6 sundalo patay, 16 sugatan sa Bukidnon

ANG BAYAN
21 Enero 2012


Download PDF
Anim na sundalo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang napatay at 16 ang nasugatan sa dalawang magkahiwalay na ambus na inilunsad ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) noong Enero 18 sa Barangay Sinuda at Palakapaw, Kitaotao, Bukidnon.

Ayon kay Ka Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng Merardo Arce Command (BHB-Southern Mindanao), layunin ng inter-larangang operasyong ito na pataasin ang mapanlabang diwa ng mga magsasaka laban sa brutalidad ng 23rd IB.

Bandang alas-6 ng umaga tinambangan ng isang platun ng mga Pulang mandirigma mula sa Front Guerrilla Unit 55 at 56 ang isang pribadong sasakyang lulan ang mga tropa ng 23rd IB. Napatay ang dalawang sundalo at nasugatan ang apat na iba pa.

Pagkaraan ng tatlong oras, inambus ng isang yunit-kumando ng Front 53 sa Barangay Palakapaw, Kitaotao ang isang komboy ng 10th ID na kinabibilangan ng isang siksbay at isang behikulong amphibian. Apat ang napatay at 12 ang nasugatan nang pasabugan ang mga ito ng command-detonated explosive (CDX).

Pinabulaanan ng dalawang matatagumpay na taktikal na opensibang ito ang naunang pagmamayabang ni Maj. Jacob Thaddeus Obligado, hepe ng 10th ID Civil Military Operations Battalion na dumadami umano ang mga kabiguan ng BHB. Ipinagmamayabang ng nasabing upisyal-militar na noong 2011 ay tinatayang umabot na sa 315 rebelde ang nanyutralisa raw ng militar kahit nabunyag sa mamamayan ang pwersahang pagpapasuko ng mga sibilyan at mga dating kasapi ng BHB.

Samantala, iniulat ng Nueva Vizcaya Provincial Operational Command na tinambangan ng isang yunit-partisano nito sa bayan ng Bambang si SPO4 Isabelo Carpio, isang retiradong upisyal ng Philippine National Police (PNP) noong hapon ng Enero 17. Si Carpio ay binansagang berdugo dahil sa mga patung-patong niyang kaso ng ekstrahudisyal na pamamaslang at paglabag sa karapatang-tao at sa matagal niyang aktibong serbisyo bilang ahenteng paniktik ng kaaway laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Sa katunayan, kasama si Carpio sa tatlong akusadong sinampahan sa reaksyunaryong korte ng kasong pagpatay kay Marlon “Ka Pepsi” Fernandez. Si Ka Pepsi ay pinaslang sa Barangay Belance, bayan ng Dupax del Norte noong 1997. Nakulong sina Carpio nang siyam na buwan pero nakalaya rin sila sa bisa ng pyansa at halos nakalimutan na ang kaso laban sa kanila.

Pagkalabas ng kulungan ay nagpatuloy bilang bayarang ahente ng naghaharing uri si Carpio. Naging aktibo siyang rekruter ng CAFGU at kumander ng demolition team para buwagin ang nagbabarikadang mga magsasaka laban sa pagpasok ng dayuhang kumpanya sa pagmimina sa Nueva Vizcaya mula noong 2007.