Mamamahayag sa GenSan, pinatay

ANG BAYAN
21 Enero 2012


Download PDF
Pinagbabaril noong Enero 6 si Christopher Guarin, 41, editor at publisher ng “Tatak News”, isang pahayagang nakabase sa General Santos City. Pauwi sa kanyang bahay ang mamamahayag nang siya ay paslangin sa Barangay Lagao ng naturang lunsod ng dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo.

Bagamat sugatan, tumalon pa rin si Guarin sa labas ng kanyang sasakyan para hindi madamay ang kanyang mag-anak. Gayunpaman, limang bala ang tumama sa kanyang katawan at isa sa ulo. Nasugatan din ang kanyang asawa.

Si Guarin ang unang biktima ng pamamaslang sa mga mamamahayag ngayong 2012 at ika-10 mula nang maluklok sa poder si Benigno Aquino III. Mula noong 1986 ay 150 na ang bilang ng mga Pilipinong mamamahayag ang napapaslang at hindi pa nabibigyan ng katarungan.

Isang komentarista sa radyo at dating reporter ng Bombo Radyo si Guarin. Naging station manager din siya ng DXBB Super Radyo GenSan. Nakatanggap ng maraming pagbabanta sa kanyang buhay ang mamamahayag bago siya paslangin.