Tularan si Ka Efi, Tumangan ng Armas at Ipagwagi ang Digmang Bayan

Parangal kay Kasamang Daniel Imperial, manggagawang pangkultura, kadre ng Partido Komunista at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan:
Tularan si Ka Efi, Tumangan ng Armas at Ipagwagi ang Digmang Bayan

Partido Komunista ng Pilipinas Hilagang-Silangang Luzon
November 2, 2011

Nagdadalamhati ang buong rebolusyonaryong puwersa sa Cagayan Valley sa pagpanaw ni Kasamang Daniel "Ka Efi" Imperial at tatlo pang kasama na nagbuwis ng buhay sa isang labanan sa Barangay San Miguel, Baggao, Cagayan noong madaling araw ng Oktubre 27, 2011. Nakapugay ang ating mga sandata at nakataas ang ating mga kamao para kay Ka Efi—mahusay na kabataang kadre ng Partido Komunista, mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, mahal na kaibigan at kapanalig ng mga masang magsasaka.

Ipinanganak siya sa Bicol noong Agosto 23, 1982, sa isang karaniwang panggitnang-petiburges na pamilyang mulat sa tunay na kalagayan ng lipunan at pangangailangan para sa rebolusyonaryong pagkilos. Gaya ng karaniwang kabataan, mahilig siya sa musika, kuwentuhan, at pamamasyal. Nag-aral siya sa University of the Philippines-College of Music. Naging aktibista siya noong panahon ng malawakang pambansang pagkilos para patalsikin ang bulok na rehimeng Estrada. Sumama siya sa isang pangmasang organisasyon ng mga aktibistang pangkultura. Nagsuri siya sa kalagayan ng mamamayan, sumama sa mga ligal na kilos-protesta, nakipamuhay sa mga maralita. Unti-unti, ang karaniwang petiburges ay naging di-pangkaraniwang tao.

Noong 2002, nagpasya si Ka Efi na lumabas sa unibersidad at magtungo sa kanayunan. Tinalikuran niya ang edukasyon sa unibersidad para makapag-aral ng mas matayog na kaalaman, yaong kaalaman na nakukuha mula sa pakikipamuhay sa masang magsasaka bilang isang hukbo ng magsasaka.

Una siyang kumilos noong 2002 bilang mandirigma ng noo'y bagong-buong platun ng Reynaldo Pinon Command-NPA sa San Mariano, Ilagan, Benito Soliven at iba pang bayan sa gitnang Isabela. Nakilala siya roon bilang si Ka Emil at Ka Dione. Gumampan siya bilang Cultural Officer, Opisyal sa Panustos, ED Officer at kagawad ng Regional Propaganda-Cultural Bureau sa magkakaibang panahon.

Mahusay siyang mang-aawit; isa na sa pinakamahuhusay na singer-kompositor mula pa nang mabuo ang rehiyon ng Cagayan Valley. Madali sana para sa isang mahusay na gaya niya ang magpayaman at magpasikat na lang. Pero hindi nga siya karaniwang mang-aawit—isa siyang rebolusyonaryong artista. Ginamit niya ang kanyang talento upang awitin ang mga hinaing ng masa, adhikain nila't mga kabayanihan. Siya ang paboritong singer-gitarista ng mga kasama at masa sa mga pagtitipong pangkultura. Hindi nagkasya si Ka Efi sa pagkanta sa loob lang ng studio o magarbong mga entablado. Mas ginusto niyang buong-panahong makipamuhay sa kanayunan at magtanghal kung saan naroon ang masa: maputik na baryo, pansamantalang mga ublagan at kampo, sa silong ng mga puno, masikip man na silid-aralan o maluwang na kagubatan. Pambihira ang katulad niyang manggagawang pangkultura; hindi lang gitara o mike ang hawak niya, tumangan din siya ng mahigpit sa sandata.

Isa siya sa mga nanguna sa paglalabas ng Radyo Gil-ayab, isang UG radio program na nagtalakay sa maiinit na isyu ng rehiyon at bansa. Gumampan siya bilang writer at voice talent, at siya ring gumampan sa online production nito. Kinagiliwan ng masa ang mga programa rito, lalo na ang mga radio drama na kanyang isinulat. Matiyaga siyang nag-trobolshut sa mga praktikal na problemang nasalubong sa pagpapalaganap ng gerilyang radyo—kasama na ang ilang-buwang pagbitbit ng 12 x 12 Motolite battery at laptop computer habang nasa gawaing masa upang makapag-recording.

