Kompanya ng logging, pinarusahan ng NPA

Delio Baladon
Benito Tesorio Command, NPA Cagayan Valley
December 7, 2011

Dahil sa paglabag sa mga patakaran ng rebolusyonaryong gobyerno na nagbabawal sa walang-habas na pagsira ng kalikasan at pangaagaw ng lupa mula sa mga magsasaka, pinarusahan ng Benito Tesorio Command-NPA ang dambuhalang logging company na Monte Alto Timber Resources Corporation (MATRC).

Sinunog ng mga kasama ang dalawang six-by-six truck noong Disyembre 5, 2011 sa Barangay Nilumot, Jones, Isabela. Ang nasabing mga trak, na pag-aari ng barangay kapitan sa nasabing baryo na si Virgilio Lorenzo, ay ginagamit sa pagbyahe ng mga troso ng MATRC. Aktibo rin sa paniniktik sa rebolusyonaryong kilusan si Lorenzo.

Noon pang Enero 2010 nagtroso ang MATRC sa Jones at Echague sa 8,000 ektaryang konsesyon nito. Sinakop nito ang nalalabing kabundukan sa nasabing mga bayan sa kabila ng malawak na pagtutol ng mamamayan laban sa walang-habas nitong pagkalbo sa gubat. Ang MATRC ay pag-aari ni Sammy Ong, isang malaking kapitalistang taga-China. Taunang umuuwi si Ong upang doon itago ang kanyang mga kinokopong kayamanan. Malapit niyang kaibigan at kasabwat sa pagtotroso ang mga pulitiko at kapitalista sa Isabela na sina gubernador Bodjie Dy at si Joseph Tan, ang kapitalistang may-ari ng Brostan Construction and Development Company.###