ng mga taumbaryo sa alkalde ng Burauen ang militarisasyon ng kanilang mga lugar na sinimulan ng 4th Special Forces Company noong katapusan ng Nobyembre at ipinagpatuloy ng 78th IB, subalit wala itong ginawan hakbang.

Pinabubulaanan ng aksyong harasment ang deklarasyon ng AFP na wala na umanong mga armadong rebolusyonaryong pwersa sa Leyte.

--------------------

Antipyudal na pagkilos sa Cagayan Valley, matagumpay

Matagumpay ang panrehiyong kampanya ng Cagayan Valley para bigyan ng kaluwagan ang mamamayang nasalanta ng sunud-sunod na kalamidad. Nakamit nila ito sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga sama-samang pagkilos para igiit ang kanilang mga karapatan. Dulot nito, napaunlad nila ang kanilang kabuhayan at nakatamo ng bahagyang kaginhawaan.

Noong Oktubre 2 hinarap ng mga magsasaka ang mga lokal na negosyante-usurero sa Lasam, Cagayan para igiit na bigyan sila ng kaunting kaluwagan sa pagbabayad ng utang. Ito ay sa harap ng pagkasira ng kanilang mga pananim dulot ng sunud-sunod na bagyo.

Nagtapos ang kumprontas-yon-dayalogo sa pagpirma ng kasunduang napagkaisahan ng dalawang panig. Sa harap ng mga kinatawan ng lokal na gubyerno ng Lasam, mga negosyante ng Lasam, mga ka-sapi ng Kagimongan at Anakpawis-Cagayan at mga kinatawan ng Alyansa Dagiti Mannalon ti Ili Ti Piat, Rizal, Sto. Niño ken Lasam, kasama ang humigit-kumulang 500 magsasaka, napagtagumpayan ang mga sumusunod:

Hindi magbabayad ng interes sa utang mula second cropping ng 2009, first at second cropping ng 2010 at first at second cropping ng 2011 dahil sa salantang idinulot ng mga bagyong Ondoy, Pepeng at Juan. Bukod dito ay nasira rin ang pamumulaklak ng mga ta-nim na palay nitong first cropping ng 2011 dahil sa sobrang lamig at basa na idinulot ng bagyong Mina. Babayaran ng mga magsasaka ang prinsipal na utang. Pero liliban muna sa pagbayad ang mga nasiraan ng 50% o mahigit pa ng kanilang mga tanim/produkto. Saka na lamang sila magbabayad ng prinsipal kapag nakabawi na sila.
Kaugnay ng porsyento sa pautang, 16% lamang ang interes na ipapataw bawat cropping sa utang na materyales tulad ng abono at pestisidyo at `15 sa bawat `1,000.00 utang na cash bawat cropping ang ipapatong. Hindi rin paiiralin ang sistemang “compounded interest” (o ang pagpapatung-patong ng interes sa pautang).

Ang pagkilos ay bahagi ng panrehiyong kampanya para sa Calamity Demand.

Kaugnay ng presyo ng mais at palay, `1.00 lamang ang maaaring idagdag ng mga komersyante sa presyo bawat kilo ng palay at mais, batay sa umiiral na presyo sa merkado sa panahon ng pagbebenta. Sa partikular, dapat ay `11.50 ang isang kilo ng mais sa Isabela at sa bayan ng Lasam ay `10.50.

Sa klasipikasyon ng mga produkto, dalawang klase lamang dapat ito— dry at fresh weight sa panahon ng main cropping. Kung tag-ulan ay pwedeng maging iba-iba ang klasipikasyon ng palay at mais, depende sa uri o variety nito. Hindi dapat pagbawalan ang mga dayuhang komersyante na pumasok sa lugar para mamili ng produkto ng mga magsasaka lalo na kung mas mataas ang iniaalok nilang presyo.

Matamang pinaghandaan ng mga magsasaka ang kumprontasyon. Bago ito, nagsagawa sila ng malawakang kampanya para ipaalam at ipaunawa sa mamamayan ang kanilang mga hinaing hanggang sa mga bayan Rizal, Sto. Niño at Lasam. Katulong ng ibang mga magsasasaka, nagpamudmod sila ng mga flyer at polyeto. Gumawa rin sila ng mga plakard at banner na ang ilan ay isinakay sa balsa at ipinaanod sa ilog. Naglunsad sila ng maliitang pagkilos upang kalampagin ang bawat bodega ng mga negosyante at para imbitahan na rin ang mga ito na dumalo sa gaganaping kumprontasyon-dayalogo. Isang araw bago ang dayalogo ay nagsalita sila sa radyo upang ilahad at ipaliwanag ang kanilang laban at para mang-imbita na dumalo sa gagawing dayalogo.