Hindi niya ipinagdamot ang talento, nagturo siyang kumanta at mag-gitara sa maraming mga kasama. "Hugutin ang boses mula sa loob, inganga ang bibig!," paalalang lagi ng mga kasama, ayon sa kanyang turo.

Isa siya sa mga nagpakilos sa masang magsasaka na nagtayo ng isang ligal na community radio ng mamamayan sa Baggao, Cagayan. Napagtagumpayan nilang maitayo ito at nang sinunog ng mga pasistang death squad ang istasyon noong 2006, nagpatuloy ang propaganda at pagkilos ng mga masa laban sa Oplan Bantay Laya.

Isa rin si Ka Efi sa mga gumawa ng mga bidyo-dokumentaryo na nagpalaganap ng mga pagsusuri at panawagan hinggil sa mga kampanya sa rehiyon, gaya ng "Rukkuas!, Ang paglaban sa pangangamkam ng lupa sa Cagayan Valley," "Utang, utang," at "DY-nastiya".

Mahusay niyang napag-aralan ang wikang Iloko at matatas na nakapagsulat at nakapagsalita nito. Inaral niya ang lengguahe ng masa upang magampanan ang pagpapamulat at pagpapakilos sa kanila. Naging istap na manunulat siya ng Baringkuas, ang rehiyunal na pangmasang pahayagan ng rebolusyonaryong pwersa sa Cagayan Valley.

Ginamit ni Ka Efi ang kanyang boses at kasanayan para sa pagpapaalab ng damdamin ng masa. Isinulat niya ang lyrics at inawit ang mga sikat na jingles para sa kampanyang anti-pyudal, kalamidad at elektoral gaya ng "Agkebba-kebba...," "Dynastiya Dy," "Pumanaw kan, Gloria," at iba pa. Kasama siya sa tumulong upang mailabas ang "Dagiti Saniweng ti Tanap ti Cagayan (Mga Awit sa Lambak ng Cagayan)," ang songbuk ng rehiyon. Siya ang naglapat ng musika sa kantang "Nabarbara ngem Tikag ti Armas Iggem Tayo Ita (Mas mainit sa Tagtuyot Ang Armas Na Ating Tangan), at nagkomposo sa kantang "Kabataang Makabayan," na kapwa nailathala sa Ulos, 2006. Isa siya sa mga nagpakilala at nanguna sa musical play, isang bagong pangkulturang porma sa rehiyon kung saan ikinakanta ng mga artista ang dayalogo, sa mga awit na adaptasyon mula sa mga kilalang kanta ng masa. Umiiyak ang masa sa katatawa, o lungkot at ahitasyon sa mga play na ito. Mas mahalaga kaysa anumang suweldo o palakpak para sa kanya ang pagtangkilik ng masa; ang pag-iingat nila ng mga kopya ng isinulat niyang mga polyeto, o ang paglalakad nila ng malayo makita lamang ang pagtatanghal ng mga Hukbo.

Pero hindi lamang siya gumawa ng kanta, o nagtanghal. Sumama siya sa paggampan ng iba't-ibang gawain sa larangang gerilya. Noong 2006, bilang si Ka Tori, kumilos naman siya sa Cagayan. Sa panahong ito, katatapos ikasa ng 5th Infantry Division sa Baggao, Cagayan ang Task Force Amiya. Isa itong partikular na kampanyang militar na nakaayon sa noo'y Oplan Bantay Laya ng rehimeng Arroyo na naglayong durugin ang rebolusyonaryong pwersa sa Baggao, na matagal nang simbolo ng rebolusyonaryong kasaysayan sa rehiyon. Isa siya sa mga nagpatuloy ng pagkilos doon. Hinarap nila ng mga kasama ang gawain sa pagpapanumbalik ng sigla ng kilusang masa sa kalagayang naghasik ng terorismo ang militar sa erya. Kasama siya sa matagumpay na pagsusulong ng kilusang masa sa pagpapababa ng interes sa pautang ng mga komersyante-usurero.

