Ibayong palakasin ang Partido at isulong ang digmang bayan

Komite Sentral, Partido Komunista ng Pilipinas
Disyembre 26, 2011
I-download ang PDF

Walang hanggang kagalakang ipinagdiriwang natin ngayong araw ang ika-43 anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at lahat ng mga napagtagumpayan natin mula noon sa demokraratikong rebolusyon ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalismong US at lokal na mga nagsasamantalang uring malalaking komprador at panginoong maylupa.

Nagbibigay-pugay at parangal tayo sa lahat ng kadre at kasapi ng Partido at sa lahat ng rebolusyonaryong pwersa at buong sambayanan para sa lahat ng pagpupunyagi at sakripisyo nila sa pagkakamit ng mga tagumpay ng rebolusyon. Maalab nating purihin at pamarisan ang ating mga rebolusyonaryong martir at katangi-tanging mga bayani.

Mula noong nakaraang taon, nakamit natin ang makabuluhang mga tagumpay sa ating gawaing pang-ideolohiya, pampulitika at pang-organisasyon. Nagtamo tayo ng mayor na mga tagumpay sa pagtupad ng mga rekisitong pampulitika para maisakatuparan ang plano nating sumulong mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Napatatag natin ang pampulitikang pundasyon para sa pagpapaigting ng digmang bayan.

Bunga nito, nakapaglunsad ang BHB ng paparaming mga taktikal na opensiba sa kabila ng matagalan at malalaking opensibang militar ng papet na pasistang estado. Nagdulot ito ng nakamamatay na bigwas sa kaaway at nakasamsam ng mga sandata para magkapagbuo ng dagdag na mga panlabang yunit. Nakapaglunsad ito ng malaganap at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa.

Napakapaborable ng mga kundisyon ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ng naghaharing sistema sa Pilipinas para sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan at para tuparin sa di katagalan ang planong sumulong mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Lubos nating samantalahin ang lalong paglala at paglalim ng krisis.

Sirang-sira na ang monopolyong kapitalismo at mga patakarang neoliberal. Panahon na para paigtingin ng proletaryado at mamamayan sa Pilipinas at buong mundo ang kontra-opensiba laban sa imperyalismo at reaksyon. Pasulong tayong magmartsa sa pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya at makipagkaisa sa pandaigdigang kilusang anti-imperyalista at sosyalista.

I. Ang nagtatagal at lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo

Nitong nagdaang mga dekada, tulak ng paghahabol ng tubo at kompetisyon, ang mga monopolyo kapitalista sa iba't ibang bansa ay gumamit ng bagong teknolohiya at nagpalitaw ng bagong mga produkto sa pamilihan bilang kinakailangang hakbangin para sa pagpapalago ng kapital. Ang paggamit ng mas matataas na antas ng teknolohiya ay nagpasidhi ng kontradiksyon sa pagitan ng panlipunang katangian ng produksyon at ng pribadong katangian ng pag-aangkin ng kapitalistang ekonomya.

Gumamit ang monopolyong burgesya ng teknolohiyang pang-impormasyon at iba pang teknolohiya upang itaas ang produktibidad at pabilisin ang paglikha ng tubo at pagpapalawak ng kapital sa pamamagitan ng pagbawas ng sahod na ibinabayad sa uring manggagawa. Ginamit din nito ang mas mabilis na paraan ng transportasyon at komunikasyon para pabilisin ang pangangalakal ng mga produkto at serbisyo at pagpapalaganap ng ideolohiya at propaganda ng monopolyong kapitalismo na karaniwang gumagamit ng lenggwaheng petiburges.

Sa harap ng paulit-ulit at lumalalang krisis ng sobrang produksyon at ng tendensyang pagbaba ng tantos ng tubo, gumamit din ang monopolyong burgesya ng teknolohiyang pang-impormasyon para pabilisin ang mga transaksyong pampinansya at magpalitaw ng kung anu-anong mga instrumentong pampinansya na nakalutang sa tunay na ekonomya. Sa gayo'y napabilis nito ang paghuthot ng supertubo at ang pagpapalawak ng hungkag na kapital. Itinulak nito ang pinansyalisasyon ng US at ibang pinakaabanteng bansang kapitalista at ang pagpaimbulog ng pampinansyang oligarkiya sa tuktok ng monopolyo kapitalistang sistema.

Ang neoliberal na patakaran ng "globalisasyon ng malayang pamilihan" ay pinaiiral kaalinsabay ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at ng pag-uulit ng palalang mga krisis sa ekonomya at pinansya. Inihatid nito ang kapitalistang sistema sa malayong mas malalang krisis kumpara sa inilarawang "stagflation" noong dekada 1970. Pinabilis nito ang pagkamal at konsentrasyon kapwa ng produktibo at pampinansyang kapital sa kamay ng monopolyong burgesya, laluna ng oligarkiya sa pinansya.

Mula nang itaguyod ang patakarang neoliberal, na pinalalabas ng monopolyo kapitalismo na malayang-pamilihang kapitalismo, niyanig ang pandaigdigang sistemang kapitalista ng magkakasunod na krisis. Bago mag-2008, ang bawat krisis ay mistulang nalulutas ng ibayong pagpapalawak ng suplay ng pera at malakihang pagpapautang sa antas ng estado, mga korporasyon at mga indibidwal. Hindi pa nakikita ng mundo ang buong pinsalang maidudulot ng kabuuang US$600 trilyong pampinansyang instrumento na pinalitaw ng mga bangko at institusyon sa pamumuhunan nitong nagdaang mga dekada.

Sinasabi noon na ang lahat ng problema'y malulutas sa pagbubuhos ng pera mula sa mga bangko sentral. Mula nang maganap ang pampinansyang pagkalusaw noong 2008, lalong naging litaw na ang pang-aabuso ng pampinansyang kapital para lutasin ang krisis ng sobrang produksyon ay may mga hangganan at humahantong sa mga krisis na maikukumpara sa Great Depression. Nalagpasan ang mga hangganang ito sa paglalaan ng ilang trilyong dolyar (US$7.7 trilyon sa US pa lamang) para isalba ang mga bangko at korporasyong tinamaan ng krisis at para palabasin sa kanilang mga libro de kwenta na sila'y tumutubo.

Ang mga pagsalbang ito ay lumikha ng ilusyon ng muling pagbangon ng mga pamilihang pampinansya habang patuloy na sumasadsad ang produksyon at lumalaki ang disempleyo sa mismong sentro ng pandaigdigang kapitalismo. Subalit ang krisis pampinansya na lumitaw mula sa dagdag na pagpapautang ay nag-aanyo ngayong napakalaking depisit at utang ng estado. Pinalalala ito hindi lamang ng dambuhalang halaga ng perang ipinansalba sa mga bangko at korporasyon kundi pati ng tuluy-tuloy na pagkaltas sa buwis ng mga korporasyon at mayayaman at lumalaking gastusin sa burukrasya at militar habang kinakaltasan ang mga gastusin sa serbisyong panlipunan.

Ang tugon ng mga internasyunal na bangko at imperyalistang estado sa krisis ng pampublikong depisit at utang ay magpataw ng mga hakbanging pagtitipid at kaltasan ang gastusing panlipunan, bagay na nagsasalin ng bigat ng krisis sa balikat ng mamamayang nagdurusa na sa napakataas na antas ng disempleyo, lubhang pinaliit na kita at pagsirit ng presyo ng mga produkto at serbisyo. Pinalalala at pinalalalim lamang ng mga hakbanging pagtitipid ang krisis sa ekonomya dulot ng dogmatikong pagpapatupad ng mga patakarang neoliberal at tigas-ulong pagtangging magpatupad ng mga hakbanging pampinansya na tuwirang magbubunsod ng empleyo, bubuhay muli sa pamilihan at magtutulak ng produksyon. Mula 2009, paulit-ulit na iginigiit ng mga imperyalista na ang pandaigdigang ekonomya ay patungo na sa pagbangon. Ngunit nagpapatuloy ang krisis at may nagbabanta nang panibagong pagdausdos. Maging ang mga ekonomya ng Brazil, Russia, India, China at South Africa (BRICS) na mas mahusay ang katayuan kumpara sa mga kapangyarihang industriyal sa panahon nitong krisis at ipinagpalagay na magiging alternatibong makina ng pag-unlad, ay may mga palatandaan na ngayon ng paghina.

Lahat ng imperyalistang bansa ay lugmok sa krisis ng pampublikong depisit at utang at ng bumabagsak na halaga ng mga salapi, laluna ng dolyar ng US at ng Euro. Katulad ng mga bansa sa Third World, palagian silang nasa bingit na sumala sa pagbabayad at pagkabangkrap subalit pansamantalang nakagiginhawa dulot ng bagong pangungutang na lalong naglulubog naman sa kanila sa kumunoy ng utang. Ang pagpataw ng mga hakbanging pagtitipid sa kapinsalaan ng mamamayan ay nagbubunsod ng dambuhalang mga protesta at kaguluhang panlipunan sa ilang mga bansang imperyalista.

