Korte Suprema: Hukuman ng mga Naghaharing Uri

ANG BAYAN
21 Enero 2012


Download PDF
Nasa sentro ngayon ng tunggaliang paksyunal ng mga naghaharing uri ang Korte Suprema sa pagtatangka ng naghaharing pangkating Aquino na patalsikin si Chief Justice Renato Corona. Gayunman, sa kasaysayan, ang Korte Suprema, tulad ng iba pang sangay ng reaksyunaryong gubyerno, ay nagsilbing instrumento para sa pagpapanatili ng papet, bulok at mapanupil na reaksyunaryong sistema at kolektibong interes ng mga naghaharing uri.

Sa ilalim ng nagdaang rehimen, sunud-sunod ang mga mayor na desisyon ng Korte Suprema na pumabor sa makadayuhan at kontra-mamamayang mga patakaran ni Gloria Arroyo. Kabilang dito ang pagpabor sa dayuhang pagmimina, ang Expanded Value Added Tax (E-VAT) at ang deregulasyon ng industriya ng langis.

Idineklara ng Korte Suprema noong Enero 2004 na hindi konstitusyunal ang Mining Act of 1995 dahil sa probisyon nitong nagpapahintulot sa dayuhang pagmimina. Pero makaraang ikampanya ni Arroyo ang pagmimina, binaliktad noong Disyembre 2004 ng Korte Suprema ang sarili nitong desisyon. Ikinatwiran nito na hindi maaaring sagkaan ang kapangyarihan ng pangulo at gabinete na makipagkasundo sa mga dayuhang kumpanya. Noong taon ding iyon, idineklara rin ng Korte Suprema na konstitusyunal ang kautusan ni Arroyo na nagpalawak sa saklaw ng VAT. (Ang Expanded VAT ay isang batas na hindi na dumaan sa Kongreso at umani ng malawak at mariing pagtutol mula sa mamamayan.) Kinontra rin bago ito ang sariling desisyon kontra sa Oil Deregulation Law kahit walang pagbabago sa monopolyo sa industriya ng langis. Unang ibinasura ng Korte Suprema ang naturang batas dahil sa pagkakaroon ng kartel ng langis sa bansa.

Kahit sa mga indibidwal na kaso, mayorya ng mga desisyon ng Korte Suprema ay kumikiling sa mga dayuhang kapitalista, malalaking burgesya at panginoong maylupa na pinapaboran ng nakaupong pangulo. Isang halimbawa nito ang pagbawi ng Korte Suprema sa deklarasyong iligal ang pagsisante ng Philippine Airlines (PAL) sa 1,400 steward at stewardess nito noong Setyembre 7, 2011. Ngunit makaraan ang isang buwan, pinawalambisa ang naunang desisyon nito batay lamang sa isang teknikalidad.

Relasyon nina Corona at Arroyo. Sa mayorya ng mga kaso, bumoboto o nagdedesisyon ang isang mahistrado ayon sa interes ng pangulong nagtalaga sa kanya at kanyang mga padrino. Mababakas ito sa partikular na rekord ni Renato Corona, ang kasalukuyang punong mahistrado na na-impeach ng Mababang Kapulungan at kasalukuyang nililitis sa Senado. Itinalaga siya ni Arroyo bilang Associate Justice ng Korte Suprema noong 2002. Bago siya mailuklok sa Korte Suprema, nagsilbi si Corona bilang chief of staff at tagapagsalita ni Arroyo noong bise presidente pa lamang ito. Nang maging pangulo na si Arroyo, ginampanan ni Corona ang gawaing chief of staff, tagapagsalita at executive secretary.

Isa lamang sa tahasang maka-Arroyong desisyon ng Korte Suprema sa ilalim ni Corona ay ang pagkontra nito sa kautusan ng Department of Justice na nagbabawal sa mag-asawang Arroyo na lumabas sa bansa noong Nobyembre 2011. Bago ito, pinawalambisa ng Korte Suprema ang pag-impeach ng Kongreso kay Merceditas Gutierrez, isa pang masugid na alipures ni Arroyo.

Sa siyam na taong panunungkulan ni Corona sa Korte Suprema, umabot sa 78% ng mga desisyon niya sa mga kasong pulitikal ang pumabor sa kampong Arroyo.
Kabilang dito ang pagsang-ayon niya sa Presidential Proclamation (PP) 1017 noong 2006 na nagpataw ng mala-batas militar na state of emergency sa buong bansa. Idineklarang hindi konstitusyunal ng mayorya ng Korte Suprema ang PP 1017 pero hindi sumang-ayon dito si Corona. Pinanigan din ni Corona si Arroyo sa inilabas niyang Executive Order 464. (Ang kautusang ito ay nagbabawal sa mga pinuno ng mga departamento at ahensya ng gubyerno na humarap at tumestigo sa noo’y sunud-sunod na mga imbestigasyon kaugnay ng mga kaso ng korapsyon ng rehimeng Arroyo.) Pumanig din si Corona kay dating National Economic Development Authority (NEDA) Director Romulo Neri (Neri vs. Senate), nang tumanggi itong tumestigo sa kasong aregluhan sa pagitan ng mag-asawang Arroyo at kumpanyang ZTE.

Bago pa ito, ipinagtanggol ni Corona ang isinulong ng kampong Arroyo na “People’s Initiative” na naglayong baguhin ang 1987 Konstitusyon para mapalawig ang panunungkulan ng mga upisyal na nasa poder.

Mahalaga ang kontrol ng nakaupong pangkatin sa punong mahistrado o sa mayorya ng mga mahistrado ng Korte Suprema. Noong panahon ni Arroyo, umabot sa 21 mahistrado ang kanyang itinalaga rito. Kung naging kontra-pelo ang Korte Suprema nang maging punong mahistrado si Reynato Puno (2006-2010), hindi ito naging sagka sa kanyang paghahari. Kaya bago bumaba si Arroyo sa poder bilang pangulo, gayon na lamang ang pagmamadali niyang iluklok sa pinakatuktok ng korte si Corona.

Batid ni Aquino ang kahalagahan ng Korte Suprema sa paghahari ng kanyang pamilya at pangkatin. Malaking bigwas laban sa kanya at kanyang pamilya ang desisyon ng Korte Suprema na ipamahagi ang Hacienda Luisita sa mga manggagawang bukid at magsasaka nito. Bago ito, tinanggihan ng Korte Suprema na kilanlin ang binuo ni Aquino na Truth Commission na uusig umano kay Arroyo. Sa simula pa lamang, hindi na kinilala ni Aquino si Corona bilang lehitimong chief justice.

Habang umiigting ang bangayan ng magkatunggaling pangkating Aquino at Arroyo-Corona, lalo ring nabubunyag ang likas na reaksyunaryo at maruming katangian ng dalawang kampo.

Ilang araw pa lamang ang paglilitis kay Corona, nagsampa na ang Hacienda Luisita Incorporated (HLI) ng motion for reconsideration at clarification sa Korte Suprema laban sa desisyon nito na ipamahagi ang lupa sa asyenda at ibasura ang iskemang SDO. Magsasampa rin ang HLI ng mosyon para pagbawalang sumama si Corona sa anumang pagdedesisyong gagawin ng korte kaugnay ng asyenda.