Sa dayalogo, iginiit din ng mga magsasaka ang pagpapa-tupad ng mga napagkasunduan noon pang 2004 pero hindi igi-nagalang ng mga negosyante-usurero. Kabilang dito ang kasunduang dapat libre ang sako at hindi na iawas ang halaga nito sa ibinabayad para sa produkto ng mga magsasaka. Dapat ding timbangin muna ang mga produktong nakasako bago butasan ang mga ito para suriin ang kalidad. Dapat libre ang paghakot sa haywey (mula Aba-riongan Uneg, Intic, Sicalao hanggang Centro Lasam). Dapat ihinto ang pang-iilit at rekisitong kolateral (sa anyo ng titulo ng lupa, kalabaw o bahay) at itigil ang pagsasampa ng kaso sa korte laban sa mga magsasakang hindi makabayad ng utang.

Ang kampanya sa relief at rehabilitasyon matapos ang bagyo ay kinabibilangan din ng pagkuha ng nararapat na suplay at pondo mula sa mga ahensya ng pamahalaan para sa mga magsasakang naging biktima ng kalamidad. Nabenepisyuhan dito ang 4,223 pamilya mula sa Isa-bela at Nueva Vizcaya.

Iba pang kilos-masa sa Cagayan Valley. Nitong huling kuwarto ng 2011, tuluy-tuloy ang pagkilos ng mga magsasaka sa Isabela sa pamamagitan ng mga pamprubinsyang organisasyon nila gaya ng Danggayan dagiti Mannalon ti Isabela (DAGAMI) at AMADA (Alyansa dagiti Mannalon a Mapapaidaman ti Daga o Alyansa ng mga Magsasakang Napagkakaitan ng Lupa). Kabilang sa mga pagkilos nila ay ang mga sumusunod:

Sama-samang bungkalan. Inilunsad ang sama-samang bungkalan sa Alicia, Isabela noong Nobyembre 10 upang bawiin ang lupang kinamkam ng usurero at binarikadahan ng sheriff at dating pulis. Bago ito ay nagdikit sila ng mga poster sa buong sentro ng Alicia bilang pagsuporta sa bungkalan.

Caravan para sa kapayapaan at repormang agraryo. Naglunsad ng caravan noong Setyembre 19 upang ipanawagan ang kapayapaan at pagtigil sa malawakang pangangamkam ng lupa mula sa mga magsasaka. Dumalo ang mga magsasaka mula sa Cordon, San Mateo at Alicia, Isabela at mga taong-simbahan. Bago ito, nailunsad ang Peasant-Lawyers-Church Forum for Genuine Agrarian Reform noong Setyembre 13 na nilahukan ng mga abugado at taong-simbahan na sumusuporta sa kilusang magsasaka.

Paglahok sa malalaking mobilisasyon. Naglunsad ng caravan noong Oktubre 15 ang mga magsasaka mula sa mga bayan ng Dupax, Bagabag, Solano sa Nueva Vizcaya; Nagtipunan, Maddela at Saguday sa Quirino; at Cordon, San Mateo, Echague, Jones at Alicia, Isabela. Nagtipon sila sa Cordon at nagmartsa papuntang Santiago City, kabisera ng Isa-bela kung saan sila nagdaos ng piket-rali. Pagkatapos nito ay tumuloy ang lahat para lumahok sa caravan sa Tuguegarao City, kabisera ng Cagayan para sa kampuhan/rali. Kahit katatapos lamang ng mga bagyo at hirap ang kalagayan ng mga magsasaka, ay nakadalo pa rin dito ang halos 400 katao.

Sumama sa mobilisasyon ng Linggo ng mga Magsasaka noong Oktubre 15-22 sa Mendiola ang halos 100 katao mula sa iba’t ibang bayan ng Isabela, Nueva Vizcaya at Quirino. Sa nasabing pagkilos, hinuli ng mga magsasaka ang tatlong ahenteng paniktik na nais manggulo at manakot sa mga magsasaka. Kinuha nila ang baril at mga cellphone ng nasabing mga ahente.

Pagkilos ng kababaihan. Noong Oktubre 28 ay matagumpay na nakapagrali-martsa sa sentro ng Santiago ang halos 700 aktibistang kababaihan. Karamihan sa mga dumalo sa pagkilos na ito, na paggunita sa pandaigdigang araw ng kababaihan sa kanayunan, ay mula sa mga tsapter ng GABRIELA sa prubinsya. Dumalo rin dito ang ilang bago at mahuhusay na lider ng kababaihang malamanggagawa.