Ang malalalang krisis sa ekonomya at pinansya ay nagtutulak sa mga imperyalistang bansa na pabilisin ang produksyong pandigma at maglunsad ng mga gerang agresyon. Layunin nila na itulak ang produksyon ng industriyang militar at palawakin ang teritoryong pang-ekonomya sa pamamagitan ng pagbabanta at paglulunsad ng mga gerang agresyon. Mula 2001, gumastos na nang mahigit US$4 trilyon ang US sa mga gerang agresyon, bukod pa sa napakalaking gastusin para sa tinatawag nitong "homeland security" o panloob na seguridad.

Sa ilalim ng paghahari ng patakarang neoliberal sa ekonomya at ng nagpapatuloy na impluwensya ng neo-konserbatibong patakarang militar, mas mabilis ang pagpapakawala ng US at mga bansa sa NATO ng mga gerang agresyon, kabilang ang sa Balkans, West Asia, Central Asia at Africa mula nang matapos ang Cold War noong 1991. Ang pinakadiin ng mga gerang ito ay saklutin ang mga pamilihan at larangan ng pamumuhunan, kontrolin ang pinagkukunan at ruta ng langis at iba pang mga likas na yaman at magtayo ng mga papet na gubyerno.

Itinutulak ng mga reaksyunaryong partidong pampulitika na nagsisilbi sa mga monopolyo kapitalista ang jingoismo o pang-uupat ng gera at pagpapakulo ng isterya ng digma at ikinukubli ang mga ugat ng krisis sa ekonomya sa pang-uupat din ng sobinismo, rasismo, panatisismong relihiyoso at xenophobia laban sa mga migranteng manggagawa, Muslim at imigrante. Ginagamit nila ang mga reaksyunaryong agos na ito upang kontrahin ang anti-imperyalista at maka-sosyalistang mga pwersa na muling binuhay ng krisis. Nagpapalakasan ngayon ang mga maka-imperyalista at anti-imperyalistang pwersa sa mga industriyal na kapitalistang bansa.

Sa anu't anuman, ang papalalang kalagayang pang-ekonomya at panlipunan sa mga imperyalistang bansa ay tuluy-tuloy na nagbubunsod ng kilusang protesta ng mamamayan. Sumiklab ang mga gahiganteng aksyong protesta ng masa sa Greece, Portugal, Spain, Italy, United Kingdom at ibang bansa sa Europe. Lumitaw ang kilusang Occupy sa Wall Street at kumalat sa maraming syudad sa loob at labas ng US. Tuluy-tuloy na tumataas ang kamulatan ng uring manggagawa sa pangangailangan ng makauring pakikibaka laban sa monopolyong burgesya na malaon nang umaapi sa kanila. Sapat-sapat ang paborableng kundisyon para umunlad ang mga suhetibong pwersa ng rebolusyon.

Ang nagtatagal na't palalang krisis sa ekonomya at pinansya sa mga imperyalistang bansa ay may mabigat at masamang epekto sa buong mundo sa usapin ng pagliit ng mga order at eksport, pagbaba ng produksyon at paghigpit ng pandaigdigang pautang. Isang depresyong pang-ekonomya ang lumulukob sa buong mundo, laluna sa mga atrasadong bansa, na bumubwelta naman sa mga imperyalistang bansa.

Napakahigpit ng hinihingi ng mga imperyalistang kapangyarihan, ng mga dayuhang bangko at korporasyon, sa mga kliyenteng estado. Nagpapataw sila ng lalo pang mabigat na pautang at ginagamit iyon para agawin ang mga ari-ariang pampubliko at pribado at dambungin ang likas na yaman ng bansa. Isinusuko ng mga papet na gubyerno ang mga lokal na ari-ariang kapital, lupa at iba pang likas na yaman sa napakamurang halaga.

Higit kailanman, ang mga imperyalistang kapangyarihan ay natutulak sa panghihimasok-militar at mga gerang agresyon upang mapasakamay ang murang mapagkukunan ng mga hilaw na materyales, mga pamilihan, larangan ng pamumuhunan at saklaw ng impluwensya. Lumalaki ang labanan sa pagitan ng mga imperyalistang bansa para sa panibagong hatian ng mundo. Ang integrasyon ng China at Russia sa pandaigdigang sistemang kapitalista ay nagpapasikip sa espasyo para sa pagbibigayan ng mga imperyalistang kapangyarihan.

Ang kalagayan ng depresyong pang-ekonomya at papalalang pagsasamantala ay masidhing nag-aagrabyado sa bayan. Ang mga pag-aaklas ng masa at kaguluhang pampulitika ay dumadaluyong para yanigin ang mga naghahari at awtokrata sa mga kliyenteng estado ng US at iba pang imperyalistang kapangyarihan. Hinog ang kalagayan para sa rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa buu-buong mga rehiyon sa daigdig.

Kumalat sa Middle East at North Africa ang tinaguriang Arab Spring, kung saan iginigiit ng masa ang mga demokratikong pagbabago, napapabagsak ang mga despotikong rehimen at nayayanig ang iba pa. Taliwas sa ipokritong mga deklarasyon para sa demokrasya, tinatangka ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US na idirihe ang mga pag-aalsang bayan at iupo ang bagong mga papet sa ilang bansa at palawigin ang papet na monarkiya sa iba pa.

Lalong lumalakas ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang paglaya at demokrasya sa India, Pilipinas, Kurdistan, Colombia at Nigeria. Kung saan naglulunsad ng gerang agresyon ang mga imperyalistang kapangyarihan, ang mamamayan ay armadong lumalaban, tulad sa Iraq, Afghanistan, Pakistan, Somalia, Sudan at Libya. Naghahandang maglunsad ng armadong rebolusyon ang mga rebolusyonaryong partido sa Asia, Africa at Latin America.

Inianunsyo ng US ang pagbabawas ng bilang ng tropa nito sa Afghanistan at Iraq subalit pinananatili nito ang mga estratehikong base militar sa loob at paligid ng mga bansang iyon. Layon nitong magkonsentra sa rehiyong Asia-Pacific sa ilalim ng tinagurian nitong American Pacific Century. Itinuturing nito ang dagdag na pamumuhunan sa rehiyon bilang susi sa kasaganaan nito. Layon nitong kontrahin ang China at ang Democratic People's Republic of Korea (DPRK) at malinaw na inilahad na hangarin nito ang pagpapanatili at pagpapalaki sa presensya at mga misyong militar nito sa Asia-Pacific sa kabila ng mga planong pagkaltas sa badyet sa depensa.

Gayunpaman, patuloy na nababahura ang US sa Middle East at North Africa. Bukod sa pagpapanatili ng permanenteng mga base militar sa Iraq at Afghanistan, ang US at iba pang alyado nito sa NATO ay naglunsad ng malupit na gerang agresyon sa Libya at nagmasaker ng 100,000 Libyan sa islogan ng "makataong panghihimasok". Sa ngalan din nito, lalong humihigpit ang pagkakataling militar nila sa mga bansa sa Africa tulad ng Sudan at Somalia at sa paghahanda ng gera laban sa Syria at Iran.

Sa anu't anuman, sinisikap ng US na paunlarin ang Trans-Pacific Partnership bukod pa sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) at ang mga kasunduang panrehiyon at bilateral para palibutan ang China o patuloy na hamunin ito at itulak ang paglalansag ng mga empresang pang-estado na dahilan kung bakit mas matatag ang ekonomya ng China kumpara sa ibang ekonomyang monopolyo kapitalista sa pagharap sa krisis ng pandaigdigang kapitalismo.

Hayagang itinuturing ng US ang China bilang lumalaking karibal sa kabila ng malapit nilang relasyon sa ilalim ng patakarang neoliberal at sa pagsalalay ng US sa China sa paghahatid ng DPRK sa negosasyon sa usapin ng programa nito sa pananaliksik at pagpapaunlad nukleyar. Walang katapusan ang US sa pang-uupat ng gera laban sa DPRK, sa pagsusuplay ng armas sa Taiwan, pang-uupat ng tensyon sa Spratly Islands at pagpapasiklab ng kaguluhang panlipunan sa Tibet at Xinjiang. Bahagi ng pangmatagalang interes ng US sa Africa ang limitahan at kontrahin ang lumalaking pangkalakalan at diplomatikong pagsulong ng China sa kontinente.

Walang tiwala ang China sa US at aktibo nitong itinatatag ang Shanghai Cooperation Organization bilang porum para sa kolektibong seguridad laban sa US at NATO. Pumasok din ito sa mga pangkalakalang kasunduang bilateral at multilateral sa Japan, South Korea at mga bansa sa Southeast Asia. Mula noong 2010, itinayo ng BRICS ang sarili bilang blokeyong pang-ekonomya kontra sa pandaigdigang paghahari ng alyansa ng mga imperyalistang kapangyarihan na pinamumunuan ng US.

Sa America, mas maraming bansa at mamamayan ang naggigiit ng kalayaan laban sa imperyalistang agresyon at panghihimasok. Tatlumpu't tatlong bansa ang lumahok sa pagtatayo ng Community of Latin American and Caribbean States (CELAC) na layong itaguyod ang mahigpit na integrasyon, pagtutulungan at dayalogo sa America na di kasali ang US at Canada. Ang CELAC na itinuturing ng marami na alternatibo sa Organization of American States na dinodominahan ng US ay inilalarawan ng mga lider nito bilang pagsisikap na bawasan ang panghihimasok ng US at itaguyod ang kalayaan ng mga bansa sa rehiyon.

Nasa katayuan ang China na makipagtulungan sa Pilipinas sa programa ng pambansang industriyalisasyon. Subalit hinahadlangan ng mga gubyerno ng US at Pilipinas ang gayong posibilidad sa pagpapakulo ng tensyon sa pagitan ng China, sa isang panig, at ng Pilipinas at mga bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa usapin ng Spratly Islands. Layunin ng US na gamitin ang usapin upang bigyang-matwid ang pananatili at pagpapalaki ng mga pwersang militar nito sa Pilipinas at pigilan ang relasyong pang-ekonomya ng China at Pilipinas.

Subalit gaano pa man ang pagsisikap ng US na panatilihin ang paghahari nito sa rehiyong Asia-Pacific, ang mga ito'y pinahihina at kinukulang dulot ng panloob na paglubog ng ekonomya nito, ng labis na pagkabanat nito sa ilang rehiyon sa mundo at lumalakas na mapanggiit na mga pwersa ng pambansang kalayaan at demokrasya sa rehiyon.

Hindi na kaya ng US na manatiling isang kapangyarihang walang humahamon tulad nitong nakaraan nang arogante itong umastang nag-iisang superpower mula nang bumagsak ang Soviet Union. Umiiral na ang isang multipolar na mundo. Ang mamamayan sa iba't ibang rehiyon sa daigdig ay nagiging higit na mapagbantay at militante laban sa mapandambong at agresibong mga hakbang at kilos ng US.

II. Ang Pilipinas sa alimpuyo ng krisis

Tulad ng huwad na patakarang pangkaunlaran ng rehimen ng malalaking komprador-asendero ni Marcos, pinalala at pinalalim ng mga rehimeng sumunod kay Marcos ang malapyudal na katangian ng ekonomya ng Pilipinas sa ilalim ng mga neoliberal na patakaran sa ekonomya na itinulak ng US. Ang lalong lumalalang krisis, na umusbong mismo sa saligang mga batas ng pandaigdigang sistemang kapitalista at ang umano'y solusyon nitong mga neoliberal na patakaran sa ekonomya, ay nagtulak sa Pilipinas sa alimpuyo ng wala pang kapantay na krisis.

Mahigit nang isang taon sa poder ang kasalukuyang rehimeng Aquino. Tulad ng mga imperyalistang amo nito, dogmatiko itong kumakapit sa mga neoliberal na patakaran sa ekonomya. Wala pang patakaran ang rehimen para igiit ang pambansang kalayaan at isakatuparan ang kaunlarang pang-ekonomya sa pamamagitan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon. Sa halip, itinataguyod nito ang isang patakaran para panatilihin ang agraryo at atrasadong katangian ng ekonomya.

Ang tinaguriang Philippine Development Plan 2011-2016 ay nagtutulak pangunahin ng "private-public partnership program" na mga proyektong pang-imprastruktura. Ang mga proyektong ito ay kalkuladong hihigop ng mga rekurso laban sa anumang posibleng kaunlarang industriyal. Gayunman, ang mga paghihigpit sa pandaigdigang pinansya ay sumasagabal sa inaasahang bilis ng pagsasakatuparan ng mga proyektong ito. Kaya matingkad ang papel ngayon ng US sa inilalaan nitong US$434 milyong pondong Millennium Challenge Corporation para sa mga imprastruktura at tinaguriang proyekto para sa kaunlarang pampamayanan sa balangkas ng "kontra-insurhensyang" iskemang Oplan Bayanihan.

Dahil wala itong programa para sa pambansang industriyalisasyon, nalilimita na lamang ang rehimeng Aquino sa pagmamalaki ng mga call center, pagtutulak ng pandarambong ng ating likas na yaman sa mga dayuhang kumpanya sa pagmimina at pamimigay ng pera sa ilalim ng programang tinaguriang Conditional Cash Transfer na pinalalabas na kontra-kahirapan ngunit sa katotohana'y panakip-butas para sa layuning saywar na itinutulak at pinopondohan ng imperyalismong US sa pamamagitan ng World Bank.

Lugmok ang ekonomya ng Pilipinas. Dinadaganan ito ng matagalan at lumalalang krisis ng pandaigdigang kapitalismo. Ang pandaigdigang demand para sa mga uri ng eksport na nililikha ng Pilipinas--mga hilaw na materyales at mala-manupaktura--ay bumagsak nang husto. Bumabagal ang paglaki ng remitans ng mga OCW (overseas contract worker). Ang bula sa pribadong konstruksyon ay naglalaho sa pagkabawas ng demand para sa pabahay.

Mabilis na lumalaki ang disempleyo sa harap ng malawakang tanggalan sa mga sektor ng manupakturang may mababang dagdag-halaga at sa pribadong konstruksyon. Natagpasan ang produksyon ng batayang pagkain tulad ng bigas at mais dulot ng ilang dekada ng liberalisasyon sa importasyon at ang muling pagbubuhay dito'y magiging mahirap dahil sa nagsitaasang presyo ng mga imported na kagamitang agrikultural. Ipinatutupad ng rehimen ang isang di inianunsyong malupit na patakaran ng pagtitipid sa kapinsalaan ng mamamayan, kung saan kinaltasan ang mga gastusin ng gubyerno para sa edukasyon, kalusugan at iba pang serbisyong panlipunan.

Habang bumubulusok ang kita ng masang anakpawis, pumapaimbulog naman ang presyo ng mga saligang produkto at serbisyo. Sa kabila ng lugmok na kalagayan ng ekonomya, lalo pang pinabibigat ni Aquino ang pasaning buwis. Patuloy ang pambubuladas ng makinaryang pansaywar ni Aquino tungkol sa paglaban sa korapsyon. Subalit hanggang ngayo'y napakakupad nito sa paghahabol sa mga krimen ng korapsyon sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Patuloy nitong kinakaltasan ang buwis ng malalaking korporasyon at mayayaman at nagbubulag-bulagan sa dambuhalang korapsyon ng malalaking komprador at dating mga kroni ni Marcos, tulad nina Eduardo Cojuangco at Lucio Tan, dahil lamang sa malalaking ambag nila sa kampanya sa eleksyon ni Aquino. Isinakatuparan nito ang magkakasunod na demolisyon ng tirahan ng mga maralitang lunsod upang bigyang-daan ang paglalaan ng mamahaling lupain para sa malalaking negosyanteng kaibigan ni Aquino.

Pinakamalaking korapsyon ng rehimeng Aquino ang pagpapahintulot nito sa mga dayong monopolyong empresa at mga bangko na walang habas na dambungin ang ekonomya at magkamal ng supertubo. Habang naghihigpit ang internasyunal na pautang, ang patuloy na pagbabayad sa natipong utang ay umuubos sa kinakailangang pondo ng bansa. Ang kita sa buwis ay patuloy na nilulustay ng reaksyunaryong gubyerno sa korapsyong burukratiko, gastusing militar at pamimigay ng pera sa walang saysay na tangkang pahinain at kontrahin ang rebolusyonaryong kilusan.

Bunga ng krisis sa ekonomya, lalong lumalala ang kagutuman at kahirapan at pinagdurusahan ito ng higit na nakararaming mamamayan. Subalit minamanipula ng National Statistical Coordination Board ang mga datos at binabago ang pamantayan ng kahirapan upang palabasing nabawasan na ng rehimeng Aquino ang dami ng naghihikahos. Lalong matingkad ang pandarayang ito sa upisyal na estadistika sa tantos ng disempleyo sa Pilipinas na pinalalabas na higit na mababa kumpara sa mga industriyalisadong kapitalistang bansa. Sa katunayan, ang aktwal na tantos ng disempleyo sa Pilipinas ang isa sa pinakamalulubha sa rehiyon at buong mundo, kaakibat ng mabilis na paglaki ng bilang ng kulang sa trabaho, mababang kalidad at walang bayad na trabaho.

Sa paglala ng kalagayang pang-ekonomya at pagkabigo ng rehimen na lutasin ang lumalaking problema ng disempleyo at kahirapan, ang popularidad ni Aquino ay pinatataas sa walang tigil na promosyon ng midyang pag-aari ng mga Lopez at ng mga sarbey na manipulado ng Pulse Asia, na pag-aari at kontrolado ng mga kamag-anak ni Aquino. Ang mga atake kamakailan ni Aquino kay Arroyo at sa Korte Suprema ay kalkulado para ilayo ang atensyong publiko mula sa lumalalang krisis panlipunan at pang-ekonomya at sa nagpapatuloy na malalang paglabag sa karapatang-tao at para suhayan ang popularidad sa mga sarbey. Hangad ng rehimeng Aquino na mabuhay sa tahasang manipulasyon ng midya at mga sarbey.

Laganap at malalim ang diskuntentong panlipunan. Lumilitaw na ang galit ng malawak na masa ng sambayanan. Lumalakas ang mga kilos-protesta ng masa laban sa lumalalang kalagayang pang-ekonomya at panlipunan. Umiigting ang mga taktika ng pandaigdigang kilusang Occupy, na pamilyar sa kilusang masa sa Pilipinas mula noong dekada 1960. Ang mga pag-aalsang masa ng mamamayan ay hindi mapipigilan habang may rebolusyonaryong pamunuang pampulitika na matatag, militante at di natatakot sa mararahas na hakbangin ng rehimen.

Ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan ay tuluy-tuloy na lumalakas. Ang krisis panlipunan at pang-ekonomya ay nagdidiin sa mga naghaharing uri at sa mga nagriribalang pampulitikang paksyon at nagbubunga ng krisis pampulitika ng naghaharing sistema. Sa pambansang antas, ang naghaharing pangkating Aquino ay hinahamon ng mga Aquino, Marcos at iba pang paksyon. Ang mga kontradiksyon sa pagitan nila'y nasasalamin sa pagitan at sa loob ng tatlong sangay ng reaksyunaryong gubyerno (ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura). Sa mabababang antas, umiigting din ang mga panloob na kontradiksyon sa mga naghaharing uri.

Nasa sentro ngayon ang mga kontradiksyon sa pagitan ng pangkating Aquino at Arroyo, laluna mula nang magtangka si Arroyo na lumabas sa bansa para umano makapagpagamot. Nagpapanggap si Aquino na hinahabol si Arroyo sa mga kaso ng pananabotahe sa eleksyon at korapsyon pero hindi sa mga kaso ng malulubha at sistematikong paglabag sa karapatang-tao. Nasa likod ng lahat ng ingay at silakbo ang labis na sama ng loob ni Aquino sa desisyon ng Korte Suprema, na dinodominahan ng mga hinirang ni Arroyo, na pawalambisa ang Stock Distribution Option bilang paraan ng pandaraya sa mga manggagawang bukid sa Hacienda Luisita.

May armadong lakas ang mga naggigiriang paksyon ng naghaharing uri sa pagkakaroon nila ng mga tagasunod sa loob ng reaksyunaryong armadong pwersa at pulisya at pagkakaroon ng pribadong armadong grupo. Ang pinakamasahol sa mga reaksyunaryong paksyon ay nagtatayo ng kanilang pribadong armadong grupo sa pamamagitan ng iba't ibang ligal na paraan katulad ng mga "pwersang pamparami" ng militar at pulis na may mga pangalang tulad ng CAFGU, CVO, CAA, mga badigard na may mga espesyal na gun permit at iba pang pribadong ahensyang panseguridad.

Ang tumitinding kompetisyon para sa burukratikong pandarambong at ribalan sa pulitika ng mga reaksyunaryong paksyon ay obhetibong paborable sa rebolusyonaryong kilusan dahil binibitak at pinahihina nito ang naghaharing sistema. Sa ilalim ng kasalukuyang sitwasyon, maaaring dagdagan ng mga rebolusyonaryong pwersa ang kanilang sariling lakas sa pamamagitan ng paggamit ng mga taktika ng malawak na pakikipagkaisang prente para labanan ang pinakamasahol sa mga reaksyunaryong paksyon at ihiwalay ang naghaharing pangkatin na siyang tinatarget na kaaway.

Dumadaluyong ang kilusang masa ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda, pambansang minorya, maralitang lunsod, kabataan, guro, mga abugado, manggagawang pangkalusugan at iba pang patriyotiko at progresibong pwersa. Ang iba't ibang mga organisasyong masa ay determinadong magsilbing tinig sa mga sosyo-ekonomiko at pampulitikang hinaing ng mamamayan at militanteng kumilos para igiit ang makatwiran at makatarungang mga kahilingan.

Hinihingi ng mga manggagawa na kilalanin ang karapatan sa pag-uunyon at iba pang demokratikong karapatan, ang seguridad sa trabaho, mas mataas na sahod at mas mainam na kalagayan sa pamumuhay, ang paghinto sa walang awat na tanggalan sa trabaho at ang pambansang industriyalisasyon upang mapalawak ang empleyo at hindi na kailanganing iwan ang kanilang mga pamilya para maghanap ng trabaho sa ibang bansa. Pabigat sa buong ekonomya ng Pilipinas ang malawakang tanggalan sa mga mala-manupakturang may mababang dagdag-halaga na pang-eksport at sa mga pribadong konstruksyon at ang masamang nangyayari sa mga dayong manggagawang migrante sa ibang bansa.

Sigaw ng mga magsasaka ang tunay at masaklaw na reporma sa lupa, hindi ang huwad na reporma sa lupa ng CARPER; ang muling pagbuhay sa produksyon ng pagkain, suportang pautang at teknikal, at pagpapaunlad ng produksyon para sa pagpoprosesong industriyal. Nagsusulong ng minimum na reporma sa lupa ang mga rebolusyonaryong pwersa at mamamayan bilang pangkalahatang linya at ng maksimum na reporma sa lupa saanman ito maaaring ipatupad.

Marami ang natutuwa na bagamat huli ay nagbunga na ang matagalang pakikibaka ng mga manggagawang bukid na ariin ang Hacienda Luisita matapos ang pinal na desisyon ng Korte Suprema na pawalambisa ang Stock Distribution Option at bigyang-daan ang pamamahagi ng lupa sa mga manggagawang bukid. Gayunman, hindi pa malinaw kung magkano ang ipababayad sa mga manggagawang bukid. Iginigiit ni Aquino at mga kamag-anakan niyang Cojuangco ang umano'y kasalukuyang halaga sa pamilihan, na sadyang lagpas-lagpas sa kakayahang magbayad ng mga manggagawang bukid. Sa kabilang panig, iginigiit ng mga manggagawang bukid na sapat nang kabayaran para sa lupang ipamamahagi sa kanila ang di masukat na pagpapahirap sa kanila at ang di pinaghirapang yamang inangkin ng mga Cojuangco nitong nagdaang mga dekada.

Iginigiit ng mga mangingisda ang pagkilala sa kanilang mga karapatan, ang pagwakas sa kontrol sa mga pangisdaan at pamilihan ng malalaking korporasyon sa pangingisda, ang karapatan ng maliliit na mamamalakaya na mangisda at ang pagbibigay ng pautang at tulong teknikal. Tutol sila sa patakaran ng reaksyunaryong gubyerno na pahintulutan ang malalaking negosyante sa pangingisda na monopolyohin ang mga lawa at look, at ang mga dayong sasakyang pangisda at mga pabrika sa barko na sakupin ang eksklusibong sonang pang-ekonomya ng Pilipinas na labag sa UN Convention on the Law of the Sea.

Iginigiit ng mga pambansang minorya ang pagkilala sa kanilang karapatan sa sariling pagpapasya at lupaing ninuno. Iginigiit nilang di dapat sila agawan ng lupa, na hindi sila mapalalayas sa pinaninirahan nilang lupa ng mga dayo at lokal na korporasyon na dumadambong sa mga yamang gubat, mineral at katubigan. Kasama ng buong bayan, pinapalakpakan ng mga pambansang minorya ang mga opensiba ng BHB para lansagin at pahintuin ang operasyon ng mga dayuhan at malalaking komprador na empresa sa pagmimina sa Mindanao at buong bansa.

