Mas magaang kaso, isinampa kay Arroyo

Ang Bayan
January 7, 2012

Download PDF here

Nagpahayag ng pagkadismaya ang iba't ibang mga demokratikong organisasyon at indibidwal dahil sa halip na pandarambong, ang isinampang kaso ng Office of the Ombudsman laban kay Gloria Arroyo ay katiwalian lamang. Kaugnay ito ng maanomalyang kontrata sa ZTE Corporation ng China para sa National Broadband Network (NBN).

Naunang isinampa ng Bayan Muna at grupong Makabayan ang reklamo sa Office of the Ombudsman noong nakaraang taon. Pinaniniwalaang tumanggap ng suhol na umaabot sa $329 milyon sina Arroyo at iba pang upisyal mula sa ZTE.

Kasama sa mga sinampahan ng Ombudsman ng katiwalian ang asawa ni Gloria Arroyo na si Jose Miguel ("Mike") Arroyo, dating Commission on Elections Chairman Benjamin Abalos Sr. at dating Transportation and Communications Secretary Leandro Mendoza. Ang kaso ay isinampa noong Disyembre 29.

Mas magaan ang parusa sa kasong katiwalian at pwedeng magpyansa ang akusado. Sa kasong pandarambong ay maaaring maparusahan nang habambuhay na pagkakabilanggo at di pwedeng magpyansa ang akusado.

Dahil dito ay plano ng Bayan Muna na dagdagan pa ang mga impormasyong isinumite nito sa korte hinggil sa pagkakasangkot ng mag-asawang Arroyo sa anomalyang NBN-ZTE upang makapagsampang muli ito ng kasong pandarambong laban sa kanila.

Ang ganitong hakbangin ng Ombudsman ay nagbubunsod ng pagdududa na may kasunduan sa pagitan ng dalawang kampo para mabigyan ng akomodasyon sina Arroyo. Lalo pang nadagdagan ang pagdududang ito ng publiko nang sabihin ni Aquino bago matapos ang taong 2011 na maaaring ikonsidera ang pagpapatawad kay Arroyo kung pagsisisihan niya ang kanyang mga kasalanan. Hindi pa man nasisimulan ang paglilitis sa korte ay mistulang hinahawan na ng kampo ni Aquino ang daan para sa pagpapawalang-sala kay Gloria Arroyo, na ang tanging kapalit ay hungkag na paumanhin.

Samantala, naglabas ang Sandiganbayan ng "hold-departure order" upang hindi makabyahe sa ibang bansa sina Arroyo at mga akusado sa kasong katiwalian.

Kasunod nito, nagpahayag ng kahandaang tumestigo sa korte si Rodolfo "Jun" Lozada, dating konsultant ng National Economic Development Authority (NEDA) na siyang unang nagbunyag sa anomalyang NBN-ZTE. Hinikayat din niya ang kaibigan niyang si Romulo Neri, dating NEDA Commissioner, na buong tapat na isiwalat ang nalalaman niya tungkol sa iskandalong NBN-ZTE. Napigilang magsalita noon sa Senado at Mababang Kapulungan si Neri dahil sa EO 464 na nagbabawal sa matataas na upisyal ng ehekutibo na magbigay ng mga impormasyon nang walang pahintulot si Arroyo.

Nangako na ring tumestigo sa korte ang dalawang Tsino na matataas na upisyal ng kumpanyang ZTE. Nitong huli, nakumbinsi ring magsalita si dating Speaker Jose de Venecia tungkol sa kanyang nalalaman sa naunsyaming proyekto. Ang anak niyang si Joey ay lumantad sa Senado kasunod ni Lozada at nagbunyag na binalaan siya ni Mike Arroyo na huwag makisawsaw sa usaping NBN-ZTE.