December 2, 2011
HITIK NA HITIK ang mga kanayunan sa mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan. Kadaupang-palad at katalastasan ng mga magsasaka ang mga Kasama sa araw-araw na paglahok ng pulang hukbo sa buhay at pakikibaka ng mamamayan. Natutunghayan ng mga organisasyong masa ang pana-panahong pagtitipon ng hukbong bayan tuwing may mga pulong pagaaral ang mga magsasaka, o di kaya’y kapag may aktibidad para sa konsolidasyon. Saksi at kabahagi rin ang mga milisyang bayan sa pagtitipon ng mga kasama upang maglunsad ng taktikal na opensiba. Sa tuwina’y hiwa-hiwalay ding tinatanggap ng mga tahanan ang mga iskwad ng platun ng hukbong bayan sa mga araw na relatibong maluwag ang sitwasyon sa sona. At karaniwan na rin ang panapanahong pagpapaalam ng mga Kasama sa masang kumupkop sa kanila upang muli na namang lumipat at makipamuhay sa mga karatig-baryo, o sa ilang pagkakataon, iginigiya ng masa ang kanilang hukbo na kinakailangang lumipat ng ibang erya upang umiwas sa atake ng kaaway.