----------------

Dinastiyang Dy, binatikos ng NDF-Cagayan

Mariing binatikos ng National Democratic Front-Cagayan ang desisyon ng Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan na bumili ng mga armas na nagkakahalaga ng `30 milyon. Ani Salvador del Pueblo, tagapagsalita ng NDF-Cagayan, ang naturang mga armas ay gagamitin lamang sa pribadong hukbo ni Gov. Faustino “Bodjie” Dy III at iba pang pwersang mapanupil upang palakasin ang paghahari ng kanilang dinastiyang pampulitika sa Isabela.

Para pagtakpan ang pagtatayo ng pribadong hukbo, hangal na isinasangkalan ni Dy na nangangailangan umano ng proteksyon ang mga susing instalasyon at upisina ng Isabela. Ang tunay na dahilan ng pag-aarmas ay upang matupad ang plano ng rehimeng Aquino na paigtingin ang paniniktik at pandarahas sa mamamayang Pilipino na tumututol sa pagpapahirap ng kasalukuyang sistema.

Kabilang dito ang pagdaragdag ng pwersa sa lunsod at kanayunan—halimbawa ang Police Auxiliary Force sa mga baryo, at Public Order and Safety Units sa mga bayan. Itong lahat ay kasangkapan ng dinastiya sa panunupil sa mamamayan. Paghahanda rin ito ng dinastiyang Dy para sa susunod na eleksyon laban sa mga kaaway sa pulitika at pagpapatigas ng mapanupil na paghahari.

Ani Del Pueblo, hindi makalulutas ang pagbili ng armas sa matinding problema ng kagutuman, kawalan ng disenteng tirahan, kakulangan ng serbisyong pangkalusugan at iba pang pangangailangan lalupat natamaan ng bagyong Pedring at Quiel ang mamamayan. Maraming mga magsasaka ang nasiraan ng mga pananim, bahay, paaralan, tulay at iba pang imprastruktura dulot ng naturang mga kalamidad. Libu-libong mga Overseas Filipino Workers na mula sa Middle East ang nawalan ng hanapbuhay at nangangailangan ng pagsasanay at kapital para makapagsimula uli. Ito ang dapat paglaanan ng pondo, hindi ang pagpapalakas ng pribadong hukbo, panapos ni Del Pueblo.

---------------------------

Mga pantalan ng US at Canada, naparalisa ng welga

Matagumpay na napahinto ng mga aktibista ng kilusang Occupy ang operasyon ng mahigit sampung malalaking pantalan sa kanlurang bahagi ng US at Canada noong Disyembre 12. Ito'y sa kabila ng matinding panunupil ng mga pulis at kampanyang panghahati ng gubyerno.

Pinamunuan ang koordinadong welga ng mahigit 12 grupo ng Occupy Wall Street (OWS) na nakabase sa kanlurang bahagi ng US na may malakas na suporta mula sa mga manggagawa sa pantalan at mga drayber ng malalaking trak. Sinabayan din ito ng iba't ibang porma ng aksyong masa tulad ng blokeyo, piket, martsa at rali na inilunsad ng mahigit 40 grupong sumusuporta sa kilusang Occupy sa US, Canada at Tokyo, Japan.

Inilunsad ang welga para kundenahin ang nagpapatuloy na marahas na pang-aatake sa mga aktibista at pangwawasak ng mga pulis sa mahigit 60 kampo ng kilusang Occupy sa buong bansa.

Paralisado nang 24 oras ang pantalan ng Oakland, California nang harangin ng mahigit 10,000 nagprotesta ang mga daanan at terminal nito. Kalahating araw ding paralisado ang mga pantalan ng Portland, Oregon; Longview, Seattle; Houston, Texas; at Vancouver, Canada. Bahaging naparalisa nang dalawa hanggang tatlong oras ang mga pantalan ng Long Beach, Los Angeles at San Diego, lahat sa California. Sa Anchorage, Alaska, nagrali ang mga aktibista sa hanay ng mga manggagawa sa pantalan.

Ang mga pantalan ng Los Angeles, Long Beach at Oakland ay kabilang sa limang pinakaabala sa US habang ang sa Vancouver ang pinakamalaki sa Canada at sa buong West Coast ng North America.

----------------------

Pinakamodernong drone ng US, pinabagsak ng Iran

Pinabagsak ng mga armadong pwersa ng Iran ang isa sa pinakaabanteng unmmaned aerial vehicle o drone ng US noong Disyembre 4 sa Kashmar, silangang bahagi ng Iran. Ito'y ginagamit sa pang-eespiya ng US mula sa himpapawid laban sa Iran.

Ang drone na ibinagsak ay isang RQ-170 Sentinel. Tinatawag itong stealth drone dahil mahirap itong masubaybayan ng radar. Halos wala itong mga pyesang bakal at ginamitan ng espesyal na klase ng pintura para hindi makita ng radar. Epektibo itong maniktik mula sa himpapawid kahit sa layong 50,000 pye mula sa target dahil sa high-tech na mga sensor, video camera at iba pa. Ang disenyo ng pakpak nito ay tulad ng sa paniki para pleksible itong makapagmaniobra sa makikitid na ruta tuwing mababa ang lipad nito.

Mas naging kahiya-hiya para sa US ang pangyayari nang lumabas na napabagsak ang drone sa pamamagitan ng electronic ambush o pagsapaw sa elektronikong kontrol ng US dito. Kaya ito napabagsak nang bahagya lamang ang pinsala rito.

Ayaw tanggapin ng Central Intelligence Agency ang pangyayari sa kabila ng pormal na hiling ni Pres. Barack Obama ng US na ibalik ng Iran ang pinabagsak na drone. Hindi ito pinayagan ng Iran. Bagkus ay nagprotesta ito sa United Nations at inakusahan ang US ng paglulunsad ng mga probokatibo at lihim na aksyong labag sa internasyunal na batas.

Mula nang bansagan ng US ang Iran bilang bahagi ng “sentro ng kasamaan” (axis of evil) noong 2003 ay dumalas na ang pagmamanman dito ng US mula sa himpapawid. Ikatlong beses nang nakapagpabagsak ng drone ng US ang Iran ngayong taon. Nauna nang nakapagpabagsak ito noong Enero at Hulyo.

----------------

Mga manggagawa, nagpiket sa DOLE laban sa kontraktwalisasyon

Nagpiket sa harap ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga kasapi ng Kilusang Mayo Uno noong Disyembre 16 para batikusin ang pinakahuling kautusan nito na sumusuhay sa malawakang kontraktwalisasyon sa bansa. Taliwas sa ipinangangalandakan ng DOLE na “pipigilan” ng DO 2008-A Series of 2011 ang kontraktwalisasyon sa bansa, wala itong inihahapag na aksyon maliban sa pagtukoy kung sinu-sino ang mga “lehitimong” kontraktor at sub-contractor. Malinaw na pakana lamang ng DOLE at ng rehimeng Aquino ang kautusang ito para gawing katanggap-tanggap ang kontraktwalisasyon.

Ayon sa KMU, umaalinsunod ang pinakahuling kautusan ng DOLE sa kontra-manggagawang patakaran ng rehimeng Aquino. Nitong taon, lalong lumaganap ang kontraktwalisasyon nang magdesis-yon ang rehimen at ang Korte Suprema laban sa mga manggagawa ng Philippine Airlines.

Sa kaugnay na balita, ipinanawagan ng KMU na bigyan ng hustisya at kumpensasyon ang limang manggagawa ng SM na malubhang nasugatan sa isang aksidente noong Disyembre 15 sa Davao City. Kinukumpuni noon ng mga manggagawa ang isang bahagi ng gusali ng SM nang bumagsak ang canopy na kinatatayuan nila. Nangangamba ang KMU na mahahalintulad ang kanilang kaso sa mga manggagawang nasawi sa isang aksidente ng Eton Properties noong Enero. Hanggang ngayon ay tumatanggi ang Eton Properties na magbayad ng danyos sa mga pamilya ng mga biktima sa pagdadahilang hindi nila re-gular na mga manggagawa ang mga nasawi.

Kontraktwal ang halos lahat ng mga manggagawa ng SM na pag-aari ni Henry Sy, isa sa mga kroni ng rehimeng Aquino.

Samantala, inilunsad naman ng mga Overseas Fi-lipino Workers (OFW) ang “Zero Remittance Day” (ZRD) noong Disyembre 18. Sa pangunguna ng Mig-rante, hindi sila nagpadala ng kanilang kita sa loob ng araw na iyon. Nakasandig ang lokal na ekonomya sa remitans ng mga OFW, kaya anumang palya sa daloy nito ay tiyak na may epekto sa mga operasyon ng malalaking negosyante, bangko at maging ng reaksyunaryong gubyerno.

Ayon sa Migrante, ang pagkakait ng kanilang kita kahit sa loob lamang ng isang araw ay protesta sa pagbalewala ng rehimeng Aquino sa kanilang kalagayan sa ibang bansa. Ang “Zero Remittance Day” ay reaksyon din ng mga migrante sa kainutilan ng rehimen na salbahin ang mga nanganganib na manggagawa, katulad ng migranteng nahatulan ng kamatayan sa China noong Disyembre 8.