Ang mga maralitang lunsod na kinabibilangan ng mga manggagawa, namamasukan, maliliit na maninininda at mahihirap na may sariling hanapbuhay ay naggigiit ng kanilang karapatan sa kabuhayan, pabahay at iba pang demokratikong karapatan. Iginigiit nilang di dapat silang biktimahin ng pagpapalayas, demolisyon ng kanilang mga bahay at pagkakait ng mapagkukunan ng kabuhayan at iba pang anyo ng panghahamak, pananakot, pang-aatake at pagnanakaw. Nakikibaka sila para labanan ang demolisyon ng kanilang mga tahanan upang bigyang-daan ang interes ng mga negosyante sa real estate at aktibong nilalabanan ang pagpapakat ng mga pulis at sundalo para takutin at salakayin sila.

Iginigiit ng kababaihan ang pagkilala sa pagkakapantay-pantay sa kasarian, pagkakaroon ng pantay na sosyo-ekonomikong oportunidad, ang sistematikong pagpapahinto sa karahasan laban sa kababaihan at pagkakalakal sa mga babae. Iginigiit nilang respetuhin at suportahan ang mga bata na binibiktima ng malubhang kalagayang pang-ekonomya at panlipunan at ng mga kampanya ng panunupil-militar. Iginigiit nila ang pagkakapantay-pantay sa kasarian at nilalabanan ang diskriminasyon na sumasakop sa mga lesbyan, bakla, bisekswal at mga transgendered (mga taong hindi nagpapailalim sa mga panlipunang pamantayan ng kasarian).

Iginigiit ng kabataan ang kanilang karapatan sa edukasyon, ang pagdaragdag ng badyet ng estado para sa pampublikong edukasyon sa lahat ng antas, ang paghinto sa pagwaldas sa pondong pampubliko para sa mga gastusing militar, pagbabayad-utang at korapsyong burukratiko. Tinututulan nila ang sumisirit na presyo ng mga saligang pangangailangan, disempleyo at mabilis na paglala ng kahirapan, ang pagkaltas ng pampublikong pondo para sa pampublikong paaralan. Iginigiit nilang respetuhin ang demokratikong karapatang magsalita at kumilos para sa interes ng mga estudyante at kabataan pati na para sa buong bayan. Tinutuligsa at nilalabanan nila ang lalong nagiging marahas na reaksyon ng rehimeng Aquino sa mga kilos-protesta, tulad ng ipinakita ng paulit-ulit na brutal na pagbuwag sa rali ng kabataan na nagtangkang magtayo ng kampong protesta sa Mendiola nitong unang bahagi ng buwan.

Ang mga propesyunal, maliliit na negosyante at ang buong panggitnang saray ay naggigiit na ihinto ang pagpataw ng mas mataas na buwis, mga bayarin at iba pang pabigat, ang mahusay na paggamit ng kanilang buwis at iba pang kontribusyon, sa halip na waldasin sa burukratikong korapsyon, gastusing militar at pagbabayad-utang. Lalong nagiging handa ang petiburgesyang lunsod na makiisa sa masang anakpawis bilang rebolusyonaryong pwersa. Nag-aalala ang panggitnang burgesya sa pagsuko ng mga pambansang karapatan sa mga dayuhang kapangyarihan at mga empresang monopolyo.

Higit kailanman, ang mga kundisyon ng krisis ay matabang lupa para sa paglakas at pagsulong ng digmang bayan at hukbong bayan. Ang pag-igting ng panunupil at pagsasamantala ay pumupukaw sa mamamayan na maglunsad ng mga kilos-protesta at armadong pag-aalsa laban sa reaksyunaryong estado at para itatag ang demokratikong estado ng bayan. Napakapaborable ng kundisyon para sa armadong rebolusyon.

Ang mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersang kinakatawan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ay bukas na makipagnegosasyon sa reaksyunaryong gubyerno upang resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng pagbubuo ng mga kasunduan para sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika upang ilatag ang batayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan. Subalit determinado ang rehimeng Aquino na gamitin ang Oplan Bayanihan na inudyok ng US para wasakin ang rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. Wala itong ibang iniisip kundi kasangkapanin lamang ang usapang pangkapayapaan sa saywar at itulak ang pagsuko at pasipikasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa.

Hindi seryoso ang rehimeng Aquino sa negosasyong pangkapayapaan sa NDFP. Itinatali nito ang negosasyong pangkapayapaan sa iginigiit nitong pagsuko at pasipikasyon ng rebolusyonaryong kilusan. Inaatrasan nito at pinawawalang-saysay ang naunang mga kasunduang bilateral sa pamamagitan ng pagpapakitid sa saklaw at pagsasaisantabi ng mga ito. Hindi nito iwinasto ang patakaran ni Arroyo ng pagdukot, pagtortyur at pagpatay sa mga konsultant ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan. Pinababayaan at itinataguyod nito ang mga hakbangin ng rehimeng Arroyo na ibilang ang BHB, ang PKP at ang punong konsultant ng NDFP sa negosasyong pangkapayapaan sa listahan ng terorista ng US at iba pang dayuhang gubyerno; gayundin, ang pagpapaaresto at detensyon ng gubyernong Dutch noong 2007 sa punong konsultant pampulitika ng NDFP para sa mga kasong kriminal na ibinasura ng korteng Dutch sa The Hague dahil wala itong batayan at may motibong pulitikal. Tumatanggi itong palayain ang mga nakabimbing konsultant ng NDFP at tumalima sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG).

Kinunsinte nito ang malulubha at sistematikong pagyurak sa karapatang-tao na paglabag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CAHRIHL) sa ilalim ng rehimeng Arroyo at nagpapalakas sa loob ng militar, pulisya at mga pwersang paramilitar na gumawa ng iba pang kabuktutan. Tumatanggi itong palayain ang ilandaang bilanggong pulitikal na inaakusahang kabilang sa rebolusyonaryong kilusan subalit sinampahan ng mga kasong kriminal na labag sa CARHRIHL at sa doktrinang Hernandez hinggil sa mga pampulitikang pagkakasala.

Paulit-ulit ang reaksyunaryong gubyerno sa paggigiit ng tigil-putukan sa kung anu-anong dahilan upang iwasang pag-usapan ang sustantibong adyenda ng negosasyong pangkapayapaan at gayo'y matamo ang pagpapasuko at pasipikasyon ng rebolusyonaryong kilusan. Subalit tumatanggi itong tanggapin ang alok ng NDFP na kasunduan at alyansa sa batayan ng 10-puntong deklarasyon ng kapasyahan para sa pambansang kalayaan, demokrasya, kaunlarang pang-ekonomya, katarungang panlipunan at iba pang mahahalagang kahilingan ng mamamayan.

Nagsasagawa ito ng huwad na negosasyong pangkapayapaan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) tulad ng ginagawa nito sa NDFP sa pamamagitan ng pag-atras sa mga naunang kasunduan at pagpapawalambisa sa mga ito at pangangarap na lalangin ang kabilang partido tungo sa pagsuko at pasipikasyon. Hinahadlangan nito ang tunay na pagsulong ng negosasyong pangkapayapaan sa NDFP at MILF. Humantong pa nga ang GPH sa panloloko at panraraket dahil pinalalabas nito na mga rebeldeng nagsurender ang dati nang nagsurender na mga tauhan ng CPLA at RPA-ABB at ginagamit sila para kurakutin ang pondong pampubliko.

Bentahe kapwa para sa NDFP at MILF na patuloy na labanan ang komun nilang kaaway. Bagamat hiwalay na isinusulong, nagsusuportahan ang kanilang armadong rebolusyonaryong pakikibaka. Lumalaki ang kahirapan ng reaksyunaryong gubyerno na lumaban sa dalawang mayor na larangan. Ang krisis ay lalong magpapahina sa kakayahan ng reaksyunaryong estado at sa lahat ng marahas nitong aparato. Lalong hihina ang reaksyunaryong estado at armadong pwersa nito sa hiwalay at magkasabay na paglakas ng NDFP at MILF.

Matalas ang kamulatan ng malawak na masa ng sambayanang Pilipino tungkol sa lumalaking panghihimasok militar ng US sa Pilipinas sa ilalim ng US-RP Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement. Layunin ng gayong panghihimasok na panatilihin ang kontrol ng US sa Pilipinas at gamitin ang Pilipinas bilang estratehikong base para tiyakin ang paghahari ng US sa East Asia. Nakahanda ang mamamayang Pilipino at kanilang mga rebolusyonaryong pwersa sa pagtindi ng panghihimasok-militar ng US at paglunsad ng gera para sa pambansang paglaya laban sa imperyalismong US.

III. Ang patuloy na paglakas ng Partido

Patuloy na nagpapalakas ang Partido at ginagampanan ang namumunong papel nito sa rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng determinado at lubusang pagtupad sa mga gawain sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Kaugnay nito, tiwala tayo na matagumpay nating maipatutupad ang ating planong sumulong mula estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas sa digmang bayan.

Ang pagpapalakas ng ating Partido ang pinakamahalagang pampulitikang rekisito sa pagkakamit ng ating plano. Tinitiyak ng gawaing pang-ideolohiya na lahat ng kadre at kasapi ay may batayang kaalaman sa Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa rebolusyong Pilipino at nagpapataas ng antas ng kaalaman sa pamamagitan ng rebolusyonaryong praktika at mas mataas na mga kurso ng pag-aaral (intermedya at abante).

Upang manatiling napakahusay sa paglaban, dapat palaging maging mapagbantay ang Partido at bakahin ang burges at iba pang reaksyunaryong impluwensya at tendensya sa loob ng Partido tulad ng repormismong burges, modernong rebisyunismo, empirisismo, dogmatismo, Kanan at Kaliwang oportunismo, liberalismo, burukratismo, at pagkakasya at paghahangad sa magaan at maginhawang kalagayan. Sa pamamagitan ng mapagbantay at mulat na paglaban sa mga mapanirang impluwensyang ito, napalalakas ng Partido ang rebolusyonaryong linya nito, naitataas ang kapasidad sa paglaban at napauunlad ang militanteng estilo ng paggawa na lubos na ikinalulugod ng masa.

Ang mga yunit at komite ng Partido sa iba't ibang antas ay nagsasagawa ng mga paglalagom at pagtatasa sa rebolusyonaryong gawain, regular na naglulunsad ng pagpuna at pagpuna sa sarili at sa pamamagitan nito'y natutukoy upang maiwasto ang mga kahinaan at pagkakamali. Sa pamamagitan ng pagpuna sa sarili at maagap at mulat na pagwawasto sa mga pagkakamali at pagkukulang, tuluy-tuloy na napauunlad ng Partido ang gawain at paraan nito ng paggawa at nagiging tunay na taliba ng rebolusyon.

Ang bilang ng mga kadre at kasapi ng Partidong aral sa pang-ideolohiyang linya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo at sa pampulitikang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng digmang bayan ay dumarami at gayo'y nasa katayuan na gumampan ng iba't ibang tungkulin at gawain sa rebolusyon. Tinitiyak nila ang rebolusyonaryong katangian at direksyon ng pakikibaka ng proletaryado at ng sambayanan.

Gayunman, ang pagsisikap natin sa pagsasanay at pagpapaunlad ng marami at de kalidad na mga kadre ay kulang na kulang pa kumpara sa kinakailangan ng susunod at kahit ng kasalukuyang antas ng digmang bayan. Ang gawaing pang-edukasyon at pagsasanay ng mga kadre ay dapat bigyan ng higit na atensyon ng mga namumunong komite ng Partido sa lahat ng antas. Ang mga problema at kahirapang bunsod ng kakulangan sa sinanay na tauhan at pasilidad at ng malupit at labis na makilos na digmang bayan ay kailangang hakbang-hakbang na pangibabawan ng ibayong pagpupunyagi, mas mahusay na pagpaplano at lubos na paggamit ng lahat ng rekurso at oportunidad.

Natukoy natin ang mga salik at dahilan ng mabagal na paglaki ng Partido noong mga nakaraang taon at dekada, laluna ang kakulangan sa pagpaplano at tyaga at di pagiging sensitibo sa paghahangad ng mga abanteng masang aktibista na maging kandidatong kasapi ng Partido at maging mga ganap na kasapi ayon sa takdang panahon at makatwirang rekisitong nakasaad sa Konstitusyon ng ating Partido.

Malaki na ang nagawa nating hakbang na lampasan ang mga balakid at ngayo'y maagap na nating nabibigyan ng batayang edukasyong pampartido ang dati at bagong mga kandidatong kasapi ng Partido at maagap na silang napasusumpa bilang mga ganap na kasapi matapos makumpleto ang batayang kurso ng Partido.

Upang tiyakin na epektibong maisasagawa ang kinakailangang pagsasanay at edukasyon ng mayorya ng ating kasapian na nagmula sa uring manggagawa at magsasaka, pinasimple natin ang mga materyales para sa pag-aaral at pantulong na awdyo-biswal sa iba't ibang lenggwahe sa Pilipinas, at higit na mahalaga, mayroon tayong mga sinanay na instruktor na kayang ipaliwanag ang Marxismo-Leninismo-Maoismo sa paraang mauunawaan ng mga kasamang nagmula sa hanay ng masang anakpawis.

Ang Partido ay mas malakas ngayon sa ideolohiya kaysa dati at nasa mas mahusay na pusisyon na harapin ang gawaing pampulitika at pamunuan ang rebolusyonaryong kilusan. Mayroon tayong mga kadre at kasapi ng Partidong sapol ang mga prinsipyo, patakaran at linya ng rebolusyon at nasa pamunuan at bag-as ng rebolusyonaryong kilusang masa. Resulta nito, matatag at militanteng lumalakas ang kilusang masa, ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka at ang nagkakaisang prente.

Ang mga grupo at sangay ng Partido ay nasa bag-as ng mga unyon ng manggagawa at iba pang organisasyong masa maging sa mga yunit ng hukbong bayan. Kaya patuloy na lumalago, tumatatag at sumisigla ang kilusang masa sa kalunsuran at kanayunan. Umaalingawngaw sa milyun-milyong mamamayan sa buong kapuluan ang mensahe ng demokratikong kilusang bayan. Mayroon din tayong mga grupo ng Partido sa ilang upisina ng reaksyunaryong gubyerno, maging sa mga institusyong pang-edukasyon, serbisyong panlipunan, relihiyoso at iba pa.

Tinitiyak ng Partido na naisasanib ng BHB ang rebolusyonaryong armadong pakikibaka sa reporma sa lupa at sa pagbubuo ng baseng masa. Buong sikhay na ipinatutupad ng mga komite ng Partido, sangay at grupong nasa hukbong bayan ang pangkalahatang patakaran ng minimum na reporma sa lupa at kung saan posible, ng maksimum na reporma sa lupa at naglulunsad ng gawaing masa upang buuin ang mga organisasyong masa at lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika.

Nasa tamang daan tayo ng pagpaparami ng bilang ng larangang gerilya kung saan ang milyun-milyong masa ang direktang masasandigang baseng masa ng digmang bayan at hukbong bayan. Patuloy sa paglakas ang mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kabataan, kababaihan, bata at aktibistang pangkultura. Sila ang malawak na baseng masa ng mga organo ng kapangyarihang pampulitika.

Binubuo ang mga organong ito ng demokratikong gubyernong bayan ng mga manggagawa at magsasakang lumalaban sa reaksyunaryong gubyerno ng malalaking kumprador at panginoong maylupa na nakabase sa kalunsuran. Komprehensibong nagbibigay ng serbisyo publiko ang rebolusyonaryong gubyerno sa pamamagitan ng mga komiteng nangangasiwa sa edukasyong masa, pag-oorganisa sa masa, reporma sa lupa at produksyon, pangangalagang pangkalusugan, depensa, arbitrasyon at mga aktibidad pangkultura.

Sa paglakas sa pulitika at militar ng mga larangang gerilya, naglunsad ang reaksyunaryo at papet na estado ng mas malalaki, mas mahahaba at mas maiigting na atake laban sa mga ito. Upang biguin ang mga opensiba ng kaaway, kailangang pwersahin ang kaaway na banatin nang husto ang sarili sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapaigting natin ng pakikidigmang gerilya sa buong bansa, pagpapalakas ng koordinasyon at tulungang inter-larangan, pagpapabilis ng pagpapalawak at konsolidasyon ng mga larangang gerilya at lahatang-panig na pagpapaunlad ng mga pwersang pang-militar at pampulitika at mga pakikibaka ng masa.

Ngunit sa ilang lumang base at sonang gerilya, malaki ang nawala sa lakas pang-organisasyon, pampulitika at pangmilitar hindi pa dahil sa maigting na mga atake ng kaaway kundi resulta ng pagkapasibo sa gawaing militar; matagalang pagpapabaya sa mga organisasyong masa, sa makauring pakikibakang antipyudal at edukasyong pampulitika ng masa; paghina ng mga batayang yunit ng Partido na napailalim sa malakas na impluwensya ng mga elemento, kaisipan at gawi ng mayamang magsasaka. Sinasalamin nito ang mga kamalian at kahinaan hindi lamang sa batayang antas kundi maging sa gawain at pamumuno ng Partido at hukbo sa mas matataas na antas.

Ang paglahok at pagsuporta ng mamamayan ang dahilan kung bakit nakapaglunsad at naipagwagi ng BHB ang mga taktikal na opensiba. Ang mamamayan ang di matutuyong balon ng lakas ng hukbong bayan. Ang milisyang bayan, tumatayong lokal na pwersang pulisya ng mga lokal na organo ng kapangyarihang pampulitika, at ang mga yunit sa pagtatanggol-sa-sarili ng iba't ibang organisasyong masa, ay dumaragdag sa lakas at dami ng hukbong bayan.

Ang mga taktikal na opensiba ng BHB ay napaigting at nakapagluwal ng paparaming armas para sa pagbubuo ng mga bagong yunit panlaban. Lumalaki ang kaswalti sa tropa ng kaaway na nagdulot ng demoralisasyon sa kanilang hanay. Nawasak at naparalisa ng mga yunit ng BHB ang linya ng transportasyon at suplay ng kaaway, mga imbakan at sasakyan. Nabaklas nila ang malalaking lupain sa pagsusulong ng reporma sa lupa.

Nalansag o naparalisa nila ang mga empresa sa negosyo at malalaking pag-aaring lumalabag sa batas ng demokratikong gubyerno bayan. Kabilang sa mga paglabag na ito ang pagwasak sa kapaligiran at produksyong agrikultural, pangangamkam sa lupa ng mamamayan, pagtutol at pagsagka sa reporma sa lupa o pagluluwas ng mga hilaw na mineral sa kapinsalaan ng industriyalisasyon sa hinaharap.

Ikinalulugod ng malawak na masa ng sambayanan ang mga taktikal na opensiba ng hukbong bayan laban sa armadong tauhan at mga pasilidad-militar ng reaksyunaryong estado; ang pag-aresto at paglitis sa mga despotikong panginoong maylupa, mga lumalabag sa karapatang-tao, mandarambong, drug lord at iba pang kriminal na elemento; ang paglansag sa mga empresa sa pagmimina at pagtotroso at mga plantasyon na labis na nakapipinsala sa mamamayan at kapaligiran.

Sa pagpapaigting ng digmang bayan, nakasamsam ang BHB ng papalaking bilang ng mga sandata mula sa kaaway, nakapagpalaki ng hukbong bayan at nakapagparami ng mga larangang gerilya. Kung kaya mas maraming mamamayan sa mas maraming larangang gerilya ang tumutulong sa hukbong bayan na kamtin ang malalaking tagumpay sa digmang bayan. Sa iba't ibang antas ng Partido at kumand ng BHB, pinauunlad at isinasakatuparan ang mga gabay at plano para sa mga taktikal na opensiba ayon sa kakayahan ng kinauukulang yunit ng BHB.

Lubos na mulat ang lahat ng yunit ng BHB sa kanilang tungkuling maglunsad ng opensiba na kaya nilang ipagwagi. Naglulunsad sila ng operasyon upang tambangan o salakayin ang mga yunit ng kaaway, pati na mga operasyon upang wasakin ang mga pasilidad ng kaaway. Naglulunsad sila ng malawak at masinsing pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalalim na baseng masa. Gayo'y sumasabak sila sa gawaing masa, produksyon at pangkulturang aktibidad bilang paghahanda para sa mga taktikal na opensiba.

Nakapagkamit ang Partido ng mga tagumpay sa paggamit ng patakaran sa nagkakaisang prente upang patatagin ang batayang alyansa ng mga manggagawa at magsasaka, ang progresibong alyansa ng masang anakpawis sa petiburgesyang lunsod, ang patriyotikong alyansa ng mga nabanggit na progresibong pwersa at pambansang burgesya at ang malawak na alyansa na may pansamantala at di masasaligang kaalyado sa hanay ng mga paksyon ng naghaharing sistema na lumalaban sa naghaharing pangkatin bilang komun na kaaway.

Layon ng nagkakaisang prente na pagkaisahin ang iba't ibang pwersa upang labanan ang komun na kaaway. Ang ligal na patriyotiko at progresibong pwersa ay bumubuo ng mga alyansang multisektoral, sektoral at batay sa isyu upang abutin ang pinakamalawak na hanay ng mamamayan. Kaalinsabay, pangunahing layon ng nagkakaisang prente na tulungang sumulong ang digmang bayan.

Malinaw na ipinakikita ng rehimeng Aquino ang kakulangan nito ng katapatan at kaseryosohan sa pakikipag-usapang pangkapayapaan sa NDFP. Dapat iwaksi natin ang anumang ilusyon na interesado ang rehimeng resolbahin ang mga ugat ng armadong tunggalian at makapagbuo ng kasunduan sa NDFP hinggil sa mga repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika. Malinaw na determinado itong wasakin ang Partido at ang rebolusyonaryong kilusan.

Hindi maidaraos ang mga pormal na pulong sa usapang pangkapayapaan ng GPH-NDFP hangga't hindi nireresolba at iwinawasto ng GPH ang mga saligang usaping inihahapag ng NDFP. Gayunpaman, patuloy nating ipinakikita ang paghahangad natin para sa usapang pangkapayapaan upang hindi magawa ng kaaway na palabasing wala tayong interes sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan at gayundin upang panatilihing bukas ang posibilidad na mapipilitan ang kaaway na rehimen na seryosong makipagnegosasyon dahil sa krisis at/o dahil sa ating mga makabuluhang tagumpay sa digmang bayan. Sadyang ang tanging paraan upang pwersahin ang kaaway na seryosong makipagnegosasyon ay ang bigwasan ito't ipamulat na walang saysay ang pagtatangka nitong wasakin ang rebolusyonaryong kilusan, laluna ang hukbong bayan.

Respetado ang ating Partido sa pandaigdigang kilusang komunista at sa anti-imperyalistang kilusan sa mundo dahil sa ating mga rebolusyonaryong tagumpay sa Pilipinas at dahil kilala tayo sa ating malasakit at pagsuporta sa mga Pilipino sa ibayong dagat. Mayroon tayong masaklaw na ugnayan sa mga partido at organisasyong Marxista-Leninista at anti-imperyalista sa ibang bansa. Ang ating patakaran sa internasyunal na pakikipag-isang prente ay nagbigay sa atin ng maunlad na relasyon sa mga rebolusyonaryo at anti-imperyalistang organisasyong masa, mga kilusan at iba pang progresibong pormasyon.

Sa pamamagitan ng ating rebolusyonaryong pakikibaka sa bansa, makabuluhan tayong nakapag-ambag sa pag-unlad ng anti-imperyalista at kilusang sosyalista sa pandaigdigang saklaw. Lumahok ang delegasyon ng ating Partido sa iba't ibang kumperensyang internasyunal, porum, at mga seminar na naglalayong palakasin ang pang-ideolohiya at pampulitikang pusisyon ng mga partido komunista at manggagawa laban sa imperyalismo at lahat ng reaksyon at para sa pambansang paglaya, demokrasya at sosyalismo.

Itinataguyod at isinusulong natin ang proletaryong internasyunalismo at ang anti-imperyalistang pagkakaisa ng mamamayan ng mundo. Tinatanaw natin ang isang bago at mas mataas na antas ng pandaigdigang kilusang komunista sa pamamagitan ng mga tagumpay ng mga partidong komunista at manggagawa sa iba't ibang bansa at kontinente.

IV. Mga kagyat na tungkulin sa paglaban para sa pagsulong ng rebolusyon

1. Dapat nating ibayong palakasin ang Partido bilang namumunong pwersa sa demokratikong rebolusyon at sa sosyalistang hinaharap ng sambayanang Pilipino. Dapat tayong magsikhay upang ibayong palakasin ang Partido sa ideolohiya, pulitika at organisasyon.

Dapat tayong maglaan ng mas malaki pang atensyon at pagsisikap para palakasin at konsolidahin ang edukasyon at pagsasanay sa Partido. Ang mga gabay sa pag-aaral at pagtuturo ay dapat tapusin at sapat na paramihin; piliin, sanayin at pakilusin ang mas maraming kadre para sa pagtuturo; ilunsad ang mas maraming kurso sa pag-aaral na nilalahukan ng mas maraming estudyante sa lahat ng antas.

Ang mga paglalagom at pagtatasa ay dapat isagawa nang regular at tuwing kailangan upang panghawakan ang sitwasyon ng mga rebolusyonaryong pwersa at gawain, tukuyin at lutasin ang mga problema, at ilinaw ang mga tungkulin, patakaran at prayoridad. Dapat isagawa ang mga pananaliksik at imbestigasyon upang pag-aralan, suriin at lutasin ang mahahalagang usapin at problema. Di dapat pabayaang lumala at dumami ang mga problema; bagkus, dapat kaagad na harapin at lutasin. Dapat ilunsad ang mga kumperensya sa gawain at pag-aaral kung saan kalahok ang paparaming mga kadre mula sa iba't ibang lugar at linya ng gawain sa mga talakayan hinggil sa patakaran at teorya, sa pagbubuo ng mga desisyon at plano at sa paglalagom at palitan ng karanasan.