Matalas siyang mag-isip, mabilis at pulido kung magtrabaho. Isa siyang intelektwal, pero hindi ordinaryong intelektwal. Ginamit niya ang kanyang pambihirang talino at husay hindi upang makapagpayaman o makapaglingkod sa iilan, kundi upang maunawaan ang aplikasyon ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa aktwal na kalagayan ng eryang kinilusan at mag-ambag sa pangkabuuang pagpapaunlad ng rebolusyonaryong mga gawain sa rehiyon. Isa siya sa mga nagsikap makapagbigay ng Batayang Kurso ng Partido sa lokalidad. Itinuro niya sa masa at mga kasama ang kanyang kaalaman sa pagbibigay ng pag-aaral at pagpopropaganda. Isinulat niya ang mga paglalagom sa mga pagkilos ng mga magsasaka, gayundin ang mga pagsisiyasat at pagsusuri sa uri sa mga eryang kinilusan. Kinumpleto niya ang propayl ng kasapian ng Partido sa lokalidad at Hukbo.

Isa siyang bakla. Dahil sa ipinakita niyang husay bilang rebolusyonaryong, binasag niya ang hangal na mga de-kahong pagtingin sa mga bakla at inani ang tiwala at paghanga ng mga kasama at masa. Nang maglaon, gumampan na siya ng mas mabibigat na tungkulin, bilang Opisyal sa Edukasyon, Propaganda at Kultura ng Komiteng Larangan, kalihim ng isang Seksyong Komite sa ilalim ng isang Komiteng Larangan, kagawad ng Komiteng Larangan sa East Cagayan habang tagapagpahayag din ng BHB-Henry Abraham Command. Sa halos sampung taon niyang pagsisilbi sa masa bilang NPA, dalawang beses lang siyang dumalaw sa kanyang pamilya. Hindi na niya nakita pa ang kanyang mga magulang mula nang sumampa; hindi na siya nagmungkahi pang dumalaw nang bumigat na ang mga gawain.

Magdamag siya kung makipagkuwentuhan sa mga masa, sa lengguwahe at paksang interes ng magsasaka. Kaligayahan niyang makasama sila, matuto mula sa kanila. Nang maaral niya ng ilang buwan ang proseso ng pagtatanim at pag-aani, "Marunong na akong mag-araro at magtanim, in fairness," pagmamalaki niya sa isang sulat niya. Kasama siya ng masa sa pagpupuyat sa mga pulong ng pagtataktisa sa mga kampanyang masa, kung paano patataasin ang produksyon, paano lulutasin ang maliliit hanggang malalaking suliranin nila. Naging kaibigan at tagapagsilbi siya ng masa; mag-aaral siya at instruktor din nila.

Ano ang aral na iniiwan sa atin ng naging buhay ni Kasamang Daniel? Na kaya ng isang nagmula sa uring petiburges na magtagal sa piling ng magsasaka at lumahok sa armadong pakikibaka at maging lider ng rebolusyon. Ang susi ay ang tuloy-tuloy na pagpapanibagong-hubog—pagiging bukas na mapuna at magwasto, ang paglubog sa mahirap na pakikibaka at simpleng pamumuhay, at ang walang-tigil na pag-aaral sa teorya at pagsisikap na paglapat ng mga ito sa aktwal na kalagayan.

Ano ang hamon na iniiwan sa atin ng kanyang naging kamatayan? Na atin siyang tularan, siyang walang-tigil na nagsikap na hubarin ang negatibong mga tendensya ng uring pinagmulan at yakapin ang buhay ng anakpawis bilang buhay niya, upang maging karapat-dapat na hukbo at lider nila.

Mabigat ang kanyang kamatayan, para sa mamamayan ng Baggao at sa lahat ng mamamayang anakpawis na nawalan ng mahusay na kadre ng Partido at mandirigma ng NPA. Halina’t tuparin ang kanyang mithiin at mithiin ng masang magsasakang minahal at ipinagtanggol niya hanggang sa kanyang huling hininga. Halina’t tularan siya at tumangan ng mahigpit sa armas, ipagwagi ang digmang bayan!

Mabuhay ang ala-ala ni Kasamang Daniel Imperial!

Kamtin ang estratehikong pagkakapatas hanggang tagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon!