Mga paglabag ng rehimeng Aquino sa sariling tigil-putukan

Ang Bayan
January 7, 2012

Download PDF here

Kinundena ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang paglabag mismo ng gubyernong Aquino sa idineklara nitong 18 araw na unilateral na tigil-putukan mula Disyembre 16, 2011 hanggang Enero 2, 2012. Ayon sa PKP, nagpatuloy ang paglulunsad ng mga operasyong militar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Oplan Bayanihan sa panahong nabanggit.

Hungkag ang unilateral na tigil-putukan na idineklara ng rehimeng Aquino na nagsilbi lamang para pagtakpan ang patuloy na teroristang mga aktibidad ng mga pwersa ng militar, pulisya at mga paramilitar, dagdag ng PKP. Sa kabilang banda, mahigpit namang ipinatupad ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan ang ibinaba nitong anim na araw na unilateral na tigil-putukan noong Disyembre 24-26 at Disyembre 31-Enero 2, 2012.

Tinukoy sa mga panimulang ulat ng BHB ang mga operasyong militar sa mga prubinsya ng Abra, Surigao del Sur, Isabela at Rizal. Ipinakita ng mga pagkilos na ito ang pagiging doble-kara ng gubyernong Aquino at AFP. Humihimpil ang mga sundalo ng AFP sa mga sentro ng populasyon na labag sa Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL) at Geneva Conventions.

*Sa Abra.* Dalawang siksbay na puno ng mga tropa ng 50th IB ang umokupa sa Sityo Sagsagod, Barangay Saccaang, bayan ng Sallapadan noong Disyembre 21. Isang platun naman ng Philippine Army ang humimpil sa mga barangay ng Palaquio at Tabiog sa bayan ng Bucay. Nagbase ang ilang sundalo sa mga sentro ng populasyon at kahit sa Tabiog Elementary School habang ang ibang mga tropa ay gumalugad ng kabundukan. Anang mga sundalo sa mga residente, plano nilang manatili sa kanilang barangay hanggang katapusan ng 2011.

Sa panahon ding ito, isang van at dalawang siksbay ang humimpil sa barangay hall ng Baryo Gangal, ilang metro lang mula sa Gangal Elementary School. Isang platun pa ng AFP ang bumulabog sa Barangay Naguillan, Sallapadan nang bigla na lamang pumasok ang mga armadong tropa sa barangay pagkatapos ng kanilang operasyon. Kasabay nito, ang mga tropa ng 50th IB ay nagkampo rin sa loob ng barangay hall at sa plasa ng Barangay Bila-bila sa Sallapadan.

*Sa Surigao del Sur.* Inireklamo ng mga residente ng Tandag City noong Disyembre 16 ang patuloy na paghihimpil ng isang pangkat ng Community Organizing for Peace and Development (COPD) ng 36th IB sa barangay hall ng Barangay Mabuhay. Ang mga tropang ito ay responsable sa maraming mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao mula nang mapakat sila sa erya noong Setyembre. Sa kabila ng pagdeklara ng unilateral na tigil-putukan ng gubyernong Aquino, hindi umalis sa erya ang mga militar.

*Sa Isabela.* Naglunsad ng search-and-pursuit operation ang mga tropa ng 5th Infantry Division sa San Mariano noong Disyembre 16. Isang seksyon ng 17th IB ang inilipat sa San Mariano mula sa dating base nito sa katabing prubinsya ng Cagayan.

*Sa Rizal.* Nagpatuloy ang operasyong militar ng mga tropa ng 16th, 59th at 76th IB ng Philippine Army sa mga bayan ng Jala-jala, Pililia, Tanay, Baras, Montalban, San Mateo, Rodriguez at Antipolo City. Mahigpit na koordinado ito sa Maneuver Battalion ng Special Action Force ng PNP. Ang mga operasyong ito na nagsimula noong Disyembre 16 at nagtapos noong Enero 3 ay nagkubli sa mga sibilyang aktibidad umano ng COPD. Walang kahit isang yunit ng AFP ang inutusang bumalik sa kanilang baraks sa panahon ng tigil-putukan ng gubyernong Aquino.

Noong araw ng Pasko, dinakip ng isang platun ng SAF-PNP sa pamumuno ni C/Inspector Mark Green Lagura ang tatlong sibilyan sa Sityo Payagwan, Kaysakat, San Jose, Antipolo City. Kinilala ang tatlo na sina Emmanuel Quioyo, 20 taong gulang, walang asawa at residente ng Mayamot, Antipolo at dalawang 16-anyos na dalagita na residente ng nasabing lugar. Pinagsuspetsahan silang mga kasapi ng Narcisco Antazo Aramil Command ng BHB-Rizal.

Si Quioyo ay pinahirapan, ininteroga nang walang abugado at sapilitang pinaamin na siya ay kasapi ng BHB. Pinwersa rin siyang maging giya ng mga SAF-PNP at 16th IB para hanapin ang kampo ng BHB. Pagkatapos ng dalawang araw, pinakawalan siya matapos pumayag na maging "deep penetration agent" ng kaaway. Samantala, ang dalawang dalagita ay pinalaya makaraang isailalim sa limang oras na interogasyon na walang abugado.