Dapat nating palakasin ang sistemang komite ng Partido at ang pamumuno ng Partido sa lahat ng antas. Ilampung libong kadre ang dapat paunlarin at sanayin upang punuan ang mga pusisyon ng responsibilidad at magsilbing kwerpo sa iba't ibang antas at larangan ng gawain. Dapat panatilihing malakas at masigla ang mga komite ng Partido sa pamamagitan ng mapangahas na promosyon ng mga kadreng pinakadedikado at may pinakamalalaking kakayahan at palitan yaong mga umatras na o hindi na umuunlad, at pagkumbinahin ang matatanda at makaranasang mga kadre at mga bata at masisiglang kadre. Ang sistema ng regular at espesyal na pag-uulat ay dapat paunlarin bilang esensyal na rekisito sa pagpapalakas ng demokratikong sentralismo at pamumuno ng Partido.

Dapat nating pabilisin ang pagrerekluta ng mga kandidatong kasapi ng Partido mula sa hanay ng mga sulong na masang aktibista. Dapat nating sundin ang mga rekisito upang tulungan ang pag-aangat ng mga kandidatong kasapi tungong ganap na kasapi tulad ng nakasaad sa Konstitusyon ng ating Partido. Lahat ng kasapi ng Partido ay dapat makapagtapos ng batayang kurso at umabante sa mas matataas na kurso sa takdang panahon. Kailangan silang gumampan ng tungkulin sa kanilang mga sangay ng Partido sa mga yunit ng hukbong bayan at organisasyong masang kinapapalooban.

Dapat walang kapaguran nating palaparin at palalimin ang lihim na organisasyon ng Partido sa kalunsuran at kanayunan at pandayin ang mga kadre at kasapi ng Partido sa mahigpit na mga alituntunin at pamamaraan ng lihim na pagkilos. Absolutong kinakailangan ito kung layon nating ipreserba at isulong ang rebolusyonaryong gawain at pakikibaka sa harap ng walang patumanggang mga atake at iskema ng pasista at papet na estado na durugin o putulan ng ulo ang Partido pati na ng masaklaw at maigting na mga operasyong paniktik at espesyal na operasyong militar ng US na tumuturing sa rebolusyonaryong kilusan sa Pilipinas bilang target ng kanilang pandaigdigang gerang anti-teror.

2. Dapat nating palawakin at paigtingin ang kilusang masa kapwa sa kalunsuran at kanayunan. Kailangan nating himukin ang mga organisasyong masang nakabase sa lunsod na itaguyod, ipagtanggol at isulong ang pambansang kalayaan at demokrasya. Dapat nating paunlarin ang kilusang masang tuwirang bunga ng ating gawaing masa sa mga larangang gerilya.

Himukin ang mga aktibistang masa sa kalunsuran na matuto mula sa mga manggagawa at magsasaka, maglingkod sa sambayanan at ialay ang kanilang buhay sa kilusan ng mga manggagawa at magsasaka. Dapat nating himukin at tulungan ang mga aktibistang masang nakabase kapwa sa kalunsuran at kanayunan na suportahan ang hukbong bayan at kumilos para palawakin ito.

Dapat nating pamunuan at suportahan ang masang magsasaka sa paglulunsad ng malawak na mga pakikibakang masa laban sa pyudal at malapyudal na pagsasamantala at laban sa mga malupit na kampanyang panunupil ng militar, pulisya at pwersang paramilitar ng estado. Dapat nating hikayatin ang pag-aalsa ng daan-daan libong magsasaka sa mga kampanyang masa para igiit at isulong ang reporma sa lupa, kunin at bungkalin ang mga abandonado at tiwangwang na lupang agrikultural at paunlarin ang produksyon at ang kabuhayan ng mamamayan.

Dapat nating mapangahas na palawakin ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa at tuluy-tuloy na palawakin at palakasin ang mga ito sa pamamagitan ng edukasyong pampulitika at mga kampanyang masa at pakikibaka. Ang pagpapabaya at iba pang kahinaan sa pagpaplano at paggabay ng Partido sa gawaing masa at kilusang masa ay dapat puspusan at lahatang-panig na iwasto.

3. Paigtingin ang digmang bayan at pabilisin ang mga pagsisikap na tupdin ang plano ng pagsulong mula sa estratehikong depensiba tungong estratehikong pagkapatas. Dapat nating ilunsad ang mga taktikal na opensibang magdudulot ng nakamamatay na dagok sa kaaway, paramihin ang mga panlabang yunit ng BHB, isagawa ang reporma sa lupa, itayo ang mga organisayong masa at mga organo ng kapangyarihang pampulitika at buuin ang mga bagong larangang gerilya.

Himukin ang mga manggagawa at mga nakapag-aral na kabataan na sumapi sa hukbong bayan o magserbisyo sa kanayunan. Magtalaga tayo ng mga kadre at sandata mula sa isang rehiyon patungo sa iba pa alinsunod sa komunistang diwa ng pagtulong ng relatibong mas malakas sa relatibong mas mahina. Dapat nating kilalanin ang di pantay na pag-unlad ng ating mga rebolusyonaryong pwersa at pagpasyahan kung paano matutulungan ng malalakas na pwersa ng isang rehiyon ang mahihinang pwersa ng ibang rehiyon.

Sansalain at pigilan ang pagpasok ng kaaway sa mga larangang gerilya sa pamamagitan ng mga pananambang at iba pang aksyon, kabilang ang pag-isnayp, paggranada, pagmortar at pagpapasabog. Dapat nating wasakin ang mga linya ng transportasyon at suplay at imbakan ng kaaway. Di natin dapat pagpahingahin ang kaaway sa pamamagitan ng paglulunsad ng mga atake sa kanilang mga kampo at detatsment tuwing kailan posible, kahit sa gabi. Kapag matibay ang kublihan ng kaaway, maaari natin silang hintayin sa daan at malantad ang bulnerabilidad sa ating mga pag-atake.

Dapat nating arestuhin at litisin ang mga panginoong maylupang marahas na tumututol sa reporma sa lupa, yaong mga lumalabag sa karapatang-tao, mga mandarambong, drug lord at mga espiya ng kaaway. Dapat nating pagbawalan at lansagin ang mga empresang lumalabag sa batas at regulasyon ng gubyernong bayan at yaong mga pumipinsala sa kapaligiran at produksyong agrikultural, yaong nandarambong sa likas na yaman at sumasagka sa reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.

4. Dapat nating ipatupad ang patakaran ng nagkakaisang prente ayon sa wastong linyang makauri: sumalig sa batayang alyansa ng manggagawa at magsasaka, kabigin ang petiburgesyang lunsod upang paunlarin ang alyansa ng mga batayang pwersa, ibayong kabigin ang panggitnang burgesya upang buuin ang patriyotikong alyansa at palawakin ang nagkakaisang prente sa pamamagitan ng mga pansamantalang alyansa sa ilang seksyon ng reaksyunaryong uri upang ihiwalay ang sagadsarin at gapiin ang kaaway sa pinakamaikling posibleng panahon. Dapat gamitin ang nagkakaisang prente upang abutin at pukawin, organisahin at pakilusin ang milyun-milyong masa at itaguyod ang digmang bayan.

Pagkaisahin natin ang lahat ng patriyotiko at progresibong pwersa upang labanan ang imperyalistang US at kanilang mga sagadsaring tuta. Kung kailan posible at kailangan, paunlarin natin ang pansamantala at taktikal na alyansa sa mga reaksyunaryong tutol sa pinakamasahol na reaksyunaryo bilang target na kaaway. Dapat nating isulong ang taktika ng paisa-isang paggapi sa mga reaksyunaryo. Imantine ang ating kalayaan at inisyatiba at iwasang lubusan o pangunahing pumaloob o sumunod sa reaksyunaryong sistemang pampulitika.

5. Dapat nating patuloy na paunlarin ang pagkakaisang anti-imperyalista ng lahat ng mamamayan at mag-ambag sa tuluy-tuloy na pagsulong ng internasyunal na kilusang komunista batay sa paglakas ng mga proletaryong rebolusyonaryong partido sa kani-kanilang bansa sa gitna ng pinakapaborableng mga kalagayang ibinunsod ng pandaigdigang krisis.

Dapat nating buuin ang pinakamalapad na posibleng internasyunal na nagkakaisang prente ng lahat ng mga pwersang anti-imperyalista. Dapat tayong makipag-ugnayan sa iba't ibang pwersang komunista sa pamamagitan ng bilateral at multilateral na mga pulong at kumperensya bilang paraan ng pagtataguyod ng proletaryong internasyunalismo, pakikipagpalitan ng mga ideya at karanasan at pag-aangat ng antas ng komun na pag-unawaan at praktikal na kooperasyon. ~