Berdugo at protektor ng minahan, pinarusahan

Bagong Hukbong Bayan
Nueva Vizcaya
18 Enero 2012

Pinarusahan ng isang Partisan unit ng New People's Army (NPA) kahapon ng umaga ang retiradong opisyal ng Philippine National Police (PNP) na si SPO4 Isabelo Carpio ng Aritao, Nueva Viscaya. Tinambangan siya sa national highway habang nagmamaneho ng kanyang motorsiklo pauwi mula sa kanyang trabaho sa Bambang.

Hinatulan siya ng kamatayan dahil sa patung-patong na mga kaso ng ekstra-hudisyal na pamamaslang, paglabag sa mga karapatang-pantao, at sa matagal na nitong aktibong serbisyo sa paniktik ng kaaway laban sa rebolusyonaryong kilusan.

Katunayan, kasama siya sa tatlong akusadong sinampahan sa reaksyonaryong korte ng kasong pagpatay kay Marlon 'Ka Pepsi' Fernandez sa Brgy.Belance, Dupax del Norte noong 1997. Pinangunahan ito ng mga human rights groups at civic-oriented organizations. Pati nga ang mga opisyal ng konseho ng barangay at pari ng lokal na parokya doon ng Simbahang Katoliko ay buong tapang na nakiisa din noon sa pagpupursige ng kaso sa kabila ng mga harassment mula sa kampo ng mga akusado. Nakulong naman sila sa loob ng siyam na buwan habang nililitis ito. Pero nakalaya din sila sa bisa ng pyansa hanggang sa nauwi rin lang sa wala ang inaasam na hustisya para sa biktima.

Hindi natapos ang pang-aabuso at brutalidad nito nang magretiro sa reaksyonaryong pulisya. Nagpatuloy siya bilang bayarang-tuta ng mga naghaharing-uri. Naging aktibong recruiter ito ng mga CAFGU at informer sa mga komunidad ng mga katutubong Igorot. Malaki ang kinalaman niya sa mga nangyaring labanan at panggigipit sa mga sibilyan sa katimugang bahagi ng Nueva Viscaya. Kalaunan ay nagsilbi itong unit commander sa mararahas na dispersal sa mga residenteng nagbarikada laban sa pagpasok ng mga malalaking dayuhang kompanya sa pagmimina mula noong 2007. Hindi na rin mabilang ang nakaranas ng kanyang kalupitan habang nagsisilbing security officer ng Nueva Viscaya Agricultural Terminal (NVAT) sa Bambang.

Tulad ng mga kaso tinatakasan ngayon ng retiradong opisyal ng Philippine Army (PA) na si Gen. Jovito Palparan, inutil ang kasalukuyang bulok na sistema na papanagutin ito at ang iba pang mga dambuhalang kriminal at berdugo ng mamamayan. Makakamit lamang ng mga biktima at sambayanang Pilipino ang tunay na hustisya sa rebolusyonaryong paraan at pakikibaka hanggang sa tagumpay para sa isang lipunang tunay na malaya at demokratiko.

Titiyakin ng rebolusyonaryong kilusan na pagbabayarin ang lahat ng mga salaring may utang na dugo, at bibigyan naman ng amnestiya ang sinumang seryosong hihingi ng amnestiya batay sa naging bigat at sirkumstansya ng kanilang nagawang krimen. Nananawagan kami sa lahat ng mga naging kasamahan ni Isabelo Carpio na tumigil na sa tuluy-tuloy na pagpapagamit sa kaaway upang malayo na sa kondisyon at hindi na humantong sa sinapit niya. Bagkus ay pumanig sa interes at kapakanan ng nakararaming Novo Biskayano sa harap ngayon ng malawakang pagpapalayas sa lupaing ninuno ng mga katutubo, pangangamkam sa produktibong lupain ng mga magsasaka, pandarambong sa ating likas-yaman at pagwasak sa kapaligiran ng mga dayuhan at iilang Pilipinong kasabwat nila.